ni Bebang Siy para sa KAPIKULPI
Bago sumakay ng dyip, alalahanin kung saan papunta. Or bago man lang mag-abot ng bayad, alalahanin naman kung saan bababa. Para masasabi mo ito sa ating driver.
‘Yan ang lesson for today, my dear pasaheroes. Na-realize ko ito dahil sa isang matandang babaeng nakasakay ko kamakailan lamang.
Katabi ko siya at sa gitna kami nakaupo. Pag-abot niya ng bayad, maagap kong sinalo ang perang papel para iabot sa katabi kong kapwa pasahero at para naman iabot niya sa kundoktor. (Sosyal ang driver, 'no? May kundoktor para sa bayaran at suklian.)
Nagbigay ng bente ang matandang babae. Pangalanan natin siyang San Chai, tutal naman ay tsinita siya at mahaba ang kanyang buhok, may uban-uban nga lang. Pagkatanggap sa bente, biglang lumingon sa amin si kundoktor. Itago natin siya sa pangalang Paul Goso.
“Saan po ito?” tanong ni Paul Goso.
“Sa ano,” umaarangkadang sagot ni San Chai.
“Saan po?” tanong uli ni Paul.
“Sa…” nagtangka si San Chai na sagutin ang komplikadong tanong. Pero siya’y nabigo.
Dahil nakasimpleng blusa at puruntong short itong si San Chai, siguro ay napagkamalan ni Paul Goso na mamamalengke ito. “Sa may palengke po?” tanong ni Paul.
“Hindi,” sagot ni San Chai.
Mahabang patlang ang sumunod.
“Sa?” nangulit uli si Paul Goso.
“Sa ano nga,” sabi naman ni San Chai.
“Sa may Tramo?” tanong uli ni Paul Goso.
Tuluyan na akong napalingon sa dalawa. First time kong maka-engkuwentro ng Pinoy Henyo sa loob ng dyip. Palagay ko, first time din ng iba pang pasahero. Lingon silang lahat.
“Hindi, hindi,” nagmamadaling sagot ni San Chai.
Gumewang-gewang ang ulo ni San Chai at humahagibis sa pagkumpas ang kaliwa niyang kamay habang ang kanang kamay ay nakakapit sa sabitan ng mga braso.
“Sa Manggahan po?”
“Hindi!”
Nababanas na ang boses ni San Chai. Hindi ako magtataka kung bigla siyang atakihin sa puso right there and then.
“Sa may ano nga,” buong diin na sagot ni San Chai. Bumabangkiki na ang mukha niya sa magkabilang side ng dyip dahil sa inis. (Parang mukha ni Christian Bautista kapag bumibirit.)
“Sa may ano. Doon. Doon ako bababa,” buong conviction na sabi ni San Chai.
Malaki yata ang premyo ng Pinoy Henyo na ‘to dahil napahigpit ang hawak ni Paul Goso sa bente ni San Chai. Bumper to bumper ang mga kilay ni Paul Goso. Unti-unti niyang kina-crumple ang hawak niyang bente. Palagay ko, determinado siyang manalo.
“A! Sa 711 po?”
“Hindi!” humaharurot na sagot ni San Chai.
Galit na si San Chai. Ang tanga nga naman ng ka-partner niya. Bakit hindi nito mahulaan kung saan siya bababa?
Kasi naman, kung ako si Paul Goso, didiretsuhin ko na si San Chai.
Tao ba ‘yan? Roxas Boulevard? Macapagal Avenue? Bonifacio Shrine? Victoria Court?
Hayop? El Kabayo Inn? Barangay Pasong Buaya? Talaba? Jollibee?
Bagay? Barangay Buhay na Tubig? Tanzang Luma? Niog?
Kalagayan? Bagong Silang Street? Kalyeng Sikat o Wakas?
Dumagundong ang boses ni Paul Goso. “A! Sa may eskuwela? Susundo kayo?”
“Hindi! Hindi!”
Sa tono ng boses ni San Chai at sa agap ng pagsagot niya kay Paul Goso, parang 3 seconds na lang ang natitira sa timer.
Three.
“Sa may munisipyo?”
“Hindi!”
Two.
“A … sa may Jollibee?”
One.
“Para!” sigaw ni San Chai. Doon na pala siya bababa.
Maagap na ibinigay ni Paul ang sukli. Iiling-iling si Paul. “Dito lang pala bababa si Nanay.”
“Ano pong tawag sa lugar na ‘to?” tanong ko kay Paul Goso.
Sumagot naman si Paul kaya lang, takte, di ko maalala ang kanyang sinabi.
Friday, March 2, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
2 comments:
napakagaling ng kuwento, ma'am bebs!
Hello, Mam Nida! ikaw ba 'yan? Thank you, thank you po!
Post a Comment