Thursday, August 16, 2018

Translating for the Millenials (Sanaysay)

ni Bebang Siy

1. Gamitin ang wika ng millenials, ang wika ngayon.

Basahin ang posts nila sa social media para magkaroon ng idea kung paano sila magsalita, kung paano silang mag-construct ng pangungusap, kung paano sila mag-express ng feelings tulad ng tuwa, inis, frustration, at iba pa, kung paano sila makipag-usap sa mga kaibigan nila, kung paano sila mag-express ng opinyon, kung paano silang magtanggol ng sarili at kung paano sila mag-isip.

BFF, bromance, pakshet- Pukiusap
Mun’tanga- Paper Towns
Yayamanin- Manggagaway
Magaspang siya- naging pronoun na ang isang bagay.
Kayo ba? –para siyang code ng isang kultura.

Bakit ang wika ngayon ang aaralin at gagamitin natin sa ating salin?

Kasi ang salin na gagawin natin ay hindi ang huling salin ng isang akda. Huwag tayong masyadong mayabang, hindi lang tayo ang makakapagsalin ng akda na iyan. So huwag na nating problemahin kung maiintindihan ba ng ibang generation ang ating salin. We are translating for the millenials, focus muna tayo sa kanila dahil tayo ang magsasalin para sa kanila.

2. Minimal editing is ok.

Hindi totoong neutral ang mga salin or faithful ang mga salin. Laging mayroon kang pinapanigan dahil sa pagpili pa lamang ng mga salitang gagamitin, may pinapanigan ka na. So, use this power responsibly.

Noong road trip scene sa Paper Towns, nagmamadaling makabalik sa minivan ang bidang si Q at ang mga kaibigan niyang sina Lacey at Ben. Tumalon si Q at bumagsak sa mga plastic bag at kandungan ni Lacey. Inedit ko ito at ginawang sa paanan ni Lacey. Para sa akin, unnecessary ang pagsasalin ng kandungan dahil sa kultura natin, napaka-seksuwal ng salitang kandungan. May landian o seduction na nagaganap. Sa partikular na eksenang iyon ay wala, at hindi rin mahalaga kung may sexual tension nga sa eksenang iyon sa pagitan ni Q at ni Lacey, ang jowa ng bespren niyang si Ben.

Sa karanasan ko naman sa editing, isang one-act stage play na pinamagatang Mula sa Kulimliman sa librong VLF Anthology 3 ang pinalitan ko ng isang salita dahil nagpo-promote ito ng gender stereotype. Sa tingin ko ay wala naman ito sa intensiyon ng playwright na si Carlo Vergara.

Ang orihinal na linya: Pero habang wala ako, ikaw ang lalaki sa bahay. Ibig sabihin, dapat binabantayan mo ang nanay mo, at dapat inaayos mo ang pag-aaral mo.

In-edit ko: Pero habang wala ako, ikaw ang nandito sa bahay. Ibig sabihin, dapat binabantayan mo ang nanay mo, at dapat inaayos mo ang pag-aaral mo.
Sa Paper Towns, ang original na linya ng bidang si Q: she’s just a girl!

Paano ko isasalin ito? Babae lang siya! Batang babae lang siya! Isa lang siyang batang babae! Isa lang siyang babae!

Mali, e. Dahil hindi naman minamaliit ni Q ang pagiging babae ni Margo, ang girl na tinutukoy sa pangungusap. So, inaral kong maigi kung bakit nga ba ito nasabi ni Q sa bahaging iyon ng nobela. Binalikan ko ang mga chapter before that line. Sinuri ko ang relasyon nilang dalawa, ano ang damdamin ni Q kay Margo nang sabihin niya iyon, ano ba si Margo, bakit siya masasabihan nang ganon? Ano-ano ba ang mga ginawa niya sa nobela?

At napagtanto ko na kaya nasabi ni Q iyon ay dahil sobra ang paghanga niya kay Margo, nago-glorify niya ito at ang mga aksiyon nito nang hindi siya aware o malay. At galit na galit siya dito kasi hindi niya maintindihan si Margo. Bakit hindi niya maintindihan si Margo? Dahil mali ang pagtingin niya rito. Kaya napabulalas siya ng she’s just a girl, it was a wake up call. Tao lang si Margo, tulad niya, tulad ng mga kaibigan niya, tulad ng lahat.

Kaya iyon ang salin: tao lang din si Margo.

3. Aralin nang mabuti ang tone o himig ng orihinal na akda.

Isalin pati ang himig. Kung sarkastiko ang orihinal, sarkastiko rin dapat ang salin. Kung naaasar, dapat gayon din sa salin. At kailangan, sarkastiko at pagkaasar na mula sa kultura ng target reader, hindi mula sa kultura ng orihinal na akda.

