Friday, May 6, 2011

Isang Tumbok ng Rebyu 6 Mayo 2011

ni Bebang Siy

Medyo nagustuhan ko ang pelikulang Tumbok. Ops, hindi ito bold movie. Hindi puwede dahil kasama ko ang anak ko kagabi nang manood ako ng sine. No, no.

Ang Tumbok ay pinagbibidahan nina Christine Reyes at Carlo Aquino sa direksiyon ni Topel Lee. Ito ay tungkol sa batang mag-asawa na napamanahan ng condominium unit sa isang lumang building sa Maynila. Papunta pa lang sila sa area ay nakaranas na sila ng kamalasan. Muntik na silang makasagasa ng lalaking nag-aamok, may dalang itak, pantaga ng leeg. Hanggang sa dulo ng pelikula, pinuluputan sila ng malas. At ang itinuturong dahilan ay ang pagtira nila sa building na nakatayo sa isang tumbok o gitna ng nagsangang-daan. Ayon sa pamahiin, hindi dapat naninirahan ang tao sa tumbok. Nagko-converge daw kasi ang lahat ng negative energy kaya malas manirahan sa ganitong lugar.

Pero may iba pang nagdadala ng kamalasan at nakakapanindig-balahibong problema sa mag-asawa. Siyempre hindi ko sasabihin unless gusto ninyo ng spoiler!

Nagustuhan ko ang pelikula dahil sa husay ng acting ng mga bida:

1. si Christine bilang Grace. Sa totoo lang, akala ko ay hindi siya marunong umarte dahil ang pagkaka-package sa kanya ay seksing starlet. Bagama’t madalas na nakakaagaw ng atensiyon ang mga suot niya (super ikling shorts, fit na fit na mga blouse at iba pa), lumutang pa rin ang galing niya sa pag-arte. Kahit umiiyak siya ay maganda pa rin siyang panoorin. Hindi rin siya nako-conscious sa camera kahit napakarami ng close up shots. Marami kasing magagandang artista na pumapangit kapag pinipilit na ang sarili na maluha. Meron din namang halata ang pagkakaalangan sa camera kaya nalilimutan ng manonood ang pino-portray nitong character. Ang naaalala lang ng mga manonood ay 'yong mga awkward na kilos ng artistang ganon sa harap ng camera.

2. si Carlo bilang Ronnie. Matagal nang mahusay ang batang ito. Napaka-powerful ng kanyang mga mata. Bakit nga ba hindi nabibigyan ng magagandang role ang mahuhusay umarte? Mas gusto ng mga producer , e ‘yong mga pa-cute lang na artista. Anyway, sa Tumbok, hindi masyadong demanding ang role niya bilang asawa ni Grace, isa siyang pulis na photographer. Madalas siyang kumukuha ng mga retrato sa crime scenes. Pero kahit ganon ay tama lang naman ang acting niya. Hindi sobra, hindi rin kulang.

Nagustuhan ko rin ang kuwento dahil kakaiba. Hindi ko na-predict ang tunay na katauhan ni Mark (si Ryan Eigenmann ang gumanap). Bagama’t isang clue 'yong hindi niya pagbabago ng itsura mula nang makunan siya ng retrato kasama ang nanay at tatay ni Ronnie noong bago pa lang din na mag-asawa ang dalawa hanggang ngayon na si Ronnie naman na ang may asawa. Ganon pa rin siya kaguwapo at kabata. Hindi ko rin na-predict ang mangyayari sa mga kapitbahay nina Ronnie: ang makulit na teenagers, ang batang bulag at ang lola niyang laging may krus sa leeg at ang isa pang set ng mag-asawa: guwardiya at babaeng super seksi.

Nagustuhan ko ang nakakatakot and, at the same time, nakakatawang moments. Halimbawa: biglang umusad ang wheel chair ng kamamatay lang na tatay ni Ronnie. Biglang napatigil si Grace. Siya lang ang nakakita ng pag-usad ng wheel chair. Umusad uli ito. Biglang lumabas ang tiyahin ni Ronnie, buhat-buhat ng dalawang kamay ang mga labada pagkatapos ay sinipa uli ang wheel chair mula sa likod nito. Ngek. Tao pala ang nagpapausad sa wheelchair.

