lately, lagi na akong nasa opis. kahit monday. pero nag-off ako ng Tuesday. nagpahinga ako. tapos noong wednesday, sinamahan ko si dagat sa therapist niya. kasama si papa p at ayin. hapon na ako nakarating sa opis. it is becoming a family thing. i am so sad about it. it bleeds us dry of course financially. 650 per therapy, twice a week. pero at least nakikita namin ang improvement. ang alert na ni dagat. he responds to us. wala na rin siyang masyadong gadget. pero namamalo pa rin siya kapag nae-excite siya.
the first time i went with them to the therapist, last wednesday, naluluha ako habang kausap ng therapist ang katabi kong mommy, yakap ng mommy ang anak niyang kasing-edad ni ayin. oct 8 pala ang birthday nito, oct 7 si ayin. pareho sila ng year. the mom was a little older than me. sabi ng therapist sa kanya, hindi po niya kayang maghulog ng barya sa piggy bank, hindi po kaya ng anak ninyo ang humawak ng tong. at marami pang mga bagay na di kaya ng kanyang baby girl. pinapayuhan siya kung ano ang activities na dapat gawin para ma-develop ang skills na iyon sa baby. doon na ako naluluha. hindi ako ang kausap pero luha ko ang nangingilid. sa isip isip ko, ganito rin kami mamaya, bukas,sa isang araw,next week, next month, next year. putangina, kaya ko ba? the fuck. never in my life na naimadyin ko 'to. i know bibigyan ako ng diyos ng mga problema, hirap sa pera, hirap sa magulang, hirap sa mga kapatid, hirap sa trabaho, pero puta, problema sa kondisyon ng anak? no. no. no. no.
the mom listened carefully, ine-explain din niya ang actions ng anak niya, "aaa, gusto niya ng dede, ng gatas." but she was patient, calm, collected. di ko kaya maging ganon. panic na ako sa kaibuturan ko. at litong-lito. bakit ako lord? ba't kami ni papa p? bakit mo kami bibigyan ng ganito? paano na mga pangarap ko for dagat? gusto ko siyang maging piloto someday. gusto ko siyang maging businessman. paano na? no. no. no. mali ka, lord, hindi ito para sa amin. nagkamali ka ng napatawan. bawiin mo na itong joke mo.
noong kami na ang kinakausap ng therapist, minimal naman pala ang negatives. hindi raw nagre-respond sa command na jump si dagat. aba, kahit walang tatalunan, tatalon iyan. hindi totoo iyan. pati nga buto-buto ko tatalunan ng hinayupak na iyan, e. di raw kaya ni dagat na maghawak nang maayos ng panulat. kaya dapat daw sanayin na mag-crayon. hindi raw sumusunod sa kanya agad. aba e bago siyang kakilala. iyak daw nang iyak. aba e bago itong pinuntahan namin. bago ka. bago lahat. at ang mga positive, oooh, parang summer day sa tagbaha season, very mobile, mahusay sa shapes, sa colors, advance ang motor skills. nakalimutan ko na ang iba. di na ako masyadong nalungkot. umalis kami na puno ng pag-asa na delayed lang si dagat, hindi talaga autistic. ganon nga yata sa umpisa, in denial ka ano
habang nag-aabang ng dyip pabalik, hindi ko pa mawari ang dibdib ko. masaya ba, malungkot, may lumbay, namimigat, alanganin? dumiretso kami sa lumina mall sa imus at pumasok sa jollibee. may namataan akong isang 10 year old boy na nakatapat sa eskaparate ng party favors. isa siyang special child. nakatunganga siya sa eskaparate at kung lumingon man sa tao, parang nakatingin pa rin sa kawalan. walang focus ang mata, nakabuka ang bibig, torso lang ang gumagalaw, nakapako sa may tiyan niya ang kanyang mga kamay. may katabi siyang normal na batang babae at pareho silang nakaharap sa eskaparate at sa mesa nito. bigla kong naisip, matalino talaga ang diyos,ano? hindi niya tayo gagawing perpekto kasi gusto niyang maranasan natin, matuklasan natin, kung gaano kalalim magmahal ang isang tao. pag perfect ang mamahalin mo, di ba, kay dali ng lahat? at sa sobrang dali, mapapaisip ka rin, pag-ibig nga ba itong nadarama ko o paghanga lamang? o pagpanig sa convenience? parang joke lang. joke na pagmamahal. masaya lang, ganon.
ang tunay na pag-ibig, madarama mo iyan kapag naroon ka't nananatiling nakaalalay, nananatiling nakagabay, nananatili, para sa isang tao na kayhirap ibigin. kasi andami niyang pingas: hindi niya kayang maghulog ng barya sa alkansiya, hindi niya kayang maghawak ng tong, hindi sumusunod pag pinatatalon, di niya kayang maghawak ng panulat, hindi niya kayang sumunod sa mas matanda, nakatunganga siya sa eskaparate at kung lumingon man sa tao, parang nakatingin pa rin sa kawalan, walang focus ang mata, nakabuka ang bibig, torso lang ang gumagalaw, nakapako sa may tiyan ang kanyang mga kamay.
naisip ko ang magulang ng special child sa jollibee, gusto ko silang makilala, gusto ko silang tanungin ng kumusta, gusto ko silang yakapin nang mahigpit, gusto kong sabihin, wui, kayo rin, kayo rin, mga tunay tayong umiibig.
Thursday, March 14, 2019
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment