Saturday, April 7, 2012

Opera VS Broadway

Last March 26, 2012, inimbitahan si Poy para mag-document ng isang benefit concert sa EDSA Shangri-la Hotel. Wala akong balak na um-attend. Siya na lang kako. ‘Kala ko kasi, mag-i-stay ako sa opisina hanggang mga 7pm that day. Kaya lang, maaga kaming umalis ng opisina. Nag-meeting kaming apat na mag-oopismeyt sa Robinson’s Galleria. May hatid na sad news ang bosing ko. At nalungkot naman kaming tunay.

Dahil malapit ang lokasyon ko sa EDSA Shangri-la, tinext ako ni Poy na pumunta sa benefit concert pagkatapos ng meeting. Dala-dala ang lahat ng alalahanin at lungkot, lumarga na ako papunta doon, mga 6:45 ng gabi.

At buti na lang talaga, sumunod ako. Masayang nagtapos ang aking gabi.

Opera VS Broadway ang title ng concert. Tampok dito ang isang baritone from Hongkong na si Wayne Yeh, isang napaka-versatile na Pinay broadway singer na si Lissa Romero de Guia at isang napakahusay na pianista, si Mary Anne Espina. Inorganisa ito ng Art of Living Foundation para sa mga biktima ng bagyong Sendong.

Salit-salitan sina Wayne at Lissa sa pagkanta at kahit nag-iisa ay nado-dominate ng kanilang presence ang stage. Siyempre pa, mas type ko ang performance ni Lissa. Nai-imagine ko si Lea Salonga kasi magkamukha sila at mas matangkad lang nang konti si Lea Salonga. Napakaganda ng pagkanta ni Lissa, parang ipinanganak siya para lang kumanta nang kumanta. Nakapako ang mata ko sa mukha niya kapag kumakanta na siya kasi punong-puno ito ng emosyon. Para bang wala siya sa stage, parang walang ni isang tao sa harap niya. Nandoon siya sa mundo ng persona sa kanyang awit. Ibang mundo, ibang dimension. At halos ma-imagine ko ang mga ‘yon dahil sa kanyang facial expression at boses na talaga namang napakahaba ng range. Maganda rin ang repertoire, mostly pambabae talaga ang kanta kaya nakakasakay ako sa mga sentimiento ng persona. Sa totoo lang,
siya ang pinakamahusay na singer na napanood ko nang live. Mesmerizing is the perfect word.

Si Wayne, mostly religious songs ang kinanta, tulad na lang ng Ave Maria at Our Father. (Kaya rin siguro hindi ako masyadong naka-relate, hahahaha). Hindi ako nagandahan nang todo sa kanyang boses pero palagay ko, mas maganda ang performance niya kung hindi siya gumamit ng mikropono. Kasi by itself, sobrang powerful na ng boses niya, e. Pinakagusto ko ang last song niya kasi, bagama’t di ko siya kilala nang personal, mukhang playful ang taong ito. In fact, siya ang unang kumanta sa concert at engrande ang kanyang pagpasok. Boses lang niya ang maririnig habang ang dilim-dilim ng paligid. Tapos biglang nabuhay ang isang spot light at nakatutok ito sa bandang likod ng venue. ‘Yon pala, andoon siya at nag-aabang ng kanyang shining moment. He was wearing sunglasses. Upbeat ang kanta niya at ang body language niya hanggang sa makarating siya sa stage. Para nga siyang nagba-bounce sa energy. At ganon din ang kanyang last song, very playful.

May mga duet din ang dalawa. Nagbe-blend sila nang maayos, nag-i-stand out lang talaga ang boses ng babae. (hehehehe I’m so proud to be a girl kapag may ganong sitwasyon.) Pinakapaborito ko ‘yong duet nila kung saan nagko-compete sila sa isa’t isa. Nakakatawa ang ginagawa nila sa kanilang mga boses, sa speed at tone. Sasabihin no’ng isa, I can sing more softly, tapos ‘yong paraan ng pagsasabi niya ng salitang softly ay talagang soft. Tapos hihirit ang isa ng No, you can’t sa paraang mas soft. At hihirit uli ang isa ng Yes, I can sa mas soft to the third power. Paulit-ulit sila hanggang sa di na mapigilan ng audience ang tumawa. ‘Yong isa nilang salitan, nag-umpisa sa I can sing faster. Imadyinin n’yo na lang kung ilang micro second nagtagal ang segment na ‘yon. With choreography pa ang dalawang singer kaya aliw talaga.

