Tuesday, May 16, 2023

Character development (sanaysay)

Noong Sabado, May 13, 2023, nagdesisyon akong isuot ang damit kong pula. Luma na ito, regalo sa akin ng bff kong si Eris more than a decade ago. Mahaba, plain, gown ang peg. 

Sa pagdalo ko sa National Book Awards 2023 sa Manila Metropolitan Theater, pinili ko ito for one major, major reason.

I wore the dress for the first time noong November 17, 2012. National Book Awards din ang okasyon. Pero sa National Museum siya ginanap. Kaka-resign ko lang that time sa National Book Development Board, ang main organizer ng patimpalak. Nominated at finalist ang libro kong It’s A Mens World. Nonfiction sa Filipino ang category. I had to resign as editorial consultant of the NBDB, dahil ayokong may sabihin sa akin ang mga tao manalo man o matalo rito ang libro ko. 

Noong araw ay sa mismong event malalaman kung sino ang winner at sino ang uuwing luhaan. So, on the awarding night, nagpunta ako bilang guest. Bilang finalist. Kasama ko ang jowa kong si Poy Verzo, ang anak kong si EJ Siy, at ang aking nanay. 

Si Tisay.

Sobrang kapal ng mukha kong mag-assume na mananalo ako. Nag-make up ako’t nagbihis ng maganda, long gown na pula, kuntodo perlas pa ako at bagong sapin sa paa. 

Pagkatapos ay kinaray-karay ko ang nanay ko sa awarding night na iyon. Gusto ko siyempre na naroon si Tisay kapag nanalo ang kauna-unahan kong libro na may pangalan ko as byline. Gusto kong naroon ang tao na nagturo sa aking kumilala sa mga titik, ang tao na nagturo sa akin kung paanong magbasa, na siyang dahilan ng pagiging mapagmahal ko sa libro, na siyang dahilan kung bakit ako naging manunulat. 

Sa aking pagtatagumpay, gusto kong naroon ang aking nanay. 

Si Tisay.

Kaya imagine kung paano akong binagyo ng panlulumo nang ibang libro ang tawagin sa entablado.

What were you thinking, Bebang? 

Door stopper ang nanalo. Samantalang kulangot ang libro ko. Magkaibang magkaiba rin ang paksa ng mga ito.

Nakakaloka.

Nakakaawa, rather. Na nakakahiya. Lalo na kay Tisay. 

Karay-karay the nanay pa more.

Hindi namin pinagkuwentuhan ito ni Mami Tisay pagkatapos ng awarding night. Ang naalala ko’y masaya na siya na makakain sa pa-buffet ng NBDB at Manila Critics Circle. Happy rin siya  na makilala in person si Jullie Yap Daza, isa sa mga Pinoy author na dumalo  sa National Book Awards 2012. Iyan lang ang kanyang mga bukambibig. Never niya akong tinukso sa aking pagkatalo, kahit na may star awards siya sa field ng pang-aasar.

Kaya ngayong National Book Awards 2023, after eleven years, I decided to wear the same dress on that fateful night. Kako, sa wakas ay makakabawi na rin.

Muli ay kasama ko sina Poy at EJ. Dumalo ako hindi bilang contestant o finalist.

Dumalo ako bilang judge. 

Para sa kategoryang nonfiction, sa Filipino. 

Taas-noo, bumulong ako sa langit. 

“O, Ma, nandito tayo uli. Same time, same dress, same event. Nahuli lang nang kaunti, ito na ang ating pagwawagi. Happy Mothers' Day.”


No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...