Tuesday, March 23, 2010
Mga Aklat, Sa ituktok ng Bundok
akala ko hindi na matutuloy ang proyektong mag-akyat ng aklat. dahil sa totoo lang, walang nagdonate. isa lang. si wennie lang. pero kabog ang lahat ng donors. one thousand na aklat naman.
kaya lang, naabutan ito ng pasko. naabutan ng prelims. naabutan ng pagpunta ni wennie sa us. naabutan ng isanlibo't isang dahilan para maantala ang proyekto.
kaya mabuti na lamang at hindi ako tinantanan ni ime. text nang text sa akin si ime kung kailan na ito matutuloy. noong pasko, bagong taon, valentine's day, at ngayon ngang marso. sabi niya, kahit wala nang programa para sa mga bata. tutal marso na. halos wala nang klase. makapag-turn over na lamang tayo. ito na lamang ang target namin.
kaya naman, sa bisa ng mga text at email at usap ay nairaos naman ang proyekto. Nasa baba ang detalye. Isang kaibigang manunulat ang sumulat ukol dito.
pero may ilang detalye ang hindi nabanggit sa artikulo. heto ang mga iyon:
1. kasama ko sina iding at poy. si iding at hindi si ej dahil si ej ay nananakit ang hita. nagkikiskisan na kapag naglalakad dahil sa taba. si poy ay hinatak ko lang. natakot kami ni ime na dalawa lang kaming magbubuhat ng mga libro. kaya kahit sobrang abala sa troyanas si poy ay pinilit ko siyang talaga. pareho kaming tingting ni ime. isang libong libro din iyon, hello.
kaya maraming salamat kina iding, na nagbuhat ng dalawang kahon nang kantiyawan kong hindi na pala siya kailangan doon, at kay poy, na nagbuhat din, nagtala ng bilang ng aklat, nakibulatlat ng mga aklat para sa klasipikasyon ng mga ito at tagakuha ng mga larawan.
2. pagdating sa wawa, naroon pala at naghihintay ang apat na guro na siyang tumulong sa amin sa pagbubuhat at pagbibilang at pagsasalansan kung alin ang pang-high school at alin ang pang-elementary. maraming salamat po sa inyo.
3. ito ay proyekto din ng dagdag dunong project. si russell mendoza, ang aking boss, na umuwi from canada, ang isa sa mga pumirma sa sertipikong inihandog sa donor (c/o wennie) ang languages area, faculty of engineering, ust.
maraming salamat, wennie, sa paniniwala at pagkilos para dito at kay ms. becky na ang tunay na pangalan pala ay ma. corazon. kamusta naman, ang layo sa palayaw. thank you, becky, sa pag-asikaso sa amin nang sinusundo na namin ang aklat mula sa inyong building.
maraming salamat din, russ, sa pagkakataong ibinigay mo sa akin noon at hanggang ngayon na makatulong sa kapwa. kung hindi dahil sa iyo, hindi ko mauumpisahan ito ang mga susunod pang proyekto.
4. pagkatapos ng pormal na turn over ay ipinasyal kami ng wawa group sa wawa river/dam. napakaganda ng lugar. isa ito sa pinakamagagandang lugar na napuntahan ko. nakakaintriga din ang mga butas sa bundok. parang ang sarap manguweba. nangako kami nina wennie na babalik kami. promise. at kahit may hadhad, kakaladkarin ko talaga doon si EJ.
maraming salamat po kay sir jim, ang aming instant tour guy.
5. siyempre, hindi ito mangyayari kung wala si ime. si ime ang nagdala sa amin sa wawa. marami akong natuklasan at natutuhan. salamat, ime, ha? sa uulitin. pagpasensiyahan mo na ang kabagalan ko.
6. para sa artikulong mababasa ninyo sa ibaba, salamat kay abet umil. at salamat din sa mga nagkomento sa kanyang blog. nakakataba talaga ng puso.
more projects to come para sa atin!
Akyat-Aklat ni Abet Umil
“Nasa mataas na lugar ang community. Malapit sa Wawa dam/river. Sa mga bundok sa Rodriguez, Rizal (setting ng alamat ni Bernardo Carpio). Pag akyat mo, makikita mo ang gilid ng bundok na may quarrying operations. Nasa baba ang ibang mga bahayan, sa may bangin,” paglalarawan ni Ime Aznar sa pinuntahan nila noong Marso 14, 2010.
Kasama niya sina Babe Ang at Wennie Fajilan, mga guro sa isang Katolikong pamantasan.
Kulang-kulang dalawang oras nilang biniyahe ang sementadong kapatagan galing Quezon City at Maynila.
Alas-9:30 n.u., naakyat nila ang Wawa Elementary School (WES). At sa di kalayuan ang Wawa High School (WHS) sa Bgy. San Rafael. May pitong kilometro ang layo nito sa kabahayan. Nilalakad lang ito ng mga bata para makapasok. ‘Yong iba ay wala, o kaya ay sira ang tsinelas.
