Friday, May 6, 2011

Isang Tumbok ng Rebyu 6 Mayo 2011

ni Bebang Siy

Medyo nagustuhan ko ang pelikulang Tumbok. Ops, hindi ito bold movie. Hindi puwede dahil kasama ko ang anak ko kagabi nang manood ako ng sine. No, no.

Ang Tumbok ay pinagbibidahan nina Christine Reyes at Carlo Aquino sa direksiyon ni Topel Lee. Ito ay tungkol sa batang mag-asawa na napamanahan ng condominium unit sa isang lumang building sa Maynila. Papunta pa lang sila sa area ay nakaranas na sila ng kamalasan. Muntik na silang makasagasa ng lalaking nag-aamok, may dalang itak, pantaga ng leeg. Hanggang sa dulo ng pelikula, pinuluputan sila ng malas. At ang itinuturong dahilan ay ang pagtira nila sa building na nakatayo sa isang tumbok o gitna ng nagsangang-daan. Ayon sa pamahiin, hindi dapat naninirahan ang tao sa tumbok. Nagko-converge daw kasi ang lahat ng negative energy kaya malas manirahan sa ganitong lugar.

Pero may iba pang nagdadala ng kamalasan at nakakapanindig-balahibong problema sa mag-asawa. Siyempre hindi ko sasabihin unless gusto ninyo ng spoiler!

Nagustuhan ko ang pelikula dahil sa husay ng acting ng mga bida:

1. si Christine bilang Grace. Sa totoo lang, akala ko ay hindi siya marunong umarte dahil ang pagkaka-package sa kanya ay seksing starlet. Bagama’t madalas na nakakaagaw ng atensiyon ang mga suot niya (super ikling shorts, fit na fit na mga blouse at iba pa), lumutang pa rin ang galing niya sa pag-arte. Kahit umiiyak siya ay maganda pa rin siyang panoorin. Hindi rin siya nako-conscious sa camera kahit napakarami ng close up shots. Marami kasing magagandang artista na pumapangit kapag pinipilit na ang sarili na maluha. Meron din namang halata ang pagkakaalangan sa camera kaya nalilimutan ng manonood ang pino-portray nitong character. Ang naaalala lang ng mga manonood ay 'yong mga awkward na kilos ng artistang ganon sa harap ng camera.

2. si Carlo bilang Ronnie. Matagal nang mahusay ang batang ito. Napaka-powerful ng kanyang mga mata. Bakit nga ba hindi nabibigyan ng magagandang role ang mahuhusay umarte? Mas gusto ng mga producer , e ‘yong mga pa-cute lang na artista. Anyway, sa Tumbok, hindi masyadong demanding ang role niya bilang asawa ni Grace, isa siyang pulis na photographer. Madalas siyang kumukuha ng mga retrato sa crime scenes. Pero kahit ganon ay tama lang naman ang acting niya. Hindi sobra, hindi rin kulang.

Nagustuhan ko rin ang kuwento dahil kakaiba. Hindi ko na-predict ang tunay na katauhan ni Mark (si Ryan Eigenmann ang gumanap). Bagama’t isang clue 'yong hindi niya pagbabago ng itsura mula nang makunan siya ng retrato kasama ang nanay at tatay ni Ronnie noong bago pa lang din na mag-asawa ang dalawa hanggang ngayon na si Ronnie naman na ang may asawa. Ganon pa rin siya kaguwapo at kabata. Hindi ko rin na-predict ang mangyayari sa mga kapitbahay nina Ronnie: ang makulit na teenagers, ang batang bulag at ang lola niyang laging may krus sa leeg at ang isa pang set ng mag-asawa: guwardiya at babaeng super seksi.

Nagustuhan ko ang nakakatakot and, at the same time, nakakatawang moments. Halimbawa: biglang umusad ang wheel chair ng kamamatay lang na tatay ni Ronnie. Biglang napatigil si Grace. Siya lang ang nakakita ng pag-usad ng wheel chair. Umusad uli ito. Biglang lumabas ang tiyahin ni Ronnie, buhat-buhat ng dalawang kamay ang mga labada pagkatapos ay sinipa uli ang wheel chair mula sa likod nito. Ngek. Tao pala ang nagpapausad sa wheelchair.

Higit sa lahat, nagustuhan ko ang Tumbok dahil maraming bahagi ang very Pinoy. Halimbawa nito ay ang laging sirang elevator. Dito kasi sa atin, pag bago lang ang isang teknolohiya saka lang ito maayos. Ang mga street lamp, pag bago lang may ilaw. Ang stoplight, hindi laging gumagana. Kaya nga marami ang basta na lang tumatawid sa kalsada kahit pula ang ilaw dahil wala na silang tiwala sa sabi ng stoplight. Ang mga elevator sa building, unless for business ang building, sa umpisa lang gumagana. Pagkaraan ng ilang taon, sira na. Lalo na iyong mga elevator sa mga unibersidad. Isa pang halimbawa ay ang pang-iintimidate kay Ronnie ng kanyang supervisor. Bagong salta kasi si Ronnie sa presintong ‘yon. Kaya kinakaya-kaya siya ng mga beterano doon. O di ba, ganyan tayo? Pag may bago, pinahihirapan natin. Kaya nga nagtataka ako kung bakit galit na galit tayo sa hazing at initiation e araw-araw naman natin itong tino-tolerate o ginagawa.

E, okay naman pala ang Tumbok, bakit ko pa sinali ang salitang medyo sa unang pangungusap ko?

Kasi…abangan sa next issue ng Perlas!

Kung may tanong, suggestion o komento, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Ito ay isinulat para sa lingguhang kolum na KAPIKULPI=Kapiraso ng Kulturang Pinoy sa pahayagang Perlas ng Silangan Balita, Imus, Cavite.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...