Friday, July 26, 2019

3RD DRAFT ng salin ng CCP Historical Marker

ahahay nakakaloka, so may aprubado pala na salin ng historical marker text.

so ang order sa akin ay pagsamahin ang aprubadong salin at ang 2nd draft. eto ang resulta:

ANG SENTRONG PANGKULTURA NG PILIPINAS

IPINATAYO SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSANG TAGAPAGPAGANAP BLG. 30 NOONG 25 HUNYO 1966 UPANG MAKAPAGTATAG NG ISANG TANGHALANG PAMBANSA, UPANG MAGKAROON NG NATATANGING LUNAN PARA SA ORIHINAL AT PINAKAMAHUHUSAY NA PRODUKSIYONG ARTISTIKO MULA SA IBA’T IBANG BAHAGI NG KAPULUAN, UPANG MAGSILBING SINUPAN NG DIWANG FILIPINO NA IPINAPAHAYAG SA PAMAMAGITAN NG SINING AT KULTURA, AT UPANG MAGING ISANG INSTITUSYON NA PATULOY NA TUTUKLAS, LILINANG AT MAGTATAGUYOD NG TALINO, TALENTO, AT LIKHA NG SUSUNOD NA SALINLAHI NG MGA FILIPINO PARA SA LAHAT. SINIMULAN ANG PAGPAPATAYO AYON SA DISENYONG PANG-ARKITEKTURA NG PAMBANSANG ALAGAD NG SINING NA SI LEANDRO V. LOCSIN, 17 ABRIL 1967. PINASINAYAAN, 8 SETYEMBRE 1969.


Wednesday, July 24, 2019

Makatang L I L A - revised version of my LILA introduction

Makatang L I L A

Nagsimula ang pagbuo sa LILA noong 2013. Iminungkahi ko kay Phillip Kimpo, Jr. na maglathala kami ng isang kalipunan ng mga tula ng babaeng kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Si Phillip ang pangulo ng LIRA nang taon na iyon. Kasi naman, iilan ang babaeng kasapi na nakakapaglabas ng sariling koleksiyon: Rebecca Anonuevo, Maningning Miclat, Suzette Floresca, Nikka Abeleda, at Christa dela Cruz. Sa organisasyong ito, puro lalaking kasapi ang nagkakalibro ng tula. Sori po pero TMTM, too many to mention sila.

Maraming salik kung bakit ubod ng dalang ang babaeng kasapi o babaeng makata na nakakapaglabas ng isang buong koleksiyon ng tula. Sa karanasan ko, nanay muna ako bago empleyado/trabahador bago manunulat bago org person o taga-LIRA. Nanay duties first, before anything else. Ako lang ang magulang ni EJ. Iyong sperm donor kaya nabuo si EJ ay nanatiling sperm donor na lamang up to the present times. Ang iba pang salik ay kakaunti noon ang babaeng kasapi, at kakaunti na nga ay bihira pang maging aktibo sa organisasyon. Ibig sabihin ay bihirang makapagpabasa at makapagpa-workshop ng sariling akda at bihirang makapunta sa taunang workshop para sa mga baguhang makata kung saan may oportunidad upang makapagsuri ng tula ng iba.

Ang laki din naman kasi ng oras na kinakain ng mga workshop at meeting ng organisasyon: Saturday at Sunday, 8am to 5pm, for six months, ang opisyal na workshop. Puwera pa riyan ang mga espesyal na pagtatagpo, halimbawa ay ang kaswal na inuman sa Sarah’s pagkatapos ng palihan, book launching ng mga kaibigang makata na ilang beses din sa isang taon, pag Marso ay kaarawan ng tagapagtatag ng LIRA na si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, pag Agosto (Agosto noon, ngayon ay tuwing Abril na) ay ang National Writers’ Congress at Gawad Balagtas Awarding Ceremony ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (o UMPIL kung saan miyembro ang LIRA bilang isang sektor), at bertdeyan ng mga mentor o senior member sa sari-saring sulok ng Metro Manila, minsan sa Bahay-Bulawan ni Sir Rio sa San Miguel, Bulacan.

Ang mga taga-LIRA ay kadalasang nag-aaral o nagtatrabaho o sabay na nag-aaral at nagtatrabaho. At kung babae ay kadalasang nag-aaral o nagtatrabaho o sabay na nag-aaral at nagtatrabaho, at namamalengke at nagluluto para sa asawa, at nag-aalaga ng kapatid, at nagbabantay ng tindahan at ng ulyaning lola, at naghahatid-sundo ng panganay na nasa Grade 3, at naghuhugas ng garapon para i-recycle bilang lalagyan ng suka na may sili, at nagbubukod at nagpapatuyo ng mga buto ng kalamansi para muling itanim ang mga ito’t maging puno, at nagsusulsi ng nalaslas na ecobag, at nagba-budget ng sahod para makapaggroserya nang pang-isang linggo, para makabili ng bagong bra pamalit sa tastas at sampung taong gulang nang bra, at para makabili ng pangarap na libro ng tula, kahit isang beses man lang sa anim na buwan o sa isang taon. At nagpapatakbo ng tahanan. At nagpapatakbo ng mundo.

