akda nina Likee Amper at Merry Daluz, nilathala sa Ang Pahayagang Plaridel ng Pamantasang De La Salle noong Mayo 23, 2022
Anong mapapala mo diyan? Ang liit lang ng sweldo diyan! Hindi ka yayaman diyan.” Ilan lamang ito sa mga karaniwang naririnig mula sa mga taong hindi makita ang halaga ng pagsusulat. Nakapanlulumo man ngunit ito ang realidad sa pagtingin ng lipunan tungkol sa larangan ng pagsusulat. Gayunpaman, hindi naging hadlang ito para sa mga manunulat na hindi lamang nais magpasaya, kundi pati ang maikuwento, maisiwalat, at mabigyang-hustisya ang karanasan ng iba’t ibang tao sa iba’t ibang sulok ng bansa. Bukod dito, namamayagpag din sila sa pagtatatag ng demokrasya ng bansa.
Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, at Francisco Balagtas—ilan lamang sila sa mga bayaning manunulat na tumayong inspirasyon para sa pagtataguyod ng kalayaan at demokrasya sa bansa sa kabila ng panggigipit. Sa mahabang panahon, pinatunayan ng mga manunulat ang kanilang kahalagahan sa lipunan. Bukod sa matatalas na salitang iminamarka, taglay rin nila ang kagitingang ibunyag ang karahasang dinadanas ng mga tao sa lipunan; hindi sila nagpatinag sa panganib na dala ng kanilang mga hakbang.
Bago maging ganap na espada ang bakal, dadaan muna ito sa matinding proseso ng pagtutunaw, pagmomolde, at paghahasa. Tulad ng pagpapanday ng espada, hindi biro ang mga karanasang pinagdadaanan ng mga manunulat bago maging sintalas ng espada ang kanilang likha.
Buhay ng manunulat sa likod ng mga akda
Lingid sa kaalaman ng iba, kaakibat ng pagtahak sa landas ng pagsusulat ang hirap sa pagkalap ng suporta para sa mga piniling suungin ang larangang ito. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Beverly “Bebang” Siy, manunulat sa loob ng dalawang dekada at may-akda ng mga tula’t akdang pambata, mas magaan sa buhay ang pagkakaroon ng isang full-time na trabaho habang isang manunulat. Kaniya namang ibinahagi ang kalakaran sa pagprepresiyo sa mga akda noong nagsisimula pa lamang siya. Aniya, “‘Yung comic script ang bayad sa amin ‘non . . . Php400 per page, eh two pages lang. Two pages so Php800 lang kung two months, every two months lang kasi ‘yong comics noon . . .’Yung bayad sa tula, Php300 [hanggang] Php500 isang tula ‘ganon.” Sa sobrang baba ng presyuhan, ibinibaling na lamang ng ilang manunulat ang kanilang oras sa mga trabahong mas mataas ang bayad kaysa indahin ang kumakalam na sikmura.
Pareho rin ang saloobin ni Jerry Gracio, manunulat nang mahigit dalawang dekada sa larangan ng telebisyon at pelikula, ukol sa karanasan ng mga manunulat. Sa panayam ng APP kay Gracio, kaniyang inilahad na nakapagsusulat lamang siya ng mga akdang non-fictional at tula dahil sa pagkakaroon niya ng trabaho sa industriya ng sining.
Mahaba na ang kasaysayan ng pagsusulat ng mga akdang kritikal. Bilang mulat sa mga pangyayari, isinasaletra ng mga manunulat ang mga tinig na pilit tinatakpan sa lipunan. Ngunit, kaakibat ng pagsulat ng ganitong akda ang dalang pangamba sa kanilang buhay. Sa kabila ng panganib na ito, inilahad nina Siy at Gracio na hindi sila nangangamba para sa kanilang mga buhay.
Nabanggit ni Siy na nakapagsulat na siya ng kritikal na akdang sumasalamin sa karanasan ng mga biktima noong Batas Militar, ngunit hindi siya nakaramdam ng takot dahil ginamit niya ang estilong satirikal upang maisiwalat ang mga ito. Para naman kay Gracio, hindi naging dahilan ang nakaambang banta sa buhay upang lisanin ang mundo ng sining. Aniya, “Laging kasabay ng pagsusulat ang threat.” Ibinahagi naman niyang hindi pa siya nakatatanggap ng banta sa kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga akda.