Higit sa lahat, nagustuhan ko ang Tumbok dahil maraming bahagi ang very Pinoy. Halimbawa nito ay ang laging sirang elevator. Dito kasi sa atin, pag bago lang ang isang teknolohiya saka lang ito maayos. Ang mga street lamp, pag bago lang may ilaw. Ang stoplight, hindi laging gumagana. Kaya nga marami ang basta na lang tumatawid sa kalsada kahit pula ang ilaw dahil wala na silang tiwala sa sabi ng stoplight. Ang mga elevator sa building, unless for business ang building, sa umpisa lang gumagana. Pagkaraan ng ilang taon, sira na. Lalo na iyong mga elevator sa mga unibersidad. Isa pang halimbawa ay ang pang-iintimidate kay Ronnie ng kanyang supervisor. Bagong salta kasi si Ronnie sa presintong ‘yon. Kaya kinakaya-kaya siya ng mga beterano doon. O di ba, ganyan tayo? Pag may bago, pinahihirapan natin. Kaya nga nagtataka ako kung bakit galit na galit tayo sa hazing at initiation e araw-araw naman natin itong tino-tolerate o ginagawa.

E, okay naman pala ang Tumbok, bakit ko pa sinali ang salitang medyo sa unang pangungusap ko?

Kasi…abangan sa next issue ng Perlas!

Kung may tanong, suggestion o komento, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Ito ay isinulat para sa lingguhang kolum na KAPIKULPI=Kapiraso ng Kulturang Pinoy sa pahayagang Perlas ng Silangan Balita, Imus, Cavite.

Tuesday, May 3, 2011

Ethics sa Dyip

Para sa KAPIKULPI

Kapiraso ng Kulturang Pinoy, kolum nina Bebang Siy at Ronald Verzo sa Perlas ng Silangan Balita, Cavite


Abril 8, 2011

Me karga kang bata. Puwedeng sanggol o puwede ring toddler. Toddler meaning two o three o four years old. Tapos, sasakay ka ng dyip. Pagpara mo, agad namang huminto ang dyip. Sa harap mo pa. E, bakante ang upuang katabi ni Manong Driver. So doon ka umupo. Bitbit ang bata.

May mali ba rito?

Ano? Wala?

Meron! Meron kaya?

Ganito kasi iyon. Ang upuan sa harap ng dyip, oo, ‘yong katabi ni Manong Driver-Sweet lover, ay masyadong vulnerable sa disgrasya.

Una, madalas kasing walang pinto ang bahaging iyan ng dyip. Exposed na exposed ang iyong katawan sa outside world. Hindi bale sana kung hindi mabangis ang outside world, e nagkalat ang motorsiklo, ang mga poste, puno, halaman at mga taong dumadaan sa right side ng kalsada kung saan nga nakabilad sa lahat ang malaki ring bahagi ng iyong katawan. E, paano kaya kung biglang may masagi ang dyip na iyan sa bandang inuupuan mo? Paano na ang dala mong bata? Paano kung nasaktan ka rin, e di siyempre uunahin mo in 32 seconds ang sarili mo? Baka bigla mong mabitawan ang bata!

Ikalawa, ang ibang sasakyan, nasa kaliwa at dulong bahagi ang mga tambutso. At kung ang dyip na sinasakyan mo ay malapit dito, malaki ang tsansa na tone-toneladang karbon ang malalanghap mo at ng bata. Imadyinin mo na lang kung isang oras kayong nakasakay ng dyip, ang itim-itim na siguro ng loob ng ilong n’yo dahil sa karbon. At least kung nasa loob kayo ng dyip, may shield kayo. Human shield. May iba nang sisinghot ng karbon para sa inyo: ang co-passengers ninyo.

Ikatlo, hindi mo masasabi ang kilos ng bata. Parang asoge. ‘Yong mercury, nasa loob ng thermometer. Di ba kapag binasag mo ang thermometer, may silver na kung anong lalabas doon? Asoge ‘yon. Sa Ingles, mercury. Ang kilos ng bata, parang asoge.

Unpredictable. Nakaupo ‘yan. Kampanteng-kampante sa mga hita mo. Biglang iigkas at tatayo at papadyak pa. O kaya biglang iikot, paharap sa ‘yo. O kaya biglang liliyad at ihahataw ang ulo sa dibdib mo. O kaya bigla kang sasabunutan sa hindi malamang dahilan. E, paano kung hindi ka nakahawak nang maigi? Baka biglang dumulas iyon mula sa inyong inuupuan! E, walang pinto ang bahaging iyon ng dyip at humaharurot si Manong Driver sa pinakamagiting niyang speed! Ano ang puwedeng mangyari sa bata? At sa iyo?

