Saturday, December 29, 2012

2013, HELLo!

noong isang araw ay nagkuwentuhan kami ni mam andrea, cv at ate grace sa may pancake house ortigas, sa ortigas na kasi lilipat ang nbdb at dinalaw namin ang bagong opisina.

nang time na yun ay inis na inis ako sa nanay ko (susulat ako ng separate entry tungkol dito). naikuwento ko kina mam andrea yung mga ginawa niya. tapos tanong sa akin ni mam, ano ang work ng mga kapatid mo?

sabi ko, yung isa po si incha, negosyante sa mindoro. di po yun masyadong matalino pero napaka-streetsmart. very entreprenuerial. nagpapa load po siya sa mindoro. saka po nung unang dating niya doon, pinagkaguluhan siya kasi ang puti puti niya. tanong daw nang tanong sa kanya yung girls doon kung anong ginagamit niyang sabon, e wala naman siyang ginagamit na espesyal na sabon. (miski ang nanay kong tisay ang nickname, walang espesyal na sabon para sa katawan. minsan nga, sabong panlaba pa ang gamit niyan pag nataon na walang-wala, ni pambili ng sabong mabango.) so naisip ni inchang magbenta na lang ng sabon at lotion-lotion. yung sarili niya ang ginawa niyang endorser. si kim ang bumibili sa divisoria at ipinapadala sa mindoro, hati sila sa kita. e talagang andaming bumibili ng sabon at lotion ke incha, andami nilang kita.

yung si kim naman, malas sa trabaho. sa di malamang dahilan ang lagi niyang inaaplayan ay yung entry level: cashier, marketing staff at iba pa. college graduate naman, business admin pa ang course pero iyong mga posisyon na yon ang ina-apply-an niyang lagi. o, ganito kamalas ang batang yan: dalawa na ang nagsarang establishment right after na mapaglingkuran niya o habang naglilingkod pa siya. tipong kaya siya mawawalan ng trabaho e dahil nga magsasara na yung establishment. ang isa ay bing-go na convenience store sa kanto ng kamias at edsa, ang isa naman ay isang japanese restaurant ni leilani enriquez (jowa ni erap) along e. rod. at malapit sa st. lukes. hindi ko naman alam kay kim kung bakit hindi siya nagle-level up kapag nag-a-apply siya ng bagong work samantalang nag-gain na siya ng experience. anyway, nasa vigan si kimkim ngayon. nandoon kasi si erwin at si atom. ngayong december, natanggap daw si kimkim sa puregold vigan at nagsimula na agad na mag-training. office work daw siya this time.

si budang naman, manager ng jollibee sa glorietta. dati siyang manager sa yellow cab kaya lang ang bigat daw nung trabaho dun dahil isa lang ang manager kada shift at kapag uma absent ang kapalit niyang manager, dire diretso ang shift niya. kaya nag-quit na lang siya at lumipat sa jollibee. dun daw kasi ay 7 silang manager kada shift kaya mas magaan daw ang trabaho. (ano raw? di ba kayod bubuyog doon? nahihibang lang ata itong si budang)

si colay naman... wala. nasira talaga buhay nun. di namin alam kung ano ang ginagawa ngayon, kung saan nakatira o kung saan kumakain/nakikikain. pasulpot-sulpot sa bahay ng nanay ko para kumain, makiligo at kumuha ng damit. minsan dala niya si bianca at hihingi ng pera para kay bianca. minsan makikitulog silang dalawa doon. aasarin ang nanay namin. mumura murahin niya si mami. aawayin tapos mapipika naman ito, si mami, na mapagpatol sa katulad ni colay at dahil pareho silang emotionally unstable or aning-aning sa madaling salita, magsisigawan sila at papalayasin si colay. pati si bianca. at aalis naman yung pinapalayas. ganun ang gawain ni colay buong taon, taon-taon.

sabi ni mam after marinig ang mga sagot ko, so ikaw na ang pinaka-financially stable sa inyo?

opo kako. siguro na-shock siya.

a few months ago kasi, nagpaalam ako sa kanya. sabi ko tatapusin ko na lang po ang kontrata ko sa nbdb, till dec. 31 na lang po. nakakapanghinayang, sa totoo lang. ang laki kasi ng suweldo. 27k. net yan! at malapit pa sa bahay namin ang opis. nakakasalamuha ko pa ang mga manunulat at publisher sa trabaho ko.

kaso lang, pagkaraan ng ilang buwan ko sa nbdb, may mga bagay na sa tingin ko ay naiipit dahil sa trabaho ko doon. yung respeto ko sa sarili ko, yung ilang prinsipyo ko, at eventually, yung happiness ko. puwede ka ba namang maging masaya nang tapyas-tapyas ang respeto mo sa sarili at patiwarik ang ilan mong prinsipyo? hindi. hinding-hindi.

