Thursday, June 4, 2009

para kay bobby

Kinakabahan ako habang ginagawa ang sulat na ito para sa iyo. Hindi ba’t sa mga salita nagsisimula ang lahat? Ang pagkilala, ang pag-unawa, ang pag-ibig, maging ang buhay. Gayumpaman, sa salita rin nagsisimula ang pagkawasak, ang katapusan, ang pamamaalam. Ano at pinupuno ko pa rin ng mga salita ang papel na ito?

Tatlong dahilan.

Una, humihingi ako ng tawad. Sa lahat ng kirot na naidulot ko sa iyo, patawad. Nakakalungkot na nagkatagpo tayo sa panahong pinoproblema ko ang aking direksiyon. Marami akong gusto at di gusto. Ito. Iyan. Iyon at marami pang iba. Pero pagpihit naman ng hangin, pumipihit din ang aking isip. Iba na naman ang gusto at di ko gusto. Nadamay ka at nasugatan sa pinakamadugong riot sa buhay ko: ang riot na kinasasangkutan ng kontrabida/goon/kalaban na kung tawagin ay sarili.

Alam kong maraming pagkakataong umasa ka sa happy endings, sa mga posibilidad nating dalawa kung tayo ay magkakasama. Isa sa mga dahilan niyan ay ang mga binitawan kong salita sa iyo. Huwag mo sanang isipin na nang binitawan ko ang mga salitang ito ay may intensiyon akong paasahin ka’t saktan. Wala. Maniwala ka. Wala akong intensiyong ganyan. Pero nangyayari talaga na minsan, hindi nagdudugtong ang realidad at mga salitang binitawan. Kahit ako, dismayadong dismayado sa sarili. Inihihingi ko ng tawad ito. Sakaling sumugal ka ng libo-libong pag-asa sa ating dalawa, patawad.

Ikalawa, nagpapasalamat ako sa mga ginawa mo para sa akin. Hindi ako sigurado kung ikatutuwa mo nga itong sasabihin ko pero sasabihin ko na rin. Tingin ko’y walang nasayang na sandali sa relasyong ito. Marami akong natuklasan, naunawaan at nadama. At naniniwala akong ganon din ang naranasan mo. Kaya hindi man maganda ang kinahinatnan ng lahat, nananalangin ako na sana mas matingkad sa alaala mo ang tuwang naibigay ng relasyong namagitan sa atin. It was really extraordinary, aminin mo man o hindi. Kahit ako na mas marami nang relasyong pinagdaanan ay hindi pa nakakaranas nito. Kaya muli, salamat. Salamat.

Ikatlo, magpapaalam ako. Hindi ko alam kung pagkabasa ng sulat na ito, gugustuhin mo pa akong maging kaibigan o kahit man lang kausap. Pero sa tingin ko, hindi naman na mahalagang malaman kung gusto mo pa akong maging kaibigan o kahit man lang kausap. Sa puntong ito at sa ikapapayapa ng kalooban nating dalawa, ang mahalaga na lang ay masabi ng isa sa atin ang salitang paalam.

1 comment:

Unknown said...

Sa akin hindi ka nanghingi ng tawad ah.....

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...