Sunday, November 18, 2012
Winner!
Hindi nanalo ang mens sa 31st National Book Awards.
Malungkot ako siyempre kasi sabi ng apog ko, mananalo ako.
Anyway, masaya pa rin ako kasi sobrang pagmamahal naman yung naramdaman ko last night. Dumating ang nanay ko. Kahit mag-isa lang siya. Bihira lumakad yun nang mag-isa at hindi siya sanay sa sosyalan na katulad ng event kagabi. Isa pa, hindi na yun lumalabas ng bahay namin dahil sa pagbabantay niya sa negosyo niyang piso net. kaya himalang sumulpot siya kagabi sa awarding ceremony namin. at nag-stay siya mula umpisang-umpisa hanggang matapos kahit wala siyang kausap buong gabi at anlakas ng aircon sa kinauupuan niya (lamigin ang nanay ko).
Paroo't parito ako sa buong Old Senate Session Hall ng National Museum, nag-a-assist sa staff ng NBDB. Si Poy ay nagpi-picture. si ej? kumakain. kumakain nang kumakain nang kumakain. uwian na noong makita ko uli ang nanay ko. Sabi ko, Ma, thank you ha, pero sayang no? hindi ako nanalo. sabi niya, tanga ka, ang tatanda na ng nananalo, hindi mo napansin? ibig sabihin, marami ka pang bigas na kakainin. oo nga naman! kaya kahit paano napanatag ako.(pero mahirap yatang kumain ng bigas? sobrang crunchy?)
si poy at ej naman ay sinurprise ako.
noong nov. 16 ng gabi after ng last day ng read lit district, nag-fashion show ako sa harap ng dalawa: ej at poy. sila ang aking stylist. sila ang nagsabi kung itataas ko ba ang buhok ko o ilulugay. sila ang sumigaw ng wag! wag! nang sabihin kong ipapares ko sa long gown ko ang tsinelas na paborito ko. kasi kako hindi naman makikita kapag naglakad ako. kasi nga long gown ang suot ko. sila rin ang nag-apruba na ang gold na sapatos na lang ang isuot ko. 3 inches lang ang heels. kayang-kaya.
sila rin ang tumango dahil bagay ang hikaw ko sa damit: cascading na pearls. sila rin ang umiling dahil di bagay ang pearl kong kuwintas. dapat simple ang hikaw mo kung ganyan ang kuwintas mo, sabi ni poy. dapat mag-pulseras ka na lang at wag nang magkuwintas kung ganyan ang hikaw mo, sabi naman ni ej. o sige, sige. kaya napagkasunduan naming gagawin na lang na pulseras ang pearl kong kuwintas.
ayan, all set na ako. inihanda ko na ang lahat para sa 31st NBA. nakatulog kami sa sobrang pagod. ako pa lang ang binibihisan sa lagay na yun.
kinabukasan, nagpunta si Ej sa MTAP nila. si poy, nag edit ng video sa media monster. ako, nasa bahay lang at nagbabasa ng mga akda ng kaklase at ng dalawang manunulat na kahenerasyon ko. na-cancel ang aming klase at ito ang assignment ng aking teacher.
pagdating ni ej, pinapunta ko na siya sa cubao. kasi don sila mamimili ni poy ng damit nila. ako ay didiretso na sa national museum dala ang lahat ng isusuot ko. nakapagshopping nga ang dalawa at nakarating naman ako sa venue. after 1 hour ng pag-iikot at pagsalu-salubong sa mga taong dumarating sa session hall, nagpasya na akong magbihis sa CR. andun pala ang nanay ko at doon tumatambay dahil malamig sa may session hall.
tinulungan niya akong magbihis at mag-make up. tapos nakipag piktyuran kami kay Jullie Yap Daza na idol ko sa humor writing at kaklase pala ng isa kong auntie noong college days nila. Jullie Yap was very very accommodating and humble. at saka masaya ang aura niya. Idol.
