Tuesday, April 27, 2021

Sigh-long

Nami-miss ko ang bahay sa Kamias.

Mas madaling puntahan ng mga kaibigan.
Ang dami ring pinatuloy ng bahay na iyon.
Ang ka-batch ko sa unang UP Writers Workshop na nasalihan ko, si Amibel. Ngayon ay lawyer na si Amibel.
Si Vivian na assistant ni Amibel, ngayon ay nasa Norte si Vivian, happily married na.
Si
Wasi
na kaklase ko sa ilang writing subject noong college, ngayon writer na sa GMA 7.
Ang mga taga-LIRA. Minsan pa kaming nakapag-workshop doon. At bisita namin si Sir Rio.
Batch ko sa LIRA, si Ronald at ang jowa niyang high school bff ko na si Eris, sina Wasi, Dai, Beng, Tabby at Nikka.
Ang mga nagli-LIRA noon na sina Rem, taga- Batangas, Rey na taga-Lolomboy, Dagupan, at Ka Pilo na taga-Alitagtag. Sa girls ay sina Alev na taga-Infanta, Pangasinan, at si Guia na taga-Laguna.
Ang officers na sina Tata, En, Mao, Pam, nang gawin namin ang By Laws ng LIRA overnight.
Minsang din na nagdiwang doon ng kaarawan ang LIRA na si James sa pangunguna ng batchmates at kaibigan niyang sina Ina, Phillip, Debbie at iba pa.
Ang Hilakboters na sina Wennie, Rita, Haidee, Mar at Jing. Nakalikha kami ng limang libro kaka-workshop sa bahay na iyon. Overnight-an. Latagan lang ng banig, laban na. Nagmu-movie marathon pa kami, saka cook off, iyong pagalingan magluto. Siyempre, tagakain lang ako, hahaha.
Tuwing birthday ni Ej, sa bahay kami nagse-celebrate. Kahit bumabagyo, tuloy. Naalala ko pa nang mag-brownout habang kumakain ang mga bisita. Minsan, kasama ang nanay ko, mga kapatid at pamangkin. Minsan, kasama ang mga kaklase ni Ej. Dinadayo kami ng mga kaibigan ko, tulad nina Claire Agbayani kasama ang anak niyang si Gide at Claire Madarang.
Dumadalaw din doon sina Adam, Chingbee, Ken at Anna, noong baby pa sina Dagat at Ayin.
Nang mga nakaraang taon ay ang mga taga-PRPB naman. Sina Kuya Doni, Jayson Vega at Jayson Fajardo, Ronie, Clare, Ella, mag-asawang Azee at Juan, Ingrid, Po, Berto, Jhive,
Ma Erika
at marami pang iba. PRPB members ang nagbalot ng puting papel sa mga libro na ginawa naming mga table centerpiece para sa wedding namin ni Poy. Sa bahay namin lahat ito ginawa. Para kaming pabrika. I think more than 500 books ang binalot nang maghapon at magdamag na iyon. Sa dami ay kinailangan naming magrenta ng hiwalay na sasakyan para lamang madala ang books sa venue ng reception. Mabuti at katuwang namin ang PRPB sa pagbabalot. Kung hindi, walang dekorasyon ang aming mga mesa noong kasal. Nakapag-birthday din sa bahay ang isang PRPB member, si Biena. Sa Kamias din kami nagki-Christmas party at nagbu-book discussion, kapag wala kaming makuhang venue at malapit na ang book event. Nakasama namin sa aming bahay sina Noringai, Lourd (na taga kabilang kanto lang kasi), Mam Felice, at Carlo Vergara.
Naka-meeting ko roon ang writers na sina Orly, Nash, Phillip, Arvin. Madalas kong niyayaya na lang ang ka-meeting ko sa bahay kaysa magresto o coffee shop. Para mas tipid. Saka one to sawa ang oras.
Nakapag-hold din ng meetings sa bahay na ito ang Freelance Writers Guild of the Philippines at ang Gantala Press.
Nag-iimbita rin ako ng students na gustong mag-interbyu. Dalawa rito ang MA students na sina
Palmera Alvarez-Isles
at
Mayluck Malaga
ng PUP. Naalala ko, nagpangakuan pa kami ni Mayluck na iti-treat ang isa't isa ng baldeng spaghetti pag natapos ang MA. Nagpi-PhD na ngayon si Mayluck hahaha! Ako, di na nakausad. Hay.
Minsan na ring nag-meet doon ang mga kaklase ko noong high school.
Kayrami ko pang di nabanggit. Wala, matanda na ako't maraming nalilimutan.
Sana, naaalala nilang lahat ang bahay. Gaya ng pag-alaala ko rito ngayon: may sigh-long. Pinaghalong saya at lungkot.

Thursday, April 22, 2021

Pagiging Nanay at Empleyado sa panahon ng krisis

Questions by Hazel Crizaldo, isang writer mother na kapitbahay ko dito sa Habay 1, Bacoor, Cavite. 

