Tuesday, July 6, 2021

Ang Sentro para sa Batang Filipino sa Panahon ng Krisis (Sanaysay)

Ang Sentro para sa Batang Filipino sa Panahon ng Krisis

Beverly W. Siy

Marso 2020 nang magdeklara ng lockdown ang Pangulong Rodrigo Duterte. Gaya ng karaniwang Filipino, lahat kami sa aming munting opisina, ang Intertextual Division ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ay nagulat. At napuno ng agam-agam. 

Paano ang mga nabinbin na trabaho, ang kailangang bayaran na mga alagad ng sining at manunulat? Paano ang mga proyekto namin na gaganapin sa loob ng Sentro? Totoo kayang matatapos din ang lockdown na ito? May trabaho pa kaya kami pagkaraan ng lockdown? May magagawa ba kami ngayon?

Pagsapit ng Abril, agad kaming sinabihan ng aming Vice President at Artistic Director na si Sir Chris B. Millado na irebisa ang aming existing na proyekto mula Hunyo hanggang Disyembre 2020, at gawin ang mga itong responsive sa krisis na dulot ng COVID-19. Kailangang makatulong ang aming mga proyekto sa bayan, kahit na may krisis, kahit na mahirap ang sitwasyon. Aniya, ito ang pinakamagandang pagkakataon para ipakita namin na ang aming mga gawaing pansining at kultura ay hindi lang para sa panatag na panahon, kundi para din sa panahon ng ligalig. Sapagkat ang aming mga gawain ay may malasakit, may pakinabang, dahil tumutugon sa kasalukuyang pangangailangan.

Kaya naman, ang taunang pagdiriwang ng National Children’s Book Day na ginaganap nang face-to-face sa Sentro/Cultural Center of the Philippines (CCP) ay kinansela ko noong 2020. Ito ay pinanukala kong maging website at e-book. Inaprubahan ito ng aking boss na si Mam Libertine dela Cruz, ang Officer-in-Charge ng Cultural Content Department, at ni Sir Chris. Kaya isinilang ang… Sa Pagbabasa, Hindi Ka Nag-iisa website at e-book! Ang pamagat nito ay hango sa tagline ng Philippine Board on Books for Young People para sa pagdiriwang ng NCBD 2020.

Ang https://sapagbabasahindikanagiisa.wordpress.com/ website ay koleksiyon ng mga akdang pambata tungkol sa COVID, lockdown, quarantine, at kooperasyon para sa kalusugan na gawa ng mga Filipinong manlilikha. Mayroon din itong komiks, artworks, tula, kanta, calligraphy, at mga video. Matatagpuan din sa website ang downloadable nitong bersiyon sa anyo ng e-book. Ito ay ginawa para kahit anong oras at kahit sa mga panahon na walang internet, basta na-download na ang libro, ay makakapagbasa ang mga bata, magulang, estudyante at guro. Ako ang nagsilbing patnugot. 

Ang mga nasa website ay makikita rin sa e-book maliban sa mga video. Dagdag na content sa e-book ang mga kuwento at artwork na gawa mismo ng mga batang sina Enzo Joaquin Tacorda, Kate Nicole Romero, Rene Antonio de Leon Salcedo, Carlos Miguel Barredo, at Lia Bettina Fave A. Espiritu. Ang e-book ay inilunsad sa Arts Express CCP Children’s Biennale noong Nobyembre 2020. At ang nagbigay ng mensahe ay si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Ang tula niyang Maghugas ng Kamay ay inilathala sa e-book. Ito ay nilapatan ng musika at ginawan ng video ni Abigail Jashael Bagabaldo. Ang video ay nasa website habang ang musical notes ay nasa e-book.

Ang ibang departamento ng CCP ay naghandog din ng programa para sa bata at tungkol sa bata.

Halimbawa nito ay ang dulang Titser Kit na mula sa Production Management Services Division, Production and Exhibition Department sa patnubay ni Sir Ariel Yonzon. Katuwang ng CCP rito ang Writers Bloc at Tanghalang Pilipino. Itinanghal ito noong Hunyo 2020. Isa ito sa mga blockbuster na dula ng Virgin LabFest 2020 KAPIT: Lab in the Time of Covid (A Virtual Labfest Lockdown Edition). Ang VLF 2020 ay ang kauna-unahang theater festival na ginanap sa online na paraan. Ang Titser Kit ay pinangunahan ni JM Salvado bilang Patrick at Io Balanon bilang Titser Kit. Tungkol ito sa batang Lumad, si Patrick, at ang danas niya bilang bagong estudyante sa isang eskuwelahan na malayo sa kanyang kinalakhan na lugar at kultura. Nagtago at nanatili si Patrick sa bodega dahil pakiramdam niya ay ligtas siya doon, hanggang sa siya ay matagpuan ni Titser Kit. Ang dula ay isinulat ni Jobert Grey Landeza, samantalang si Adrienne Vergara naman ang direktor.

