Monday, December 21, 2009

pasko sa pamantasan 2009

ikatlong pasko ko na ito sa pamantasang pinaglilingkuran. at ito ang pinakamasaya.

9am ang klase ko pero 9:40am na ako nakarating sa eskuwela. nagbalot pa kasi ako ng ireregalo sa mga taga-city service, kuya guwardiyases at student assistants ng aming kolehiyo.

una kong pinuntahan ang 1DAM dahil ito ang una kong klase para sa araw na iyon. Sinabi ko rin noon sa mga taga-1DAM na dapat silang lahat ay present sa araw na ito dahil magche-check ako ng attendance.

(may mga KJ talaga na hindi dumarating sa ganitong okasyon dahil lang ayaw nila. ang aarte. kung ayaw nila, dapat nagpatutorial na lang sila at hindi na iyong ganitong pumasok pa sa isang pamantasan. yung tipong one on one na lang at walang ibang dapat pakisamahan kundi ang tutor. kaya naman naisip ko ngang magcheck pa ng attendance dahil mas malamang na mapilitang pumasok itong mga KJ.)

anyway, dahil late ako, hindi ko na ito nagawa. (nge!) pagdating ko doon ay bonggang-bongga naman pala ang party nila. may barbekyu, pansit, brownies at sopdrink (anlaki na naman ng kinita ng coke). dumampot agad ako ng brownies. wala pa kasi akong almusal at nanghihina na rin ako. kulang na sa sugar.

nakipagkuwentuhan ako sa iba kong estudyante roon. biglang may dumating na pizza. binigyan pa ako ng isang slice. kahit sa totoo lang ay busog na ako. hinainan na kasi ako ng pansit at barbekyu. at ako iyong tipo ng tao na hindi nagtitira ng pagkain sa plato. sayang ba?

pagkagaling doon ay dumiretso na ako sa 1FAM. binati ko lang ang buong section. tapos nagpatalon-talon ako sa mga klase na dati kong hinandle: 1EAM, 2KAM, ang klase ni joan tan at iba pa.

natutuwa ako kasi naghihiyawan ang mga estudyante pagkakita sa akin. tapos tawa sila nang tawa kapag nagsasalita na ako sa mike. ang sinasabi ko lang naman:

thank you for inviting me as your special guest. babati lang ako ng maligayang pasko at magkita-kita tayo sa countdown mamya.

pagkatapos ng mahaba-habang classroom-hopping ay nag-ala-santa klaws na ako. ibinigay ko na ang mga regalo ng taga- city service (dalawa para kay ate zeny, ang taumbahay ng elevator, dahil siya ay survivor ng stroke at dalawa rin kay kuya rolyo, yes yun talaga ang pangalan niya, dahil tinulungan niya ako dati na ilipat ang sako ng buwanan kong bigas mula sa isang building papunta sa aming building), mga kuyang guard at sa mga student assistant.

inasikaso ko na rin ang mga regalo ko sa friendly friends. hindi na ako lumabas ng faculty room. namigay na ako ng santa hat sa co-faculty ko. ito ang aking regalo sa lahat. para na ring tradisyon sa akin ito. kada taon ay ito ang regalo ko sa kanila. ang ganda kasi tingnan sa retrato. lahat, naka santa hat.

nagsimula na ang christmas party namin sa pamamagitan ng kainan. tapos nun, games na nahalinhinan ng pa-raffle na ang first prize ay isang laptop galing sa aming regent, na super cool talaga pramis, ang regent at hindi ang laptop, well cool din naman ang laptop so ok, dalawa silang cool, na nahalinhinan ng awards-awards ek-ek mula sa faculty club, na nahalinhinan ng exchange gift.

sa raffle, nanalo ako ng 12 korean pears. dalawa kami ni ms claire na nakapag-uwi nito. anlalaki nito at ambibigat. kapag inilagay siya sa palad mo, kalahati lang ng pear ang maaabot ng iyong mga daliri. at feeling ko isang kilo ang bigat ng bawat isa.

binigyan namin ni claire ang friendly friends kaya 5 piraso na lang ang naiuwi ko. kinain namin ni g ang isa kinaumagahan at ang apat ay ibinigay kay ate para maiuwi niya sa probinsiya.

sa awards-awards, nabigyan ako ng isa: the most entertaining faculty. ang premyo: joke book ahahaha dalawa kami ni papa bon na nanalo nito. grabe, hindi ko akalaing magkakaganito ako. may sash-sash pang nalalaman. ganon.

chinika sa akin ni karen na kandidato daw ako sa most controversial faculty award. putcha buti na lang talaga ini-scrap nila ang awards na ito. baket? baket ako ang nanominate diyan?

isang umaga, pagdating ko mula sa tatlong klase, lahat ng tao sa faculty room, nakatingin sa akin. tinanong ako ni mam mazo, babe ang, sa iyo ba ang panting naiwan sa CR?

toingk.

bumalentong pabalik ang alaala ko. isang gabi pala ay nakaiwan ako ng panty sa CR namin. madumi ang panty na ito kasi buong araw kong ginamit. walang panty-panty shield, ganon. ay, syet talaga. buti na lang may malakas ang sikmura na nagtupi nito kaya hindi na ito tulad ng una nitong estadong nakabuyangyang pa sa lahat ang karumal-dumal na katotohanan. siyempre si mam mazo e alam na akin talaga iyon. kasi nakita niya ako the night before na nagpalit ng damit (at pati bra at panty na rin) sa CR namin.

hiyang-hiya akong kinleym ang what is rightfully mine.

kaya panay ang kantiyaw sa akin ng mga co-faculty ko. sigurado daw silang i will go down the history through oral tradition hahahaha putsa naman talaga oo.

kaya salamat sa diyos talaga at tinanggal ang award na the most controversial faculty. tiyak na landslide victory 'to.

anyway, sa exchange gift, ang nakabunot pala sa akin ay si mam grajo. hindi ko pa binuksan ang gift sa akin kasi gusto ko sana si dilat ang magbubukas ng mga regalong natanggap ko. pero excited na ako. kasi hahaha galante si mam grajo, pramis! tiyak akong bongga ang regalo niya sa akin. nilupak nga pala ang aking code name.

ang nabunot ko pala ay si mau. siya si sinukmani ahahaha natatawa tuloy ako ngayon kasi hello, joke lang talaga ang mga regalo ko sa kanya. una, something sticky. ang regalo ko: mouse trap na malagkit. tapos something purple, violet na 555 tuna. tatlong piraso.

pero maganda naman ang revelation gift ko hehehe, isang pink na bath robe, pink na head band na pearls, pink na bracelet na beads at pink na coach na hand bag (na divisoria-made pasensiya na). sakto talagang P300 hahaha

sana magustuhan niya.

after ng christmas party na inabot ng 4pm (12 noon-4 pm, the longest na yata ito na napuntahan ko) naiwan kaming magbabarkada sa faculty room. anong ginawa namin? nagvideoke! me nag-iwan ng magic sing doon. super eighties ang mga kanta namin. sigaw nang sigaw si mam cathy ng hit back! hit back!

ano ang mga kinanta ko:

vincent (na tinapos ni mam cora dahil di ko talaga makuha ang tono hahaha ngayon ko lang narealize na gusto ko ang vincent dahil sa lyrics pero hindi ko dapat ito kinakanta kung ayaw kong masira ang kanta)

just when i needed you most

against all odds

ang paborito kong its too late

alone (hati kami ni mam ton)

at marami pang ibang kanta na kung hindi ko kinanta ay sinayaw naman tulad ng get down, get down ng back street boys.

inabot kami ng 9:30 pm doon, imagine? pero in between videoke ay nagbabalot-balot na ako ng mga iuuwi kong gamit. madami-dami din kasi akong regalong natanggap.(salamat po talaga sa mga nakaalala!) at bulky pa. binigyan kami ng isang tumbler ng mamahaling pop corn ng university! anlaki kaya nun?

nagpalit din ako ng damit, bra at panty (yes, na naman. at muntik ko na namang malimutan sa CR) dahil hello, 940am pa nga lang ay nandoon na ako, e til 12 ng hatinggabi kami maglalagi doon. nagsuot ako ng pink na pangginaw at pink na santa hat. siyempre ako lang ang may ganon hehehe kasi wala namang ibang araw na magagamit ko ang mga iyon sa harap ng maraming tao kaya isinuot ko na rin.

inihanda na namin ang mga dadalhin sa piknik-piknikan. nagdala ako ng banig na kahit butas ay magagamit pa naman. nagdala din kami ng baraha.

kaso pagsapit ng 930, nagpaalam si karen. kasi sinundo siya ng isa niyang kaibigan. saka antok na antok na raw siya. nalungkot naman ako at nagtampo dahil kung alam ko lang na mag-uuwian lang ang friendly friends ko ay umuwi na ako nang maaga-aga para makaabot sa gising na ej ang aking mga pasalubong.

isa pa ay tawag nang tawag si penpen, ang bespren kong umuwi galing US. nahiya naman ako dahil hindi ko talaga siya maaccommodate nang araw na iyon. tapos pala, mag-uuwian lang ang mga friendly friends ko.

si mam ton kasi 8pm pa lang ay sinundo na ng kuya niya. si art biglang may kailangang ihatid sa ate niyang nakatira sa kamuning. si g, gusto nang umuwi para may masakyan pang MRT. ako, nawalan na ako ng gana dahil nga hindi kami kompleto. gusto ko na ring umuwi.

nang nakahanda na kami, biglang dumating si karen. sabi niya, natakot daw siya na baka magtampo ako kaya hindi na siya umuwi. bigla ring nagtext si papa bon na pabalik na siya sa eskuwela para samahan kami.

ayan! buo na uli kami. bumaba na kami ng building at naghanap ng magandang spot sa damuhan para paglatagan ng aming butas at nagninisnis na banig.

nanlibre si karen ng chippy, piattos, nova, tortillas at isang container van ng mineral water (nanalo lang naman siya ng 5k sa raffle). tapos tinuruan ko ng speed sina art, g at karen. tanging si art ang na-challenge sa kahambugan ko kaya 1.2 seconds bago kami umuwi e nagpapabilisan pa kaming maglatag ng mga baraha sa damuhan.

nagkuwentuhan din kami tungkol sa problema ni ms claire sa puso. kanya-kanya kami ng opinyon, me nagsasalungatan, debate, kampihan pero walang nag-away. iyon naman ang maganda sa grupong ito: napakamatured. lalong-lalo na si mam cora, in fairness.

medyo malungkot ang atmosphere nang matapos ang kuwentuhan tungkol sa problema niya. gusto ko sanang ikuwento kaya lang, masyadong komplikado para sa entry na ito. ikukuwento ko na lang sa ibang entry. sana lang wag mabasa ni ms claire hahaha!

bigla-bigla naming napansin na ilang minuto na lang at 12:00 na. iyon kasi ang countdown ng aming paaralan. so parang new year's eve ang nangyari.

nagsipaswitan ang mga fireworks pagkaraan ng ilang sandali. tapos lumiwanag ang itim na langit dahil sa mga ilaw-ilaw ng paputok. nakahiga ako noon at ine-enjoy lang ang bawat sandali ng fireworks display. the best.

tiningnan ko ang iba kong kasama. si ms claire nakahiga rin. at yung iba, nakaupo, nakatingala. binubugaw ko ang mga mokong na tumatabing sa aming paningin. kasi nasa lapag kami at malamang ay hindi napapansin ng ibang taong napapalapit sa aming puwesto na may natatabingan na sila.

ang ganda-ganda ng nagsasayaw na mga paputok. mayroon pang paputok na antagal bago mawala sa langit. para silang christmas light sa ere, kumukutikutitap habang tinatayantang ng hangin.

iba't iba rin ang hugis ng paputok. may bilog, may hugis-wig, hugis-punong malago ang mga sanga, may hugis-nucleus, proton at neutron (science ito!). palakpak ako nang palakpak sa tuwing makakakita ako ng kakaibang paputok. pinipilit ko ring huwag kumurap para sulit ang panonood kahit alam kong naghahatid ng mumunting mga pulbura ang malamig na hangin.

noong freelancer pa ako, nag-apply akong teacher sa isang parang call center. magtuturo sana ako ng ingles sa mga korean na nakatira sa korea. bale maglolong distance call ako ganon, siyempre charged sa kompanya, tapos 10 minutes a day ko silang kakausapin over the phone sa wikang Ingles.

dahil ang experience ko ay tutorial, binalaan ako ng nag-iinterbyu na ibang-iba raw itong pinapasok ko. kasi hindi ka makakapagmuwestra, hindi ka makakapag-facial expression o di kaya ay makakapag-drawing halimbawang hindi maintindihan ng kausap mong koreano ang salitang binabanggit mo. isa sa tinanong sa akin ng interviewer ay paano mo ipaliliwanag ang salitang happiness sa kausap mo sa telepono. ang sagot ko: it's what you feel when you are watching fireworks on a very very dark night.

ngayon ko lang napatunayan ito. happiness pala talaga!

pero naisip ko ring kulang ang sagot ko sa interview question na 'yon. dapat pala ganito: it's what you feel when you are watching fireworks with your friends on a very very dark night.

salamat, mam cora, karen, g, paguts, claire, art at papa bon sa gabing ito at sa di-mabilang na araw at gabi at buwan ng pagkakaibigan.

maligayang pasko. break it down, yo!

merry christmas, tree!

matagal kong pinag-isipan kung ano ang ireregalo ko sa mga kaibigan ko sa faculty room. heto ang mga naisip ko:

libro (siyempre, filipino ang nagsulat)
medyas
pabango o cologne
pagkain
t-shirt

naisip ko ring huwag nang generic. kumbaga para sa bawat isa, iba ang regalo ko.

claire-shaker na mas maganda
g-cd ng shanghai trip pics
paguts-cd ng banda
mam cora-panty uli

kaya lang, naisip ko na gusto ko ay iyon namang kakaiba. iyong tipong hindi pa nila natatanggap ever.

doon pumasok sa isip ko ang isang imbensiyon ni wenni: scratch paper note book.

a month ago, pinagupit ko kay ate aileen ang mga scratch paper sa bahay: lumang memo, lumang exam, lumang silabus, lumang report, lumang sanaysay at iba pang lumang papel na malinis ang likod. abot yata sa baiwang ko ang mga scratch paper na nagupit. dahil baduy naman kung pabubutasan ko na lang uli kay ate aileen (gaya ng ginagawa namin para magkaroon ako ng notebook pang-MA), naisip kong gayahin ang idea ni wennie na ipa-ring bind ang mga ito.

pinagkompayl ko si ate ng tigpipitumpung pahina. pinagupit ko rin ang luma kong mga seat plan na gawa sa matigas-tigas na papel. ito ang front at back cover ng eco-friendly kong panregalong proyekto.

nakakita ako sa CR ng mga babae sa faculty room ng mga lumang report/research paper ng mga bata. may mga spring-spring iyon. iyong spring na ginagamit sa pagbabind ng soft bound na libro. iyong kulay itim.

sabi ni ate ditas (suki ko sa xerox-an), hinihila lang daw iyon at puwede nang gamitin uli. kaya iyon nga ang ginawa ko. tapos dinala ko na ang mga "regalo" sa RS xerox and binding stall sa likod ng eskuwela.

natuwa sa akin si manang na nagbabantay doon. sayang nga naman daw ang mga papel. sa sobrang tuwa niya ay pina-cut pa niya nang libre ang mga papel para magpantay-pantay ang mga ito. naging maganda tuloy ang notebook kahit bunton na lumang seat plan at scratch paper lang ang mga iyon.

tapos sinulatan ko ang front page ng:

pagpaskuhin natin ang mga puno!

at nilagyan ng heart at pangalan ko at DEC 09

sa front cover ay ang pangalan ng aking reregaluhan. pero may twist. heto:

car
rain
bald
daze

core
rush
zone
wreck
cat
show

joe
deal
lean
are
zen
yo

merge
jean
yeah
are
say
hue

row
annulled
pa
gothic

birdie
none
bone
them
hey

la
weigh
you
shall

cool
layer
what
show

unto
one
net
rose
say
tea

far
runs
says
kiss
sad
uh

far
runs
court
ace

heart
tour
row
pat
thong
an

ibinalot ko ang notebook sa diyaryo at nilagyan ng tag (na pinaxerox ko lang para hindi na ako bibili).

ang bati ng tag:

molly
guy
young
pass
cause
sigh
you.

bago ko ibinigay sa kanila ang mga regalo ko, pinasabik ko pa sila. sabi ko:

mamya ko na ibibigay ang gift ko sa inyo, ha? pinagawa ko pa. kasi hindi ito nabibili sa anumang tindahan. talagang personalized.

hehehehe. akala siguro nila kung ano.

mga pito sa kanila ay sabay-sabay na nagbukas ng regalo nang ibigay ko na ang mga ito. tawa naman sila nang tawa.

tawa rin ako nang tawa. mantakin mo, nakatipid ka na, nakapagpasaya ka pa. at hindi lang iyon, nakatulong ka pa kay mother earth.

merry christmas, tree!

Saturday, December 5, 2009

bulay-bulay

nakakabad trip ang taon na ito para sa akin.

1. wala akong na-publish. lahat ng ipinasa ko, na-reject. itong ipinasa ko last year sa ani para sa taong ito, natuklasan ko neto lang, wala palang attachment. so in short, hindi nakarating ever ang isasali ko sana sa ani.

2. hindi ako nanalo sa palanca na talaga namang kinarir ko at ipinanalangin.

3. hindi ako nagkaroon ng grades sa dalawang subject na in-enrol ko ngayong sem.

4. na-deload ako dahil nga sa di matapos-tapos na MA.

5. na-deny ang aking us visa application.

6. noong isang araw lang, may hiningi ako sa dekana namin, na ni-reject niya outright at harap-harapan talaga.

7. isa lang ang nilikha kong bagong akda. natalo pa sa contest na sinalihan.

8. at angaw-angaw pang mga pagkabigo sa iba't ibang aspekto ng aking buhay.

pero naisip ko rin na lubha pa rin akong masuwerte ngayong taon na ito. let me count the ways...

1. nakakasama ko ang buo kong pamilya. walang nagkasakit sa amin at lalo namang walang nabawas. bagkus, madadagdagan pa. excited na nga kami. pag pangit ang anak mo, kim, patay ka sa alaska.

2. napunta na sa amin ang bahay namin sa las pinas. nabayaran na ang lahat ng utang sa orig na may-ari ng bahay, sa tubig at sa koryente. thank you god talaga. napagawa pa ang loob ng bahay at kahit mukhang extended na kubeta ang buong sala namin dahil sa tiles na pinagdididikit ng nanay ko doon, e ok na rin.

3. dumami ang mga kaibigan ko sa eskuwela at naging masaya ang bawat lunch, meryenda, lakwatsa namin.

