3 Pebrero 2008
Tapos na ang aking paglilingkod bilang pangulo ng LIRA.
Napakasarap ng feeling. Lalo na nang magbitiw ng magagandang mga salita si Sir Rio ukol sa aming pamunuan at sa mga proyekto namin.
Sabi niya noong una, may mga desisyon akong hindi niya kursunada. Pero ano raw ang magagawa niya kung talagang may gusto akong gawin o ipatupad. Ako nga raw ang pangulo.
Ang importante, pinanindigan at naisagawa naman nang maayos ang lahat.
Natutuwa ako, hindi dahil sinuway ko si Sir Rio. Natutuwa ako dahil napatunayan kong kayang kaya ng LIRA ang mga ipinanukalang proyekto. Kailangan lang ng mas madami-dami pang manpower pero kita naman sa resulta, kayang kaya ng LIRA na humawak ng proyektong malawak ang saklaw at malaki ang impact lalo na sa mga guro.
Tama ako. Malaki ang potensiyal ng LIRA. Marami itong magagawa. Malayo ang maaabot nito. At masayang masaya akong naumpisahang maipakita ang potensiyal na ito sa aming pamunuan.
Noong isinasagawa ang Tulawikaan, takot na takot ako noon na baka magflop ito. Baka langawin, siyet kako. Takot na takot ako dahil kapag pumalpak, tiyak akong sasabihin sa akin ni Sir Rio, ang lakas ng loob mong kaladkarin ang pangalan ng LIRA tapos ganyan pala!
Ngi. Takot na takot akong mapahiya kay Sir Rio. Kasi naman, nagkabanggaan kami nang binubuo ang proyektong ito. Ayaw niyang ituloy dahil kulang sa panahon para sa paghahanda, pag-iimbita at kung anu-ano pa. Ayaw niyang ituloy sa maraming dahilan.
Payo din ng ingat-yaman, parang tama si Sir. Dapat nating iatras.
Ako ang hindi nakinig. Naniniwala akong kaya pang isagawa ang Tulawikaan kahit halos dalawang buwan na lang ang natitira bago ang target date ng implementasyon.
Kaya naman kayod-kalabaw talaga ako sa proyektong iyon. Hindi puwedeng pumalpak ang isang ’to, kako. Ipinangako ko sa sarili kong gagawin ang lahat, magtagumpay lang ang Tulawikaan.
Apat na malulupet na manunulat at dalubhasa ang naging mga tagapagsalita. Nakapagbigay lahat ng panayam. Hindi nga lang on time pero nakapagbigay pa rin. Halos 80 ang bilang ng mga gurong um-attend. 30 plus ang paying attendees, 50 ang target namin. Puwede na. Puwedeng puwede. Hindi tagumpay na tagumpay kung pera ang pag-uusapan dahil kaunti lang ang kinita ng LIRA.
Pero ang mahalaga doon, mayroong ginawa ang organisasyon na hindi pa nito naisasagawa noon: ang mag-offer ng isang seminar with fee para sa mga guro ukol sa wika at panulaang Filipino. Isang malaking pampanitikan at pangwikang okasyon. Imagine, nagawa ng LIRAng kakarampot ang kasapi at resources.
Hanep. Kahit ako, napapahanep hanggang ngayon.
Alam kong kahit paano’y naging bukal ito ng inspirasyon sa marami. Kung kaya namin, e di kaya rin nila!!!
Noong kasagsagan naman ng STS project, nagkaproblema rin ako. Naparatangan akong pera-pera ang vision para sa organisasyon. Siyempre nasaktan ako. Heto ang pinakamasakit na dagok sa akin. Akala ko pa naman e yung dalawang asungot na na umaaway sa akin ang pinakamasakit na dagok sa LIRA life ko, hindi pala. Eto palang maparatangan ka na pera-pera ang vision para sa LIRA, ang organisasyong ipagbabasagang-bungo ko, maipagtanggol lang ito.
Sa sobrang laki ng pagnanasa kong makakalap ng pondo para sa organisasyon, may nagsabing naliligaw na ang landas ng aking pamunuan dahil puro pera na lamang ang aking iniisip.
Nakarating ang lahat kay Sir Rio. At napahiya na naman ako nang sabihan ako sa harap ng maraming kasapi na, ang LIRA ay hindi katulad ng organisasyon na nasa isip mo, Bebang. Marami raw akong ginagawa na hindi kailangan ng LIRA para manatili itong buhay. Ang ginagawa ko raw ay pang-UMPIL. Pangmasa, baga.