Noong Agosto 2020, mula sa Artist Training Division ng Arts Education Department sa pangunguna ni Mam Eva Mari Salvador, itinuloy ang recital ng Kabataang Gitarista sa sarili nitong Facebook page at sa FB page ng CCP Arts Education. Ang recital ay binubuo ng solo classical, akdang Filipino, at mga akdang popular. Ang KG ay isang grupo ng mga public high school student mulang Maynila, Pasay a0t Paranaque. Sila ay tumatanggap  ng free trainings  ng CCP sa pagtugtog ng classical guitar, sa patnubay nina Dr. Ivar-Nicholas Fojas, Fernando Sy-Changco III, David Tiongson at Edel Mark Bitao. Ang proyektong ito ay layon na ipakilala sa kabataan ang classical guitar at ang pagpapahalaga sa musika nito. Di naglipat-buwan ay nagdaos ng Classical Guitar Appreciation and Basic Instruction Series Workshop si Sy-Changco III sa pamamagitan ng Zoom, at ini-stream ito sa mga Facebook page ng Arts Online at Arts Education Department . Ito ay nagtagal nang limang sesyon. Ang guro ay dating kasapi ng KG, at ngayon ay naglilingkod rito bilang mentor.

Mula pa rin sa Arts Education Department ay ang Arts Express: CCP Children’s Biennale na ginanap sa online platform mula Oktubre hanggang Nobyembre 2020. Ito  ang ambag ng Sentro sa pagdiriwang ng National Children’s Month ng Pilipinas.

Ito ay nagbukas sa pamamagitan ng event na Tricks and Musical Treats: A PPO Family Concert, na handog pa rin ng Artist Training Division ng nasabing departamento. Taon-taon idinadaos ang concert na ito na ang layunin ay mailapit sa puso ng mga bata at mga pamilya ang musikang likha ng orchestra. Pinamagatang “A Virtual Adventure in Camp Melodia” ang 2020 edition, itinampok din dito ang mga nagdaang family concert na naging bahagi ng pelikula. Mayroon ding mga bagong pagtatanghal ng ilang kasapi ng Philippine Philharmonic Orchestra. Ang nagpadaloy ng programa ay si Liesl Batucan. Sa CCP Children’s Biennale din inilunsad ang MALA  (Movies Adapted from Literary Arts), isang serye ng puppetry film para sa mga bata at ang pinakauna rito ay ang Ibong Adarna. Ito ay bahagi ng Sining Sigla, ang virtual outreach program ng aming pangulo na si Sir Arsenio “Nick” Lizaso at ang kanyang tanggapan (CCP Office of the President). Ang manunulat ng MALA ay ang ventriloquist at writer na si Ony Carcamo, habang ang direktor naman ay ang pamosong aktor na si  Xian Lim. Mayroon ding segment na kung tawagin ay Curtains Up! Ito ay mga bago o kaya ay re-purposed na mga pagtatanghal sa teatro, sayaw at musika.

Nakipagkolaborasyon naman ang Tanghalang Pilipino at ang Anino Shadowplay Collective para sa isang serye ng pagtatanghal na nagtampok ng librong pambata, ang Pamanang Pahina. Ang mga librong ay ang Mga Giyera sa Katawan ni Mark,  isinulat ni Dr. Luis P. Gatmaitan, at iginuhit ni Ariel Santillan; Ang Bagong Kaibigan ni Bing Butiki, isinulat ni Yna Reyes, at iginuhit ni Jason Moss; at  ang May Mga Lihim Kami ni Ingkong, muli ni Dr. Luis P. Gatmaitan, at iginuhit ni Beth Parrocha-Doctolero. Nagbahagi ng karanasan at umawit din ang batambatang soprano na si Alexa Kaufman at ang  opera singer na si Gerphil Flores sa segment na Small Voice. Binigyang-buhay ng Philippine Ballet Theater ang kuwentong pambata na Cinderella, tampok ang choreography ni Ron Jaynario.

Sa segment na pinamagatang Mga Kuwentong Karapat-Dapat ay itinampok ang mga akdang inilathala ng Center for Art, New Ventures & Sustainable Development (CANVAS). Ito ay ang “Tahan Na, Tahanan,” “Nadia and the Blue Stars,” at “Inang Kalikasan’s Bad Hair Day.” Ito ay isang storytelling event na nilahukan ng shadow play, sayaw, at musika at itinanghal ng Anima Tierra, Daloy Dance Company, at Anino Shadowplay Collective. Nagtanghal din si Abner Delina Jr. na siyang direktor ng event. Ang layunin ng segment na ito ay bigyang-diin sa mga bata ang halaga ng tahanan, lipunan at kalikasan. 

