23 September 2010
Opis, FILCOLS
Hindi ko akalaing magkakaroon ako ng matinding realization tungkol sa sarili ko, of all places, sa harap ng tindahan ng mga hikaw.
Araw-araw, pag papasok ako ng opisina, nadadaanan ko ang mga tindahan ng hikaw (at bimpo, headband, tsinelas, modern medyas for the working women, blouse, nipper, hair clip at iba pa) sa ilalim ng Boni MRT Station. Sa araw-araw na ito, imposibleng hindi ako lilingon sa mga hikaw habang naglalakad ako papunta sa sakayan.
At kapag may panahon ako, madalas uwian time, titigil ako at titingin. Hihipo. Pipili. Magtatanong ng presyo. Itataas ang hikaw sa tapat ng butas ng tenga. Titingin sa salamin. Ibababa ang hikaw. Titingin-tingin. Hihipo. Pipili. Aatras. Lilipat sa ibang puwesto. Titingin. Hihipo. Pipili. Tatalikod. Aalis.
Oo. Wala akong binibili.
Hindi ko akalaing ang ganitong gawain ay sintomas pala ng napakalaking problema.
Kagabi, sa harap ng daan-daang pares ng hikaw na perlas, plastic, clay at beads, gawa sa China at Korea at kung saan-saan pa, natanto kong hindi pala ako marunong gumawa ng desisyon.
Lalong lalo ka na kung maraming pagpipilian.
First time kong magtrabaho sa isang organisasyon na dalawa lang ang empleyado. Ang boss ko at ako. Siya, isang taon na sa trabaho niya. Ako naman, tatlong buwan pa lang.
Parang NGO ang set up namin. Good. May advocacy. Good. Para sa mga manunulat. Lalong good.
Dahil dalawa lang kami na laging magkasama, naoobserbahan akong maigi ng boss ko. Isa sa mga observation niya ay nakayanig sa akin noong marinig ko.
Bebang, hindi ka marunong mag-decide.
Tumawa lang ako.
Kasi tuwing tatanungin niya ako ng “ano sa tingin mo?”
Ano sa palagay mo?
Alin ang dapat unahin?
Saan tayo dadaan, sa EDSA o sa White Plains?
Kakain na ba tayo o mamaya na?
Sasama ka ba sa conference o hindi?
Ang lagi kong sagot, kayo po. Kayo pong bahala.
Siya ang pinagde-decide ko. Kahit na ipinagkakatiwala niya sa akin ang kapangyarihang magdesisyon.
Natatawa lang ako kapag sinasabi ito ng boss ko. Hindi ko sineseryoso. Para sa akin kasi, maliit na mga bagay lang iyon at hindi na kailangan pang ako ang magdesisyon.
Siguro kaya rin kami nagtagal ni Joji (halos walong taon). Para siyang tatay ko. Siya ang nagde-decide para sa akin. Para sa amin ni EJ. Hindi ako conscious noon na siya lagi ang taga-decide pero gusto ko ang ganong set up. Mabilis na lumipad ang halos walong taon. Hindi ko naisip na may masama palang epekto sa akin ito.
Paano na ako? Ngayon na hinihingi na ng panahon at pagkakataon na ako ang gumawa ng desisyon?
E, hindi ako marunong. Hindi ako marunong sa maliliit na bagay: kakainang restaurant, kulay ng headband, hihiramin na DVD (si EJ ang in charge dito), papanooring sine.
Paano pa sa malalaki?
E, bakit nga ba ako naduduwag magdesisyon?
Bakit sa harap ng mahal at mura, maganda at pangit, makulay at boring na mga pares ng hikaw, hindi ako makapili ng bibilhin?
Kasi ayokong magkamali. Kasi alam ko, gagastos ako. Mawawala ang sampu hanggang trenta’y singko pesos ko dahil sa pagbili ko. At ayokong magkamali. Ayokong pagsisihan ang mabibili ko. Na matutuklasan kong pangit pala pag malayo, pangit pala pag malapit, madali palang mapigtal ang bulaklak na design, mabilis palang mangitim ang perlas, masyado palang maluwag ang pakaw, hindi pala bagay sa akin, mukha pala talagang mumurahin, masyadong maliit, masyadong malaki o masyadong mabigat, hindi ko kayang dalhin literally at metaphorically.
Kaya ayoko. Masaya na ako sa ginawa kong pagtingin-tingin, paghipo-hipo, pagpili-pili. Para walang maling desisyon.
‘Yon nga lang, wala rin akong hikaw.
May mga hikaw ako sa bahay pero halos lahat ay bigay lang, regalo, bili lang ng ibang tao para sa akin o pamana ng mga kapatid kong kikay.
At hindi puwedeng ganito na lang lagi.
Lalo na kung gusto ko ng hikaw. Kailangan, magkaroon ako ng hikaw na ako mismo ang pumili at bumili.
Weno kung pangit pala pag malayo, pangit pala pag malapit, madali palang mapigtal ang bulaklak na design, mabilis palang mangitim ang perlas, masyado palang maluwag ang pakaw, hindi pala bagay sa akin, mukha pala talagang mumurahin, masyadong maliit, masyadong malaki o masyadong mabigat, hindi ko kayang dalhin literally at metaphorically? Weno naman?
Ang importante, pumili ako, bumili, gumawa ng choice, nagdesisyon. E, ano kung mali? Ikagugunaw ba iyan ng mundo? E, ano kung mali?
At kung mali nga, at least, matututo ako. Na ang ganito-ganyan palang hikaw e… pangit pala pag malayo, pangit pala pag malapit, madali palang mapigtal ang bulaklak na design, mabilis palang mangitim ang perlas, masyado palang maluwag ang pakaw, hindi pala bagay sa akin, mukha pala talagang mumurahin, masyadong maliit, masyadong malaki o masyadong mabigat, hindi ko kayang dalhin literally at metaphorically.
Diyan naman natututo ang tao na gumawa ng tamang desisyon. Sa mga maling desisyon.
Wrong moves are part of life. So bakit ko iiwasan?
Kagabi, pag-uwi ko at habang naghihilamos na sa bahay, napahawak ako sa mga tainga kong hubad sa hikaw maghapon.
O maghanda kayo, kako. Bukas na bukas din, sa mga butas ninyo, may ipapasak akong bago.
Ay. Bastos.
Monday, September 27, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...