paglabas namin ni mami, dinala ko siya sa front part ng venue. yung malapit sa stage para mas maginhawa ang panonood niya. tapos umikot-ikot na ako para mag-usher. biglang dumating sina ej at poy. naka tshirt lang si poy. sabi ko mag bihis ka na. si ej naka japorms, parang coat na modern at naka long sleeves siyang polo sa loob. pero naka rubber shoes! hahahaha d bale bagay naman at ang pogi pa rin niya.
lumarga na sa CR si poy. si ej naman e hinatak ako sa CR. pinagpapalit niya ako ng sapatos. binilhan pala nila ako ng bagong sapatos!
ayaw na ayaw ko sa lahat ang binibilhan ng sapin sa paa. kasi weird ang size ng paa ko. alanganing 8 at 9. kasinlaki kasi ng buto ng santol ang buto ko sa paa kaya anlapad lapad niya. kahit 8 lang ang size ko, nagiging 9 para makahinga pa ang santol seed. sabi ni ej, yon na daw dala niyang sapatos ang isuot ko. sabi ko ayoko, ok na ako sa suot kong gold na high heels. biglang dumating si poy. isuot mo na yan, 8.5 ang size niyan. siguradong komportable ka diyan saka mas bagay sa suot mo.
hindi, hindi, sabi ko.
i-try mo lang, usig ng dalawa.
hindi, sabi ko.
sukat mo lang.
sinukat ko na nga at antagal na namin sa entrada ng CR.
pagsuot ko, mas bagay nga. at pwedeng pwede ko na itaas nang bongga ang long gown ko kapag naglalakad ako. paglabas ko uli, may inabot sa akin si ej, eto pa, isuot mo. dalawang bangles na gawa sa parang capis. napakaganda at mukhang mahal. yung naka-display sa Kultura shop ng SM. naiinis ako na natutuwa. maganda kasi, bagay na bagay sa akin. pero ang iniisip ko ay gumastos pa sila para lang dito. in-unlock ni ej ang pulseras kong pearl para hindi hahara-hara sa bago nilang bili na bangles.
maya-maya naman ay may inilabas si Poy: isang kuwintas na cascading or drop ata iyon. pearl din. napakaganda. naiinis na naman ako na natutuwa. maganda kasi, bagay na bagay na naman sa akin. pero ang iniisip ko ay gumastos pa talaga sila para lang dito. hay. isinuot ko na ang kuwintas. sabi ko, pano yan, hindi bagay. kasi cascading na ang hikaw ko, e. parang OA na kung cascading pa ang kuwintas. hinubad ko ang hikaw ko at sabi ko ke ej, kung pearls ang hikaw ni mami, hiramin mo. eto muna ang isuot niya. pagbalik ni ej, dala-dala niya ang hikaw ng nanay ko: pearl earrings na kasinlaki ng mata ng isda. isinuot ko na agad ito. total package!
gandang-gana sa akin si poy at si ej. picture kami nang picture. maya-maya pa, picture-picture na rin ako with friends na mga nominees din.
di namin alam ang magaganap buong gabi!
magkatabi kami ni poy nang ina-announce na ang para sa category ng mens.
grabe ang kaba ko at parang pila sa MRT ang mga tanong sa isip ko:
1. anong gagawin ko kapag mens ang tinawag?
2. tatakbo ba ako pa-stage? (nasa dulo kami ng venue, malapit na sa exit, andun kasi ang staff ng nbdb) kung lalakad lang kasi ako ay ang tagal naman.
3. anong sasabihin ko kapag nanalo ako at kailangan nang mag-thank you sa mikropono? si mami, poy at ej lang ba ang pasasalamatan ko? pati ba si sir rio, na isa sa mga judge sa category ko, babanggitin ko? hindi ba unethical yun? baka isipin nila kaya lang ako nanalo e dahil andun si sir rio? e si sir vim kaya, pasasalamatan ko rin? wala siya that night asa thailand pero isa rin siya sa mga judge ng category ko. at siya ang teacher ko sa subject kung saan isinubmit ko ang koleksiyon ng mens bilang requirement. unethical yatang banggitin ko na teacher ko siya dahil judge nga siya. pasasalamatan ko ba ang anvil? ang nbdb? hindi kaya isipin ng mga tao na nanalo ako dahil lang sa taga nbdb ako?
4. paano ako tatayo sa harap, sa may stage? magdadala ba ako ng pantabing like book ko or souvenir program? kasi wala akong bra, me nipple tape naman akong itinapal sa dalawang munting mamamayan sa dede ko pero dahil sa lamig ay naka-standing ovation sila, que horror. tsaka isa pa, dahil wala akong bra, lawlaw ang dede ko, bakat sa damit for all to see.
5. bat ba ito pang damit na to ang isinuot ko? hindi ko ba nahalata kagabi na lawlaw ang dede ko sa damit na to? antagal ko pa naman sa salamin, paroo't parito, harap, likod, tayo, upo, tuwad. lahat talaga ng anggulo. dala-dalawa pa ang ilaw namin sa sala at kusina. pero nge, hindi ko napansing lawlaw ang maliliit na bombilya?
6. kung manalo ako, pa'no namin iuuwi ang trophy na saksakan ng laki at bigat? wala kaming extrang bag. ipapatong na lang namin sa upuan at ibayad ng extra sa dyip? kung magta-taxi naman, may extra ba kaming pera, pan-taxi? baka naubos na pera namin kasa- shopping ng dalawang stylist ko. teka, nasasanla ba ang cascading kuwintas na pearl? may bukas bang pawnshop sa gabi?
7. paaakyatin ko ba sa stage ang nanay ko at yung dalawang glamour boys? di kaya pagalitan ako? kasi dapat ata winners lang ang umaakyat, pwera kamag-anak please?
8. pano naman pag ibang aklat ang tinawag? iiyak ba ako? tatakbo habang humahagulgol? mag-aaklas ba ako? magpoprotesta?
9. bat ba kasi nagpunta-punta pa ako sa awards night na to?
10. sino-sino nga uli ang mga kalaban ng mens?
sinigawan ko si manix na nasa kabilang sige ng venue. manix! ako na, category ko na! ano, bigkas ng mga labi niya. ako na, category ko na, ano, bigkas uli ng mga labi niya. CATEGORY KO NA! sigaw ko.
biglang tinawag ang mens.
bilang nominee.
nominee pa lang.
palakpakan ang mga tao. siyempre andami kong kaibigan ahahahaha! palakpak din kami ni poy. si ej, hindi ko makita. tinabihan kasi niya si mami sa may unahan. pero malamang pumapalakpak din yun. silang maglola.
humiyaw ako, go bebaaaaang! lingunan sina mam gwenn, sa akin. tawa nang tawa. pati si kristine ng flipreads, na nasa unahan namin, tawa rin.
tawa rin ako.
tapos tinawag na ang winner: dyeeegeng...
almanak ng isang aktibista.
shemay shet talo ako.
hinalik-halikan ni poy ang noo ko. wag ka malungkot. wag ka malungkot. isinandal ko ang ulo ko sa balikat ni poy. halik pa rin siya nang halik. sa noo (andaming tao kasi, nakakahiyang mag-lips to lips)
nalungkot ako. sayang, kako. akala ko pa naman, me laban talaga ang libro ko. pumikit ako. pero hindi naman ako naiyak. e kahit anong pilit ko, hindi ako maiyak. narinig ko ang tear ducts ko, oi, lahat ng mahal mo sa buhay, masaya na nandito kayong lahat at naimbitahan sa ganitong patimpalak. aba, bebang, ika'y mahiya, walang puwang ang mga luha.
tama. tumayo ako. tara, labas tayo, sabi ko kay poy.
nag-aalala siya.
aalis na tayo? uuwi na? si-CR ka? tanong niya.
sagot ko, hindi, a. anong gagawin ko don? magmumukmok?
e, san tayo?
kakain!
binusog namin ang gabing maningning.
(Copyright ng mga larawan: Ronald Verzo, Sean Elijah Siy at Beverly Siy.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
3 comments:
congrats pa rin po!
ang galing! parang ambilis ng pagsasalita. parang intense ang nagkukuwento.
go bebang! hihi!
Hello, Jake at Tadong Daniel! Maraming salamat sa pagbasa ng blog entry na ito! may mga paragraph spacing talaga yan. kaso nung una kong pinost, dikit-dikit hahahaha!
Post a Comment