Hindi rin nagpahuli ang film bilang anyo ng sining sa CCP Children’s Biennale. Sa segment na Pelikulit ay nagpalabas ng maiikling animation film ang Film, Broadcast and New Media Division ng Sentro.

Isa sa pinakamahalagang bahagi ng Arts Express ay ang arts workshops na nilahukan ng mga batang 8 hanggang 12 taong gulang. Naroon ang Anino Shadow Collective na nagturo ng shadow play, nagturo din ng pagpapatugtog ng instrumentong banduria na bahagi ng rondalla si Sir Noli Rodriguez, ang direktor at conductor ng Philippine Women’s University JASMS Rondalla.  Sa Peek A Book Illustration Workshop ay natuto ang mga bata kung paanong gumawa ng sarili nilang libro gamit ang mga cut out na hugis. Nagbigay din ng basic puppetry workshop ang  Philippine Ambassador of Puppetry  na si Wanlu Lunaria.

Sa loob ng CCP Children’s Biennale ay may bahaging tinatawag na Arts Playground.  Naroon ang mga music event na pinangunahan ng Board Member namin na si Mam Nikki Junia ng MusikGarten. Ito ay nilahukan ng mga sanggol at bata na hanggang walong taong gulang. Nagturo din sa mga bata ng mga batayang dance movement ang CCP Dance Workshop School. 

Hindi lamang tungkol sa sining at pagtatanghal ang Children’s Biennale. Tungkol din ito sa mga komunidad at ugnayan. Ang segment na Arts Connect ay naglalayon na makapagsagawa ng cultural exchange at appreciation ang mga batang mula sa sari-saring kultura, background, at komunidad. Kabilang na rito ang mga batang kalye. Pinangunahan ito ng performance artist na sina Mae Paner, Kawa, at J.K. Anicoche, katuwang ang Komunidad X. Naging bahagi rin ng Biennale ang mga taga-Kutitap, sila ang kabataan ng mga komunidad ng katutubo. Nagbahagi sila, nagkuwento, at nagpakita ng kanilang kultura at tradisyon, kasama na ang mga pagkain, sayaw at musika, sa mga kapwa nila batang kalahok ng Art Trek.

Sa Biennale rin inilunsad ang Batang Sining Facebook page bilang platform para sa malikhaing pagpapahayag at mga collaboration opportunity para makagawa ng arts content na para sa mga bata, magulang, at guro. Ang Batang Sining ay nagsimula bilang  workshop noong 1989 at nakatuon sa pagpapakilala ng iba’t ibang anyo ng sining sa mga bata upang ang mga bata mismo ang makapaghayag ng kanilang mga sarili sa malikhaing paraan. Ito ay mula sa mga konsepto nina Rene Villanueva at Hermie Beltran (ang boss ko noon sa Intertextual Division). Ang dalawang ito ay siyang naging pangunahing tagapagtaguyod ng Batang Sining.  Sa Batang Sining ng Children’s Biennale ay nagturo si Dr. Luis Gatmaitan kung paanong magsulat ng kuwentong pambata sa Let’s Write and Tell A Story at kung paanong lumikha ng sariling libro sa session na Book Making. 

Naging espesyal na bahagi ng biennale ang book launch at workshop na “Cely’s Crocodile (Life and art of Araceli Dans Lee)” at paglulunsad at storytelling na “Sa Pagbabasa Hindi Ka Nag-iisa.” Ang dalawang ito ay handog ng Intertextual Division. 

Isa pang malaking proyekto ng Sentro ang inilunsad noong Nobyembre 2020. Ito ay ang digital edition ng  CCP Encyclopedia of Philippine Art (EPA). Handog ito ng Cultural Research and Development Division sa patnubay ni Mam Libertine Dela Cruz. Ang CRDD ay kasama namin sa Cultural Content Department na pinamumunuan din ni Mam Libertine. Isa sa mga layunin ng CCP EPA ay ang matulungan ang mga bata sa kanilang pag-aaral, gayundin ang mga tech-savvy na estudyante sa kanilang pananaliksik. Ayon kay Sir Chris, ito ay ang “online version of the encyclopedia that can be viewed with the need of an internet connection and subscription. The website comprises up-to-date information about different art forms, as well as additional visuals like videos.” Kaya tamang-tama ang pagkakalunsad nito sapagkat naging remote learning ang moda ng edukasyon ngayong covid crisis.  Hindi pa natin mapagsama-sama ang mga estudyante at kaguruan sa iisang lugar. Mapanganib. Ayon pa kay Sir Chris, “the project is an answer to the challenge of contemporary times to access information right away without the constraints of distance and time.”