Siya ay nagma-masters at part ng paper niya ang pag-iinterbyu ng mga nanay at ang kanilang work from home or management ng business set up.

 These are my answers to her questions:

1.     1.  What is your daily plan for managing your business/work and for taking care of your child/ren?

Iba-iba. Walang daily plan, at all. Very flexible siya. Kung may meeting ako sa trabaho, I attend. Ang trabaho ko ay iba-iba rin ang oras. Kapag coordination at pakikipag-usap sa mga tagaopisina, I make sure na daylight until around 7 or 8pm ang aking messages and calls. Pero kung writing, reading and editing which are the bulk of my work, kahit anong oras ito sa araw o gabi o madaling-araw, basta maihabol sa deadline ang output ko, tinatrabaho ko. Ang pag-aalaga ko sa mga anak ay ganito rin ka-erratic. Mas nakakapag-alaga ako o nakakapaglaro with kids kapag tapos na ang event or publication namin. Pero usually before and during the event and preparation for the publication, sobrang wala akong oras sa mga bata.

2. What are your strategies for multitasking for your home business/work and for taking care of your child/ren?

Ang strategies ko sa office ay nagde-delegate ako. I act fast, I determine kung kaninong staff dapat ibigay ang isang task, para magawa ito agad. We have a group chat where they can easily be messaged.  Sa bahay, ang husband ko ang siyang pinaka-caregiver ng dalawa naming pre-school na anak. Ang isa sa mga ito ay autistic na bata, si Dagat, 5 years old. Husband sits with Dagat in all his therapy sessions. Wala kasi akong tiyaga rito. Hahalili lang ako kapag may sakit si husband o kaya hindi talaga kaya ng iskedyul niya. A bit of info about husband: he does the major and bulk of work for our small independent press. And the work comes in erratic manner din. Kumbaga, depende rin sa deadline ang buhos ng trabaho.

Ang strategy naming mag-asawa ay vocal kami sa isa’t isa kung gaano ka-erratic ang iskedyul ng trabaho namin. Kumbaga, ine-expect na namin ang minsan, walang trabaho, minsan, dagsa ang trabaho. Kaya wala nang gulatan, walang sumbatan, walang away, natatapos ang kailangang gawin.

Masuwerte rin kami, mayroon kaming mga katuwang sa bahay.

1.       Mayroon kaming ateng kasambahay na stay out, si Ate Mary Ann. All around siya at tagabantay ng kids kapag nagkakasabay kami ni husband ng buhos ng trabaho at meetings. She works from 9am to 7pm, Mondays to Saturdays. She receives P6,500 per month, with 13th month pay and Christmas bonus every end of the year.

 

2.       May isa pa kaming katuwang, ang aking sister in law na si Rianne. Dentista siya, kaya per appointment ang dating ng kanyang trabaho, at kadalasan ay weekends ito. Kaya siya rin ay dagdag na mata sa pagbabantay sa mga bata.

 

3.       Invisible din naming katuwang ang biyenan kong si Muma. Si Muma ang nagbibigay ng pera naming pang-grocery. Malaking tipid ito. Dahil kadalasang sapat lang ang sahod ko sa bills namin,  therapies ni Dagat at pasahod kay Ate, paano kaya kung wala kaming libreng groceries? At ang bahay na tinitirhan namin ay kay Muma. Wala kaming gastos sa renta.

Napakalaking bagay ng support system na ito sa akin bilang isang nanay na nagtatrabaho. Madalas na nakakatulong ito para makapag-focus ako sa aking mga kailangang gawin at tapusin. Pagdating naman sa pera, malaking tulong ang support system dahil malaya akong nakakapili ng uri ng trabaho na gusto ko at kaya ng aking konsensiya. Kung financially ay dahop na dahop kami, baka kailanganin kong iwan ang aking passion (ang panitikan, ang sining at ang kultura) para maghanap ng trabahong mas malaki ang kita.

Strategy ba ito? I think it is. But not solely mine. It is a family strategy. Para makagampan kami ng maraming role (empleyado, nanay, asawa, may-ari ng maliit na negosyo, tao na may advocacy),suportahan, tulong-tulong kami.

4.       What are your remedies when the daily schedule is not followed in business/work or when the child/ren is/are not cooperating?

Unpredictable ang aming daily schedule. Sa pagkain, may mga araw na nade-delay ang tanghalian at hapunan ng mga bata. Lalo na kapag wala si Ate Mary Ann! Kasi di talaga ako nakakapagluto. Init-init lang ng kanin at ulam. Pero, ok lang iyon. Maliit na bagay ito sa amin. Minsan din, umaga nakakaligo ang mga bata, minsan, hapon na. Ok lang din. Ibig sabihin, ang remedyo namin dito ay flexibility sa bawat araw.

Pero mayroon ding exceptions.

