Sunday, February 28, 2016

Karagatan ang Pag-ibig ng Isang Ina (tula)

ni Beverly Siy

Sa lawak nito’y makakalangoy ka
nang buong laya.
Sa lalim nito’y makakasikad ka
nang buong lakas.
Ganyan mag-alaga ng perlas
ang mapagmahal na dagat.

Sa gitna ng pag-aalangan
ng iyong huwisyo’t prinsipyo
padadaungin ka niya sa aplaya
at saka siya maghihintay
hanggang sa iyong maaninaw:
ang sarili mong mga paa’y
lubog man sa tubig,
matatag pa rin at nakakatindig.
Ganyan mag-alaga ng perlas
ang mapagmahal na dagat.

Sa mata ng panganib,
mabilis ka niyang ihahatid
sa panatag na dalampasigan
kung saan iyong mamamasdan
ang pagragasa ng karimlan.
Ganyan mag-alaga ng perlas
ang mapagmahal na dagat.

Sa pagtangis ng iyong dibdib,
lalambingin niya agad ang langit
upang magbahagi ito ng ngiti
sa pamamagitan ng isang bahaghari.
Ganyan mag-alaga ng perlas
ang mapagmahal na dagat.

Sa pusod ng iyong pagod,
batid niyang madali ang maanod.
Kaya't ilalatag niya ang lambat
upang hulihin ang sigla ng habagat.
Kakalma ang iyong katawan
Sa hele ng kilapsaw.
Ganyan mag-alaga ng perlas
ang mapagmahal na dagat.

Karagatan ang pag-ibig ng isang ina.

Sa lawak nito’y makakalangoy ka
nang buong laya.
Sa lalim nito’y makakasikad ka
nang buong lakas.
Mayroon pa bang dahilan
upang hindi ka maglayag?

Saturday, February 27, 2016

Finally, Lalabas na ang Ay, Peke!

Kahapon, nakatanggap ako ng approval letter mula sa Vibal para sa aking kuwentong pambata na Ay, Peke. Tungkol ito sa counterfeit products at piracy.

Ang kuwento ay pinagbibidahan ng dalawang langgam na magbespren. Nakatira sila sa isang drugstore. Nag-aaral silang magbasa ng mga nakasulat sa kahon ng gamot hanggang isang araw, may natuklasan silang kakaiba.

I am so happy, ang tagal ko nang naisulat ang kuwentong ito, parang 4 years ago pa. At una ko itong inihain, complete with book proposal, sa IPOPHL (dahil merong isang ahensiya doon na may pondo at feeling ko ay kailangang-kailangang gastusin sa educational materials tungkol sa IP). Inaprubahan ito ng IPOPHL ngunit napakatagal ng naging pag-uusap at proseso. Hanggang sa inabutan na ito ng pagpapalit ng direktor ng IPOPHL! Naantala pa ang pag-uusap at proseso dahil doon. Ang problema kasi ay hindi nila alam kung paanong magbabayad ng royalties sa writer at illustrator. Wala raw na ganitong kategorya ang gobyerno kapag may binabayaran silang tao. Ang inihain ko kasi ay wala kaming paunang bayad na matatanggap bilang author at illustrator pero makakatanggap kami ng royalty sa bawat kopya ng printed version nito. Sinabi ko rin na dapat ay makatanggap kami ng royalty sa bawat pag-download ng ebook version nito na puwede nilang i-post sa kanilang website. Ang pinakahuling balita sa akin ng contact ko sa IPOPHL ay pinababago na sa akin ang kuwento ng Ay, Peke! Dapat daw ay mas positive ang dating at hindi muna tungkol sa counterfeit products o piracy.

Oo nga naman, ito ang unang children's book about intellectual property, bakit tungkol agad sa pekeng gamot at sa mga panganib nito?

So, naisip ko na kung ang kuwento pala ang problema, bakit hindi agad sinabi sa akin? Haha, it took them three years, grabe naman, di ba? Pinaghintay nila ako at ang illustrator nang ganon katagal, nakatengga ang kuwento at artwork namin. Ibig sabihin din, rejected na ang kuwentong ito. Bagong kuwento ang kailangan nila. Kaya, I decided to submit the story to a publisher sa pagbubukas ng 2016.

At buti na lang, good news ang kapalit nito! Yey!

Ang next step ko is to inform IPOPHL about the status of this story. I will try to write another children's story about IP. Sayang din ang kasi ang pagkakataon na makapagsulat tungkol sa paksang ito, na medyo mahirap ipaliwanag sa bata.

O, dito na muna. Ang totoo ay gusto ko lang talagang magbahagi ng magandang balita, hehe! Hanggang sa muli!

The Lady Called Bebang Siy

by Hope Perez of DLSU Graduate School-Manila


Writers are among the toughest people to interview. For one thing, most of them value their privacy deeply. Getting a writer to grant you an interview may be considered as a success on its own. Some would consent to an electronic interview, where you’d send them your questions via e-mail, and they’d answer your questions like an essay exam. No hassle. All you’d have to do is to wait.

But Beverly Siy isn’t like most of them. She prefers the regular one-on-one where interviewer and interviewee get to see each other face to face. “Hindi talaga ako tumatanggap ng interview na email lang,” she explained, suggesting that online interviews feel detached. Unlike the former which feels more personal and intimate—very much like the person of Ms. Bevs.

Her presence is warm and welcoming. One would immediately feel like meeting a dear old friend, upon initial greetings. Not to mention her humor—which is immediately apparent—and candor. “Dati, sa UST ako, pero full time kasi ako doon,” she begins, without further ado. “Pero pag full-time ka, parang wala ka nang ibang magagawa sa buhay. Full time kasi, every day, may pasok.” Her words agree with her whole, carefree demeanor. This is a woman who demands freedom, even in her craft. When asked about whether she preferred having a full-time teaching position to a part-time one, she declared that she preferred the latter, without a second thought. “Hindi ko alam kung ADHD ba ‘yon?” she says with a laugh, “pero hindi ko kaya ‘yong isa lang ‘yong ginagawa.”