Nakakalunod ang mga at, ano?

Sa dami ng responsabilidad na nakaatang sa mga babaeng LIRA, at sa mga babae, in general, bihira na kaming magkaoras para tumula at magsuri ng tula. Nakakapagsulat ng tula, oo, pero bibihira. Kaya paisa-isa ang aming output.

Okey. Payn. Paisa-isa, it is.

Kaya isinilang ang LILA. Itinalaga ko ang sarili bilang coordinator, at kinausap ko noong Mayo 2013 si Mam Rebecca Anonuevo kung puwede siyang maglingkod bilang editor nito. Siya ang pipili mula sa lahat ng submission. Pumayag agad siya, salamat, salamat, at anim na buwan kaming nag-anunsiyo, nag-promote, nanghikayat.

Layunin ng koleksiyon na maipakita ang husay sa panulat ng mga babaeng kasapi ng LIRA, maipakita ang estetika ng mga babaeng makata, maibahagi sa publiko ang pinakahuling obra ng mga babaeng tumutula sa kasalukuyan, makapag-ambag sa panitikang kinatha ng kababaihan, at higit sa lahat, makapag-ambag sa panitikang Filipino.

Ang tatayog ng layunin, ano? At positibo akong magaganap ang lahat ng iyan, kahit na paisa-isa lamang tumula ang babaeng LIRA. Nasa pagtitipon sa mga paisa-isang tula ang kaganapan. Nasa pagbubuo ng koleksiyon.

Ang orihinal na plano ay ilathala ang digital at printed editions ng LILA sa ilalim ng Aklat LIRA at ilunsad ang mga ito sa ika-30 anibersaryo ng organisasyon na idinaos noong Disyembre 2015.

Kaya tuwang-tuwa ako noong Agosto 24, 2013, nang matanggap ako ng isang submission sa email. Limang tula mula kay Mary Gigi Constantino. Lalo akong ginanahan, this is it pancit!

Pero sa kasawiampalad ay iyon na pala iyon. Isa. Wala nang ibang nagsumite kundi si Gigi. Naghintay pa kami nang ilang buwan, nag-extend pa kami nang maubos ang orihinal na palugit na anim na buwan, pero, iyon na talaga. Hindi na ito nadagdagan pa.

Anong lungkot namin, siyempre. Ipinaliwanag ko kina Mam Becky at Gigi ang nangyari at naunawaan naman nila ito. Walang koleksiyon na mailalathala dahil hindi sapat ang bilang ng materyal. Pansamantalang nabaon sa limot ang proyekto.

Pero ito iyong proyekto that haunts you even in your sweetest dreams. Kutkot nang kutkot sa isip ko ang ideya na may nagpasa sa LILA: isa. Kahit isa lang iyan, isa pa rin iyan. Isang babae na may mga tula at gustong maglathala.

Kaya noong Hulyo 2017 ay muli kong ibinato ang vision at mga layunin ng proyekto sa dalawang miyembro ng LIRA na sina Louise Adrienne Lopez at Roma Estrada. Bukod sa parehong aktibo sa spoken word at poetry performance communities ang dalawa, aktibo rin sila sa zine publishing. Sila ang nagbigay ng ikalawang buhay sa proyektong LILA.

Nagdaos kami ng mga meeting, nag-usap, face to face, email, group chat at Messenger. Nagkaisa kami na ang kukuning editor ay si Grace Bengco, isang mahusay na makata at tagapagsalin, pero nuknukan ng pagkamahiyain, kaya di napapansin. Pumayag naman si Grace, kahit sobrang abala siya bilang tagasalin sa Komisyon sa Wikang Filipino. Kinausap namin si Aldrin Pentero, ang presidente ng LIRA (nang taon na iyon, at hanggang ngayon), at excited din siya para sa LILA. Kinausap namin ang Aklat LIRA kung game pa rin itong maglathala. Ngunit may nakapila pa pala rito kaya hindi na nito maa-accommodate ang LILA. Pero hindi ako natinag. Ngayon pa ba? Ang sabi ko kina Louise at Roma ay saka na namin problemahin ang publisher kapag nariyan na ang koleksiyon. Sa isip-isip ko, worse comes to worst, nariyan naman ang Balangay Productions, isang munting production company ng asawa kong si Ronald Verzo. Makakatanggi ba siya sa akin?

Naglabas ng mga anunsiyo sina Louise at Roma tungkol dito at naging aktibo ang panawagan sa social media. Todo suporta si Aldrin. Hinalukay ng grupo ang mga directory ng LIRA para sa contact details ng mga babaeng miyembro mula sa mas maagang mga batch. Isa-isa naming kinausap, inemail, chinat, piniem ang mga babaeng miyembro. Nagpatulong kami sa mga lalaki at matatandang kasapi na makipag-ugnayan sa mga babaeng kasapi na malapit sa kanila, upang hikayatin ang mga ito na magpasa. Mega campaign, daig pa ang national election.

