ni Beverly Wico Siy
Introduksiyon para sa librong Silat ni Adelma Salvador
Madalas na kung ano o sino ang malapit sa atin ay siya nating nababalewala, hindi naidodokumento, hindi naitatampok.
Nitong mga nakaraang taon, napansin kong bihira ang mga akdang tungkol sa pagiging nanay. Di ko alam kung bakit.
Dahil ba kakaunti ang manunulat na babae?
At mas kakaunti ang manunulat na ina?
Weird kung tutuusin, dahil ang mga nanay, kilala sa pagiging matalak, masalita. Pero bibihira ang akda na sila mismo ang nagsulat.
Nakumpirma kong kakaunti nga talaga ang akdang tungkol dito at isinulat mismo ng mga ina noong Mayo 2020, noong ako ay inimbitahang maging guest editor ng Ina Issue ng Dapitan Literary Folio. Inilathala ito ng The Flames, University of Santo Tomas Faculty of Arts and Letters bilang pagdiriwang ng Araw ng mga Ina. Nang makapili na kami ng co-editor ko na si Dr. Joselito delos Reyes ng mga akdang isasama sa libro, humirit ako sa coordinator na huwag munang i-layout ang manuskrito. Lumiham ako sa Editorial Board na mangalap pa kami ng mga akda na hindi lang basta tungkol sa pagiging nanay kundi isinulat din ng Tomasinong nanay. Pinagbigyan naman ito. Biláng sa daliri ang aming nasa listahan, at mas kakaunti ang nakapagsumite at naisama sa lathala.
Kung bibigyan ng pagkakataong magsulat, ano nga ba ang isusulat ng mga nanay?
Anak, asawa, tahanan, bahay, paghuhugas ng plato, paghihiwalay ng puting damit sa de kolor, pagliligpit ng kalat, pagwawalis ng sala, bayad sa upa, pagde-defrost ng ref, pagpili ng pinakamakintab na dalandan sa palengke, pagtaas ng presyo ng carrot at patatas, paghihiwa ng sibuyas.
In short, ang isusulat nila ay lahat ng malapit.
At hindi tayo fan ng mga bagay na ito. Araw-araw na nga nating nakakasalamuha, ay, bakit pa natin iha-highlight, bakit pa nga ba isusulat, bakit pa natin babasahin? Parang hindi natin ito ikatatalino. Araw-araw na nga, ang lapit-lapit pa. Walang bago riyan. Walang matututuhan.
Siguro, ito rin ang dahilan kung bakit di tayo masyadong nagsusulat tungkol sa sarili nating kalye, komunidad, bayan. Sa isang writing workshop na dinaluhan ko bilang tagapagsalita ilang taon na ang nakakaraan, ang napagkasunduang paksa ay trapik. Out of 14 writers, isa lang ang nagbanggit ng pangalan ng kalye sa kanyang akda. Takang-taka ako. Bakit ayaw idokumento ang pangalan ng mga kalye?
Kasi naman, ano ba ang meron sa kalye, komunidad, bayan natin kundi kapitbahay na nakakainis, tumpok-tumpok na tae ng aso, lagas at tuyot na mga dahon, ispageting kawad ng Meralco, cable, telepono, isang pirasong elementary school para sa buong populasyon, agnas nang ospital, matandang pamilyang kaytagal nang politiko? And we do not think that these are worthy to be the center of our written works. We do not believe that these are worthy of the time of the readers.
Para iyan lang. Maliit na bagay ang domestiko. Hindi importante ang malapit. Hindi tayo bilib sa malapit.
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit mas malaki ang paghanga natin sa mga nag-aral sa malayo. Mas malayo, mas kabilib-bilib. Gayundin sa trabaho, mas di pamilyar sa atin, mas kahanga-hanga ang ginagawa. Paniwala natin, mas marami tayong matututuhan sa mga bagay na malayo sa atin.
Pero sa larangan ng panitikan, ang pag-aakda ay hindi lang tungkol sa kung may matututuhan ba o wala ang mambabasa. Ito ay tungkol din sa paglalahad, sa pagbabahagi, sa pagpapahayag ng tao na nagsusulat.
Simple lang.