Beverly “Bebang” Siy finished her B.A. in Creative Writing (Malikhaing Pagsulat) at the University of the Philippines. She has written an assortment of short stories (published in anthologies), essays, and a novel. Her first novel, “Mingaw” was published under the pen name Frida Mujer, in 2006. “Kahit saan ako nagta-talk, lagi kong mine-mention ‘yon e,” she says, regarding the book. “Na nagsimula ako sa basura. Nagsimula ako dahil sa pera,” she adds, ending with a laugh.

It wasn’t until 2011 that she finally published under her name, Bebang Siy. Because of this, many of her readers share the misconception that “It’s a Mens World” is her first book. Regarding the use of a pen name for her first book, Ms. Bevs states that that wasn’t a conscious choice. “Gusto ko talaga, Bebang Siy, o Beverly Siy. Kaya lang ayaw ng publisher kasi parang mabantot. Parang hindi nakaka-titillate,” she says, debunking the belief of how much power writers have over their publishers.

Her humor and casual tone in writing is what endears her to her readers. “Gusto ko kasi ‘yong parang nakikipag-usap ka lang sa kaibigan,” she said when asked about her writing style. “Kasi, pag nagsusulat ka para sa isang kaibigan, walang pretension.” Because of this, many of her readers often cite her as the female version of Bob Ong. Being a fan of the elusive writer himself, this observation both flatters and worries her. When asked about what she admires most in him, she states that it is the things he has done for the Filipino writer community. “Marami siyang nagagawa na hindi nagagawa ng iba. Halimbawa, dahil sa kanya, natuto ‘yong mga high school student na gumawa ng book proposal. Kahit ‘yong mga pinakadakila nating writer, hindi nagagawa sa high school students yan, di ba? ‘Tsaka, talagang siya nag-start e, na magbasa ulit sa Filipino ‘yong mga tao.”

When she started writing back in high school, she wrote in English. But switched to Filipino once she entered college. She agrees that every writer’s real aim is to be read. And for a writer to be read, a writer must speak in a language that is understood by the majority of the masses. However, she also states that just because a story is written in the vernacular, it doesn’t necessarily mean that it would be easily understood. “Kung ang kuwento mo ay medyo mahirap i-comprehend, kahit anong wika ‘yan, kahit jologs na wika ‘yan, mahihirapan kang makakuha ng audience.” Concerning readership, she states that popular literature is a surefire way to increase a writer’s readers. “‘Yon talaga e. The only way to get to this masa, is through that. Bababa ka talaga sa level ng interes nila. Multo, love, student life, sirena… ‘yong mga ganun. Kung may gusto kang isulat sa wikang Filipino, tapos masyadong mataas para ma-comprehend, ibabalot mo siya in a very nice box with a bow and tie.”

Most of her works have a young adult kind of feel. But when asked if she sees herself as a genre writer, Ms. Bevs politely disagrees. “Sa pagsusulat, hindi ko kaya na isa lang ‘yong ginagawa ko. Kasi hindi na ako natsa- challenge.” Ms. Bevs believes that a writer should be free. And limiting one’s self to the confines of a specific genre is detrimental to the growth of a writer. After all, most of our great writers are known to have dabbled in more than one field of writing, something that Ms. Bevs applauds. “Napaka-versatile. Ang galing. Ibang level.”

On the Writing Process:
Ms. Bevs cites writer Vim Nadera as the person who ushered her into the world of writing. Other writing influences include poet Rio Alma, and Rene Villanueva. Villanueva’s collection of personal essays was among the works that inspired her to write “It’s a Mens World.” She also places high regard for fictionist Luna Sicat-Cleto and her book, “Makinilyang Altar.” “Isa pa ‘yon,” she says, “pag binabasa mo siya, parang siyang kumakanta sa utak mo. Napaka-versatile din. Kahit anong itapon mo doon, magagawa niya.”

Although she has written works of both fiction and non-fiction, she claims that aside from the label, the two are not that different. “‘Yong daloy ng kwento, pareho lang sa fiction. Kaya siya gustong-gusto ng mga tao, ang pinagkaiba lang niya, real life.” Her real life experiences serve as inspiration to her fiction as well, attesting to the writing tenet about writing only from what you know. “Kung hindi niya alam, dapat mag-research siya. Kasi kailangan, makumbinsi niya ‘yong reader niya na marunong siya tungkol doon.”

Regarding how she writes her stories, Ms. Bevs states that she is more of a plotter, following a linear system where she numbers her scenes from beginning to end. A habit she picked since she started writing stories for children. “Gumagawa ako ng skeleton, tapos ‘tsaka ko siya lalamanan. Mas madali ‘yon, kasi nga, hirap na hirap ako sa umpisa.” According to her, before even beginning to plot down a story, she already has an ending in mind; an ending which could change, depending on how the story goes, and the influx of ideas that floods her during the process. “‘Yong mga ganong aksidente, naiisip ko na lang bigla pagkasulat ng ending.”

What about that dreaded (according to some, invented) ‘writer’s block’? How does she deal with it? “Wala nga, e,” she jokes. “Ang ginagawa ko, humuhugot ako mula sa situation ko. Tapos ‘yon ‘yong sinusulat ko. Di bale na lang kung hindi maganda, basta makapag-produce ka. ‘yon ang importante.” She also encourages having a little bit of feelings of jealousy for other writers. “Kasi minsan, ‘yong inggit, puwede kang i-push na magsulat. Pero dapat, hindi mo gagamitin in a negative way. ‘Yong maninira ka ng kapwa writers mo.” More importantly, a writer shouldn’t be too hard on herself. Ms. Bevs advices against being too much of a perfectionist when it comes to writing. “Hindi lahat ng gawa ng isang artist ay perfect.”

As a holder of a bachelor’s degree in Creative Writing, Ms. Bevs believes that the course isn’t as meaningless as other people suggest. Before delving deeper into the matter, she reiterates that the art of writing is not dependent on academics. “Kasi, kung nakakabit siya sa akademya, di wala nang karapatan magsulat ‘yong mga bata. Di ba? So, unfair ‘yon sa kanila.” Although it’s true that creative genius and the power of one’s imagination are both innate, she believes that a course on Creative Writing teaches the most important trait a writer should have: discipline. “It will train you to produce works in a limited time. Kung wala ka sa loob ng academe, you can take as long as you want to finish. Bigyan mo ng dalawang taon ang sarili mo, matatapos in two years. Ito kasi, limited. Tapos, the teacher will dictate what you will write. ‘Yon ‘yong training. Magke-create ka kahit ayaw mo. Magke-create ka ng hindi mo gusto.” Another important aspect of participating in a writing class is having a community of writers to peer review your works. “May nakakabasa ng gawa mo. Hindi lang ikaw.”