4. 88.6% ang average ni ej sa school. top 11 daw siya. top 10 ang crush niyang si roselle.

5. naabot ko ang target na savings ko at baka madagdagan pa dahil sa mga bonus dito sa paaralang talaga namang generous.

6. walang nasalanta ng bagyo sa buong pamilya ko at mga minamahal sa buhay. ang bahay sa kamias, ni isang pulgada, hindi binaha. ang bahay sa las pinas, inabot ng baha pero naisalba ang lahat ng gamit dahil naroon pa si daddy ed na siyang tumulong sa nanay kong mag-akyat ng mga gamit nang panahon na iyon.

7. lumiit at isa na lang ang dagang namemeste sa bahay.

8. nanalo ako sa marathon at sprint sa sportsfest para sa mga guro. (halos walang kalaban sa aking division dahil medyo thunders ang mga guro dito sa paaralang hirang. kaya lima lang kaming naglaban-laban na mga bata. 4 doon e mga barkada ko pa. kamusta naman?)

9. binigyan ako ng tatlong prof ng tsansang makapag-complete sa century-old kong mga INC. nge talaga.

10. punumpuno ng pagmamahal ang mga araw ko. weeeeeee!

11. lagi kaming magkasama ni wenilinda. tumatalino tuloy ako.

12. wala akong utang, 'yong seryosong utang. merong konti, sa credit card. lintik na credit card. totoo palang nakakatukso ang gumamit nito at umutang nang umutang. gusto ko nang ibaon sa lupa ang card na iyan!

13. nakatapos ako ng isang paper para sa isa kong subject.

14. at marami pang iba. at marami pang darating.

so bakit ako maglulunoy sa unang listahan, kung mas masarap basahin ang pangalawa?

lord, thank you sa mga ibinigay ninyo at higit sa lahat sa mga hindi ninyo ibinigay. hindi ako maghahangad ng mas mahusay o magandang taon para sa 2010. kasi alam ko namang anuman ang ipinlano ninyo ay sapat at tama lang para sa akin at sa lahat ng aking minamahal.

amen.

Tuesday, December 1, 2009

huling papel para sa Panitikang Oral

Ang Pagong at Matsing bilang Kuwentong-Bayan at Kuwentong Pambata

Ang papel na ito ay isang panunuri ng muling pagsasalaysay ng kuwento mula sa nakalimbag na bersiyon ng panitikang oral ng Pilipinas patungo sa isang kuwentong pambata.

Pinili ko ang kuwentong Pagong at Matsing (PAM) dahil sa popularidad nito. Nabungaran ko nang mascot ang pamosong mga tauhan ng kuwentong-bayan. Nakilala ko sila bilang sina Pong Pagong at Kiko Matsing, sumasayaw at kumakanta sa programang pantelebisyong Batibot. Sila ang unang mga mascot ng naturang TV program. Patunay ito ng pagiging sikat ng dalawang hayop.

Patunay pa ng popularidad at malaganap na pagtangkilik sa nasabing kuwento at dalawang tauhan ang binanggit ni Jose Rizal sa sanaysay niyang Two Eastern Fables: “There is scarcely in Tagal literature another tale more popular and better known than this…” Patunay din ng popularidad nito ay ang maraming bersiyon ng kuwentong Pagong at Matsing na matatagpuan sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Naniniwala akong ang dahilan kaya napakaraming tumangkilik at kaya napakarami din ng bersiyon ng PAM ay dahil may pagtalab ito sa kamalayan ng mga bumasa (bata o may edad), noon at ngayon. Maganda itong paghugutan ng mga kaalaman ukol sa kulturang Filipino at bukod dito, naniniwala akong balon ito ng mga konseptong nagmumula sa larangan ng kalakalan.

Mga nakalimbag na bersiyon ng Pagong at Matsing mula sa iba’t ibang pangkat-etniko at ang anyong kuwentong pambata na inilathala ng Adarna House, Inc. ang mga tekstong susuriin sa papel na ito.

ANG TEKSTO

Ang Pagong at Matsing, ayon kay Damiana Eugenio, ay halimbawa ng isang trickster type ng animal tale. Matutunghayan sa ibaba ang klasipikasyon ni Eugenio para sa PAM:

Folklore

Folk literature

Folk narrative

Prose narrative

Folk tale

Animal tale

Trickster type

Dagdag pa ni Eugenio:

“These (animal tales) are non-mythological stories in which human qualities are ascribed to animals, designed usually to show the cleverness of one animal and the stupidity of another. Their interest lies in the humor of the deceptions or the absurd predicaments into which the animal’s stupidity leads him.”
Noon, ayon kay Eugene Evasco , “saklaw ng tradisyong pasalita o ang paghabi ng salaysay (e.g. epikong bayan, alamat, mito, kuwentong-bayan) ang lahat ng miyembro ng komunidad. Walang iginuhit na distinksiyon ang mga katutubong mananalaysay sa kanyang mga tagapakinig.”
Ibig sabihin, ang mga bersiyong natagpuan ko ay ikinukuwento naman sa lahat.
Ngunit tandaan ding hindi binuo ang mga ito para sa mga bata. Kung gayon, ano-anong detalye ang maaaring nakuha mula sa iba’t ibang bersiyon ng Pagong at Matsing ang ngayo’y bahagi na ng bersiyong kuwentong pambata? Saang mga bersiyon nagmula ang mga detalye na ginamit para sa kuwentong pambata?

ANG KUWENTONG PAMBATA

Ang pamosong kuwentong bayang Pagong at Matsing ay kilala sa anyo nito ngayon bilang lumabas isang kuwentong pambata/aklat-pambata. Isa sa mga unang naglathala nito ay ang Adarna House. Sa kasalukuyan, makulay na makulay ang loob at labas ng aklat at sa likod ng aklat ay mababasa ang: Ito ay rekomendado sa mga batang edad 7-9.
Ito ay muling isinalaysay ni Danilo Consumido. Inilathala ng Adarna Book Services, Inc. ang unang limbag ng ikalimang edisyon noong 1986 sa wikang Filipino. Sa wikang Filipino at Ingles naman ang edisyon noong 2006 ng Adarna House, Inc. Iisa lamang ang tagapaglimbag, nagbago lamang ng pangalan. Ayon kay Ani Almario, product development officer ng Adarna House, wala na silang contact detail ni Danilo Consumido at bersiyon daw ni Virgilio S. Almario ang matatagpuan sa small book nilang Si Pagong at Si Matsing (itong 2006 na edisyon). Inilagay na lamang ulit ito sa ilalim ng pangalang Danilo Consumido. Ang bersiyong tatalakayin sa papel na ito ay ang 2006 na edisyon.

Sa peritext ng unang limbag ng ikalimang edisyon, mababasa ito: Popular na mga tauhan ng kuwentong-bayan sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asya ang pagong at ang matsing. May iba’t ibang bersiyon ang kuwento ng dalawang ito. Isa sa mga nasulat na bersiyon sa Pilipinas yaong ginawa ng bayaning si Jose Rizal. Sa bersiyon naman sa librong ito, ipinakikita kung paanong laging nilalamangan ni Matsing ang kawawang si Pagong.

Sa edisyon noong 2006, ang peritext ay kasunod na ng huling pahina ng kuwento. Laman nito ay ang impormasyon ukol sa pagkakalathala ng bersiyon ni Rizal at ang pagpapahalaga sa ambag niya sa pagsulong ng panitikang pambata. Malinaw na halos wala nang gabay ng mga magulang o ng mas nakakatanda ang kailangan para sa pagbabasa nito ng isang bata.

ANG BUOD NG KUWENTONG PAMBATA
Si Pagong at Si Matsing

Isang araw, namamasyal sina Pagong at Matsing sa tabing-ilog. Nakakita si Matsing ng isang puno ng saging sa ilog. Itinuro niya ito kay Pagong. Niyaya ni Pagong si Matsing na iahon ito. Nang makuha nila ito, naghati sila. Iginiit ni Matsing na siya ang unang pipili pero hindi pumayag si Pagong. Iginiit naman niyang siya ang maliit sa kanilang dalawa kaya siya ang dapat na unang pumili. Pero di naman pumayag si Matsing. Iginiit nitong ito ang unang nakakita sa saging. Kaya nauna na nga siyang pumili. Kinuha ni Matsing ang bahaging may dahon at itinanim ito sa kakahuyan. Akala niya dahil may mga dahon, ito ay mabubuhay. Kinuha ni Pagong ang bahaging may ugat at itinanim ito sa tabing-ilog. Tuwang tuwa siya dahil alam niyang mabubuhay ang ugat. Inalagaan ng dalawa ang kani-kanilang mga itinanim. Paglaon, namatay ang kay Matsing. Nagpunta siyang lungkot na lungkot kay Pagong. Umiiyak pa siya noon. Inalo ni Pagong si Matsing. Iyong tanim niya ay lumaki at nagkabunga pa kaya inalok niya si Matsing na tumulong sa pagpitas at pagkatapos ay maghahati sila sa bunga. Agad na nagprisinta si Matsing na siya na lang ang aakyat sa puno. Pagdating sa ituktok ng puno ay kinain niya ang lahat ng kanyang mapitas. Humingi si Pagong pero inasar lang siya ni Matsing.
Nagalit si Pagong sa sinabi ni Matsing at pinalibutan ng tinik ang puno ng saging. Nagtago siya sa ilalim ng isang bao. Pagbaba ni Matsing sa puno, nasugatan siya. Galit na galit si Matsing sa ginawa ni Pagong. Umupo siya sa bao para magtanggal ng tinik pero may kumagat sa kanyang buntot. Si Pagong! Hinuli siya ni Matsing. Nag-isip siya ng parusa kay Pagong. Tatlo ang naisip niya:
1. tatadtarin nang pinong pino
2. iluluto
3. itatapon sa ilog

Sa ikatlo pinakatakot na takot si Pagong kaya ito ang ginawa ni Matsing. Pagbagsak
ni Pagong sa tubig, pinagtawanan na lamang niya si Matsing. Sumigaw ito: Tuso man ang matsing, napaglalamangan din!

ANG MGA BERSIYON
Tunghayan ang ilang tala ukol sa pagkakalathala ng ilang mga bersiyon. Matatagpuan naman ang buod ng bawat bersiyon sa dulo ng papel, bago ang sanggunian.

1. Bersiyon ng mga Bisaya

Una itong nakasulat sa Espanyol sapagkat ito ay muling isinalaysay sa pasulat na paraan ni Padre Alcina noong 1668. Ang nasa papel na ito ay kinopya ko sa bersiyong nasa wikang Ingles mula sa Barangay ni William Henry Scott na inilathala naman noong 1994.

2. Bersiyon ng mga Tagalog (Rizal)

Ito ang bersiyon ni Jose Rizal at ayon kay Alfrredo Navarro Salanga, ang editor ng Rizaliana for Children, ito ay unang isinulat at iginuhit ni Rizal sa wikang Espanyol bilang souvenir sa album ni Paz Pardo de Tavera (kapatid nina Trinidad at Felix Pardo de Tavera) noong 1886 sa Paris. Sa ilalim ng unang “frame” na kanyang iginuhit ay isinulat niya ang mga salitang Tagalog Story.

Sumulat din si Rizal ng Ingles na bersiyon ng kuwento. Tale of the Tortoise and the Monkey ang pamagat nito at inilathala sa Trubner’s Oriental Record bilang bahagi ng sanaysay na “Two Eastern Fables” noong 1889.

Ang bersiyong isinulat ni Rizal sa Ingles ay siya rin at tanging bersiyon ng nasabing kuwentong-bayan na matatagpuan sa Philippine Folk Literature ni Damiana Eugenio na muling inilathala noong 2001.

Sa sanaysay na Two Eastern Fables, binanggit ni Rizal na ang kuwentong ito sa wikang Tagalog ay may pamagat na Ang buhay ni pagong at ni matsing. Sabi pa ni Rizal, “There is scarcely in Tagal literature another tale more popular and better known than this…”

Dahil sa sinabing ito ni Rizal at dahil na rin sa pangkat-etnikong kinabibilangan niya, sumasang-ayon akong ang bersiyong ito ay ang bersiyon ng mga Tagalog (kahit pa ito ay unang isinulat sa dalawang wikang dayuhan). Sa aklat namang Early Philippine Literature from Ancient Times to 1940 na pinamatnugutan ni Asuncion David Maramba at inilathala noong 2006, lumitaw din ang kuwentong ito nang nasa byline ang pangalan ni Rizal. Bagama’t pareho ang mga pangyayari sa kuwento, may pagkakaiba pa rin ito sa bersiyong natagpuan ko sa Rizaliana at Philippine Folklore. May mga salita rito na hindi naman ginamit ni Rizal sa unang dalawang aklat na aking binanggit.

3. Bersiyon ng mga Kapampangan (una)

Ito ay nasa Ingles din at ikinuwento ni Eustaquiano Garcia ng Mexico, Pampanga. Una itong inilimbag noong 1921 bilang bahagi ng Volume XII ng Memoirs of The American Folklore Society na tinipon at pinamatnugutan ni Dean Fansler. Ang naturang volume ay muling inilimbag ng Folklore Associates, Inc. noong 1965 bilang Filipino Popular Tales. Si Fansler pa rin ang nakalagay doong tagapagtipon at patnugot. Ayon kay Fansler, tinipon niya ang mga folk tale mula 1908 hanggang 1914 at hindi pa kailanman naililimbag ang mga iyon. Kaya ito nasa wikang Ingles ay dahil, ayon kay Fred Eggan sa kanyang Paunang Salita sa Filipino Popular Tales, sa ganitong paraan tinipon ni Fansler ang mga kuwento:
“Dr. Fansler had his informants write down the tales in English translation, rather than in the vernacular, since he wished to present them in a form convenient for reference: ‘their importance consists in their relationship to the body of world fiction’ (p.v.).”
4. Bersiyon ng mga Kapampangan (ikalawa)

Ito ay nasa Ingles din at ikinuwento ni Bienvenido Gonzales ng Pampanga. Ito ay narinig niya mula sa mas nakababatang kapatid na narinig naman mula sa isang magsasaka. Palasak ito sa Pampanga. Inilimbag ito noong 1921 sa Volume XII ng Memoirs of The American Folklore Society at noong 1965 sa Filipino Popular Tales.

5. Isa pang bersiyon ng mga Tagalog (Fansler)

Ito ay nasa Ingles at ikinuwento ni Jose Katigbak ng Batangas (at narinig naman daw niya ito mula sa kaibigang si Angel Reyes.) Inilimbag noong 1921 sa Volume XII ng Memoirs of The American Folklore Society at noong 1965 sa Filipino Popular Tales.

6. Bersiyon ng mga Moslem/Maranaw

Ito ay nakasulat sa Ingles at inilathala noong 1953 sa Tales of Long Ago in the Philippines. Si Maximo Ramos ang patnugot. Walang nakatala sa introduksiyon kung paanong nakalap ito ng patnugot. Ang bersiyong ito ay muling inilathala noong 1968 sa Literature for Filipino Children. Sina Lydia Profeta at Remedios Coquia naman ang patnugot. Dito ay may nakasulat nang (Moslem, especially the Maranaw Group) sa ilalim ng pamagat.

7. Bersiyon ng mga Kalinga

Ayon kay Ma. Delia Coronel, patnugot ng Stories and Legends from Filipino Folklore na inilathala noong 1967, “the stories from Kalinga were told by a public school teacher who heard them as a very young boy unwilling to go to sleep without hearing a story from his mother Gayyao. She heard them from her own mother and so on. The version of ‘The Monkey and the Turtle’ is a new one, making it the 26th, as Fansler had already found 25.”

8. Bersiyon ng mga Bilaan

Ito ay nasa wikang Ingles at inilathala noong 1974 sa Mindanao Journal bilang bahagi ng An Analysis of Three Bilaan Folktales na isinulat ni Theresa D. Balayon. Muli itong inilimbag noong 1997 sa Philippine Literature: A History and Anthology nina Bienvenido Lumbera at Cynthia N. Lumbera.

PAGSUSURI
Pagtalunton

Ayon kay Rose Torres Yu sa kanyang pananaliksik na Usapin ng Kapangyarihan at Muling Pagsasalaysay ng Carancal, nangyayari sa kasalukuyan ang tila masiglang muling pagsasalaysay ng mga katutubong panitikan. Nauna na raw dito ang popular na tradisyunal na panitikan tulad ng Ibong Adarna, Mariang Makiling, Mariang Sinukuan, Maria Cacao, mga alamat at kuwentong-bayan

Bakit nga ba ito ang mga napipiling muling isalaysay at gawing kuwentong pambata? At saan o kaninong bersiyon nagmula ang kuwentong pambatang Pagong at Matsing?

Ayon kay Piaget na binanggit ni Eugene Evasco (sa nabanggit na pananaliksik niya), “It is folk literature that responds to the characteristics of young children—curiosity, love of activity, impatience, imagination, the need for stability—and is vital in terms of learning to cope with life stresses.”

At bakit ang Pagong at Matsing?

Tamang tama nga naman ang PAM. Ang kuwentong ito ay tumutugon sa mga katangian ng maliliit na bata. Curiosity: ano ang gagawin ng pagong at matsing sa natagpuan nilang puno ng saging? Alin ang mabubuhay na bahagi ng saging? Ano ang gagawin ng matsing sa nalanta niyang halaman? Ano ang gagawin ng pagong sa salbaheng matsing? At ang mga bida naman sa kuwento ay punong puno ng gawain, katulad ng mga bata, para tugunan ang love of activity ng mga bata: pamamasyal sa ilog, pagtatanim ng puno, pamimitas at pagkain ng bunga, paglalagay ng mga tinik sa katawan ng puno, paghahanap sa kaaway, paghagis ng kaaway sa ilog at paglangoy. At dahil maliit din ang pasensiya ng maliliit na bata, hindi rin mahaba ang kuwento. Para naman sa imahinasyon, ito ay matatagpuan sa bahagi ng kuwento na nagpapakita kung paanong nag-isip ng paghihiganti ang pagong sa matsing, ang pagtatago ng pagong sa bao, ang pag-iisip ng parusa ng matsing sa pagong at ang paggamit ng reverse psychology ng pagong sa matsing. Masasabi kong ang estruktura ng kuwento na linear, serye ng sanhi at bunga at hindi nakakalito ay makakatugon naman sa pangangailangan ng stability ng isang bata, gayundin ang katapusan ng kuwento sapagkat kinokompirma at pinatatatag lang nito ang malaon nang naririnig ng bata na ang masama at sakim ay hindi nagwawagi at ang inapi at mabuti ay siyang hahalakhak sa huli. May solusyon din sa inihaing problema. Ang pagkakaroon din ng happy ending, bukod sa ito ang inaasahan ng mga bata sa kanilang binabasa, ay isa ring closure.

