Friday, June 25, 2021

Clarita Villarba Rivera, kilala rin bilang Mila Del Sol Obituary

 Clarita Villarba Rivera, kilala rin bilang Mila Del Sol

Mayo 12, 1923-Nobyembre 10, 2020

Reyna ng Pinilakang Tabing, Makataong Negosyante, at Mapagmahal na ‘Lulay’

 

Si Mila Del Sol ay reyna ng Ginintuang Panahon ng Pelikulang Filipino dahil sa kaniyang napakahusay na pagganap at masidhing dedikasyon sa sining pampelikula.

Isinilang sa Tondo, Maynila noong Mayo 12, 1923, si Clarita Villarba Rivera ay binansagang Mila Del Sol ng kaniyang direktor na si Carlos Tolosa. Ayon dito ay tila milagro raw na sumisikat ang araw sa tuwing kukunan ang mga eksenang pagtatampukan ni Mila.

 

Taong 1938, ayon sa pamilya ni Mila, siya ay nadiskubre ng pangulo ng LVN Picture na si Doña Sisang de Leon. Napadaan lamang noon si Mila sa isang set ng pelikula ng LVN upang magtungo sa pamilihan at bumili ng tsinelas para sa kaniyang ina.

 

Mula sa payak na pamumuhay, si Mila ay naging tanyag na artista ng LVN. Una siyang itinampok sa pelikulang Giliw Ko noong 1939 at nakatambal niya rito  si Fernando Poe Sr.

 

Ayon sa panganay na apo ni Mila del Sol na si Gus Tambunting, bukod sa husay sa pagganap, tuluyang sumikat si Mila dahil sa isang retrato. Nalathala ang nasabing retrato sa pinakamalalaking pahayagan noong 1939. Sa larawan ay kinakamayan ni Mila ang pangulong Manuel L. Quezon habang sa kabilang kamay ay bitbit ang sariling sapatos na mataas ang mga takong. Kuwento ni Tambunting, “Quezon enjoyed her first film, Giliw Ko, and asked to congratulate my Lulay personally during the premiere of the movie. As a Tondo girl, she was not used to wearing high heels, so she took them off, then rushed to the president.”

 

Naging aktibo na si Mila sa pagganap sa mga pelikula bago pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang iba pa niyang pelikula nang panahon na iyon ay ang  Prinsesa ng Kumintang (1940), Sawing Gantimpala (1940), Hiyas ng Dagat (1941), Villa Hermosa (1941),  Ibong Adarna (1941), ang unang pelikulang Filipino na may color sequence, at Caviteño (1942).

 

Siya ay laging napipili upang ipares sa pinakasikat at magagaling na artista ng kaniyang panahon gaya nina  Fred Cortes, Manuel Conde, ang magkapatid na Rogelio at Jaime dela Rosa, Leopoldo Salcedo, at Jose Padilla, Jr.

 

Nagpatuloy ang paglilingkod ni Mila sa industriya ng pelikula bilang aktres nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ilan sa mga pinagbidahan niyang pelikula ay ang Orasang Ginto (1946), ang unang pelikulang Filipino na ipinalabas pagkatapos na pagkatapos ng digmaan, at siyang tumalakay sa pagdurusa ng mga Pilipino tungkol sa nagdaan na trahedya,  Ang Prinsesang Hindi Tumatawa (1946), Maling Akala (1947), Sarungbanggi (1947), Malaya (1948), Kuba Sa Quiapo (1949), Lupang Pangako (1949), Dayang-Dayang (1950), Anak ng Pulubi (1951), Romansa Sa Nayon (1952), at ang mga dramang Pakipot (1960) at Tatlong Magdalena (1960).

 

Noong 1974 ay lumabas siya sa Batya't Palo-Palo, kung saan nakasama niya sina Fernando Poe, Jr. at Vilma Santos. Ang huli niyang pelikula ay ang Kahit Wala Ka Na (1989), kung saan ginampanan niya ang pagiging ina kay Sharon Cuneta.

 

Sa kabuuan, naging bahagi si Mila bilang aktres ng higit sa 40 pelikulang Filipino. Nakasama niya rito ang pinakamahuhusay na direktor, gaya nina Lamberto Avellana, Manuel Conde, Gerardo de Leon, at Eddie Romero, na naging Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula sa paglipas ng panahon.

 

Ayon sa senador na si Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., sa kagustuhang masuklian ang masa sa suportang ibinigay nito sa kaniyang matagumpay na karera sa pelikula, itinatag ni Mila ang Pag-asa ng Kabataan Foundation. Nagbigay ito ng scholarship sa mahihirap, ngunit matatalinong estudyante, maging ng murang pabahay para sa matatanda.

