Saturday, August 18, 2018

Siyam na Awtor na Nagsusulat sa Wikang Filipino- artikulo para sa CNN Philippines

Ngayong Buwan ng Pambansang Wika, malugod kong inirerekomenda ang mga manunulat na ito na masugid na nagsusulat sa wikang Filipino.



1. Lualhati Bautista



Ang pinakaastig na manunulat noon hanggang ngayon.



Opkors, sinong Filipino ang hindi nagdaan sa mga akda ni Mam Lualhati? I am so sure nakabasa ka ng at least one book na gawa niya. Nariyan ang mga classic: Bata, Bata, Paano Ka Ginawa? Dekada 70, ‘Gapo, at Bulaklak sa City Jail. Ang kanyang latest books na siya mismo ang naglathala sa pamamagitan ng Dekada Publishing ay ang mala-sci fi/spec fic na In Sisterhood Lea at Lualhati kung saan nag-uusap ang character niyang si Leah Bustamante at siya, ang manunulat, at ang Sixty in the City, isang nobela tungkol sa pagiging babaeng senior citizen.



Matapang ang kanyang panulat na kadalasang tumatalakay sa mga seryosong isyung panlipunan. Pero bakit nga ba siya binabasa nang marami? Simple lang, magaan basahin ang wika sa kanyang mga akda, napaka-honest ng kanyang mga tauhan pagdating sa pagpapahayag ng damdamin.



2. Maine Lasar

Ang wonder girl ng panitikang Filipino. Si Maine ay taga-Batangas, nag-umpisa siya sa blog at Wattpad (justmainey ang pangalan niya), at doon niya hinamon ang sarili na magsulat ng nobelang mananalo ng Palanca award. At nanalo nga ang isinumite niyang Toto O. bilang grand prize winner sa nobelang Filipino sa Palanca, ang pinaka-prestigious na creative writing contest sa Pilipinas. Ordinaryo at simple ang paraan ng pagkukuwento ni Maine. Pero umaapaw sa katotohanan at malalalim na kislap-diwa ang kanyang mga akda, kaya before you know it, nasa dulong pahina ka na ng kanyang libro.

Speaking of libro, narito ang kanyang mga akda: Quantum Meruit mula sa Psicom, AB Initio mula sa LIB, Sa Kasuluk-sulukan ng Kalye Padrelima mula sa Balangay Production, Toto O. mula sa Pagejump Media at A Legal Affair mula sa ABS-CBN publishing.

3. Almayrah Tiburon



Ang tinig ng Marawi. Si Mam Mye Tiburon ay isang guro sa Mindanao State University Main Campus. Napaka-produktibo niyang manunulat sa sariling wika, ngunit higit lalo sa wikang Filipino. Kahit nang panahon na nililigalig ng dahas ang Marawi, patuloy siyang nagsusulat, nagpo-post sa Facebook at ina-update ang lahat sa kalagayan ng mga kababayan natin sa bahaging ito ng Mindanao. Buntis pa siya nang lagay na iyon!



Ang wika niya ay malinaw , napakahusay din niyang maglarawan sa sari-saring mga tao.



Ang kanyang koleksiyon ng mga maikling kuwento ay pinamagatang Terminal 1 at Terminal 2 na available sa Buqo bookstore, isang tindahan ng mga digital book. Hitik ito sa pananaw, buhay at kultura ng mga Meranaw. Ang kanyang akda ay matatagpuan din sa Laoanen 1 at Laoanen 2 na inilathala ng all-women Gantala Press, Inc. Si Bb. Tiburon din ang special editor ng Antolohiyang Marawi sa loob ng Ani 40, ang literary journal ng Cultural Center of the Philippines (CCP).



4. Bob Ong



The Bob Ong. Weirdo ka kung hindi ka pa nakakabasa ng kahit isa sa labing-isang libro ni BO. Naku, this guy deserves a lot of credit. Dahil sa kanya ay sumigla uli ang pagbabasa ng kabataan sa librong nakasulat sa wikang Filipino. Imagine, ang kabataan, nag-iipon para lang makabili ng libro ni BO? Kahit si Rizal, di iyan na-achieve, ha? (Dahil sigurado akong pera ng magulang ang ipinambibili ng kabataan sa mga kopya nila ng Noli at Fili.)



