Monday, September 25, 2017

'Dnao (Sanaysay)

'Dnao
ni Bebang Siy

Ang sadya namin ay ang makapagbahagi ng tips sa pagsusulat ng sanaysay at iskrip. Inimbitahan kami para sa Dnao Seminar-Workshop sa Panitikan sa Mindanao State University-Marawi Campus. November 2012 iyon at naghahanda kami ni Poy para magpakasal come 2013.

Pagkaraan ng dalawang araw na lecture at workshop kasama ang mga estudyante ng MSU na nasa patnubay ng ilang guro sa Filipino, may maikling programa para sa pagbibigay ng mga sertipiko sa lahat ng lumahok at sa aming mga nag-facilitate ng lecture at workshop. Tatlo kami. Ako, si Poy at ang kaibigan kong si Wennielyn Fajilan, na isang napakahusay na guro sa UST. Masaya kami na matatapos ang event nang maayos at ligtas ang lahat. Bago kasi kami lumipad pa-Mindanao, may pinasabog na internet shop sa loob ng MSU-Marawi. Siyempre pa, lahat ng kapamilya’t kaibigan namin, diniscourage na kaming dumayo roon. Tapos, pagsalubong sa amin ng MSU professor na si Sir Angelito Flores, Jr. sa airport, naikuwento niya na may dinukot daw na estudyante sa loob mismo ng campus.

Cool lang ako sa gitna ng mga balita at ganoong kuwento. Di ako kinabahan. Sa di malamang dahilan, wala akong anumang takot sa dibdib. Di kami nagkukuwentuhan nina Poy at Wennie sa daan papunta sa MSU-Marawi mula sa Iligan. Di ko tuloy alam kung pare-pareho ba kami ng nararamdaman nang panahon na iyon. Pero sa isip-isip ko, di kami mapapaano rito. Ang pakay lang namin, makapagbahagi, at, siyempre, matuto rin. Malinis ang aming agenda.

Pagdating sa MSU, namangha ako sa laki ng school. Bukod sa Flagship Campus ng MSU System, mother university kumbaga, university town din pala ito. Meaning, buong Marawi equals Campus. At lahat nga ng napuntahan naming building doon at structure, para sa akin ay malaki at maluwang. At higit sa lahat, maaliwalas. City girl ako kaya naman refreshing ang mga bukid at ekta-ektaryang talahiban sa likod ng mga classroom. Hiwa-hiwalay din ang mga college building. I mean, layo-layo. Feel ko ang bawat unit ng oxygen na naglalagos sa aking ilong. Hah.

Pero pagsapit ng gabi, nagbago ang lahat ng aking damdamin.

Nakakatakot ang dilim.

Kakaunti ang ilaw (natural, puro bukirin at talahiban ba naman) tapos layo-layo ang mga building (na siyang may ilaw). At ang tahimik. Bibihira ang sasakyan, wala ring establishment na maingay tulad ng mall. Kaya kapag nakarinig ka ng malakas na tunog na sa malayo naman nagmula, aakalain mo talagang putok iyon ng baril. O pagsabog ng bomba.

Natulog kami sa isang dorm na napakaliwanag. Naalala kong maghahatinggabi na ay naka-on pa ang lahat ng pahabang flourescent na bumbilya sa lobby, sa hallway at sa mismong sleeping area. Noong una, ang naisip ko ay maganda nga naman ito, safe na safe kami. Pero paglalim ng gabi, ang naisip ko ay paano kung may sumalakay doon sapagkat kitang-kita ang laman ng dorm mula sa labas dahil sa mga ilaw nito? Para kaming nasa loob ng boteng maliwanag, puwedeng obserbahan kahit tulog na ang mga nasa loob. Babae pa naman kaming lahat na naroon.

Sa ilang araw namin sa MSU, nakitulog din kami sa bahay ni Sir Lito sa campus. Si Sir Lito ang talagang contact namin sa MSU. Nagkakilala kami sa UST bilang mga guro ng Filipino sa College of Commerce. Sinubukan niyang magturo dito sa Maynila kahit more than 20 years na siya sa MSU dahil nandito ang kanyang mag-ina. Bumalik siya sa MSU pagkaraan ng ilang semestre sa UST at iba pang kolehiyo sa Maynila, wala kasing security dito ang mga bagong guro. Pagdating ng second sem ay agawan na sa units ang mga teacher. Sa MSU ay stable siya, at higit sa lahat, may bahay siyang natutuluyan sa loob ng campus, pamana ng kanyang tatay na si Angelito Flores, Sr. na naging opisyal ng MSU at siyang lumikha ng MSU Hymn katuwang si Maestro Lucio San Pedro, ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika.