Sa wakas, dumagsa na ang submissions. Nagkaroon pa nga ng ilang batch ng submissions. Pinasadahan namin nina Louise at Roma ang mga ito, at nagbigay kami ng rekomendasyon sa editor na si Grace. Ang isa sa mga tuntunin namin sa pagpili ng irerekomendang akda ay dapat may representative na tula ang bawat isa sa mga nagsumite. Ang isa pa naming ikinonsidera ay ang representasyon ng persona sa buong koleksiyon. Sinikap naming hindi nauulit o bihirang maulit ang persona ng bawat tula. Gusto naming mag-accommodate ng marami at sari-saring persona. Dahil gayon ang maging babae, marami at sari-sari, rolled into one. Di ba ganon kapag nagpapatakbo ng mundo?

Nagpasya rin ang grupo na pumili mula sa mga tulang nalathala ni Maningning Miclat. Miyembro siya, at dangal ng LILA ang makasama sa koleksiyon ang kanyang tula. Napagpasiyahan din ng grupo na humiram ng likhang sining ni Maningning upang itampok bilang cover artwork ng LILA. Ang napili namin mula sa website na maningning.com ay ang The Tree is Awakened by the Memory of Her Leaves. Pumayag ang kaniyang pamilya sa pamamagitan nina Mam Alma Cruz-Miclat at Banaue Miclat-Janssen nang ihingi namin ng permiso ang mga napili naming tula at ang nasabing artwork.

Tumagal nang ilang buwan bago namin na-finalize ang mga irerekomendang tula kay Grace. Kaya lamang ay hindi nakapamili si Grace sa sobrang kaabalahan niya sa trabaho. Ilang buwan pa ang lilipas nang magpasya kaming tatlo nina Louise at Roma na kami na ang magsisilbing editor ng koleksiyon, tutal ay narito kami sa buong proseso mula sa konseptuwalisasyon, pangangalap ng akda, hanggang sa pagrerekomenda ng ilalathalang mga tula. Si Louise Lopez ang layout artist at larawan ng artwork ni Maningning. At buong akala namin ay mailalabas na ito nang 2018.

May humabol pang problema!

Nang kausapin ko si Ronald na ilathala na lamang namin ito sa pamamagitan ng kanyang Balangay, natural, umoo siya. Dahil sa ganda ng koleksiyon. At dahil sa pangungulit ko. Tuwang-tuwa sina Louise at Roma nang ibalita ko ito sa kanila. Ang naging estratehiya ng Balangay ay maglalathala muna ito at magbebenta ng isang manipis na libro na pang-young adult. Si Joshelle Montanano ang writer, ako ang ilustrador. Ang kikitain dito ay siyang ipang-iimprenta namin ng LILA.

Ayun, awa ng Diyos, nag-flop ang Biyak. At naantala na naman ang production schedule ng LILA.

Ang hindi namin alam ay 2019 pala ang tunay na taon ng LILA.

Nagkita kami ni Aldrin sa general assembly at eleksiyon ng LIRA nitong Hunyo. Napag-usapan ang estado ng LILA at doon muling nanariwa ang ideya na ilabas ito bilang isa sa mga proyekto ng organisasyon. Di naglipat-buwan ay kinompirma sa akin nina Aldrin at ng pangalawang-pangulo na si Joey Tabula na LIRA na ang sasagot ng imprenta ng manuskrito. Napagkasunduan din namin na magiging katuwang pa rin ang Balangay bilang tagapaglathala, ito ang toka sa pagbabayad sa mga editor, contributor, layout artist at ng copyright fee para sa pabalat. Bumuo siya ng group chat namin: ako, siya, Louise, Roma at Joti, doon pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman sa manuskrito hanggang sa tuluyan na itong mabuo.

Imagine, six long and challenging years after the first attempt? Mula sa isa ay mayroon na itong ---- makata na galing sa sari-saring background. Mula sa initial na limang tula, mayroon na itong ---- na tula sa sari-saring anyo at himig mula sa sari-saring persona ukol sa sari-saring paksa at sari-saring kultura.

Ang librong ito ay iniaalay namin sa lahat ng babaeng tumula, tumutula at gustong tumula. Ako, personally, iniaalay ko ito kay Gigi. Sa iyo ang unang kopya, kapatid.

At para sa lahat ng Gigi sa mundo ng pagtula at panitikan, submit lang nang submit. Laging may uuwiang tahanan ang ating mga tula, laging may tahanan ang mga pangarap na hindi nilulubayan.