Tumatawid sila ng ilog at bundok para makarating sa eskuwela.
Katatapos mag-inat ng araw. Pasigabo ang salab nito sa balat ng mga nagbubuhat ng humigit-kumulang sa dalawampung kahon. Mga aklat ang laman. Dala ng grupo nina Ime.
Karaminihan ay textbooks. History, Filipino, English, Science. Mayroong mga brand new. Pero karamihan ay segunda, pang-elementari at hayskul.
Ang init na ipinawis at bigat na nagpakuba sa mga tagabuhat ay lalong nagbigay-kabuluhan sa tulung-tulong na sakripisyo para sa kawanggawa.
Hindi narinig sa araw na ‘yon ang sabay-sabay na “welcome, Mam, welcome, Sir!” ng mga estudyante. Pati di magkamayaw na ingay pag recess ay wala. Linggo kasi. At laban ni Manny Pacquiao kay Joshua Clottey.
Malugod silang sinalubong nina Principal Mercy Gutierrez, WES; Ritchelle Yorsua, English teacher sa WHS at dalawa pang kapwa guro nila.
Ayon sa kanila, “meron naman ginagawa ang LGU at DepEd. Kaya lang, lumalaki din ang population every year. Kaya kinakapos pa rin sa books. Medyo nali-lessen naman ang problema. ‘Yon nga lang, di pa rin 1:1 ang ratio ng books at mga estudyante."
“Hekasi at iba pang Makabayan subjects, kulang ng libro. Other subjects, okey na. Many books were washed out by the typhoon,” dagdag ni Principal Gutierrez.
Mga kaibigan ko sina Ime at Babe Ang.
Bukod sa pagiging ina ni Ime, guro ni Babe Ang, sila ay mga kapwa manunulat din.
Pagkatapos ng limang taon mula nang magsama kami sa isang short film, isang gabi ay natiyempuhan ko si Babe Ang sa 1962, bar na tambayan ng artists, writers, at journalists.
Hinihintay niya si Ime nang gabing ‘yon at naikwento niya ang proyekto nila.
Nanawagan sila ni Ime ng paghingi ng donasyon ng mga libro pagkatapos ng Ondoy habang si Wennie naman ay bahagi ng Book for the Barrios, Outreach Program ng mga guro sa Faculty of Engineering ng UST.
Naimungkahi ni Babe Ang kay Wennie na ang gawin na lamang na benipisyaryo ay ang Isang Bata, programa ni Ime, at doon idonasyon ang mga aklat na naipon nina Wennie.
Ganun ang bahagi ng katuparan ng proyektong "Mag-akyat ng Aklat sa Wawa."
“Pangangalakal ang isa sa ikinabubuhay doon. ‘Yong pagkuha ng mga prutas at gulay sa bundok. May mga nag-uuling din. Kalimitan na 'yong pinaghahanapbuhay ng magulang ang mga anak.
“Nagbubuhat ang mga bata ng sako-sakong kalakal o uling galing sa bundok pababa sa bayan. Kaya minsan, ang mga bata ay hindi nakakapasok. At marami sa kanila ay bansot. Under-nourished na, overworked pa sa pagbubuhat ng napakabigat na mga sako,” kuwento ni Ime.
Matapos ang pagtanggap sa kanila, biglang nawala si Principal Gutierrez.
Pinatawag pala sa pamumudmod ng mga bag para sa mga estudyante. School bag na may mukha ng tatlong politiko. “Ang nakakalungkot,” sabi ni Babe Ang, “ay patapos na ang klase. At panahon ng eleksiyon.”
Hindi lamang mga aklat ang kailangan ng mga estudyante sa Wawa. Sa katunayan, ipinaabot pa ni Principal Gutierrez na malaking tulong din kung magkakaroon ng Breakfast Program sa kanilang paaralan.
Laganap at sagabal din kasi sa pagkatuto ng kabataan ang gutom at kahirapan.
Patse-patseng tipo ng solusyon lamang ang sigasig ng tatlong magkakaibigan.
Maaaring napangungunahan nila ang tungkulin ng mga opisyal ng Rodriguez. At kahit ng DepEd. Pero ang mahigit isang libong mga aklat ay posibleng tulong sa mga nakapaang estudyante ng Wawa na magiging propesyonal balang araw.
Mabisang gaspang ang mga kapabayaan sa sistemang bulok ng lipunang Pilipino.
At pinakakapal nito ang kalyo sa puso ng mga tiwaling opsiyal ng gobyerno. Pero pinananatiling nakadarama ang mga damdamin ng mga gaya nina Ime, Babe Ang at Wennie.
Hindi gaya ng mga laptop, bagong modelo ng cellphone, o kotseng giveaways sa promo ng mga produkto ng kung anong korporasyon, o milyong dolyar na gawad ng kung anong news agency sa isang mapag-kawanggawa, may napala rin ang Tatlong Maria.
“Pinakain kami ng kaimito (isa sa mga pinagma-malaking kalakal ng Wawa) at pinainom ng tubig. Tamis.” At pinagbitbit din sila ng dalawang kilo nito pauwi, sabi nina Ime at Babe Ang.
