Friday, July 10, 2009

papel 1

Papel para sa klase ni Mam Chari

Paksa: Introduksyon at ang unang kabanata ng Tagalog Poetry 1570-1898 ni Dr. Bienvenido Lumbera at ang artikulo ukol sa tanaga ni E. Arsenio Manuel

Petsa: 24 Hunyo 2009

Tanaga, Hindi Ka Namin Tatantanan!

(Isang pagsusuri sa mga akda nina EA Manuel at Bienvenido Lumbera
ukol sa tanaga at katutubong tula)

Sa umpisa, aakalaing magkapareho lamang ang dalawang babasahin: ang introduksyon at ang unang kabanata ng Tagalog Poetry 1570-1898 ni Dr. Bienvenido Lumbera at ang artikulo ni E. Arsenio Manuel na pinamagatang Ang Tanaga sa Panulaang Tagalog at Pilipino.

Marami kasing pagkakatulad ang dalawa. Tulad na lamang ng mga sumusunod:

1. Parehong tinalakay ang anyo ng sinaunang tula tulad ng tanaga at bugtong. Binigyang-depinisyon nila ito, niliwanag at nagbigay pa ng halimbawa. Isang bugtong ang matatagpuan sa dalawang babasahin.

Apat capapang comot The sheet is four measures wide,
di natacpan ang tohod. but the knees are still exposed.

2. Parehong maraming angkat ng impormasyon mula sa unang aklat ukol sa pagtulang Tagalog. Kaya panay ang banggit kina Noceda at Sanlucar na siyang kumatha ng Vocabulario de la Lengua Tagala. Ibig sabihin ay pangunahing sanggunian (na nakasulat) ang kanilang pinaghanguan ng datos.

3. Bukod dito ay pareho ring napakuwento ang dalawang iskolar ukol sa kung paanong napasa-pasa ang paggawa at pagtatapos ng Vocabulario na nagsimula kay Francisco de San Jose at nagtapos kina Noceda at Sanlucar. Ito ay dahil tinutunton nila ang panahong pinagmulan ng ilang katutubong anyo ng tula. Natural kung kinalap ito noong panahon ng nabanggit na isang misyonero dahil sa pagiging popular, ibig sabihin ay matagal-tagal na itong namamalagi sa rehiyon bago naging popular. Aatras ang pagbibilang ng taon at ang edad ng isang katutubong tula.

4. may pagbabanggit ang mga iskolar sa isa’t isa.

Nabanggit ni EA Manuel sa kanyang artikulo ang “pagdaliri” ni Dr. Lumbera sa Vocabulario nang isinulat nito ang kanyang disertasyon. Sabi ni EA Manuel, mapapatunayan namang mayroong iba’t ibang bilang ng taludtod sa mga saknong ang katutubong tula. Dalawa, tatlo, apat, lima at iba pa. Anong gagawin? Humango lamang sa Vocabulario! Pero dahil iyan ay ginawa na ni Dr. Lumbera, hindi na kailangan pa itong ulitin sa Ang Tanaga sa Panulaang Tagalog at Pilipino.

Binanggit naman ni Dr. Lumbera si EA Manuel at ang kanyang artikulo sa introduksiyon ng Tagalog Poetry 1570-1898. Inamin niyang naging masyado siyang dependent sa Vocabulario samantalang mayroon pang ibang paraan para tuklasin ang ugat ng mga katutubong tula.

