Monday, April 18, 2016

jowa jokes

nung sabado, nandito si ser lourd sa bahay. may book discussion kasi ang prpb at tampok ang lourd de veyra's little book of speeches. since kapitbhay namin si ser, inalok ko kay kd (founder ng prpb) na dito na lang ganapin ang discussion.

pero bago mo basahin ang buong post, sasabihin ko na sayo, hindi ito tungkol kay ser o sa book nya o sa discussion. so kung yun ang inaasahan mo, scram. joke lang. 'wag, 'wag ka nang umasa. masasaktan ka lang.

moving on. eto na dumating na si ser. me dala siyang maliit na cooler. akala ko e may something siya para sa lahat. after a few minutes ng kuwentuhan, sinabi niya sa amin kung para saan talaga iyong cooler. may laman pala itong good morning towel na may mukha ni jesus, nakaimprenta rin sa baba ng mukha ni jesus ang mga salitang i thirst. tapos basa ng pabango at tubig ang buong towel. sabi niya, hangga't malinis daw ang kanyang towel, puwede daw kaming mag-share sa tubig na malamig at pabango (one direction daw na bigay lang sa kanya, amoy babae daw ang pabango, di pa siya nambababae, amoy babae na siya) sa kanyang cooler. siyempre, hindi para inumin ito kundi para basain ang sari-sarili naming towel o panyo.

sa buong panahon ng aming discussion, paminsan-minsan niyang inilalabas ang towel para idampi sa kanyang batok at mukha. minsan, sa alak-alakan.

napansin kong init na init na kaming lahat, pero siya, hindi pinagpawisan. at ang bango-bango niya! actually, 'yong sala namin, ambango dahil sa kanya.

ting!

ang gandang idea! magaya nga.

so kahapon pa ako may basang lampin sa batok. nilagyan ko ito ng konting cologne ni dagat, hehe para mabango-bango rin ako. ipinapatong ko ito sa ulo ko kapag sobra na ang init. epektib. ang saraaaap. as in. di naman close to aircon pero much better nang bare skin lang.

kanina pagkagising ko, kinuha ko uli ang lampin (same lampin) at binasa ito sa gripon. same old, same old. wah. ang sarap talaga. ngayong malapit nang magtanghali, sabi ko kay poy, gusto mo nito? kukuhanan kita ng lampin, babasain ko na rin. lagay mo sa ulo mo o sa batok mo.

sabi ni poy, hindi wag na. meron naman ako neto. mula sa mesa niya, iniangat niya ang isang pares ng gamit na medyas (i am so sure na gamit na yon parang medyo nakalobo-lobo na ito), babasain ko lang to at ilalagay ko rito, ayos na ako. isinuot niya ang medyas sa magkabilang tenga. tas ngumiti siya sa akin.

yak. baboy.

pano giginhawa ang pakiramdam mo kung memedyasan mo ang tenga mo?

ng medyas na mabantot?

since asawa ko siya at kailangan kong panindigan na nag-asawa ako ng weirdo, ang naisagot ko na lang.. kung saan ka masaya, suportahan ta ka.




Friday, April 15, 2016

Vinzons

Papuntang laguna ngayon sina EJ. Manonood sila ng libreng stage play na hango sa buhay ni Wenceslao Vinzons. Wala akong alam sa taong ito kundi ang apelyido niyang wala palang apostrophe sa pagitan ng N at S. (Buong buhay ko kasi na sumasakay ako ng dyip sa tapat ng Vinzons hall sa up diliman, akala ko’y Vinzon’s Hall ang spelling nito.)

Nag-post sa Facebook ang pamosong playwright na si Layeta Bucoy tungkol sa stage play na ito na sa UP Los Banos gaganapin. At nag-comment ako na kaibigan ni ej ang mga apo ni Vinzons. Sina james, jack at jopet. Sina james at jack ay ka-batch ni ej sa ramon magsaysay cubao high school, magkakasama rin sila nang apat na taon sa wushu club doon. Tapos hanggang ngayon ay magkakasama pa rin sila sa mei cheng gym kung saan nagwu-wushu si ej thrice a week. Si jopet, ang bunso, ay laging kabuntot ng dalawang kuya kapag may lakad sila, kaya naging ka-close din ito ni ej.