Mula sa Pukiusap:
Juice colored, hindi ko kaya PMS ng Lolo Plato mo!
Sinabi mo, ganyan din si Socrates, paupo-upo lang buong araw, reklamo to the max, nguyngoy dito, nguyngoy doon! (page 123)

Tangina this! Ang ine-expect ko, walang panlabas na sex organ ang babae. Ba’t eto, meron? May panlabas na sex organ ang babae!!!

4. Pulsuhan ang pacing ng orihinal na akda.

Sa Pukiusap, magkakapantay-pantay ang bawat chapter. Explosive lagi, may sari-sariling climax ang bawat chapter. Hindi siya “nagpapahinga.” Kaya sa pagsasalin ko, sinasabayan ko ang pagratrat din niya.

Sa Paper Towns, bihirang nagmumura ang bida. At sa unang banggit ng bullshit, galit na galit na ang bida. Kaya nang isalin ko ito ay putangina. Dahil ito na ang rurok ng galit ng bida. Climax na.

5. Gumamit ng reliable na sources, lalo na kapag may special set ng terms.

Halimbawa nito ay ang reproductive system para sa Pukiusap. Ang ginamit ko bukod sa mga diksiyonaryo tulad ng UP Diksiyonaryong Filipino ay ang librong Kapag Walang Doktor ang Kababaihan, isang reference book para sa kababaihan mula sa mga 3rd world na bansa. It is a medical book that also tackles social issues like poverty, social discrimination, etc. pagka-graduate ko sa college, napasok akong writer/researcher sa isang NGO for women. Dito ko unang nakita ang libro, so 2003 iyon, so mga 15 years ko nang kilala ang libro at hindi nagbago ang reliability nito pagdating na sa reproductive health terms.

Puke for vagina
Tinggil for clitoris
Pisngi
Labi
Puwerta o butas ng puke
Butas para sa pag-ihi

6. Mind your basics.

Last year, I attended the PRWF session about writing genres that have emerged in the Philippines. Ang speakers ay puro millenials like the writer of Vince, Kath and James and Maine Lasar, the very young writer who started in Wattpad, and later on when she joined the Palanca, nanalo siya ng grand prize sa nobela.

Batay sa kanila, napaka-harsh ng millenial readers pagdating sa maling spelling, bantas, grammar. Sa mundo ng Wattpad, pinupuna raw talaga ang mga ito. Ija-judge ka agad, iba-bash at ipo-post ka hanggang maging viral ka, sama-sama ka nilang lalaitin at pagtatawanan.
Bakit? Dahil may means sila to do it. Hindi ito personal. They just have the means to do it kaya nila iyan ginagawa.

Sa Paper Towns, na-bash ang gawa namin dahil medyo pangit ang quote na napili ng National Book Store para i-promote ang libro. Na-judge na tuloy ang buong libro.

Ipabasa sa iba ang gawa natin para maiwasto na ang dapat iwasto. Basahin uli ang finished product para maipawasto ang dapat maiwasto. Sa Pukiusap ay may isang naputol na sentence! O nawala ang last letter dahil siguro hindi na kasya sa speech balloon.

7. Piliin ang translation projects.
Isalin natin ang mga akdang wala pa rito, isalin natin ang akdang innovative sa content at form. Isalin ang mga akdang makakatulong sa atin bilang tao at isang bayan.
Ituring natin ang husay natin sa pagsasalin bilang yaman ng Pilipinas. Pag ganito tayo mag-isip, magsasalin ba tayo ng basura? Bakit tayo magsasalin ng sandamakmak na erotika o romance novel kung mahuhusay naman ang sarili nating erotika at romance novels? Bakit uunahin ang magsalin mula sa ibang bansa kung mayroon tayong mga akda na magaganda, makabuluhan at nangangailangan ng pagsasalin sa wikang pambansa?
Alam n’yo ba na mas marami tayong national artist for literature na nagsusulat sa Ingles? Puwede nating umpisahan ang pagsasalin sa kanila sa sarili nating mga wika.
8. Ipabasa sa target reader ang draft mo.
Ipinasalin ko sa Ingles ang IAMW sa isang lalaking manunulat na kaedad ko. Pero ipina-edit ko ito sa dalawang lit graduate na millenial para ma-check kung ok sa millenial ang pagkakasalin at ang language, siyempre. Nagbayad ako. In short, paglaanan natin ng resources ang manuskrito ng salin. Hindi porke salin iyan ay hindi natin siya aalagaan.
Ang salin ng Paper Towns ay ipinabasa namin sa teenager naming anak. He was 4th year high school at that time, mag-je-JS prom din! Nakakatuwa nga kasi coincidence. Isang napakaimportanteng bahagi ng Paper Towns ang JS prom. Wala namang violent reaction ang anak kong si EJ sa salin namin! Awa ng diyos!
Unfortunately itong Pakiusap, I did not have the time to have it read by a millenial. Pero kung nagkaroon ako ng pagkakataon, ipapabasa ko ito sa kanila at hihingiin din ang kanilang opinyon.
9. Huwag matakot mag-imbento ng salita.

