Tuesday, October 26, 2010

Beri Good, DepEd

Nagulat ako nang ianunsiyo ng DepEd sa TV na walang pasok ngayon.

Bakit?

E, ang pagkakaalam ko, wala naman na talagang pasok ang mga bata. Iyon kasi ang sabi sa akin ni EJ, ang anak kong Grade VI student sa Quirino Elementary School, noong Biyernes pag-uwi niya galing school.

Wala na nga raw pasok at 2 November 2010 na ang balik-klase.

Kaya naman umalis na kami ng QC at nagpunta sa isang liblib na lugar sa Luzon.

Ako na lang ang kailangang lumuwas para magtrabaho ngayong linggo na 'to.

So, ayun na nga. Kung talagang wala nang pasok, bakasyon na, sembreak na, e bakit kelangan pang mag-announce ng DepEd sa TV ng ganon? E, di ba awtomatiko na iyon?
Kasi kung hindi, kailangang abangan ang bawat anunsiyo na ilalabas nila sa TV.

Okey lang iyon kung nasa bahay ka lang. At sige na nga, palampasin na 'yong 5am ka gigising kung 6am ng umaga ang pasok ng anak mo para abangan sa TV kung may pasok nga o wala sa araw na 'yan.

Pero paano naman 'yong umuwi na ng probinsiya? O kaya ay may pinuntahang kamag-anak o lugar na malayo sa eskuwela? E di kelangan na nilang umuwi ngayong gabi pagkatapos ay tumututok sa Balita channel at pakinggang mabuti ang lahat ng sasabihin ni Mike Enriquez regarding sa abiso ng DepEd para lang malaman kung may pasok o wala?

E, nasaan naman ang sistema riyan?

So ang ginawa ko ay tumawag ako sa DepEd: 6361663

Nakita ko ang number na ito sa diyaryo dati pa. Nakalimutan ko na kung ano ang isyu that time. Baka baha o bagyo.

Ang unang nakasagot sa akin ay isang lalaki.

Wala siyang matinong kongklusyon kung may pasok o wala. Kesyo kelangan daw abangan ang sasabihin ng eskuwela. Puntahan ko daw ang eskuwela. Kasi baka raw ginamit ang eskuwelahan bilang botohan. Kaya puntahan ko na nga raw bukas. I-check ko raw kung puwede nang magklase. Kung puwede naman nang magklase, magkaklase ang mga teacher.

Ang galing.

Are you DepEd, Sir? E ba't pa ako tumawag sa 'yo, di ba? Kung iyan din lang pala ang ipapayo mo sa aken? Siyempre, silent munimuni ko lang 'yan.

Gigil na gigil na akong ibaba ang phone pero hindi ako sumuko. Nararamdaman ko na ring gumagapang ang inis sa boses niya. Ako lalo na, kasi naeengotan na ako sa mga sagot niya, pero hindi ko ipinahalata. Talagang kelangan ko lang malaman kung luluwas na ba kaming mag-ina ngayong gabi o hindi pa.

Pero inaamin kong masuwerte rin ako at naroon pa sila sa opis. Ngayong past five ko na lang kasi naalala na tawagan ang DepEd. Hindi ko rin naman alam ang phone sa eskuwelahan ng anak ko. So no choice din ako kundi tawagan sila.

Sabi ko, Sir, wala po kami sa Maynila. Hindi ko po alam kung may pasok ang anak ko bukas. Samantalang sabi ng teacher niya, wala na raw.

E, iyon naman po pala. Sinabi na ng anak ninyo na walang pasok, e.

Ha? So okey lang na mag-rely ako sa sasabihin ng anak ko? Siyempre hindi ko tinanong kay Sir iyan.

E, kung wala naman po talagang pasok, bakit po kailangan pa po ninyong i-announce sa TV na walang pasok?

Para kasi sa mga teacher iyan, Miss. Ina-announce na wala pa silang pasok ngayon kasi pagod pa sila.

Ha? E, paano kapag di na sila pagod? E di biglang mag-aannounce ang DepEd na may pasok na nga uli? Siyempre di ko pa rin sinabi ito kay Sir.

Ibig po ba ninyong sabihin, depende po kung ginamit ang eskuwelahan bilang botohan o hindi?

Ganon nga. Kaya kelangan talaga sa eskuwelahan kayo magtanong.

Ha? E, kung sa eskuwelahan naman pala, bakit kailangang mag-isyu ng announcement ang DepEd over nationwide TV? Anak ng taragis, oo. E, di sana ang abiso na lang nila, abangan ang anunsiyo ng kani-kanilang eskuwelahan sa pagbabalik-klase.

Ayun, e di mas malinaw!

Anyway, nakulili na siya sa wakas.

So, may tinawag siyang babae. At iyon naman ang kumausap sa akin.