Ngunit ang tanong: paano makakatulong ang PAM sa mga bata para makaangkop sa mga life stress? Ano ang mayroon dito sa muling pagsasalaysay ng PAM upang makaangkop ang batang Filipino sa mga life stress?

Bago ko sagutin iyan ay tataluntunin ko muna’t tatalakayin ang pinagmulan ng kuwentong pambatang Si Pagong at Si Matsing o PAM.

Makikita mula sa tala ng iba’t ibang bersiyon ng PAM, napakaraming bersiyon nito ang posibleng paghanguan ng detalye, banghay at iba pa ng mga manunulat/muling tagapagsalaysay ng kasalukuyang panahon. Karamihan sa mga bersiyon ay sa batayang aklat lumabas. Halos lahat din ng bersiyon ay nasa wikang Ingles. (Ayon kay Virgilio Almario, ang Adarna House ang isa sa mga nagpasimunong maglabas sa wikang Filipino ng mga aklat na hango sa panitikang oral. E, kailan lamang ang Adarna House? 70’s? 80’s? Talagang huling huli na nang gamitin ang pambansang wika para sa yaman na nangangailangan ng awtentikong wika bilang daluyan ng kamalayan mula sa sinaunang panahon.)

Ang bersiyon ng mga Tagalog na nakalap ni Dean Fansler ay siyang pinakanaiibang bersiyon sa lahat ng nabasa kong Pagong at Matsing. Bagama’t ito ay nasa Tagalog, ang pagkakapareho lamang nito at ng Tagalog ding bersiyon na iginuhit at isinalaysay muli ni Rizal ay ang karakterisasyon. Itong si Pagong ay mabait at mahinahon, samantalang itong si Matsing ay ubod ng tuso.

Ang bersiyong kuwentong pambata naman ay may mga detalyeng talagang pinag-isipan at piniling ilagay sa muling pagsasalaysay. Maaaring ang dahilan nito ay upang mas patingkarin ang pagiging pambatang katangian ng akda at makapagturo ng aral. Ngunit ang bersiyong kuwentong pambata ay batis ng pagpapakilala ng ilang mahalagang konseptong may kaugnayan sa larangan ng kalakalan.

Ilang Tala

Narito ang ilang tala ukol sa kuwentong pambata at ang mga bersiyon nito. Ang pagtalakay ay nakabatay sa banghay ng kuwento.

1. pagtukoy sa relasyon nina Pagong at Matsing
Sa kuwentong pambatang PAM, hindi binanggit ang salitang kaibigan. Maaaring hindi magkaibigan sina Pagong at Matsing kahit pa sinabing sila ay namamasyal sa tabing-ilog. Bakit? Para naman kung sakaling may gawing mali o kasamaan ang isang tauhan sa isa pa, hindi magtataka o magugulumihanan ang batang mambabasa dahil hindi naman magkaibigan ang dalawa. Kumbaga, ipinapauna na ng muling tagapagsalaysay na huwag magugulat ang bata kung sakaling lokohin ng isang tauhan ang isa pa. Ito ay isang paraan upang mapasimple ang karakterisasyon, malalaman agad ng batang mambabasa kung sino ang mabuti at masama. Mas madaling tukuyin kung sino ang bida.

Sa bersiyon ng Kapampangan (una at ikalawa), Tagalog-Fansler, Maranaw, Kalinga at Bilaan, komplikado ang karakterisasyon ng mga tauhan. Sa mga bersiyong ito, binanggit ang salitang kaibigan para kina Pagong at Matsing. Ngunit kung kaibigan ang turingan ng pagong at matsing sa isa’t isa, bakit sila maglilinlangan at magkakasasakitan? Ganito nga ba ang magkaibigan?

Sa bersiyon ng mga Maranaw, sa umpisa pa lang ay gumamit na ng bluff si Pagong. Umarte siyang kunwari ay gusto niya ang bahaging may dahon para ang isipin ni Matsing ito ang mas magandang bahagi ng puno at ito ang dapat piliin. Ito nga ang pinili ni Matsing. Medyo nakakalito ito sa batang mambabasa dahil ibig sabihin ay parehong sinusubukan nina Pagong at Matsing ang isa’t isa para makapanlamang sa isa’t isa. Kung ganon nga, magkaibigan ba talaga sila? At sino ang bida at kontrabida?

Sa bersiyon ng mga Kalinga at Bilaan, pagkatapos pagdamutan ni Matsing si Pagong mula sa ituktok ng puno, nagalit si Pagong. Pinalibutan niya ng matutulis na istik ang puno kaya nang mahulog/bumaba ng puno si Matsing, nagkasugat-sugat ito at namatay. Kinain ni Pagong si Matsing.

Sa bersiyon ng mga Kapampangan (una), binalatan ni Pagong ang patay nang si Matsing at ibinenta ang karne sa iba pang matsing.

Bukod sa ang mga ito ay marahas at nakakadiri para sa isang batang mambabasa, maguguluhan din siya sa mga tauhan. Si Matsing ang manloloko pero sobrang lupit naman kung gumanti si Pagong. Magkaibigan nga ba talaga sila? Sino ngayon ang mabuti at masama?

Sa bersiyon ng mga Bisaya at ng kay Rizal, hindi nabanggit ang salitang kaibigan. Marahil ay ito ang ini-retain ng muling tagapagsalaysay sa kuwentong pambata upang, gaya ng binanggit ko kanina, hindi maguluhan ang batang mambabasa sa intensiyon, kilos at ugali ng dalawang tauhan sa isa’t isa. Isa pang maaaring rason ng muling tagapagsalaysay kung bakit hindi ginawang magkaibigan ang dalawa ay upang may dahilan kung bakit hindi alam ni Matsing na sa ilog o tubig nakatira si Pagong. Kung talagang magkaibigan sila, dapat ay alam ni Matsing ang impormasyong ito.

2. pang-aasar ni Matsing at ang masama nitong ugali
Sa umpisa pa lang ay ipinakilala na ng muling tagapagsalaysay (MT) ang
kagaspangan ng ugali ni Matsing sa pamamagitan ng sagutang ito:
“Tingnan mo, Pagong,” sabi ni Matsing. Itinuro niya ang puno ng saging.
“Alin, ang langit?” tanong ni Pagong.
Nagtawa nang malakas si Matsing. “Kay bagal mo na, bulag ka pa,” sabi ni Matsing. “Iyong puno ng saging ang itinuturo ko.”

Ang bahaging ito ay wala sa lahat ng bersiyon. Tanging ang kuwentong pambata lang ang mayroon. Ang nakasalungguhit na bahagi ay idinagdag ng MT upang ipasilip sa mambabasa kung paanong mag-isip at makipag-usap si Matsing. Isang mali lamang sa panig ng kanyang kausap ay tinutukso na pala niya ito at nilalait. Si Matsing, hindi lang tuso, matalim pa ang dila. Pinalalaki niya ang maliliit na bagay na maaari naman nang palampasin.

At hindi rin siya marunong magparaya sa mas maliit sa kanya. Sinasamantala niyang lagi ang pagkakataon, halimbawa nito ay noong makuha na nila ang puno ng saging at maghahati na sila. Siya raw ang unang nakakita kaya iginiit niyang siya rin ang unang pipili. Walang pakundangan si Matsing kahit ang kaharap ay mas maliit sa kanya. Manloloko din siya dahil nilansi niya si Pagong para makaakyat siya sa puno nito, makapitas at makakain ng bunga. Malupit din si Matsing dahil ang naisip niya agad nang masugatan siya dahil kay Pagong ay ang patayin ito.

3. konsistensi

Ang kuwentong pambatang PAM ay mayroon ding konsistensi pagdating sa
kaalaman ng mga tauhan ukol sa isa’t isa. Sa bersiyon ng Kapampangan (una), pinalangoy pa ni Matsing si Pagong upang kunin ang inaanod na puno ng saging. Sa isa pang bersiyon ng Kapampangan, binanggit din na lumangoy, hindi nga lang inutusan tulad ng sa naunang bersiyon ng Kapampangan, si Pagong upang kunin ang puno ng saging. Ibig sabihin, alam at nakita ni Matsing na nakakalangoy si Pagong.
Sa kuwentong pambata, sabay na kinuha nina Pagong at Matsing ang puno ng saging. Hindi sinabi rito kung paano kinuha ang puno ng saging ngunit wala rin namang binanggit na lumangoy si Pagong upang kunin ang puno. Ito ay upang hindi malito ang batang mambabasa pagdating sa dulo ng kuwento kung saan magugulat si Matsing na nakakalangoy pala si Pagong.

(Bagama’t sa unang dalawang bersiyong binanggit, ang nagtapon kay Pagong sa tubig ay hindi ang mismong matsing na nakakita ditong lumangoy kundi ang kalahi at kapartido nitong mga matsing. Kaya posible rin naman talaga na hindi alam ng mga ito na nakakalangoy pala si Pagong.)

4. ang panakong-nakong na si Matsing at ang maagap na si Pagong

Isang eksena sa kuwentong pambata ang nagpakilala kay Matsing bilang
panakong-nakong at kay Pagong naman bilang maagap. Ito ay noong itinuro lamang ni Matsing ang puno ng saging kay Pagong. Ayon sa lahat ng bersiyon, sabay na nakita ng dalawa ang puno ng saging. Ngunit sa kuwentong pambata, si Matsing ang unang nakakita. Ngunit wala siyang ginawa. Itinuro lamang niya ito kay Pagong pagkatapos ay nang magkamali ng pagsagot si Pagong, tinukso niya itong mabagal at bulag.
Ibang-iba naman ang naging reaksiyon ni Pagong dahil pagkakita nito sa puno ng saging, mabilis niyang iminungkahing kunin nila ito.

“Oo nga, ano,” sabi ni Pagong. “Halika’t kunin natin.”

Ibig sabihin, aksiyon agad! At nang gamitin ni Pagong ang panghalip na natin, ipinahahayag lang nito na mabilis niyang kinilala ang kawalan niya ng kakayahang gawin nang mag-isa ang naisip na ideya. Inimbitahan niya agad si Matsing sa nais niyang gawin. Isa itong napakahusay na paraan upang ituro sa mga batang mambabasa na ang pagiging maagap sa mga natatagpuang oportunidad sa paligid ay magandang katangian. Dapat lang na mabilis ang desisyon at kilos. Maaari din itong ilapat sa work place setting.

Isa pang halimbawa ng pagiging maagap ni Pagong:

“Hu! Hu! Hu!” iyak ni Matsing. “Ay, Pagong, namatay ang tanim ko.”
“Aba, iyon lang pala. Huwag kang umiyak,” sabi naman ni Pagong. “Tingnan
mo ang tanim ko, ang daming bunga. Tulungan mo na lang akong mamitas at hahatian kita sa bunga.”

Kitang-kita, ang ginawa ni Matsing nang mamatay ang puno ay umiyak. Si
Pagong nang mabalitaan ito ay minaliit ang pangyayari. Iyon lang pala, anya na para bang sinasabing may kalutasan naman iyan kaya’t hindi iniiyakan. Pagkatapos ay sinundan niya ito ng isang utos na tiyak na makakapagpagaan sa dibdib ni Matsing.

“Tingnan mo ang tanim ko, ang daming bunga.” Tunay talagang maagap at mabilis mag-isip itong si Pagong. Pro-active pa.

5. ang negosasyon

Sa kuwentong pambata ay nakipag-argumento pa si Pagong kay Matsing sa kung
aling parte ng puno ang dapat na mapunta sa kanya.

“Hep! Sa ating paghahati, ako muna ang pipili,” sabi ni Matsing.
“Bakit naman? Ako muna dahil maliit naman ako,” sabi ni Pagong.
“Hindi maaari! Ako ang nakakita kaya ako ang unang pipili,” sabi ni Matsing.

Makikita rito na marunong nang mangatwiran at makipagnegosasyon ang mga hayop na ito. Sa bersiyon ng mga Moslem/Maranaw, nagkaroon din ng negosasyon. Si Pagong naman ang unang pumili sa kung aling bahagi ng puno ang kukunin ngunit gumamit siya ng bluff para piliin ni Matsing ang bahaging ayaw talaga niyang mapunta sa kanya. Sa bersiyon naman ng mga Bisaya ay nagtalo sila. Ngunit sa mga bersiyon ni Rizal, Kapampangan (ikalawa), Kalinga at Bilaan ay walang nangyaring negosasyon, argumento o debate.

Sa pamamagitan ng eksenang nagpapakita ng pangangatwiran ni Pagong, maaaring matutuhan ng isang bata ang kritikal na pag-iisip. Hindi agad tinanggap ni Pagong ang pahayag ni Matsing na ito muna ang pipili. Nagtanong si Pagong at nangatwiran na siya ay pagbigyan dahil siya ay maliit. Ipinapasa nito sa bata ang halaga ng pagtatanong, pakikipag-argumento o pakikipagdebate para sa isang bagay na sa tingin niya ay para sa kanya o maaaring mapasakanya. Maaari ding tingnan ito bilang pakikipaglaban para sa kanyang karapatan kahit na o lalo na kung siya ay maliit katulad halimbawa ni Pagong.

6. ang pag-i-invest sa sariling bayan

Sa bersiyon ng mga Bisaya, bersiyon ni Rizal, ng mga Kapampangan (ikalawa) at
ng mga Moslem/Maranaw, hindi binanggit kung saan itinanim nina Pagong at Matsing ang bahagi ng punong kanilang nakuha. Sa Kapampangan (una) ay sinabing sa kakahuyan nagtanim si Pagong. Sa bersiyon ng Kalinga, sa alluvial soil nagtanim si Pagong at isinampay naman ni Matsing ang puno niya sa isa pang puno. Sa bersiyon ng Bilaan, sa kaingin nagtanim ang dalawa. Ano ang sa kuwentong pambata?

Itinanim ni Pagong ang kanyang bahagi ng puno sa may tabing-ilog. Si Matsing naman ay sa may kakahuyan nagtanim. Ibig sabihin, nagtanim sila sa kani-kaniyang tahanan.
Ang puno ng saging ay maaaring tingnan bilang simbolo ng kayamanan. Bukod sa ang bunga nito ay pagkain at nagbibigay-sustansiya at lakas sa katawan (at kakayahang gumawa at lumikha), kakulay pa nito ang ginto.

Nang makuha nina Pagong at Matsing ang “kayamanan”, naghati sila. Pagkatapos ay itinanim nila ang bahagi ng hinating kayamanang ito sa kani-kanilang tahanan. Hindi nagdalawang-isip ang mga tauhan kung saan ilalagay ang kanilang kayamanan. Agad nila itong dinala sa kanilang tahanan. Ibig sabihin, ‘inilagay’ nila ang kayamanan nila sa kanilang tahanan. At sa hinaharap, kapalit ng kanilang pag-aalaga, panahon at paglalagay ng pataba, ang mga ito ay inaasahan nilang lalago at ‘tutubo.’
Maaari itong ituring na paglalagak ng puhunan sa sariling bayan. Ang masaklap nga lang, si Matsing ang unang nakakita sa kayamanan sa ilog, na tahanan naman ni Pagong. Nang makuha nila ito, hindi nakuha ni Pagong ang lahat ng kayamanang iyon. Naghati pa sila saka palang in-invest sa kani-kanilang tahanan.

Ito ay isang paraan ng pagtuturo sa batang mambabasa na anumang kapaki-pakinabang na makita mo ay iuwi at palaguin sa tabing-ilog o sa sarili mong bayan. Katulad ni Pagong. Huwag na sa kaingin o sa kakahuyan, kasi hindi ka naman nakatira doon. Baka pagnasaan at nakawin lamang ang mga ito ng mga matsing na tagaroon.

7. malaking bentahe ang tamang kaalaman

Naging bentahe ni Pagong ang kaalaman niyang namumunga ang bahagi ng punong
may ugat kaya naman walang nasayang sa kanyang ipinuhunang pagod, panahon at pera (sa anyo ng pataba). Di tulad ni Matsing na walang kaalam-alam sa kung paanong nabubuhay ang punong pinagkukunan pa naman niya ng isa sa kanyang paboritong pagkain. Nasayang lamang ang kanyang ipinuhunang pagod, panahon at pera dahil ito ay namatay. At bakit naman hindi mamamatay? Puro dahon lamang ang mayroon ito. Walang ugat.

Ito ay pagpapakilala ng isang aralin mula sa mundo ng kalakalan: may bentahe ang isang negosyante kung marami siyang alam sa pinapasok niyang negosyo. Malaki ang tsansang magtagumpay o kumita siya rito. Samantala, ang isang negosyanteng walang alam o misinformed ay madalas na nalulugi o nababangkarote. Sa dulo na lamang niya malalaman na mali pala ang una niyang haka. Naubos na ang kanyang pera, pagod at panahon.

8. pagtatrabaho nang maigi, susi sa tagumpay

Sa lahat ng bersiyon ay hindi binanggit ang pagpapahalaga at pagtatrabaho nina
Pagong at Matsing para sa mga nakuha nilang bahagi ng puno. Ang sinabi lamang ay itinanim nila ang kani-kanilang bahagi ng puno. Ngunit sa kuwentong pambata, ibinigay ng muling tagapagsalaysay ang detalye. Bakit? Sapagkat mayroon naman itong magandang aral na ibinabahagi. Narito ang nangyari:
Inalagaan ng dalawa ang kanilang mga tanim. Diniligan nila ang mga ito araw-araw
at nilagyan ng pataba.

Bakit ito idinetalye ng muling tagapagsalaysay? Dahil ito ay isang malikhaing paraan ng pagsasabi ng ‘Kapag may itinanim, may aanihin.’ At nais din itong ipasa ng muling tagapagsalaysay sa batang mambabasa. Kapag ikaw ay namuhunan at kumilos para mapalago ito, ikaw ay kikita. Kapag ikaw ay nagtrabaho, ikaw ay kikita. Kapag ikaw ay kumayod, may makakamit kang ginhawa. Bukod dito, ang mga eksenang nabanggit ay nagpapakita rin ng pagmamahal at pagpapahalaga sa mga gawaing pangrural. Kinalugdan ng dalawang tauhan ang ginawa nila para sa kani-kaniyang tanim. Araw-araw pa nga nilang dinidiligan ito at nilagyan ng pataba.

9. mag-ingat sa mga dumadayo

Sa bersiyon ng mga Bisaya at Kapampangan (ikalawa), si Pagong ang nagpunta
kay Matsing. Inalok nito si Matsing na umakyat ng puno upang kunin ang bunga. Sa bersiyon ni Rizal, nagkita sa daan sina Pagong at Matsing. Sa bersiyon ng mga Moslem/Maranaw, Kalinga at Bilaan, sabay silang bumalik sa lugar na kanilang pinagtaniman. Sa bersiyon ng mga Kapampangan (una) at kuwentong pambata, pinuntahan ni Matsing si Pagong. At sa parehong bersiyong iyan ay may nangyaring masama.