Ang non-negotiable ay therapy sessions ni  Dagat. Nagagalit talaga ang husband ko kapag hindi cooperative si Dagat o kaya ay magulo ang bunso namin na si Ayin, at di maka-concentrate si Dagat dahil dito. Mahal kasi ang therapy, P500 to P800 per hour, kaya sinusulit talaga ni husband ang bawat minuto kapag nag-umpisa na ang session. Ang remedyo namin dito, kung may nakaiskedyul akong trabaho, iniiwan ko muna. Ine-entertain ko si Ayin. Ilalabas ko siya ng bahay, magdidilig kami ng halaman. Maglalakad-lakad kami. Si Ayin din, madalas naman na kapag may therapy si Dagat, nauunawaan niyang kailangan niyang lumayo muna sa kuya.

But I seldom miss meetings at work. Kaya kapag nagsabay ang therapy sessions at work meetings ko, ang remedyo namin: Ate Mary Ann and Rianne take over.

Isa pang remedyo namin ay advanced thinking: kapag may malaki akong event tulad ng book launch or online literary event, hindi nag-iiskedyul ng therapy sessions ni Dagat ang aking husband on the same day. Dahil pati si husband, minsan, ay hinihingian ko ng tulong for emergency cases.

4. What are your tips in handling business at home/work and rearing children at the same time?

a. demand cooperation from your husband, family members and the rest of your household. Pati sa mga anak! Hindi puwedeng nanay lang ang gagawa ng lahat. Hindi puwedeng nanay lang ang magsasakripisyo. Ang pagme-maintain ng tahanan ay teamwork. Bawat isa, pati anak, kahit gaano pa kaliit iyan, may ambag dapat.

b. tanggapin ang tulong at suporta ng iba. Dati ay nahihiya ako kay Rianne. Ngayon, hindi na. Dahil bonding moments din nilang magtita ang pagbabantay niya sa aming mga anak. Dati rin ay nahihiya ako kay Muma dahil pamilyado na kami, pero tumatanggap pa rin kami ng financial support mula sa kanya. Pero naisip ko, hindi naman kami nagbibisyo. Hindi namin winawaldas ang perang natatanggap namin mula sa kanya o sa aming mga trabaho. Ang anumang natitipid namin na pera ay iniipon namin, at mayroon din kaming investments, gaya ng insurance at stock market shares. Iniisip ko na lang na, gusto ring makatulong ni Muma hindi lamang sa pag-survive namin sa araw-araw kundi pati na rin sa paghahanda para sa kinabukasan ng aming pamilya.

c. mag-develop ng strategies na angkop sa sariling pamilya. Magkakaiba ang pamilya kaya posibleng mag-fail ang strategies ng iba kapag inilapat mo ito sa iyong pamilya. Ang importante, open ka sa idea na may failures. Kung hindi gumana, e di mag-isip ng bago at subukan agad ito. Try and try lang. Ang dami rin naming naging experiment noon. Halimbawa ay mag-asawa kaming freelancer. Pareho kaming walang regular na sahod. Nabigo kami dahil kahit anong sipag namin sa pagtanggap ng mga raket ay di humihigit sa P20,000 sa isang buwan ang aming combined na income. Ang renta namin noon sa aming apartment ay… P9,500 per month! Sinubukan din namin ang walang kasambahay para makatipid. Laging mainit ang ulo ni husband sa dami ng kailangang gawin sa bahay, at sa sobrang pagod sa mga bata. Napag-initan ko rin ang aking panganay na anak, na kaga-graduate lamang noon sa college. Sa galit ko sa hindi niya pagkilos sa bahay ay pinalayas ko siya. Lahat ng ito ay bahagi ng proseso sa pagtuklas kung ano ang strategies na aangkop sa aming pamilya. It was a bumpy ride, ano?

d. ngumiti at magtawa. Ang automatic kong reaction sa malungkot at ridiculous na mga pangyayari ay ngumiti o magtawa. Hindi ko alam kung bakit. Laki ako sa hirap. Nakatulong siguro ito para magkaroon ako ng mind set na… wala nang lalala pa sa aking nakaraan. Kaya anumang problema itong kaharap ko ngayon, malalampasan ko ito. Kaya ko ito.

So, ang huli kong tip ay anumang hirap ang naranasan, nararanasan o mararanasan mo bilang nanay, just smile and laugh. Kaya mo iyan.

Monday, April 12, 2021

Rescue Me!

 Mahilig akong mamulot ng itinapon na.

