Friday, February 20, 2015

Mula sa Mambabasang si Mark Joseph Arisgado

Rebyu sa Nuno sa Puso (ni Bebang Siy)

Sa isang private message (PM) sa Facebook, sabi ni Ms. Bebang, 'wag ko raw uliting basahin ang Nuno sa Puso dahil "puro kalokohan" lang daw ang isinulat niya roon. Totoo naman! Puro kalokohang payo tungkol sa pag-ibig, relasyon, at mga bagay tungkol sa buhay ang laman ng kaniyang aklat! Subalit ang mga mapagbiro at nakatatawang payo ni "Binibining Bebang" na higit na mabisa at tumatagos, ang siyang dahilan kung bakit inuulit-ulit ko ang pagbabasa ng libro.

Kumpara sa mga librong nagpapayo sa pag-ibig at buhay na may layunin ding magpatawa, madarama ng mambabasa ang "malasakit" sa panulat (at tinig) ni Ms. Bebang. Parang kaibigan mo talaga siya. Walang panghuhusga at pangmamaliit sa mambabasa ang kanyang payo. Inuunawa niya ang sitwasyon at tinutulungan ang nanghihingi ng payo na matukoy ang "tunay" nitong problema na dapat bigyang aksiyon. May mga pagkakataon kasing dapat munang ipamulat at ipaliwanag sa sumulat ang tunay na problema nito bago ibigay ang bagay na sagot. Kaya tila iba ang nagiging payo ni Ms. Bebang sa sagot na inaasahan mambabasa sa simula.

Nakakaaliw ang mga sitwasyong isinama sa dalawang aklat (Oo, dalawa. Isang blue at isang orange, marahil ay dahil di kayang pagsamahin sa isang aklat ang wisdom at sense of humor ni Ms. Bebang). At hindi maiiwasang maka-relate ang sinumang mambabasa sa mga problemang isinama rito. Para sa mga gustong sabay na matawa at matuto, magandang babasahin ito.

PS: Sa totoo lang, maaaring gawing pelikula ang aklat (mala "Bakit Di Ka Crush Ng Crush Mo?").

Nakakaiyak naman, maraming salamat dito, Mark. Makakaasa ka na mas marami pang aklat ang kakathain ng tambalang Beb at Poy. Padayon!

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...