Saturday, April 29, 2017

Hinggil sa librong Ang Pag-ikot ng Salapi sa Panahon ni JLC ni Andrian Legaspi


Ang nobelang ito ay serye ng maiikling kuwento tungkol sa isang
lumang-luma at naaagnas na bente pesos.

Sadyang iniwasan ng manunulat nitong si Andrian Legaspi ang
conventional na plot, isang eksperimentasyong napapanahon para
maunawaan ang napakabilis na pagbabanyuhay ng kanyang teritoryo: ang
lalawigan ng Cavite.

Matalino ang pagpili ng mga detalye at pop culture references. Nariyan
ang pang-umagang sinag ng araw sa bayan ng DasmariƱas, arinolang
lagayan ng pera, pangalan ni John Lloyd sa Tabing-ilog, aircon bus na
puro galing sa Hollywood ang palabas, wall clock na may mukha ni
Congressman, iced tea na pangontra sa pangangamoy ng paa, Good Morning
towel sa pridyider, rice cooker sa motorsiklo ng Bumbay, pawis sa leeg
ng lalaking kumalabit sa gatilyo, at ilang piraso ng sumabog na utak
at bungo sa lupa. Matalino sapagkat eye-opener ang bawat imahen.
Kayrami nitong sinasabi tungkol sa atin, lalong-lalo na sa political
situation ngayon ng Pilipinas. Matalino dahil dokumentasyon din ito ng
mga aspekto ng buhay nating mga Filipino na unti-unti nang naglalaho
dahil sa pikit-mata nating pagyakap sa mga first world na pangarap.

Nagpokus si Legaspi sa kamalayan ng kanyang mga tauhan. At inilantad
ng technique na ito ang esensiya ng buhay nina Ryan the Virgin,
ex-komadronang Manang Agripina, magdyowang Bekbek at Ferdie,
magkaibigang Epoy at Darren (mga gasoline boy), carinderia-owner na si
Aling Fe at ang anak na si Joy (adik sa Kpop), ang Bumbay na si Rafi,
Johnson the hired killer, ang Itang si Honey Faye, si The Sword
Swallower, ang artistang si Kaye Abad, at marami pang iba.

Ang nobelang ito ay behikulo ng awtor para ipakita ang pagmamahal niya
sa Cavite. Ang kanyang mga kuwento ang nag-uugnay sa kanya sa
teritoryong ito. Ang kanyang mga kuwento ang nag-uugnay sa mga
modernong CaviteƱo sa isa’t isa. Ang kanyang mga kuwento ang
nag-uugnay sa mga mambabasa sa diwang Filipino na nakabaon nang
malalim na malalim sa ating mga pagkatao.

Sa umpisa’y madidiliman ka at mabibigatan sa pinaghalo-halong kulay sa
obrang ito. ngunit sa pagtatapos, garantisadong gagaan ang bawat kulay
at magdadala ito ng liwanag sa iyong isip.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...