Tuesday, May 3, 2011

Ethics sa Dyip

Para sa KAPIKULPI

Kapiraso ng Kulturang Pinoy, kolum nina Bebang Siy at Ronald Verzo sa Perlas ng Silangan Balita, Cavite


Abril 8, 2011

Me karga kang bata. Puwedeng sanggol o puwede ring toddler. Toddler meaning two o three o four years old. Tapos, sasakay ka ng dyip. Pagpara mo, agad namang huminto ang dyip. Sa harap mo pa. E, bakante ang upuang katabi ni Manong Driver. So doon ka umupo. Bitbit ang bata.

May mali ba rito?

Ano? Wala?

Meron! Meron kaya?

Ganito kasi iyon. Ang upuan sa harap ng dyip, oo, ‘yong katabi ni Manong Driver-Sweet lover, ay masyadong vulnerable sa disgrasya.

Una, madalas kasing walang pinto ang bahaging iyan ng dyip. Exposed na exposed ang iyong katawan sa outside world. Hindi bale sana kung hindi mabangis ang outside world, e nagkalat ang motorsiklo, ang mga poste, puno, halaman at mga taong dumadaan sa right side ng kalsada kung saan nga nakabilad sa lahat ang malaki ring bahagi ng iyong katawan. E, paano kaya kung biglang may masagi ang dyip na iyan sa bandang inuupuan mo? Paano na ang dala mong bata? Paano kung nasaktan ka rin, e di siyempre uunahin mo in 32 seconds ang sarili mo? Baka bigla mong mabitawan ang bata!

Ikalawa, ang ibang sasakyan, nasa kaliwa at dulong bahagi ang mga tambutso. At kung ang dyip na sinasakyan mo ay malapit dito, malaki ang tsansa na tone-toneladang karbon ang malalanghap mo at ng bata. Imadyinin mo na lang kung isang oras kayong nakasakay ng dyip, ang itim-itim na siguro ng loob ng ilong n’yo dahil sa karbon. At least kung nasa loob kayo ng dyip, may shield kayo. Human shield. May iba nang sisinghot ng karbon para sa inyo: ang co-passengers ninyo.

Ikatlo, hindi mo masasabi ang kilos ng bata. Parang asoge. ‘Yong mercury, nasa loob ng thermometer. Di ba kapag binasag mo ang thermometer, may silver na kung anong lalabas doon? Asoge ‘yon. Sa Ingles, mercury. Ang kilos ng bata, parang asoge.

Unpredictable. Nakaupo ‘yan. Kampanteng-kampante sa mga hita mo. Biglang iigkas at tatayo at papadyak pa. O kaya biglang iikot, paharap sa ‘yo. O kaya biglang liliyad at ihahataw ang ulo sa dibdib mo. O kaya bigla kang sasabunutan sa hindi malamang dahilan. E, paano kung hindi ka nakahawak nang maigi? Baka biglang dumulas iyon mula sa inyong inuupuan! E, walang pinto ang bahaging iyon ng dyip at humaharurot si Manong Driver sa pinakamagiting niyang speed! Ano ang puwedeng mangyari sa bata? At sa iyo?

Ang punto ko lang, kapag may kasama kang bata, iwasan mong sumakay sa harap ng dyip pati sa likod. ‘Yong huling upuan sa pinakadulo ng dyip. Hindi ang mga ito ang pinakaligtas na lugar para sa mga wala pang muwang. At doon din sa mga may muwang na tulad mo. Kung gusto mong makapag-sightseeing ang bata at makapagpahangin kapag mainit ang panahon, gawin mo na lang ‘yon sa ibang lugar at pagkakataon.

Mag-tourist bus kaya kayo? Basta ‘wag dyip. O ‘wag sa harap at/o pinakadulo ng dyip.

Hanggang sa muli. Kung may komento, tanong o mungkahi, mag-email kay beverlysiy@gmail.com.

2 comments:

Anonymous said...

tama ka may katwiran ka...at may natutunan ako sa sinulat mo.

babe ang said...

Salamat, Anonymous! Sana ay lagi kang dumaan dito sa blog na ito. Happy 2012!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...