Monday, June 15, 2015

Royalties ng Isang Awtor

Para sa mga gustong magkaroon ng idea kung magkano ang natatanggap na royalties ng isang karaniwang awtor sa Pilipinas, narito ang sa akin.

It's A Mens World

para sa 2011-2013= P30,000 +
para sa 2014= P20,000 +
para sa 2015= P17,000 +

Ang aklat na ito ay inilatlaha ng Anvil Publishing noong 2011. Ang retail price niya sa National Book Store at iba pang bookstore ay P195.00.

Sa karanasan ko sa Anvil, laging delayed ang pagbabayad nila ng royalties. Pero hindi naman super delayed, mga isa hanggang dalawang linggo lang namang delayed. Naranasan ko rin ang mag-follow up para makuha ang royalties ko. Ipinadedeposit ko na lang ang tseke para hindi na ako gagastos sa pamasahe at para tipid din sa oras (mula sa side ko). Ipinadadala rin sa email ang report tungkol sa royalties. Nakasaad doon kung ilan ang nabentang aklat at kung magkano ang mapupunta sa akin. Ang maganda sa Anvil, reliable siya. Walang paktaw ang pagbabayad ng royalties taon-taon.

Marne Marino

para sa 2013= P 243.00
para sa 2014= P 2147.00
wala pa ang para sa 2015.

Ang aklat na ito ay isang pambatang aklat. Inilathala ito ng LG&M na isang imprint ng Vibal Publishing noong 2013. Ang retail price niya sa mga pangunahing bookstore ay P65 hanggang P75.

Hindi ako inabisuhan na puwede nang kunin ang royalties ko rito sa Vibal kaya ang tseke para sa 2014 ay noong Pebrero pa ang petsa. Buti na lang at naglakas-loob na akong magtanong kung may royalties ako (na actually ay dahil kulang pa kami ng ipambabayad sa ospital pag nanganak na ako kaya naghanap talaga kami ng mga collectibles hahaha), kung hindi ay baka napaso na ang tseke para sa akin. Ang unang royalties para sa akin ay wala sa anyo ng tseke. ito ay ibinigay na lamang bilang cash, kasabay ng tseke para sa 2014. Masyado raw kasing maliit ang halaga kaya hindi na itsineke. Sa dokumentong pinapirmahan at ibinigay sa akin, walang nakalagay kung ilan ang kopya ng Marne Marino na nabenta. Ang naroon lang ay ang amount kung saan nila kukunin ang royalties para sa akin. Nasa Sales Department daw ang dokumentong nagsasabi kung ilan ang nabentang kopya.

Nuno sa Puso I at II

para sa August hanggang December 2014= P 5,000+
para sa January hanggang Abril 2015= P10,000+

Dalawa ang aklat na ito. Sa mga book store, ang bawat kopya (mapa-I or II man) ay P180. Pag isang set ang binili, P360. Inilathala ito ng Visprint, Inc. noong 2014.

Ilang linggo bago lumabas ang mga Nuno sa publiko, hiningi na ng Visprint ang bank details ko. I assume para iyon sa royalties. At noong Pebrero 2015, himala nga akong nakatanggap sa aking bank account ng mahigit P5k. akala ko noong una, may nagkamaling magpadala sa akin ng limpak-limpak na salapi! Haha! Pero noong March, pagdalo ko sa WIT event ng Visprint, isang empleyado ng visprint ang nag-abot sa akin ng isang envelope na naglalaman ng dokumento tungkol sa aking royalties. may pinapirmahan din siya na receiving copy ng mga dokumento.

confirmed. royalties ko nga mula sa visprint ang pumasok na 5K plus sa aking account. Nakadetalye sa mga dokumento ang dami ng nabentang kopya at kung sino-sino (as in tao, may pangalan ng tao) at kung ano-anong branch ng book store ang nabentahan ng aklat. Nakakatuwa! sobrang detalyado! Ngayon namang Abril 2015, on time na pumasok sa bank account ko ang royalties ng mga Nuno. Hindi ako nag-follow up pero dumating ito on time. Ipinadala rin ng visprint via email ang mga dokumento para sa na-cover na period ng aking royalties ngayong Abril. Hay, heaven sent!

