Sunday, September 27, 2015

Isang Rebyu para sa Heneral Luna

Gandang-ganda ako sa pelikulang Heneral Luna ng direktor na si Jerrold Tarog. Ang pelikula ay handog ng Artikulo Uno Production ngayong 2015. Tungkol ito sa buhay ni Heneral Antonio Luna, ang pinakamahusay na heneral ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Inilahad dito ang background ni Luna, hindi lang pala siya mahusay na taong militar, siya rin ay isang mahusay na manunulat at musikero. Ang pamilyang pinagmulan niya ay kabilang sa alta sosyedad noon kaya't naipadala sila ni Juan Luna sa Europe para mag-aral. Karamihan sa kanyang mga kapatid ay nasa larangan ng sining. Inilahad din sa pelikula ang mga pangarap ni Luna para sa bayan, alam niyang traydor ang America, alam niyang pananakop ang puntirya nito sa atin at hindi talaga pakikipagkaibigan. Naniniwala siyang makakaalpas tayo sa daklot ng bagong mananakop sa pamamagitan ng armadong pakikipaglaban. Pero pasumpong-sumpong ang mga labanan, kakaunti ang armas, kakaunti na lang ang sundalo natin dahil katatapos lang nating gerahin ang mga Espanyol. Higit sa lahat, kakaunti ang suporta ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo sa mga hakbang at batas na ipinapatupad ni Luna. Bukod dito, may mga kalaban din sa politika si Luna, sabi sa pelikula, isa ito sa naging sanhi ng kanyang brutal na kamatayan.

Narito ang aking mga papuri at puna sa pelikula:

Pros:
1. As usual, napakahusay ng acting, lalo na ng lead actor na si John Arcilla. Noong umpisa ay natatabaan ako kay John. Hindi ako makapaniwalang ganon ka-chubby si Heneral Luna nang panahon ng digma. Pero nakita ko ang isang aktuwal na picture ni Luna sa libro tungkol sa kanya na ini-release ng Anvil kasabay ng pelikula. Heyheyhey, chubby nga si Heneral!

Muli, sa acting, nadadarang ako sa tuwing makikipagtalo si John/Luna sa pulong ng gabinete. Tama ang timpla ng kanyang ngalit, hindi OA ang bitiw ng mga salita kahit nanggagalaiti na siya kina Felipe Buencamino, Pedro Paterno at sa mga kumakampi rito. Gusto ko rin ang versatility ng kanyang acting, mula sa seryoso, galit na mode hanggang sa nagmamalasakit, komikal at karinyosong mode, perfect na perfect.

Si Nonie Buencamino ang gumanap bilang Buencamino at talaga namang nakakaasar siya, ang sarap sampalin, kung makakatagos lang ang kamay ko sa screen. Si Mon Confiado rin ay napakahusay bilang Emilio Aguinaldo. Kumbinsido akong eengot-engot talaga siya't hindi makagawa ng desisyon nang hindi kumokonsulta kay Apolinario Mabini (si Epi Quizon ang gumanap dito) at sa iba pa niyang alipores. Dati, ang mga role ni Mon ay goon, rapist, kidnapper sa kung saan-saang pelikula. Ngayon, presidente na siya ng Pilipinas. Tanong lang sa nag-cast, talaga bang sinadya ito para alam agad ng manonood na si Aguinaldo ang kontrabida sa pelikulang Heneral Luna?

Nagustuhan ko rin ang acting ni Mylene Dizon bilang Isabel. Si Isabel ang love interest ng heneral pero siya ay fictional character ayon kay Ria Limjap, ang marketing coordinator ng pelikula. Naka-attend kasi ako ng advance screening at talk ng Heneral Luna sa Philippine Literary Festival na ginanap sa Raffles Hotel Makati noong Agosto. May nagtanong kay Ria tungkol sa katauhan ni Isabel. Sabi ni Ria, si Isabel ay pinagsama-samang babae na naging kasintahan ni Luna. (Oo, namatay nang single si Luna! Walang asawa't walang anak!) Dahil alta nga ang pamilyang pinagmulan ni Luna, ang kanyang mga naging kasintahan ay mula rin sa mga maykaya at makapangyarihang pamilya. Ang bahagi naman ng pagkatao ni Isabel na nagsasabing miyembro ito ng Cruz Roja o Red Cross ay inspired naman ng totoong bayani ng Pampanga, si Nicolasa Dayrit-Pamintuan. Bayani siya dahil napatagal niya ang negosasyon nina Heneral Luna at Heneral Maskardo, dahil dito ay na-delay ang kanilang engkuwentro. Imagine kung natuloy iyon? Pilipino versus Pilipino sa panahon na sinasakop tayo ng mga Amerikano. (Pero paunawa: hindi naging girlfriend ni Luna si Nicolasa, ha? Hahaha!)

