Ang tagal bago ko naisulat ang Paunang Salita sa CCP Safe Space Handbook.
It was my first time to manage a book of this kind.
Kaya wala akong maisip na sabihin. Kahit ang dami kong natutuhan! As in.
For example, mag-ingat ka naman sa hina-hire mo. Baka sexual predator pala iyan. Kapag binibigyan mo sila ng opportunity to earn, para ka na ring nag-aalaga at nagbibigay ng bitamina sa isang halimaw. They get stronger because of you. They are energized by your attention. And funding. Dahil dito, mas marami silang power. Para magsamantala ng kapwa. Para mang-abuso ng bata at mahina.
So, anong ginawa ko para maisulat ang Paunang Salita? Pauna pa naman pero ito ang last piece na isinulat sa libro, hahaha.
1. Binasa kong muli ang lahat ng bahagi ng libro. Fifth time ko na.
2. Nirebyu ko rin ang goals ng proyekto. Bakit nga ba ito naisip ni Sir Chris Millado? Bakit ipinagpatuloy ni Sir Dennis Marasigan?
3. Kinausap ko ang partner ko sa trabaho na ito. Si Ms Mae Caralde. Tinanong ko kung ano ang sasabihin namin (bahala na raw ako), ok ba sa kanya na sa wikang Filipino ko isusulat ang Paunang Salita. Siya kasi ang co-author ko sa piyesang ito. (Yes daw.) At ikokonsulta ko sa kanya ang sulatin bago tuluyang i-insert sa handbook.
4. At ang huli kong ginawa: direkta kong inimadyin, inisip, at kinausap ang target readers.
Narito ang Paunang Salita ng CCP Safe Space Handbook. Nasa comment section ang link ng libre at downloadable na librong ito.
Ano ang gagawin mo kung bully ang iyong katrabaho?
Ano ang gagawin mo kung lagi kang inaasar at iniinsulto ng iyong boss?
Ano ang gagawin mo kung may malisya ang mga dantay ng iyong kaeksena sa teatro o pelikula?
Ano ang gagawin mo kung may nakikita kang maling pagtrato sa bata habang kayo ay nasa isang rehearsal?
Ano ang gagawin mo kung ang sining na iyong kanlungan ay naging isa nang lunan ng opresyon?
Noong 2022 ay nagpasya ang Gender and Development Committee ng Cultural Center of the Philippines na tipunin ang mga tanong na ito at subuking sagutin at tugunan. Sa ibang bansa, gaya ng U.S., mayroon nang mga gabay at reading materials patungkol sa pagiging safe space ng mga tanghalan at espasyong para sa sining at kultura.
Kaya napapanahon ang paglalathala ng katulad na publikasyon para sa sarili nating Tanghalang Pambansa. Noon isinilang ang ideya ng CCP Safe Space Handbook.
Ang CCP Safe Space Handbook ay naglalayon na makatulong upang mapanatili ang pagiging isang kanlungan ng CCP.
Kanlungan na patas at makatarungan sa lahat ng oras, at sa lahat ng tao, lalong lalo na sa mga alagad ng sining, cultural worker, opisyal at empleyado ng CCP, manonood, patron at iba pang miyembro ng komunidad na itinataguyod ng CCP.
Matatagpuan sa librong ito ang sumusunod:
1. Kahulugan at paglalarawan sa mga konseptong may kinalaman sa karapatang pantao, safe workspace, bullying, harassment at iba pa;
2. Step by step na instructions o mga hakbang na dapat gawin kung ikaw ay nakaranas ng bullying, harassment at katulad na sitwasyon;
3. Paglalahad ng iba sa sarili nilang danas;
4. Mga payo ng propesyonal na sikolohista;
5. Downloadable na incident forms;
6. Link sa mga kaugnay na batas sa Pilipinas; at
7. Mga reliable na sanggunian at reading materials.
Ipinapaliwanag sa librong ito na pagkaganid sa kapangyarihan ang tunay na dahilan kung bakit may unsafe spaces sa mundo. Ang mga ganid ay posibleng tao, indibidwal, grupo, institusyon, kompanya, sistema.
Ipinapaliwanag din sa librong ito, na ang isang paraan upang mapatigil ang mga ganid sa kanilang ginagawa ay ang magsalita laban sa kanila, mag-ulat laban sa kanila, magtulungan at magsama-sama laban sa kanila.
Magbuklat at magbasa.
Dahil sa librong ito, malalaman mo: may kakampi ka sa sining at kultura.
Mae U. Caralde at Beverly Wico Siy
Mga Tagapangulo
CCP Gender and Development Technical Working Group
No comments:
Post a Comment