Mary Anne, the pianist was also great. Sobra ding versatile. Kayang-kaya niya ang seryosong mga kanta at ang fast-paced, mas masiglang mga piyesa. Lumilipad ang mga daliri niya sa mabibilis na kanta. May assistant siya sa kanyang tabi para ilipat ang pahina kasi nga sa sobrang bilis ng kanta, mawawala siya sa beat kapag siya pa ang naglipat ng pahina. (First time kong nakakita ng ganon. Noong una, akala ko, dalawa silang pianist. Siguradong pianist din ang kasama niyang babae, parang nakakabasa ito ng mga nota kasi alam na alam niya kung kailan siya lalapit para maglipat ng pahina. At tutok na tutok siya sa performance ng tampok na pianista. Pag nga naman napaaga siya ng paglipat o nahuli kaya, siguradong papalya ang pagtipa sa ilang notes.)

Kitang-kita rin ang enthusiasm ng pianista sa pagtipa sa piano dahil sa movement ng kanyang katawan. E, para nga siyang sumasayaw, lost in the music, ganon. Hindi rin siya kailanman nag-“stutter”. Mabilis ang communication niya with singers kasi parang alam na alam talaga niya ang sequence sa bawat set. Minsan, isang tango lang ni Lissa, uumpisahan na niya ang pagtugtog. Minsan, titingin lang si Wayne, titipa na siya. Siguro matagal-tagal din ang kanilang rehearsal at practice kasi handang-handa ang tatlong performers. Ang galing talaga.

Tungkol naman sa iba pang aspekto ng konsiyerto, natuwa ako sa stage design. Bagama’t simple lang siya ay nakadagdag ito sa mood ng buong event. May isang rectangle na panel as background. Nababalutan ito ng telang may pagka-maroon ang kulay. Medyo dark ang overall na kulay ng tela. Halos wala itong design actually, walang nakasulat, walang nakasabit na tarp o banner. Sinadya siguro ito para maka-focus ang audience sa musika. Off with the visuals, something like that.
Very timely din ang hirit ng mga ilaw. Kapag religious ang song, isang maputing ilaw lang ang nakatutok sa singer at sa pianist. Pero kapag masigla ang song, malikot ang mga ilaw. Maharot din, parang ‘yong music lang. Hindi nakaka-distract, nakaka-enhance pa sa ganda ng show.

Tahimik ang audience sa bawat performance. Pero prompt at masigabo ang palakpakan after every piece. Pormal ang suot ng ilan sa kanila, as in evening gown. Pero meron din namang naka-semi formal at tulad ko na casual office attire ang suot. May bata, may matanda, babae’t lalaki. Karamihan, mayayaman tingnan (siyempre, hindi ko naman sila kilala, paano ko masasabing mayaman silang talaga?). Marami-rami din ang foreigner, Caucasians at Asians mostly.

Bago magsimula ang second set, isang babae’t isang lalaki (ilan sa mga organizer) ang nagsalita tungkol sa Art of Living Foundation. Ipinakilala nila ang foundation at nag-imbita sa kanilang mga yoga at meditation activity. Nagpasalamat din sila sa pagdalo ng lahat, halos napuno ang Isla Ballroom ng EDSA Shangri-la Hotel! Nakalimutan kong banggitin, meron ding art auction na naganap sa labas ng Isla Ballroom bago at habang idinaraos ang concert. Mapupunta din ang proceeds nito sa Sendong victims. Palagay ko, malaki-laki ang halagang na-raise ng event na ito. Happy!

Bago kami umuwi ni Poy pagkatapos ng concert, ipinakilala siya ni Pau kay Babeth Lolarga. Hihiram daw ng mga retrato si Babeth kay Poy at gagamitin sa article para sa Vera Files. Na-publish nga online ang article ni Babeth at mga retrato ni Poy pagkaraan lang ng ilang araw.

Heto ang link:
http://verafiles.org/opera-vs-broadway-for-sendongs-survivors/

I am so proud!

Kahit maraming nakakalungkot na pangyayari sa trabaho ko, itchokei. To lift my spirits up, something will always come my way.

Universe, salamat, ha? Lagi.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...