If given the chance to write about anybody, who would it be? Ms. Bevs bursts into a girlish giggle before replying, “Gusto ko si Eddie Garcia, ‘yong matatanda natin. Si Elizabeth Ramsey. Bakit walang sumusulat ng istorya nila?” She adds that these are just a few things that the National Commission for Culture and the Arts should consider including into their archives. These are people who’ve gone through things such as World War II, and still managed to stick to their art. “Nakakalungkot, kung sino-sino lang inilalagay nila.”

Ms. Bevs states that she primarily writes for herself. According to her, a writer who writes for herself shows the most authenticity. “Pag nagsusulat siya para sa ibang tao, ang tendency niya is to impress. Pag ganoon, iba ‘yong hagod ng words, hindi nagiging authentic.” She also writes for her friends. “You say what you want to say. You don’t pick topics. And these are the true things that come from your heart.”

In between the lines of her witticisms lies a philosophical understanding, not only on the art of writing, but on life as well. These profound insights remain evident in her works, masked with humor that never fails, and unabashed sincerity. “When you write for yourself or for your friends, walang pagkatakot. Walang pagkukunyari. Walang pagyayabang. ‘Wag kang magsusulat ng bagay na hindi mo gusto. ‘Wag kang magsusulat ng mga bagay na para lang magustuhan ng iba.”


Salamat dito, Hope! Good luck sa pagsusumite nito kay Sir! Padayon.

Friday, February 26, 2016

nya!

e yung matutuklasan mo na may paparating na naman na ano.

what the. shet. sobrang aksidente ito, im so sorry, self.

anyway, big bang kung big bang ang 2016 na ito.

Saturday, February 20, 2016

CNF 101

para sa mga kalahok sa Tuklas-Pahina Book Project ng PRPB Book Club sa suporta ng Buqo
ni Beverly W. Siy

Magandang araw sa inyo. Ang unang bersiyon ng akdang ito ay binigkas ko noong 28 Nobyembre 2014, sa aking talk tungkol sa CNF na inorganisa ng OMF Books at idinaos sa Pinatubo Street, Boni Avenue, Mandaluyong City.

Ano nga ba ang CNF o Creative Non-Fiction?

Ayon kay Nick Joaquin, ito ay ang anyo ng akda na nasa pagitan ng journalism at literature.

Ito ay pagsusulat tungkol sa mga tunay na event gamit ang mga kasangkapan at elemento ng fiction.

Ayon kay Dr. Cristina Pantoja-Hidalgo (o Mam Jing), may iba’t ibang pangalan at itsura ang CNF: literary journalism, personal journalism, new journalism, informal essay, personal essay, memoirs, autobiography, family history, reportage, magazine feature articles, travel essays, reviews, at biographies.

Bago pa dumating ang mga Hapon, may tinatawag na tayong essays. Nakasulat sa Ingles ang itinala ni Mam Jing Hidalgo sa sanaysay niyang Breaking Barriers: The Essay and the Non-Fiction Narrative. Karamihan sa mga essay na ito ay inilathala sa mga diyaryo at magasin. Ang unang aklat ng sanaysay sa Ingles (na isa lamang ang awtor) na gawa ng Filipino ay may pamagat na The Call of the Heights. Isinulat ito ni Alfredo Gonzales noong 1937. Sa Filipino naman, uso na noon ang dagli. Ang dagli ay maikling akda na maaring maging fiction o essay. Ito ay namayani noong panahon ng Amerikano.

Sa ngayon, ang mga inirerekomendang babasahin ni Mam Jing para sa genre na ito ay ang mga libro nina National Artist for Literature Nick Joaquin, Pete Lacaba, Sheila Coronel, Jose “Butch” Dalisay, Randy David, Conrado de Quiros, Kerima Polotan, at Jessica Zafra. Idinadagdag ko rito ang mga CNF nina Marra Lanot-Lacaba at RJ Ledesma.

Sa Filipino, inirerekomenda ko ang mga aklat ng sanaysay ni National Artist for Literature Rio Alma (yes, meron at marami!), Genoveva Edroza-Matute, Rene Villanueva, Lamberto Antonio , Fanny Garcia, Sol Juvida (investigative journalism), Rosario Torres-Yu, Ferdinand Pisigan Jarin, at Bob Ong.

Maikli ang listahang ito kaya inaanyayahan ko kayong magdagdag ng mga paborito ninyong manunulat ng CNF mula sa ating bansa, sa kahit na anong wika.

Ngayon, tutuon tayo sa personal essays at memoirs.

Mag-umpisa tayo sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong na: bakit nga ba tayo magsusulat ng CNF?

1. Para sa atin

Ang pagsusulat tungkol sa ating sarili, sa pamilya natin, at sa mga bagay na importante sa atin ay nakakatulong na maproseso ang damdamin natin tungkol sa mga ito. Nakakatulong din ito na maunawaan pa nating lalo ang ating mga sarili. Palagay ko, mahina tayo diyan ngayon, sa introspection. Sa sobrang dami ng nangyayari sa atin, araw-araw, minu-minuto, minsan, hindi na natin napoproseso ang mga bagay-bagay. Minsan, nagmamadali tayong makausad, mag-move on, magpunta sa next level. Nakakalimutan natin na ang buhay ay isang proseso. Kailangan talagang may daanan na step by step. Kailangang inaaral natin at sinusuring maigi ang bawat hakbang, sinisiyasat, binubutingting para siguradong walang naiiwan sa dinadaanan o di kaya, para siguradong wala tayong nabibitbit na damdaming mabigat.

So, para sa atin talaga ito. Ang pagsusulat tungkol sa sarili. We wish to know more about our strengths, our weaknesses. We want to discover more about ourselves. Gusto nating malaman, ano ang dapat bitbitin, ano ang dapat pakawalan? Ano-ano ang paraan para tayo ay maging malaya o manatiling malaya?