 

Dahil naman sa pagmamahal sa pamilya at sa pagnanasa na makapagbigay ng hanapbuhay sa karaniwang Filipino, itinatag ni Mila noong 1964 ang Superior Maintenance Services, isang janitorial services company. Naging matatag ang kumpanya dahil sa kaniyang mahusay na pamamalakad, at ngayon ay pinamamahalaan na ito ng kaniyang mga apo. Higit sa 100,000 na ang kanilang empleyado sa kasalukuyan.

 

Noong 1993, si Mila ay ginawaran ng Lifetime Achievement Award ng Metro Manila Film Festival. At noong 2013, ginawaran din siya ng Gawad Urian Lifetime Achievement Award ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino dahil siya ay nagsilbing mahalagang bahagi ng kasaysayan ng pelikulang Filipino. Kinilala siya bilang tanging artistang nabubuhay na naging lubos na aktibo mula sa Ginintuang Panahon ng pelikulang Filipino noong dekada 1930 at 1940. Noong 2014, ipinasa ng Kongreso ang Resolution No. 165 na nagpaparangal kay Mila para sa kaniyang ambag sa movie industry na nagdulot ng pagyabong ng kulturang Filipino at lipunan, sa pangkalahatan.

 

Matapos pumanaw ni Mila del Sol sa edad na 97 noong Nobyembre 10, 2021, ipinakilala ni Senator Bong Revilla, Jr. ang Senate Resolution 569. Ito ay nagpupugay kay Mila Del Sol bilang alagad ng sining na piniling manatili sa pinilakang tabing bago at matapos ang digmaan upang patuloy na makapagbigay ng aliw, pag-asa, at inspirasyon sa mga Filipino at sa susunod nitong salinlahi.

 

Sa pagpapaalam naman ni Gus Tambunting sa kaniyang lola, sinabi niyang, “All of us will forever be indebted to Lulay. Our family will surely miss Lulay’s love and affection. Throughout her life, she continued to impart wisdom and spread her zest for life to those closest to her, because she was truly an image of beauty both inside and out, both on and off screen.”


ni Beverly Wico Siy

Aurea S. Erfelo, kilala rin bilang Madam Auring Obituary

 Aurea S. Erfelo, kilala rin bilang Madam Auring 

11 Marso 1940 – 30 Oktubre 2020

Sikat na Manghuhula, Aktres sa Pelikula, Mabuting Ilaw ng Tahanan

 

 

Isinilang bilang Aurea Sabalboro, si Madam Auring ay anak nina Luciana Damian at ng barberong si Jaime Erfelo. Ang kanilang pamilya ay mahirap lamang. Ngunit, hindi iyon naging hadlang upang siya ay mangarap na sumikat at magkaroon ng mas maalwan na buhay balang araw.

 

Nag-umpisa siya sa showbiz industry sa pamamagitan ng kaliwa’t kanan na pagbisita sa mga set ng pelikula sa pag-asang mabibigyan siya ng kahit maliliit lamang na papel. Siya rin ay naging isang dancer at ginamit niya ang pangalan na Aurea Aura bilang screen name. Ang kaniyang pamosong piyesa bilang dancer ay pinamagatang ‘Fascination.’

 

Nang magkaroon ng sariling pamilya, nagdesisyon siyang magbukas ng beauty parlor, at mag-alok din ng serbisyong panghuhula upang makaagapay sa gastusin.

 

Sumikat siya sa buong bansa nang mahulaan niyang mananalo ang pambato ng Spain na si Amparo Muñoz sa Miss Universe noong 1974. Nahulaan din niya ang pagkapanalo ng pamosong boksingero na si Muhammad Ali sa "Thrilla in Manila" boxing event na ginanap sa Pilipinas noong 1975. Sinasabing si Muhammad Ali ang nagbinyag sa manghuhula bilang Madam Auring.

 

Mula noon ay umalwan na ang kaniyang buhay, sapagkat dinayo na siya at kinilala bilang Madam Auring. Maging ang malalaking tao sa politika at showbiz ay nagpapahula na rin sa kaniya.

 

Nagbalik-showbiz si Madam Auring hindi na bilang extra kundi bilang aktres. Kadalasan, ang ibinibigay sa kaniyang role ay bilang manghuhula rin. Ilan sa mga pelikulang pinagtampukan niya ay ang Family Tree ni Direk Mike Relon Makiling (1987), I Will Survive ni Direk Joel Lamangan (2004), Bikini Open, isang ‘mockumentary’ ni Direk  Jeffrey Jeturian (2005), at Manay po 2: Overload (2008), muli ni Direk Joel Lamangan.

 

Sa edad na 80 ay pumanaw noong Oktubre 30, 2020 ang unang manghuhula na naging icon sa pop culture ng Pilipinas.