Malaking bahay ito, higit sa lima yata ang kuwarto. Sa araw ay napakaraming estudyante doon, para siyang youth center. May mga nagbabasa ng libro, may nag-aaral sa pahabang mesa sa sala, may naggigitara sa isang sulok. Kristiyano si Sir Lito at binuksan niya ang kanyang tahanan para maging tambayan ng mga Kristiyanong estudyante sa Marawi.

Ang lecture ko sa pagsulat ng sanaysay ay maikling-maikli. Pang-beginner talaga. Magbasa ng maraming sanaysay, mind your basics like spelling, grammar, punctuations, gumamit ng nouns at verbs sa paglalarawan imbes na adjectives at adverbs, at ibahagi at ilathala ang sariling akda.

Mahuhusay ang estudyante roon dahil nakaka-attract ng pinakamahuhusay na high school graduate ang kursong AB Filipino. Kung sa mga unibersidad sa Maynila, palaos nang palaos ang kursong ito, sa UST nga, tinanggal na ang major in Filipino sa College of Education, sa UP Diliman ay laging nae-extend ang enrolment period ng Filipino Department dahil sa kakaunting enrollees, baliktad ang nangyayari sa MSU-Marawi. Ayon kay Sir Lito, pataas nang pataas ang number of enrolees ng AB Filipino. Palagay ko ay dahil laging may pangangailangan sa Filipino teachers sa buong Pilipinas. Lalong-lalo na sa Maynila. Kung wala nang supply mula mismo sa Maynila, saan pa ba kukuha ng guro sa Filipino ang mga eskuwelahan kundi sa lalawigan? At iilang unibersidad lang ang may AB Filipino na kurso, hindi ba? Kaya ang top supplier ng AB Filipino graduates na eventually ay nagiging Filipino teachers ay walang iba kundi ang MSU Marawi.

Anyway, sa workshop ako nag-concentrate. Para sa akin, mas maraming natututuhan ang estudyante sa workshop kaysa sa lecture. Nagpasumite ako ng ilang sanaysay in advance, ito ang ipina-photocopy at ipinamudmod sa mga participant para mabasa in advance at maisalang sa palihan pagdating ng mismong event. Ang mga sanaysay ay walang ipinagkaiba sa mga sanaysay ng teenagers na taga-Maynila o iba pang bahagi ng Pilipinas (aktibo kaming nagbibigay ng palihan sa malikhaing pagsulat sa kung saan-saan, Luzon, Visayas, Mindanao): tungkol din ito sa pamilya (sobrang pagmamahal ng magulang sa anak, pagkakaroon ng iresponsableng tatay, pagiging reliable ng mga ina), tungkol sa mga dinadaanan nilang pagsubok (kulang ang perang pambaon kaya’t nagtinda na ng tinapay at itlog na pugo sa mga kaklase, unang pagsalta sa ibang lugar) at pag-ibig. Gayundin ang weakness, pareho lang: laging nag-uumpisa sa boring na talata, laging nag-e-editorializing, meaning, bigla na lang nagpi-preach tungkol sa buhay na para bang matatanda na sila in an instant, nagaganap iyan sa gitna o dulo ng sanaysay, at laging naglalagom. Siyempre pa, ang payo ko'y iwasan ang mga nabanggit.

Ang lumutang na strength ng mga sanaysayistang estudyante nang batch na ito ay: mahuhusay na pangungusap. Magandang mag-Filipino ang mga batang ito. May pagka-elegante ang paraan ng kanilang pagpapahayag. Bibihira din ang may mali sa spelling at bantas.

