Nakasulat uli ako kahapon!
Buntalo
ni Beverly Wico Siy
Hindi ko maintindihan kung bakit itinuturing na sports ang
boxing.
Ang goal ay mapatumba ang kalaban sa pamamagitan ng rapidong
mga suntok. Sa pamamagitan ng kirot. Itinatanghal na mahusay ang tao na nagdudulot
ng kirot sa kapwa, gamit ang sariling kamao.
Sigurado ako, lalaki ang nag-imbento nito.
Kung nireregla ka ay di mo maiisip na gawing contest ang
buntalan. Buntalo ang dapat itawag diyan. Talo ang sumusuntok at nasusuntok. Sa
mata, ilong, bibig, dibdib… hindi dibdib, suso! Suso. Sikmura. Hindi sikmura.
Tiyan! Tiyan na may bituka’t karugtong ng fallopian tubes, na karugtong ng
matris, na binabahayan ng bata at pinagmumulan ng mens.
Reglamento pa lang, below the belt na.
Kung nireregla ka at boksingero, kailangan mong ipagdasal sa
lahat ng diyos na huwag matapat sa araw ng dalaw ang araw ng basagan ng mukha
at sikmura. Baka umapaw ang napkin mo habang sinasangga ang suntok ng iyong
katunggali. Katunggali na ang puntirya ay ang namamaga mong mata at putok mong
bukol sa sentido.
Foul.
Dahil walang tumatawag ng foul.
Sa loob at labas man ng ring.
Lalo na sa labas ng ring. Ang mga manonood, ay, ano pa nga
ba kundi puro lalaki? Naghihiyawan. Nang walang mayaw. At kung may ma-knock out
sa dalawang babae, sila pa ang unang nagdiriwang.
Ubos na ang oras. Pagang-paga na ang mukha ng magkalaban, pero
wala pa ring bumabagsak. Sino sa kanila ang nakarami ng suntok, nagpakatas ng
dugo, nakapagpaalog ng utak, nakapagpalamog ng laman? Sino ang nanalo?
Isang kamao ang itinaas sa ere!
At nagwagi na naman ang mga tite.
No comments:
Post a Comment