Marami pa akong narinig na hindi maganda nang araw na iyon. Parang bigla akong binuhusan ng ice cold coke, isang gabing panahon ng taglagas sa gitna ng sementeryo sa may rotonda ng Tagaytay. (Oo. Meron doon. Nakarating na ako.)
Bigla kong naisip, isang love story na palpak ang relasyon ko with LIRA. Heto ako, nakakilala ng isang taong kinakitaan ko ng malaking potensiyal. Nang tanggapin ako ay minahal ko naman nang todo-todo at nagsimula agad na mangarap para sa kanya. At habang hinahanda siya para sa mga pangarap na iyon ay todo-todo rin akong kumayod para sa kanya. Kayod nang kayod hanggang sa makalimutan ko na ang sarili ko, ang pamilya ko, ang career ko. Kayod nang kayod. At lahat ng kitain ay inilalagay ko sa bank account na nasa pangalan niya.
Isang araw, sabi niya, kakausapin niya ako, kaya inimbitahan niya akong pumunta sa kanilang bahay. Naghanda ako, naligo, nagpaganda at dinala ang kanyang bank account at ang mga papeles para ipakitang seryoso ako sa pagbuo ng mga pangarap para sa kanya.
Pagdating doon, sinampal niya ako sabay sabing ayoko niyan. Hindi ko iyan kailangan.
‘Yan ang pakiramdam nang araw na sabihan akong pera-pera ang aking vision sa LIRA. ‘Yan ang pakiramdam ko nang araw na sabihan akong, Bebang, hindi iyan ang kailangan ng LIRA. Hindi naman nabuo ang LIRA nang dahil lamang diyan.
Alam ko naman iyon, kako, pero sana magising tayo sa katotohanan na kailangan pa rin ang pondo at ang pagsasaayos ng mga papeles bilang isang organisasyon. Kailangan pa ring ayusin ang ganito at ganyan. Mas maganda kung may proyektong ganito at ganyan.
Sa totoo lang, ang vision ko para sa LIRA ay magkaroon ito ng sariling building katulad ng sa PETA. Parang school ganon. School of poetry. Or center. Center for Pop parang ganyan. Or clinic.
LIRA POETRY CLINIC. Wow. Tapos kapag wala ang mga makata ng LIRA, nakasabit sa labas ng pinto nito, the doctors are out. Tapos magpapa-appointment ang gustong magpakonsulta ng tula. Dapat me receptionist din ang mga doktor.
Tipong kung seryoso sa pag-aaral ng tula, mag-eenroll sa LIRA poetry clinic na iyon. Kahit dalawang palapag lang ay puwede na.
Sa first floor, may reception area na malaki. Para ‘yong mga nanay o tita o yaya ng mga batang gustong mag-aral ng tula, may matambayan. Maraming poetry magazine sa reception area. Walang libro kasi baka mawala ang mga libro. May mga painting din nina Beng, Kora Dandan, Maningning at iba pa. Nakasabit sa mga dingding. Saka sculpture. Nina Tata at Ka Pilo. Nakadisplay malapit sa entrada. At fresh flowers of course. Lagi’t lagi ay inspirasyon ang mga bulaklak. Lalo at sariwa!
Sa first floor din ang class rooms. Dalawa siguro puwede na. Dalawang room na kasya ang mga 15 estudyante bawat isa. Magandang bilang ng students ang 15. Hindi masyado ngarag ang makatang maghahandle sa kanila lalo na sa palihan.
May LCD projector at laptop at cd player ang bawat room. Maaaring magpalabas dito ng mga balagtasan nina Mike Coroza at Teo Antonio. O ng koleksiyon ng mga vcd at dvd ni Vim Nadera tungkol sa slam poetry at poetry performance sa loob at labas ng bansa. Para naman makita ng mga estudyante na hindi lamang binabasa sa aklat ang mga tula. Naitatanghal din ito sa marami,sari-sari at madalas ay kahiya-hiyang paraan.
Me whiteboard sa harap. Meron ding mikropono ang tagapagsalita. Hindi naman kailangang gamitin ng tagapanayam ang mikropono lagi pero kung kailangan lamang. Halimbawa ay malakas ang ulan o di kaya matandang matanda na ang tagapanayam o di kaya mahinhin na mahinhin ang tagapanayam. Bakit ba? Mahaba ang buhay ng mga makata! At totoong mayumi at pinong kumilos ang mga makata!
Bawat room ay mayroong orasang nakasabit sa dingding at diksyonaryo sa mesa ng makata. UP Diksyonaryong Filipino siyempre. ‘Yong pinaka-latest edition nang panahong iyan. Baka 10th edition.