Kako kay Miss Layeta, baka gusto nilang imbitahan ang mga bata na manood ng stage play para naman makilala pa nila ang kanilang lolo. Humingi pa ako ng compli tickets. Biglang nag-reply si Miss Layeta. Libre daw ang stage play, at oo, puwedeng-puwede raw na manood ang mga batang vinzons. Nagpalitan kami ng PM. Nagtanong ako kung paanong makarating sa venue mulang Cubao at sinagot naman ito ni Miss Layeta. Pati pamasahe, tinanong ko na, kasi gusto kong ipasama si ej para din makapasyal ito sa labas ng maynila kasama ang mga kaibigan. Maya-maya pa, sabi ni Miss layeta, kung makakapunta ang mga batang vinzons, iti-treat sila ng dinner at baka raw mabigyan pa sila ng pamasahe pauwi. Winner!

Mababait ang mga batang vinzons. Kuwento ni ej kagabi, ang pangalan ng tatay ng mga batang ito ay wenceslao vinzons III. Pero hindi raw ito anak ni wenceslao vinzons, kundi pamangkin lamang. So ang mga kaibigan ni ej ay apo sa pamangkin ng dakilang wenceslao vinzons. Anyway, na-meet ko na si the third nang minsang magpunta ako kina james para ihatid si ej. Nakatira ang kanilang pamilya noon sa isang prime lot sa may alabama st., new manila. Malaki ang bungalow nila, pero lumang luma na ito. Madilim sa loob, kahit araw at nakasindi ang ilaw. Medyo nangingitim na ang mga pader. Giray na ang mga sofa, makutim ang tiles. Isa pang nakapagpadilim sa buong sala ay ang mga bookshelf sa dingding na punong-puno ng mga librong kulay kape. Mga hard bound na law books daw iyon ng dakilang wenceslao, sabi sa akin ni wenceslao III nang minsan ngang mapadpad ako doon. May kakilala raw ba ako na bumibili ng ganoong libro, meron din daw siyang lumang medical books na gusto na niyang ibenta. Tulungan ko raw siya. Kako, magtatanong-tanong po ako. Una kong naisip, ang UP para sa law books ng dakilang wenceslao. Para naman sa medical books ay ang mga antique stores sa cubao x.

Sa kasamaang-palad ay wala akong hakbang na nagawa para matulungan siyang makakonekta sa up. Bihira na ako noon sa up. Bitter lang ang peg. Sa cubao x naman, nagtanong ako sa isang antique store na nagbebenta rin ng mga libro. Ang sabi, kadalasan daw, siya ang nagpupunta sa bahay ng gustong magbenta ng lumang gamit at libro. Siya ang mag-a-assess kung ano ang mga puwede pang bilhin. Tineyk nowt ko lang ito pero nawala naman sa isip ko na i-relay kay ej o kina james at jack para sabihin sa kanilang tatay.

Dating doktor si wenceslao III at medyo may edad na ito. Ang nanay ng mga batang vinzons ay parang mas bata pa sa akin (turning 37 na ako ngayon). Napakabait ng babaeng ito (sori at hindi ko alam ang pangalan niya, aalamin ko pagdating ni ej), halata naman sa ugali ng mga batang vinzons. Malumanay at magalang silang makipag-usap at hindi magaspang ang pakitungo sa bata at matatanda. Lagi kong nakakasama ang nanay ng mga vinzons kapag may wushu performance sina ej sa kung saan-saang panig ng metro manila. lagi itong nakangiti sa akin at kitang-kita ko kung paano niyang inaasikaso ang tatlo niyang boys (bitbit niya si jopet lagi) kahit medyo malalaki na ang mga ito (parang si ej, bakulaw na!).


Isang araw, ibinalita sa akin ni ej na namatay na ang nanay nina james. Gulat na gulat ako, parang wala naman itong sakit. Medyo chubby siya, maputi at rosy pa ang cheeks, paanong magkakasakit? Inatake daw ito ng hika kalagitnaan ng gabi, ayaw namang magpadala sa ospital kahit na ilang kanto lang ang layo nila sa St. Luke’s. Takot daw kasi ito sa gastos.

