Friday, January 9, 2015
Rebyu ng Pelikulang English Only, Please!
ni Bebang Siy para sa kolum na KAPIKULPI
Happy YOU year sa lahat ng mambabasa ng KAPIKULPI!
Kamakailan lang ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makapanood ng dalawang pelikulang bahagi ng Metro Manila Film Fest 2014. Ito ay ang English Only, Please! at ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo.
Uunahin ko sa rebyung ito ay ang English Only Please! o EOP. Ang verdict ko: nakakatawa, nakakakilig pero mababaw ang nasabing pelikula.
Ang EOP ay pinagbibidahan nina Jenny Lynn Mercado at Derek Ramsay na siyang nakatanggap ng Best Actor at Best Actress Awards sa MMFF. Actually, kaya ko piniling panoorin ang EOP ay dahil curious ako sa husay ng acting ng dalawang artista sa pelikulang ito, at maganda rin naman ang reviews.
Ang EOP ay tungkol sa isang Fil-Am na si Julian na nagtatrabaho sa New York, I think, as a bank analyst, kung tama ang pagkakaalala ko, at kay Tere na isang language tutor na tubong-Bulacan pero naninirahan sa Quezon City.
Sa US pa lang, naghahanap na ng tutor si Julian sa Pilipinas at natagpuan nga niya si Tere sa internet. Nagpunta siya sa Pilipinas dala ang isang liham para sa ex-girlfriend. Puno ito ng masasakit na salita, at ito ang ipinapasalin niya kay Tere from English to Filipino. Nagpapaturo din siya kay Tere kung paanong bigkasin na parang declamation piece ang laman ng sulat. Tinanggap ni Tere ang trabaho dahil ang alok ni Julian ay... $1000 for one month. Yes, as in one thousand dollars. (Dito pa lang, halata nang fantasy ang dapat ay romantic-comedy lang na pelikulang ito, haha!)
Si Tere naman ay isang napaka-hardworking na tutor, tatlo-tatlo ang kliyente niya sa isang araw. Dalawang Korean at isang Pinay na mag-aasawa ng foreigner. Kahit nahihirapan siya dahil palipat-lipat siya ng venue para lang makapagturo, puro home-based kasi ang tutorials niya, ginagawa pa rin niya nang maigi ang kanyang trabaho. At dalawa ang kanyang inspirasyon: ang pamilya niya sa Bulacan na nagpapa-second floor daw ng kanilang bahay, at ang pseudo boypren niya.
Ang problema ni Julian, gusto pa rin niya ang ex-girlfriend niya, kahit na iniwan siya nito sa New York at ipinagpalit sa buhay sa Pinas. Ang problema ni Tere, abusado ang pseudo boypren niya. Sex, pera at gadgets lang ang habol sa kanya. Andami rin nitong ibang babae at higit sa lahat, ayaw makipag-commit sa kanya. Finally, natauhan sina Julian at Tere na walang patutunguhan ang puwesto nila sa relasyon. Kaya nag-promise sila sa isa’t isa na magtutulungan silang limutin ang mga walang kuwentang jowa.
Doon sila na-develop. At nagkatuluyan sila sa ending.
Magagandang puntos ng pelikula:
1. Very Pinoy ang humor. Paborito kong eksena ay ‘yong sa barker at kay Tere. Kung foreigner siguro ang makapanood nito, hindi maiintindihan kung bakit panalo ang eksenang ito. Natatawa rin ako sa paulit-ulit na pagbanggit sa trapik sa EDSA.
2. Maraming Pinoy elements tulad ng videoke at street food (isaw, betamax at balot). Tinuruan ni Tere si Julian na kumain nito. Isa pa ay ang pagtatrabaho ng isang tulad ni Tere sa metropolis habang ang pamilya ay nasa probinsiya. Usually, breadwinner ang nasa metropolis at nagpapadala lang ito ng pera sa mga mahal sa buhay (na mga lasenggo naman at tambay lang, palaasa in short). Pag walang trabaho ay umuuwi ang breadwinner sa kanyang pamilya. Isa pa ay ang presence ng tricycle, dyip at provincial bus. May eksenang nakasakay sa dyip at bus sina Julian at Tere. Wala, kilig moments lang naman. Meron ding papasakay si Tere sa tricycle at nag-side comment pa si Manong Driver sa kanilang dalawa. Ang presence ng Koreans sa Pilipinas ay naipakita rin nang maayos. Nagustuhan ko rin ang job interview ethics ng mga Filipino na siyang opening scenes ng EOP noong iniisa-isa ni Julian ang candidates sa pagka-tutor. May isang nagpa-interview sa isang internet shop na pugad ng mga DOTA players, so napakaingay at di makapag-concentrate ang interviewee. May isang babaeng naka-sexy blouse at heavy make up, para siyang nag-a-apply para sa isang trabahong panggabi! May isa namang bading na naka-heavy make up at costume, parang pang-comedy bar ang ina-apply-an niya, at pagkatapos basahin ni Julian ang ipapa-translate niya sa Filipino, sabi ng bading, “I-PM mo na lang sa akin, then I will translate it for you.” Inutusan pa ang future amo!
3. Mahuhusay ang mga aktor. Hindi OA ang acting. Kaya lang hindi pang-award! Palagay ko ay hindi naging malaki ang effort ng mga aktor sa pagganap sa kanilang role. May mas deserving pa sa mga award na ito.