Dito sa San Rafael, andami ko nang na-rescue na gamit:
Shelf- natagpuan ko ito sa labas ng isang nire-renovate na bahay. Pangit siya, brown, may bahaging lungayngay at ang likod ay halos mabaklas na. Hiningi ko ito sa construction worker na kakilala ko dahil sidecar driver talaga siya sa tunay na buhay, at suki ako. Katabi ng shelf ay isang sofa set (isang 3-seater at dalawang 1-seater). Pinamimigay din iyon. Gusto ko rin hingin kaya lang ay wala namang mapaglalagyan sa amin.
Pininturahan ni papa p. ng puti ang shelf. Pininturahan niya ng lila ang gilid. Tinanggal din namin ang bahaging nakalungayngay. Ang likod ay hindi na namin ginalaw. Kako, isandal na lang sa pader o dingding. It worked. Siya ngayon ang children's book corner nina Dagat at Ayin.
Drawer- nakita ko rin ito sa tapat ng isang bahay. Katabi ng mga basura. Siguro ay naghihintay na lang ito ng dadaan na basurero. Puti. Kinabukasan, nang nandoon pa ito pag daan ko ay kinuha ko na. Tapos ginoogle ko kung ano ang puwedeng gawin dito. Puwede rin pala itong gawing shelf. So, hinugasan ko ito, pinatuyo at ipinatong sa shelf ng children's book corner.
Mas maliit na shelf- mahaba at mababa, gawa sa kahoy, walang likod. Nakita ko ito sa tapat ng isang garahe sa kabilang kalsada. Ka-parallel namin. Tabi ng garahe ay tindahan na madalas kong bilhan last year dahil sila lang ang laging bukas during that time. Isang matandang lalaki ang nagwawalis. Tinanong ko kung itatapon na ba iyon. Oo at bakit daw. Sabi ko ay hingiin ko na lang po. Oo raw. Sabi ko, sa inyo po ba ito? Sabi niya, hindi, pero itinapon na iyan ng kapitbahay, at kagawad ako rito. Hahaha, di ko alam kung bakit sinabi pa niya na kagawad siya, pero baka nagpapakita sa akin ng authority over the kalye and the basura on that kalye. Tumawag ako ng side car at iniuwi na ang mas maliit na shelf.
Pinunasan ko ito at after some months ay nagpasyang dikitan ng mga papel gamit ang glue. Para magmukhang malinis. Pagkaraan uli nang ilang buwan, dinikitan ito ni papa p ng wall paper. Ang ganda na niya. Ginawa namin siyang patungan ng halaman sa may balkon.
Water tank na bahagi ng toilet bowl- nakita ko ito sa gilid ng isang bahay, pero sa ibang subdivision, nasa tabi ng gomang basurahan. May kasama rin itong lababo. Buong buo ang dalawa. Kumatok ako sa bahay at nagtanong kung itatapon na iyon. Oo raw, sabi ng isang binatang nakahubad pa nang humarap sa akin. Kita utong, my gas. Thank you, ha,sabi ko. You made my day, kako pa. Hahalikan kita, este babalikan kita, kuha lang ako ng sidecar. Naiwan siyang natulala. Siguro sa isip-isip niya, may babaeng interesado sa basura namin? Nagtawag ako ng side car, at naiuwi ko ang binata, este, ang water tank at lababo. Nilinis ko ang mga ito sa garahe ng kapitbahay namin. Ang lababo at water tank ay dinala ko sa likod ng bahay at tinaniman ng halaman. Ang takip ay dinala ko sa balkon at pinatungan din ng maliliit na halaman.
Mesa-nakita ko ito sa gilid ng bahay na sira-sira. Walang nakatira doon at madalas tambakan ng basura. Pangit ang ibabaw ng mesa, pero maganda pa ang frame, lalo na ang mga paa nito. Nagtawag uli ako ng sidecar at iniuwi ang mesa. Pinatungan namin ng luma at mumurahin na shower curtain ang mesa, para kahit mabasa ay ok lang. Inilagay ko ito sa gitna ng garden ng kapitbahay. It did not work. Masyado itong malaki at dominating, kulay puti kasi ang shower curtain. Matagal itong natambak sa may entrada ng main door ng kapitbahay (hindi ito ang ginagamit ng kapitbahay, sa backdoor siya lagi, mas maliit kasi, madaling buksan at isara). Walang mapaglagyan sa mesa.
Isang araw ay binalutan ni papa p ang ibabaw nito ng magandang wall paper. Kahit laminated wood na marupok at pangit na ay biglang gumanda. Ipinasok ko ito sa room ni EJ, na siyang working space ko ngayon, at pinagpatungan ng kung ano-anong magaan: unan, papel, pambura, make up kit na walang make up, sirang laptop, etc. Gusto ko sanang gawing upuan ang mesa na ito. Kasi puwede siyang upuan, sa lapad niya at haba. Mayroon kaming retasong mga kahoy para dito. Kaya nang dumating ang suki naming karpintero, isa nga ito sa ipina-line up ko. Kako ay gawing matibay ang ibabaw, para magamit nang tuluyan. Ngayon ay isa na siyang matibay na mesa, at puwedeng maging upuan someday.
Basag na mga paso- 1. Isang malaki, nahanap ko sa Kenmore, kabilang subdivision. Nasa tapat din ito ng garahe ng isang bahay, open to all ang garahe. Walang bakod. 2. Katabi ng paso ay isang vase na mga 1.5 feet at isang mug na basag din ang tenga. Hiningi ko ang mga ito, at ibinigay ng lalaking mukhang kagigising lang nang umagang napadpad ako doon. Sori nemen, pero 9 am na iyon. Ang ginawa ko sa 1 ay taniman ng petunia. Ipinuwesto ko ito sa likod at ang basag na bahagi ng paso ay iniharap ko sa pader. Ang ginawa ko sa number 2 ay itinaob ko, at tinusok sa lupa ang basag na bahagi, at pinatungan ng dish garden ang base nito. 3. Ang isang paso na ni-rescue ko ay hati sa dalawa. Natagpuan ko ito sa tapat ng aming katabing bahay. Itinaob ko at itinusok din sa lupa ang bahaging basag, at ang puwet na flat ay pinatungan ko rin ng dish garden. Nakapuwesto ito ngayon sa harapan ng aming katabing bahay. At ang ibabaw na kalahati ng paso number 3, lusot-lusotan ito, butas sa ibabaw, butas din ang ilalim, ay ginamit ko sa papausbong naming aratilis. Ipinasok ko sa mga butas ang usbong ng aratilis. Nasa loob ito ng bakuran ng kapitbahay namin, malapit sa gripo.
Dekorasyon, hugis-pinto, kahoy at one foot ang laki at lapad- ito ang aking latest find. Nasa ibabaw ito ng basurang nakalagay sa isang malaking karton. Nasaan ang karton? Kahanay ng bahay na pinagmulan ng mababa na shelf. Hapon iyon na naghahanap kami ng hopia. Unang daan at pagkakita ko doon ay kinuha ko na. Feeling ko, nagde-declutter ang may-ari ng bahay. Gandang-ganda ako kasi exotic ang dating, parang galing sa India. Sayang naman at bakit kaya itinapon? Pinalinis ko ito kay papa p. Then after a few days ay ipinatong ko ito sa isang hollow block sa may hardin ni Ayin. Noong Easter Sunday, naglagay ako ng itlog sa loob nito. At noon namin natuklasan, nang buksan ni Dagat ang dalawang pinto, nahulog ang isa! Ayun pala, kaya itinapon na. Sira ang isang pinto. Anyway, ibinalik lang namin ang pinto at perfect na uli for the garden. Hindi halatang sira kung hindi ito kakalikutin.
Ngayon, may nakita na naman akong mesa, sa may daan papuntang phase 2 ng San Rafael. May nakita rin akong dalawang gulong, kaldero, water tank, at 2- seater na sofa. Lahat iyan, marumi at sira. Pero, sayang na sayang, kung di mabibigyan ng ikalawang buhay.