Ngunit di maglalaon ay mahahalata na rin ang maraming pagkakaiba ng dalawang babasahin. Tulad na lamang ng mga ito:

1. ang kay Dr. Lumbera ay maraming pagbabanggit sa mga banyagang iskolar at manunulat (bukod sa mga Kastila). Halimbawa: ayon kay Dr. Lumbera, maaaring hindi poetika ng indibiduwal lamang na makata ang pagkakaroon ng organic unity sa tula tulad ng sinasabi ni TS Eliot. Bakit? Sapagkat makikita na sa mga akda ng makatang Tagalog noon pa man ang pagkakaroon ng organic unity o ang paghahanap ng iisang bagay mula sa kalikasan o sitwasyon sa buhay upang maipahayag ang isip nila’t damdamin. Isa pang halimbawa nito ay ang pagpapakita niya ng paralelismo sa estruktura ng mga kawikaan sa iba’t ibang kultura. Ang “iba’t iba” ay tumutukoy sa kultura ng ibang bansa. Ang ibinigay niyang halimbawa ay:

a. kanluranin: Like master, like man at Many men, many minds.
b. at kawikaan ng Zulu na ipinakita raw ni CL Sibusio Nyembesi.

Samantalang ang kay EA Manuel ay puro lamang Kastila at misyonero. Mayroon siyang binanggit na Francis Lambrecht na nagsagawa ng pag-aaral ukol sa epikong Hudhud ng mga Ifugaw. Ito ay isa ring pari. Marami ring nabanggit na mga lokal na iskolar at manunulat si EA Manuel. Ilan dito ay sina Leopoldo Yabes na nag-aral ng Ilokong epikong Lam-ang, si Vicente de Veyra na nangolekta ng 222 ambahan, si Juan Balmaceda na nagsuri rin ng panulaang Tagalog at siyempre si Dr. Jose Rizal, ang may-akda ng Arte Metrica del Tagalog.

Ang pagkakaibang ito ay maaaring dulot ng pagkakalathala ng mga babasahin. Ang kay Dr. Lumbera ay isang doctoral dissertation sa wikang Ingles para sa Indiana University sa US. Maaaring kailangan niyang maipakita na marami siyang nabasang aklat o pananaliksik mula sa ibang bansa na makakatulong sa kanyang disertasyon.

Ang kay EA Manuel ay nakasulat sa Filipino at inilathala sa journal na Katipunan ng Ateneo de Manila. Ang ginawa niyang pagsusuri sa tanaga ay pulos nakabatay sa pagsusuri rin na ginawa ng mga iskolar at manunulat sa mga lokal na panitikan. Puro lokal ang reference kumbaga.

2. ang kay Dr. Lumbera ay mas nakasentro sa pagbibigay-depinisyon, pagbibigay-halimbawa, pagbibigay-kahulugan ng mga katutubong tula. Para itong primer ukol sa katutubong tulang Tagalog. Bukod sa mga impormasyong iyan, matagumpay na nailatag sa babasahing ito ang paraan ng pag-iisip ng mga:

a. Tagalog (na siyang may-akda ng mga nakalathalang tula). Halimbawa nito ay pagpapalipas-oras gamit ang intellect ng mga Tagalog. Mababanaag iyan sa mga bugtong na isang linguistic game. Kahit sa oras ng pahinga, ang isip ng mga Tagalog ay walang tigil sa pagiging malikhain.

b. Ng mga misyonero. Sapagkat marami sa mga tulang kinalap ng misyonero ay ukol sa kababaang-loob at mababanaag na maging sa gawaing pang-iskolar ay umiiral pa rin ang pagiging pari at mananakop ng mga misyonerong ito. Pinahahalagahan ng mga misyonero ang pagkakaroon ng kababaang-loob kaya marami silang inilathalang halimbawa ng mga tulang tumatalakay dito. Importante ito upang maging asal-Kristiyano ang kanilang nasasakupan. Ngunit bukod doon, maaaring hindi nila natatanto, ito ay isang paraan din upang mapanatili nilang alipin ang kanilang sinasakop. Kung ito nga naman ang lalabas na mga sinasabi’t pinahahalagahan sa mga panulaang Tagalog, malaki ang posibilidad na ito ang isasabuhay ng mga katutubong kasalukuyang nasasailalim nila. Halimbawa ng mga katutubong tulang ito ay ang sumusunod:

Mataas man ang bondoc Though the hill be high
mantay man sa bacouor and reach up to the highland,
iyamang mapagtaloctoc, being desirous of heights,
sa pantay rin aanod. it will finally be reduced to flat land.