Dalawa ang paborito ko sa kanyang mga libro: Stainless Longganisa na tungkol sa pagsusulat, pagkamanunulat at publishing industry sa Pilipinas, at Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang Mga Pilipino? na tungkol naman sa identidad, politika at kultura ng ating bansa.



Bukod sa conversational ang Filipino ni Bob Ong, very experimental din siya sa kanyang mga sulatin. Lagi niyang sinosorpresa ang mambabasa, mula sa paksa at himig hanggang sa book design. Alam n’yo ba na isa rin siyang translator? Isinalin niya sa Filipino ang The Witcher, isang akda mula sa Poland. Ang pamagat nito ay Ang Manggagaway na siya ring pamagat ng buong libro. Koleksiyon ito ng mga kuwento mula sa Central Europe na isinalin sa wikang Filipino at inilathala ng Visprint, Inc.



Narito ang iba pang libro ni BO na available sa Lazada at sa major bookstores nationwide: ABNKKBSNPLKo, Alamat ng Gubat, MacArthur, Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan, Lumayo Ka Nga Sa Akin, Ang Paboritong Libro ni Hudas, Kapitan Sino, Si, at 56 (ang kanyang latest). Kompleto ka ba ng Bob Ong Books?



5. Maki dela Rosa

Ang makata at mandudula. Si Maki dela Rosa ang nag-iisang babaeng playwright na tampok sa Virgin Labfest 2018 ng CCP. Gustong-gusto ko ang one-act stage play niyang Labor Room dahil sinasalamin nito ang mga nanay na siyang pangunahing mga tauhan sa kanyang dula: pagkaingay-ingay, magulo, marumi, pero laging open arms sa pagtanggap ng batang bagong panganak. Ang nauna niyang dula, Ang Mga Bisita ni Jean, na tungkol naman sa mga aktibistang hindi na aktibo sa kilusan ay nalathala sa ikatlong antolohiya ng Mga Piling Dula mula sa Virgin Labfest na inilathala ng CCP. Mayroon siyang isang aklat ng mga tula, ang Hanggang Doon Na Rin Lang, na inilathala ng grupo ng manunulat na Kataga.

Nakakasabik mag-abang sa mga susunod na akda ni Maki dela Rosa dahil para itong galaw ng asoge, unpredictable.

6. Christine Bellen

Ang modernong Lola Basyang. Isang guro sa Ateneo si Mam Christine at awtor ng mga akdang pambata. Siya rin ang nag-retell ng sangkaterbang kuwentong pambata ni Severino Reyes, ang ama ng sarsuwelang Tagalog, at mas kilala bilang Lola Basyang. Yes, lalaki si Lola Basyang!

Dahil sa masinsin na research at maingat na pagpili ni Mam Christine kung ano sa 400 kuwento ni Severino Reyes slash Lola Basyang ang kanyang ire-retell, napalutang niya ang pinaka-exciting na mga akda ni Lola gaya, ng Rosamistica, Ang Prinsipeng Unggoy, Ang Kapatid ng Tatlong Marya, Labindalawang Masasayang Prinsesa , Ang Mahiwagang Kuba at Pandakotyong. Ito ay inilathala ng Anvil Publishing bilang mga libro at ginawang fantaserye ng GMA 7.

Sa paggamit ni Mam Christine ng angkop na Filipino para sa kasalukuyang henerasyon, napamahal uli si Lola Basyang sa mga bata. Muli niyang binuhay ang mundong ikinukuwento ni Lola: malalayong lupain, mga hari at reyna, prinsipe at prinsesa, maging ang salamangka, mahiwagang mga nilalang, at paglalakbay sa kung saan-saan.



7. Manix Abrera

Komikero sa isip, sa salita, at sa gawa. Si Manix ay manunulat at visual artist na naninirahan ngayon sa Baguio. Siya ang kumatha ng komiks na Kikomachine sa diyaryong Philippine Daily Inquirer. Umabot na sa isang dosena ang compilation nito na nilathala ng Visprint sa anyo ng mga libro. Kinakatawan ng mga tauhan ang college students sa Pilipinas kaya sa mga libro ni Manix ay witty and contemporary ang wikang Filipino. Pareho kami ni Manix na mahilig magpatawa sa pamamagitan ng mga akda, at sa tunay na buhay. Oooh... rakenrol.