Saturday, April 10, 2021

Mam Bambi

 52nd batch kami ng UP National Writers Workshop.

Unang kita ko pa lang sa picture na ito ay natawa na ako. Kinunan ito noong "graduation," huling gabi ng dalawang linggong palihan na ginanap sa Baguio. Mag-organize daw kami (workshop fellows) ng presentation para sa lahat.
Wala naman talaga kaming presentation. Nag-host lang kami ng special awards night para sa mga panelist at organizer. Puro kalokohan. Halimbawa: Kuya Eddie award, na napunta kay Sir Butch Dalisay dahil sa napakaganda nitong boses, malalim, malamig, kalmado. Mesmerized kami sa tuwing magbibigay siya ng komento sa mga akda namin. Ang premyo niya ay malaking bote ng liquid bubbles na hugis mikropono.
Sa picture na ito, ang may hawak ng banner namin ay ang manunulat ng prosa na si Ms. Bambi Harper.
Alta si Mam, kilay pa lang, naghuhumiyaw na ng "i can buy you, your friends, and the entire Camp John Hay" statement.
E, kaming mga slapsoil, siyempre, nahihiya kaming bigyan siya ng kahit na anong role sa napaka-slapstick, Vice Ganda level naming program. Pero gustong sumali ni Mam Bambi sa presentation. Sabi namin, ok sige po. Surprise po kayo. Sa pagtatapos ng programa, bigla siyang susulpot sa gitna ng stage hawak-hawak ang aming banner.
Okay, sabi ni Mam Bambi.
Nangyari naman ang lahat, ayon sa plano. Tawanan buong gabi, dahil sa mga award-award na ginagawad namin sa aming mga idolo.
So, ending na. Eto, pasok, lakad si Mam Bambi. Nagulat ang audience, aba, sumama sa kalokohan ang mahal naming Mam Bambi Harper. Pagsasanib-puwersa ng alta at masa. Ganern.
Pang-Miss Universe ang kanyang walk, taas-noo, taas -kamay, dahil ilaladlad niya mula sa ibabaw ng kanyang ulo ang napakahaba naming banner. Gawa iyon sa pinagdugtong-dugtong na bond paper.
Pagdating sa gitna, all eyes on her, iniladlad ni Mam Bambi sa audience ang banner ng aming batch, B-52.
Pero baliktad ang banner!
Una ang 2, dulo ang B.
Takang-taka pa siya, nang sumabog kami sa katatawa.
May be an image of 20 people, including Emmanuel Quintos Velasco, Gabriela Lee, Wennie Fajilan, Joey Baquiran, Beverly Wico Siy, Charlson Ong, Ralph Semino Galán and Awit Nadera, people standing and people sitting

Monday, March 29, 2021

curfew sa bacoor

 Di ko gets ang curfew implementation, lalo na rito sa Bacoor.

