Saturday, July 25, 2009

papel 3

Petsa: 22 Hulyo 09

Paksa: Ilang mga Laji at Loa

Ilang Laji’t Loa

Itinuturing ng mga Ibatan ang laji bilang pinamaganda at pinakamahusay na uri ng tula at kantambayan. Ang laji ay pinaniniwalaang pre-Hispanic na anyo. Kamukha ito ng ambahan ng mga Mangyan sa Mindoro pagdating sa gamit at kalikasang panlipunan nito.

Ngunit ang napansin ko sa mga lajing aking binasa, kumpara sa ambahan, ay laging may kinakausap ang persona rito. Distinct ang “ako” at “ikaw.”

When the adipasayaw pass
Anu kapipahabas da nu adipasayaw
under the eaves of your house,
du teyedted nu bahay
serve them wine…
mana dawyen mo sira…

(adipasayaw-isang maliit na ibon)

I have traveled as far
Nakadipula aku na, as nangay ana
as to the other islands, but I have not met
du bebtangen, am ara pa ava u nadali
one like you, my beloved kinsmen…
chu akma dimu mo dumngen ko a lipus…

Marahil ito ay dahil ang laji ay binibigkas ng isang mayvachi (katumbas ng soloist o singer) at ina-address niya talaga ang kanyang sasabihin sa mga taong naroon at nakikinig sa kanya. Kumbaga, “very now.” Samantalang ang ambahan ay madalas na gumagamit ng ibang punto de bista, halimbawa ay pinagsasalita ang mga hayop o bagay. O di kaya, nagtatanghal mula sa 3rd person point of view. Ibig sabihin ay parang diyos lamang na nagkukuwento at naglalarawan. Hindi laging ina-address ang kausap. Ito marahil ay dahil sa ang ambahan ay hindi lamang pabigkas. Ito ay inuukit din sa kawayan. At kapag ganon, kahit sino ay maaari nang makabasa nito, parang diyaryo, pasa-pasa na, mamya, bukas, sa isang buwan, sa anak, sa apo. Hindi na “very now.”

Malapit ang laji sa loa kung punto de bista ang pag-uusapan. Iyon ay dahil distinct ang “ako” at “ikaw” sa loa dahil binibigkas din ito at parang agaran at tuwirang kinakausap ang mga nakikinig (sa tagayan o inuman.) Ngunit malayong malayo ang paksa at himig ng dalawa. Ang laji ay mapaglimi at may kaseryosohan samantalang kuwelang kuwela naman ang dating at mapanukso ang loa.

Ang loa ay tulambayan ng Quezon na kadalasa’y sinasambit sa mga pinagpipitaganang binibini ng isang poblasyon kapag siya ay pinuputungan ng korona.

Ngunit sa ibang bahagi ng Quezon (at maging sa ibang bahagi ng buong bansa), may ibang bersiyon ng loa ang naging popular. Ang mga nabasa kong halimbawa ng loa ay kinalap ni Prop. Victor Valbuena sa Sampaloc, Quezon. Ang loa mula sa lugar na ito ay hindi tulang nagbibigay-dangal sa isang dalaga kundi tulang sinasambit sa mga “stag party o bridal shower” o sa mga karaniwang inuman (ng lambanog, siyempre). Ang loa sa Sampaloc, Quezon ay isang tulang nagpapahayag ng ilang bagay tungkol sa seksuwalidad. Ika nga ng iba, tula ng kabastusan.

Pero sa mga nabasa kong tulambayan, dito sa loa ako tawang tawa. Kasi naman, ginamit sa mga loang ito ang iba’t ibang salita para ilarawan ang mga ari ng babae’t lalaki at ang aktong pagtatalik. Batis pala talaga ng sexual innuendos ang inang kalikasan! Tunghayan ang mga halimbawa:

amoy-azucena gabarasong tundok
tatlong kakawing-kawing sawang bitin
gubat buto ng kasoy
kamoteng kahoy palayok
damong maitim pa sa kogon gatas na malapot
balagbag na ari

Mukhang maluluma sa mga bumibigkas ng loa itong sina Joey de Leon at Willie Revillame pagdating sa paggamit ng mga “matalinghagang salita” tungkol sa sex organs at sex mismo.

Samantala, ang pinakagusto ko namang metaphor na ginamit para sa ari ng lalaki ay ang salitang pari.

Doon po sa amin,
Bayan ng Sampaloc
May tumutubong damo,
Maitim pa sa kugon
Sa tigkabilang pampang,
Sa gitna’y may balon
May naligong pari,
Patay nang umahon.

Hindi ko agad naintindihan ito sa unang basa. Kinailangan ko pang basahin ang paliwanag ni G. Valbuena. Ang tinutukoy daw na pari dito ay ang ari ng lalaki na pagkatapos ng pagtatalik ay nagmimistulang patay, wala nang kakilos-kilos.

