Thursday, December 14, 2017

Saranggola Blog Awards, Lilipad Muli

Imbitado ang lahat ng blogger, manunulat, at may hilig sa panitikang Filipino sa gaganaping Saranggola Blog Awards (SBA) sa 17 Disyembre 2017, 2:00nh-6:00ng sa Lumiere Residences Sky Lounge, Pasig Blvd. corner Shaw Blvd., Pasig City.

Sa tulong ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) na siyang bumuo ng lupon ng mga hurado, gagawaran ang mga nagwaging akda sa iba't ibang genre. May anim na kategorya ang SBA 2017 na may kani-kaniyang tema: Tula (“Karatula”); Maikling Kuwento (“Eskinita”); Sanaysay (“Sachet”); Akdang Pambata (“Idol”); at Blog Entry (“Fake News”). Ilan sa mga hurado sina Efren Abueg, Marra Lanot, Joel Pablo Salud, at Katrina Stuart Santiago. Sa kabuuan ay 112 na bagong akda ang nalikom ng timpalak na mababása ngayon sa loob at labas ng bansa sa websayt na www.sba.ph.

Mula noong 2008, taunang ginaganap ang Saranggola Blog Awards na may layuning kilalanin at parangalan ang mga bagong akdang Filipino na katha ng mga karaniwang Filipino—mga estudyante, guro, empleado, manlalakbay, OFW—na ipinalalaganap sa pamamagitan ng Internet. Sa ganitong paraan, hinihikayat ng SBA ang mga Filipino na sumulat at maglathala ng kanilang malikhaing akda gamit ang sariling wika sa malawak na mundo ng Internet.

Ang Saranggola Awards ay sinimulan ni Bernard Umali na nagtapos sa Philippine Normal University at kasalukuyang nasa larang ng real estate. Nagpapatuloy ang timpalak taon-taon sa tulong ng mga isponsor at katuwang na ahensiya tulad ng CCP sa pamamagitan ng dibisyong panliteratura at pampublikasyon nito na Intertextual Division.

Libre at bukás sa publiko ang nasabing event. Para sa pagpapatala sa pagdalo, mag-text sa +63917 893 2583 o mag-email sa bernardumali@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...