Naikuwento sa akin ng asawa kong si Ronald Verzo ang ibinahagi ni Gang Badoy sa session ng Literature as Advocacy sa Philippine International Literary Festival 2014 na ginanap sa Bayanihan Center, Pasig City. Sabi raw ni Gang Badoy, natuklasan niya na noong nagsagawa sila ng volunteer work sa Bilibid, marami sa mga nakakulong doon, akala ay kapag nakapagbalik-loob na sa Diyos, okey na sila. Pero iba raw ang nagagawa ng panitikan o ang pagsusulat ng mga tao sa “loob”. Natututo silang iproseso ang mga bagay. Nagiging short at easy escape ang pagbabalik-loob. Ang hindi nila alam, dapat silang dumaan sa proseso. Dapat maging praktikal ang pagbabalik-loob na ito, dapat maunawaan nila na may prosesong pinagdadanan. Sa ganoong paraan ay mabubuo o magbabalik ang tiwala nila para makalikha ng tunay na pagbabago sa sarili at sa paligid.

Kahit hindi tayo preso, puwede tayong makinabang sa pagsusulat tungkol sa ating mga sarili. Dahil ang sinumang dumadaan sa proseso, tumatatag ang paniniwala sa sarili.

2. Para sa iba

Sa pamamagitan ng experiences mo, naunawaan din ng iba ang kanilang sarili. Natutulungan mo silang maproseso ang sarili nilang damdamin. Damdamin na maaaring noon pa ay nasa dibdib na nila o di kaya ay kasalukuyang nararamdaman. Sumasabay sila sa tauhan ng aklat na kanilang binabasa. Kaya sa pagbabahagi at sa pagsusulat, iwasan nating mag-preach. Kasi sumasabay sa atin ang mambabasa, hindi sumusunod.

Para sa kapwa ang gagawin nating pagsusulat. Ayon sa editor ng isang aklat ng kontemporanyong sanaysay na si Donald Hall, “we read to become more human.” (p. xvi, On Reading Essays)

Kung pareho kayo ng pinagdaanan ng mambabasa o may similarity ang inyong nakaraan at nakita niyang nakaalpas ka doon at pinagtatawanan mo na lang ito ngayon, chances are, mai-inspire ang mambabasa na harapin din ang challenge na kanyang nararanasan. Masasalok niya ang moral lesson na: kung kaya mo, kaya niya rin.

Marami sa mambabasa ng It’s A Mens World (o IAMWorld) at It’s Raining Mens ang nagpapadala sa akin ng email, PM at text para magkuwento ng mga pinagdaanan nila, particularly iyong tungkol sa sexual abuse na naranasan nila noon, at sa mga kirot na pinagdaanan nila sa failed relationships. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang silang napapakuwento sa akin. Pero palagay ko, pagkabasa nila ng aking mga libro, nakakaramdam sila ng emotional release at nagiging ganap ito kapag naikukuwento nila sa akin ang mismong napagdaanan nila. Catharsis ang tawag dito sa Ingles. Emotional cleansing.

3. Legacy

Kung nais mong maalala ka ng susunod na henerasyon, mag-iwan ka ng isang piraso ng iyong sarili. Pinakamaganda at mas lasting na paraan ay ang pagsusulat at paglalathala ng akda. Siguradong makikilala ng susunod na henerasyon ng mga mambabasa ang lessons na maaaring makuha sa buhay mo o karanasan.

4. Livelihood

“Often, one literary form dominates an era,” sabi pa rin ni Donald Hall. Lipas na nga siguro ang sa tula, ang sa kuwento, ang sa nobela. Ito na ang panahon ng creative non-fiction. Ayon pa kay Mam Jing Hidalgo sa isang panayam ng Varsitarian ng UST, “It is the most popular form right now.”

Iyon nga lang, sa mundo ng panitikan, hindi pa rin CNF ang tawag dito. As of 2015 ng Carlos Palanca Memorial Awards, ang pinaka-prestihiyosong parangal para sa mga manunulat na Filipino, sanaysay at essay pa rin ang tawag sa kanilang kategorya o anyo na maituturing na CNF.
Ngunit sa National Book Awards naman, as of 2015, kinikilala ng National Book Development Board at Manila Critics Circle ang CNF at pinararangalan nila ang pinakamahuhusay na aklat na may ganitong anyo. Mayroon silang award para sa Best Book in Non-Fiction in Filipino and in English.

Mabentang-mabenta rin ang mga CNF books, lalo na ang mga self-help na aklat. Halimbawa nito ay ang mga aklat ni Bo Sanchez, at ang kay Noreen Capili o Noringai. Ang mga aklat ni Noringai na Parang Kayo Pero Hindi at Buti pa ang Roma, May Bagong Papa ay kumita na ng P600,000 sa royalties pa lang. Mula 2011 ay mahigit 40,000 copies na ng mga aklat na ito ang nabenta.

Ayon sa NBDB National Readership Survey noong 2012, ang bilang ng Filipino adult readers na nagbabasa ay 88% o 49.2 milyon. Halos kalahati ng ating populasyon! Iyon nga lang, pababa nang pababa ang bilang ng adult readers sa Pilipinas kung ikukumpara ang bilang sa mga naunang national survey. Ang isang paraan para pigilin ang pagbaba ng bilang na iyan ay ang magdagdag pa ng mas maraming babasahin para sa lahat. At trabaho nating mga manunulat iyon, ang magsulat pa nang magsulat, at magsulat nang mas mahusay.

Bakit? Ang dami na rin kasi ng activities na puwedeng gawin ng isang tao ngayon, kaya competitive na rin dapat ang books.
Sabi pa ni Donald Hall, “Nowadays, We read for information and pleasure together. We read to understand, to investigate, to provide background for decision, to find confirmation, to find contradiction.”

Dapat bukod sa informative ang aklat ay pleasurable din ito. Meaning, bukod sa pleasurable ito, dapat ay informative din ito. Enjoyable and
functional. ‘Yan ang binibili ngayon.

Sa dami ng readers, anuman ang ma-produce ninyo sa Tuklas-Pahina Book Project ay may mambabasa, may kalalagyan. Sa Pilipinas pa nga lang, e.