Nakokornihan ako sa faithful na salin ng Forbidden Fruit, ang salin sa Ingles ng orihinal na title sa Sweden. Ang options ko ay: Bawal na Bunga, Bunga na Bawal, Ipinagbabawal na Prutas, Ipinagbabawal na Bunga. Lahat iyan, bagsak sa akin. At ayaw ko sanang i-propose pero kailangan kong bigyan ng options ang publisher.

A year ago, nagbabalak akong magpublish ng koleksiyon ko ng mga tula. Mga 20 taon kong naipon ang aking mga tula. Ang naiisip kong title ay Pakiusap, na siyang title ng isa kong tula tungkol sa mingaw para sa mangingibig. Tapos, naisip ko na masyadong seryoso kung ang title ng libro kong ito ay Pakiusap. Hindi bagay sa buong koleksiyon dahil hindi naman lahat ng tula ko roon ay malungkot. Nag-post ako sa FB, sabi ko, ang susunod kong libro ay Pukiusap ang pamagat. Bumili kayo!

Nagkatotoo nga, ito nga sumunod kong libro. Bagay na bagay, ano? Word play ng pakiusap at sa buong libro ay hinayaan ngang makipag-usap o makipagdiyalogo ang puki.

Ang point ko, ‘wag matakot mag-imbento ng salita kung sa tingin natin ay hindi sapat ang mga salitang available para maipanumbas sa orihinal na teksto. Makipaglaro sa wika.
Mula sa Paper Towns:

Meron na kaming supplies. Marami nang maiihiang bote si Ben. Meron na akong rasyon ng beef jerky. Hawak na ni Lacey ang Mentos niya. May t-shirt na sina Radar at Ben, ipinatong nila ito sa sa kanilang gown. Nagmistulang isang biosphere ang minivan –basta’t may gas, lalarga lang kami. Magpasawalanghanggas. Amen.

Kahit sa original works, i-apply ito. Narito ang mga title ng book ko:
a. It’s A Mens World, play siya sa word na mens na dalawa ang kahulugan: regla at mga lalaki, and at the same time, sikat siyang statement sa Amerika, meaning, ang lahat ay ginagawa nang lalaki ang nasa isip bilang beneficiary, kaya mas lumalaki ang advantage ng lalaki sa lipunan na ito.
b. It’s Raining Mens, play din siya sa word na mens bilang regla at mga lalaki, and at the same time ay pagbibigay-pugay siya sa kantang it’s raining men ng spice girls.
c. Nuno sa puso, word play siya sa pangalan ng mythological creature sa Pilipinas na nuno sa punso, isang maliit na matanda (kaya nuno, ninuno) na naninirahan sa punso (anthill), iginagalang ito, kaya tayo nagtatabi po, nuno, kapag naglalakad sa mahalaman na lugar, dahil ayaw nating magalit siya. At pinaniniwalaan na may kakayahang manglansi ang nuno kapag ito ay ginawan ng masama. Ang libro ko naman ay tungkol sa pagiging wisdom o pagiging mature o matanda pagdating sa love, sex at relationship. Kaya nuno sa puso.

May naiisip pa akong libro na pamamagatan kong Titikman, tungkol ito sa isang superhero ng mga book lover, siya ang nagre-rescue sa mga book lover na nasa mahirap na sitwasyon. Halimbawa, kapag ang book lovers ay napagsarhan ng library, nahihirapang maghanap ng libro, may librong kailangang ipadala sa mga remote na baryo sa Pilipinas. Matalino si Titikman, mahilig magbasa, adik din sa books, mahilig magsulat ng love letters, magandang kausap, at higit sa lahat, medyo bastos. Titikman. Perfect.


4 comments:

jep buendia said...

Kahit hindi po ako nagsasalin, may natutunan po ako mula sa post na ito.

Hanggang ngayon ay target ko pa ring makabili ng "Pukiusap". Pumunta ako sa isang maliit lang na branch ng NBS, lumapit po ako sa may customer service nila, tapus hindi ko po masabi yung title, ang tinanong ko na lang po ay kung anong mga title ang meron sila na libro po ninyo... tapus, wala ang Pukiusap sa nabanggit; at humirit pa po ako ng tanong kung ano ang available na meron sila, ang sabi yun nga po yung "Nuno sa Puso". Kaya pag humupa na po ang baha at napadpad sa ibang NBS branch, sasabihin ko na po yung title ng libro hehehe. #SKL

Kaabang-abang po ang Titikman :)

Waiting for a SIGN..♥ said...
This comment has been removed by the author.
Waiting for a SIGN..♥ said...

Miss Bebang, malapit ko na po makumpleto ang books nyo. Kaso po yung Mingaw saan po ba makakabili non?? 27 naman na po ako at may asawa na, pwede ko na po yun basahin. hehe Salamat po :) ito po ang aking email address: lilayroxas@gmail.com Salamat po at mabuhay po kayo! <3

bebang siy said...

Hi, lilay, salamat. I sent you an email.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...