Ang punto ko lang, kapag may kasama kang bata, iwasan mong sumakay sa harap ng dyip pati sa likod. ‘Yong huling upuan sa pinakadulo ng dyip. Hindi ang mga ito ang pinakaligtas na lugar para sa mga wala pang muwang. At doon din sa mga may muwang na tulad mo. Kung gusto mong makapag-sightseeing ang bata at makapagpahangin kapag mainit ang panahon, gawin mo na lang ‘yon sa ibang lugar at pagkakataon.

Mag-tourist bus kaya kayo? Basta ‘wag dyip. O ‘wag sa harap at/o pinakadulo ng dyip.

Hanggang sa muli. Kung may komento, tanong o mungkahi, mag-email kay beverlysiy@gmail.com.

Sakripisyo

Para sa KAPIKULPI

Kapiraso ng Kulturang Pinoy, kolum nina Bebang Siy at Ronald Verzo sa Perlas ng Silangan Balita, Cavite


26 Abril 2011

Iyan ang ipinapaalala ng Mahal na Araw sa atin. Kaya tayo nagdiriwang niyan taon-taon. Para bawat isa sa atin ay maging sariwang muli sa isip na nagsakripisyo ang nag-iisang anak ng Diyos para sa lahat.

Ang problema sa ating mga Pinoy, matingkad lang ang salitang iyan kapag Mahal na Araw. Or worse, sa iba, kapag Biyernes Santo lang. Kapag patay lang ang Diyos.

Hindi natin ito magawa araw-araw: ang magsakripisyo para sa iba. Para sa ikabubuti ng iba.

Sa dyip, lagi kong nakikita ang mga ganitong tao: manong na nakabukaka, parang ayaw niyang maipit, nang konti lang naman, konting-konti, ang betlog niya, babaeng nakatagilid at parang nanonood ng TV habang nakaharap sa bintana, ale sa dulo na pinauupo ang dalang plastic bag at marami pang tulad nila na walang pakialam sa huling pasaherong uupo o kaya sa pasaherong kalahati lang ng pisngi ng puwet ang sumasayad sa upuan.

Buo naman ang bayad ng lahat ng pasahero pero bakit hindi sapat ang espasyong inookupa niya? Or rather ipinaookupa sa kanya? Kasi…

Walang pakialam ang mga nabanggit kong tao sa kapwa nila. Bakit? Kasi komportable na sila sa inuupuan at espasyo nila. Bakit nga naman magsasakripisyo pa sila para sa ikagiginhawa ng upo ng iba?

Ano naman ang mapupurat ni Manong kung iipitin niya nang konti ang yagbols niya at pagdidikitin ang mga hita? Ano ang mahihita ni babae kung aayos siya nang upo at haharap sa katapat imbes na sa bintana sa tabi niya? Ano ang mapupunta sa ale kung bubuhatin niya ang plastic bag niya at kakalungin ito?

Wala.

Kaya hindi nila ginagawa.

At dahil wala silang mapupurat, mahihita at walang mapupunta sa kanila, ang mas dakilang tawag sana sa gagawin nila ay sakripisyo. Pagsasakripisyo ng sariling comfort zone para ang iba ay maging maginhawa din ang pagkakaupo at paglalakbay sa dyip.

Sa ganyan kaliit na bagay, makikita natin kung gaano kadaming Pinoy ang tunay na may malasakit sa kapwa. Ang tunay na handang magsakripisyo para sa iba. Ang tunay na pagiging mabuti. Ang tunay na pagiging Hesus.

Nalulungkot ako kapag nakakakita ako ng mga ganitong Pilipino. Bakit, sino nga ba ang matutuwa?

Anyway, ito kasi ang tipo ng mga tao na kapag yumaman ay tiyak na kakalimutan na ang kapwa nilang maralita. Ito ang tipo ng mga tao na kapag komportable na sa sitwasyon at buhay nila, wala na, hindi na sila kikilos para makapagdulot ng ginhawa sa iba, para makatulong sa iba. Kumbaga, kung sampung tao sila sa kumunoy at sinuwerteng makaahon ang isa, itong isang ito, tatakbo na lang at iiwan ang siyam. Hahayaan na lang niyang sagipin nila ang kani-kanilang mga sarili.