Ngayon, dumako na tayo sa Top 5 Tips sa Pagsusulat ng CNF.

5. Be brave.

Sabi nga ni James Alexander Thom, “stories with happy endings can teach and inspire just as well as those ending ‘happily ever after.’ And usually, they work better, because they’re more true to life.”(Mula sa The Art and Craft of Writing Historical Fiction.)
Huwag mahiya sa mga naging maling desisyon. Huwag mahiya sa mga naging kapalpakan. Ang pagkatuto mula sa mga ito ang maibabahagi mo na hindi maibabahagi ng iba.

Para naman sa mga walang sad story o kapalpakan sa buhay, be brave din. Be brave to write anything that is significant to you. Bear in mind that you have something to write about, maging sino ka man.

Ayon kay Melissa Hart na Amerikanong manunulat ng Gringa, isang nakakatuwang memoir, hindi lang mga sikat o kaya mga kriminal ang may karapatang sumulat tungkol sa sarili. Sabi rin ni Ricky Lee, hindi kailangang may painful tayong karanasan para makapagsulat tungkol sa sarili. ‘Yong iba nga raw, nagagahasa pa pero hindi nakakasulat ng tungkol dito. Maraming dahilan kung bakit hindi ito naisusulat. Ang isa sa mga requirement para maisulat ang anumang nangyari sa atin ay ang maging observant tayo sa ating mga dinadanas.

Tayong mga karaniwang tao, may karapatan ding magbahagi ng experiences natin sa iba. Sabi pa ni Melissa Hart, ang kailangan lang nating gawin ay pumili ng mahahalagang pangyayari sa ating buhay, tapos bigyan ng karampatang respeto ang mga karanasang ito. Kasi kung wala ang mga event na ‘yan, hindi ganito ang pagkatao natin ngayon.

4. Be yourself.

Sabi ni Williman Zinsser sa On Style na matatagpuan sa On Writing Well Second Edition, An Informal Guide to Writing Nonfiction, “Be yourself. If you try to garnish your prose, you lose whatever it is that makes you unique. The readers will notice it.” Gusto raw ng mambabasa, genuine, totoo ang kausap niya, kaya relax lang, and have confidence.

Kung wacky ka sa totoong buhay, gamitin mo rin iyon bilang estilo mo. Kung seryoso ka, seryoso rin. Kung adventurous ka, gawin mo ring adventurous ang estilo ng pagsulat mo.

Sa wika naman, pansinin ninyo ang pinakakamahal nating mga manunulat, ang pinakagusto nating mga aklat, di ba, ang gamit nila, mga simpleng salita lang? Hindi nagpapa-impress with words, kundi sa pamamagitan ng kabuuan ng kanilang akda. Ang impact sa atin ng kanilang akda, iyon ang nakaka-impress, hindi ba? Kaya ‘wag gagamit ng mga salita na hindi mo naman usually ginagamit sa totoong buhay. Once or twice, puwede, sige, gumamit ka. Pero ‘wag na itong ulitin pa sa iisang akda.

Kung nahihirapan ka naman na isulat ang gusto mong isulat, para bang wala kang maipanumbas na salita sa mga gusto mong sabihin, isipin mo, nagkukuwento ka lang sa isang kaibigan. Iyong mismong wika na gagamitin mo sa pakikipag-usap sa kaibigan, iyon ang gamitin mo sa iyong akda.
At kung walang panumbas na salita sa gusto mong sabihin, mag-imbento ka.

May mga bagay at damdamin na wala talagang katumbas na salita. Huwag tayong mahihimpil dahil lang kulang ang nakalista sa mga diksiyonaryo. Puwedeng-puwede tayong mag-imbento!

3. Gumamit ng ibang form o device mula sa ibang form

Puwede itong makatulong upang maging mas malikhain at ma-break ang monotony ng isang full narrative.

Sa isang kabanata ng Erick Slumbook Paglalakbay Kasama ang Anak kong Autistic ni Fanny Garcia, nagtanghal ang awtor ng palitan ng liham. Doktor ang kanyang kausap sa liham. Mayroon ding diary entries sa loob ng libro. Ang buong libro nga pala ay parang slumbook. Nahahati ito sa mga bahaging makikita rin sa slumbook tulad ng: Describe Yourself, Ambition, Unforgettable experiences, Define Love.
Huwag makulong sa isa. Find the form that will best express your thoughts. Sa IAMWorld at It’s Raining Mens, halo-halong genre ang ginamit ko. May tula, radio drama, maikling kuwento, email, at iba pa.

Invent another genre kung kaya mo.

2. Laging alalahanin ang dalawang persona.

Ang ikaw noon, at ang ikaw ngayon. Dapat malinaw kung sino ang nagsasalita kapag ipinapasok mo na ito sa naratibo.

1. Basa pa more.

“We also read in order to learn how to write,” sabi ni Donald Hall. Sabi rin niya, para makapag-aral ng architecture, dapat laging titingin sa architecture na ginawa na. Sa mga building, simbahan, at iba pa. Para makapag-aral ng basketball, dapat manood ng game, ng pag-dribble, at iba pa.

Ganon din tayo bilang mga manunulat. Mahalagang magbasa ng mga nauna sa atin. Mahalagang magbasa ng kasabayan natin, mahalagang magbasa ng mula sa ibang gender, propesyon, kultura, relihiyon, wika, bansa, uniberso. Sa ganitong paraan, mas dumarami ang natututuhan nating teknik. Mula sa mga teknik na iyan, uusbong ang sarili nating kombinasyon ng teknik sa pagsulat ng CNF.

Maraming salamat sa inyong pagbabasa sa maikling kasaysayan ng CNF sa ating bansa at sa ilang pangkalahatang tip sa pagsusulat nito. Nawa ay makatulong ito sa inyong pagkatha.

-Binibining Bebang

SANGGUNIAN

Mula sa aklat

Garcia, Fanny A. Erick Slumbook, Paglalakbay Kasama ang Anak kong Autistic Binagong Edisyon. Anvil Publishing, Pasig City, 2004.

Hall, Donald, Editor. The Contemporary Essay. St. Martin’s Press, Inc. 1984, USA

Thom, James Alexander. The Art and Craft of Writing Historical Fiction. Writer’s Digest Books, 2010, USA.