Napasusmaryosep ako. Napakatapang ng kumatha ng loang ito. Hindi siya nangiming gamitin ang banal na imahen ng pari para gawing metaphor ng titi. Hindi siya natakot na maparusahan sakaling makarating ito sa mga alagad ng simbahan.

Pero sa tingin ko, malaki ang papel ng okasyon kung saan binibigkas ang loang tulad nito. Ito ay sa mga tagayan o inuman (ng lambanog kadalasan), na kung saan bihira namang may makasamang alagad ng simbahan. Sakali ngang makaabot ito sa tainga ng mga taga-simbahan, maaari namang idahilang ang loa ay tula, isang malikhaing akda. Ang kahulugan o pagbibigay-interpretasyon dito ay hindi maaaring idikta ng kumatha.

Para bagang damn if you do, damn if you don’t sa kaso ng mga taga-simbahan. Kung sisitahin at paparatangan nilang bastos ang nagbigkas/kumatha ng loa, para na rin nilang inaamin na “greenminded” sila at sila na mismo ang nagsabing “oo nga, puwedeng ituring na titi ang pari.” Kung hindi naman nila papansinin, magpapatuloy ang pagkatha ng ganitong loa. Darami ang gagamit ng mga imaheng may kinalaman sa simbahan bilang metaphor ng kung anu-ano.

Mukha namang siya ngang nangyari.

Ayon kay Dr. Rosario Lucero, ang guro namin sa Panitikang Oral, ang loa ay nagkaroon ng sariling identidad lalong lalo na sa mga baryong malayo sa impluwensiya ng simbahan. Naging kabaliktaran ng loang nagpupugay at nagbibigay-dangal ang loa sa Sampaloc, Quezon na kabastusan naman ang taglay. Ngunit hindi ito simpleng kabastusan lang. Ang bersiyong ganito ng loa ay maituturing na subersiyon sa awtoridad (na sa napakahabang panahon ay ang simbahan.) Sa maraming pagkakataon, teritoryo, batas at pamamaraan ng awtoridad ay hindi makapagreklamo, hindi maka-igpaw, hindi makalaban, ni hindi makapangatwiran ang karaniwang tao.

Kaya ang ginawa ng karaniwang tao, ginamit niya ang dila at bibig. Na itinuturing na mas makapangyarihang kasangkapan para makapagkalat ng kaalaman at paraan ng pag-iisip noon (at maski hanggang ngayon, alalahanin na lang ang power ng tsismis.) Ginamit din niya ang mismong anyo na nagmula din sa may kapangyarihan: ang loa. Mula rito, kumatha siya ng mga akdang talagang kasisimangutan ng may kapangyarihan at binigkas ang mga ito na parang wala lang, katuwaan lang. Kaya naman lumaganap nang lumaganap.

Isa pang silbi ng loa sa Sampaloc, Quezon ay dito ipinararaan ang sex education. Noon at magpahanggang ngayon, ipinagbabawal ng simbahan ang sex education. Ngunit dahil nakikita ng karaniwang tao na kailangan nila ito (ang sex education) umisip sila ng paraan para makapag-educate ng kapwa. Ginamit nila, muli, ang loa. Sa loang orihinal, nagiging espisipiko sa paglalarawan ang bumibigkas nito. Iniisa-isa ang lahat ng magagandang katangian ng isang pinuputungan o pinararangalan. Ito rin ang ginawa ng mga mambibigkas ng loa sa Sampaloc, inisa-isa ang katangian at inilarawan nang husto ang mga ari at ang aktong pagtatalik.

Isa pang ikinatutuwa ko rito, nang malaman kong pang-sex education ang loa, ay ang pagsali ng kababaihan sa pagkatha nito. Kahit ang mga babae, na karaniwa’y nakikitagay ng lambanog, ay bumibigkas ng loa ukol sa kanilang ari. Para magawa ito ng isang babae, kailangang sanay na sanay, komportable siya sa kanyang katawan. The fact na umiiral ang loa sa Sampaloc at popular pa ito, ibig sabihin ay pinahihintulutan at mukhang ine-encourage pa ng kanilang kultura ang pagiging mapagtuklas, mapag-obserba at mapanuri ng mga babae sa sariling katawan.

Napakagaling kasi kapag tinutuklas, inoobserbahan at sinusuri mo ang isang bagay, ibig lang sabihin ay pinahahalagahan mo ito at higit sa lahat, minamahal. Na siya namang dapat gawin ng lahat ng babae sa sariling katawan.

Ang dami kong nari-realize sa pagbabasa lamang ng iilang tulambayan. Lagi’t lagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na sa pamamagitan ng ating wika at panitikan, lalo nating nakikilala ang sarili. At tingin ko, tumatama ang tama pagkabasa ko ng ilang laji at loa.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...