4. May isang katangian si Tere na kaiba sa usual bidang babae ng romantic films sa Pinas. Hindi siya virginal. Napakaraming eksena sa motel. Hindi steamy ang mga eksena pero ipinapakita doon na nakikipagtagpo siya sa kanyang pseudo boypren sa ganong lugar at laging siya pa ang excited sa kanilang pagkikita. At... mukhang madalas din na siya ang nagbabayad sa “date” na iyon. Kadalasan, ang mga bidang babae sa Filipino films na kauri ng EOP ay wholesome, inosente, naive at hindi malibog. Kabaliktaran si Tere. Aba, realistic!
5. May bookshelves (na puno ng books) sa coffee shop na napili para pagdausan ng tutorial sessions. I love that place. Ilang beses ding nagpakita ng books at dictionary ang EOP. I’m a book advocate!
Pangit na puntos ng pelikula
Mas marami ito. Get ready.
a. Mababaw. Rom-com lang talaga siya. Napakaraming isyu ang natalakay sana ng pelikulang ito. Halimbawa: pagtuturo ng Ingles bilang kabuhayan ng mga Filipino na iba ang inaral noong kolehiyo (sa kaso ni Tere, nursing), mga isyu sa translation, tutal naman ay maraming salitang binibigyang-kahulugan sa buong pelikula, at ang pagdagsa ng Koreans para mag-aral ng Ingles at ang tiwala nila sa mga Filipino para ituro ito sa kanila. Maganda rin sanang ipunto ang pagiging mahusay sa wika ni Tere at siguro ay dahil taga-Bulacan siya, ang tahanan ng dakilang manunulat ng bayan, si Francisco Baltazar. Sana man lang ay nagkaroon ng agenda hinggil sa mga usaping pangwika ang pelikula. Magiging aligned pa rin ito sa kabuuan ng pelikula dahil pamagat pa nga lang, may pangalan na ng wika.
b. Maraming hindi naipakita ang EOP. Halimbawa, bakit magaling mag-Ingles si Tere? Nursing major siya! Sa bahay nila sa Bulacan, hindi naman sila English speaking. Ang kanyang ina ay simpleng housewife, absentee ang tatay (ni hindi ito binigyan ng background!). Walang palatandaan na puwedeng magsabing naging impluwensiya niya ito sa kanyang pagkatuto sa wikang Ingles.
c. Nakaka-distract ang sobrang pink na mga pisngi ni Tere. Palagay ko, color blind ang director, haha!
d. Laging maiksi ang damit ni Tere. Napaka-unrealistic nito lalo pa’t commuter si Tere. Lagi niyang sinasabi, “Trapik sa EDSA.” Pag nag-commute siya nang nakaganon, lagi siyang mababastos. Isa pa, tutor siya. Teacher. Pero may mga damit siya na hindi na pang-teacher. Kahit home-based ang tutorials, madalas ay disente pa rin ang damit ng tutor.
e. The usual pair sa mga romantic films: si Girl, perky, maingay, colorful, mabait sa pamilya, si Guy, mayaman, me galit, seryoso, may something sa loob. Parang lamat. Sa EOP, ganon din ang mga bida. Nakakasawa na.
f. Walang relevance ang Bulacan bilang hometown ni Tere. It could have been any other province. Walang touch of Bulacan culture na ipinakita rito. Sayang.
g. Sabi nga ni Poy (ang asawa ko na siyang kasama ko sa panonood nito), napakababaw ng liham. Malaking bahagi nito ay naipa-translate na ni Julian kay Tere noong nag-a-apply pa lang si Tere sa kanya. Kailangan ba talagang dito umikot ang pagkikita ng dalawang bida? Sana ginawa na lang na mas komplikado ang liham, o di kaya, may iba pang ipinaturo si Julian kay Tere.
h. Puro close up ang shots. Nakakabobo. Para lang akong nanood ng mahabang episode ng teleserye, pero hindi sa TV kundi sa sinehan. Parang ang layunin ng bawat shot ay magkaroon ng mahabang air time ang mga mukha ng lahat ng artista.
i. Maganda sana ang character ng batang inaanak ni Tere. Parang matalino ang bata, very mature at reasonable. Puwedeng-puwedeng magpayo kay Tere. Pero hindi ito na-maximize. Isang beses lang siyang nag-blurt out ng kanyang wisdom. Ang kausap pa niya, sariling nanay, hindi si Tere.
j. Inabangan namin ang malupit na eksena kung saan maha-highlight ang pag-acting nina Jenny Lynn at Derek. Hindi ito dumating. Kaya nawirdohan ako na sila ang nanalo ng awards para dito.
k. May ilang bahagi ang script na pangit. Halimbawa ay ang crucial na ending kung saan nagtatapat na si Tere kay Julian. Wala na akong maalala sa mahahabang linya ni Tere kundi ang pag-uulit-ulit lang ng salitang tanga.
l. Medyo na-cheap-an ako sa mga eksena kasi puro interior lang: sala at kuwarto ni Tere, hotel room ni Julian, mga motel room, mga sala ng bahay ng Koreans, dining area ng isa pang estudyante ni Tere, dining area ng bahay nina Tere sa Bulacan, coffee shop na parang library. At tight shots pa ang mga ito. Pag nasa exterior naman, tight shots din. Parang nakikinita kong budget ang naging hadlang sa sana ay mas diverse na shots ng EOP.
May promise ang team na bumuo ng EOP. Buo ang kuwento nila at nailahad naman ito nang maayos. Siguro ay konting push pa. At konti pang kinis sa script bago nila isalang sa production. At higit sa lahat, lagyan naman nila ng agenda ang pelikula, huwag naman puro kilig-kilig only, please!
Abangan ang rebyu para sa Bonifacio: Ang Unang Pangulo.
Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment