oct. 31 pa lang, hapon, kinakalampag na ako ng kasing-kasing kids (mga 4) sa pangunguna ni jonard. doorbell sila nang doorbell. sigaw nang sigaw ng happy halloween, trick or treat!
nilabas ko sila. sabi ko, mamya na lang, balik na lang. wala kasi kaming maibibigay sa inyo. walang kaming kahit anong pambatang pagkain sa loob ng bahay. ayaw ko namang magbigay ng pera sa kanila. sa 13 taon ko sa kamias, hindi pa ako nagbibigay ng pera sa mga batang ito. laging goods ang tinatanggap nila mula sa amin.
lulugo-lugong umalis sina jonard at masigla akong bumalik sa aking ginagawa kong translation.
bumalik si jonard pagdating ng 7:00 ng gabi. e hindi pa ako nakakalabas noon para mamili ng kahit stork na candy. humingi uli ako ng sori kay jonard. sabi ko, balik sila bukas. sigurado na. meron na kaming maibibigay sa kanila.
siguro sa tampo ay hindi na nakuhang umoo ni jonard sa akin. tumakbo agad siya palayo. pabalik sa area nila, malapit sa barangay hall. nag-mental note na ako. te, buy goodies for the kiddos. please!
gabi, kinabukasan, may nag-doorbell uli. marami na sila. mga 5. nakow. e wala pa kaming kahit anong maibibigay. sabi ko, hintayin n'yo ako, bibili na ako. ngayon na. nag-bag ako at naglakad papuntang mercury drug sa kanto. pagdating ko sa mercury, wala namang mga kendi. tig-iisa ko pang bibilhin. puro sitsirya lang din at kakaunti lang ang mga biskuwit. naisip ko, sa anson na lang bumili, sa may aurora. nagdyip ako at bumaba sa tapat ng anson. pero habang nasa biyahe, naisip kong 'wag lang basta mamigay ng goodies sa kiddos. kailangang paghirapan nila ang mga ito. kaya naisip kong magpa-instant art workshop for undas sa kanila. may isa kaming kahon ng art materials, kasado na 'yon. kahit ilan pa sila, kasado na ang kahon namin ng art materials.
so maraming marami akong biniling pagkain sa anson. kasi maraming choices doon. meron pang toothbrush for kids! so bumili rin ako niyon para naman pagkatapos masira ang ngipin ng mga bata, makakapagsepilyo pa rin sila :)
pag-uwi ko, mga 15 minutes later, naroon pa rin sa tapat ng gate namin ang mga bata. ang kalat-kalat na dahil doon nila kinain at binalatan ang ilang natanggap na pagkain at inumin mula sa pagti-trick or treat maghapon. sinabi ko sa mga bata ang plano, tinanong ko rin sila kung may mesa sa brgy hall na puwede naming pagdausan ng art workshop. meron daw. kako puwede kaya tayo doon ngayon? puwede raw. sabi ko, sige mauna na kayo doon at magtawag pa kayo ng ibang bata. lumarga ang isa, naiwan ang apat. good. kelangan ko ng tagabuhat ng art box.
pagka-doorbell ko, lumabas agad si poy at ibinalita ko sa kanya ang pinaka-latest development sa aming all saints night. sabi niya, ha? e andami pa nating gagawin! wag na, bigay na lang natin ang mga pagkain. hindi ako sumagot. pagkatapos naming magtitigan sa harap ng mga bata, bumigay din siya. sige na nga. pero dito na lang sa bahay. ay, yon ang ayoko. kasi kailangan ko pang walisin ang sahig dahil doon magtatrabaho ang mga bata kung sakali. at feeling ko, baka lalong magtagal ang mga ito kung nasa bahay kami. no choice si poy. ibinaba niya ang art box at pinabuhat ko ito sa mga naiwan na bata.
tuloy-tuloy kami sa barangay hall. isang tanod lang ang nandoon at siyang nanonood sa sangkatutak na feed ng sangkatutak na cctv ng buong east kamias. aba meron na pala kaming cctv. ang galing. unfortunately kasi, kahit isang kandirit lang ay presinto na, marami pa ring krimen ang nagaganap sa mga kalye namin. walang takot sa pulis ang mga kriminal. maraming nananakawan doon, nababasagan ng side view mirror, meron ding natutukan na ng baril. so magandang development itong mga cctv.
anyway, pagdating doon, nag-set up na kami. hindi masyadong nagtanong ang tanod kasi doon lang kami sa labas ng brgy. hall. binigyan ko ng tig-iisang papel ang mga bata. sabi ko, mag isip kayo ng mahal n'yo sa buhay na namatay na. iyong mahal n'yo na namatay na. tapos i-drowing n'yo sila sa isang papel.
binuksan ko ang isang lalagyan ng biskuwit na ang laman ay puro krayola, color pencil, lapis, chalk at iba pang uri ng pangkulay. kanya-kanya sila ng gawa. ako, nagpaka-busy sa paggawa ng sertipiko na nagsasabing "Iginagawad ng Kasing-kasing Kids at ni Ate Bebang ang Sertipiko ng Kahusayan kay __________ sa pagpapamalas ng husay sa paggawa ng card ngayong Undas 2014, 1 Nobyembre 2014 sa Brgy. East Kamias, Kamias, Quezon City. Nilagdaan ni Beverly W. Siy -Guro. Naging abala rin ako sa paggawa ng medal-medalan na yari lang naman sa papel. Tinatakan ko ito ng salitang artist sa harap. Ibibigay ang sertipiko at ang medalya sa makakagawa ng pinakamagandang card sa lahat. Bukod pa sa meron siyang ekstrang matatanggap na mga pagkain.
Ilang saglit pa ay tapos na ang dalawa sa kanila. Si Angelika, ang ginawa ay tatlong stick figure, isang babae at dalawang lalaki. Nilagyan niya ng pangalan ang bawat stick figure. Tatay daw niya iyon, lolo at lola. Aba, three in one card! Iyong isang bata naman, ang iginuhit ay isang kabaong na may stick figure sa loob. Lolo raw niya ang nandoon. Oo nga naman, patay, e kaya nasa kabaong. Maryosep! Suggestion ko, kung kabaong iyan, dapat may bulaklak. Lagyan mo ng bulaklak! Tumungo uli ang bata para gumuhit.
Biglang may dumating na batang lalaki. Si Daniel. 9 na si Daniel pero hindi pa siya marunong magsulat at magbasa. pabalik-balik daw ito sa grade 1. kilala ko si Daniel. Kapag may activities kami para sa kasing-kasing kids, lagi siyang kasama at wala na siyang ginawa kundi uratin ang ibang bata at manghablot ng mga hindi kanya. pero that night, behave si daniel, kasi iilan lang sila, anim. nahalina rin siya ng isang bag ng goodies na ipapamahagi ko pagkatapos. binigyan ko siya ng papel at inutusang gumawa.
maya-maya pa, may dumating na babae. nanay siya ng dalawang batang lalaki na nag-i-struggle na matapos ang kani kanilang mga card. pinapauwi na niya ang dalawa. gabi na raw. umungot ang dalawa. saglit na lang daw, matatapos na sila. iniwan na sila ng babae.
Finally, natapos na ang mga card ng naunang dalawa. sabi ko, o sige, isulat nyo ang pangalan ng tao na yan doon sa isa pang papel. pababa nyong isulat ang letters ng pangalan niya, ha. iyong batang lalaki, ronald ang inilagay. si angelika, edward. iyon daw ang pangalan ng tatay niya. tapos sabi ko, bawat letra ng pangalan niya, tumbasan nyo ng mga bagay na paborito niya. halimbawa, paborito nyang gawin, paborito nyang pagkain, damit, pasyalan at iba pa.
sabi ng batang lalaki, L, laging nag-uutos. ayan, tama, kako, lagay mo, dali-dali.
Si angelika naman, inilagay ang pangalan sa A ng Edward. sabi ko, bakit? paborito po niya akong anak, e. oo nga naman. puwede iyon.
nakalimutan ko na ang iba pa nilang inilagay. pero ang isang naalala ko ay ang D ng Ronald. Daraiver daw, sabi ng batang lalaki. dahil noon daw, nagda-drive ng taxi ang kanyang lolo.
maya-maya pa ay iniwan na ng dalawang batang lalaki ang kanilang mga gawa at umuwi. natapos na rin sina jonard at daniel sa kanilang drowing. pare-pareho ang mga ito, stick figure na nasa loob ng kabaong. ang kay jonard ang may pinakamaraming bulaklak. para ngang gawa sa bulaklak ang buong kabaong. kay daniel naman, napakaliwanag ng mga ilaw na nakapaligid sa kabaong na idinrowing niya. edwardo ang isinulat ni jonard sa isang bagong papel. magkapatid pala sila ni angelika. ang E ng edwardo ay tinumbasan ni jonard ng Enlab kay Mama. wagi ang undas namin! si daniel naman, tinuruan naming isulat ang boyet sa isa pang papel. at ang una niyang tinumbasan ay ang letrang b. sabi niya, baboy. kasi mahilig daw sa baboy ang lolo niya. sabi ko, idugtong mo sa salitang baboy ang salitang pagkain. Dahil kapag iniwan iyon bilang baboy lang, parang hindi ka naman nagbibigay-respeto sa patay! kabaliktaran pa nga. at ginawa naman ito ni daniel. (ang tanging letter na kabisadong isulat at basahin ni daniel ay O).
ilang minuto pa ang lumipas, natapos na ang lahat. ilang tanod na ang dumating at umalis. inilatag ko ang mga gawa ng bata. pagkatapos ay tinawag ko ang isa sa mga tanod na noo'y nasa loob ng brgy. hall para magsilbing judge sa gawa ng mga bata. tingin-tingin siya. up down, up down. left right, left right. nakatitig lang ang mga bata sa gawa nila.
sabi ko, sir, so ano po ang maganda para sa inyo?
ito, sabay turo niya sa gawa ni angelika.
hurray! napapalakpak ako. kinuha ko ang isang krayola at idinagdag ko ang pangalan ng tanod sa sertipiko. it was something like rafaelo cleofilo. tapos inilagay ko sa ilalim ng pangalan niya ang salitang judge. sa may pintuan ng brgy. hall, sa may liwanag, tinawag ko si angelika para gawaran ng sertipiko at medalya. siyempre, kapiling namin sa "stage" si manong tanod at kinamayan naming dalawa si angelika.
pagkatapos niyon ay pinakuha ko na uli sa kanila ang mga gawa nila. sabi ko, ilagay ninyo sa altar ninyo para matuwa ang mga kaluluwa. si jonard, nangakong ibibigay ang gawa ng dalawang naunang umuwi.
eto na ang pinakaaabangang part ng instant halloween party slash halloween art workshop! bigayang na mga kendi at pagkain! isa isa kong binuksan ang bawat supot ng kendi at pagkain at hinati ko in equal parts (pati ang mga umalis ay ibinilang) plus 1 (for the winner, bale, 2 round ng candies at pagkain ang napunta kay angelika) ang lahat. ang sobra, ibinigay namin sa mga brgy. tanod. tuwang tuwa rin ang mga bata sa toothbrush!
bago tuluyang umalis sina jonard at angelika, sabi nila, ate babalik kami, tutulungan ka naming magbuhat ng art box papunta sa bahay ninyo. pagkaraan lang ng dalawang minuto, andiyan na nga uli sila. pero hindi na sila pinagbuhat ng mga tanod. isinakay ako sa parang tricycle na walang bubong. sila rin ang nagbuhat ng art box namin. nagpaalam na ako kina jonard at angelika. si daniel at iyong isang bata ay nauna nang umuwi pagkatapos ng hatian.
pagdating ko sa bahay, hindi pa rin ako iniimik ni poy. bilang ganti, sabi ko sa kanya, puwes, sa pasko, maghanda ka. may pa-christmas workshop tayo dito para sa mga bata.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
4 comments:
Bakit ang gaan ng pakiramdam mo sa mga bata ? Nakakatuwang isipin na may isa pong namumukod tanging nilalang ang natitirang kagaya mo. Pa ampon na rin ako sa susunod mam Idol, nangangailangan po ako ng pagmamahal wahaha.
Hello, Anonymous! Magaan ang pakiramdam ko sa mga bata kasi lagi akong naghahanap ng mga batang puwedeng makalaro ng anak ko noon. Nasanay na lang ako siguro.
Naku, mga kuting lang ang inaampon namin, haha!
Daan ka uli rito pag may time. Salamat sa pagbabasa.
It's really fun reading your stories Ate Bebang! Just bumped into your book while we're browsing through the filipiniana section of NBS. I bought a copy of your It's a Mens World. Next time, I'm gonna buy the It's Raining Men! You inspire me a lot!! xxx
Hello, Monique, ngayon ko lang nabasa ang comment mo. Maraming salamat sa pagbabasa dito sa aking blog. Salamat din sa pagbili ng aking books. See you in my other blog entries!
Post a Comment