6am to 5pm lang puwedeng lumabas ang mga tao.
(At isang tao lang ang puwedeng lumabas kada bahay.)
So, kung...
1. essential worker ka sa Maynila, before 3 pm ay pauuwiin ka na para 5pm ay nasa bahay ka?
2. essential worker ka sa Maynila at 5pm ang out mo sa trabaho, mga 7pm ka nasa Cavite. Lampas curfew na. Sisitahin ka ba ng pulis? So, magkakausap pa kayo? May point of contact pa, ganon?
3. number 1 ang sitwasyon mo, bawas sahod iyan. Undertime. Mapapagkasya mo ba ang nabawasan mong kita sa gastusin ngayon? Kung hindi, ano ang itutulong sa iyo ng gobyerno? Wala? Bakit wala? Di ba, dapat meron kasi sila ang nag-utos ng mga limitadong oras at galaw sa Cavite, Maynila at iba pang bubble-bubble?
4. wala ka nang masakyan pauwi, at past 5pm na, kakausapin ka rin ng pulis? Point of contact din? Veerus spreader moment na naman?
5. nag-iisa na lang ang bus pauwi ng Cavite, sasakay ka pa rin ba kahit siksikan na ito? Ibubuwis mo buhay mo makauwi lang kasi nilimitahan na naman ng gobyerno ang mga dyip, bus, at van?
6. wala ka talagang pasok dahil sarado ang work place mo, saan ka kukuha ng pangkain? Magbibigay ba ng ayuda in the form of food o pera ang gobyerno? Kung oo, kailan at paano? Magbabahay-bahay ba sila? Araw-araw bang isa-swab test ang mga mamimigay ng ayuda?
'Apakakomplikado ng buhay, dumagdag pa ang veerus na ito. Sangtaon na nating iniinda.
Tapos pahirap pa mga patakaran ng gobyerno, na anlabo-labo naman ng implementasyon.

Friday, September 11, 2020

Ang Teorya ng Malapit (Sanaysay)

ni Beverly Wico Siy


Introduksiyon para sa librong Silat ni Adelma Salvador

Madalas na kung ano o sino ang malapit sa atin ay siya nating nababalewala, hindi naidodokumento, hindi naitatampok. 


Nitong mga nakaraang taon, napansin kong bihira ang mga akdang tungkol sa pagiging nanay. Di ko alam kung bakit.

 

Dahil ba kakaunti ang manunulat na babae?

 

At mas kakaunti ang manunulat na ina? 

 

Weird kung tutuusin, dahil ang mga nanay, kilala sa pagiging matalak, masalita. Pero bibihira ang akda na sila mismo ang nagsulat.

 

Nakumpirma kong kakaunti nga talaga ang akdang tungkol dito at isinulat mismo ng mga ina noong Mayo 2020, noong ako ay inimbitahang maging guest editor ng Ina Issue ng Dapitan Literary Folio. Inilathala ito ng The Flames, University of Santo Tomas Faculty of Arts and Letters bilang pagdiriwang ng Araw ng mga Ina. Nang makapili na kami ng co-editor ko na si Dr. Joselito delos Reyes ng mga akdang isasama sa libro, humirit ako sa coordinator na huwag munang i-layout ang manuskrito. Lumiham ako sa Editorial Board na mangalap pa kami ng mga akda na hindi lang basta tungkol sa pagiging nanay kundi isinulat din ng Tomasinong nanay. Pinagbigyan naman ito. Biláng sa daliri ang aming nasa listahan, at mas kakaunti ang nakapagsumite at naisama sa lathala.

 

Kung bibigyan ng pagkakataong magsulat, ano nga ba ang isusulat ng mga nanay?

 

Anak, asawa, tahanan, bahay, paghuhugas ng plato, paghihiwalay ng puting damit sa de kolor, pagliligpit ng kalat, pagwawalis ng sala, bayad sa upa, pagde-defrost ng ref, pagpili ng pinakamakintab na dalandan sa palengke, pagtaas ng presyo ng carrot at patatas, paghihiwa ng sibuyas. 

 

In short, ang isusulat nila ay lahat ng malapit.

 

At hindi tayo fan ng mga bagay na ito. Araw-araw na nga nating nakakasalamuha, ay, bakit pa natin iha-highlight, bakit pa nga ba isusulat, bakit pa natin babasahin? Parang hindi natin ito ikatatalino. Araw-araw na nga, ang lapit-lapit pa. Walang bago riyan. Walang matututuhan.

 

Siguro, ito rin ang dahilan kung bakit di tayo masyadong nagsusulat tungkol sa sarili nating kalye, komunidad, bayan. Sa isang writing workshop na dinaluhan ko bilang tagapagsalita ilang taon na ang nakakaraan, ang napagkasunduang paksa ay trapik. Out of 14 writers, isa lang ang nagbanggit ng pangalan ng kalye sa kanyang akda. Takang-taka ako. Bakit ayaw idokumento ang pangalan ng mga kalye? 