Gusto ko rin ang acting ni Arron Villaflor bilang Joven, isa ring fictional character. Isa siyang batang journalist na gustong magtatag ng bagong diyaryo at iniinterbyu si Heneral Luna the whole time. Alegorya ito dahil ang Joven sa Espanyol ay kabataan. Kung ibang pa-cute na actor ang isinali sa cast, baka naging masyado itong conscious sa itsura niya. Si Arron, smooth ang acting. Hindi siya nakakainis, hindi rin niya tinatalbugan sa eksena ang kanyang mga kasama. Nakita ko rin ang seriousness na inaasahan mula sa isang journalist na nagpupumilit makisabay sa lifestyle ng kanyang subject/interviewee.

Si Ketchup Eusebio bilang Capt. Janolino, ang unang umarya ng taga kay Heneral Luna, ay mahusay din ang akting. Nagustuhan ko ang aura niya noong comedy scene pa lang nila ni Heneral. Pero kumulimlim din ang mukha noong bigla siyang nagpakita at lumapit kay Heneral Luna para hiwain ng bolo ang mukha nito. Ang intense ng acting, ng mukha ni Ketchup, ng aura. Napakadilim!

Mahuhusay din sina Joem Bascon bilang Capt. Paco Roman at Archie Almeda bilang Capt. Rusca. Si Joem, matagal ko nang paborito iyan. Consistent ang acting, napanood ko na siya sa Binhi, kapares si Mercedes Cabral, at sa iba pang pelikula. Dito sa Heneral Luna, walang masyadong importanteng linya siyang binitawan, sayang. Siguro ay gusto lang ng direktor na mapokus sa heneral ang kuwento. Walang masyadong mahugot sa acting ni Joem dito bilang Capt. Roman.

2. Ang ganda ng cinematography kasi very cinematic ang karamihan sa mga eksena. Gusto ko iyong ginawang pagfa-flashback para ipakita kung anong klaseng pamilya ang pinagmulan ni Luna. Nag-umpisa ang flashback sa pagbubukas ng pinto ng isang bahay at ang pagpasok dito ng isang batang Luna. Hazy ang eksenang iyon at para kang pumasok sa isang well-maintained na museo na may very articulate na tour guide. Pumasok ang bata sa sala hanggang sa hapag tapos ay lumabas uli ito papunta sa nagpipintang si Luna, pag liko nila ay nasa Casa Armas na sila, isang fencing club na itinatag ni Luna para maging training ground ng mga kabataang Filipino. Ipinakita rin doon ang isang restawran na naging inspirasyon ni Juan Luna para sa painting niyang The Parisian.

Maganda rin iyong battle scenes kahit na medyo kakaunti na lang ang mga sundalong Filipino noon (tipid-tipid sa production cost!) sa field. Kung dinagdagan pa nang konti, sa panig natin at sa panig ng Amerikano, ayos na ayos na sana. Na-highlight din sa cinematography ang mga ilog, parang at bukirin sa Pilipinas (bagama't medyo may pagkakalbo na ito na palagay ko ay hindi masyadong realistiko. Siyempre, mas madahon noon ang mga lugar natin.) Napakaganda rin ng eksena ng pagpatay kay Luna. Pag napanood mo ito, hindi mo ito malilimutan kailanman. Brilliant din iyong pagkaka-frame ng huling saglit sa eksenang ito kung saan nagmukhang Spoliarium (painting ni Juan Luna na nanalo sa Spain) ang paglilipat sa bangkay nina Luna at Roman.