Ito ay maituturing na pagbibigay-babala sa batang mambabasa na huwag basta-
basta magtiwala at maging mas alerto kapag may dumadayong kakilala o kaibigan o estranghero man. Lalo’t iyong dayong pilyo at di marunong magparaya sa maliliit sa simula’t simula pa lang. Dahil maaaring ang pakay nito ay walang iba kundi ang kayamanang pinaghirapan.

10. pagtulong sa kapwa sa tamang paraan

Dumulog si Matsing kay Pagong dahil namatay ang tanim niya at wala siyang makakaing saging.

“Hu! Hu! Hu!” iyak ni Matsing. “Ay, Pagong, namatay ang tanim ko.”
“Aba, iyon lang pala. Huwag kang umiyak,” sabi naman ni Pagong. “Tingnan
mo ang tanim ko, ang daming bunga. Tulungan mo na lang akong mamitas at hahatian kita sa bunga.”

Ang sagot ni Pagong ay katulad ng biblical passage na, “don’t just give them fish. Teach them how to fish.” Hindi niya basta bibigyan lang ng saging si Matsing dahil marahil ay nakikita niya ang tendensiyang humingi at dumepende na lamang ito sa kanya nang dumepende para sa pagkain. Katulad ng boss ng maraming korporasyon at kompanya ngayon, si Pagong ay nagpa-praktis ng corporate social responsibility. Tutulungan niya si Matsing sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng gawain upang kitain nito ang kailangan niyang saging. Sa corporate social responsibility, parehong nakikinabang ang tagapagbigay at ang binibigyan. Ang tagapagbigay ay lalong naa-affirm ang silbi sa kapwa sa pamamagitan ng pagtulong, samantalang ang binibigyan naman ay naa-affirm din ang silbi sa kapwa sa pamamagitan ng paggawa, paglilingkod o serbisyo at ang nakukuha niyang kompensasyon.

11. konsepto ng sapat na sahod/kompensasyon para sa ginawang trabaho
ng isang tao

Muli, narito ang sinabi ni Pagong kay Matsing nang umiiyak na dumulog ang huli sa una dahil namatay ang inalagaan niyang bahagi ng puno:

“Tingnan mo ang tanim ko, ang daming bunga. Tulungan mo na lang akong mamitas at hahatian kita sa bunga.”

Sa bersiyon ng mga Bisaya, inalok ni Pagong si Matsing na akyatin nito ang puno para makakuha ng bunga. Sa bersiyon ni Rizal at ng mga Bilaan, nagboluntaryo si Matsing na akyatin ang puno at pitasin ang bunga. Sa Kalinga, ayon kay Pagong, dalawa silang kakain ng bunga kaya’t agad na umakyat si Matsing. Ngunit sa Kapampangan (una at ikalawa), inalok ni Pagong si Matsing ng kalahati ng makukuha nitong bunga kapalit ng kayang pag-akyat sa puno.

Ito rin ang nakasaad na eksena sa kuwentong pambata. Napakalinaw nito. May konsepto si Pagong ng pagbibigay ng tamang kabayaran sa magiging katuwang niya sa pagpitas ng saging. Ibig sabihin, higit pa sa pagiging empleyado ang pagturing niya kay Matsing kahit na maglilingkod/pipitas nga ito ng prutas para sa kanya. Itinuring niya itong kapantay niya sa pamamagitan ng pagbibigay ng kalahati ng kanyang ani. Kumbaga sa isang kompanya, parang stockholder din ang empleyado (na kadalasan ay siyang gumagawa ng mahirap na trabaho) at naghahati sila ng boss sa kita. Di tulad sa nangyayari ngayon na maliit na maliit na porsiyento lamang ng kita ng boss ang napupunta sa empleyado.

12. hingiin kung ano ang talagang para sa iyo

Hindi kilala si Pagong bilang isang demanding na tauhan. Sa bersiyon ng mga Kapampangan (una at ikalawa), Bilaan at Bisaya, hindi siya humingi ng saging sa nagpapakabusog na si Matsing sa ituktok ng puno. Pero sa bersiyon ni Rizal at sa Kalinga, nag-demand siya. Ngunit ang paraan ng paghingi ay sa napakagalang na paraan.
Bersiyon ni Rizal:

‘But, give me some, too,’ said the tortoise, seeing that the monkey did not take the slightest notice of her.

Ang mga salitang ‘but,’ ‘some’ at ‘too’ ay maaaring ipakahulugan na medyo nangingilag pang humingi si Pagong kay Matsing. Halos walang puwersa.

Bersiyon ng mga Kalinga:

At first the turtle patiently waited before asking for some but when all he got were peelings until nothing was left on the tree, the turtle got angry.

Dito naman ay napakagalang ni Pagong. Naghintay pa talaga siyang mabusog si Matsing. Pansinin din ang ginamit na salita, ‘ask’ at hindi demand.

Heto naman ang sa kuwentong pambatang PAM,

“Hoy, Matsing! Bigyan mo naman ako!”sigaw ni Pagong.

Malinaw na nagde-demand siya ng kanyang hati. At hindi sa magalang na magalang na paraan. Sumigaw pa siya. Ibig sabihin ay wala siyang pakialam kung may makarinig mang iba o kaya ay kung nasisigawan na niya si Matsing. Ang sa kanya, kinukuha lamang niya kung ano ang nararapat na sa kanya. Malakas ang loob niyang sumigaw dahil alam niyang nasa tama siyang panig. Ang paggamit din ng salitang naman ay nangangahulugan lamang na sumosobra na talaga si Matsing dahil bukod sa inuubos na ang saging sa puno ay ni hindi nito binibigyan ang may-ari ng puno.

Ano nga ba ang itinuturo nito? Kung sa tingin mo ay nadedehado ka na o naaapi ka na sa isang kasunduan o sa isang sitwasyon, huwag mahiya, wala nang hiya-hiya, mag-demand agad. Hingiin anuman ang nararapat na para sa iyo. At kapag hindi ito ibinigay sa iyo, umaksiyon agad.

13. pagtutugma

Nakakaaliw ang ritmong matatagpuan sa kuwento. Mayroong pagtutugma na umaayon sa prinsipyong ear appeal. Sa madaling salita, masarap pakinggan.
Ang ilan sa mga linya ng tauhan sa PAM na may tugma at parang napakamatulain
kapag sinambit:

a. Ang sinabi ng matsing nang nasa puno na siya:
Balat man kung malinamnam,
hindi kita hahagisan.

b. Ang sinabi ng matsing pagkakuha nila sa puno ng saging:
“Hep! Sa ating paghahati,
ako muna ang pipili.”

c. Ang sinabi naman ng pagong nang nasa tubig na siya:
“Ay, Matsing, kay hina mo talaga.
Hindi mo ba alam na sa tubig ako nakatira?”

Bukod sa mas masarap ito pakinggan kaysa sa mga linyang walang tugma, ito rin ay isang device upang maalala ng bata ang sinasabi ng mga tauhan sakaling nais naman niya itong ikuwento sa iba nang wala ang kopya ng aklat. Ang pagtutugma ay hindi lamang dekorasyon sa isang nakalimbag na akda, ito rin ay isang paraan upang mapanatili ang kalikasan ng kuwentong ito at iyon ay walang iba kundi ang pagiging oral.

Sapagkat ayon kay Damiana Eugenio sa kanyang introduksiyon sa Philippine Folk Literature, hindi nagtatapos sa pagkakalathala ng panitikang oral ang pagiging oral nito. Narito ang kanyang quote ng isang folklorist, “Or a folksong may be written down from oral sources in a West Virginia “ballet” book, or printed in New York or London on a broadside or in a songster. If it gets back in oral tradition it is still a folksong.”

Maaaring sabihing ginamitan ng pagtutugma ang PAM upang mahikayat ang mga bata ikuwento nang ikuwento ang PAM sa iba. Ibig sabihin, mismong ang teksto ay may sariling device upang ito ay babalik at babalik muli sa tradisyong oral, ang PAM bilang kuwentong-bayan.

Nais ko na ring idagdag dito ang katangian ng kuwentong pambatang PAM na madaling ikuwento, maintindihan at matandaan ng bata ang punto ng salaysay
Kahit sa pamamagitan lamang ng paglalahad ng mga key word:
Pagong
pagkalanta paghihiganti
Matsing
pag-usbong pagbabanta
saging
pamumunga pakikipag-negosasyon
paghahati
pamimitas pagkakaligtas
ugat
pag-ubos sa bunga
mga dahon
galit

ay madaling mauunawaan ng isang bata ang kuwentong pambatang PAM. Ito ay naglalaman ng mga simpleng serye ng sanhi at bunga. Wala itong mga side plot at dagdag na tauhang makakapagkomplika sa kuwento.

Gaya ng nabanggit ko kanina ukol sa pagtutugma, ito rin ay isang paraan upang mapanatili ang kalikasang oral ng kuwentong ito. Kung madali nga namang maunawaan at matandaan ay madali itong maikukuwento ng isang bata sa iba. At magbabalik na naman ito bilang panitikang oral.

Sa ibang bersiyon kasi ay may pagka-komplikado na ang banghay sapagkat nanganak nang nanganak ang bawat paghihiganti ng tauhan. Halimbawa, ang sa bersiyon ng mga Bilaan, sa umpisa ay nag-away sina Pagong at Matsing dahil sa hayop na nahuli nila sa patibong, nang mamatay ang pamilya ni Matsing, naging magkaibigan sila uli at dumating nga sa buhay nila ang puno ng saging. Niloko na naman ng matsing ang pagong. Naglagay ng matutulis na kawayan ang pagong, nahulog ang matsing, namatay siya. Pagkatapos ay biglang nagkaroon ng mga bagong tauhan. Ito naman ang mga kalahi ng matsing na nagtangka ring maghiganti sa pagong pagkatapos kainin ng pagong ang manlolokong matsing. Inilahad din sa pagtatapos ng kuwento ang nangyari kay Pagong nang mahulog ito sa puno. Marami na ang nadagdag at nasangkot na tauhan dahil sa tindi ng pagnanasang makaganti ng mga tauhan sa isa’t isa.

Sa Kalinga naman ay pareho lang ng sa Bilaan. Ang ipinagkaiba lang nito ay nag-umpisa agad ang kuwento sa pagtatagpo ng matsing, pagong at puno ng saging.

14. pagpapahalaga sa kapwa

Sa bersiyon ni Rizal at mga Kapampangan (una), nag-isip agad ng higanti si
Pagong nang pagdamutan siya ng saging ni Matsing. Sa bersiyon ng mga Kapampangan (ikalawa) at Kalinga, ang sinabi lamang ay nagalit si Pagong. Ang sa kuwentong pambata ay kahawig ng sa bersiyon ng mga Bilaan: Nagalit si Pagong sa sagot/ginawa ni Matsing. Hindi nagalit si Pagong kay Matsing kundi nagalit ito doon sa sinabi/ginawa ni Matsing.

Maaaring matutuhan ng batang mambabasa rito ang isang katutubong konsepto sa sikolohiyang Pilipino at ito ay walang iba kundi ang kapwa o pagpapahalaga sa kapwa kahit pa ang isang tao (o hayop) ay may nagawang masama o nagkasala sa pamamagitan ng pagpopokus lamang sa sinabi/ginawa imbes na sa taong (o hayop) nagkasala mismo.

Kinikilala din ng ganitong pagtingin ang tao bilang isang mortal na nilalang. Ibig sabihin ay tangan nito ang katotohanang hindi naman perpekto ang isang tao (o hayop) at may karapatan siyang magkamali o di kaya ay magkasala sa kapwa. Kaya dapat lamang na hindi sa tao matuon ang galit natin sakaling gawan tayo nito ng masama kundi sa kanyang ginawa.

Ang karugtong nito ay kapag naitama na ng partidong nagkasala o gumawa nang masama ang kanyang sinabi/ ginawa, madali na ang pagpapatawad sapagkat hindi nga sa tao ang tuon ng galit kundi sa sinabi/ginawa lamang nito.

15. ang tinik sa puno ng saging

Sa unang basa, magkahawig na magkahawig ang bersiyon ni Rizal at ang kuwentong pambatang PAM sapagkat magkapareho ito ng plot, simpleng simple at agad na nagtapos nang makalayo na sa pamamagitan ng paglangoy si Pagong kay Matsing. Pareho ding dadalawa ang tauhan ng mga ito. Sa bersiyon ng mga Bilaan, Kalinga at Kapampangan (una), marami ang tauhan. Nariyan si Tabkukong, si Busissi, ang alimango, ang asawa at mga anak ni Matsing, ang grupo ng mga matsing, ang “council of war,” ang usa at marami pang iba.

Sa bersiyon ni Rizal ay masasabi ko ring hindi naging mabigat ang “karahasan.” Ibig sabihin ay walang pagdanak ng maraming dugo at wala ring namatay. Ang mayroon lang ay berbal na mga pagbabantang pagpatay (o pag-iisip ng paraan ng pagpatay) ni Matsing kay Pagong at galos-galos ni Matsing dahil sa ibinaon ni Pagong na mga suso sa puno ng saging.

Sa kuwentong pambata, ang ginamit ng muling tagapagsalaysay ay tinik para makaganti si Pagong kay Matsing. Katulad ng susong ginamit ni Rizal sa kanyang bersiyon, ang mga tinik ay sapat upang makasakit o makasugat ngunit hindi sapat upang makapatay. Maaaring hindi na nakita ang pangangailangan na magpadanak pa ng mas maraming dugo kung sa gayong paraan naman ay nakaganti na ang bida sa kontrabida.
Sa bersiyon naman ng mga Bilaan (na mula sa kultura ng magigiting na mandirigma), Tagalog-Fansler at Kapampangan (una at ikalawa) ay ginamit ang “pointed, sharp sticks at bamboo stakes.” Itinampok sa mga bersiyong ito ang pagbagsak ni Matsing mula sa puno patungo sa nakausling matutulis na kawayan. At namatay siyang nakatusok sa mga kawayan. Sa mga nabanggit ding bersiyon ay panay-panay ang mga salitang dead, death, kill, died dahil may mga nagpatayan dito: pinatay ni Pagong ang asawa at mga anak ni Matsing, at talagang isinagawa ng mga tauhan ang, sa punto de bista ko’y, malulupit nilang parusa sa kanilang kaaway: sinakal ng mga matsing ang ibong tabkuko hanggang sa ito ay halos mapugtuan ng hininga at mamatay na at pinana ng pagong ang lahat ng kapamilya ni Matsing. O di kaya ay hindi man pinatay ng kaaway, namatay din sa trahikong paraan, halimbawa ay ang pagong na naghangad ng pulang buntot, umakyat ito ng puno at nang madupilas ay nabasag na parang baso at ang mga bahagi nito ay parang bubog na nagkalat sa paligid.

Ngunit sa bersiyon naman ng mga Moslem/Maranaw (mula rin sa kultura ng magigiting na mandirigma) at Bisaya ay walang kahit kaunting pisikal na karahasan. Natapos ang bersiyon ng PAM ng Moslem/Maranaw nang tumubo at nagkabunga ang tanim ng pagong at namatay naman ang tanim ng matsing. Napakaikli at hindi masyado kapana-panabik. Gayundin ang bersiyon ng Bisaya dahil ito naman ay nagtapos sa pambabato ng saging ng matsing sa manlolokong pagong.

Kung ang mga bersiyon ng PAM ay nasa isang spectrum, nasa gitna ng dalawang grupo ng mga bersiyon na ito ang kay Rizal.

Sa madaling salita, sa pinakakaliwa ay pointed, sharp sticks, bamboo stakes, sa pinakadulo sa kanan ay wala. Ang nasa gitna ay suso at mga tinik, hindi nakakamatay ngunit nakakasugat pa rin.

Kaya isa ito sa mga dahilan kung bakit ang bersiyon ni Rizal ay kamukha ng kuwentong pambata. Ito ay hindi masyadong maikli, hindi rin mahaba. May tapang, bangis at pulampulang dugo ng isa ngunit mayroon ding hinahon ng kabila. Simple ang banghay ngunit may twist din sa katapusan.

Ngunit katulad ng nabanggit ko na sa mga unang bahagi ng papel, marami ang detalyeng kamukha ng sa iba pang bersiyon. Ang sa kuwentong pambata ay tatlo ang pinagpilian ni Matsing: tatadtarin nang pinong-pino si Pagong, iluluto o ihahagis sa ilog, Samantalang sa bersiyon ni Rizal ay dalawa lamang: dudurugin sa almires o ihahagis sa tubig. Sa bersiyon ng mga Kapampangan (una) ay sunugin, hiwa-hiwain o lulunurin sa ilog. Sa mga Kalinga ay dudurugin hanggang sa mamatay si Pagong o susunugin o ihahagis sa tubig. Sa mga Bilaan ay nakaganti nang kaunti ang mga matsing dahil pinagtulungan nila si Pagong na mapahiga sa isang malapad na bato. Ito ay pinaghahampas ng mga matsing ng isa pang bato. Kombinasyon ng iba’t ibang bersiyon ang sa kuwentong pambata.

16. ang katatawanan dahil sa pagkakabaliktad at hindi inaasahan

Sa bersiyon ni Rizal, Kapampangan (una), Kalinga at Bilaan, nang nasa tubig na si Pagong, agad niyang inasar si Matsing/ ang mga matsing.
Ang pagwawagi ni Pagong na mabagal, mababa at maliit laban sa malalaki, matataas at mga makapangyarihan ay isang katatawanan. Ayon sa aking guro sa panitikang Ilokano na si Prop. Noemi Rosal, ang katatawanan ay nangyayari kung:

What is NOT EQUAL TO what should be

May disparity sa kung ano ang nangyayari at ano ang inaasahan. Sa mga kuwento, madalas ay inaasahang manalo ang malalaki, matataas at mga makapangyarihan. Lalong lalo na kung ito ay tuso. Ito rin ang dahilan kung bakit may kasabihang TUSO MAN ANG MATSING, NAPAGLALAMANGAN DIN na binanggit si Pagong sa dulo ng kuwento. Ibig lang sabihin niyon ay bihirang matalo itong si Matsing. Ngunit posible pa rin siyang talunin kahit pa ng isang walang lakas at/o liksi upang siya’y talunin. Bagama’t tuso siya ay mayroon pa rin siyang kahinaan. At ang kahinaan niya ay ang kalakasan naman ni Pagong. Ito ay ang talino. Ipinakita ni Pagong na tulay sa kaligtasan ang talino at ang pagiging alisto. Kung alam lamang ni Matsing kung saan nakatira si Pagong ay matagumpay sana siyang nakapaghiganti.