Hikahos ang pamilya nila nang panahong iyon. Naalala ko pang minsan daw ay naglalakad lang ang magkapatid na james at jack mula bahay hanggang ramon makapasok lang sa klase. At medyo dumalas din ang pagpapalibre ni james kay ej pagdating sa pagkain. (Pag may wushu performances sila, pag binibilhan ko ng inumin o pagkain si ej, ibinibili ko na rin ang mga kaibigan niya, kasama na doon sina james at jack. Alam kong kakarampot lang ang kikitain nila sa wushu performances, hindi sapat para man lang makabili ng disenteng meryenda. Talagang love lang ng mga bata ang sports na ito.)

Na-meet ko uli si wenceslao III noong burol para sa kanyang asawa. Nang magpaabot kami ni poy ng condolences sa kanya, ang sagot niya sa amin, ayaw kasi niyang magpapayat. Buti ikaw, na-maintain mo ang katawan mo. Ramdam kong lumaki nang konti ang pupil ng mga mata ko. At siyempre, wala naman akong naisagot doon. Pero pag-uwi namin, napagkuwentuhan namin ito ni poy. Sabi niya, loko ‘yon, tipikal na lalaki, katawan ng babae ang iniisip.

Ahahay!

Pagka-graduate nina james at jack sa high school, inengganyo ko silang mag-enrol sa pinapasukan kong school, sa PCC. Nag-exam naman sila doon, noong ang campus namin ay nasa divisoria area pa. isinama sila ni ej (nag-exam din si ej doon at inalok ng 100% full scholarship, pero PUP pa rin ang pinili niya). kasabay din nilang nag-exam ang iba pa nilang kaibigan: si eunice at si abi (ang tanging kaibigan ng anak ko na tumuloy sa PCC at incoming 2nd year IT student na this june). Sabi ko kina james, malapit lang ang bagong college campus namin sa kanilang bahay. Isang maikling sakay lang, sa may Quezon Avenue lang, meaning hindi magastos sa pamasahe. At posible silang makakuha ng scholarship kaya hindi kailangan ng limpak na salapi para maka-enrol. At ang importante kako, aalalayan kayo ng admin sa bawat sem. Ang konti kasi ng estudyante doon, 100 lang ang population ng buong college. Kaya talagang namo-monitor ang progress ng bawat estudyante.

Pero nang time na iyon, unti-unti na ring bumubuti ang kalagayan ng pamilya. Ito palang si wenceslao III ay may mas matatandang anak (sa ibang babae) at isa sa mga ito ay sundalo sa US. Ito ang sumuporta kina james at jack para makapag-enrol sa kolehiyo. Nag-IT sa Mapua Makati si James, samantalang Engineering naman ang kinuha ni Jack sa Mapua Manila. Recently ay nabalitaan naming lumipat na sila ng bahay. Nagrerenta na sila ng apartment sa 12th street, new manila. naibenta na pala ang bungalow nila at lote sa alabama. Tiyak akong milyon-milyon iyon dahil ang ganda talaga ng lokasyon. Commercial na ang area doon, sila na lang yata ang residential at that time.

Sabi ni ej, 20k a month daw ang renta sa bagong apartment. Ang dami na raw gadgets ng mga batang vinzons. May kasambahay na rin ang mga ito. Lagi na rin daw nanlilibre ng pagkain ang mga ito lalo na kung may okasyon tulad ng birthday. Na siyang ikinatatampo ni ej dahil nitong huling bday ni jack ay hindi siya inimbitahan, samantalang kumpleto daw ang buong squad nila (siya lang ang wala, awts). Lilipat na rin sa FEU sina james at jack kasi… nitong huling sem ay PE at CWTS lang ang subject na naipasa nila sa Mapua, maryosep!

Sabi ko kay ej, sabihan sina james na sa pcc na lang mag-enrol dahil posibleng maulit sa feu ang nangyari sa kanila sa mapua. Kasi parehong malaking university ang dalawa. Sa dami ng estudyante, bahala na sila sa kani-kanilang buhay. Sabi ko rin, mas maganda kung ang pera ng pamilya ay iinvest na lang sa real estate para pagdating ng panahon, hindi sila mangungupahan. Sabi ko, bumili sila ng condo o kaya ng maraming townhouse o apartment at paupahan nila ang mga ito. Para may steady income sila. Sa ngayon kasi, parang palabas ang lahat ng pera ng pamilya.