 

Hindi maikakailang nananatiling sikat si Madam Auring dahil sa mga kontrobersiya, gaya ng sariling buhay-pag-ibig, at pakikipag-argumento sa mga kapuwa niya celebrity. Ngunit sa likod ng mga balitang ito, kakaunti lamang ang nakakaalam kung ano siya bilang isang ilaw ng tahanan. Ayon sa manunulat na si Mario Dumaual, “In the long time I covered her, I remember her as a protective mother to her family. Even in the twilight of her life, she continued to manage her boutique and still read cards on the side in her shop along Congressional Road, Quezon City. Several times, away from the noise of showbiz, she told us that her reason for working and living is family, which she successfully shielded from the prying eyes of the public. One of her most memorable anecdotes was how she never forgot to tuck her kids in bed and pray at their bedside for their well-being.”

 

Makukumpirma ito ng publiko sa pahayag ng apo ni Madam Auring na si Daryl Simon Pecson sa social media nang pumanaw ang paboritong manghuhula ng bayan,

 

"Grabe ang pinag daanan mo during your senior years pero you still worked hard for your family (us), I feel sad and happy: sad kasi i will never see you again, mga wisdom words mo, korni jokes, happy bondings, and pagkurot sa aking pisngi hanggang mamula. Happy ako, kasi you have done everything you could to make us feel loved the way you know how, your struggles are over. You fought your battles silently… You shall always be in our hearts. Love you."


ni Beverly Wico Siy

Monday, June 7, 2021

Ester Chavez Obituary

 

Ester Chavez

1928- 2021

Reyna ng Dulang Pangradyo at Beteranang Aktres sa Telebisyon at Pelikulang Filipino

Naging tanyag bilang Aling Chayong ng dulang pangradyo na pinamagatang “Ilaw ng Tahanan,” si Ester Chavez ay nagsimula sa kanyang career sa showbiz nang siya ay 17 taong gulang pa lamang.

Ilang henerasyon ng mga tagapakinig ang inaliw ng kanyang tinig sa pamamagitan ng programa at mga dulang pangradyo ni Tiya Dely Magpayo. Isa na rito ay ang “Tangi Kong Pag-ibig.” Bukod sa voice talent, nanilbihan din siya sa radyo bilang isang producer.

Bumida si Ester sa mga pelikula at dulang pangtelebisyon mula 1976 hanggang 2004. Ilan sa mga ito ay ang “Anna Liza” kasama si Julie Vega,"Tang-Tarang-Tang," Home Along da Riles,”"Kaya Kong Abutin Ang Langit," "Kung Mahawi Man Ang Ulap (1984), “Paano Kung Wala Ka Na?” (1987),  "Maging Sino Ka Man" (1991) at "Ooops, teka lang... Diskarte ko 'to! (2001).  Naging patnubay din ni Ester ang direktor na si Lino Brocka, Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula, sa “Orapronobis” noong dekada 80.

Lagi siyang gumaganap bilang martir na babae, ulirang ina, at lola. Kaya’t ipinakita niyang maaari din siyang gumanap bilang mapaglimi na hukom sa “Pangako Ng Kahapon" (1994) ni Joel Lamangan. Ayon kay Direk Joel, “She was a very professional actress. Pagdating sa set, naka make-up na, ayos na, alam na ang mga linya." Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit naging bahagi siya ng 56 na pelikula!

Hanggang sa edad na 87, bago dumanas ng stroke ay lingguhan pa ring naglilingkod  si Ester bilang talent ng DZRH radio station. Ligaya para sa kanya ang patuloy na magbigay-aliw sa mga tagapakinig. Ayon sa kanyang manugang na si Esther “Boots” Chavez, “She was an actor through and through, and prepared for it well with her make-up and well maintained hair. Posteryosa siya! We were telling her, ‘baka ‘yong pang-taxi mo with an assistant, mas malaki pa sa talent fee mo. But she still worked. That is her passion!... She was a true professional and looked forward to each call with enthusiasm. No matter how small the part, she gave it her 100 percent.”

Bagama’t nakaabot sa tugatog ng kasikatan, nanatiling mapagkumbaba si Ester, ang babaeng maituturing na isa sa mga haligi ng Philippine radio drama. Lagi pa rin daw itong nagugulat kapag siya ay nakikilala ng publiko, at ikinatutuwa niya kapag siya ay tinatawag na Mommy Ester.

Si Ester ay ikinasal kay Col. William Chavez (Sumalangit Nawa). Ang mag-asawa ay namuhay nang simple at tapat. Biniyayaan sila ng tatlong anak, sampung apo, at apat na apo sa tuhod. Noong Mayo 31, 2021 ay lumamlam ang kanilang tahanan nang pumanaw ang ilaw nitong si Mommy Ester sa edad na 93.


ni Beverly Wico Siy

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...