O kaya ay mamatay sa putik.

Ikaw, ganyan ka ba? Kung hindi, patuloy na umayos sa pag-upo. ‘Yan na lang ang tangi nating sakripisyo sa araw-araw. Kahit tapos na ang Mahal na Araw.






(Ang copyright ng larawan ay kay Beverly Siy.)

Wednesday, April 20, 2011

dagdag dunong is back

2006 nang isilang ang dagdag dunong. marami-rami na rin itong pinagdaanan.

para sa backgrounder, i-google search na lamang itong aming proyekto ni russell mendoza. dagdag dunong project.

anyway, noong April 10 ay nagsagawa ng storytelling sessions ang mga estudyante ng Philippine Literature classes sa FEU FERN sa patnubay ni Prof. Lourder Zorilla-Hinampas sa Batasan Hills.

Ito ay inorganisa at pinagtulungan ng mga sumusunod na tao at grupo:

Prof. Lourdes Zorilla-Hinampas
Phil.Lit classes niya sa FEU FERN
Arpee Zapata
Kagawad Jun Jun Macario ng Brgy. Batasan
Dagdag Dunong Project

60 kids and more ang nabiyayaan ng dalawang storytelling sessions na naganap sa simbahan ng Kalye Konstitusyon, Brgy. Batasan Hills. Pagkatapos ng bawat session ay namigay ng mga school supplies ang mga estudyante ng FEU FERN sa mga bata.

Muli, maraming salamat sa lahat ng tumulong. Napakasaya ng event. Unforgettable ang ngiti ng mga bata.

antagal ko nang di bumabalik sa place na ito. dalaga't binata na raw ang recipient ng mga projects noon ng DDP sa area na ito. nawa nga ay maging volunteers din sila soon.

Narito ang mga pangalan ng mga batang nakasama namin sa storytelling sessions last 10 April 2011:

BATASAN KIDS: BENEFICIARY OF STORYTELLING SESSION ORGANIZED/COORDINATED BY
FEU FERN PHIL LIT CLASSES UNDER PROF. L.Z.HINAMPAS 2011, DAGDAG DUNONG PROJECT
AND MR. ARPEE ZAPATA

BATCH 1
Name

Mae Grace Mata
Juedy Anne Otayde
Arianne Joy Mancilla
Gabriel Peralta
Juliane Ross Seguan
Therese Jordan
Carla Jhane Bagano
Samantha dela Cruz
Desaren Otayde
Jenny Estrada
Kazandra Charice Maguer
Shanyl Yordan
Mecaella Yordan
Alleana Mae Mancilla
Wildren Mata
Noella Mata
Jonalyn Otayde
Steffany Rivas
James Teny Rodrigo
Rosalinda Motita
Asleigh Portes
Roselle Mata
Kate Nichole Ovano
Kenneth Hosim Pando
Giwel Cutanda
Geneva Garcia
Karls Jersy Yardan
Yancy Angela dela Cruz

BATCH 2

Name

Emil dela Cruz
John Kerr Merinciano
Johnmart Silvestre
Raff Leovel Pascua
Mark Joseph Mata
Mar Gabriel Garcia
Marynell Joy Cutanda
John Leonard Pascua
Joeymae Rodrigo
Mark Aaron Calagi
Ella Grace Crisostomo
Christler Jerome Saturnio
Vladimir Shaun Lapera
Ferdinand Paguia
Louise Fernando Paguia
Desiree Joyce Calagui
Beverly Jane Calagui
Maria Fernanda Paguia
Chris Bernard Paguia
Catherine Paguia
Trisha Mae Darantingaw
Jasper Darantingaw
Kathleen Figuracion
John Michael Caranza
Justin Josh Celso
Jareigh Pardo
Echo Calagui
Arnold Calagui
John Mark Maceda
Alex Andrei Maceda
Rhea Joy Carlizo
Patricia Caranza
Jopay Abraham

Age range= 15 to 4 years old

photos will be posted soon!

Wednesday, February 16, 2011

anak ka ng ina mo!

sori. gigil na gigil lang ako.

inaaway ako ng nanay ng tatay ng anak ko.

bale lola sa tatay ni EJ.

bakit?

kasi noong isang araw ay nagtext ako sa kanya at sa anak niyang herbert "jojo" f. antonio ng ganito:

load na lang ang sustento mo sa anak mo, hindi mo pa maibigay? ang kapal naman ng mukha ninyo!

