Tuesday, May 25, 2021

Nakakasama ng Loob (Tula)

 Bihira na akong tumula. Ang huli ay noong Pasko, dahil sa Pinoy Reads Pinoy Books Book Club at kay Badong Biglaen. Pamaskong joke ang tula na iyon.

Kaya noong Sabado, kinilig ako nang makasulat uli ako ng tula sa pamamagitan ng Palihang LILA, kasama ko roon sina Crystal Tala Tanigue, May M. Dolis Ka Adelma Salvador, Tresia Traquena, Lauren Chua, Ivie Urdas, Cheska Lauengco, Kaye Oyek, Agatha Buensalida, Jil, Nikki Mae Recto, Eloisa Francia at mga ka-batch ko sa LIRA na sina Dai Canlas at Tabs Tabora.

Salamat, mga ate, tita at co-nanays!
Ang prompt ay... natatae moments, hahaha! Pakulo ni Tresia!


Nakakasama ng Loob
ni Beverly W. Siy
Nakakasama ng loob
ang maglabas ng sama ng loob
pagkatapos na pagkatapos
magsilang ng sanggol.
Tinitibi ka na,
pero hindi naman makairi.
At baka biglang bumuka
ang tahi.
Ay, di tatahiin na naman,
panibagong tusok-hila-tusok-hila
ng karayom
sa laman?
Nakakasama ng loob
ang maglabas ng sama ng loob
pagkatapos na pagkatapos
magsilang ng sanggol.
Muli,
solong katawan kang dadanas
ng hirap.
Muli,
hihilab ang iyong tiyan.
Puwersahang ibubuka ang balakang.
Close-open-close-open
ang mata, puke, puwitan.
Nakakasama ng loob
ang maglabas ng sama ng loob
pagkatapos na pagkatapos
magsilang ng sanggol.
Babalewalain ng iba ang iyong luha.
At pagtatawanan pa ang iyong ngawa.
Dahil ang iyong iluluwal
ay walang namang kakuwenta-kuwenta,
e.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...