Beverly W. Siy
Hulyo 24, 2019
Bacoor, Cavite

Tuesday, July 23, 2019

translation ng ccp historical marker 2

dumaan kay sir nick lizaso ang ginawa ko at kay sir chris millado.

so may mga napalitan na salita (si sir chris ang nagpapalit in consultation with me kanina) at palagay ko naman ay mas angkop nga ang mga salitang ibinigay ni sir. so, eto na:


ALAY SA MGA FILIPINO NOONG IKA-8 NG SETYEMBRE 1969, ANG SENTRONG PANGKULTURA NG PILIPINAS AY BUNGA NG ILANG DEKADANG PAGPUPUNYAGI NG DI MABILANG NA MGA ALAGAD NG SINING NG PILIPINAS UPANG MAKAPAGTATAG NG ISANG TANGHALANG PAMBANSA, UPANG MAGKAROON NG NATATANGING LUNAN PARA SA ORIHINAL AT PINAKAMAHUHUSAY NA PRODUKSIYONG ARTISTIKO MULA SA IBA’T IBANG BAHAGI NG KAPULUAN, UPANG MAGSILBING SINUPAN NG DIWANG FILIPINO NA IPINAPAHAYAG SA PAMAMAGITAN NG SINING AT KULTURA, AT UPANG MAGING ISANG INSTITUSYON NA PATULOY NA TUTUKLAS, LILINANG AT MAGTATAGUYOD NG TALINO, TALENTO, AT LIKHA NG SUSUNOD NA SALINLAHI NG MGA FILIPINO PARA SA LAHAT.

ITINAYO NG D.M. CONSUNJI, INC. AT TRANS ASIA, PHILIPPINES SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSANG TAGAPAGPAGANAP BLG. 30 NOONG 25 HUNYO 1966 SA PATNUBAY NG UNANG GINANG IMELDA ROMUALDEZ MARCOS AT AYON SA DISENYONG PANG-ARKITEKTURA NG PAMBANSANG ALAGAD NG SINING NA SI LEANDRO V. LOCSIN. PINASINAYAAN NOONG 8 SETYEMBRE 1969.

binring up ko kay sir na tinanggal ko ang name ni imelda. sabi niya, sino ang nagpatanggal? sagot ko, wala po, ako lang po. ibalik mo dahil hahanapin ng board iyan. akala ko ay inutusan kang tanggalin iyan. sabi ko, pinirmahan po ni sir nick kahit wala po ang pangalan ni imelda. sabi niya, baka di lang napansin, ano sa tingin mo? ako nga rin, gusto kong wala iyan, e.

ang naisip ko, pag ipinilit ko ang aking version na walang imelda, baka si sir nick ang mapagalitan ng board.

so ang nangyari, ibinalik ko ang imelda nang i-revise ko ang salin. hay. sad life.

anyway, kahit paano ay masaya akong gawin ito. kasi hello, historical marker text kaya ang isinalin ko. panghabambuhay!

salamat, ccp, sa pagkakataon.


Friday, July 19, 2019

translation ng ccp historical marker

1ST DRAFT, July 19, 2019
Beverly W. Siy, Intertextual Division, local 1706

ALAY SA MGA FILIPINO NOONG IKA-8 NG SETYEMBRE 1969, ANG SENTRONG PANGKULTURA NG PILIPINAS AY BUNGA NG ILANG DEKADANG PAKIKIPAGSAPALARAN NG DI MABILANG NA MGA ALAGAD NG SINING NG PILIPINAS UPANG MAKATAGPO NG ISANG TANGHALANG PAMBANSA, AT UPANG MAGKAROON NG NATATANGING LUNAN PARA SA ORIHINAL AT PINAKAMAHUHUSAY NA PRODUKSIYONG ARTISTIKO MULA SA IBA’T IBANG BAHAGI NG KAPULUAN, AT UPANG MAGSILBING SINUPAN NG DIWANG FILIPINO NA IPINAPAHAYAG SA PAMAMAGITAN NG SINING AT KULTURA, AT UPANG MAGING ISANG INSTITUSYON NA PATULOY NA TUTUKLAS, LILINANG AT MAGTATAGUYOD NG TALINO, TALENTO AT MGA LIKHA NG SUSUNOD NA HENERASYON NGMGA FILIPINO PARA SA LAHAT.

ITINATAG NG D.M. CONSUNJI, INC. AT TRANS ASIA, PHILIPPINES SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSANG TAGAPAGPAGANAP BLG. 30 NOONG 25 HUNYO 1966 AYON SA DISENYONG PANG-ARKITEKTURA NG PAMBANSANG ALAGAD NG SINING NA SI LEANDRO V. LOCSIN. PINASINAYAAN ITO NOONG 8 SETYEMBRE 1969.

take note: sa orihinal, kasama ang pangalan ni imelda marcos. dinelete ko sa salin ko. sa isip-isip ko ay isosoli naman ito ng board of trustees, kung gusto talaga nilang i-include ito.

learnings sa pulot barya experiences ko

1. maraming barya sa kalsada, naghihintay lang na mapulot sila.

2. mas maraming tao sa isang lugar, mas maraming barya sa lapag.

3. may mga tao na ayaw magpulot ng barya kahit nasa tabi na ito ng kanilang mga paa. let them be. ikaw na lang ang pumulot ng barya.

4. marumi talaga mga kalsada natin.

5. andami-daming plastic bottle sa kalsada.

6. marami ding barya sa gitna ng daan, like sa gitna ng edsa corner roxas boulevard.