Hanggang dito na muna. Ipagpapatuloy ko sa susunod na pagkakataon ang pagsusulat ng rebyu na ito. Pasensiya na po. Balik po uli kayo.



Cons:




Logo Design at Copyright

Nagkakagulo ngayon sa mundo ng logo design at copyright. Apparently, may isang grupong maghahabla sa IPOPHL dahil ninakaw daw nito ang design na ginawa nila at ito ay ginawang logo ng IPOPHL. It turned out, may middle man sa naging transaksiyon dito. At ito ay ang Design Center of the Philippines. Inutusan ng IPOPHL ang DCP na gumawa ng logo. Ang ginawa ng DCP, nag-hire ng agency para lumikha ng logo. Nang magawa na ito, ang DCP ang nag-present sa IPOPHL at inapprove naman ito ng IPOPHL. Hindi alam ng agency, ginagamit na pala ang kanilang dinisenyong logo!

Aha! Sino ngayon ang dapat managot? Kaabang-abang.

Pero sa ngayon, heto ang statement ng IPOPHL mula sa kanilang website na ipophil.gov.ph:

IPOPHL statement on its logo This statement is in reaction to the article posted on September 22, 2015 by one Kristian Kabuay entitled “Intellectual Property Office of the Philippines steals Baybayin logo”, in the website baybayin.com and other similar posts and blog comments. The IPOPHL logo was designed by the Design Center of the Philippines (DCP) in consultation with IPOPHL officials sometime in August 2011 pursuant to a Memorandum Of Understanding dated July 2011. The concepts of creativity, innovation, colors, and various facets of IP, served as guidance for the logo design. The IPOPHL logo was launched in October 2011 and has been in continuous use to date. The issue on the logo came to the attention of the IPOPHL only on May 25, 2015 or after almost 4 years from its launching, when Baybayin Buhayin, Taklobo Baybayin, Inc. and John Nicolas Lacap Leyson (herein called Baybayin Group) through its counsel sent a demand letter, demanding, among others, for compensation for the design, concept and use of the logo. It must be stressed that IPOPHL has never met nor transacted with any of the officers or members of the Baybayin Group from conceptualization until finalization of the logo. Contrary to the allegation that the Baybayin Group was ignored by IPOPHL officials, meetings with the Group were called on four separate occasions (June 8 and 24, July 14, and August 3, 2015) to clarify their claims and address their concerns. However, when asked how the issue could be resolved, the Baybayin Group, in one of the meetings, reiterated their demand that they be compensated and quoted the amount of PhP 500,000, which IPOPHL declined outright, considering that the same had no factual and legal basis. Baybayin characters are commonly used as in the logos of several government agencies such as the National Museum, National Library, NCCA, AFP and others. Baybayin is an ancient script, and no one has the exclusive right to use it. - See more at: http://www.ipophil.gov.ph/#sthash.eoFYiVyx.dpuf




Thursday, September 17, 2015

Thesis Proposal Presentation ng MP Majors sa BulSU

kauuwi ko lang mula sa thesis proposal presentation ng mga estudyanteng nagme-major ng malikhaing pagsulat (MP) sa Bulacan State University. hanga ako sa mga itinanghal nilang panukalang proyekto.

(at nainggit ako na meron silang ganon. noong time ko as an undergrad (sa ibang paaralan), wala pang thesis proposal presentation. iisa lang ang titingin sa thesis mo. iyong adviser lang. wala ring defense ng thesis noon. magsa-submit ka lang ng final version ng thesis mo. kaya nakakatuwa na may ganitong dagdag na activity para sa mga nag-aaral ng MP kasi mas marami ang titingin sa proyekto mo. mapupulido ito at mapapakinis pa. mas mapapaganda ang mismong thesis.

walo silang nag-present kanina. dalawang estudyante na susulat ng sanaysay at anim naman ang susulat ng dagli.