ALL CAPS 'yan, 'day!

kasi nag-text ang anak ko kay jojo para humingi ng load para itext ako. last load na niya yon. kaya siya humingi ng load. you see, ej is not abusado. hihingi lang siya pag kailangan niya.

reply ng tatay, bakit? hindi mo ba kasama ang nanay mo?

siyempre, hindi na nakasagot sa kanya ang anak ko kasi nga wala nang load. anong ginawa ng tatay? nag-alala ba? tumawag? nagtext uli?

HINDI.

at kung talagang matinong tatay ang gagong jojo na yan, dapat niload-an na niya ang bata o di kaya ay nagpasa load siya kahit piso.

e hayup hindi nga ginawa

so nang malaman ko to a few days after na, nagsiklab talaga ako. pinaghalong galit ng world war 1, 2, gulf war, war of the worlds at kung ano ano pang war!

kaya ayun ang text ko sa kanya. na itinext ko rin sa nanay niya dahil gusto kong malaman ng nanay niya kung anong klaseng pambabalewala ang ginagawa ng anak niya sa anak ko.

friends, ang lalaking ito ay hindi ever nagsustento. magti-13 years old na si ej. imagine? ni piso walang sustento. ever since.

at bakit hindi ako naghabol noon? dati ko pa siyang sinasabihan na magbigay. pero wala talaga. matigas talaga ang mukha. akala niya, sapat na ang pagbibigay niya ng regalo kay ej kada taon. ano siya, ninong? ay siya nga pala, hindi puwedeng sabihin tuwing birthday at christmas ang bigay dahil minsan, palya. at madalas, late. tipong kung pasko, darating na ng independence day ang regalo.

pinagtatawanan na lang namin ni ej. lalo na ang pagiging late niya.

PERO OPS, WALA PA RIN SIYANG KASINGKAPAL.

at ano ang regalo?

aso
pusa
(wala namang binibigay na pambili ng pagkain para sa mga hayop na to. e kami pa naman sa bahay ang mga ulam namin, bili lang. sakto lang sa isang kainan at bihirang bihirang may matira. so in short, nagbibigay lang si jojo ng pasanin sa anak ko! ito namang anak ko palibhasa'y bata ay sabik sa alaga, kaya tanggap lang nang tanggap. with a smile pa)
t-shirt
sapatos (na di kasya kasi di niya inaalam ang sukat ng anak niya at palagay ko di naman talaga para ke ej yun, wala lang sigurong gustong kumuha kaya ibinibigay na lang ng magaling na tatay kay ej)
gel
pabangong may bawas (ok lang kung may bawas, pero ang tanong bat ito pa ang ibibigay mo? bakit di na lang gamit sa eskuwela? o kaya medyas, brip?)
baseball cap na gamit na (ok lang din kung gamit na pero ganon din, di naman to necessity sa eskuwela, are you dumb and dumber?)
biskuwit
ponkan
chicken joy
laruan

o di ba parang ninong lang?

sana may ampao din!

at sabi ng nanay ni jojo sa mga palitan namin ng text,ang pangalan nga pala niya ay baby:

1. para kang walang pinag-aralan diyan sa pinagsasasabi mo.
2. nawalan na ako ng gana tumulong.
3. wala ka nang aasahan.
4. mag-isa ka diyan.
5. grabe ka manlait.
6. tumahimik ka na sa kadadada mo.
7. bahala ka na diyan.
8. tumigil ka na.
9. ikaw ang masama ang ugali.
10. wag ka na gumamit ng god bless para lang yan sa nasa katinuan
11. wala ka na sa tamang pag-iisip
12. plastik ka
13. wala kang pakialam sa pasyal namin
14. pera lang ang habol mo

at ang pinakamalupit sa lahat:
hindi lang kayang buhayin si ej ng lalaki mo ngayon kaya nagngangangawa ka diyan.

oh meeeeeeeeeeen. sino ngayon ang nanlalait?

facts and figures muna.

wala akong panlalait na sinabi sa mga text ko. sinabi ko lang ang totoo.

ano ang mga tinext ko?

MAHIYA NAMAN KAYO KAY EJ. HIGH SCHOOL NA ANG BATA, ASAN ANG SUSTENTO NINYO? NI PISO, WALA?