7. nati-train ang mata para maka-spot ng barya, kahit sa dilim.

8. may mga pagkakataon na hindi ka pupulot ng barya kahit ilang beses nitong i-present ang sarili sa iyo sa buong araw at gabi.

9. kung hanap ka nang hanap ng barya pero wala kang makita, asahan mong makakahanap ka nito sa lapag ng dyip o bus.

Wednesday, July 17, 2019

2nd earning ng july

2,300 pesos net para sa 3800 shares ng PXP bought at 7.8 pesos each. na-sold kanina at 8.5 pesos per share through GTC order.

nabili ko noong june 26, nabenta ko july 17. three weeks na paghihintay para sa 2,300 pesos!

ang na-free up na pondo ay 32k.

bumili ako ng bpi using the money from this trade and from the money na na-free up from mbt trade yesterday.

all in all ay 1090 shares sa halagang 88.5 and 89.9 pesos. nag-gtc agad ako sa 110 pesos.

nakapanood kasi ako ng video ni marvin germo kagabi, at may prediction siya na aabot ng 120 ang bpi. at kahit konti raw ay sana bilhin ito ng mga nag-i-stock.

nakapag-off hours order na ako ng PLC nang mapanood ko ang video niya. so kaninang umaga, kinansela ko ito at pinalitan ko ng buy gtc para sa bpi.

sana nga ay magkatotoo ang prediction ni marvin germo!

Tuesday, July 16, 2019

summary ng portfolio ko sa stock market

7 stocks -red
1 stock- green

total= 8 stocks

Range ng loss ay 10.04% to 52.12%
Loss in terms of pesos-256,000

the only gain is 2.11%

free na pondo- 66,000
Puhunan ever since nagstart ako magcol until now- 946,000

2019 Earnings from january to july- 60,800

first earning ng july 2019

4k pesos net para sa 860 shares ng MBT (metrobank) bought at 72.55 pesos each. na-sold kanina at 77.7 pesos per share through GTC order.

nabili ko noong may 29, nabenta ko july 16. more than a month na paghihintay para sa 4k pesos!

ang na-free up na pondo ay 66k. i am thinking of buying one of these:

ecp-9.92
plc- 0.72
ali- 51.8
irc -1.71

sana more than 1 ang earnings ko ngayong july! dami kong maling buy. ipit na ipit!




Wednesday, July 10, 2019

fight fight fight

tinatapos na ng team lila ang lila.

eto na ang updates: nasa pagbubuo na kami ng bionotes. halos lahat ng na-assign sa akin ay nabuo ko na.

intro ko naisulat ko na, konting revision na lang about the numbers and figures especially kailangan kong ipasok na may mga antolohiya na ang lira gaya ng unang bagting, parikala, ikatlong bagting, lirang pilak at lira trenta.

ipa-finalize na ni louise ang layout this weekend, ipo-proofread namin ni roma tapos ipapa-quote na namin sa imprenta.

balangay at lira ang maglalathala nito. balangay ang magbabayad ng editorial team at contributors, lira ang mag-iimprenta. maghahati na lang sa number ng printed books para mabawi ang expenses. kanya-kanya na lang ng marketing.

salamat, lira, especially joti at aldrin. salamat, universe.

sana matapos na ito by august.

ipinadala ko kay papa p ang cnf ko for ina. kinategorize ko na sa 7. malay natin, maging chapters. sabi niya, dapat ipinadala ko na lahat. hiniwalay ko kasi ang tungkol sa commute at marami-rami din. isama ko na raw. saka na magtanggal pag napagsama-sama na. andami kasi. 69 na travelogues plus 17 na cnf tungkol sa commute. sobrang kapal ng libro.

kalahati na ng taon, kumusta naman ang bucket list ko? wala pa sa kalahati ang nagagawa ko.

subsob na naman ako sa trabaho. pero di naman nag-i-improve ang damdamin. sana umalis na itong kalungkutan na ito. sana maging normal na ako uli.

impact

tuwing umiikot kami ni dagat sa kabilang subdivision, napapadaan kami sa dalawang ordinaryong bahay na magkatapat, at sasabihin niya nang nakangiti, merry christmas! tapos ituturo niya ang dalawang bahay. sasagutin ko siya ng merry christmas at gaganti rin ako ng ngiti.

unang pasko namin sa cavite noon at dahil hindi naman laging nakaka-travel ay pinipilit ko na makapasyal si dagat para makalabas naman ito ng bahay. madalas, doon lang kami sa malapit na mga kalsada. napakahirap ng walang sasakyan at may anak kang maliit.

lagi ko siyang idinadaan sa kalsadang may mga bahay na may ilaw na pamasko. tapos babatiin ko si dagat ng merry christmas. siguro ay nagkakataon na kapag napapatapat kami sa mga ordinaryong bahay na iyon, saka ko siya nababati ng merry christmas. kaya kahit wala nang ilaw na pamasko ay natatandaan niya ang mga bahay na iyon. nagbibigay iyon ng tuwa sa kanya, ang makita ang mga bahay, ang mabati ako ng merry christmas, kahit kasagsagan na ng hunyo.