sanaysay

ang unang presentor ay puzzle ang trope. Piraso at iba pang sanaysay ang kanyang pamagat. medyo buhaghag at vague pa ang kanyang ideya sa isusulat. sabi niya, magsusulat siya tungkol sa mga bagay na bumubuo sa sarili. something like that. ang nasa isip ko, ano nga iyon, te? hahaha ang kulit. wala siyang binanggit na ispesipiko. batay naman sa outline, ang plano nya ay isulat ang buong buhay niya. which i think is too much for a book of essays. mas maganda pa rin na me limit o focus ang topic ng isang libro. tapos katatanong namin, lumitaw na namatayan pala siya ng tatay noong bata pa siya pagkatapos ay nagtrabaho ang mama niya sa ibang bansa. lumaki siya sa tiyahin, at iyon daw ang gusto niyang isulat. there you go! ayun ang focus.

ang ikalawang presentor ay ang intern ko dati. si cathlee olaes. ang trope niya ay biyahe. medyo gasgas, oo, pero ang focus niya ay ang maniobra (na siya ring tentatibong pamagat ng koleksiyon). sabi niya, itatampok sa kanyang koleksiyon ang mga biyahe niya sa buhay (literal at metaporikal) kung saan naligaw siya o nakaengkuwentro ng dead end pero dahil sa pagmamaniobra ay ligtas siyang nakakarating sa patutunguhan. ang pagmamaniobra o pagkabig sa manibela para sa kanya ay katumbas ng pagtanggap sa nakaharap na problema, pagkatuto mula rito at eventually ay ang pag-move on. natuwa ako sa title dahil may salitang obra at isa iyon sa tinanong ko kung napili ba niya ang salitang iyon dahil sa obra. hindi raw, ahahaha! inilantad din niya ang takot niyang bumiyahe mag-isa halimbawa pa-metro manila. nang ungkatin ko ito, sinabi niya na wala kasi siyang kasama at wala kasing sasakyan. so lumabas na medyo may pagka-middle class ang kanyang punto de bista. pero promdi. so, promdi na middle class ang punto de bista. ang nai-suggest ko rito, mas maganda na ipaliwanag niya na bulacan ang kanyang kilometro zero.

dagli

connect-disconnect
kaibigan ni cathlee si ac, ang presentor. ilang beses ko nang na-meet ang batang ito sa mga pampanitikang okasyon. masigasig talagang matuto tungkol sa panitikan at pagsulat. hindi ko masyadong na-appreciate noong una ang kanyang presentation. ang haba kasi ng paliwanag niya tungkol sa broken family, ang kanyang paksa. ipinaliwanag din niya kung paanong naaapektuhan ang bawat miyembro ng pamilya kapag dinaranas nila ito. may binanggit din siya na burol at libing na hindi ko talaga naintindihan. sa buong presentasyon niya, ang nagustuhan ko lang at naintindihan ay ang halimbawa niya ng dagli. ito ay isang facebook chat ng isang mag-ama tungkol sa pagbili ng bahay. ang gaan ng mga salitang ginamit niya sa kanyang akda. ang gaan ng flow pero ambigat ng ending. boom. hindi mo aakalain na ganon ang ending. therefore, ang talino ng design. later, nong nag-uusap na kaming mga panelist tungkol sa proyekto ng mga estudyante, naikuwento ni bayviz (isa sa mga guro sa bulsu at naging kaklase ko sa MP noong undergrad at siyang nag-imbita sa akin sa BulSu) ang konteksto ng burol at libing na nabanggit ni ac sa proposal niya. may namatay na kamag-anak sa ama si ac. at doon mismo, sa burol at libing nito, nalaman niyang may first wife at mga anak ang kanyang tatay. ang tatay niya ay isang ofw. so ang gusto palang isulat ni ac ay ang nangyayaring disconnect sa kanilang magtatay sa tuwing magko-connect sila (via FB chat) dahil iniri-reveal ng kanyang tatay sa kanya ang lahat-lahat sa mangilan-ngilang pagkakataon ng pagko-connect nila sa isa't isa. ang galing, di ba? matalino ang design. kailangan lang i-revise ang thesis proposal dahil mas nagpokus iyon sa pagpapaliwanag sa konsepto ng broken family.