 

Kasi naman, ano ba ang meron sa kalye, komunidad, bayan natin kundi kapitbahay na nakakainis, tumpok-tumpok na tae ng aso, lagas at tuyot na mga dahon, ispageting kawad ng Meralco, cable, telepono, isang pirasong elementary school para sa buong populasyon, agnas nang ospital, matandang pamilyang kaytagal nang politiko? And we do not think that these are worthy to be the center of our written works. We do not believe that these are worthy of the time of the readers.

 

Para iyan lang. Maliit na bagay ang domestiko. Hindi importante ang malapit. Hindi tayo bilib sa malapit. 

 

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit mas malaki ang paghanga natin sa mga nag-aral sa malayo. Mas malayo, mas kabilib-bilib. Gayundin sa trabaho, mas di pamilyar sa atin, mas kahanga-hanga ang ginagawa. Paniwala natin, mas marami tayong matututuhan sa mga bagay na malayo sa atin.

 

Pero sa larangan ng panitikan, ang pag-aakda ay hindi lang tungkol sa kung may matututuhan ba o wala ang mambabasa. Ito ay tungkol din sa paglalahad, sa pagbabahagi, sa pagpapahayag ng tao na nagsusulat.

 

Simple lang.

 

Ang pag-aakda ay tungkol din sa pagbibigay ng pagkakataon na makapaglahad, makapagbahagi at makapagpahayag. Sa sinumang nais magsulat. Lalo na sa mga tao na kadalasan ay binabalewala lang natin. Kasi nga, ang lapit-lapit lang nila. Masyadong karaniwan. Gayon din marahil ang kanilang papaksain sa akda. Malapit, karaniwan, pamilyar.

 

Na siyang laman ng librong Silat ni Adelma Salvador.

 

Totoong malapit, karaniwan, pamilyar ang mga paksa ng kanyang mga sanaysay at tula. Baka nabasa o narinig na ng marami sa atin ang mga ganitong salaysay: relasyon sa sariling ina, sa sariling ama, mga kaibigan, first love, dates, kasal, pag-aasawa, pag-aanak, pagpapalaki ng batang lalaki, pagpapalaki ng batang babae, paghatid at sundo ng mga anak sa eskuwela, pag-aasikaso sa tumatandang mga magulang.

 

Malapit, karaniwan, pamilyar.

 

Kaya, bakit pa babasahin ang Silat?

 

Dahil ang mga akdang ito ay hindi lang paglalahad ng danas, paglalahad din ito ng mga bagay na dapat gawin ng mga lalaki.

 

Sa madaling salita, ang nagpapaangat sa Silat ay ang talino ni Ka Ade sa pagsasabi ng solusyon para makapaglahad at para makapagsulat ng danas ang mga babae, partikular na ang mga nanay.                                                                                                                                                                                                                                                  

Sa buong libro ay kitang-kita mo ang struggle ng isang babae at ina na mabalanse ang kanyang buhay. Sa pag-usad mo sa libro, masasaksihan mong lumalaki ang kanyang mundo. Pamilya at sarili. Pamilya, sarili, at simbahan. Pamilya, sarili, simbahan, at kaibigan. Pamilya, sarili, simbahan, kaibigan, at bagong komunidad. Komunidad ng panitikan. Kitang-kita mo rin ang panloob niyang pakikipagtunggali, napakarami niyang alinlangan sa sariling kakayahan, lalo na kung ito ay tungkol sa pagsusulat. Bawat pag-usad mo sa akda, natitingkal nang paunti-unti ang mga alinlangan na ito.

 

Ano ang dahilan ng pagkakatingkal ng mga alinlangan na ito?

 

Ang talino, lakas at panahon (TLP) na ipinupuhunan niya sa mga bagay na kanyang gusto. Gaya ng pagtula. Ng pagkatha.

 

Hangang-hanga ako sa paraan ng kanyang pagsasabi na para siya ay magkaroon ng TLP sa mga gusto niyang gawin, sa sarili niyang mga pangarap, kailangang maglaan ang mga lalaki sa kanyang buhay ng TLP sa mga bagay na pansamantala niyang iiwan: pag-aasikaso ng bahay, bunsong anak, mga domestikong gawain, at marami pang iba.  

 

Naroon nga ang kanyang asawa, dalawang anak na lalaki, at sariling tatay, taga-supply ng sarili nilang TLP bilang kahalili ni Ka Ade. Mga nasa background lamang. Because they know, it is Ka Ade’s time to shine.

 

Makikita rin ang TLP nila sa pinakapaborito kong mga piyesa: ang sanaysay tungkol sa pagdalo ni Ka Ade sa LIRA workshop, ang mga struggle niya sa pagsusulat, ang love story nilang mag-asawa, ang mga challenge nila sa pagnenegosyo, at ang pangkaraniwang araw na isinabay siya ng kanyang ama papunta sa simbahan.

 

Klaro.

 

Isang mensahe sa mga lalaki ang librong Silat.