JOJO, NANGUNGUTANG KA PA DAHIL XMAS PARTY NI EJ AT JAJA. DI KA NA NAGSUSUSTENTO, GINAGAMIT MO PA ANG BATA PARA MAGKAPERA. MAKAPAL KA TALAGA.

ANONG KLASE KAYONG LOLA AT AMA? PINAPABAYAAN NINYO ANG APO AT ANAK NINYO?

KAYA SIGURO MASAMA ANG UGALI NG ANAK AY DAHIL MASAMA RIN ANG UGALI NG INA

IRESPONSABLENG AMA SI JOJO TAPOS KINUKUNSINTI NAMAN NG NANAY. SINO NGAYON ANG MASAMANG UGALI

ANG TAONG MAKADIYOS,HINDI KUNSINTIDOR.

JOJO, KAWAWA KA NAMAN. NADADAWIT NANAY MO SA GULONG PINAPASOK MO. DI KA NAMAN NA TEENAGER.

MAHIYA KAYO SA ANAK AT APO NYO.KAHIT KONTI LANG.

PLASTIK ANG TAONG NAGPAPANGGAP NA MAYAMAN AT PADISNEY-DISNEYLAND PA PERO DI MASUSTENTUHAN ANG APO AT ANAK.

GATAS, ULAM, GULAY, BIGAS, NOTEBOOK, LAPIS, BALLPEN YAN ANG MGA KAILANGAN NG ANAK KO. HINDI KAILANGANG CASH. IBIGAY NYO YAN KAY EJ AT HAHALIKAN KAYO NUN SA TUWA.

at ang pinakapaborito ko sa lahat, ANG TUNAY NA KRISTIYANO, NAGSUSUSTENTO.

Ito kasing si Lola Baby ay may pagka makadiyos. Nang una kaming magkaharap noong January, sa bahay nila, wala talaga akong balak mang-away, siniguro ko lang na doon nga nakatira itong si Jojo. Pagdating ko doon, defense nang defense si lola baby sa anak niya e hindi naman ako nagsho-shoot. payo nang payo itong si lola baby. sabi, kung nahihirapan daw ako, manalig ako. dagdagan ko ang pagdasal sa diyos. maniwala ako sa diyos etc etc

diyoskoday e 12 years na akong nananalangin na maawa si jojo sa anak niya.

me nangyari ba?

me sustento bang dumating?

WALA

At isa pang point, kaya rin ako hindi pursigido noon na masustentuhan si ej ay dahil sa ex ko. natutulungan niya kaming mag-ina kahit paano. at pinaka-pinakaimportanteng fact,may trabaho ako.

pero last year, summer, pursigido na akong ihabla siya dahil sinabihan ko na siyang wala akong trabaho pero ganon pa rin. wala pa rin siyang pakialam. binalewala pa rin ang anak ko!

kaya gumawa na ako ng aksiyon, i asked atty. jp anthony cunada to help me. he sent a letter of demand nung may 2010. may narinig ba mula sa kanilang kampo?

wala na naman. KAPOW.

Noong december lang ako nakagawa uli ng move. dahil may ginawa siyang katarantaduhan kay ej nung bday nito, september. pinaasa niya ang bata na susunduin niya ito sa araw na siya mismo ang nagset. ilang araw na napostpone nang napostpose nang napostpone. hanggang sa iyong huling takdang araw na siya mismo uli ang nagset, wala siya. POOF.

kawawa raw ang anak ko pabalik-balik sa gate at sa labas kakahintay sa kanya. isang buong araw na naman. ondoy ng disappointment.

yun nga di sinasadya ay nagkita kami sa bahay nila. december at nagkasigawan. nagkabarangayan pa. na mukha namang biased na biased ang barangay official. mali-mali pa ang prosesong pinagdaanan ko. sayang oras at pamasahe at pagod. hay. pilipinas i love you.

inungkat ni jojo ang aming nakaraan. baul kung baul.

sinisisi niya ako kaya hindi siya nagbibigay ng kahit ano for ej.

a...

ang galing.

galing magpalusot.

iresponsable ka lang. ano ba? dami pang sinasabi, e.

after the december incident ay biglang dumating itong si jojo sa bahay namin, isang araw na ako ay nasa malayong lugar. pinakain niya ang anak ko sa jollibee (kawawa naman ang anak ko, tuwang tuwa na siya sa ganon kasi akala niya, jackpot na siya na makita ang tatay niya at maitreat siya nito sa jollibee.)at binigyan ng isang lumang cellphone.