namamahay
valiant ang pangalan ng nag-present. pinakagusto ko ito sa lahat dahil ang ganda at very filipino ang konsepto ng namamahay. sabi ni valiant, ang tagal nilang nangupahan sa Maynila. nang makabili sila ng bahay sa bulacan, lumipat sila agad dito pero saka siya nakaramdam ng matinding pagka-out of place, saka siya namahay. lagi raw niyang nami-miss ang buhay nila sa caloocan. so tungkol din ito sa displacement, pero this time, hindi maynila o sentro ang nagdi-displace sa kanya kundi ang provincial at periphery. ang galing di ba? ang winner ay ang pagkakahati ng mga akda: at home na makikitaan daw ng parikala dahil at home ang termino, ibig sabihin ay bahay na nilang talaga ang kinaroroonan niya pero feeling nga niya ay hindi pa rin siya at home. ang ikalawa naman, terrace, dahil ang lugar daw na ito sa bahay ay alanganing nasa loob at alanganin ding nasa labas. gandang-ganda rin ako sa halimbawa ng akda niya na tungkol sa isang kauuwi lang na OFW. Pinagkaguluhan ng pamilya ng bida ang maleta nito. pero ang mismong bida, hindi pinapansin ng sariling pamilya. nagkaroon tuloy siya ng panahong mamasdan ang mga picture frame sa sala. buong pamilya ang naroon, siya lang ang wala. saka siya nagtanong sa sarili, gaano na nga ba katagal siyang nawala sa kanilang tahanan?

silang nananatili
may problema ako sa panukalang pahayag nito dahil may pagka-awkward ang pagkakasulat. pero napakaganda ng konseptong papel na ito. kabaliktaran ito ng namamahay. ang writer ay ilang ulit na lumipat ng apartment kasama ang kanyang pamilya. napadpad sila sa baguio, benguet at, finally, sa bulacan. para bagang wala silang sense of permanence. pero ang nakakapagtaka roon, parang na-at home ang estudyanteng ito sa ganon, sa palipat-lipat. kaya ang para sa kanya, may mga naiiwan, may nananatili kahit sa mga bagay na saglit lang at panandalian. iyon ang itatampok niya sa kanyang mga sulatin. kung sa koleksiyon na namamahay, ang mananaig na damdamin ay ang paninibago at di mapakali sa something na permanente, ito namang silang nananatili ay kampanteng kampante sa mga hindi permanente. ang ipinakitang akda ng estudyanteng manunulat ay tungkol sa isang tenant na wala nang perang pang-upa kaya katawan na lang ang ibabayad sa may ari ng apartment. mahusay magtimpi ang panulat niya. at nakakatuwa rin na may usaping pangkababaihan na nasangkot sa dagling ito.

bagong nayon
wala sa naratibo ng mga taga baliwag ang pag-unlad ng baliwag, iyan ang panukalang pahayag. dito ako pinaka-impressed dahil extensive ang pagbabasa ng presentor na si michael angelo santos. tanging siya ang nagbasa ng mga lumang aklat (halimbawa ay ang magmamamani ni teofilo sauco na taga baliwag din). karamihan sa mga librong nabasa at nakatala sa thesis proposal ng ibang estudyate ay puro contemporary pinoy books (benta si eros sa kanila, si ricky lee, sina amang jcr at abdon balde, jr.) at halos pare-pareho ang title/genre at iba pa. napakalinaw din ng gustong mangyari ng writer sa thesis niya kasi may focus agad ang kanyang paksa (danas ng pagbabago sa landscape ng baliwag) at ang paraan ng pagpresent niya sa harap, napaka-passionate, halata na personal niyang krusada ang proyekto, tubong baliwag siya. kung sa iba, hindi idinedeklara ang kilometro zero, ito tukoy na tukoy: ang baliwag. na-appreciate ko ang gagawin niyang pagtalakay sa changes na nagaganap sa isang lugar sa pamamagitan ng pagkukuwento ng kuwento ng mga kababayan niya (ginawa ko rin ito sa mens world, complete with mapa pa!). ipapakita rin niya hindi talaga beneficial ang changes na nagaganap sa kanilang lugar.