Zinsser, William. On Writing Well Second Edition, An Informal Guide to Writing Nonfiction. Harper & Row Publishers, Inc., 1980, USA.


Mula sa Internet

Bordado, A.R.D.S. The Case for Creative Non-fiction, The Varsitarian, Vol. LXXX, No. 2 • July 31, 2008, Posted on 08/03/2008. Link: http://www.varsitarian.net/literary/the_case_for_creative_non_fiction

Hart, Melissa, isang panayam ng isang kapwa manunulat. Noong 2012, natagpuan ko rito ang panayam. Link: http://www.writingshow.com/podcasts/Melissa_Hart.mp3

Hidalgo, Cristina Pantoja, Essay: breaking barriers: The essay and the non-fiction narrative. Natagpuan ko ang notes tungkol dito sa blog ni Bb. Melona Grace Macarias ng UP Mindanao. Link:http://melonagrace.weebly.com/index.html.

Website ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Link: http://www.palancaawards.com.ph/

Website ng National Book Development Board. Link: http://nbdb.gov.ph/images/Downloads/The_NBDB_Readership_Survey_2012.pdf

Mula sa di pa nalalathalang akda

Hidalgo, Cristina Pantoja, To Remember to Remember Writing the Literary Memoir, binigkas noong 2 Agosto 2013 sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, UP Diliman, Quezon City. (Dinaluhan ko ito.)

Siy, Beverly W., Sanaysaya, binigkas noong 15 Pebrero 2012 sa Sanaysaya Workshop on Writing Humorous Essays and Memoirs na naganap sa Filipinas Heritage Library, Ayala Triangle, Ayala, Makati.

Tuesday, February 16, 2016

Para sa mga kasapi ng SULAT (Samahang Umaagapay sa Literatura at Talento) Pilipinas

Una, maraming salamat sa pakikipag-ugnayan ng SULAT Pilipinas sa akin sa pamamagitan ni Anathema. Salamat sa tiwala na may maibabahagi ako sa inyong mga miyembro.

Ikalawa, sana ay lumaki pa ang inyong grupo! Kailangan natin ng mas marami pang mambabasa at manunulat. Napakaraming benefits ng pagbabasa at pagsusulat, alam nating lahat, tama ba ako? Ilan diyan ay ang paglawak ng ating karunungan at ang paglalim ng ating pag-unawa sa kultura ng iba. Kaya mahalaga ang pagpaparami ng ating mga kauri... uring mambabasa at manunulat.

Pangatlo, ang aking mensahe sa mga mambabasa, magpaka-wild tayo sa pagbabasa! Meaning, magbasa tayo ng iba't ibang klase ng babasahin sa anyo man ng libro, pamphlet, brochure, ini-stapler na bond paper, ang paksa man ay iyong pinaka-type natin o pinakaayaw, maikli man o sobrang challenging sa haba, magbasa tayo ng mga akdang nakasulat sa iba't ibang wika (local and international), magbasa tayo ng gawa ng bata o gawa ng matanda, babae, lalaki, bakla, tomboy, transgender, magbasa tayo ng mga isinulat noon, as in noong unang panahon, at 'yong ngayon, as in kanina lang isinulat (FB posts?!), magbasa tayo ng mga bagay na bawal sa atin, magbasa tayo ng pinakamagalang na babasahin, pati ang pinakabastos na babasahin, magbasa ng gawa ng iba't ibang relihiyon, magbasa ng gawa ng mga taong iba't iba ang level ng natanggap na edukasyon. Bakit? Palagay ko, ito ang magiging daan para maging mas mapagmahal tayo at tolerant sa kapwa. Ito ang unang hakbang para ganap nang matapos ang lahat ng uri ng digma.

Panghuli, ito ang mensahe ko sa manunulat, 'wag tayong masyadong perfectionist sa sarili nating gawa. Hinga-hinga rin pag may time. Kung magpapaka-perfectionist everytime na magsusulat tayo, hindi tayo matatapos. Ever. Hindi tayo magiging produktibo. At magiging nana tayo. Sobrang bagal, kapatid, that's what I mean. So, ayun, ang point ko lang, huwag kang umasa na lahat ng gawa mo ay perfect. Kahit ang pinakamahusay na artists sa buong mundo, me pangit din na gawa sa tanang buhay nila. Kaya, chill ka lang kapag medyo hindi mo na alam kung saan papunta iyang isinusulat mo, kapag medyo tunog utot iyang tula mo, kapag medyo lasing ang grammar mo, kapag medyo gasgas ang mga linya ng bida mong lalaki, kapag medyo tanga ang bida mong babae, kapag walang kalatoy-latoy ang ending mo, walang climax, ganyan, chill lang. You are doing great. Bahagi iyan ng buhay ng isang manunulat. Ang ano? Ano pa, e di iyong mga pangit na akda. Ang importante, hindi ka titigil sa paglikha. Hindi ka titigil sa pagbabasa, sa pagsusulat, at paglalathala. Hindi lahat ng tao ay ipinanganak na may kapangyarihang humawak ng mga salita. Iilan lang tayo. Kaya, huwag tayong magmaramot. Yes, ang pagiging sobrang perfectionist ay pagiging madamot. Kasi, ikaw lang ang humuhusay nang humuhusay sa napakatagal mong proseso. Sa madaling salita, sulat lang nang SULAT, Pilipinas!

Kung may tanong, komento o suhestiyon, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Muli, maraming salamat sa pagkakataon!

Thursday, February 4, 2016

Kuwento ng Isang Pilipino, Kuwento ng Isang Grace Poe

Dulang Pangradyo ni Beverly W. Siy


MGA TAUHAN:

GRACE POE, toddler, bata, adult
SAYONG MILITAR, babae, 40s
TESSIE VALENCIA, babae, 40s
SUSAN ROCES, babae
FERNANDO POE, JR., lalaki
NEIL LLAMANZARES, lalaki, 20s-30s

GRACE POE (voice over):
Ako si Grace Poe, isang Pilipino. Ako ay ipinanganak dito sa ating bansa. Dito rin ako lumaki at pinag-aral ng aking mga magulang. Sa kasalukuyan, masigasig po akong naglilingkod sa ating bayan.