Kababaihan sa industriya ng pagsusulat
May ilang pangalan ng mga babaeng manunulat ang namamayagpag sa larangan. Sa kabila nito, batid pa rin ang realidad na laganap pa rin ang diskriminasyon sa mga gawa ng kababaihan sa industriya. Pagkukuwento ni Siy, noong sumali siya sa isang workshop, may isang beses na binatikos ang mga tula nilang kababaihan. Bulalas ng isang nakatatandang lalaki, “Bakit ‘yong mga babae paulit-ulit na tumutula tungkol sa bulaklak tsaka sa hardin? Pare-pareho na lang,” na sinagot naman ng presidente ng workshop na hindi lamang siya marunong magbasa. Sa pagninilay ni Siy sa pangyayari, natutuhan niyang may responsibilidad din ang mga mambabasa sa pagtuklas ng mensahe at simbolo ng mga akda at hindi lamang ito nakaatang sa mga manunulat.
Malaki rin ang impluwensya ng binuong pagtingin ng lipunan sa mga babaeng manunulat. Naging hadlang ito para sa kababaihan upang maabot ang kanilang mithiin sa karera ng pagsusulat. Pagpapaliwanag ni Siy, “For example, ‘yung mga babaeng writer hindi sila nagpu-pursue ng pagsusulat kasi ang liit-liit ng kita sa pagsusulat. So they would rather do something else na halimbawa magkaroon ng [ibang] career.” Aniya, bunsod ito ng napakaraming tungkulin ng babae sa pamilya. Bilang responsibilidad kadalasan ng babae sa pamilya ang pagluto, paglaba, at pag-alaga ng anak, hindi matutukan ng isa ang pagsusulat. “‘Yung mga babaeng writer din minsan kung wala man silang anak, sila ‘yung nag-aasikaso ng mga kapatid nila, sila ‘yung nagpapaaral ganyan. So kakainin ‘yung oras to earn,” pagsasaad ni Siy.
Malaki ang pinagkaiba nito sa pamumuhay ng isang lalaki. Mayroong pagkamangha sa tuwing nakikita ang mga nagagawa ng ibang lalaking manunulat, tulad na lamang ng pangongolekta ng mamahaling bolpen, pagbibisikleta, at iba pa. Tila napakarami ng oras ng mga lalaking manunulat at nakakaya nilang pagsabayin ang kanilang libangan, trabaho, at pamilya. Naipapakita lamang nito ang malaking agwat ng isang lalaking manunulat sa babaeng manunulat. Napatutunayan na hanggang ngayon, malaking balakid pa rin ang kasarian sa pag-unlad sa pagsusulat.
Higit pa sa paggunita ng nakaraan at pagharap sa kasalukuyan
Bilang manunulat, kanilang tangan ang responsibilidad na lumingon sa nakaraan at pagmasdan ang kasalukuyan. Ayon kay Gracio, marapat na maging kritikal ang isang manunulat sa paggunita ng nakaraan. Bukod dito, hindi lamang natatapos sa pagbabasa ng mga lumang akda ang responsibilidad ng isang manunulat, ngunit kasabay nito ang pagninilay sa nakaraan. Iginiit din ni Gracio na laging nakaangkla ang kasaysayan sa pagsusulat kahit pa sa kasalukuyan. Aniya, “Whether sa form man ‘yan o sa content. Kasi ‘di ba, halimbawa may mahaba tayong tradisyon ng pagsulat, if you’re writing a novel, parang bahagi ka ng isang mahabang kasaysayan ng pagsulat ng nobela.”
Sa pagkatuto sa nakaraan, lumalabas sa mga kasalukuyang literatura ang kaugalian ng mga Pilipino. Isang halimbawa ang pagkakaroon ng amnesia ng mga karakter sa teleserye. Inilarawan niya ang bansa bilang “Nation of Short Memories.” Aniya, “. . . Nakakalimot naman talaga ‘yung buong sambayanang Pilipino. Several decades ago, pinatalsik natin ‘yung halimbawa isang buong pamilya—’yung diktador. Pero ngayon, pinabalik natin sila.” Sa pagsusulat ng katha, mahalagang magbalik-tanaw upang matutuhan ang mga aral na maaaring isapuso sa kasalukuyan.