Nakakatawa ang mga naisip na paraan ni Matsing para makaganti sapagkat una, alam
ng mambabasa na hindi naman sa mga ganitong paraan dumadami ang pagong o pumupula ang kutis ng pagong o namamatay ang pagong at ikalawa, nakakatawa ito dahil ang nililinlang na ay iyong unang nanlinlang. Nagkaroon na ng kaganapan ang kalokohan ng unang manlolokong si Matsing. Bagama’t sa puntong ito ay nanloloko na rin si Pagong, mauunawaan ng mambabasa na hindi ito ang panlolokong kaantas ng ginawa ni Matsing. Ito ay isinasagawa ni Pagong nang may malinis na intensiyon, at iyon ay maisalba ang sarili niyang buhay dahil nga itong si Matsing ay gigil na gigil nang patayin siya. Isang patunay din hindi talaga gawain ni Pagong ang manloko ay ang pagiging takot niya habang siya ay nagsasagawa ng bluff. Maaaring dahil noon lamang niya ginawa ang pagba-bluff kaya takot na takot siya, maaari din namang dahil alam niyang may posibilidad na hindi paniwalaan ni Matsing ang kanyang sinasabi.
Sa ibang bersiyon ay matatagpuan din ang katatawanan halimbawa ay sa bersiyon ng mga Kalinga. Paglalarawan pa lang kay Busissi ay nakakatawa na. Ito ay isang nilalang na ang tiyan daw ay kasinlaki ng isang burol. Tiyak na tatawanan ito ng bata dahil masyadong eksaherado. Ngunit hindi ito isinama ng muling tagapagsalaysay ng kuwentong pambatang PAM marahil ay dahil mas gugulo kung maraming tauhan. At magiging komplikado ang plot kapag pinaabot pa ang kuwento kay Busissi.
Sa bersiyon naman ng mga Bilaan:

Lalong nagalit ang mga matsing. Nagpatulong sila sa usang umiinom ng tubig sa ilog. Sabi ng usa, pasakan lang daw ang kanyang puwit para hindi lalabas ang tubig na kanyang hihigupin mula sa ilog. Pinasakan ng mais ang puwit ni usa. Pero tuwing malapit nang maubos ang tubig sa ilog, biglang tutukain ng isang ibon na si tabkukong ang mais sa puwit ng usa. Umaagos lang tuloy ang tubig pabalik sa ilog.

Ang nakakatawa dito ay ang naisip nilang paraan para mahuli ang pagong. Di nila agad na natantong napakaimposible talagang maubos ng tubig sa ilog sa pamamagitan ng paghigop dito. May pagbanggit din sa puwit at pagpasak ng mais dito. At nakakatawa nga naman isipin na tutukain pa ng isang ibon ang mais na nanggaling na sa puwit! N

Nakakatawa man ay maaaring ito ang dahilan kung bakit hindi ito ipinasok sa kuwentong pambata: nakakadiri!

Bukod dito, nasa ibang antas na ng katatawanan at pang-aaliw na ang gustong iparating ng muling pagsasalaysay.

KONGKLUSYON

Ayon pa kay Rene O. Villanueva sa kanyang sanaysay na Pagsulat ng Kuwentong-Pambata, “…ang mga mito at alamat, at marami sa tinatawag na kuwentong-bayan ay malayong maituring na pambata at hindi binuo sa kapakanan ng bata… Nalikha ang mga ito sa panahong tinatawag nating “noong unang panahon.” Nalikha daw ang mga ito noong hindi pa siyentipiko kung mag-isip ang ating mga ninuno.

Kasama ang kuwentong Pagong at Matsing sa mga naimbento nang mga panahong ito: “Looking back, our world has never really been as idyllic … there were wild forests and wild beasts.” Iyan ang pahayag ni Virgilio S. Almario patungkol sa milieu ng ating mga ninuno nang likhain nila ang kanilang panitikan, na kung tawagin natin ngayon ay panitikang oral.

Malaki na ang ipinagbago ng kultura at lipunang Filipino mula noong panahong tinukoy nina Villanueva at Almario.

Ngunit bakit isa ang PAM sa mga kuwentong-bayan na nakaabot sa henerasyon natin ngayon? Ngayong kalbo na ang gubat at iilang dipa na lamang ang “wild forests” at nabibilang na lang sa daliri ang “wild beasts,” may silbi at akit pa nga ba ang kuwentong PAM?

Ano ang maaari nitong maibigay lalo na sa batang mambabasa ngayong “our world has grown more beastly and unjust than the world of our forefathers? ”

Para sa akin ay tagumpay at napakalaking ambag sa panitikang pambata ang muling pagsasalaysay ng Adarna sa kuwentong-bayang Pagong at Matsing. Bukod sa ito ay naghahatid ng aliw ay itinuturing ng bersiyong ito ang batang mambabasa bilang mahalagang bahagi ng lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong mapatalas ang kritikal nitong pag-iisip. Kinikilala din ng muling pagsasalaysay ang pangsikolohiyang pag-unlad ng batang mambabasa, ang kakayahan nitong magtaka, mag-isip, magpahayag ng damdamin, magtanong at magbigay-puna sa mga panloloko, pang-api at kawalan ng katarungan.

Ayon naman kay Eugene Evasco patungkol kina Virgilio Almario at Rene Villanueva, ang mga muling tagapagsalaysay ng mga kuwento ni Pilandok, “itinaas nila ang antas ng panitikang pambata hindi lamang sa layuning mang-aliw kundi magpasiklab ng damdaming makabayan, makatao at makatarungan.” Ito rin ang naiisip ko patungkol sa manunulat/muling tagapagsalaysay ng Si Pagong at Si Matsing.

Masasagot ko na rin ang mga tanong ko kanina: paano makakatulong ang PAM sa mga bata para makaangkop sa mga tinatawag na life stress? Ano ang mayroon dito sa muling pagsasalaysay ng PAM upang makaangkop ang batang Filipino sa mga life stress ng kasalukuyang panahon?

Ani Lucita Lazo, “Sa isang kapitalistang lipunan, madalas makipagtunggali ang pakikisama at pansariling kapakanan. Kung minsan ay kailangan at hinihingi ng pagkakataon na unahin muna ang pansariling kapakanan. Dahil dito, maraming pagkakaibigan ang nasira at marahil masisira pa. marahil, maiintindihan niya lalo pa’t kung ito ay ikauunlad ng kapwa niya tao. Nais ko lamang sabihin na ang mga pagpapahalagang ituturo sa mga bata ay bagama’t maganda sa turing, kadalasa’y taliwas o di katugma ng nagaganap sa ating kapaligiran sa mundo ngayon. Dahil sa ganito ang ating kapaligiran, kailangan lamang na maging makatotohanan ang ating ituturo sa mga bata pagkat ang kanilang napupulot at natutuhan ay siyang magiging batayan ng kanilang pananaw sa buhay.”

Tumutugon ang kuwentong pambatang PAM sa panawagang ito. Makatotohanan at napapanahon ang talinghaga ng puno ng saging bilang kayamanan/ puhunan, at ang kakahuyan at ang tabing-ilog bilang bayan, ang relasyon nina Pagong at Matsing na bagama’t hindi magkaibigan ay kailangan ang isa’t isa dahil sa ilang mga transaksiyon, ang mapanlinlang na mga katransaksiyon tulad ni Matsing.
Kaya ng kuwentong pambatang PAM na pukawin ang diwa ng katarungan, katalinuhan at katapangan ng batang mambabasa. Sa kuwentong ito, maaari kang matutong mag-demand, makipag-negotiate, magpahalaga sa pagpupuhunan o pag-iinvest sa sariling bayan, maging mapagmasid sa kapaligiran, kilalanin ang bawat nakakasalamuha at marami pang iba.

Dito ay matatatanto mong hindi na uso ang martir. Kailangan maging ismarte ka’t huwag na huwag magpapaapi o magpapalamang sa kahit na sino. Lalong lalo na sa dayo.

MGA BUOD

1. The Tortoise and the Monkey (Bisaya)

Itong sina Pagong at Matsing ay nakakita ng usbong ng puno ng saging na kung tawagin ay sahan. Nagtalo sila kung sino ang mag-uuwi ng mas mainam na bahagi nito. Para malamangan si Matsing, hiningi ni Pagong ang bahaging may dahon. Akala tuloy ni Matsing ito ang mas mainam na bahagi ng sahan kaya ito ang kinuha niya. Ibinigay ni Matsing kay Pagong ang bahaging may ugat. Kaya ipinakita ni Pagong na gusto niya ang bahaging may dahon ay para talagang mapasakanya ang bahaging may ugat na siyang tumutubo at lumalago.

Nang lumaki na ang bahaging may ugat at nagkabunga na, pinuntahan ni Pagong si Matsing para akyatin ang puno at kunin ang bunga. Siya namang ginawa ni Matsing. Pero nang nakaupo na ito sa itaas ng puno, kumain na lang ito nang kumain ng saging. Hindi niya binigyan ng saging si Pagong. Binato pa niya ito ng balat bilang ganti sa panloloko nito sa kanya.

2. The Monkey and the Tortoise (Tagalog/Rizal)

(Dahil maraming binanggit na pamagat ng iisang kuwento si Rizal: Tale of the Tortoise and the Monkey, Ang buhay ni pagong at ni matsing, The Monkey and the Tortoise at The Tortoise and the Monkey, ibinatay ko ang pamagat sa kung ano ang nakalagay sa iginuhit at isinulat ni Rizal noong 1886.)

Nakita ng pagong at matsing ang isang puno ng saging na palutang-lutang sa ilog. Maganda ang punong ito, malalaki at lunti ang dahon at may ugat na para bang isang bagyo ang bumunot dito kamakailan lang. dinala nila ito sa pampang. Iminungkahi ng pagong na hatiin ito sa dalawa at itanim ang dalawang bahagi. Kinuha ng matsing ang may dahon dahil siya ang mas malakas sa kanila ni pagong. Isa pa’y naisip niyang mas madali itong lumago dahil nga may dahon na. Dahil mas mahina si pagong, napunta sa kanya ang ibabang bahagi ng puno, iyong may ugat. Pagdaan ng ilang araw, nagkita sila.

Kinamusta ng pagong ang napunta sa matsing. namatay na pala ang bahaging puro dahon. Kinamusta naman niya ang sa pagong. At ibinalita ng pagong na malago na ito at may bunga na. Iyon nga lang at hindi niya mapitas dahil hindi niya kayang umakyat sa puno. nagprisinta ang matsing na pipitasin ang bunga para sa pagong. Agad silang nagpunta sa bahay ng pagong. Pero pagkakita pa lang sa mga bunga, din a nakapagpigil ang matsing. umakyat na siya ng puno, namitas at kumain nang kumain ng saging. Humingi ng ilang piraso ang pagong nang mapansin niyang ni hindi siya pinapansin nito. tapos sumagot pa ang matsing ng, “kahit balat kung masarap ay di rin kita bibigyan.”

Nag-isip kung paanong makagaganti ang pagong. Nagpunta siya sa ilog at pumulot ng matutulis na suso at itinanim ang mga ito sa paligid ng puno ng saging. Nagtago siya sa ilalim ng bao. Pagbaba ng matsing, nagkasugat-sugat ito. Agad nitong hinanap ang pagong.

Nang makita ang pagong, sabi ng matsing, kailangan niyang pagbayaran ngayon ang kasamaang ginawa niya. Dapat lang daw ay mamatay siya. Pero hindi naman daw talaga siya masama, bibigyan pa raw niya ito ng pagpipilian ng paraan ng kamatayan: didikdikin sa almires o ihahagis sa ilog.

Almires ang isinagot ng pagong dahil natatakot daw itong malunod. Naisip ng matsing na takot siyang malunod kaya iyon nga ang napagdesisyunan nitong gawin sa kanya. Inihagis ng matsing ang pagong sa ilog. Lumubog ang pagong ngunit agad ding lumutang at habang lumalangoy ay pinagtatawanan ang nalokong tusong matsing.

3. The Turtle and the Monkey (Kapampangan-una)

Isang araw, may isang matsing at pagong na nagkukuwentuhan sa pampang ng isang ilog. May nakita silang nakalutang na puno ng saging. Iminungkahi ng matsing na kunin nila ang puno at itanim ito. Iminungkahi naman ng pagong na siya ang lalangoy para kunin ang puno pero sa kondisyon na sa kanya mapupunta ang itaas na bahagi nito. sumang-ayon ang matsing pero nang makuha na ang puno ay kinuha pa rin ng matsing ang itaas na bahagi nito. namatay ang bahaging kinuha ng matsing. Ang sa pagong naman na sa kakahuyan itinanim ay lumago at nagkabunga.

Nang malaman ng matsing na hinog na ang mga saging, dinalaw niya ang pagong. Inalok siya ng pagong ng kalahati ng bunga kung ito ang aakyat para kunin ang bunga. Umakyat agad ang matsing pero kinain lang nito ang lahat ng saging. Tinapunan niya ng balat ng saging ang pagong.

Kumuha ng matutulis na istik ang pagong at ibinaon sa palibot ng puno. inalerto niya ang matsing na may paparating na mangangaso. Natakot ang matsing kaya tumalon ito at natusok sa matutulis na istik. Di naglaon ay namatay ito.

Binalatan ng pagong ang matsing at pinaarawan ang karne. Ibinenta niya ito sa iba pang matsing sa komunidad. Pero hindi maingat ang pagong sa pagbabalat dahil may naiwan pang mga balahibo ng matsing sa karne. Natuklasan ng mga matsing na matsing din ang kanilang binili. Hinuli nila ang matsing at dinala sa pinuno.

Nang mapatunayang nagkasala ang pagong, nag-isip na ng mga parusa ang pinuno ng mga matsing:
1. sunugin
2. hati-hatiin
3. lunurin sa lawa

Lihim na natuwa ang pagong nang marinig ang ikatlo pero nagkunwari siyang
takot na takot. Agad na inihagis siya ng mga matsing sa lawa. Sumisid ang pagong, pagkaraka’y umahon at tinawanan ang mga matsing. Nakaligtas ang matsing dahil ginamit niya ang kanyang talino.

4. The Monkey and the Turtle (Kapampangan-ikalawa)

Noong unang panahon, may magkaibigan: isang matsing at isang pagong. Isang araw, nakakita sila ng puno ng saging na nakalutang sa tubig. Lumangoy ang pagong at dinala ito sa pampang. Hinati nila ito sa dalawa. Kinuha agad ng matsing ang bahaging may mga dahon. Inisip niyang ang bahaging nasa ituktok ang mas mainam. Tuwang-tuwa ang pagong pero itinago niya ang kanyang pagkatuwa. Nagkanya-kanya na sila ng tanim. Namatay ang tanim ng matsing pero ang sa pagong ay lumago at nagkabunga.

Isang araw, dahil hindi siya makaakyat ng puno, pinakiusapan ng pagong ang matsing na umakyat ng puno para mamitas at magbaba ng mga saging. At bilang kabayaran, inalok niya ang matsing ng kalahati ng lahat ng makukuha nitong saging. Umakyat naman ang matsing pero kinain nito ang lahat ng bunga. Hindi niya binigyan ang pagong. Nagalit ang pagong. Nangolekta siya ng matutulis na istik at ibinaon ito sa katawan ng puno. agad siyang umalis. Pagbaba ng matsing, nagkasugat-sugat ito. Hinanap niya ang pagong para paghigantihan.

Matagal bago nahanap ng matsing ang pagong. Nagtago kasi ito sa ilalim ng halaman ng sili. Aatakihin na sana ng matsing ang pagong nang patahimikin ng pagong ang matsing. Sinabi nitong binabantayan niya ang prutas ng hari. Humingi ang matsing. Binigyan naman agad ito ng pagong pero nagbilin na huwag kakainin hangga’t hindi siya nakakalayo. Magagalit daw ang hari sa kanya kapag nakita nito ang matsing na kumakain ng sili. Sinunod naman ito ng matsing. Dahil napakaanghang ng sili, halos masunog ang bunganga ng matsing. Galit na galit ito at isinumpang parurusahan nang husto ang pagong kapag natagpuan.

Hinanap niya nang hinanap ang pagong. Natagpuan niya ito sa loob ng isang butas sa lupa na para sa ahas. Binantaan ng matsing ang pagong. Pero bigla na lamang tinanong ng pagong kung gusto ng matsing na magsuot ng sinturon ng hari. Tumugon agad ang matsing ng oo. Pinaghintay ng pagong ang matsing. Lalabas na raw ang sinturon mula sa butas na iyon. Nang lumabas ang ahas, sinunggaban ito ng matsing. Pero pumulupot ang ahas sa katawan ng matsing hanggang sa halos di na ito makahinga. Nagpumiglas ito hanggang sa wakas ay makawala at makalayo sa ahas. Isinumpa nitong papatayin ang pagong sa sandaling magkita sila uli.

Pagod na noon ang matsing kaya napaupo siya sa bao kung saan nagtago ang pagong.. Habang nakaupo ay nagtanong ito nang malakas, “Pagong, nasaan ka?” Sumagot naman ang pagong, “nandito ako.” Lumingon-lingon ang matsing pero wala namang ibang hayop doon. Akala niya, isang bahagi ng katawan niya ang nanloloko sa kanya. Tinawag niya nang tinawag uli ang pagong. Sagot din naman ito nang sagot. Nainis na ang matsing. Kinausap niya ang kanyang tiyan at binalaan na kapag sumagot pa ito nang hindi naman tinatanong ay parurusahan na niya ito. Tinawag uli ng matsing ang pagong. Sumagot uli ito. Kaya tuluyan nang nagalit ang matsing. Kumuha siya ng malaking bato at pinukpok niya nang pinukpok ang sariling tiyan. Di nagtagal, namatay ang matsing.

5. The Monkey and the Turtle (Tagalog-Fansler)

Noong unang panahon, may isang pagong na napakabait at napakahaba ng pasensiya. Marami siyang kaibigan. Isa roon ay isang matsing na napakamakasarili.

Isang araw, nagsadya ang matsing sa pagong para magpasamang maglakbay sa kabilang ibayo. Pumayag ang pagong at naglakbay sila kinabukasan. Konti lang ang dalang pagkain ng matsing dahil ayaw niyang magbuhat nang mabigat. Pero ang pagong, napakaraming dinala. Pinayuhan ng pagong ang matsing pero tinawanan lang ito ng matsing. Pagdaan ng limang araw, naubos na ang pagkain ng matsing. Binigyan na lang siya tuloy ng pagong pero talagang matakaw itong matsing. Hingi siya nang hingi kahit katatapos lang nilang kumain.