May siyam na section ang website. Ang section tungkol sa Peoples of the Philippines ay may tinatawag na mga master essay tungkol sa 54 na mga ethnolinguistic group, ito ay magkakasunod-sunod ayon sa alpabeto, mula Aeta hanggang Yakan. Ang iba pang section ay nakatuon sa walong uri ng sining: Architecture, Visual Arts, Film, Dance, Music, Theater, Broadcast Arts, at Literature. Ang bawat seksiyon ay nahahati sa Historical Essays, Forms and Types, Aspects, Works, at Artists and Organizations. Naglalaman din ang digital encyclopedia na ito ng daan-daang video excerpts mula sa mga pagtatanghal ng dula, sayaw at musika. Lahat ito ay mula sa napakalaki at napakalawak na video archives ng CCP. Sa kasalukuyan, higt sa 5,000 artikulo ang laman ng website. Mayroon din itong higit sa 5,000 larawan mula sa print edition. Bisitahin ang encyclopedia sa epa.culturalcenter.gov.ph. 

Marami pang ginawa ang Sentro para sa batang Filipino ngayong may pandemya. Hindi ko na ililista ang lahat dito at kukulangin talaga ako sa espasyo. Mahihinuha mula sa mga nabanggit na proyekto ng CCP, na kahit sa gitna ng krisis ay hindi nagpatinag ang Sentro. Mabilis itong tumugon, umagapay sa teknolohiya. Mabilis itong nagpalit ng estratehiya, ng lunan ng mga pagtatanghal. Mabilis nitong inaral ang mga posibilidad at pagkatapos ay migrate agad sa online platforms. Personal kong nasaksihan ang mga pag-a-adjust na ginawa ng mga taga-teatro para sa VLF 2020. Nasa kasagsagan na ng paghahanda ang VLF team para sa face-to-face na theater production nang biglang mag-lockdown. Nang lumipas ang shock ay balik agad sa trabaho ang core team. Napakaraming pagpupulong ang naganap, sa Zoom. Halos araw-araw ang kumustahan at updating ng bawat isa. Ang group chat ay abalang-abala sa dami ng dapat ikonsulta sa mga kasapi ng produksiyon. Naghiraman ng gamit, halimbawa ay props, dahil walang makabiyahe at bawal din ang pumasok sa CCP Main Building, naroon ang props. Kanya-kanyang rehearsal sa sariling mga tahanan, instant production assistant ang mga kasama sa bahay.

Sa aming division, napakapalad ko dahil ako at si Kuya Jeef Marthin Manalo lamang ang may edad. Mga bata ang kasama ko. Early 20s ang edad nina Erika Antuerfia, Marjorie Almazan, Stacy Anne Santos at Geraldin Villarin. Pisikal na malusog at maliksi, at mahusay sa gadgets, teknolohiya at social media. Nagsasagawa rin kami ng mga meeting sa Facebook Messenger. Sa umpisa, ang mga meeting namin ay bahaginan ng pangamba sa virus. Para bang palapit ito nang palapit sa aming mga barangay! Ngunit kalaunan, nang mahimasmasan kami ay back to work na rin. Umuusok ang group chat at email ng opisina sa maya’t mayang palitan ng mensahe at email. Kaliwa’t kanan ang follow up namin sa mga tao na kailangang hingian ng permiso para sa website at libro, kumustahan na ng ISBN mula sa National Library, pagsipat sa latag ng mga pahina at cover ng aming layout artist na si Ronie Chua Padao, pag-check ng video para sa paglulunsad, biglang napa-voice over si Erika, at marami pang iba. Kay hirap talaga. Ang inisip na lamang namin ay ang mambabasa at ang manonood. Dapat may matapos kami. Dapat may mailathala kami. Dapat may maitanghal kami. Dahil mayroong mambabasa. Mayroong makikinig. May manonood sa amin. Una na rito ay ang mga bata. 

Ipinagpapasalamat kong mabilis na nagdesisyon at nanindigan ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas: kahit sarado ang Tanghalang Pambansa, tuloy-tuloy ang Sentro sa paghahandog ng mga publikasyon at pagtatanghal upang tulungan ang mga bata, lalo na ang mga batang Filipino, na  tuklasin at danasin ang yaman at kagalingan mula sa sining at kultura ng ating bansa. 

Noon at ngayon, ang pangako ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ay patuloy na alagaan ang haraya ng kabataan. 


No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...