Huwag kayong mag-alala, dear readers. Kung anong mga argumento at rason ang ibinigay sa akin ng lalaki kanina, iyon din ang sinabi ng babaeng ito. Ika-copy paste ko na nga lang sana ang nasa itaas, e. Pero huwag na. Sayang pa ang space. Basahin na lamang muli kung nais pang ma-entertain. Imadyinin na lang na babae this time ang nagsasalita ng mga salitang iyan.

Pero ako pala ang nagbago. At this point kasi, ipinahalata ko nang namimilosopo na ako nang bonggang-bongga.

In fairness naman, may binanggit itong si Mam na hindi binanggit ni Sir. Ang school calendar.

Pare-pareho po ba ang school calendar ng mga eskuwelahan sa buong bansa? tanong ko.

Oo.

So batay po sa kalendaryong ito, may pasok po ba ngayong linggo o wala?

Alam mo, may mga pagbabago kasing naganap. 'Yong kahapon tsaka ngayon.

Okey po. Okey po. Ipasok po natin ang pagbabagong iyon. Kasama po iyong barangay elections kahapon at 'yong kawalan ng pasok ngayon, may pasok po ba bukas?

Patlang.

Alam mo hindi namin masasagot iyan. Kelangan mo talagang pumunta sa eskuwelahan.

Mam, iyon na lang po. May pasok po ba this week batay diyan sa binagong kalendaryo na 'yan?

Patlang

Mam?

Alam mo, kasi, 'yong ibang eskuwela, kapag walang pasok nagde-declare pa rin silang may pasok para mag-make up classes. Baka mag-make up class sa eskuwela ninyo.

Nako. Lalo na akong nalito. Anak ng botyog. Kahit ideklara, halimbawa ng DepEd na wala nang pasok, kapag sinabi ng eskuwelahan na may pasok, me pasok pa rin?

O, baliktarin naman natin. Halimbawa, ideklara ng DepEd na may pasok sa partikular na araw na ito ngunit nagdeklara ang eskuwelahan na walang pasok kasi sobra na ang magmake up classes ng mga bata, sobrang genius na sila kahit iyong nasa lowest section na nasa fourth row at 146 silang estudyante sa isang classroom.

Sino ang masusunod?

Tagisan ba ng bagang ito? DepEd sa eskuwela?

Anyway, ako, e, di kelangan na talagang umantabay sa gate ng eskuwelahan ng anak ko para dito. Bukas ng 6am. Ayokong maka-miss si EJ ng kahit na make up class lang. Sayang, aba. Anlaki ng tax na ikinakaltas sa akin, e.

So umagang-umaga, bukas, gigisingin ko siya para magsepilyo, Tapos pakakainin ko siya ng cupcake at saging habang naghihintay na uminit ang tubig pampaligo. Tapos ako ay maglalakad papunta sa eskuwela nila para makiramdam kung me pasok nga o wala.Sakaling hindi rin alam ng ibang magulang na mauuna sa akin o makakasabayan ko kung me pasok o wala, uuwi na lang muna ako. Para sabihin kay EJ na, di tayo sigurado, e. Kaya pumasok ka na lang, anak.

Resigned na ako sa kapalaran ko. Ganyan ang maging nanay, e. Part talaga ang mga DepEd induced pains and headaches and backaches and exhaustion.

So sabi ko sa kausap ko sa phone, sige po. Salamat na lang po.Puwede ko po bang malaman ang pangalan ninyo?

Sa Text Messaging Central Office po ito ng DepEd.

A, okey po. Sino po sila ulit?

Sa Text Messaging Central Office nga ito ng DepEd.

Opo. Ano pong pangalan nila, Mam?

Saan ba nag-aaral ang anak ninyo?

Quirino Elementary School po. Maagap na maagap akong sumagot. Nagliliwanag na ang kinabukasan naming mag-ina. Kako, may tao po ba doon ngayon kung tatawagan?

Oo. Meron 'yan. Akin na po'ng phone number ninyo, itatawag namin sa inyo mamya kung anong sabihin doon.

Sinabi ko naman, maagap na maagap din. Ibinigay ko ang cellphone number ko. Tapos nagpasalamat ako.

After 15 minutes, nagring ang cellphone ko. Si Sir! Ang lalaking sumagot sa aking tawag kanina.

Hello, kayo po ba ang tumawag sa amin?

Opo.

Sa Nov. 2 na raw ang resume ng klase ninyo.

Ayun!

Kaya naman super salamat sa Text Messaging Central Office ng DepEd.

Biruin ninyo, nakaligtas kami ng isang malaking aktibidad sa kalsada na kung tawagin ay pagluwas.

Hey, I really mean it. Thankful talaga ako. Talagang tumawag pa sila, e.Sa cellphone pa. Sana lahat ng ahensiya ng gobyerno, ganito ka-accommodating, ano?

MORAL LESSON: Pag tumatawag sa opisina ng gobyerno, alamin ang pangalan ng kausap mo. Para mangingimi siyang magpa-lousy-lousy sa pagsagot-sagot sa 'yo at nang makamtan ang inaasahang serbisyo-publiko!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...