Walang ano-ano’y pinabibilisan ng matsing ang lakad ng pagong. Na hindi magawa ng pagong dahil marami siyang dala. Inutusan ng matsing ang pagong na ibigay sa kanya ang dalahin para mas mabilis silang makapaglakbay. Ibinigay ng pagong ang lahat ng pagkain sa matsing na bigla namang tumakbo nang mabilis. Sinubukang humabol ng pagong pero hindi nito magawa. Iniwan na ito ng matsing.

Di nagtagal ay napagod na ang pagong pero tumuloy pa rin ito paglalakad. Umakyat naman ng puno ang matsing at nang makitang napakalayo pa ng pagong ay kumain muna siya. Pagdating ng pagong na nagutom sa paglalakad ay humingi agad ito ng pagkain sa matsing. Pero sa lugar na may maiinom na tubig daw sila kakain ayon sa matsing. Hindi umimik ang pagong at nagpatuloy sa paglalakad. Ang matsing naman, ganon uli ang ginawa: tumakbo nang mabilis at inubos nang lahat ang pagkain.
Kaya pagdating ng gutom na gutom na pagong ay wala na siyang maibigay na pagkain dito. Sinisi pa ng matsing ang pagong. Kaya raw naubusan ang pagong ay dahil kaunti lang ang dinala nitong pagkain. Nagpatuloy na lang sa paglalakad ang pagong.

May nakasalubong silang mangangaso. Agad na umakyat ng puno ang matsing. Ang pagong, hinuli ng mangangaso. Pinagtawanan pa ng matsing ang kasawian ng kaibigan niyang pagong. Pero naging mabait ang mangangaso sa pagong. Itinali nito ang pagong sa isang puno ng saging at kada oras ay hinahainan ng pagkain.

Isang araw, napadaan ang matsing sa kinaroroonan ng pagong. Inasar niya ito sa umpisa ngunit nang makita ang dumarating na pagkain kada oras ay nainggit agad siya sa pagong. Nang gabing iyon, bumalik ang matsing sa pagong at pinilit ang pagong na makipagpalitan na lang sa kanya ng sitwasyon. Sa wakas, pinagbigyan ng pagong ang matsing. Tuwang tuwang lumarga ang pagong. Itinali naman ng matsing ang sarili sa puno. ni hindi siya makatulog sa kasabikan sa pagkaing ihahain ng mangangaso kinabukasan.

Kinaumagahan, pagkakita ng mangangaso sa matsing, inakala niyang nagnanakaw ng saging ang matsing. Kaya agad-agad niya itong binaril. Kaya naman, malaya ang pagong, patay ang matsing.

6. The Monkey, The Tortoise and the Banana Tree (Moslem/Maranaw)

Binunot ng Matsing at Pagong ang isang puno ng saging at hinati ito sa dalawa. Pinili agad ng Pagong ang may dahon na bahagi pero pinigilan siya ng Matsing. Kanya raw ang may dahon at sa Pagong ang walang dahon na bahagi ng puno. Iginiit ng Matsing na siya ang unang nakakita sa puno kaya dapat siya ang unang pumili kung alin ang iuuwing bahagi. Giit naman ng matsing, gaya daw ng sistema ng mga tao, kung sino ang higit na dakila ang siyang nauunang makapili. Saka na lamang pumayag ang Pagong. Pero habang itinatanim niya ang may ugat na bahagi ay itinatago niya ang kanyang ngiti. Pagkaraan ng ilang buwan, tuwang tuwa ang Pagong dahil malago at malaki na ang kanyang puno samantalang patay naman ang sa Matsing.

7. Kalinga version of the monkey and the turtle tale (Kalinga)

Noon daw ay may isang pagong, si Dagga, at isang matsing, si Kaag ang naglakad-lakad at nakakita ng isang puno ng saging. Iminungkahi ng pagong na hatiin nila ito. Dahil tamad ang matsing, umayon siya sa kondisyong mapapasakanya ang itaas na bahagi ng puno. itinanim ng pagong ang bahagi ng punong napunta sa kanya. Ang sa matsing ay isinabit niya sa isa pang puno. binisita ng dalawa ang halaman ng bawat isa. Marami nang dahon ang sa pagong samantalang nalanta naman ang sa matsing. Pero inalo ng pagong ang kaibigan. Kapag nagbunga raw ang kanyang tanim, dalawa silang kakain. Di nagtagal ay nagkabunga na nga ito. sa muling pagbisita ng matsing, umakyat agad ito sa puno at kumain ng bunga. Sa umpisa, naghintay lamang ang pagong na mabusog ang kaibigan niya bago siya humingi ng ilang piraso ng bunga pero ang nakukuha lamang niya ay mga balat hanggang sa wala nang matirang bunga sa puno. nagalit ang pagong. Ito namang matsing ay nakatulog sa sobrang pagkabusog. Nagtanim ng mga tinik sa paligid ng puno ang pagong pagkatapos ay sumigaw siya nang pagkalakas-lakas: paparating na ang mga kaaway!

Napatalon sa gulat at takot ang matsing. Nahulog siya sa mga tinik at doon nanatili habang tumatagas nang tumatagas ang kanyang dugo. Sinunog ng pagong ang mga tinik kaya pati ang matsing ay nasunog hanggang mamatay. Hinati-hati niya at niluto sa iba’t ibang kawayan ang katawan ng matsing. Nagpunta siya sa mga bundok na tinitirhan ng mga matsing. Inimbitahan niyang kumain ang mga matsing. Pagkaamoy pa lang sa karne ay natakam na ang mga ito. Nagsikainan silang lahat. Magandang banggitin sa puntong ito na pinaniniwalaang isang kahihiyan ang kumain ng karne ng kauri halimbawa ay ang sa matsing kung matsing ka. Pagkatapos niyon ay saka lang isinawalat ng pagong na kapwa nila matsing ang kanilang kinain.

Nagalit ang mga matsing. Nagtawag sila ng “council of war” na siyang bumuo ng plano para mahuli ang pagong. Nang mahuli ang pagong, ang unang desisyon ng council ay didikdikin ito hanggang sa mamatay. Natuwa ang pagong dahil magiging isang pagong na naman daw ang bawat pirasong magmumula sa kanyang didikdiking katawan. Kumbaga, ang gagawin nila ay proseso ng pagpaparami ng pagong.

Ang ikalawang desisyon ay sunugin ang pagong. Natuwa na naman ang pagong dahil ito raw ay magdudulot ng napakatamis na amoy sa buong mundo.

Pinanghinaan ng loob ang mga matsing. Wala na kasi silang maisip. Pagkaraan ng mainit na sagutan, argumento at pagtatalo, napagdesisyunan nilang ihagis na lang ang pagong sa ilog. Doon nagmakaawa ang pagong. Pinilit niyang makumbinse ang mga matsing na huwag iyon ang gawin. Pero desidido ang mga matsing. Inihagis nila ang pagong. Lumubog ito ngunit lumitaw rin agad nang nagtatawa. Anong tanga raw ng mga matsing. Ang ilog daw kasi ang tirahan niya.

Nabahala ang council of war. Pinatawag nila si Busissi, isang nilalang na may tiyan na kasinlaki ng isang burol. Inutusan nila si Busissi na inumin ang tubig sa ilog para mawalan ng tahanan ang pagong. Sinunod naman sila ni Busissi. Bumabaw nang bumabaw ang ilog. Pinuntahan agad ng pagong ang kaibigan niyang alimango. At kinumbinse niya itong pareho silang mawawalan ng tahanan kapag hindi sila kumilos agad. Mabilis na nagtungo ang alimango sa kinaroroonan ni Busissi at agad niyang sinipit ang tiyan ni Busissi. Pumutok ang tiyan nito at nalunod tuloy ang mga matsing na noo’y nakapalibot kay Busissi. Iyon ang katapusan ng lahat ng matsing sa lugar na iyon.

8. The Monkey and the Turtle (Bilaan)

Magkaibigan sina pagong at matsing. Isang araw habang nagkukuwentuhan sila, nagyaya si matsing na pumunta sa gubat at gumawa ng patibong para sa mga ligaw na hayop. Pagsapit nila sa isang puno sa gubat, nakakita sila ng bakas ng mga baboy-damo. Sabi ni pagong, gumawa sila ng patibong doon sa ibaba pero ayaw ni matsing. Gumawa ito ng patibong sa itaas ng puno at si pagong naman ay sa ibaba. Nagkasundo silang bumalik pagkalipas ng araw para tingnan kung may nahuli ang patibong.

Pero isang araw bago ang nakatakdang araw ng muling pagkikita ng dalawa, pumunta si matsing sa may puno. May nahuling baboy-damo ang patibong ni pagong. Ang sa kanya naman, ibon lang. Dahil sa hiya, ipinagpalit niya ang laman ng dalawang patibong. Sa daan pauwi, nakasalubong niya si pagong. Tinanong ni pagong kung saan galing si matsing. Nagsinungaling itong si matsing.

Dumating ang araw ng pagkikitang muli ng dalawa sa may puno. Nagulat si pagong sa nakita niya. Alam niyang niloko siya ni matsing at ibinulalas niya ito agad pero itinanggi naman ito ni matsing. Nagpasya silang umuwi na lang. Pero nang malapit na sila sa bahay ni matsing, naisipan nilang maglaban muna para malutas ang problema.

Nagtayo pa ng pananggalang itong si matsing. Tapos nagtirahan na sila ng pana. Sa tibay ng shell ni pagong, tumatalbog lang ang mga pana rito. Samantalang si matsing ay naubusan ng asawa at mga anak dahil isa-isa itong natatamaan at namamatay sa tuwing papana si pagong. Nanonood kasi ng laban sa likod ni matsing ang kanyang pamilya. Nang matamaan at mamatay ang huling nabubuhay na anak ni matsing, nakipagbati na si matsing kay pagong. Naging magkaibigan na sila ulit. Inamin ni matsing na ang baboy-damo ay huli ng patibong ni pagong.

Dahil mag-isa na lang, laging nalulungkot si matsing. Nagmakaawa siya kay pagong na samahan siya sa tuwi-tuwina. Isang araw, nagyaya itong mangisda sa ilog. Sa pampang, nakakita sila ng puno ng saging. Iminungkahi ni matsing na maghati silang dalawa sa puno. Kanya ang itaas dahil masyado raw mabigat ang mga dahon at prutas para kay pagong. Itinanim nila sa kani-kaniyang kaingin ang mga bahagi ng puno na nakuha ng isa’t isa.

Pagbalik sa kaingin, nalanta na pala ang kay matsing at nagbunga naman ang kay pagong. Nagprisinta si matsing na akyatin ang mga prutas para kay pagong pero pagtuntong niya sa itaas, hindi na siya bumaba. Kinain niya ang lahat ng saging at natulog sa itaas ng puno. Nagalit si pagong sa ginawa ni matsing. Kaya naglagay siya ng mga pantuhog na kawayan sa paligid ng puno. Pagbiling ni matsing, nahulog siya at namatay.

Kinain ni pagong si matsing. Tuwang tuwa siya dahil napakasarap pala ng karne ni matsing. Nang pauwi na siya, isang grupo ng mga matsing ang kanyang nakasalubong. Humingi sila ng nganga kay pagong. Nag-alangan si pagong dahil karne iyon ng matsing pero pinagbigyan pa rin naman niya ang mga matsing. Pagkabigay ng nganga ay naghiwalay na si pagong at ang mga matsing.

Nang tikman at nguyain ng mga matsing ang nganga ni pagong, marami sa kanila ang nagkasakit at namatay. Hinanap ng mga natirang buhay na matsing si pagong upang paghigantihan. Sa ilog siya nakita at inihiga siya ng mga matsing sa isang patag na bato para pukpukin nang pukpukin ng isa pang bato. Pero, nakita nilang tuwang-tuwa pa ang pagong. Kaya mungkahi ng mga matsing, itapon na lang siya sa ilog. Nakita nilang namutla si pagong. Kaya inihagis nila agad si pagong. Tumawa naman nang tumawa si pagong pagsapit niya sa tubig.

Lalong nagalit ang mga matsing. Nagpatulong sila sa usang umiinom ng tubig sa ilog. Sabi ng usa, pasakan lang daw ang kanyang puwit para hindi lalabas ang tubig na kanyang hihigupin mula sa ilog. Pinasakan ng mais ang puwit ni usa. Pero tuwing malapit nang maubos ang tubig sa ilog, biglang tutukain ng isang ibon na si tabkukong ang mais sa puwit ng usa. Umaagos lang tuloy ang tubig pabalik sa ilog. May nalunod na matsing dahil dito. Tatlong ulit na tinuka ni tabkukong ang mais sa puwit ng usa, tatlong matsing din ang namatay sa pagkalunod.

Nalipat tuloy ang galit ng mga matsing kay tabkukong. Pinilipit ang leeg niya. Pero sabi ni tabkukong, “gumaganda akong lalo kapag pinipilipit. Kung gusto ninyo akong mamatay, bunutin ninyo ang lahat ng balahibo ko.” Iyon nga ang ginawa ng mga matsing at iniwan na ang ibon para mamatay.
Pagbalik nila pagkaraan ng isang linggo, nakakita sila ng mukhang sandamakmak na uod sa katawan ni tabkukong. Iniwan na lang nila ito dahil akala nila ay nabubulok na ito. Pero pag-alis ng mga matsing, bumangon si tabkukong at minasdan ang mga “uod” na iyon pala’y maririkit na balahibong malapit nang bumuka.

Pero hindi naman nakaligtas sa parusa si pagong. Pag-alis niya sa ilog, nakilala niya ang isang butiking pula ang buntot. Nainggit siya kaya nagpaturo siya kung paanong magkaroon niyon. Ipinayo ni butiki na umakyat ito sa pulang puno at doon tumalon. Nang gawin ito ni pagong, nabasag siya na parang baso, nagkalat ang libo-libong piraso at siya’y namatay.


SANGGUNIAN


Almario, Virgilio S. et.al. Bumasa at Lumaya A Sourcebook on Children’s Literature in the Philippines. Pasig City: Anvil Publishing, 1994.

Beyer, H. Otley. Philippine Folktales, Beliefs, Popular Customs and Traditions. A collection of original source material for the study of popular literature and native social culture of the Philippines. Selected in May 1914, from the General Henry Otley Beyer in Philippine Ethnography. Vol. 1: Data from Christian Provinces. Manila: 1941-1943.

Consumido, Danilo. Si Pagong at Si Matsing. Quezon City: Adarna Book Services, 1986 at 2006.

Coquia, Remedios at Profeta, Lydia (eds.). Literature for Filipino Children. Quezon City: Ken Inc., 1968.

Coronel, Ma. Delia. Stories and Legends from Filipino Folklore. Manila: UST, 1967.

De Castro, Leonardo. Folklore: Pilosopiya ng Masa. PSSC Social Sciences Information v. 28 no. 1, pp. 1-3. Jan.-June 2000.

Enriquez, Virgilio G. From Colonial to Liberation Psychology. Malate, Manila: De La Salle University Press, 1994.

Eugenio, Damiana (ed.). Philippine Folk Literature: The Folktales. Quezon City: UP Press, 2001.

Fansler, Dean. Filipino Popular Tales. Hatboro, Pennsylvania: Folklore Associates, Inc., 1921, 1965.

Gonzales, Lydia F. at Alejo, Corazon E. (eds.) Ulat ng Ikaapat na Pambansang Komperensiya sa Sikolohiyang Pilipino Ang Kabataang Pilipino at ang Ikatlong Daigdig. Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 1979.

Lumbera, Bienvenido at Lumbera, Cynthia (eds.). Philippine Literature A History and Anthology. Pasig City: Anvil Publishing, 1997.

Maramba, Asuncion David. Early Philippine Literature from Ancient Times to 1940 revised edition. Pasig City: Anvil Publishing, 2006.

Ramos, Maximo (ed.). Tales of Long Ago in the Philippines. Manila: Alip and Sons, Inc. 1953.

__________________Philippine Myths and Tales. Manila: Bookman, Inc., 1957.

__________________Philippine Myths, Legends and Folktales. Quezon City: Phoenix Publishing House, 1990.


Salanga, Alfrredo Navarro. Rizaliana for Children Illustrations and Folk Tales by Rizal. Quezon City: PBBY and Children’s Communication Center, 1984.

Sax, Boria. The Mythical Zoo: An Encyclopedia of Animals in World Myth, Legend and Literature. Santa Barbara, CA: ABC-Clio, 2001.

Scott, William Henry. Barangay Seventeenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City: ADMU Press, 1994.

Yu, Rosario T. Usapin ng Kapangyarihan at Muling Pagsasalaysay ng Carancal. Malay Journal Tomo XII Blg. 2. Malate, Manila: Pamantasang De La Salle, 2009

Saturday, November 14, 2009

Filipino ng mga Filipino

Ulat ukol sa aklat na F_l_p_no ng mga F_l_p_no

Ang F_l_p_no ng mga F_l_p_no ay isinulat ni Virgilio S. Almario. Si Almario ay Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan (2003). Isa rin siyang Pambansang Alagad ng Wika, teknikal na manunulat, tagasalin at editor, malikhaing manunulat ng tula, kuwentong pambata at sanaysay, kritiko at manunulat ng kasaysayang pampanitikan, guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, KAL, UP Diliman. Kilala rin siyang organisador at manggagawang pangkultura. Ilan sa kanyang pinamunuang maitatag ang Filipinas Institute of Translation, Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas at ang Wika ng Kultura at Agham o Wika, Inc.

Ang aklat na F_l_p_no ng mga F_l_p_no ay binubuo ng 94 sanaysay ukol sa wika. Ito ay ang koleksiyon ng mga kolum ni Almario sa mga publikasyong Mr.& Ms., The Independent, Philippine Daily Epress, The Observer at Diyaryo Filipino . Ang aklat ay unang inilathala ng Anvil Publishing House noong 1993. Muli itong inilathala ngayong 2009 bilang bagong edisyon.

Ang aklat ay naglalaman ng mga orihinal at halaw na mga pagsusuri. Ang mga pagsusuring ito ay resulta ng:

a. busisiang pangwika sa Diyaryo Filipino kung saan naging editor si Almario
b. pakikipagtalakayan sa kapwa guro at manunulat
c. at pakikinig sa dila ng taumbayan

Tampok din sa aklat ang mga mungkahi ng mga mambabasa ng mga kolum ni Almario at ilang pananaliksik sa mga lumang dokumento ukol sa wika tulad ng Vocabulario de la Lengua Tagala at Balarila ng Wikang Pilipino ni Lope K. Santos.

Nahahati ang aklat sa apat na bahagi: Ang Hirap sa Ating mga Edukado, Sa Daigdig ng Hiraman, Bulaklak ng Katutubong Dila at Sa Likod ng Pakitang Tao.