Wala pong duda. Sa puso, sa isip, ako po ay Pilipino.

At ito ang aking kuwento.

SCENE I

GRACE POE (Voice over, music na may pagkamisteryoso ang himig):
Madaling araw, a-tres ng Setyembre, 1968, isang babae ang pumasok sa Katedral ng Jaro sa Iloilo. Siya si Sayong Militar.

MADALING-ARAW. TAHIMIK NA TAHIMIK SA LOOB NG SIMBAHAN.

SAYONG MILITAR (pabulong):
Panginoon, iisa lang naman ang ipinagpaparito ko sa simbahan tuwing umaga. Iisa ang hiling ko at ng aking asawa: bantayan po Ninyo ang mga anak namin. Nawa’y hindi sila magkasakit, lalo na ngayong tag-ulan. Mapapaliban po kasi sa eskuwela kung dadapuan sila ng anumang karamdaman. Salamat po, Panginoon. Ito ang aking dalangin, amen.

(lalakas nang kaunti ang boses)

Makabalik na nga. Mag-aalmusal pa ang mga anak ni Mam.

FOOT STEPS KASABAY NG UHA NG BATA. PAPALAKAS ANG UHA NG BATA

(pabulong)

Aba, ano’ yon? Uha nga ba? Aba, ano i… ay, ay, bakit may kumot dito sa benditahan?

MALAKAS NA UHA NG BATA.

(pahisterikal)

Dugo? May dugo ang kumot! Diyos ko, Diyos ko! Isang sanggol!

KALEMBANG NG CHURCH BELLS. MODERATE NA INGAY NG MGA TAONG PAPASOK NG SIMBAHAN.

SCENE II

GRACE POE (voice over, malamyos/malungkot na musika):
Inalagaan ako ni Nanang Sayong hanggang sa ako ay magdalawang taong gulang. Pero nang maglaon, hindi na kinaya ni Nanang Sayong at ng kanyang asawa ang magpalaki at magpaaral ng isa pang bata dahil lima na ang kanilang anak. Kaya’t nagdesisyon sila.

SAYONG (hindi matigil ang pagnguyngoy, patigil-tigil dahil sa sobrang paghikbi):
Tessie, salamat! Kayhirap ng buhay namin, alam mo ‘yan. Kaya inihahabilin ko na sa iyo ang batang ito.

TESSIE (naiiyak din):
Oo, Sayong. Salamat sa pagtitiwala mo sa akin. Aalagaan ko nang maigi itong si Mary Grace.

GRACE POE (boses ng 2 year old na bata, umiiyak din, pasingit-singit siya sa mga salita ni Sayong):
Nanang! Nanang Sayong!

SAYONG (hindi matigil ang pagnguyngoy, patigil-tigil dahil sa sobrang paghikbi):
Tessie, mangako ka! (iiyak nang malakas) Alagaan mong mabuti si Grace! Biyaya at kaloob ng langit iyang si Grace. (iiyak nang malakas) ‘Wag ka nang umiyak, anak. Mabait naman ang Tita Tessie mo.

SCENE III

GRACE POE (voice over, pagpapatuloy ng musika sa Scene II):
Kinupkop ako ni Tessie Valencia, ang isa sa mga amo ni Nanang Sayong. Nang panahon na iyon, mahilig sa artista at showbiz si Tita Tessie. Siya pa nga ang presidente ng fans club ni Susan Roces noon. Ito ang dahilan kung paano ko nakilala ang babaeng nag-ampon sa akin at tuluyang nagpalaki. Katuwang niya ang lalaking itinuturing kong ama, walang iba kundi si Fernando Poe, Jr.

MODERATE NA INGAY SA ISANG CHILDREN’S PARTY.

MGA BATA (nagpapalakpakan, umpisa ng kanta):
Happy birthday, Mary Grace!

GRACE POE (8-9 years old):
Mamya na! Teka lang… wala pa ang tatay ko!

ISANG BATA:
Kantahan na, para makain na natin ang cake mo!

GRACE POE (8-9 years old):
E, saglit na lang. Teka, parating na iyon. Teka…

MGA BATA (nagpapalakpakan)
Happy birthday, Mary Grace! Happy birthday, Mary Grace. Happy birthday, happy birthday, happy birthday, Mary Grace! Yehey!

SUSAN ROCES:
Bago mo hipan ang kandila, anong wish mo, anak?

GRACE POE (7-8 years old, nagmamaktol):
E, sana, Mommy Susan, tapos na ang shooting ni Daddy Ronnie. Para kasama
natin siya ngayon. Siya ang mag-i-slice nitong cake.

FPJ (masayang-masaya, malakas ang boses):
A… sino ba ang absent?

GRACE POE (gulat na gulat, napakasaya):
Dad! Yey! Huy, kanta kayo uli, narito na ang Daddy Ronnie ko!

MGA BATA (mas masigla, nagpapalakpakan uli, to fade)
Happy birthday, Mary Grace!

SCENE IV

GRACE POE (voice over, may pagka-upbeat na ang musika):
Ang pagmamahal ng aking mga magulang, ang kabutihan at malasakit nila sa akin, ito ang nagpanday sa aking pagkatao. Itinuro nila sa akin ang kababaang-loob at ang pagiging tapat. Sabi ng aking tatay, mangarap ka, Grace, at magpursigi, sapagkat ganyan ang pagkatao ng Pilipino.

MODERATE INGAY SA GRADUATION CEREMONY NG BOSTON COLLEGE. MAY TUMUTUGTOG NA POMP AND CIRCUMSTANCE (OR ANY GRADUATION SONG NA INSTRUMENTAL) SA MALAYO. (SINCE AMERICA ITO, AMERICAN ACCENT ANG INGAY NG MGA TAO.)

EMCEE (American accent):
Mary Grace Poe!

SUSAN ROCES (pumapalakpak at tuwang-tuwa):
Ronnie, napakahusay talaga nitong anak natin. Aba, hindi biro ang makatapos dito sa Boston College. Political Science pa! Ito pala ang ibubunga ng kanyang pagiging kapitan ng debating team noong high school sa Assumption, at ng mga pagpupuyat niya sa UP Manila. Naalala mo? Rebyu nang rebyu sa mga exam niya tungkol sa development studies ‘yang batang iyan. Hindi maawat!