baka ganon lang talaga ang impact, ano? hindi na nakakarating sa lumilikha. nananatili na lang ito doon sa dumadanas ng isang likha.

malay ba ng mga may ari ng bahay na may batang autistic na naliligayahan sa kanilang nilikhang pailaw noong disyembre? malay ba ng may ari na tatatak ito sa gunita ng isang 3 year old na autistic na bata? at magiging makabuluhan pa rin sa buwan ng hunyo ang mga tinanggal na nilang christmas decoration sa kanilang bahay?

they would never know how they made a kid happy. they would never know that my child feels christmassy as we pass by their houses. every. single. time.

puwede bang sukatan ng impact ang haba ng ngiti ni dagat at kung gaano kasaya ang tinig niya sa pagbati ng merry christmas?

puwede ba itong panukat ng impact sa iso?

here we are again

hi, what's up? musta ka? kaya pa ba? sana kaya pa. napakapamilyar ng damdamin na ito. pabalik-balik lang pala talaga. di mo matatakasan. akala ko dati, nauubos ito. akala ko dati, napapalitan ng saya kapag ok kang uri ng tao, kapag nagkaanak ka, kapag may achievements ka, kapag nakapag-asawa ka at maayos naman iyong tao na napangasawa mo, kapag nagagawa mo ang mga bagay na gusto mo, nakakain mo ang mga pagkain na di mo naman nakakain at nabibili noon.

akala ko.

andami kong akala. sobra yata akong naive sa buhay.

realizations ko lately:

1. kahit pala kumakayod ka nang todo at nag-umpisa kang kumayod noong bata ka pa, kahit pala megatipid ka ever since, kahit nag-iipon ka sa pinakakaya mong halaga, posibleng mahirap ka pa rin in the end. guminhawa lang nang konti ang buhay mo, pero physically and emotionally and mentally, exhausting pa rin ang bawat araw mo ngayong magkukuwarenta ka na.

2. kahit pala nakapagpa-college graduate ka na ng anak, posibleng iwan ka nito at wala siyang pakialam kung paano ka mabubuhay araw-araw.

ano kaya ang feeling ng nanay ko noong bumukod ako at kinuha ang anak ko na pinalaki niya nang ilang buwan at mga dalawang taon? ano ba tawag dito, karma? kaloka.

3. napaka-wasteful ng uri ng pamumuhay natin. wala tayong pakialam sa basura na kaya nating i-generate araw-araw. bili tayo nang bili. wala tayong pakialam sa mga itinatapon natin habang kayraming nagugutom. tipong you can't save them all from hunger. so, just lead a wasteful life. wag na silang masyadong isipin at made-depress ka lang.

may isang post-event akong nadaluhan kung saan itinapon ng waiter ang sobrang pagkain dahil wala nang kakain at pagod na sila, silang mga waiter, maghapon silang nagsilbi, at dahil walang lalagyan, walang mapagbigyan at gusto na nilang magligpit, itinapon na lang niya ang sobrang pagkain.

sa opis namin, laging may sobrang ulam, wala nang gustong umubos ng mga ito, so, tapon na lang.

4. kung mahirap ka, hahabulin ka ng kahirapan. noong linggo at lunes, naglakad-lakad kami nina dagat at ayin sa mga kalsada ng perpetual. dala namin ang isang lalagyan na may gulong. naghanap at namulot kami ng mga plastic bottle sa mga bangketa, sa mga damuhan, sa gilid-gilid ng mga gate, sa mga parke. nakapuno kami, mga dalawang ulit. dinadala namin ang mga ito sa kapitbahay namin na nagbebenta ng mga plastic bottle at iba pang bagay sa junk shop, binibigay namin ang mga bote sa kanya. marami akong reason for doing this.

a. para makapaglakad sina dagat at ayin, physical activity, dahil di ko ma-afford ngayon ang bakasyon, iyon na lang ang pasyal namin at bonding.
b. para makapaghanap ng mga barya sa kalsada (si ayin ang nakakita ng isang bentesingko, aba, mana sa akin)
c. para makabawas sa basura ng kalsada.

after naming gawin ang mga ito, parang bigla akong naawa sa sarili ko.

mga 10 years ago, naranasan naming mamulot ng mga plastic bottle sa sementeryo noong kasagsagan ng todos los santos. hindi kami nagpunta doon to do that. nagpunta kami para dumalaw sa tatay namin. pero sa sobrang dami ng plastic bottles sa kalsada at sa mga basurahan, niyaya kami ni tisay na magpulot at iuwi ang mga ito para ibenta. halos nakatatlong sako kami. galing din ang sako sa sementeryo. pero pagdating namin sa gate, hinarang kami ng sekyu. iwan daw namin ang mga sako namin na punong-puno ng plastic bottles. nagalit ako. sabi ko, kami ang naghirap dito tapos kayo lang makikinabang? kami ang nagpulot, ang iba rito pinulot pa namin sa mga basurahan. tapos ibibigay lang namin ito sa inyo? kung nakakotse kami ay di n'yo kami mapipigilan, di ba?