Ang pangwakas ng aklatay isang ulat na pinamagatang: Ulat Hinggil sa mga Forum sa Ispeling (isang serye ng forum ukol sa pagsusuri ng patnubay sa ispeling 2005-2006 ng Lupon sa Wika at Salin ng NCCA). Isinama ni Almario sa aklat na ito ang mga sanaysay at pahayag na pumasa at bumagsak sa forum.

Binuo ang aklat na ito upang magbigay ng mga panukalang tuntunin para sa pormal na pagsasalita at pagsulat sa Filipino. Ayon pa kay Almario, kilos-pagong ang Komisyon sa Wikang Filipino sa pagpapalabas ng isang aklat hinggil sa paksang kanyang tinatalakay. Hangad din ng may-akda na magkaroon ng batayang patnubay ang mga Filipino tungo sa estandardisasyon ng pambansang wika. At dahil tanging ang Diyaryo Filipino lamang ang may sariling stylebook, minabuti na ng may-akda na maibahagi sa publiko ang laman ng stylebook. Hangad din ni Almario na makapagbahagi ng kanyang pangkalahatang pagtanaw sa mga pangwikang usapin.

Narito ang ilan sa nilalaman ng aklat:

Ang sumusunod ay mula sa unang bahagi: Ang Hirap sa Ating mga Edukado:

A. Patayin ang mga siyokoy.

Marami raw sa edukadong Pinoy ang di nag-aaral nang husto sa Filipino at kasaysayan ng mga salita. Kaya hindi nila alam na ang ginagamit nilang salita ay siyokoy na pala, ibig sabihin, iyong alanganing hiram sa Espanyol, alanganing hiram sa Ingles.

Ilan sa mga halimbawang ibinigay ay:

ASPEKTO at hindi aspeto
OBHEKTIBO at hindi obhetibo
PAYSANO at hindi pesante
KONTEMPORANYO at hindi kontemporaryo
IMAHEN at hindi imahe

B. Hindi pagtuturong gamit ang Filipino (o kahit Ingles) ang dahilan kung bakit mahina sa Ingles ang estudyanteng Pinoy.

Laging isinisisi sa wikang Filipino ang pagbaba ng kasanayang pangkomunikasyon ng mga estudyanteng Filipino sa wikang Ingles. Ngunit ayon kay Almario, may mas malaking problema sa likod ng pangyayaring ito. Ang problema sa edukasyon ay hindi pandila kundi pambulsa!

Isang balita noong Setyembre 2009 mula sa Philippine Daily Inquirer (sa pamamagitan ng Inquirer.net) ang makakapagpatunay. Ayon sa balita, ang panukalang badyet ng Department of Education ay nagsasabing maglalaan ang pamahalaan ng P6.00 kada araw para sa bawat estudyante sa pampublikong paaralan sa 2010.
Sa pondong ito, inaasahan ng pamahalaan na huhusay sa Ingles ang mga estudyante. Samantalang maging sa wikang Filipino, na inang wika ng karamihan sa Filipino, ito yata ay hindi uubra.
C. Filipinas ang dapat na itawag sa Pilipinas.

Ang katwiran ni Almario ay 300 taon din na Filipinas ang tawag sa Pilipinas. Ang ngalang ito rin ay ginamit ni Marcelo H. Del Pilar na pantukoy sa kanyang bansa sa tuwing magsusulat ukol dito. Ani pa ni Almario, dapat lamang na Filipinas ang tawag sa lugar dahil Filipino tawag sa wika at ngalan ng tao.

Kapag tinanggap ang panukalang ito ni Almario, ano na ang itatawag sa UP?

D. Ang Filipino ay pagdaragdag.

May mga salitang mas angkop na gamitin sa tamang pagkakataon at hindi dapat nakukulong sa mga salitang pinakamadaling gamitin o intindihin.

Ang sakit ng mga edukador, manunulat at tagapaglathala, ang mga pahayag at wika ay laging pinagagaan at pinadadali kahit na iyong wika at pahayag na nasa mga batayang aklat. Walang masama rito kaya lamang, ang tanong ni Almario ay paanong lalawak ang bokabularyo ng Filipino kung lagi na lang pangkomiks ang nakakasalamuha niyang wika?

Halimbawa ay guro ba o titser ang dapat gamitin? Ang sagot ay depende kung saan gagamitin ang salita. Hindi raw dapat ibaon sa limot ang salitang guro dahil may silbi ito na hindi nagagawa ng salitang titser.

Kaya naman, ang Filipino ay hindi pagbabaon sa limot ng mga salita bagkus ay pagtanggap at pagdaragdag ng mga salitang hatid ng modernisasyon at iba pang kultura.

E. Sa bigkas, sulat at basa ay pinakamakapangyarihan ang sulat.

Ang nakasulat na salita ay mas pormal, mas komplikado ang sistema at mas matatag ang estruktura. Sa madaling sabi, hindi ito basta-basta nababago. Hindi tulad ng bigkas at basa.

Ibig sabihin, maging mas maingat sa pagsusulat. Kailangan talagang magkaroon ng estandardisadong paraan ng pagsusulat sa Filipino na susundin ng lahat.

F. Sabi ng balarila, kung anong bigkas, siyang baybay. Kung anong basa, siyang sulat. Ang problema ay may nangyayari sa pagitan ng bigkas at sulat, gayundin sa pagitan ng sulat at basa.

Ang ibinigay na halimbawa ay pagbigkas ng salitang babae. May iba na ang basa dito ay babai. At ang iba naman ay kapag ipinasulat sa kanila ang narinig na bigkas, babayi ang isusulat kahit na binigkas naman itong babae.

Ang problema, kaninong dila ngayon ang susundin?

Ang sagot ay kailangan ng tuntunin para sa kasalukuyan. Hindi na laging umuubra ang kung anong bigkas, siyang baybay na bagama’t napakahalaga ay masyadong problematiko kung susundin sa lahat ng pagkakataon. Kailangan ng bagong sistema ng pagsulat ayon sa bagong bigkas.

G. Ang Filipino ay ispesipiko.

Alin ang mas angkop na salin ng lust sa Filipino: libog o pagnanasa?

Mas ispesipiko sa seksuwal na usapin ang libog kaysa pagnanasa. Isa itong halimbawa upang sabihin na sa wikang Filipino, may mga antas pa rin ang salita. Pinakamagandang manaliksik nang husto upang makahanap ng wastong katumbas ng mga termino mula sa ibang wika.

Narinig ko na ang ganitong mungkahi sa isang palihan ng LIRA. Napakayaman ng bokabularyong Filipino pagdating sa pandama. Halimbawa ay ang salitang touch. Kailangang alamin ang ispesipikong ipinakakahulugan nito dahil sa dami ng salitang maaaring gamitin para rito: hawak, pisil, haplos, himas, dampi at marami pang iba.

H. Ang Filipino ay maingat.

Ang kawalan ng ingat sa paggamit ng isang salita o maging sa pagbabaybay ay maaaring magbigay ng maling kahulugan at magdulot ng maling pag-unawa sa bahagi ng mambabasa.

MAAARI at hindi maari
PAGPUPUGAY at hindi pagpugay

Ang simpleng pagkukulang sa titik o pantig ay maaari ding magdulot ng pagkalito at pagkakamali. Higit na maingat ang Pinoy kapag ibang wika ang gamit niya sa pakikipagtalastasan. Ngunit pagdating sa sariling wika, bara-bara lang siya. Panahon na upang baguhin ang ganitong pag-iisip. Kung sa sariling wika ay hindi ka maingat, paano pa kaya ang sa iba? Kung sa sariling wika ay mamali-mali ka, hindi ba’t iyon ang mas katawa-tawa?

Ito naman ay mula sa ikalawang bahagi: Sa Daigdig ng Hiraman

A. Ang kakayahan ng Filipinong tumanggap ng mga bagong salita ay patunay sa kapasidad nitong umunlad.

B. Mapanuri ang nanghihiram.

Hindi basta-basta nanghihiram ang isang wika. Mayroon ding tinatawag na malikhaing panghihiram kung saan ay may nalilikhang mga bagong salita mula sa ibang wika.

Halimbawa nito ay ang salitang kritisismo. Sa Espanyol, ito ay critica. Sa Ingles, criticism. Ngunit ang salitang kritika ay anumang uri ng panunuri. Nang gamitin ito ng mga manunulat na Pilipino para sa panunuri o pangwikang larang, pinuna agad ito ni Alejandro G. Abadilla at ng mga kaliga niya. Lumikha pa sila ng katawagang “kritikastro” sa mga gumagawa ng kritika. Hinugot nila ito sa pangalan ni Fidel Castro ng Cuba. Di naglaon ay naimbento ang kritisismo para sa panunuring pampanitikan.

C. Kung mula sa Espanyol ang salita, gamitin ang “e.” Kung sa Ingles, i.

Kadalasan ay nalilito ang Filipino kung alin ang tama: espesyal o ispesyal? Iskuwela o eskuwela? Ang sagot ay kung mula sa Espanyol ang salita, gamitin ang “e.” Kung sa Ingles, i.

Halimbawa:

ESPADA hindi ispada
ESTASYON hindi istasyon

Sa pangkalahatan, mas pormal ang nag-uumpisa sa “e”.

D. Ang hiniram na salita, minsa’y nagbabago ang kahulugan.

Ang salitang lechon ay mula sa Espanyol. Ang kahulugan nito ay biik. Ngunit ito ay nagkaroon ng bagong kahulugan nang hiramin ng wikang Filipino. Ito ay naging baboy na tinuhog sa kawayan at inihaw.

Kaya redundant na maituturing ang terminong lechon de leche. Dahil ang leche na hiniram din sa Espanyol ay nangangahulugang pasusuhing baboy o sa mas madaling salita, biik.

Ang salitang lechon sa Pilipinas, kalaunan, ay naging ihaw. Kaya nagkaroon ng lechong baka o manok.

Gayundin naman ang nangyari sa salitang salvage. Sa lipunang Pilipino, ang salitang ito ay nangangahulugang pagpatay sa napakarahas na paraan. Taliwas ito sa orihinal na kahulugan ng salita na pagsasagip o pagsasalba.

E. May tatlong estilo ng pagbaybay sa mga salitang hiram na may kambal patinig: I+(A,E,O) at U + (A,E,I) tulad ng piano kolehiyo, kuwento at iba pa.

1. Baybayin ito nang naaayon sa orihinal.

Halimbawa:

piano probinsia kolehiyo kuento

biskuit ekonomia

Ang problema sa ganitong estilo ay walang dulas sa pagbigkas.

2. Baybayin sa pamamagitan ng pagkaltas sa una sa kambal-patinig at gawin itong titik Y o W.

Halimbawa:

pyano probinsya kolehyo kwento

biskwit ekonomya

Ang problema sa ganitong estilo ay panlingguwistika at pedagohiko lalo na sa mga salitang tulad ng kolehiyo na nagiging kolehyo dahil mahinang katinig ang titik h. Kailangan ng dagdag na pagsisikap para mapatunog ito kapag walang kasamang patinig.

Pansinin: huwag, hwag, wag
kolehiyo, kolehyo, koleyo

3. Baybayin sa pamamagitan ng pagbigkas sa pagitan ng kambal-patinig at isingit ang titik Y o W.

Halimbawa:

piyano probinsiya kolehiyo kuwento

biskuwit ekonomiya

Ang estilong ito ang siyang dapat palaganapin ayon kay Almario. Ito rin ang ginagamit ng mga manunulat.

Ngunit aminado ang may akda na tunay na maselan ang kasong kambal-patinig. Hindi maaaring isa lamang at pangkalahatang tuntunin ang gagamitin dito tulad ng tuntunin ng ikalawang estilo. Maaari itong magdulot ng maraming problema. Kailangan pa anya ng mas komprehensibong paliwanag at mga tuntunin.

F. Biswal ang problema, hindi wika.

Nasanay nang bumasa sa Ingles ang mga Pilipino kaya kapag binaybay sa Filipino ang ilang mga salita ay nagugulat tayo nang husto. At asiwang asiwa sa resulta. Masakit sa mata, oo, ngunit ganon talaga sa umpisa.

Tunghayan ang halimbawa:

mayor judge exclusive

meyor jads exclusiv

Kapag sinasambit ang mga salita sa unang hanay, walang karekla-reklamo ang ating pandinig. Ngunit kapag ito ay isinulat na, mas tanggap ng ating mga mata ang orihinal na mga bersiyon nito, ibig sabihin ay iyong mga salitang Ingles kaysa sa isinulat ayon sa bigkas o dinig.

G. Sa pagbaybay ng mga salitang hiram, narito ang ilang tuntunin at paliwanag:

1. Kung may SK at ST, isama na ang SK at ST.

DESK at hindi des
KONTEST at hindi kontes

Gayundin ang mga salitang may X o XT. Hindi nakapasa ang panukala ukol sa XT sa forum dahil hindi pinahintulutan ang X bilang pamalit sa KS.

Kaya:
 textbuk at teksbuk
 text (orihinal na baybay sa Ingles), teksto (Espanyol)

2. Ipirme ang O at U sa mga salitang hiram sa Espanyol.

OPISINA at hindi upisina
TRADISYONAL at hindi tradisyunal

Ngunit may espesyal na kaso:

Ito ang ilan sa mga salitang matagal nang U kahit O sa orihinal:

Filipino Espanyol
Sundalo soldado
Sibuyas cebollas

3. Maaaring maging U ang O kaugnay ng pagbabago ng N sa M kapag sumusunod sa B(V) o P(F).

Filipino Espanyol
kumbento convento
kumpisal confesar
kumbensiyon convencion

4. Mananatili ang O kung M ang orihinal.

Filipino Espanyol
kompanya compania
kompleto completo
sombrero sombrero

5. O imbes na U kung N ang talagang katabi sa orihinal na salita.

Filipino Espanyol
monumento monumento
kontrobersiya controversia
kontrata contrata
konsumo consumo

6. Igalang ang baybay ng salitang ugat kapag nag-uulit nito.

babaing-babae o babaeng-babae
barong-barong

6.a. Ngunit palitan ng I o U kapag nilagyan ito ng panlapi.

busugin (busog+in)

7. Iginagalang ang OO, EE at UO kahit lapian ang salitang ugat na may ganitong kombinasyon ng titik.

kalooban panleeg saloobin kasuotan
tuosin pagtuonan

8. Maaaring ipanatili ang G o GG at NG basta maging konsistent sa pagbaybay nito.

G at GG

binggo o bingo
lengguwahe o lengwahe

NG

kongreso
Ingles

9. Para sa pagpapahayag ng marami, hindi likas sa ating wika ang S at ES kaya ginagamit ito nang walang pakundangan. Ang salitang mga ang ginagamit natin para ipahayag ang marami.

Kaya naman MGA BOOK O BOOKS at hindi MGA BOOKS.

10.Ngunit may mga salitang hiram na hindi na maibalik sa isahan.

TSINELAS at hindi tsinela

Gayundin sa mga sumusunod:

oras patatas sapatos perlas
ora patata sapato perla

10.a. May mga salitang mahirap sa anyong singgular.

datos
peras
puntos
sopas

Kapag tinanggal ang S sa datos, maaaring mag-iba na ang kahulugan nito. Gayundin sa mga salitang peras, puntos at sopas.

10.b. Ang paggamit ng S at ES ay maaari ring ituring na eksaherasyon.

gastos kapalmuks

Sa salitang gastos, maaaring naimbento ito upang ilarawan ang sobra-sobrang paglalabas ng pera kaya kinailangan pang dagdagan ng S.

F. Masaklap ang epekto ng Inglesismo.

Ayon kay Almario, talamak ang panghihiram ng mga Filipino hindi lamang ng salita kundi ng mga parirala, idyoma at pahayag. Madalas tuloy ay tuwirang pagsasalin ang nagaganap. Ang resulta ay malabong pahayag at hindi eksakto sa nais ipakahulugan.


Narito ang ilang halimbawa:

1. “Pagitan ng” bilang katumbas ng between

MALI:
Sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Serbia at Bosnia.

TAMA:
Sumiklab ang digmaan ng Serbia at Bosnia.

2.”Bawat” bilang katumbas ng per at every

MALI:
Tataas ang presyo ng produktong petrolyo P0.50 bawat litro.

TAMA:
Tataas ang presyo ng produktong petrolyo P0.50 kada litro.

3. “Na kung saan” bilang katumbas ng where

MALI:
Pumunta sila sa kapilya na kung saan nakaburol ang bangkay.

TAMA:
Pumunta sila kung saan nakaburol ang bangkay.

4. “Katamtaman” bilang katumbas ng fair

Ang katamtaman ay gitna ng magkasalungat halimbawa: katamtaman ang hindi masikip, hindi maluwag. Katamtaman ang hindi maputi, hindi maitim. Ngunit hindi ito nararapat gamitin upang ilarawan ang ilang bagay.

MALI:
Katamtaman ang panahon.

Sa kasong ito, suriin: ano ang katamtaman? Ang init ba o ang lamig? Ang sinag ba ng araw o ang ambon?

Dahil masyadong malawak ang salitang katamtaman para ipanlarawan sa panahon, gumamit na lamang ng ibang salitang may kinalaman sa panahon mismo. Higit itong ispesipiko at malinaw na makapagdudulot ng impormasyon.

TAMA:
Maaliwalas, maalinsangan, mahalumigmig, maginaw

5. Kung hindi sigurado sa gagamiting salita, sumangguni sa mapagkakatiwalaang diksiyonaryo.

Umaayon ako kay Almario. Hindi talaga dapat basta-basta na lamang nagbibitiw ng salita lalo at ikaw ay nagsusulat. At dapat din lahat ng tahanan ay mayroong mapagkakatiwalaang diksiyonaryo. Sa wikang Filipino at hindi lamang sa Ingles.

Ito naman ang ilan sa nilalaman ng ikatlong bahagi: Bulaklak ng Katutubong Dila

A. Trabahong tamad ang hiram nang hiram. Kaya dapat balikan ang lumang haraya.

Balikan ang mga salita noong unang panahon o ang mga salita sa iba pang wika sa Pilipinas. Mayroon naman tayong pantapat sa maraming konsepto at ideya ng ibang kultura. Ang kailangan lamang ay manaliksik. Lagi ko itong sinasabi sa aking mga mag-aaral. Galugarin muna at kabisahin ang sariling tahanan bago tumingin, dumungaw sa bintana at manghiram sa kapitbahay. Ang paggamit ng mga salita mula sa nakalipas at sa iba pang wika sa Pilipinas ay isang paraan upang lalong yumaman ang wikang Filipino, upang patuloy itong mag-evolve at mabuhay sa panahon ng globalisasyon.