Usaping demokrasya at katotohanan
Hindi mapipigilan ang bugso ng damdaming dumadaloy sa manunulat lalo na’t kapag nakikita ang kasalukuyang kalagayan ng bayan. Panlulumo, pagkagalit, at pagkamuhi–ilan lamang ito sa mga damdaming lumalabas sa mga sinusulat. Sa kabila nito, hindi maikakailang may nakaambang na takot para sa mga manunulat sa kasalukuyan. Bunsod din ito ng nagsusulputang trolls sa social media at ang pangambang dulot ng Anti-Terrorism Law. Sa pagpasa ng batas, pinaigting nito ang pag-aalala sa mga buhay ng kritikong manunulat. Bunsod nito ang pangamba sa estado ng demokrasya sa Pilipinas. “Pwede kang kasuhan kapag may sinabi ka na mali, so in a way parang mayroong espada[ng] naka-hang [sa] ulo mo o sa leeg, [na] any moment [pwedeng] tapyasin ‘yung leeg mo.” Paglilinaw ni Gracio, hindi namamatay ang demokrasya, ngunit umuusbong ang takot na isiwalat ang katotohanan bunsod ng batas na ito.
Inilahad din ni Gracio ang isa sa mga tungkulin ng isang manunulat. Aniya, “Ang tunay na manunulat ay laging kinukuwestiyon kung ano ‘yung status quo.” Mayroong malalim na dahilan sa pagpapatuloy sa pagsusulat sa kabila ng espadang nakatutok sa mga manunulat. Dagdag niya na hindi pa siya pinagbantaan sa kaniyang buhay dahil sa pagsusulat, ngunit ipinahayag niyang mas maraming magbabanta sa kaniyang buhay kapag sa Facebook siya nagsusulat.
Sa pagpapanday ng espada
Hindi baril at balisong ngunit lapis, tinta, at salita ang mga naging sandata nila. Paano hahasain ang talentong taglay sa pagpapabuti ng bansa?
Para sa paghahasa ng kakayahan, parehas na naniniwala sina Siy at Gracio na mahalaga ang pagbabasa ng iba’t ibang akda. Bilang payo, iminungkahi ni Siy na maging unpredictable ang mga bagong manunulat, at susi ang pagbabasa upang makamit iyon. Para naman kay Gracio, mahalaga ang pagbabasa ng ibang akda at hindi lamang ng sariling likha, dahil mas pinayayabong nito ang kaalaman at kakayahan ng isang manunulat ngunit hindi lamang sa pagbabasa nahahasa ang kakayahan sa pagsulat. Sa papel, Facebook, o blog man ‘yan, importante na patuloy pa ring nagsusulat ang isa. Hindi lang nito hinahasa ang kahusayan sa pagsulat, nagsisilbi rin itong pagtanaw sa nakaraan. Bilang higit sampung taon nang nagsusulat sa kaniyang blog, nakita ni Siy ang kaniyang pag-unlad sa pagsusulat dahil sa mga gawaing ito.
Hindi magagamit na sandata ang lapis kapag hindi mulat ang isa sa realidad. Hinihikayat ni Gracio ang mga manunulat na makihalubilo sa iba’t ibang danas ng tao. Sa pakikihalubilo, matututuhan at maisusulat nang may sineseridad ang mga karanasang gustong isiwalat. Kaakibat din ng pagiging mulat ang paggamit ng angkop na wika sa mga panulat. Dagdag ni Siy, malaking responsibilidad ang ginagampanan ng wika upang maging epektibo ang akdang susulatin. Mahalagang gamitin ng isang manunulat ang wikang ginagamit ng kaniyang target na mambabasa. Panghuli, para kay Gracio, mahalaga para sa isang manunulat ang mabuhay upang makalikha pa ng mga akda at laging lagyan ng puso ang mga katha.
Para sa mga manunulat sa kasalukuyan at kinabukasan, ika nga ni John Arcilla, ating punahin ang dapat punahin sapagkat dito nakikita ang iyong sigasig sa paglilingkod at pagmamahal sa bayan. Magpumiglas sa panggigipit. Kasama ng iba’t ibang alagad ng sining, ipagpatuloy ang pagpanday sa sari-sariling taglay na sandata. Ipakita sa lahat ang kapangyarihan ng sining. Laging tandaan na kasalanan na ang pumikit kapag namulat na sa katotohanan.
Note ni Beverly Siy: Nagpapasalamat ako kay Merry Daluz na na-meet ko virtually para sa panayam na ito. Narito ang link ng artikulo:
https://www.plaridel.ph/index.php/2022/05/23/tintang-nagpapanday-sa-kinabukasan-lakas-ng-tumitindig-na-manunulat/?fbclid=IwAR3s5n-D4XHnuakwL9OP51B7HhMWq5rrxvcuE-XbdpfeVbq1QfDySe0ZVp8