napakatagal namin sa gate. napakahaba ng argumento kalaban ang mga guard. naalala ko pa na sinikatan na kami ng araw doon, samantalang madilim pa nang kami ay sumapit sa gate. ang ending ay kami ang nanaig. nadala namin at naiuwi ang mga sako ng plastic bottles. at naibenta naman ito ng nanay ko. sa kanya siyempre ang kita, magkano lang naman siguro iyon. pero sa loob ng dyip pauwi, napaisip ako, susmaryosep. napakadahop naman namin para magpulot kami at makipagtalo para sa mga bote na ito. nakadama ako ng self-pity.

di na namin inulit ito, kahit kada todos los santos naming nakikita na namumuwalan ang manila memorial park sa mga plastic bottle.

at eto ako, nagpupulot uli ng bote, kasama pa ang mga anak. pinagtitinginan kami ng ilang tao, mga di ko kakilala pero definitely, nakatira malapit sa amin at malamang na makikita ko pa sila uli in the future. napapa-self pity ako uli, pero mahinay na mahinay lang. naka-concentrate ako sa pagpupuno ng lalagyan namin. tapos doon ko na-realize, pag mahirap ka talaga, iyong ways ng mahirap, nakakasanayan mo. ganon talaga, nagpupulot ka noon, magpupulot ka pa rin hanggang ngayon. wala kang kawala.

5. pagod na pagod na ako, pero hindi ako puwedeng magpahinga. napakaraming kailangang gawin at tapusin. napakarami kong pangarap. pero wag ka, hindi naman nababago ang buhay ko, kahit na may mga naa-achieve na ako sa mga pangarap ko noon. personally, feeling ko, di ako umusad. nag-aasikaso pa rin ako ng mga bata. pag nag-aayos ako ng kalat ng mga bata, pag naghahatid ako paeskuwela, pag nagpapaligo ako ng mga bata, pag nagkukusot ako ng mapanghing mga lampin, naiisip ko iyong panahon na ginawa ko na't pinagdusahan ang mga ito noong maliit si ej. so, ano ito? part 2? starting all over again? bakit ginagawa ko na naman ito sa sarili ko? masarap ba? hindi. pagod na ako. pagod na pagod na ako. bakit ba nag-anak na naman ako? dalawa pa! autistic pa iyong isa. ano ba namang buhay ito?

ang buhay pala ay isang cycle ng paghihirap, ng exhaustion. walang katapusang kapaguran. hindi ko na nakikita ang essence na mabuhay pa sa mundong ito. ganon at ganon din ang nararanasan ko. puro hirap. lalo na at pisikal na hirap. akala ko pa naman, after years ng pagtitiis, pagtatrabaho, pag-iipon, pagtitipid, uunlad ako, kahit paano. waley! wit! walang rainbow pagkatapos ng rain.

i feel so dead inside. bigla akong nawalan ng ganang mabuhay. araw-araw, since may, ambigat ng dibdib kong pumasok sa trabaho.

may kaugnayan din siguro ito nang malaman namin ang sitwasyon ni dagat. back to zero ka na nga, gatong pa iyang autism na iyan. ang gastos pa. minsan ka na lang magkaroon ng sahod na malaki-laki, uubusin ka naman sa gastos. ano iyan, universe, nagjo-joke ka ba?

6. may mga puwersa sa lipunan na di natin kayang impluwensiyahan. ang mayaman, habambuhay na magkukuripot sa mahirap. dahil ano ang point ng limpak-limpak na salapi kung wala ka namang alipin? kaya ang goal ng mayaman, magkamal pa ng dagdag na yaman para makabili siya ng mahirap, para gawin itong alipin. paikot-ikot lang ang salapi sa mayayaman. mahirap ka, balakajan, yan ang slogan ng mayayaman. umahon ka sa sarili mong lusak ang peg. kaya, paisa-isa ang pag-ahon ng mahirap sa pusali ng kahirapan. imposible talaga ang maramihang pag-ahon. the rich and the elite will not allow it. they'd rather kill the poor kaysa umunlad ito nang bulto.

7. nasa point ako ng buhay ko kung saan nakikita kong tinitibag at binubura sa aking alaala ang lugar na aking kinagisnan. isa sa mga nakita kong tinibag at nawala ay ang building sa likod ng bahay namin sa ermita. nakita ko pang nakabalot ito sa itim na net dahil malapit nang ma-demolish at nang sunod kong bisita, bakante na ito. as in malinis na malinis at may bakuran na lamang. wala na ang building. subconsciously siguro, isa ito sa mga dahilan kung bakit bigla akong napasulat ng mga akda sa it's a mens world. this year, nabalitaan naming magkakaklase na titibagin na ang elementary school namin sa malate dahil ibinenta ng church (ang may ari ng school) ang lupain ng aming eskuwelahan sa mga villar. gagawin na itong condo.