Ilang halimbawa:
 tubal –wikang Batangas para sa maruming damit o labahin (na galling sa wikang Espanyol)
 taguling- wikang Bataan para sa kanal (na galing sa wikang Espanyol)
 gahum-wikang Cebu para sa hegemony

B. Maraming salita ang may impluwensiya ng Mexico.

Ayon sa website ng embahada ng Mexico sa bansa, malaki ang pagkakatulad ng kulturang Mexico sa Pilipinas dahil sa mga pangkasaysayang kawing sa isa’t isa na nag-umpisa mahigit apat na raang taon na ang nagdaan. Ang dalawang bansa ay parehong sinakop ng Espanyol, ang Mexico/Aztec Empire noong 1521 samantalang 1521 din nang unang tumuntong si Ferdinand Magellan sa Pilipinas.

Noong 1565, tuluyan nang idineklara ng gobernador-heneral na si Miguel Lopez de Legazpi na kolonya ng Espanya ang Pilipinas. Taong 1571 naman nang ideklara niyang kapital ng Pilipinas ang Maynila. Dahil sa layo ng kolonya sa Espanya, itinalaga ng pamahalaang Espanyol ang pangangasiwa at pamamahala ng Maynila sa Virreinato de la Nueva España, na siyang ngalan ng Mexico noong panahon ng pananakop. Dahil dito, marami sa mga gobernador ng Pilipinas ang katutubo ng Mexico at ang karamihan sa kasapi ng hukbong sandatahan nito ay ni-recruit pa mula sa Nueva España.
Ito ay nagbunga ng paghahalo ng mga taga-Mexico at Pilipinas, hindi lamang sa lahi kundi sa kultura.

Isang salitang mula pala sa Mexico ay ang kubeta na ang orihinal na ibig sabihin ay timba. Dati ay ito pala ang ginagamit sa pagdumi. Ibinigay ding halimbawa ni Almario ang abokado na nagmula sa Mexico bilang ajuacatl. Sa wikang Mexico, ang kahulugan nito ay bayag na siyang hugis nga naman ng abokado.

C. Pahalagahan maging ang wikang lalawiganin.

Ayon kay Almario, marami sa mga talinghagang bukambibig ang hindi na alam ngayon o hindi na nauunawaan ng tanga-lungsod. Ibinigay niyang halimbawa ang kaso ng batang sa lungsod lumaki at isang araw ay nagbakasyon sa kanilang lalawigan. Nang nag-uusap na ang kanyang mga kamag-anak, takang taka siya sa ilang narinig. Halimbawa ay ang pagbubukas ng dibdib. Literal ang unawa niya rito kaya nagulilat siya. Na ang ibig lang naman palang sabihin ay magsabi ng damdamin o naiisip.

Bilang guro ay napatunayan ko na rin ito. Minsan ay nasambit ko ang salitang balimbing sa klase. Alam ng mga estudyante ang konotasyon ng salita ngunit hindi pa nila alam o nararanasan ang denotasyon nito. Isa o dalawa lamang sa bawat klase ang nakakita o nakatikim na ng prutas na balimbing. Mahalaga para sa akin na makita at malasahan ng mga taga-lungsod ngayon ang balimbing upang mas maunawaan nila kung bakit tinatawag na balimbing ang taong maraming kinakampihan. Ang sabi ng iba, ito raw ay dahil sa hugis. Maraming side ang balimbing. Ngunit sabi naman ng iba, ito raw ay dahil sa lasa. Alanganing matamis na mapakla na maasim ang balimbing. Di matutukoy kung ano talaga ang lasa nito.

Ayon pa kay Almario, marami sa mga salitang gamit natin ngayon ay mula sa kalinangang agrikultural na matatagpuan sa lalawigan. Ibig lamang sabihin, dito rin isinilang ang karamihan sa ating ginagamit ngayon at mahalagang malaman ang pinagmulang konteksto nito.

Halimbawa:

kalinangan (linang) o kultura (culture), pitak (section)

D. Maging bukas sa pagbabalik ng mga dati nang salita at maaaring lapatan ang mga ito ng bagong kahulugan.

dagitab (kislap-liwanag)
gusali (malaking bahay)

E. Pahalagahan ang titik i.

Huwag tanggalin ang i sa mga pandiwa dahil maaaring magbago ang kahulugan ng pandiwa dahil sa isang titik na ito.

Ang pangungusap na “Isinulat ko ito.” ay nagbibigay-diin sa sitwasyon ng pagkakasulat. Samantalang ang pangungusap na “Sinulat ko ito.” ay nagbibigay-diin naman sa kung sino ang nagsulat.

Ang pangungusap na ”Binili ko siya.” ay nagpapahayag na ang siya ang binili ng personang si ko. Samantalang sa pangungusap na “Ibinili ko siya.” ay may binili ang personang si ko para sa personang si siya.

F. Hindi dapat ipinagpapalit ang nang/ng.

Maging ako ay inis na inis sa mga manunulat sa tabloid dahil sa walang ingat nilang paggamit sa dalawang salitang ito. At para sa kaalaman ng lahat, narito ang tuntunin.

Ang mga gamit ng NANG:

1. Bilang kapalit ng salitang noong,

Panahon ng Hapon nang matigil ang paglilinang sa wikang pambansa.

2. Bilang kapalit ng mga salitang upang at para,

Bigyang-panahong manaliksik ang mga guro nang lalo silang maging bihasa sa larangang ito.

3. Pinagsamang na at ng o ang

Grabe nang pangungurakot ni GMA.

4. Nagsasabi ng paraan o sukat

Hanggang ngayon ay kumikilos nang palihim ang mga galamay ni First Gentleman upang hindi siya makasuhan.

5. Pang-angkop ng inuulit na salita

Mayaman naman ang Pilipinas. Tingnan ninyo, nakakakurakot nang nakakakurakot ang mga opisyal ng gobyerno.

At para sa ng, madali lang: kapag hindi pasok sa limang tuntunin na nabanggit, NG ang dapat gamitin.

G. Gamitin nang tama ang gitling.

Gumamit ng gitling kung:

1. may inuulit na salitang ugat.

magandang-maganda
kalat-kalat

2. ang salitang ugat ay higit sa dalawang pantig at kailangang ulitin ito.

sagi-sagisag komi-komisyon

3. gumagamit ng salitang onomatopeiko

brat-tat-tat blag-gag-blog-gog

Ilan lamang iyan sa mga binigyang-diin ni Almario sa aklat pagdating sa gramatika, bantas, baybay at iba pa.

Narito naman ang laman ng ikaapat na bahagi: Sa Likod ng Pakitang Tao.

Ito ang pinakapaborito kong bahagi ng aklat. Dito ay muling pinatutunayan ni Almario na tulay ang wika upang matuklasan ang kultura at paraan ng pag-iisip ng isang lipunan.

A. Ang salitang arte ay hindi na sining ang kahulugan sa lipunang Filipino.

Kaya may salitang maarte. Ito raw ang tingin ng katutubo sa 2nd class na sining ng mga mananakop. Iba ang sining para sa katutubo. May pamantayan sila kaya naman hindi sining ang tawag nila sa sining ng mananakop.

Hindi alagad ng sining ang artista. Kaya ito ang ipinantatawag sa mga taong nasa showbiz. Higit pang pinipili ng mga alagad ng sining ang salitang artist kung nais nilang tukuyin ang kanilang sarili nang may paggalang.

Kaya tinatawag na pambansang alagad ng sining at hindi artistang bayan ang kontrobersiyal bagama’t prestihiyoso pa ring gawad mula sa pamahalaan.

B. Dapat ay mabura na ang pagiging isip-komite.

Nakakatuwang maging ito ay napansin ni Almario. Tunay nga naman na napaka-isip-komite ng mga Pilipino. Hinahati-hati ang lahat sa mas maliliit na grupo ngunit wala rin namang natatapos ang bawat grupo.

Sa pamahalaan daw ay may nakatalagang komite para sa lahat ng usapin:

 Komite na maninigurong maayos ang relasyon ng mga komite
 Komite na titingin sa trabaho ng komite
 Komite na titingin sa trabaho ng komite na titingin sa trabaho ng komite

Mahusay at may komite para sa lahat ngunit ito rin ang dahilan kung bakit wala o kakaunti ang naa-accomplish.

C. Ang mga palikurang-bayan ay salamin ng uri ng paglilingkod sa bayan na ginagawa ng gobyerno.

Wala raw sa wikang Filipino ang hygiene at sanitation. Kalinisan lang ang mayroon pero hindi ito sapat bilang katumbas ng nabanggit na mga salita. Ngunit may naging development naman daw. Mula sa palikuran, naging CR. Ibig sabihin, naging moderno maging ang salita ngunit sa kasawiampalad, ganon pa rin ang hitsura at estado. Walang flush, madumi, sira ang gripo at maantot.

Gayon din ang serbisyo-publiko ngayon. May mga impraestruktura at materyales pero wala itong kalidad o di kaya hindi minimintina ng pamahalaan.

Ayon kay Prop. Vim Nadera, ang mga Pilipino ay hindi naman talaga dugyot. May konsepto tayo ng personal hygiene. Patunay nga nito ay ang salitang himasa na paglilinis ng sariling ari. Ngunit pagdating daw sa pampublikong kalinisan, medyo sablay ang lipunang Filipino.

Marahil ay mas sanay tayo sa pangangasiwa sa maliliit na grupo. Ang sarili ay kayang linisin. Ang sariling bahay ay kayang panatilihing malinis. Ngunit pagdating sa mas malawakang sakop halimbawa nga ay pampublikong lugar, tayo ay nabibigo.

D. May sariling wika ang korupsiyon at ito, katulad ng iba pang wika, ay nag-e-evolve din.

 Relevance
 Lagay
 Aginaldo
 Suhol
 Padulas
 Tong
 Envelopmental journalism mula sa developmental journalism
 Pambihis (korupsiyon ng behest loan)

Ang mga salitang ito ay ilan lamang sa ginagamit ng diyarista at manunulat ng tabloid upang tukuyin ang perang hinihingi nila o di kaya ay ibinibigay sa kanila ng mga taong malaki ang tsansang hihingi rin naman ng kapalit.

E. May mga butil ng kulturang itinanim ang mga Amerikano. At ang kulturang ito ay parang damo, mabilis na lumaganap. Ngayon ay kay hirap-hirap nang bunutin o tagpasin.

Halimbawa:

 Kabaret na may baylarina (mananayaw)
 Hostes, belyas, dancer, receptionist, attendant, GRO, masahista
 Bar, sauna bath, karaoke bar, night club

F. Ang salitang Pasko ay mula sa Pascua.

Ito ay panahon ng pagdiriwang ng lahing Israel matapos na makaligtas ang mga sanggol nang parusahan ang buong Egypt. Nagpinta daw kasi sila ng dugo ng tupa sa kanilang mga pinto kaya hindi sila pinasok ng Angel of Death. Ito ay ang Passover. At sa wikang Hebrew, ito ay Pesach. At ito rin ang pinagmulan ng Pascua o Pascual (Espanyol) na ang ibig sabihin ay Christmas o Easter.

G. Bakit nga ba mahal ang gamit na salita sa Mahal na Araw? Bakit hindi banal?

Isa ito sa mga napansin ni Almario: pagkalaho sa bokubolaryo ng kabataan ng salitang Kuwaresma o Lent sa Ingles. Iba na raw kasi ang paraan ng pagdiriwang nito ngayon. Ang Kuwaresma ay nagbabadya ng bakasyon at “escape” mula sa realidad. Mas kilala ang panahong ito bilang Holy Week.

 Holy Week=Semana Santa=Mahal na araw

Ngunit bakita nga ba tinawag na Mahal na Araw ang mahal na araw?

Ang ibig sabihin kasi noon ng mahal ay tangi o espesyal. Kaya tinatawag na Mahal na Pasion imbes na Banal na Pasion ang akda ni Gaspar Aquino de Belen.

Araw ang salitang ginamit dahil walang katutubong paraan ng paggrupo ng pitong maghapon at magdamag. Naisalin at nakasanayan na ang araw bago tumimo sa isip ng katutubo ang linggo mula naman sa domingo ng Espanyol.

H. Ang hibas o euphemism ay tatak ng pagiging sibilisado.

Kung mayaman ka at maliit, ang tawag sa iyo: petite. Kung mahirap kang tao, pandak, bansot at iba pa. Kung mayaman ka at mataba, ang tawag sa iyo: chubby. Kung mahirap ka, tabatsoy.

Heto pa ang iba:

 concerned=pakialamero
 woman of the world= puta

Ang hibas ay isang operasyong pangwika. May kategorya sa ating bokabularyo na umaangkop sa gumagamit at pinaggagamitang klase ng tao. May paraan ang ating mga ninuno para hindi lumitaw na bastos o mataray o makasakit ng damdamin.

Ipinapakita ng wikang pahibas kung marunong gumamit ng angkop na wika ang nagsasalita at kung ano ang tingin niya sa kausap o pinag-uusapan.

I. Mag-ingat sa pagbibigay ng pangalan ng kalye.

Maging ito ay napapansin ni Almario. Ito ang ilan sa kanyang mungkahi.

1. Kung ipapangalan sa mga don at donya tulad ng sumusunod:

Donya Agueda Asimilasyon St., Don Segundo Magbagumbuhay Subd., Donya Maria Asuncion de viuda de Alkoholiko Perez Ave.

Sana ay kakilala ng mga taong nakatira sa nasabing kalye ang may-ari ng pangalan ng mga kalye.

3. Magkaroon ng malinaw na batayan at batas sa pagpapangalan ng lugar sa isang bayani o dating pangulo o mahahalagang tao sa Pilipinas.
Mas bayani ba si Roxas kaysa kina Mabini at MH Del Pilar kaya bulebard ang kay Roxas?

 Rizal ang ipapangalan sa isang eskinita?

Maiging pag-usapan na ito dahil ang kukulit ng mga politiko. Hindi lang pangalan nila ang ginagamit bilang ngalan ng mga kalsada kundi maging ang sa mga kamag-anak at nanay nila.

3.Maging makabayan sa pagpili ng pangalan ng kalye.

Imbes na Harvard Street o di kaya ay New York St. ang ipangalan sa kalye, mag-isip na lamang ng salita o ngalang may bahid ng kulturang Filipino. Para naman maging ang mga lugar ay may kinalaman sa atin at hindi na sa dayuhan (na naman.) Mungkahi rin ni Almario na gawing ayos-alpabetiko ang mga kalye halimbawa sa isang subdibisyon. Makakatulong ito sa mga bagong napapadpad sa isang subdibisyon. Mas madali nilang mahahanap ang kanilang pupuntahan dahil sa pagkakasunod-sunod ng pangalan ng kalye. Mungkahi rin niyang lagyan ng organisasyon ang pagpapangalan sa kalye. Halimbawa ay mga katangian ng babae sa kanan, katangian naman ng lalaki sa kaliwa.

J. SM at hindi CCP ang sentrong pangkultura ng Pilipinas.

Para kay Almario, ang mall ay isang lungsod ng komersiyo, narito nang lahat.

Anya, ang palengke bilang pasyalan ay isa ring bagong monumento ng kulturang kapitalista sa naghihikahos nating bansa. Pansilaw nito ang teknolohiya, etiketa at aircon, para tuksuhin kang bumili ng kahit aspile bago umalis. Hindi naman matapobre ang mga mall dahil may para rin naman sa mahihirap. Nariyan ang baratilyo, discount, bargain sale, premyo sa raffles at palaro, value meals, vendo machine at pekeng items sa mall.

Ang mga ito raw ang bumubuo ng sining ng komersiyo sa loob ng isang gusali: tugtugin, banderitas, poster, palamuti at ilaw-dagitab, pagbihis sa manikin, ayos ng displey, pagtutugma ng pasilyo’t hilera ng tindahan, pagtutudling ng halaman (kahit peke) sa mga sulok at pook-pahingahan, paggamit ng neon at bilbord.
Samakatuwid, ang pagtitinda ay nagiging kulay, ilaw, nota at aliwan.Ineengkanto ka ng mga ito na bumili. Bine-brainwash ka na ang pagbili ay isang dalisay na libangan.

Paraiso ang SM kung iisipin ang polusyon, trabaho, krimen, trapik at iba pa sa labas ng mall. Ngunit ano ang suliranin dito? Ilusyon at pangarap lang ang lahat. Dahil paglabas mo, babalik ka lang sa tunay na mundo.

K. Panlabas at materyal na progreso ang pagkakaroon ng teknolohiya sa Pilipinas ngunit wala itong epekto sa isip at pagsulong sa uri ng buhay ng tao. Isa pa, naging daan lamang ang teknolohiya para sa mga bagay o imbensiyong hindi natin kailangan.

Dapat ang koryente/teknolohiya ay hindi lang nakapagrereporma ng kalikasan kundi pati ng ating kamulatan at kalagayan.

Narito naman ang ilang tala ukol sa Ulat Hinggil sa mga Forum sa Ispeling:

Ang nilalaman nito ay resulta ng tatlong serye ng forum na ginanap noong Agosto 05, Marso 06 at Abril 06. Dinaluhan ito ng NCLT, NCCA, kinatawan ng mga samahang pangwika, kagawaran sa Filipino, sentro sa pananaliksik, Komisyon sa Wikang Filipino, mga guro, manunulat, editor at masugid na alagad ng wika.

A. Baybayin sa wikang Filipino ang mga bagong hiram na salita maliban sa ganitong mga kaso:

 Nestle, Head and Shoulders, Sean Elijah Siy, Ip Man (pangngalang pantangi)
 Billings ovulation method, gigabyte, cognitive dissonance, firewall,titanium (teknikal na salita)
 Feng shui, noh, kimchi, jammpong, mardi gras, moulin rouge (may natatanging kahulugang pangkultura)
 Chewing gum, jaywalking, chef, fastener
(malayo ang anyo sa orihinal kaya mahirap makilala)
 Joke, daddy, file, jai alai, mall, whisky, jogging, save (Kilala na sa orihinal at banyagang anyo.)
 Sa pagbaybay ng mga salitang hiram na naglalaman ng alinman sa 11 tunog patinig sa Ingles, piliin ang pinakamalapit sa tunog at anyo ng palabaybayang Filipino. Drayb, layt, geyt, istandardiseysiyon

B. Narito ang tamang baybay para sa pandiwang may salitang hiram:
 mag-delete, nag-hot oil, i-salvage
 dumelit, hinatoyl, sinalveyds, inimeyl

Ang ulat na ito ay hindi na kompleto rito. Naghanda ng talasalitaan ng tamang baybay sa mga hiram na salita ang tagapag-ulat. Nakahiwalay itong ibinigay sa mga kamag-aral at guro ng MP 230.

Ito ay inihanda ni Bb. Babe Ang para sa klaseng MP 230, unang semestre, 2009-2010, DFPP, KAL, UP Diliman, QC.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...