Pansin pa ni Ime, “tahimik ang atmosphere, kasi nga linggo at Pacquiao fight pa. Pero napakaraming taga-Wawa ang wala namang pakialam sa fight. Nando’n pa rin sila, nagbubuhat ng kalakal galing bundok. Bata at matanda, kahit linggo at tanghaling tapat.”
Habang idinideposito ng papalubog na araw sa alaala ang karanasan nila, nagtext si Wennie kay Babe Ang, “Uy, slmat s pagsma s akin s wawa knina. Mas nmotiv8t akng tpusin ang MA para mas mk2long tau nxt time. hapi rin aq n nkilala q c ime.:-)”
Matatagpuan ang artikulo sa http://blogs.gmanews.tv/abet-umil.
narito ang mga komento sa artikulo ni Abet:
1. Civil Volunteerism on 2010-03-19 00:23
NGO nalang tlga ang gaganap para mapunuan ang kulang ng LGU at DepED
Palaging kulang sa pondo ang gobyerno para sa kanilang tao pero kabi-kabila naman ang usok ng kurapsyon promotor pa yung Pinakamataas
Madali sanang i-rally ang buong bansa para magmalasakit kung pinagtitiwalaan ang Ehekutibo at me kredibilidad sana
Kaya lang sa halip tumulong sa Ondoy victim si FG & Sons nagpakasaya pa mandin sa brandy-whisky pantanggal cguro ng ginaw kase ubod tataba nila
Isang bago at batang politika na dapat at sentro sa serbisyo-sakripisyo ng sarili para sa bansa gaya nina Wen at Babe Ang Mabuhay kayo!
2. tasya on 2010-03-19 00:35
maganda yan ginawa nila Babe Ang,maraming bata ang madaragdagan ang kanilang kaalaman.
minsan ng may gumawa nyan if i remember it right it was a certain Naomi Campbell,nagdonate sya ng maraming libro from US to some school,somewhere in bicol region but end up dead somewhere in northern part of Luzon.
makakabuti rin sana kung mayroon bahay Aklatan ang bawat baranggay ng sa gayon hindi lang mga batang mag-aaral ang may karapatan matuto ng mga bagay-bagay pati na rin ang mga may-edad na na gusto pang madagdagan ang kanilang kaalaman sa buhay.
importante rin sa kahit may mga asawa´t anak na ang magbasa ng mga aklat na may kapupulotan aral,ideya o mga inpormasyon na kailangan alam nila.
siguro pwede mong umpisahan ang ganyan proyekto Abet,dahil kahit moderno na ang henerasyon ngayon marami pa rin sa mamamayan ang walang alam kung paano gamitin ang internet kaya sa mga aklat pa rin sila nagsasaliksik ng mga inpormasyon gusto nilang malaman.
3. Abet on 2010-03-19 08:25
Civil Volunteerism,
mas mainit ang pakiramdam pag mataba di ba?
kapag mainit tapos umiinom pa ng pampainit, iba na yata 'yon?
hindi yata uso ang nangungurakot, tapos iapangkakawanggawa ang nakurakot.
panahon pa ni robinhoood 'yon.
alam ko hindi kamag-anak ni robinhood ang magbarkadang ime at babe ang.
tasya,
umabot sana sa tamang tenga ang alingawngaw ng mungkahi mo.
4. uhay on 2010-03-20 19:01
mabuti ang naisip ninyo my rating is 10 dapat masalinan ng aral ang isip ng kapus sa libro makatulong ng malaki sa pagpapabuti ng kanilang moral at maka tulong sa bayan sa hinaharap kung sila ay nasalinan na ng karunungan.
aasahan pa ba natin ang DepEd siyempre siguro naman nakakatulong din sila, pangit naman kasi kung sisirain natin ang isat-isa lalo tayo babantot sa ibang bansa.
ipagpatuloy pa ninyo mga kababayan ko ang pagdamay sa mga kapus sa libro natin mga kababayan. pagpalain nawa kayo ng ating dakilang lumikha.
5. dine laang on 2010-03-21 13:12
maganda yan!
6. Watch Online on 2010-03-21 13:33
sana madami pa ang tulad ng ganyan proyekto
7. Iwa Moto on 2010-03-22 10:29
WOW, BRAVO....... Naka2taba ng puso ang mga ginawa ng tres mujeres at talagang marami pang mga lugar na kulang talaga at hindi sapat ang libro para sa mga student. Talaga yatang wala ng pag-asa ang pinas na magbago ang mga walang HIYANG mga KURAP na politiko!!!!!!!
If, I have tym sna mkasama rin ako sa kanila kc masarap yung pakiramdam na naka2tulong ka sa kapwa mo na wala kang inaantay na kapalit at maging masaya ka sa bawat ngiti na galing sa kanila.........GOD BLESS PO SA INYO.......
(Lahat ng larawan sa blog entry na ito ay mula sa cellphone ni Ime.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment