Friday, November 22, 2013

Wika ng Trahedya at Tagumpay

Kapikulpi
nina Beverly W. Siy at Ronald V. Verzo II

Kabi-kabila ang mga interbyu sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Sa harap ng camera, nananawagan sila, humihingi ng tulong, naghahanap ng nawawalang mahal sa buhay. Ang iba ay lungkot na lungkot, umiiyak, ang iba’y tuliro, nagugulumihanan kung ano ang uunahin, meron ding naiinip, merong galit na galit, meron ding natatakot. Halos lahat sila ay nagsasalita sa lokal na wika o di kaya ay sa wikang Filipino. Ang ibang footage at interbyu ay ipinalalabas sa ibang bansa dahil kilala rin sa buong daigdig ang napakalakas ng bagyong ito na may international na pangalan, Haiyan. Naririnig ng mga dayuhan ang mga wika sa Pilipinas, nauunawaan na lang ng manonood ang pinagsasasabi ng mga biktima sa pamamagitan ng translation na idina-dub at ipinapatong sa audio o di kaya ay sa subtitle, kung mayroon mang subtitle.

Naririnig ng dayuhan ang wika natin sa kasagsagan ng dusa at histerya.

Samantala, anong wika ang ginamit ng pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2013 na si Ariella Arida para sagutin ang tanong sa kanya? Imagine, nang moment na iyon, pagkatapos na pagkatapos ng huling salita sa tanong para kay Ariella Arida, tumahimik ang buong venue at ang buong mundo para makinig sa kanyang sasabihin. Bakit? Dahil naniniwala sila na ang anumang lalabas sa bibig ni Ariella ay mahalaga. Mahalagang–mahalaga kaya kailangang pagtuunan ng pansin. Kaya kailangang ibigay sa kanya ang buong atensiyon, ang buong puso, nang panahon na iyon. Sumagot si Ariella gamit ang wikang Ingles.

Nalulungkot ako sa ganitong pagkakataon.

Ingles ang ginamit ni Ariella. Bakit? Dahil ba mas madali siyang maiintindihan sa wikang Ingles? Bakit, kailangan bang maintindihan siya agad? Nagmamadali ba ang mga judge sa Miss Universe?

Para sa akin, ito ang isa sa mga rare moment na maririnig ng buong mundo ang wikang Filipino, e, bakit hindi ito samantalahin ng ating mga beauty queen?

Ang perfect-perfect ng panahon, binibigyan sila ng panahon na mag-isip, all eyes sa kanila, sila lang ang may hawak ng mikropono, walang kaguluhan, walang gera, walang patay sa mga bangketa, walang pagsabog ng bulkan, walang nagbababuyan na senador sa likod nila, walang bagyo sa bumbunan nila. Ang perfect-perfect. Ang perfect ng mismong pagkakataon.

So, bakit kailangang mag-Ingles?

Ikinahihiya ba nila ang tunog ng wikang Filipino? Kahit anong wika sa Pilipinas ang gamitin nila, kahit hindi sila maintindihan, pakikinggan sila ng judges, ng manonood, ng buong mundo. All ears! Dahil importante sila. Importante ang kanilang sasabihin. Na-establish na nila ang kahalagahan ng kanilang presensiya sa pageant kaya naroon sila, sa Top 5.
Bakit nag-i-Ingles pa rin sila? Ang sweet naman ng tunog ng wika natin, a?

Ganyan din ang problema kay Pacquiao.

Sa tuwing iniinterbyu siya pagkatapos ng kanyang matagumpay na laban, Ingles siya nang Ingles. Samantalang kahit ano pang wika ang lumabas sa bibig niya, pakikinggan siya ng interviewer, ng media, ng manonood, ng lahat ng panatiko ng boxing. Hindi lang siya pakikinggan, ire-record pa ang kanyang sasabihin. At ipe-play nang paulit-ulit sa ere, across the country, across the continent, across the whole wide world. Ganon kahalaga ang anumang mamutawi sa kanyang bibig. Bakit? Dahil siya si Manny Pacquiao. Dahil magaling siyang boksingero. Dahil world class ang kanyang da moves.

Ngayon, dahil pinipilit niyang mag-Ingles, pinagtatawanan siya ng mga tao kapag nagsalita na siya. Nakakalimutan nila na isa siyang boksingero. Nakakalimutan nila na ang husay-husay niya sa loob ng boxing ring. Nakakalimutan nila na marami na siyang napatumba gamit lamang ang kanyang talino at kamao. Ang naaalala nila ay ‘yong nakakatawa niyang pagbigkas sa mga banyagang salita. Ang “baluktot” niyang dila.

Sa kasagsagan ng paglutas sa kaguluhang dulot ni Yolanda, kagaguhan ang mag-isip tungkol sa wika at kultura. Alam ko. Pero ang akin lang, ang wikang Filipino, ang pagkatamis-tamis nating wika, ay hindi lang pangtrahedya, hindi lang ito daluyan ng pighati, hindi lang ito panlarawan sa ating pagkasindak at mga takot, hindi lang ito panghingi ng tulong at limos. Ang wikang Filipino ay wika rin ng ating mga pangarap.

'Wag nating kalimutan kailanman na ang wika natin ay wika rin ng tagumpay.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...