Mataas man ang paho Though the paho tree be tall,
malangba ang pagtobo its foliage lushly growing
ang doso rin ang lalo, t, the doso herb is still better off
hangini di maobo. for strong winds can’t uproot it.

Ang kay EA Manuel ay mas nakasentro sa panahon kung kailan nagsimula ang pagsusulat ng tanaga. Sinipat niya ang:

a. salitang tanaga na sinasabi niyang wikang katutubo at hindi Kastila,
b. ang maaaring katumbas o kaanyo ng tanaga sa ibang panitikan o kaalamang-bayan tulad na lamang ng ambahan,
c. ang pagkakaroon ng talinghaga at hiwaga ng tanaga na makikita rin sa ambahan,
d. ang saknong ng tanaga na aapating taludtod na hindi makikita sa iba pang katutubong tula at malaya ang mga saknungan nito.
Inisa-isa niya ang katangian ng tanaga na nakasulat sa Vocabulario saka siya nag-imbestiga.

3. Ang pagsusuri sa tanaga. Ginamit ni EA Manuel ang tanaga bilang isang pananda ng isang panahon sa panulaaang Tagalog. Ang tanaga raw ay maaaring buntot ng matandang panahon ng panulaang Tagalog. Dahil dito, maiisip ng mambabasa kung gaano kaganda at ka-profound ang mga tulang walang impluwensiya pa ng Kastila at sa kasawiampalad ay maaaring hindi na mababasa o mapakikinggan kailanman.

Ang kay Lumbera naman ay ang function ng tanaga o ang tanaga bilang ekstensiyon ng kawikaan at bugtong. Sinundan din niya kung paano itong ginamit ng mga Tagalog. Sa una ay kadalasang para maiparating ang pangaral sa kapwa,

Bata bapag magsayi You don’t mind walking on
sa olang marayiri, in spite of the unceasing rain,
baquit damdaming burhi,i, so why be concerned that your heart
ualang pandongin moui? is exposed as it heads for home?

hanggang sa pag-usad ng tanaga bilang kasangkapan sa pagpapahayag ng sarili at hindi na iyong bilang daluyan na lamang ng setimyento at perspektibo ng komunidad na kinabibilangan ng makata.

Ang palar kong nasacona, My fate has taken a bad turn,
ipinagtatanong co nga, and I would like to know
cun sinong cahalimbaua, who is like unto me,
nasa cati nagigiua. ashore but being tossed by waves.


Bagama’t marami akong natutuhan kay Dr. Lumbera, mas nagustuhan ko ang artikulo ni EA Manuel. Bukod sa ramdam na ramdam ko ang excitement ng awtor sa paraan ng pagkakasulat niya sa kanyang artikulo, (naisip ko nga, kung may audio ito ay tiyak na mabilis ang kanyang pagsasalita at medyo matinis ang kanyang boses sa excitement) ay napakasiyentipiko pa ng lapit ng kanyang pagsusuri. Animo’y isang organismo ang tanaga na palutang-lutang sa isang baso ng formalin. Hinango at pagkatapos ay saka ineksamen ni EA Manuel ang mga katangian nito at inihambing sa mga katangian ng mga organismong kasabayan niyang nabuhay ( ineksamen din pagkaraang hanguin sa kani-kanyang baso ng formalin.) At lahat ng ito ay ano? Para malaman ang edad ng organismong kung tawagin ay tanaga. Parang CSI ang dating.

Nakakatuwang may mga iskolar na hindi talaga tinatantanan ang pagsisiyasat sa matatandang anyo ng panitikang Filipino tulad ng tanaga kahit pa daan-daang taon na ang nakalipas mula nang mauso ang mga ito. Nang matapos ako sa dalawang babasahin, ang naisip ko, sana ay mabahiran din ako ng sigasig ng mga awtor sa pananaliksik ukol sa nasabing paksa. Kahit 1/4 lang ng sa kanila.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...