iglap sa danas ng teknolodyi
epekto ng iba't ibang media sa kabataan ng kontemporanyong panahon ang paksa ng akda. nais talakayin ng estudyante rito ang pagiging fleeting ng mga bagay-bagay lalo na sa mundo ng internet at social media. para sa kanya, isang iglap na lang ang lahat, wala nang nagtatagal at iyon ay dahil sa pagpasok ng teknolohiya sa pagkatao ng tao, particularly ng kabataan. ang maganda sa plano ng estudyante ay hindi lang siya sa pormal na mga teksto kukuha ng datos o ng ideya kundi maging sa confessional pages sa FB, testimonials sa internet, love stories sa radyo at balita sa TV. sa lahat ng nag-present, siya lang ang may planong lumabas sa mundo ng mga aklat para sa kanyang sanggunian. ang sample niyang akda ay nagsaad ng personal niyang danas nang makatagpo ng mamahalin sa pamamagitan ng isang website para sa mga naghahanap ng lovelife. nagkakilanlan sila nang maigi sa Facebook pero di nagtagal ay nag-break din sila, ni hindi man lang nagkita ang dalawa. ang kanilang relasyon ay nabuo sa isang iglap ngunit nagtapos din sa isang iglap. by the way, teknolodyi talaga ang spelling ng estudyante sa salitang iyan.

malisya
haunting ang laman ng kanyang proposal. mga erotikang dagli ang nais niyang isulat pero ang isa sa mga tatalakayin niya ay ang karanasan ng mga batang nakaranas ng sexual abuse. medyo nalito ako. paanong magiging erotika iyon? buti na lang at naitanong ito ni makis sa estudyante. ang paliwanag ng estudyante, nais niyang ipakita na ang mga tulad niyang nakaranas ng sexual abuse noong bata ay nag-iiba ang tingin sa mga bagay-bagay. halimbawa, nagiging malaswa ang simpleng pagkain ng ice candy. sa lahat ng proposals, ito ang consistent sa gamit ng salita. mahalay all the way. pero walang bago rito at madali ito kung tutuusin dahil madaling matukoy ang mga salitang puwedeng-puwedeng gamitin kung nais mag-joke tungkol sa sex. akala siguro ng estudyante ay bago ito at daring dahil sa kanilang lahat, siya lang ang tatalakay sa sex. back to proposal, sabi ng estudyante, gusto niyang patunayan sa mga tao na kapag ang isang kabataan ay may malisya ang tingin sa bagay-bagay at malisyoso magsalita, hindi ito dahil sa malisyo lamang ang estudyante, gusto niyang sabihin na may malalim na dahilan kung bakit iyon ganon. at ang dahilan nga ay usually raw nakaranas ng sexual abuse ang ganong kabataan. ganon nga raw ang nangyari sa kanya at sa marami sa kanyang kakilala. Hindi ako masyadong nakapag-react dito dahil ang slow ko that time, parang internet lang hahaha pero nakapagsalita na ako nang maayos noong kami-kami na lamang mga panelista ang nag-usap-usap. ang verdict, hindi erotika ang dagli na gustong isulat ng estudyante. nagkamali lang ito ng gamit ng salitang erotika. ang sample niyang akda ay napakaganda. very disturbing! tungkol ito sa tatlong batang naglalaro ng taguan.



pagkatapos ng presentasyon ng lahat ng estudyante, nagpulong ang mga panelista (ako, sina professors deane camua, bayviz calleon, makis magaling, orly pineda at rael -sori nalimutan ko ang apelyido niya!) at kinalap ang mga rekomendasyon para sa bawat estudyante. pagkatapos niyon ay nagmungkahi ako na kilalanin ang kahusayan at strength ng bawat presentor sa pamamagitan ng paggawad ng.... either isang pirasong C2 or isang piraso ng tinapay with tuna, hahaha

so eto iyong mga ginawaran at ang kanilang strength at kahusayan

PINAKA-MMK award- Piraso at iba pang sanaysay
PINAKA-WELL WRITTEN ang hand out award- iglap sa danas ng teknolodyi
PINAKAMAHUSAY NA PRESENTOR award- bagong nayon
PINAKAMAHUSAY NA KONSEPTO award- maniobra at iba pang sanaysay
OVERALL NA PINAKAMAHUSAY award- Namamahay
PINAKA-EKSPERIMENTAL sa anyo ng sample na akda award- connect -disconnect
PINAKA-WINNER SA MAMBABASA award- may permanente sa panandalian
PINAKAMAHUSAY NA MANUNULAT batay sa sample na akda- malisya