ok lang naman sa akin. yan ang sustento mo? cellphone? okay a. hige pagbigyan

sabi ko kay EJ, wag na wag mong gagastusin ang pera mo para sa load.

tinext ko ang lola baby at jojo, magload kayo kay ej dahil ayokong mapupunta ang pera ni ej sa load kaya hindi ko pa yan binibigyan ng cellphone.

at nagload naman sila. P25

at iregular pa yan. ni wala silang usapan kung buwanan ba o lingguhan o taon-taon.

basta niload an nila ng P25 the day i texted them

aba beri good.

o ano na ang next?

noon ko nga nalaman, sa cellphone na yun na nangungutang si jojo gamit si ej. nakalimutan niyang burahin sa sent mails niya.

sinong matinong tao ang matutuwa diyan? sino?

gustong gusto ko na siyang ihabla, friends.

pero ang tanging pumipigil sa akin ay ang posibleng resulta na wala din siyang ibibigay sa anak ko. at magagastusan lang ako nang malaki. ang defense niya at ni lola baby, may sakit siya. kaya walang trabaho. walang girlfriend, di makapag-asawa.

walang trabaho kaya wala ring maibibigay kay ej.

so ganun na lang yon?

putek 12 years nang walang sustento ang anak ko mula sayo, ganun lang yon?

2008 ay nakapag-abroad yan. nagpadala ba kahit ng isang butil ng buhangin? hindi. nagsustento ba? hindi.

nagbigay ba ng kahit magkanong pera?

oo.

P100

yes. isandaang piso. at binigay nya to noong andito na siya sa pilipinas. dala niya ang mga pasalubong niya kay ej: ponkan at mga biskuwit.

papabol talaga, di ba? the best e. ano pang hahanapin mo?

tanong, jojo, noon bang nagkatrabaho ka naalala mong sustentuhan si ej? ha?

ngayon, mukhang walang trabaho talaga si jojo pero hindi ibig sabihin noon ay wala siyang kita. mukhang freelancer si jojo. nagba-buy and sell ng kung ano-ano. kuwento rin ni ej, na kuwento daw ng tatay niya, manager daw ito sa filinvest.

o, may pinagkakakitaan naman pala, e.

isa pa, ang yabang-yabang ng lola baby na yan nang minsang magkita sila ng nanay ko sa isang mall. me parlor daw si jojo. sariling negosyo raw.

o asan?

baka makalibre man lang ng gupit ng buhok ang anak ko. P50 din iyon.

at hindi ako naniniwalang walang pinagkakakitaan ang lalaking iyan. for 12 years? e ang luho-luho niyan, e. mana sa nanay niya. gusto abroad nang abroad. gusto magara ang bahay kahit hindi naman alam kung saan hahagilapin ang perang pangrenta. gusto me kotse.

o saan nakakakuha ng panggasolina?

at ang regalo sa isa pa niyang anak, laptop!

at kung di ba naman talagang nuno ng pagiging ungas, babanggitin pa kay ej. e di malulungkot ang bata. bakit? e natural, wala kang maibigay na pambili ng gatas sa kanya tapos ibabalita mo na nagbigay ka ng laptop sa isa mo pang anak?

ungas talaga. hrrr....

friends, ok lang kung mahirap sila. E hindi naman, e. private school pa yung lahat ng batang nakatira sa bahay nila pati yung isang anak ni jojo. si jaja. nakakapag-abroad ang pamilya niya para mamasyal. maganda ang apartment na nirerentahan nila sa las pinas, me kotse sila, me kapatid siyang nasa singapore. ang gaganda ng mga polo niya, cap, pantalon, sapatos. laging mabango. ibig sabihin, me pambili ng pabango.

