My First Long Ride
ni Beverly Wico Siy
Ang EDSA Shrine, Quezon City ang pinakamalayong napuntahan ko sakay ng aking bisikleta. Ito ay 25 kilometers mula sa bahay namin sa Barangay Habay 1, Bacoor, Cavite. Pinuntahan ko ito nang mag-isa noong February 25, 2022.
Bukod sa layo ay first time ko ring dadaan sa EDSA Highway, kaya pinaghandaan ko ito.
Preno’t gulong ng bisikleta? Check.
Ekstrang damit? Check.
Bimpo? Check.
Tubig at biskuwit? Check.
Pera, load na pang-text at tawag, cellphone? Check.
Ruta? Check.
Para sa ruta, nagtanong ako sa Facebook group na kinabibilangan ko: ang Pinay Bike Commuter Community. Paanong makakarating ng Makati mula sa Pasay? Marami ang sumagot, matulungin talaga ang mga babae. Ang pinili ko ay Roxas Boulevard, Buendia, EDSA. Bagama’t di pamilyar sa akin ang daan na ito, naging madali pa rin ang aking ride dahil walang sasakyan sa Buendia, Makati. Holiday. People Power Anniversary. Na siyang dahilan kung bakit ako lumuwas.
Pagdating ko sa EDSA going to North side, nagulat ako sa tindi ng mga ahon na kailangan kong ibisikleta. Nagpalala pa ang dami at tulin ng mga sasakyan, pati na ang dambuhalang mga bus, na laging napapadpad sa bike lane pag magsasakay at magbababa ng pasahero.
Kinuwestiyon ko ang pasya kong lumarga nang mag-isa. Ba’t ko ba ‘to ginagawa? Kay layo. Mapanganib. Guadalupe. Lusong. Wala akong makausap. Walang mapagbahaginan ng aking mga kaba. Boni. Ahon. Kapag nasiraan ako o na-flat-an ng gulong, paktay na. Walang agad na mahihingan ng tulong. Megamall. Kapag naaksidente ako , walang agad na sasaklolo. Ortigas.
Anong saya ko nang makita si Mama Mary, na katabi ng Robinson’s Galleria! Pero kakaunti ang tao. Wala na bang nagdiriwang ng importanteng araw na ito? Huli akong nakipagtipon sa ilalim ni Mama Mary ay taong 2001. EDSA Dos! Yes, isa ako sa mga nagmartsa para patalsikin si Pangulong Joseph Estrada. Siksikan noon. Maingay. Magdamag. Street party siya, actually, with activism involved.
Ngayon, nang makarating ako sa EDSA Shrine after almost two hours of biking, halos walang tao. Mas marami pa ang unipormadong pulis kaysa sa amin. Pero napansin ko rin na maraming naglalakad na naka-pink, pa-Norte.
Nasa People Power Monument sila, sabi ng isang pulis.
Naroon pala!
Pumadyak ako, mga isa pang kilometro. Sa EDSA, boundary ng Mandaluyong, Pasig, at Quezon City, naroon, nagtipon-tipon ang mga Pilipinong naniniwala sa kapangyarihan ng demokrasya.
Ay, eto na. I belong, sabi ng aking pride.
At lahat ng nakita ko, naka-pink: bata, matanda, teenager, yuppies, tindera ng Leni Kiko na bag at kamiseta, lalaki at babaeng nasa ibabaw ng nakaparadang trak, nagtatalumpati, may mga tulad kong biker din, pink na pink ang accessories ng kanilang bisikleta. May namimigay ng komiks at pink ribbon. Agad kong itinali sa aking handle bar ang ribbon na iniabot sa akin.
Huminto ako sa bangketang katapat ng monument. Sa tabi ng aking bike ay nanood ako’t nakinig ng programa. Umawit sina Leah Navarro at Mitch Valdez ng makabayang mga kanta. Ay mali, umawit ang lahat, sa pangunguna lamang ng dalawang singer na aking nabanggit.
Hindi ito ang sadya ko sa EDSA Shrine.
Hindi rin ito pink rally.
Nagkataon lang na ang mga taong naroon, at nagpapahalaga rin sa kalayaan ng ating bansa ay pink ang suot-suot, pink ang pamaypay, pink ang bimpo, pink ang bag.
Gabi na’t madilim nang magpasya akong umuwi. Nakasalubong ko sina RR Cagalingan at Tina Pangan, mga kaibigan, pero sila’y taga-Pasig at Sampaloc, samantalang ako’y taga-South.
Kaya mag-isa pa rin akong tumahak ng daan pauwi. Ahon lusong na naman sa EDSA. Heto na uli ang 25 kilometers.
Wala pa rin akong kausap. Wala pa ring mapagbahaginan ng aking mga kaba.
But I didn’t feel alone. Iyan ang ipinagkaiba.
Because this time, sa bawat padyak, sinamahan ako ng pag-asa.