at itong harison plaza, isasara na at titibagin na rin. binili na siya ng sm.

ang sakit sa dibdib ng mga ganitong pangyayari. parang bahagi ng pagkatao mo ang binubura at wala kang magawa. parang may nagtutungkab ng isang bahagi ng utak mo at di mo siya masaway dahil may mga tao na hawak ka sa kamay at paa at hinahayaang may mag-opera ng utak mo nang labag sa iyong kalooban.

siguro subconsciously, kaya tinanggap ko ang trabaho dito sa ccp ay dahil ayokong mawala ang koneksiyon ko sa maynila. particularly sa manila bay. andito ako at ang tatay ko. ang kapatid kong si colay. noong maayos pa si colay. ang mga kaibigan kong sina sharon, sally, rowena, malou, michael, jelo. andito ang batang ako, ang batang punong-puno ng pag-asa, napakadalisay ng tingin sa mundo, punong-puno ng energy, tangan ang napakaraming oras para gawin ang gusto niyang gawin, para pangarapin ang gusto niyang pangarapin.

naalala ko noong sabihin ko sa tatay ko na gusto kong maging fashion designer dahil ang ganda kong magdrowing at maggupit ng damit na papel para sa mga paper doll ko. tumango lang siya, sabay sabing good. akala ko, madali, e. ngayon, ang madali na lang sa akin, sumuko.

sasabihin ng mga kakilala kong relihiyoso, di ka naman bibigyan ng diyos ng bagay na di mo kaya.

well, ayokong testingin ako. dahil paulit-ulit na akong na-testing, okey? nakaya ko na noon. paulit-ulit kong kinaya. ano, bakit paulit-ulit din ang testing? de puta. natutuhan ko na ang mga bagay na kailangang matutuhan. kaya please, god, wag mo na akong pahirapan, okey?

so... fucked up lang talaga ang universe?

di pala totoo na kung anong tinanim siyang aanihin. di rin totoo na may katapusan ang mga paghihirap. di rin totoo na pag may tiyaga, may nilaga. di rin totoo ang logic na may resulta ang bawat action. posibleng wala. posibleng iyong result ay stagnant.

ginagawa ko na ang lahat para maibsan ang lungkot ko stemming from all the things that i am slowly realizing. i spend time with my kids. i spend time with myself. i talk to my friends. i pm them. i tell them what i feel. i laugh with my officemates. nilulunod ko sarili ko sa trabaho. i do good things to make myself feel better. nagpagupit pa nga ako.

pero wala. andito pa rin ang putanginang feelings na ito.

lately, naalala ko ang kapatid kong si colay. ano na, nag-pm a few weeks ago kay ancha, wala raw siyang makain at maloloka na raw yata siya sa gutom. aba, panic kaming lahat. ano yon, paano namin siya matutulungan? nag-pm ako sa mga anak niya, lahat, di makaresponde. si ej, walang reply. baka walang pakialam. sa akin nga, walang pakialam, ke colay pa, ano? nag-pm ako kay mami. tapos naisip ko, ba't nagkakaganon pa rin kapatid ko? di pa siya sawa sa ginagawa niya sa sarili niya? isang punta lang niya sa nanay namin, e makakakain siya. makakaligo siya. bakit ayaw niya? bakit ganon pa rin siya? pinaparusahan ba niya ako? di ko siya kaya. oo na, i failed as an ate, ano gagawin ko? habambuhay ko na siyang pasan, ganon? habambuhay ko nang pagsisisihan na wala akong ginawa o wala akong magawa noong panahong kailangan niya ng pamilya? ambata ko pa rin noon, e. nawindang din ako noon, e. tumatakas din ako sa realidad noon, e. bakit di ba niya maintindihan iyon? ang hirap-hirap umahon. ang kaya ko lang, e sarili ko. pagbalik ko naman, pinasan ko na buong pamilya. ba't di na siya nagpasakop? di ko kaya ang monthly payment sa rehab. di ko kayang paaralin siya sa private. is she still taking all that against me? sinubukan ko namang bumawi sa mga anak niya, a. kaso, wala, ayaw ding pasakop ng mga ito. ano na, kasalanan ko pa rin ba? susukuan ko talaga agad ang mga iyan. ba't ako magtitiyagang magkupkop ng ayaw naman sa akin? andami ko pang palalakihin, o. dalawa. ang isa, autistic pa. andami ko ring pinoproblema. ba't dumadagdag pa siya? ba't di niya iahon sarili niya? wala na siyang aasahan, tanggapin na niya, hindi maaasahan ang ate niya.

wish ko, sa kanya, sa akin, sana maging masaya na lang kaming lahat. sana maramdaman naman namin na umuusad kami sa buhay. na kahit paano, umuunlad kami. kahit man lang kaunti.

maybe i'm just really tired. and i really need help. para sa mga bagay na baka di ko lang naiintindihan pa.

baka ganito lang talaga ang buhay, ano, talagang mahirap intindihin. o mahirap intindihin. o mahirap.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...