 

Sabi nito: ang TLP ninyo, guys, ay hindi lang para sa sarili ninyong mga pangarap. Ito ay para din sa pangarap ng mga babae, lalo na sa mga ina.

 

Ang smooth ng pagkakalahad. Banayad na banayad. Hindi nang-uurot ng konsensiya. Hindi nagde-demand. Hindi galit kundi tigib ng pagtitimpi.

 

Ito pa lang ay dahilan na para buklatin ang librong Silat.

 

Sa mga kapwa babae, sa mga kapwa nanay, magpatuloy tayo sa pagsusulat tungkol sa malapit. Huwag itong maliitin, huwag balewalain.

 

Para mas malayo ang ating marating.

 

Beverly Wico Siy

11 Setyembre 2020

Bacoor, Cavite

 

Ang unang bersiyon nito ay nalathala noong Mayo 2020 sa UST Dapitan Literary Folio na Ina ang tema.

Thursday, September 10, 2020

Setyembre na

helo kumusta? 

omg ngayon lang ako uli makakapag-blog mula nang magka-lockdown. iniuwi ko na ang computer sa opisina. para makapagtrabaho ako rito sa bahay. napakahirap kasi na cellphone lang ang gamit ko sa pag-coordinate, pagsusulat at sa pag-e-email. 

andito ako sa dating kuwarto ni ej. kinonvert na namin into an office cubicle hahaha saka isolation room. nagkalagnat nang ilang araw si papa p. dito siya natulog. 

ok naman na siya ngayon, medyo sira lang ang tiyan. pero dati pa niyang kaso ang pagkasira ng tiyan niya. ewan ko bakit hindi gumagaling. kaya siguro, hindi siya palalabas ng bahay e. 

pag nagkapanahon ako ay ipo-post ko rito ang mga mahaba kong akda sa fb. doon na ako naglalabas ng mga saloobin in the past few months. paminsan-minsan, nakakapagsulat din ako sa journal. inatake ako ng lungkot at sakit ng ulo, since pagpasok ng sept 1 at during papa p's sick days. di rin kasi nakapasok ang kasambahay namin, mag-isa akong nagtatrabaho sa bahay at nag-aalaga ng mga bata. pinipilit kong magtrabaho pero wala, ang hirap talaga. ang ending, akala ko, mamamatay ako sa pisikal na hirap at guilt. 

alam mo ang nangyari, nag-autopilot utak ko. i took in everything one minute at a time. 

pero grabe ang suffering ko. i was wishing for death to come and take me, mga ganyang feels. habang naghuhugas ako ng plato, habang nagpapainit ng tubig, habang nagdidilig, habang nagpapakain ng bata. sabi ko, bat ganito, bat ang lungkot, bat puro pagdurusa ang naiisip ko, bakit wala akong madamang pag-asa, bat parang walang katapusan ang kirot sa dibdib ko. naglinis ako, nagbuhat ng mabibigat. inilipat ko ang mga gamit sa garahe papunta sa space sa may pagitan ng bahay at gate. ang goal ko, naging per gamit. per box. per lalagyan ng sapatos. per square meter ng kalat. 

wala akong routine. sabog ang bawat araw namin. ang constant lang ay magdidilig ako sa umaga at hapon. hindi puwedeng maka-skip ako ng pagdidilig. 

lagi kong sinasabi sa sarili ko sa dami ng mga kailangan kong gawin, isa-isa lang. matatapos din ito. isa-isa lang. small pep talk that went a long way, tangina, thank god. 

nakaka-depress talaga noong panahon na iyon. i was like, ano pa ang silbi ng lahat ng danas na ito, kung puro hirap, asan na ang ipinapangako ng buhay na after ng paghihirap ay saya naman? na-scam ako a. hindi pala ganon. and it was such a waste of precious neurons! hahaha napaniwala ako. 

life doesnt operate that way pala. 

scam nga. 

also, ang hirap maging babae. laging fight for your space ang mode. nakakapagod. men dont give in. why would they? sila ang nakikinabang. nasa advantageous position sila, why would they care about you? sori ka na lang, ganon. 

at ang problema, they dont see this as a problem. para sa kanila, normal ang lahat ng bagay. na pa-token-token lang ang presence ng babae. hindi talaga sila naniniwala  na what we are doing is something significant. na what we are doing is something great. at makakatulong din sa kanila bilang tao. 

ngayon, poy told me to isolate. ako naman kasi ang sumakit ang lalamunan. and something else also happened to me that really made me panic. potah. 

mamamatay na ba ako? 

you know what i thought about when i thought im gonna die? 

"paano ang mga pangarap kong gawin na libro? andami pa non!" 

at

"anliliit pa ng mga anak ko!"

thank god may tungkol sa pamilya hahaha

so napa-on ako ng computer and some work got done. hay shet. dami ko backlog, so i am so happy nabawasan kahit konti. gusto kong magsumite nang magsumite ng mga akda. i want to get published. i want to write again. i want to create books again. 

at nagbabalik nga pala ang iso work namin sa ccp. we have to update our iso docs! 

so... merry christmas!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...