FPJ (tuwang-tuwa):
Oo, Susan. Ganyan talaga pag ang isang Pilipino ay may galing at may puso, kailanma’y hindi sumusuko.

SCENE V

GRACE POE (voice over, mellow/instrumental love song):
Di nagtagal, kumatok sa puso ko ang isang dalisay na pag-ibig. Ikinasal kami ni Neil Llamanzares sa Santuario de San Jose sa Greenhills noong 1991, at nagdesisyong magtrabaho sa ibang bansa para itaguyod ang bago naming pamilya. Tulad ng marami sa pamilyang Pilipino, dinaanan namin ang lahat ng pagsubok, dahil ang pagkayod at pagpapalaki ng mga anak, sabay naming hinarap.

NEIL LLAMANZARES (over phone, stressed na stressed):
Naku, Grace, nagka-emergency meeting kami. Si Hanna lang ang madadaanan ko sa day care mam’ya. Nasundo mo na ba si Brian sa school?

INGAY NG TRAPIKO: MAY BUMUBUSINA, TAKBO NG MAKINA, AT IBA PA.

GRACE POE (kausap si Neil sa phone, tuloy-tuloy siya sa pagsasalita):
Oo, Neil, magkasama na kami. Pero babalik ako ng office. May tinatapos kasi akong report. Naghanda na ako ng ekstrang upuan doon sa table ko para makagawa na ng mga assignment si Brian.

(Biglang sisigla ang boses.)
By the way, manok ang piprituhin ko mam’ya. Hapunan natin. Bumili ka ng pipino bago kayo umuwi ni Hanna para makapagpipino salad din tayo.

NEIL (over phone):
Ay, oo, walang problema! Ingat kayo, I love you. See you later.

SCENE VI

GRACE POE: (voice over, medyo masigla ang boses)
Pamilya ang dahilan ng aming pangingibang-bansa, pamilya rin ang dahilan ng permanente naming pag-uwi. Halalan ng 2004, tumakbo bilang pangulo ang aking tatay. Tumulong kaming lahat sa kampanya. Napakasaya namin nang panahong iyon, dahil magkakasama kami ulit. Pero may iba pa palang hatid ang tadhana.

(malungkot na malungkot)

Natalo sa halalan ang aking tatay at pagsapit ng Disyembre, siya ay pumanaw.

INSERT ACTUAL NA REPORT SA RADYO TUNGKOL SA DAMI NG NAKIRAMAY KAY FPJ. 15-20 SECONDS, OK NA.

SCENE VII

GRACE POE: (voice over, determinado ang boses)
Nagdesisyon kaming mag-asawa na higit kaming kailangan ng aking ina, higit kaming kailangan sa Pilipinas. Kaya nanatili kami rito mula noon. Paglipas ng ilang taon, in-appoint ako bilang tagapangulo ng MTRCB. Sa gabay ko, nadagdagan ang suporta ng gobyerno sa mga indie film, nagkaisa ang iba’t ibang government agency para lalong maprotektahan ang interes ng mga bata, at nagkaroon ng bagong sistema sa klasipikasyon ng mga pelikula at palabas sa sine.

INSERT SOUND BYTE NG MTRCB NA MAY LINYANG “SGP” STRIKTONG PATNUBAY AT GABAY.

SCENE VIII

GRACE POE: (voice over, determinado ang boses)
Lalong umigting ang paniniwala kong kailangan natin ng gobyernong may puso. Kaya tumakbo ako bilang senador noong 2013. At naging makasaysayan ang resulta!

INSERT ACTUAL NA REPORT SA RADYO TUNGKOL SA PAGKAPANALO NI GRACE POE BILANG SENADOR. PRIORITY ANG REPORT SA RADYO NA NAGSASABING SIYA ANG KANDIDATO SA PAGKASENADOR NA NAKAKUHA NG PINAKAMARAMING BOTO SA BUONG KASAYSAYAN NG PILIPINAS. 20 SECONDS, OK NA.

GRACE POE: (voice over)
At ngayon po, bilang Senator Grace Poe, nagpapasalamat ako sa bawat Pilipinong sumuporta sa mga isyu na tinalakay ko at ginawan ng batas sa Senado. Ilan dito ay ang…

INSERT WANGWANG NG PULIS.

Dangerous Drugs Act. Dahil punong-puno na ang salop. Mas madali nang mahuli at maipakulong ang big time na mga pusher ng bawal na droga sa ating bansa! Dapat na talagang kalusin ang salop!

Peoples’ Freedom of Information Act. Para mas madaling mabuking ang mga buwaya sa gobyerno.

Salamat sa paniniwala ninyo sa akin. Lahat-lahat po ay (bagalan ang pagsasalita rito) animnapu’t walong batas at isandaan tatlumpung resolusyon (balik sa normal na pagbigkas) ang naipasa ko sa Senado. Itinaguyod nito ang mga isyung pangkatarungan, kalusugan ng mga bata, pagiging competitive ng ating mga industriya, proteksiyon ng likas na yaman ng Pilipinas, at higit sa lahat… (mariin na mariin, sobrang galit) pagdurog sa mga opisyal ng gobyerno na napakaitim ng mga budhi at magnanakaw.

Maraming salamat sa paniniwala ninyo.

INSERT INSPIRING SONG. PALABAN ANG DATING. NANGHAHAMON.

Pero hindi pa tapos ang laban.

PAIGTINGIN ANG INSPIRING SONG.

Para ganap tayong magkaroon ng gobyernong may puso!

BALIK SA MELLOW NA BAHAGI NG INSPIRING SONG.

Muli, ako si Grace Poe, ipinanganak dito sa ating bansa, lumaki at pinag-aral dito ng aking mga magulang. Masigasig pong naglilingkod sa ating bayan.

(ang pagbigkas ay mariin at proud ang dating)

Dahil sa gobyernong may puso, walang maiiwan!

END THE INSPIRING SONG IN A VERY EXPLOSIVE WAY.

Copyright ng teksto: Beverly Siy- beverlysiy@gmail.com

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...