Nakakatuwa rin na walang pangingimi ang ilang sanaysay. Isa rito ang tumalakay sa umusbong niyang pag-ibig para sa isang pinsan, na siyempre ay pinigilan niya’t itinigil nang tuluyan dahil alam niyang mali. Babaeng estudyante ang nagsulat. Isang sanaysay naman ang tumalakay sa epekto ng rido sa mga babae at bata. Ang rido ay isang konseptong Maranaw tungkol sa pag-aaway ng dalawang angkan. Ayon pa kay Mam Almayrah Tiburon o Mye, isa sa mga guro ng Filipino sa MSU Marawi at isa ring tubong Maranaw, hindi puwedeng ilibing ang isang tao na biktima ng rido hangga’t hindi nakakaganti ang pamilya nito. Ang pagganti ay madalas na nasa anyo ng pagpatay sa pumatay sa unang biktima, o kaya ay sa kapamilya din nito. Kaya walang katapusan ang rido, dahil buhay at bangkay din ang kailangang ipalit sa nawalang buhay ng kapamilya. Ayon sa sanaysay ng estudyante, nanganganib ang buhay ng mga bata at babae dahil nagsisitago ang mga lalaki ng pamilya para di magantihan ng rido. Ang mga babae ang kumakayod, ang mga bata ang nag-iigib, nagsisibak ng kahoy at tumatao sa bukid. Minsan din, kahit hindi naman talaga sila sangkot sa away ng kanilang angkan, pinupuntirya sila ng kaaway, para lang makaganti ang mga ito at mailibing na ang sariling kapamilya.

Sa aktuwal na workshop, pinakakaunti ang nagpunta sa aking session. Ang pinakamarami ay ang kina Poy (iskrip) at Wennie (akdang pambata). Seventy ang maximum number of participants at naka-sitenta ang bawat session nila. Ako, wala pang singkuwenta. Pero wala akong paki sa bilang. Ganadong-ganado ako dahil gamay na ng mga estudyanteng ito ang wikang pambansa. Puntos agad sa kanila, di ba? Pagkatapos ng workshop ng mga akdang ipinasa in advance, pinasulat ko na sila on-the-spot. Pero mas magaan ang kanilang paksa: isang ispesipikong lugar sa kani-kanilang bayan. May mga sumulat tungkol sa kalsada nila, may tungkol sa isang sikat na resort na pinagsi-swimming-an ng barkada, may tungkol sa eskuwela. Sa session ko, maraming babae ang lumahok, ilan sa kanila ay naka-hijab. Nakakailang pala pag may kausap kang ganoon, kasi hindi mo alam kung ano ang reaksiyon niya sa mga pinagsasasabi mo. Ang isa sa kanila ay umiiyak na pala pagkatapos naming mag-comment sa sanaysay niya. Nakalimutan ko na kung tungkol saan ang kanyang isinulat, pero, hayun nga, umiiyak na pala siya. Ang sabi sa akin ng kanyang katabi, habang nakatitig sa akin ang namumulang mata ng estudyanteng naka-burka, “Mam, hindi siya sanay.” Naku, napa-sorry ako nang wala sa oras. At nagtawanan ang lahat. Naningkit ang mata ng naka-hijab, malamang natawa na rin siya.

Sabi ni Mam Zian Bankero, tubong Maranaw at guro din sa Filipino sa MSU, mas reserved ang mga estudyanteng naka-hijab. Madalas daw na tahimik ang mga ito sa klase kaysa sa counterpart nilang Kristiyano at lumad. Ang hirap naman kasi, kako. Mukha mo pa lang ay kailangan mo nang itago, ano pa kaya ang mas internal tulad ng saloobin? Ng damdamin? Naisip din namin ni Wennie, ano naman kaya ang naiisip nila sa amin, kaming mga hindi nagtatakip ng mukha, braso, at binti? Itinuturing kaya nila kaming makasalanan, or something? Pero ang pinaka-disturbing sa akin, paano ko masisiguro na ang naka-hijab ay siya pa ring estudyante ko? What if, uma-absent na pala siya’t naglalakwatsa, may pinapa-attend lang na kabarkada? Attendance, attendance.

Nang matapos ang workshop, tinipon sa IPDM Hall ang participants mula sa tatlong session para makinig sa copyright talk ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS. Via cellphone lang ang talk, nasa Antipolo si Alvin. Pinakabitan namin ng mikropono ang cellphone at ang mga estudyante ay nakatutok sa Powerpoint presentation sa screen ng LCD projector. Nairaos ito nang maayos, tahimik at produktibo. Ang isa sa mga tanong ng estudyante ay tungkol sa pagpapa-photocopy.