Sana nakatulong sa inyo ang mga isinaad ko rito. Kung may tanong kayo, gamitin natin ang comment box sa ibaba. Puwede ring mag-email sa akin sa beverlysiy@gmail.com.

payo sa baguhang manunulat

dapat huwag kang mahiya na magtanong ng writing assignment. manghingi ka, kung puwede naman.

sabi ko 'yan kay R, isang fresh graduate ng journalism sa isang state university.

nag-meeting kami para sa isang isyu ng komiks na bubunuin namin ngayong buwan na ito. sa sobrang dami ng nagpuntang writer, including senior writer na tulad ko, may dalawang attendee ang hindi nabigyan ng writing assignment. ang isa ay editor ng pang-high school na komiks na bubunuin din ngayong buwan na ito (siya lang mag-isa, kaya ok lang daw na wala siyang writing assignment mula sa department namin) at si R.

kinailangan kong tanungin si R kung may nakuha siyang writing assignment para masiguro ko na wala nga siyang natanggap pag ako ay nag-inquire na sa taong nagbibigay ng writing assignment. nang sabihin ni R na wala ngang naibigay sa kanya, sabi niya, okey lang po, okey lang po. at matindi ang pag-iling niya nang ituro ko ang taong nagbibigay ng writing assignment. wala pa akong sinasabi, hindi pa bumubuka ang bibig ko noon.

sabi ni R, expected ko naman po, kaya okey lang po. hindi na po. 'wag na po.

sabi ko, sayang naman ang punta mo rito at pakikipag-meeting sa amin kung hindi ka makakapagsulat sa susunod na isyu. itanong na natin at baka meron namang ibigay sa iyo.

ang tindi pa rin ng iling niya.

kaya nasabi ko ito:

dapat huwag kang mahiya na magtanong ng writing assignment. manghingi ka, kung puwede naman.

tapos nagkuwento ako sa kanya at sa katabi niya na fresh graduate din ng journalism at kasama rin naming writer ng komiks. sabi ko, kaya ako napunta rito ay dahil sa gawa ng anak ko. ang isina-submit ko kay sir ay tula ng anak ko. tapos ni-reject niya ito. tinanong niya ako kung interesado akong magsulat ng komiks na pambata. kahit wala akong experience ay inoohan ko ito, saka ako nagtanong ng writing assignment kay sir. ayun, binigyan naman ako. that was 5 years ago. minsan, sa isang isyu ay nakakadalawang kuwento ako. im so happy. after one year, nabigyan pa ako ng dagdag na assignment. ginawa akong scriptwriter para sa mainstay na character sa likod ng komiks namin.

sabi ko kay R, lagi akong humihingi ng assignment. ba't naman ako mahihiya? e ito ang talent ko, ang pagsusulat. kung gusto nating mabuhay dito, tayo ang hahanap ng isusulat, tayo ang hihingi ng isusulat. walang dapat ikahiya diyan. hindi naman tayo nagnanakaw.

habang nagsasalita ako ay namula nang husto ang mga mata ni R. tapos namula ang ilong niya. maya-maya, pahid na siya nang pahid ng kanyang panyo sa mukha. naiyak si R!

nailang na ako. hindi ko alam ang background ni R. bakit emotional siya pagdating sa raket? o sa mga writing assignment? ngayon lang kaya niya na-realize ang buhay-manunulat, isang type, isang tuka ang peg? na kailangan talaga e makapal ang mukha namin para mabuhay sa pagsusulat? o naiyak siya dahil may concerned sa kanya na kapwa manunulat?

i doubt it.

feeling ko, naiyak siya kasi nakakahiya nga naman iyong ganon, ang liit-liit na nga ng bayad sa amin, kailangan pa niyang hingiin ang isusulat niya, ang ikabubuhay niya. naiyak siya kasi nakakawasak ng pride ang ganon. pagkatapos mo nga namang mag-aral nang apat na taon, manghihingi ka lang pala ng raket, para makapagsulat, para magkapera.

well, ganon talaga. nakakaiyak. nakakawasak ng pride ang propesyon na ito. kaya nga siguro, walang nagtitiyaga sa pagsusulat. at iyong nagtitiyaga, iyong mga naiiwan, tapos na sa phase na iyan. hindi na nagugulat. ang iniisip na lang, bilang manunulat, paano niya maiimpluwensiyahan ang mambabasa? sa pamamagitan ng kanyang akda, paano niya mapapag-isip ang mambabasa na ang mundong ginagalawan nito ay nangangailangan ng kaunting pagbabago?




Sunday, June 14, 2015

Unang Mga Damit at Gamit

Iniisa-isa ko ang bundle gift na iniabot ni Mam Ruby Gamboa Alcantara noong huli akong nag-guest sa kanyang mga klase sa UP Diliman. Ngayon ko lang kasi ito todong binuksan. Napakarami palang laman.
Bigkis
Pang-swaddle
Pang-itaas na sleeveless
Pang-itaas na long sleeves
Pajama
Mittens at booties

Wala na kaming problema sa welcome clothes ni Karagatan! Yey!

Ang saya ko! Ito rin iyong feeling ko sa tuwing makakakita ako ng naka-display na wedding gown sa mga mall ng Divisoria. Hindi ko alam kung bakit, siguro dahil sa kulay? Lahat, puti.

Thank you po uli sa aming ninang sa kasal, si Dr. Ruby Gamboa Alcantara. Isa po kayong biyaya!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...