at kapag di ka na masaya, kahit milyones pa ang suweldo mo, balewala rin. the best talaga ay umalis, lumipad at dumapo sa bulaklak ng kalachuchi. mabilis akong nag-decide. alam n'yo kung bakit? parang relasyon lang yan. noon, nagtagal ako sa isang relasyon nang halos walong taon. kahit di na ako masaya. dahil...ang dami-dami kong dahilan. pero primarily dahil sa takot. natatakot akong baka di ko kaya. yung sitwasyon na kinasasadlakan ko noon, parang flying house, uprooted at nasa ere. at pakiramdam ko, pag lumabas ako, malalaglag ako. mamamatay ako. e ako lang mag-isa nun. at saka pala si ej. so malalaglag at mamamatay kaming dalawa. ready ba ako? hindi.

kaya naipit ako. yung respeto ko sa sarili ko. saka yung ilan kong prinsipyo. ipit na ipit. sobrang sad ko noon. what to do, what to do? ewan. que sera sera? ewan. kaya tumagal nang halos walong taon. baka nga sumampa pa ng isang dekada kung hindi lang talaga may dumating sa buhay ko na nagpalakas ng loob ko.

si poy.

kaya labs ko yan, e. kasi naging simbolo siya ng hope sa buhay ko that time. sabi ko, susubukan ko lang. try lang. try ko lang na makaalis sa relasyon na to. kasi may poy. kasi paglabas ko ng pinto, kahit napakadilim, kahit wala akong makita, alam ko, may hahawak sa kamay ko, sa kamay namin ni ej. paglabas ng pinto, bubulusok kami from langit to lupa in one second siguro. basag-bungo in one second. pero at least me hahawak sa kamay ko, namin, for a second, at least may comfort.

nilakasan ko loob ko. nakipag-break ako. finally. after almost 8 years!

siyempre iyak ako. iyak siya, si ex. sa sobrang iyak namin, nagduda ako kung tama ba yung gagawin ko. gulo-gulo rin ang isip ni ej. almost 8 years yun. almost 8 years naming mag-ina yun. pagulong-gulong ang mga alaala sa ulo ko. pagulong-gulong din ang mga luha ko. pero tumuloy ako. im sorry, im sorry, kako kay ex, but i just have to do this.

binuksan ko ang pinto saka ako pumikit. bumulusok na kung bumulusok.

paglabas na paglabas ko ng pinto, tangina, me maaapakan naman palang lupa. hindi pala uprooted ang bahay. wala pala sa ere! pagmulat ko, andun si poy. walang dalang parachute o lobo o isang bote ng helium o kahit man lang plastic balloon. wala. pero andun ang mga kapamilya't kaibigan ko, nakangiti, masaya para sa akin. e kaya ko palang lumabas. kaya naman pala namin ni ej. bat ba pinatagal ko pa nang halos walong taon? bakit? anong meron? takot?

kaya nang maramdaman ko ulit ang pagkaipit ng respeto sa sarili at ilang prinsipyo dahil lang sa trabaho, agad akong nag-decide. ang kaligayahan at kapanatagan, hindi pinakakawalan. dapat lagi kang on the go para habulin ang mga 'yan. lalabas uli ako ng pinto kung kinakailangan.

nagpaalam ako kahit di ko alam kung saan ko kukunin ang 27k buwan-buwan na mawawala sa akin. madilim uli sa labas ng bahay, tanaw na tanaw ko, pero di ako natatakot. nagawa ko na 'to noon, magagawa ko uli ngayon. at di na kelangan pang patagalin, utang na loob. six months ang contract ko sa nbdb, (parang service crew sa jollibee i know, pero renewable naman yun, kaya lang pag di ako nagustuhan after 6 months, eventually, tatanggalin din ako. sad.) pero hanggang diyan na lang 'yan.

nang magpaalam ako, tinanong ako ni mam kung ano ang balak ko. sabi ko, gusto ko pong mag-aral. tatapusin ko na ang masters ko. totoo naman. sampung taon ko na itong binubuno ay nako. overstaying na. baka madeport na nang tuluyan.

yun lang ang tinanong niya. anyway, so paano nga yung pera, yung source of income di ba? ang totoo, hindi ko alam. wala akong plano. ito yung darkness sa labas ng bahay. pero may munti akong parachute this time, sakali ngang uprooted naman pala itong kinasadlakan kong bahay. may konti akong savings. ang naiisip ko, ito ang gagamitin namin habang tinatapos ko ang pag-aaral ko, plus raket-raket, pantawid-gutom din ang mga yon.

kaya financially stable? hindi a. baka nga mas financially stable pa si incha. maraming pera yun dahil mas magaling siyang mag ipon.

ngayong 2013, i am expecting magiging crunch time ito para sa amin nina poy at ej. ikakasal pa naman kami ni poy. hay. iba na kasi ang hell ngayon. mobile na, tipong ikaw ang dadalawin. o, e, ano naman? para hell lang, hello? i've been there, anyway.

kaya hoy, 2013, hell ka man o ano, walang natatakot sayo dito, oy. bring it on, keep your fire burning.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...