Pagkatapos nito ay closing ceremonies. Biglang umingay ang IPDM Hall. Parang na-excite ang mga estudyante, at ang lahat ay nakangiti. May kung anong inaabangan. Ang mga gurong babae ay lumapit sa amin ni Wennie. Dinala nila kami sa isang sulok, me mga kurtinang tabing ito, may mesa at tatlong babaeng teacher at estudyante. Pinagbihis kami ng tradisyonal na damit ng Maranaw. Masalimuot ang damit, maraming butones sa harap, tadtad ng sequins ang magkabilang dibdib, long sleeves. May ibinalot na malong sa aking bewang si Mam Mye at sinecure iyon sa pamamagitan lang ng pagtutupi. Ang kay Wennie ay long sleeves din at malong. May naglagay ng telang dilaw sa aking buhok, itinali pa ito sa batok ko. Walang nakalabas ni isang piraso ng buhok. May nag-make up pa sa amin. May nagkabit ng kuwintas, pulseras at hikaw sa akin. Natatawa lang ako. Ang nasa isip ko, putsa, baka magtatanghal kami ng improvised na skit. Na comedy. At ito ‘yong costume.

Habang ginagawa ang lahat ng ito ay biglang naghiyawan ang mga estudyante. Dahil sa tela at kurtina ay hindi namin makita ang nagaganap sa stage ng IPDM Hall. Bakit kaya? Pero masaya naman ang hiyaw, so hindi kami nabahala ni Wennie. Lahat din ng kasama naming babae sa sulok na iyon ay nakangiti, abalang-abala sa pag-aayos ng mga ipinasuot sa amin.

Maya-maya pa ay lumabas na kami sa aming sulok. Hiyawan na naman ang mga estudyante. Ang tawa ko, nasa gitna ng stage si Poy, nakadamit-Maranaw din, na dilaw tulad ng suot ko. Damit-pangkasal pala ang mga iyon.

We are getting married the Maranaw way.

Bongga!

Bongga rin ang hiya ko. Of course. Imagine, lahat ng tao, nakatingin sa amin as a couple? Bale ba, pagpasok ng MSU, we tried our very best from the very start na huwag mahalata ang pagiging magdyowa namin. Kumbaga, pa-innocent, to support our claim, malinis ang aming agenda. Bawal ang sweetness overload, PDA, as in public display of affection. Pakiramdam nga kasi namin, conservative ang mga taga-Marawi.

Tapos, ito pala ang isusurpresa nila sa amin: isang engrandeng kasal sa kanilang paaralan.

Ang estudyanteng emcee na nakabarong ang siyang nagsalita. Isang telang puti na pahaba ang iniabot ni Sir Lito kay Poy. Nakalimutan ko na kung ano ang ginawa namin sa tela na iyon. Pinaupo kami sa harap, kasama ang aming “maid of honor” na si Wennie. Piniktyuran kami nang walang hanggan, hagikgik nang hagikgik ang mga teacher at estudyante. Pinatayo kami ni Poy, pinaghawak nang kamay, bungisngis nang bungisngis ang mga kinikilig. Pinagyakap pa kami, sapilitan kunwari samantalang ang totoo, gusto ko rin. Pinapuwesto si Poy sa aking likod. Kath-Niel? Ja-Dine? Hindi, a, original yata ito: Beboy. Pagyakap ni Poy sa akin, sumabog ang buong hall, sumabog sa kiligayahan.

Nakabalik na kami’t lahat sa Maynila ay di namin nalilimutan ang mga nakasama sa MSU. Turing nami’y kamag-anak at kaibigan ang lahat ng dumalo sa aming “kasal.” Kaya’t nagpasya kami na isama sila sa tunay naming kasal, na ginanap noong December 30, 2013 sa Malate, Maynila. Nag-organisa kami ng mini-book fair sa labas ng reception hall at 20% ng sales ng lahat ng seller ay mapupunta sa Filipino teachers ng MSU Marawi. Ang tanging gamit ng pondo na ito ay pambili ng dagdag na reference materials para sa course subjects na Filipino. Ipinaabot namin ang pera sa isa sa mga abay namin, si Sir Lito.