sabi ni deanne, ang course na MP ay kadalasang nagiging second choice lang ng mga estudyante sa BulSU. Tipong kapag bumagsak sa Engineering, doon lilipat, sa MP. Nakakalungkot, 'no? Pero hindi naman isolated case ito. Ganyan din naman sa UP. ang daming nagtapos doon ng MP o Creative Writing, na ang dating major ay Engineering, Chemistry, Math at iba pa. Kung ikukumpara kasi sa ibang course, hindi pa ganon kapopular ang MP kaya kakaunti pa lang ang talagang nag-eenrol dito o di kaya ay ang pumipili rito bilang first choice nilang kurso.

Mukhang matagal pa bago magkaroon ng sariling quota ang kurso na ito. mukhang matagal pang magiging tagasalo ng estudyanteng galing na sa ibang kurso ang kursong MP. mabuti na lang, sa ngayon ay napapanatili ang mataas na kalidad ng mga output sa kursong ito sa pamamagitan ng matinding pag-aalaga ng mga guro sa talento ng mga MP student. kabi-kabila ang mga workshop at presentasyon ng akda tulad ng poetry reading at pagpapalabas ng dula. nakita ko ang sigasig ng mga guro para magabayan sa kanilang pagsusulat ang mga estudyante. kapag nagsasalita sina Bayviz at Makis noong nangangalap na ng rekomendasyon ang mga panelista, halatang kabisado nila ang akda at poetics ng kanilang estudyante.ibig sabihin, tutok sila sa mga ito.

isang hakbang tungo sa pagpapatatag ng kursong MP ang pag-i-institutionalize ng thesis proposal defense ng mga graduating student. kaya binabati ko ang lahat ng guro, kasapi ng admin at pati na ang mga estudyante sa pagtataguyod nito. congrats talaga. napakahirap nitong gawin. ubos-oras-energy-pera. pero pinagsisikapan ninyo pa rin itong magawa at magawa nang mahusay. sana ay tularan kayo ng iba pang pamantasan o anupamang educational institution na may kursong Malikhaing Pagsulat o Creative Writing.

Para sa panitikan, para sa bayan.






Wednesday, September 16, 2015

Sa Tandag (Isang tula para sa mga lumad)

ni Beverly W. Siy

Dalamhati ang nagdala
sa pagal na mga paa
ng laksa-laksang mga saksi
sa pagbaril kay Onil.*

Sa naglalawang luha at luksa,
Isiniwalat nila sa kapwa salat
Ang paisa-isa at paunti-unti
Na pagkitil sa kanilang uri.

Ti​punin ​man nila ​ang ​kanilang mga tinig​,​
Kailanma​'​y di makakarma ang ​mga ​nakaarmas.

Sapagkat magkasabwat
ang batas at ang na​sa i​taas​.​

*Palayaw ni Dionel Campos, isa sa mga pinuno ng lumad na pinatay diumano ng puwersang Magahat-Bagani noong 1 Setyembre 2015 sa Lianga, Surigao del Sur.


Tuesday, September 15, 2015

Sa Tiyan ng Maliit (Isang tulang pambata tungkol sa kalikasan)

ni Beverly Siy

Akala ng isda, pagkain.
Akala ng ibon, puwedeng tukain.
Sa plastic bag ay ganyan ang tingin
Nitong mga hayop sa langit at baybayin.

Kaya bago magtapon ng plastic,
huminto saglit at mag-isip-isip.
Baka pupuwede pa iyang magamit
Kaysa mapunta sa tiyan ng maliit.

Saturday, September 12, 2015

Mabuti ang Magmuni

Mabuti ang Magmuni

ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi ng pahayagang Perlas ng Silangan Balita mula sa Imus, Cavite

Kulang na tayo sa pagmumuni ngayon.