Kumatha rin siya ng wordless graphic novels, ang 12 at ang 14. Wala itong teksto o wika. Nada, as in zero. Iyon nga, title lang ang mayroon, tulad ng Mga Tagpong Mukhang Ewan at Kung Ano-ano pang Kababalaghan, at Die! Die, Evil, Die! Puwede bang mag-judge ng book kung title lang ang alam natin? Puwede! Available ang mga libro ni Manix sa NBS at sa Lazada.

8. RM Topacio Aplaon

Kontemporanyong nobelista. Minsang nakakuwentuhan ko si RM tungkol sa pagsusulat, napahanga ako sa vision niya sa kanyang mga akda. Ang libro niyang Lila ang Kulay ng Pamamaalam na inilathala ng University of the Philippines Press ay ikatlo lang pala sa pitong nobelang magkakadugtong na ang sentro ay lungsod ng Imus sa lalawigan ng Cavite. Shit, may sumusulat pa ba nang ganyan ngayon? Ang tindi ng stamina. Ang tindi ng disiplina. Ang tindi ng haraya.

Magaang basahin ang Lila. Tama lang dahil napakakapal ng librong iyan na tungkol sa pag-ibig at pamamaalam. Enough said. Basta, mabilis lang ang pagbabasa. Pero kung gaano kagaan ay siya namang lungkot ng hagod ng bawat pangungusap. Kung may kaaway ka’t gusto mong paiyakin, regaluhan mo siya ng Lila.

Ang latest book ni RM ay Muling Nanghaharana ang Dapithapon, handog pa rin ng UP Press.

9. Jerry Gracio

All-around-lahat-na-you-already kind of writer. Si Sir Jerry ay isang makata, scriptwriter, essayist, manunulat ng memoir at… lover. Ipinanganak siya sa Tondo, pero lumaki sa Mondragon, Northern Samar, at ngayo’y naninirahan sa Valenzuela.

Ilang tula sa mga libro niyang nasa wikang Filipino ang nabasa ko. Ito ay ang Aves at ang Apokripos, parehong mula sa UP Press. Ang wika ni Sir Jerry ay masasabi kong intimate at accessible. Para ka lang nakikipagkuwentuhan sa kaibigan, pero ito iyong kaibigan na gusto mong saluhin ang lahat ng sinasabi sa iyo, dahil walang tapon, maski isang salita. Hiyas ang isa, hiyas ang kabuuan.

Hanga rin ako sa range ng kanyang panulat. Kayang-kaya rin niya ang pangkomersiyal na mga akda gaya ng teleseryeng The Greatest Love (2016) at pelikulang Talong (1999) hanggang sa historikal na Balangiga: Howling Wilderness, na humakot ng parangal sa FAMAS kabilang na ang Best Original Screenplay.

Ang isa pang libro ni Sir Jerry ay Waray Hiunong Sa Gugma (Walang Tungkol Sa Pag-ibig) mula sa Ateneo de Naga University Press. Mga tula ito na orihinal niyang isinulat sa Waray at isinalin sa Filipino. Narito naman ang kanyang latest, mainit-init pa mula sa imprenta: Bagay Tayo (sanaysay at memoir) at Hindi Bagay (tula) mula sa Visprint. Itong Bagay books, ayon sa isang mambabasa, ay tungkol sa pag-ibig na walang kasarian. Nakabili ako nitong huli during the Philippine Readers and Writers Festival 2018 sa Raffles Hotel, Makati. Excited na akong buklatin ito upang ako ay umani ng hiyas.



Ito na ang dulo ng listahan, my friend. Napakarami ko pa sanang gustong isama. Pero in the meantime, sa palagay ko, marami-rami ka nang hahanapin at babasahing libro na nasusulat sa ating wikang pambansa. Hanggang sa muli, maligayang pagbabasa!

Kung may tanong, komento o mungkahi, makipag-ugnayan kay Beverly Siy sa beverlysiy@gmail.com o sa 0919-3175708. Nalathala ang artikulong ito sa CNN Philippines noong 17 Agosto 2018 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ito ang link: http://cnnphilippines.com/life/culture/literature/2018/08/16/pinoy-authors.html. Salamat kay Bb. Portia Ladrido para sa pagkakataon na makapagsulat at makapaglathala sa CNN Philippines.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...