Di naputol doon ang ugnayan namin sa Marawi. Nang nasa National Book Development Board (NBDB) ako, natuklasan ko na kakaunti ang nagsusulat sa Filipino mula sa Mindanao. Kadalasan, ang mga akda ay nasa katutubong wika at sa Ingles. Kinausap namin si Mam Mye na noong panahon na iyon ay may sarili nang libro ng mga maikling kuwento sa wikang Filipino, ang Terminal 1. Inilathala ni Poy ang ebook version ng Terminal 1 sa pamamagitan ng kanyang kompanya na Balangay Productions. Inilathala din ng Balangay ang ebook at printed versions ng ikalawang koleksiyon ng maiikling kuwento ni Mam Mye, ang Terminal 2. Isang koleksiyon naman ng mga tula sa wikang Filipino ang kanyang Terminal 3. Sa kasalukuyan ay nasa editing stage si Mam Mye batay sa aking mga rekomendasyon pagkatapos ko itong basahin. Ikinonekta namin si Mam Mam Mye sa NBDB at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Nang maghanap si Faye Cura ng Gantala Press ng babaeng kinatawan para sa isang forum sa Quezon City tungkol sa gera sa Marawi ay si Mam Mye ang aming kinausap at inirekomenda. Dapat ay laging may awtentikong boses na napapakinggan ang mga nasa Maynila. Matapang niyang inilahad ang kanyang mga naranasan nang ipataw ni Presidente Duterte ang Martial Law at ang epekto ng digma sa marangal na bayan ng Marawi.

Napakaraming kayang ialay ng bayan na ito sa buong bansa. Kay yaman nito sa lahat ng aspekto: natural resources, human resources, emotional resources, that is pag-ibig at pagpapahalaga sa kapwa.

Kaya mahal ko ang bayan na ito. Hangga’t tumitibok ang puso ko para sa aking asawang si Poy ay titibok ito para sa Marawi, ang lunan ng unang-una naming pag-iisang-dibdib.

Sunday, September 3, 2017

kuwentong taiwan

daming kuwento ni ej kagabi, pasalubong niya sa amin mula sa dalawang linggo niyang pananatili sa taiwan.

nagpunta siya doon para mag-compete sa universiade sa category na wushu. tatlong beses siyang nag-perform: compulsory, sword at staff. nakauwi naman siyang ligtas, dangal lang ang durog sapagkat... 8th place siya out of 9 players hahahaha

anyway, eto mga kuwento niya in a random order:

1. kanya-kanyang uniform na t-shirt ang bawat bansa. sa australia daw, me nakasulat na pride sa kaliwang manggas, at discipline naman sa kanan. sa pilipinas, ang nakasulat sa likod ng t-shirt ay san miguel beer. samantala sa kaliwang manggas ay garfield.

2. nakakita sila ng squirrel sa isang park. nagkagulo sila sa pag-picture. mukha raw pala itong daga sa personal.

3. nasa taipei ang laban, pero nasa labas ng taipei (linkou ang name ng lugar) ang athlete's village.

4. ang olats daw ng ibang members ng philippine team. ni hindi raw nanood ng competitions ng wushu at sanda samantalang sila na raw ang last category. ibig sabihin, tapos na sa sariling competition ang mga ito at hindi na kailangang mag-train. at isang dahilan kung bakit in-extend ang stay ng mga ito ay para makapanood ng competition ng ibang category at para maka-attend sa closing ceremonies. kakaunti lang daw silang nanood ng wushu, sanda at closing. tanging ang filipino representative ng sanda, na si jomar balangui, ang nakapag-uwi ng medalya sa kanilang lahat. silver! yey!

5. top 8 si ej out of 9 players. top 1,2 at 3 may medals. top4 to 8, may certificate. buti na lang daw at pangit ang bagsak ng argentina noong dulo. kung hindi, last si ej ahaha! salamat sa diyos. so nakapag-uwi siya ng certificate!

6. nakipagpalit daw siya ng pin sa mga bansang: us, uk, south korea, australia, south africa, taiwan, etc. sabi ko, engot ka, ba't iyong mga iyon ang hiningan mo ng pin, e walang interesting sa pin nila, mga flag lang except australia na maliit na koala ang pangkapit sa pin. kung ako ang nando'n, makikipagpalit ako sa uzbekistan, iran, switzerland, at iba pang bansang di ko madalas nakikita ang bandila.

7. nanalo raw ang iran, sa women's division. nakaburka daw itong nag-perform. ipinakita niya sa amin ang performance ng nanalo (pero sa ibang competition ang natagpuan niyang video sa youtube). aba ang husay nga at hindi nakakaistorbo ang burka. sabi niya, alam mo, mama, nagulat kami. iran, e. hindi naman sikat iyan sa wushu. lumaban din sila sa sanda, at nakamahaba rin ang competitor nila doon, di rin kita ang mga binti.

8. ang mangga raw sa taiwan, kasinlaki ng mukha ni ej.

9. ang linis daw sa taipei. nagpunta sila sa shilling market na parang divisoria ng taipei. ang linis ng paligid. pero napakamahal ng street food. 450 taiwan dollars daw ang isang lobster. sabi ko, potah, lobster, street food? ok ka lang?