Tapos sa 1st floor din matatagpuan ang mentoring rooms. Maliit lang ang rooms na ito. For individual consultation. Dalawa lang ang kasya na tao. Ang mentor at minementor. Me mesa sa gitna at me dalawang upuang magkaharap. Mga tatlong room na ganito, puwede na.
Puwede nga palang kumuha ng kape. Libre. Sa reception area.
Magkape habang nagpapaworkshop.
Sa taas, ang LIRA library. Mayroon itong cozy na sofa. Mahaba para puwedeng mahiga-higa habang nagbabasa. ‘Yung nakataas ang paa.
Aba, sa LIRA poetry clinic, ang pagbabasa ng tula, maaaring maging relaxing din. Hindi katulad sa school, hindi ka tatantanan ng guro hangga’t hindi ka nababalinguyngoy. E, paano kayang matutuwa ang estudyante sa tula?
Me side table pa ang sofa sa magkabilang gilid. Meron ding mesa at upuan na katulad ng kay Rizal sa piitan niya kung saan maaaring makapagsulat ang estudyante ng tula o anuman sa totoong journal o di kaya ay sa laptop.
Sa library na ito matatagpuan ang Rio Alma Collection.
Si Sir Rio ay may library o koleksiyon ng mga aklat sa Adarna House. Nakita ko ito noong ako ay storyteller pa roon. Andami niyang books, grabe. Dictionary pa lang, talo na ang library sa Estong Pulu-pulutong Elementary School sa Barangay Pinipig. Andami talaga. Pag bumagsak sa ‘yo ang koleksiyon niya ng mga aklat ukol sa tula, para ka na ring na-landslide.
Anyway, bukod sa Rio Alma Collection, dito rin matatagpuan ang mga sariling aklat na dating pagmamay-ari ng mga sumusunod: Sir Bobby, Mam Becky, Sir Joey, Sir Vim, Sir Mike, Sir Jerry at marami pang sir at mam ng LIRA ngayon.
‘Yong sa akin din puwede kaya lang baka itakin ako ni Sir Rio kasi puro fiction e. Erotika pa.
So sa library na ito matatagpuan ang lahat ng aklat ng LIRA bilang organisasyon, mga tipong Ikapitumpu’t Pitong Bagting. Kumpleto. E, teka, putcha, anong musical instrument na nga ba ang tinutukoy dito? Higanteng lyre? O lyre na singhaba ng LRT?
Dito rin matatagpuan ang sariling koleksiyon ng mga tula ng mga taga-LIRA. Mga koleksiyon pa lang ng mga taga-LIRA, puno na ang library. Kaya kung nais makabasa ng mga tula ng iba pang makata, local man o foreigner, e pabababain na lang. Pabababain sa basement.
Ay, may basement pa pala ang LIRA POETRY CLINIC.
So sa basement na ito, matatagpuan ang lahat ng koleksiyon ng mga tula mula sa iba’t ibang makata sa iba’t ibang panig ng mundo at iba’t ibang panahon.
Tampok siyempre ang Florante at Laura ni Balagtas. Iyan pa lang, 100 na ang kopya. Para kapag kailangang gamitin o hiramin ng mga estudyante, sapat ang kopya. Pero bawal itong iuwi. Bawal din ipa-xerox. Mememoryahin lang.
Sa basement na ito, me mga upuan at sofa na iba-iba ang itsura. Me native, rattan-rattan ganyan. Me modern, iyong gawa sa plastic tapos nababalutan ng foam, masakit sa mata ang kulay at hugis-spaceship. Me antique, iyong tumba-tumba ni Lola. Me modern antique, iyong tumba-tumba ni Lola, may spring sa magkabilang dulo at may nakakabit na Ipod sa likod. Meron ding postmodern antique iyong tumba-tumba ni Lola, may spring sa magkabilang dulo, may nakakabit na ipod sa likod at may nakaupong Sir Roland Tolentino.
Me ref sa sulok ng library na ito. Puno iyon lagi. Ng beer at cube o tube ice. Dalawa ang ilaw sa kisame. Isang panglibrary at isang pangbeerhouse.
Naka-on ang ilaw na pangbeerhouse kapag nagkikita-kita ang mga taga-LIRA. Dito rin magse-celebrate ang mga taga-LIRA taun-taon tuwing pagkatapos ng Palanca season.
Dito rin magpupulong ang mga kasapi ng LIRA para pag-usapan kung saang bahagi ng Luzon bubuksan ang ikalawang poetry clinic nito. At anong design ng isasabit na The doctors are out. Lalagyan ba ito ng stethoscope na napapalibutan ng laurel?
Uy…puwede.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment