Saturday, July 25, 2009

papel 2

Petsa: 15 Hulyo 2009

Paksa: mga tanaga sa Vocabulario dela lengua tagala nina Noceda at Sanlucar

Ang Ilang Mga Salita sa Tanaga

Ang babasahin ay binubuo ng mga tanaga na sinipi mula sa Vocabulario de la lengua tagala nina Noceda at Sanlucar. Para sa akin, ang mga ito ay dagdag sa maraming patunay na makikilala ang kultura at kapaligiran sa pamamagitan ng panitikan.

Nabanggit at/o itinampok sa tanaga ang sumusunod na mga salita, iyong makikita sa kanan ng talahanayan. Sa kaliwa naman ay ilan kong tala ukol sa salita.

Sinulid
May teknolohiya na ang katutubo ng paggawa ng sinulid.

Papan
ang salitang ito ay patunay na ang nagagawang sinulid ay hindi kakaunti kundi bulto para kailanganin ang papan.

Bakod
May konsepto kaya ng pag-aari at teritoryo ang mga katutubo? Dahil ang naiisip kong ilan sa dahilan ng paggamit ng bakod ay
1. para maiwasang apakan o kainin ng hayop ang tanim
2. bilang tanda sa hanggahan ng pag-aari o teritoryo ng lupa

Ang ipinagtataka ko lamang, ayon sa aking guro noon sa Panitikan at Lipunan, wala raw konsepto ng pag-aari ng lupa ang mga katutubo dahil ang isip ng katutubo ay paano mong aariin ang isang bagay na mas mahaba pa ang buhay sa iyo?

Kaya siguro nga, ang bakod noon ay para lamang harangin ang makukulit na mga hayop.

Budhi
Heto ang pantapat sa salitang konsensiya. Maging noong unang panahon, tayo’y may sariling paraan para i-check ang sarili kung ang ginagawa nga ba natin ay mabuti o masama. Ang budhi ay values. Kung ano ang kaya ng budhi mo, iyon ang mga bagay na pinahahalagahan mo.

Paho, doso, dawarawa, ginto, sampaga, punay, sapsap, apahap, niyog, uwang
Puwedeng puwede nang makaguhit ng larawan ang isang artist ukol sa isang karaniwang setting noon batay lamang sa mga salitang ito mula sa tanaga. Mayaman tayo sa lupa (ang daming puno at halaman), sa yamang-dagat (ang daming isda) at yamang mineral (ginto!). Tunay nga namang masagana ang buhay noon.

Minsang nabanggit ng makatang si Rio Alma sa isang huntahan na ang buhay ng Pilipino (at sa tingin ko ay maging ng lahat ng tao sa mundo) ay paatras. Naging moderno lamang tayo ngunit ang kalidad ng ating pamumuhay ay pababa nang pababa, pasama nang pasama. Mabuti pa noon, anya, simple ang mundo ngunit napakaganda ng uri ng pamumuhay ng tao.

Sumasang-ayon ako. Maraming bagay noon na ipinagpalit natin para sa mga bagay ngayon. Pero itong mga bagay na ito ay nagdadagdag-komplikasyon lang naman sa komplikado na ngang buhay.

Lunday
Ito ay patunay na may mga katangian at dunong ng inhinyero at arkitekto sa puso ng bawat Filipino. Noon pa ma’y nakakalikha tayo ng lunday at iba pang sasakyang pandagat.

Ipinagpapalagay kong ang mga salitang nabanggit ay mga karaniwan lamang noon. Ibig sabihin ay hindi natatangi ang sampaga, ang sapsap, ang ginto, niyog at uwang. Kaya naitatampok sa tanaga ay dahil ito ay mga nangagkalat lamang, sobrang dami at madaling obserbahan.

Kung ganito na kagaganda ang karaniwan, ano pa kaya ang mga natatangi noon?
Ang pagbanggit sa mga salitang ito noong 1700 (kung kailan nalathala ang Vocabulario) ay patunay lamang na napakayaman ng ating bayan noon pa man, at highly-skilled ang mga ninuno natin dahil maraming kayang likhain ang mga kamay at isip kahit wala pa ang modernong teknolohiya, at hindi rin naman sila masasamang tao sapagkat may sariling paraan ng pagtimbang ng dapat at hindi dapat gawin.

Ang Ambahan: Noon at Ngayon

Paksa: Mga Ambahan Mangyan, Mangyan Treasures, Tribal Filipino Indigenous Poetry kinolekta at isinalin ni Antoon Postma (Monograph No. 2, Mangyan Assistance and Research Center, Panaytayan, Mansalay 5213 Oriental Mindoro)

Ang babasahin ay naglalaman ng introduksiyon at ilang ambahan mula sa aklat na nabanggit sa paksa. Nakasaad sa introduksiyon ang kahulugan ng ambahan at ang halaga nito sa kulturang mangyan. Ang ambahan daw ay:

a. isang tula at itinuturing na ring kanta. Ito ay sinasambit nang walang saliw na musika.

b. Pito ang bilang ng pantig sa bawat taludtod at walang saktong bilang ng taludtod sa isang saknong. Ngunit ito ay may tugma. Madalas ay –an ang tugma.

c. tadtad ito ng talinghaga tulad ng tula mula sa iba pang kultura

d. binabasa nang tahimik o malakas, maaaring binibigkas nang walang binabasa, maaari ring bigkasin nang mag-isa o di kaya ay may kasagutan o di kaya ay sa isang umpukan

Isinaad din ng babasahin ang malaking panghihinayang ng awtor sa unti-unting paglaho ng ambahan ng mga mangyan. Nang isulat ang aklat, bibihira na lamang sa mga mangyan ang may-alam o di kaya ay nagsasagawa pa ng ambahan. Sa “interior mountain areas” na lamang ito karaniwan. Isa sa mga itinuturong dahilan ang paraan ng pag-e-edducate ng mga magulang sa kanilang anak. Isa pa ay ang modernong mundo na unti-unti nang nakikilala at mas kinikilingan ng mga kabataan.

Sa tingin ko, isa sa mga susi para maipagpatuloy ang ambahan ay ang sigasig ng magulang na ipagawa ang ambahan sa kanilang mga anak. Kahit na sabihing hindi naman mapilit by nature ang mga magulang na mangyan, para sa ikalalaganap ng ambahan at iba pang pangkulturang Gawain, dapat maging mapilit sila at gawin ito. Ipilit nila sa kanilang mga anak ang mga pamana ng nakaraan tulad ng ambahan.

At isa pang maaaring gawin para maipagpatuloy at mapalaganap ang ganitong tradisyon ay ang pag-i-incorporate ng mga intangible heritage natin sa kulturang popular. Halimbawa ay maitanong man lamang sa Who wants to be a millionaire? Ang ilang bagay tungkol sa gawi at mundo ng mangyan o di kaya ay maigawa ni Lito Camo ng isang kanta ang kulturang ito o di kaya ay gamitin sa mga TV commercial ang ilang gawain nila (siyempre, nang hindi sila nililibak o pinagtatawanan.) Sa pamamagitan nito, naniniwala akong maging ang kabataan ay magiging masigasig sa pag-aaral ng kanilang sariling kultura at ituturing nilang cool ang paggamit at/o paggawa ng kanilang tradisyon. Maaari ring bigyang-seminar o lecture ang mga artista/hosts ukol sa mga katutubong kultura at hingiin sa kanilang tumulong sa pagpo-promote nito. (At nang hindi iyong puro foreign na celebrities pa ang kanilang sinasamba at pinopromote.)

Ang strength ay siya ring naging weakness. Ang ambahan ay may praktikal na gamit noon kaya ito ay madaling lumaganap at ginamit nang ginamit ng mga tao. Ngunit habang nagiging moderno ang mundo, unti-unti na rin itong nawala. At ang isang dahilan ay hindi na ito nagagamit ng mga mangyan sa kanilang buhay.

Iyan ang paniwala sa ambahan ng mga mangyan lalong lalo na ng mga kabataan. Nakakalungkot malaman na hindi nakikita ng kabataan ang praktikal na gamit ng ilang pangkulturang bagay noon tulad ng ambahan. Lagi na lang ang bagong kultura o di kaya ang bagong paraan ang siyang mas maganda at mas mahusay.

Ang isa sa naiparanas ng modernismo ay ang pagiging conscious ng tao sa panahon. Lagi’t lagi ay sinusukat na ng tao kung gaano pa karami ang panahong mayroon siya sa isang buong araw, sa isang buong linggo, buwan, taon. Kaya naman ang nangyari ay lagi nang nagmamadali ang mga tao.

Maging ang wika ay naapektuhan ng ganitong pagtanaw. Dahil wala nang oras para magpaligoy-ligoy ang mga tao, ang naging resulta ay mas direktang paraan ng pagpapahayag. Kumbaga sa basketball, kung puro three point shots ang ginagawa ng mga basketbolista noon , ngayon ay puro dunk. Marahil dahil sa takot na hindi mai-shoot ang bola kung iti-three point shot pa, kaya dunk na lang nang dunk ang mga manlalaro.

Gayundin sa wika, wala nang mabulaklak na paraan ng pagpapahayag dahil kumakain ng oras ang mahabang pagsasalita at baka magkaroon pa ng miscommunication dahil sa mabulaklak na pananalita. Kaya naging direkta o straight to the point ang paraan ng pagpapahayag ng mga tao.

At dahil wika ang container ng ambahan, isa ito sa mga naapektuhan. Hindi na nakikita ng mga tao ang pangangailangan na gumamit pa ng ambahan kung may nais silang sabihin lalo na sa kapwa. Basta, sasabihin na lamang ito. Bakit mag-a-art-art pa kung puwede namang ibulalas na lang ang gustong ibulalas?

Sa tingin ko, ang isang dahilan din kung bakit nawawala ang ilang tradisyong pampanitikan tulad ng ambahan na isang tula ay dahil sa pagbibigay dito ng masyadong mataas at malaking pagpapahalaga. Ang nangyayari ay kamukha ng kinahinatnan ng wikang Latin.

Para bagang ayaw ipagamit ng mga nagsasalita nito sa kung anu-anong okasyon at kung sino-sinong tao lang ang nabanggit na wika. Kaya ang nangyari, tuluyan na ngang kumonti ang tagapagsalita ng Latin.

Sa ambahan o sa tula, ganoon din. Para bang kapag tumutula ka, kailangan ganito ang wika mo o ganito ang paksa mo o laging may talinghaga o may ideyang hinahain. Ang daming kailangan, sa totoo lang. Ang resulta, ‘yong mga karaniwang tao, natatakot nang sumambit ng tula kahit pa gustong gusto nilang tumula. At takot na takot sila sa pagpili pa lang ng gagamitin nilang salita/wika. Nagkaroon ng paniniwalang hindi dapat gamitin ang mga modernong salita kung nais mong maging kagalang-galang ang tula dahil nga “sacred” ito. Dapat ang tula ay laging “matulain” din ang wika.

Kaya ang mga salitang hanep, chikababe, tom jones, dehins, baklita, baduy at iba pa ay hindi raw dapat na ginagamit sa tula.

Hindi nakasabay ang tula/ambahan/tanaga sa wikang sinasalita ng tao. Ang nangyari ay heto, inaaral na lang sila sa eskuwela na parang isang banga mula sa kung anong limot na dynasty. Inaaral na lang sila ng mga estudyanteng tulad ko.

Dagdag pa diyan ang tulang pine-present sa mga textbook. Akala tuloy ng mga estudyanteng musmos, ganon LAMANG ang hitsura ng tula. Hindi nila alam na malaon nang nakausad ang tula pagdating sa wika at paksa.

Maaaring maisalba ang tula/ambahan sa tuluyang pagkabura sa mundong ibabaw. Gamitin ang karaniwang bagay ngayon na maaaring pagsulatan ng mga tula. Kung noon ay sa kawayan, ngayon ay bakit hindi sa mga post it notes? At idikit sa mga dingding, sa mga tasa ng kape, sa ref, sa laptop.

At gamitin ang kasalukuyang wika at mga bagong karanasan at bagay sa paligid. Hindi mawawala ang pagiging oral nito sapagkat para makagawa ng ambahan o anumang tula, kailangan ay may tugma ito o di kaya ay auditory imagination, musikang internal, alon sa tainga at iba pa. At para malahukan ng mga ito ang isinusulat na akda, hindi maaaring hindi gumamit ng bibig at pandinig. Imposibleng hindi mo siya bigkasin.

Kaya para sa akin ay maganda ang proyektong Textanaga at ang kapatid at pinsan nitong Dalitext at Dionatext noong 2003 at 2004 ng UP ICW, NCCA at UMPIL. Kahit pa sabihing elektroniko ang paraan ng transmisyon ng tula ay may aspekto pa rin itong oral. Bukod sa naipakilalang muli ng mga proyekto sa madla ang anyong tanaga, dalit at diona, ay nagawa pa nitong mapatula maging ang karaniwang Pilipino. Habang sinusulat ng mga sumali ang kanilang entry sa mga nasabing patimpalak, imposibleng hindi nila binigkas ang mga taludtod para matiyak ang kawastuhan ng tugma at mabilang ang pantig. Dito pumapasok ang pagiging oral ng proyekto. Tungkol naman sa paggamit ng texting, sa tingin ko ay hindi ito nakakasagka sa oral na paraan ng paglikha ng tula. Katulad din ito ng ambahan noon ng mga mangyan. Isinusulat din nila ang kanilang mga sinasambit o naririnig. Nagbago lang ang sinusulatan sa Textanaga, Dionatext at Dalitext. Imbes na kawayan, ito’y naging cellphone at text messaging.

Ang babasahin ay naglalaman ng maraming ambahan. Narito naman ang reaksiyon ko sa ilan sa mga ito:

Napansin kong maraming ambahan ang nagsisilbing babala o di kaya ay tungkol sa panganib na dulot ng paggagala-gala. Halimbawa nito ay ang sumusunod:

#58

Ti putyukan sa tuod A bee sitting on a trunk
Kabitay kang manalbod How could I still fly away?
Iliw-iliw magtanod Iliw-iliw standing watch,
Buyaw tida sa lawod The hawk down there in the vale,
Salak mag-andidiyod and the Salak bird guards there!

Nawiwirdohan ako rito. Bakit mangangamba si bubuyog e hindi naman kumakain ng bubuyog ang mga ibon na nabanggit? Kumbaga sa tao ay nag-aalala siya sa mga bagay na hindi niya dapat alalahanin, tama?

#59

Talon manok sa puro The wild chicken of the woods
Nakan ud way magrugpo Doesn’t dare to touch the ground:
Pagtandan buta iro The blind wild cat watching him;
May buaya maghalo Crocodile shaking the tree;
May bukid magpamuno Mangyan-bukid with a spear!

#60

Buri tida sa dipay That palm tree across the stream,
Ako mana manggihay I would like to use the leaves,
Ako ud nakagihay But impossible it would seem!
May buyaw magpabantay There the hawk watches for thieves
May salak mag-antabay With the Salak bird in team!

#61

Si isda pait-pait The pait fish in the creek
Kabitay kang bumangwit Is impossible to catch.
Sa bato magpasipit Under stones its hiding place!

#69

Una may magkamanman Sure I have seen you before.
No buhon sintam adngan But if I don’t know you well,
Tam sigin wa kumaban I won’t think of joining you
Bulod di sikon wal-an Where you are or where you go.

#226

Ati kuno sa puro Yonder in the woods, they say,
May kayo makahilo Grows a tree venomously.
Una manok kudkuro Even the kudkuro bird
Ud yi may makadapo Couldn’t escape there unhurt.
Pinananginan yi bato It is growing on a stone
Sa na-apog pagpungso At Na-apog mount, alone!

Maaaring ito ay sinasambit ng mga magulang sa kanilang anak o kaya ng kaibigan sa kaibigang maglalakbay. Kung gayon nga, ito ay isang patunay sa praktikal na gamit ng ambahan, ang ambahan bilang isang early warning device. Para bagang sinasabi ng tagapagsalita na “pakaiingat ka at nanggaling na ako riyan. Naglipana ang panganib. At ang mga panganib ay ganito ang katangian at ganito kumilos.”

Tingin ko, maganda itong estratehiya kasi hindi nagiging tuwiran ang pagsasabi ng babala na siyang ayaw na ayaw ng mga kabataan hanggang ngayon. Pakiramdam ng mga kabataan “sinesermunan” sila ng magulang kapag sila ay binabalaan. At pakiramdam nila, kapag binabalaan sila, itinuturing pa ring silang bata at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili ng kanilang mga magulang

Kung ambahan ang gagamitin, imbes na tuwirang pagbibigay-babala, hindi na makaka-react ang anak kasi maaaring literal nga lang naman ang nais ipakahulugan ng kanilang magulang. Kapag nag-react sila, sila na mismo ang “nagsesermon” sa kanilang sarili.

Dahil sa mga ambahan na aking nabanggit, masasabi ko ring malaki ang pagmamalasakit ng mga Mangyan sa kanilang kapwa. Para bigyang-pansin mo at gawan ng ambahan ang mga panganib, isa lamang ang ibig sabihin noon: you care.

At ang pagiging caring at thoughtful ng mga Filipino ay hindi naman nagbago: mula noon, nariyan ang patunay sa mga ambahang sinipi ko, hanggang ngayon na makikita sa advertisement tags na Ingat! ng Biogesic at How thoughtful, How Goldilocks! ng Goldilocks.

Naniniwala ako na kailangan lamang talaga ng mas maraming exposure ng mga Pinoy sa mga anyong tulad ng ambahan para maipahayag ang daan-daantaon nang mga saloobin at kaugalian kaugnay ng sarili at kapwa.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...