Nang maimbento ang salitang disposable, wala na tayong pangingimi sa pagbili at pagtapon ng mga bagay-bagay pagkatapos ng isang beses na paggamit. Hindi na natin pinag-iisipan kung kailangan ba nating talaga ang disposable na kutsara, tinidor, plato, baso, lalagyan, diaper at iba pa. Hindi na natin pinag-iisipan kung ito lang ba ang puwedeng gamitin. Hindi na tayo humihinto para mag-isip kung may alternatibo ba para sa disposables. Imbes na ito, ano pa ang puwedeng gamitin? Hindi na rin natin pinag-iisipan kung saan napupunta ang mga disposable pagkatapos nating ihagis sa basurahan ang mga ito. Basta bili lang nang bili, gamit nang gamit, tapon nang tapon. Tuloy, pataas nang pataas ang bundok ng basura. Pasikip nang pasikip ang mundo.

Nang maimbento ang salitang unlitext, wala na tayong pangingimi sa pagte-text. Libre na kasi, wala nang katumbas na piso ang bawat pagpapadala ng mensahe at pagre-reply natin sa mga ito. Kaya kahit walang malaking dahilan, magte-text tayo, kung kani-kanino. Kahit hindi makabuluhan ay ipapadala natin ang mga text natin. Kahit hahaha lang, LOL (laugh out loud) at smiley, ipapadala pa rin natin sa ating mga ka-text, paulit-ulit pa nga ang pagpapadala. Hindi na natin pinag-iisipan nang maigi kung ano ang mensahe natin. Unlitext nga kasi, kahit ilan, puwede, therefore, kahit ano ang sabihin, puwede.

Nang maimbento ang salitang digicam, wala na tayong pangingimi sa pagkuha ng retrato, lalo na ng ating mga sarili. Kahit nasaan tayo, kahit anong kinakain natin, kahit mukha lang natin ang tampok sa retrato, kuha lang nang kuha. Kasi, hindi naman na kailangang gastusan at ipa-develop ang mga retrato ngayon. Kita mo agad ang imahen sa isang klik lang. Kaya wala rin tayong habas sa pagklik. Hindi na ito pinag-iisipan. Hindi na pinag-iisipan kung ano ang halaga o kabuluhan ng pagtatampok sa mga bagay-bagay. Hindi rin natin pinagmumunihan ang tunay na silbi ng digicam at ng lente nito. Kaya hindi natin nama-maximize ang kapangyarihan nitong magtampok at magdokumento ng isang hiwa ng lipunan at yugto ng panahon.

Dahil sa mga ganitong salita at sa mga kaugnay nilang konsepto at bagay, nababawasan ang iilan na nga lang na pagkakataon nating mag-isip at magmuni-muni. Ano ang implikasyon nito? Mapanganib ba ito?

Oo.

Dahil ang totoong pag-unlad ay nagaganap lang sa taong may kakayahang mag-isip nang malalim sa kanyang sitwasyon. Napapabuti niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagmumuni-muni, nakakapag-isip siya ng tunay at pangmatagalang solusyon sa kanyang mga problema. Mas napag-iisipan niya ang mga bagay na talagang kailangan upang mabuhay. At matutuklasan niyang ang mga ito ay hindi disposable, hindi kailangang idaan sa napakaraming text, at hindi nahuhuli ng kahit ilang klik ng digicam.

Ganitong indibidwal ang nagsisilang ng lipunang may dangal.

Kung may komento, mungkahi o tanong, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Tuesday, September 1, 2015

Inisa-isa ni Nanay (Isang Tulang Pambata)

ni Beverly Siy

Inisa-isa ni Nanay
Ang mga daliri ko sa kamay.

Mahaba at pinakapunggok,
Sinisipsip hanggang mangulubot
Itong si hinlalaking nag-aaprub!

Samantala, ang pinaka-adventurous:
Si Hintuturong makulit at malikot,
Butas man ng outlet ay kanyang pinapasok!

Pinakamatangkad at laging number three
Ang hinlalatong ubod ng friendly.
Ayaw kasi niyang umalis ang mga katabi.

Sunod naman ay ang pinakatahimik.
Kahit pa anong gawing pagpitik,
Itong palasingsingan ay hindi iimik.

At ang pinakakyut sa kanila,
si hinliliit na laging una sa pila,
sikat na sikat bilang "isa."

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...