BAKIT HINDI SIYA MAKAPAGSUSTENTO?

oh lord.

at ang asin sa sugat pa rito ay ang justice system natin. halos lahat ng abogadong nakausap ko, ang sabi sa akin ay wala rin siyang maibibigay sayo kung wala siyang trabaho. sayang lang ang paghahabla mo.

so kung ganon din pala, bakit hindi gumawa ng paraan ang kinauukulan para kahit walang trabaho ay mapilitang magbigay ang mga tanginang iresponsableng mga ama na yan?

kapag ba walang trabaho ang mga yan, tumitigil sa paggiling ang tiyan ng mga anak nila? hindi naman, a.

sa sistema ngayon, imagine gagastos pa ang babae para lang mapatunayang me trabaho ang lalaki? ano siya, bale? e di ipakakain na lang niya sa anak niya ang gagastusin niya dito di ba?

unfortunately hindi na nga maihahabla ang lalaki at wala na siyang responsabilidad sa anak kahit tirik na ang mata nito sa gutom. e kasi wala siyang trabaho e.

bat ganon? pano kung pareho silang walang trabaho, wala na silang responsabilidad sa bata? hahayaan na lang tong umiyak sa gutom? sori na lang?

putchashet ng sistema.

tinanong ko na rin to sa dswd noon. wala pa raw nakukulong dahil sa economic abuse.

so para palang walang kuwenta yang ra 9262 economic abuse angle na yan. napakamakalalaki pa rin kasi di ba? ang lahat ng burden nasa babae.

lagi na lang. kahit noon pa.

isa pa nga.

putchashet.

JOJO
LOLA BABY
SISTEMA

ayan, mas ok na ako. kelangan ko lang talagang ilabas ito.

Tuesday, February 15, 2011

Paalam, Kuya Ching.

Balita mula sa Bombo Radyo Pilipinas

Pumanaw na ang character actor na si Ching Arellano.

Ayon sa pinsan nitong si Pam Alejandro, binawian ng buhay ang aktor nitong Sabado matapos atakehin sa puso.

Nabatid na na-stroke na rin si Ching noong nakaraang taon.

Nakalagak ang labi nito sa Floresco Funeral Homes sa Barangay Concepcion sa Malabon at nakatakdang i-cremate bukas sa Eternal Gardens, Balintawak sa Quezon City.

Si Ching o Francis Anthony A. Arellano sa tunay na buhay ay isa sa mga original cast ng pambatang show na "Batibot."

Wednesday, February 9, 2011

mga pananaliksik ng estudyante ko

noong nagtuturo ako ng pananaliksik sa freshmen, ang isa sa requirements ko ay, siyempre, research paper.

na isa-submit sa dulo ng semestre.

pero dahil mapagmahal ako sa inang kalikasan, hindi ko ipinasa-submit ito sa pisikal na papel. lahat kailangan ay nakapost sa internet. doon ko rin che-check-in.

bakit?

una, dahil nga ayoko ng maraming papel sa buhay ko

ikalawa, gusto ko hindi lang ako ang makabasa kundi ang mga kapwa nila estudyante rin at ang mga mahal nila sa buhay,crush, kaibigan, jowa, kaaway at iba pa.

ikatlo, sabi ko mas madali kayong mahuli kung nag-plagiarize kayo kasi isa lang ang makabasa niyan at may mag-claim niyan, dudang-duda na ako sa gawa ninyo

ikaapat, gusto ko maaaccess ko ang research nila kahit nasaan ako (basta may koneksiyon sa internet). hindi ko na kailangang dalhin ang mga hard bound, folders at iba pa

ikalima, gusto ko mas mahaba ang buhay ng kanilang pananaliksik. at mukhang internet is here for good. kaya naman kahit siguro matanda na sila nariyan pa ang mga isinulat nila para sa klase namin.

so here you go...

works of some of my former students:

negosyantengthomasino.blogspot.com/.../negosyanteng-tomasino-1fpm_06.html
http://1amid.wordpress.com/2009/03/01/mabuhay/
casinofilipino0708.multiply.com
boojoi.livejournal.com
http://www.scribd.com/doc/48190127/jomaira
kevinpastor.multiply.com/journal/item/1
ntp-1lam.blogspot.com/2008/09/kss-kahit-saan-saan.html
buhaybouncer.blogspot.com/
tomasyante.blogspot.com/
glutalab.blogspot.com
paanomagbasangmapa.blogspot.com
kabataangpromdimanileno.blogspot.com
jollibeevsmcdonalds.blogspot.com
skrapananaliksik.blogspot.com
magkalayongpinoy.blogspot.com
weliveto.multiply.com/journal
1fpmclass09.blogspot.com
busythomas.blogspot.com
marcofer.multiply.com/journal/item/1/Revised
parasafilipinoproject.blogspot.com
kambakla.blogspot.com


please ask for their permission kung gagamitin ang kahit na bahagi lamang ng kanilang mga akda. hanapin sa websites nila ang kanilang mga contact detail.

maraming salamat uli!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...