10. lahat daw ng tao ay nakatayo sa kanan ng lahat ng escalator.

11. napakarami daw ng train. kaya marami man ang tao ay hindi naman siksikan. sa isang station, ilang train daw ang puwedeng sakyan papunta sa iba't ibang lugar. sabi ko, ang galing, diyan talaga sila nag-invest noong araw. tayo kasi, kailan lang naman. iisa lang ang lrt noon.

12. ang bawat train station ay may at least one tourist spot. so para daw pinlano ang ruta ng trains ayon sa mga tourist spot. ang galing! sa pinas kasi, pinlano ang ruta ng trains ayon sa mall, hahaha!

13. lahat ng pagkain sa athletes' village ay libre. isang floor daw sa isang condo (puro condo ang nakatayo sa athletes' village) ang nakalaan sa pagkain. parang isang higanteng food court na libre lahat ng malalafang. meron daw chocolate drinks, lahat ng healthy salad, fruits, tinapay, kanin at isang napakahabang ref na puno ng softdrinks haha. hindi raw makahataw si ej sa pagkain dahil sa competition. pero after niyang matalo este after ng competition niya ay humataw na siya ng kain. bawi-bawi rin pag may time.

14. me isang station sa athletes' food court na dedicated lang sa cereals. nagpuslit daw ng isang karton ng cereals ang isang pinoy na athlete. napailing na lang si ej. hay naku, pilipino talaga. im sure yung nanay nun nag-uuwi ng towel pag napapa-check in sa mga hotel.

15. binigyan ang lahat ng athlete ng smart watch. may laman daw itong taiwan dollars na puwede nilang gamitin sa pagsakay ng train, sa pagpasok sa mga tourist spot, pambayad ng ilang bilihin. para siyang beep card pero ang anyo ay relo. nababawasan ang laman kada gamit mo. hindi raw niya naubos ang kanya, kakatipid. may P700 na natira. naku sayang, kako. sabi niya, di bale, ma, pagbalik ko na lang. ahaha ang anak ko, gusto pang magbalik! wala na pira ang inay mo, dudung. purduy na. para kasi sa trip na ito, binigyan namin siya ng P7500 na ipinambili niya ng taiwan dollars sa bangko. ang sakit sa bulsa ng P7500, ha?

16. inilalagay ang flag sa labas ng condo kung saan naninirahan ang athletes ng bansang iyon. sabi ko, nako, di ba yan delikado? mamya me galit sa inyo, pasabugin ang condo na 'yon, e. haha joke lang, pero napaisip ako for iran or other contries na may conflict eklavu.

17. isa sa mga picture na ipinakita ni ej ay isang buong condo na canadian flag ang nakalagay sa lahat ng floor. sosyal! andaming ipinadalang athlete! sabi ni ej, mama, alam mo may dala pang inflatable pool ang mga athlete ng canada, nagsiswimming sila sa tapat ng entrance ng condo. sabi ko, sana sumama ka, marunong ka naman magswimming.

18. may nadaanan daw silang nagra-rally noong papasok na sila sa venue ng opening ceremony. ang sabi raw ng mga nagra-rally, taiwanese sila. hindi chinese taipei. gago talaga ang china. lahat inaangkin. putcha, mabait lang ang taiwan pero kung sa pinas nila gawin iyan, putcha, dadanak ang dugo.

19. ang us athlete na nakalaban ni kuya jomar balangui ay paris lee moran ang pangalan. british na koreano na pinoy? ahahaha anlabo ng pangalan!

20. masayang-masaya si ej na ma-meet ang mga idol niya sa wushu. nakapagpa-picture siya kay Li Yi ng Macau. nilampaso nito si abi hahaha!

21. nakapasyal din daw sila sa chiang kai shek. sabi niya, sino ba yun ma? sabi ko, di ko rin alam, e. school dito yan hahaha! pede naman i-google, bes. kako, baka parang rizal nila. me park e.

22. ang pasalubong nga pala sa akin ni ej ay dalawang kahon ng snacks. ang isa akala namin ay mochi, iyon pala tikoy. ang isa, pineapple cake ang tawag pero parang pulboron na pinya ang flavor. potah, hindi ako kumakain ng pinya! labo. so bumawi agad siya, may isa pang pasalubong, isang scarf na blue. ang gandaaa, isinukbit ko sa leeg ko. sabi ni ej, table runner yan, ma.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...