Ang pag-aakda ay tungkol din sa pagbibigay ng pagkakataon na makapaglahad, makapagbahagi at makapagpahayag. Sa sinumang nais magsulat. Lalo na sa mga tao na kadalasan ay binabalewala lang natin. Kasi nga, ang lapit-lapit lang nila. Masyadong karaniwan. Gayon din marahil ang kanilang papaksain sa akda. Malapit, karaniwan, pamilyar.
Na siyang laman ng librong Silat ni Adelma Salvador.
Totoong malapit, karaniwan, pamilyar ang mga paksa ng kanyang mga sanaysay at tula. Baka nabasa o narinig na ng marami sa atin ang mga ganitong salaysay: relasyon sa sariling ina, sa sariling ama, mga kaibigan, first love, dates, kasal, pag-aasawa, pag-aanak, pagpapalaki ng batang lalaki, pagpapalaki ng batang babae, paghatid at sundo ng mga anak sa eskuwela, pag-aasikaso sa tumatandang mga magulang.
Malapit, karaniwan, pamilyar.
Kaya, bakit pa babasahin ang Silat?
Dahil ang mga akdang ito ay hindi lang paglalahad ng danas, paglalahad din ito ng mga bagay na dapat gawin ng mga lalaki.
Sa madaling salita, ang nagpapaangat sa Silat ay ang talino ni Ka Ade sa pagsasabi ng solusyon para makapaglahad at para makapagsulat ng danas ang mga babae, partikular na ang mga nanay.
Sa buong libro ay kitang-kita mo ang struggle ng isang babae at ina na mabalanse ang kanyang buhay. Sa pag-usad mo sa libro, masasaksihan mong lumalaki ang kanyang mundo. Pamilya at sarili. Pamilya, sarili, at simbahan. Pamilya, sarili, simbahan, at kaibigan. Pamilya, sarili, simbahan, kaibigan, at bagong komunidad. Komunidad ng panitikan. Kitang-kita mo rin ang panloob niyang pakikipagtunggali, napakarami niyang alinlangan sa sariling kakayahan, lalo na kung ito ay tungkol sa pagsusulat. Bawat pag-usad mo sa akda, natitingkal nang paunti-unti ang mga alinlangan na ito.
Ano ang dahilan ng pagkakatingkal ng mga alinlangan na ito?
Ang talino, lakas at panahon (TLP) na ipinupuhunan niya sa mga bagay na kanyang gusto. Gaya ng pagtula. Ng pagkatha.
Hangang-hanga ako sa paraan ng kanyang pagsasabi na para siya ay magkaroon ng TLP sa mga gusto niyang gawin, sa sarili niyang mga pangarap, kailangang maglaan ang mga lalaki sa kanyang buhay ng TLP sa mga bagay na pansamantala niyang iiwan: pag-aasikaso ng bahay, bunsong anak, mga domestikong gawain, at marami pang iba.
Naroon nga ang kanyang asawa, dalawang anak na lalaki, at sariling tatay, taga-supply ng sarili nilang TLP bilang kahalili ni Ka Ade. Mga nasa background lamang. Because they know, it is Ka Ade’s time to shine.
Makikita rin ang TLP nila sa pinakapaborito kong mga piyesa: ang sanaysay tungkol sa pagdalo ni Ka Ade sa LIRA workshop, ang mga struggle niya sa pagsusulat, ang love story nilang mag-asawa, ang mga challenge nila sa pagnenegosyo, at ang pangkaraniwang araw na isinabay siya ng kanyang ama papunta sa simbahan.
Klaro.
Isang mensahe sa mga lalaki ang librong Silat.
Sabi nito: ang TLP ninyo, guys, ay hindi lang para sa sarili ninyong mga pangarap. Ito ay para din sa pangarap ng mga babae, lalo na sa mga ina.
Ang smooth ng pagkakalahad. Banayad na banayad. Hindi nang-uurot ng konsensiya. Hindi nagde-demand. Hindi galit kundi tigib ng pagtitimpi.
Ito pa lang ay dahilan na para buklatin ang librong Silat.
Sa mga kapwa babae, sa mga kapwa nanay, magpatuloy tayo sa pagsusulat tungkol sa malapit. Huwag itong maliitin, huwag balewalain.
Para mas malayo ang ating marating.
Beverly Wico Siy
11 Setyembre 2020
Bacoor, Cavite
Ang unang bersiyon nito ay nalathala noong Mayo 2020 sa UST Dapitan Literary Folio na Ina ang tema.