Nakakatuwang malaman na mas maayos ang kalagayan ng mga batang vinzons ngayon. Sayang at di ito naabutan ng kanilang nanay. Ang dalangin ko na lang, mas maging wais sana si wenceslao III para sa kanyang mga anak. Dala-dala nila ang pangalan ng dakilang wenceslao. Ang saklap naman kung in the future ay nasa marawal na kalagayan ang mga batang ito, ang mga batang vinzons.

April Feels

Wala sa piling namin si Dagat. Siya ay nasa bahay nina Poy sa Sta. Mesa. Nagpasya kaming doon muna si Dagat ngayon at sa mga susunod na araw. Napakainit kasi dito sa bahay, wala naman kaming aircon. Doon, meron. Napakarami naming tatapusin dahil anlapit na ng deadlines tapos wala pa kaming kasambahay na titingin man lang kay Dagat. Doon, meron, buti na lang!

Ang challenging lang talaga ng may baby. Bakit dati, kay EJ, parang kayang-kaya ko ito? Ba’t parang dati, ang problema ko lang e, pera? Dati, papasok lang ako sa school, papasok sa work, magbibigay ng pera sa mama ko, okey na. Ang school at trabaho at parenting, nama-manage ko nang maayos. Ba’t ngayon na may katuwang na ako, ‘andiyan na nga si Poy, parang ang komplikado ng sitwasyon? Ba’t para akong OFW na andami-daming binubuhay?

Gah.

Ang arte ko, emo-emo. Baka kailangan ko lang itong iligo.

Hi, April daze, ba’t kasi ang miserable ng mga araw mo?

Thursday, April 14, 2016

Tahanan

Last week, naisip kong umuwi sa bahay namin sa Las Pinas. Para makauwi doon sa loob lamang ng isa't kalahating oras mula sa Quezon City, kailangang bumiyahe ako nang past 11pm. Dahil pag mas maaga pa doon, aabot nang 3-3.5 hours ang travel time.

So ganon nga ang nangyari, umuwi ako, kasama ko si EJ. Umalis kami ng mga 11:30 sa bahay sa Kamias. Habang nasa biyahe, tinanong ako ni EJ kung alam ba ni Tisay na pauwi kami doon. Napaisip ako, oo nga naman, ala una ang dating namin, baka magulat na lang 'yon! Pero hindi ko maalala kung nag-text ako kay Tisay. Wala sa isip ko ang magsabi na uuwi ako. Bakit ko naman gagawin 'yon? Pag ba uuwi ka, kailangan mo pang ipaalam ang iyong pagdating samantalang bahay mo naman iyon?

Tapos naisip ko, ganon nga ang tahanan, di ba? uuwi ka at tatanggapin ka nito nang walang alinlangan, tatanggapin ka nang nakadipa, bukas palad, bukas puso, bukas lahat. kasi bahay mo yun, tahanan mo yun, doon ka umuuwi. hindi nito kinukuwestiyon kung bakit doon ang uwi mo o bakit doon mo piniling umuwi. alam nitong kahit gaano ka katagal sa labas, doon ka pa rin ihahatid ng iyong mga paa pag pagal ka na.

Naisip ko rin na sa malakihang konteksto, ganito ang Pilipinas sa mga OFW. hindi nila kailangan ng visa pauwi ng Pinas. Basta't may pamasahe at passport, makakauwi sila. Anytime. Kahit iyong matatagal na sa ibang bansa. Kahit pa nga iyong mga nagtakwil na ng kanilang citizenship. Hindi nila kailangang magsabi ng huy pilipinas uuwi kami diyan, puwede ba? ok lang ba? o istorbo lang kami? kasi kahit anong gawin nila, ang mga tahanan ay laging nakaabang sa pag-uwi ng kanyang mga anak.

kaysarap ng pakiramdam na may uuwian ka, kahit ano pa ang mangyari sa araw mo, sa linggo mo, buwan, taon. sana lang pahalagahan ito ng lahat ng filipino.

pagdating namin sa bahay, tulog na si tisay. sa sala. pero gumising siya at agad na nakipagkuwentuhan sa amin. tinanong niya kung ano ang nangyari sa kasambahay kong si alma (na pinaalis namin a few days ago dahil adik sa day off), sinabi niya rin na nasa tabi ng upuan ko ang bagong damit para sa akin, kasi, napapalitan na raw niya yung una niyang inorder para sa akin (pero di ko nagustuhan ang tela kaya isinoli daw niya sa taga-boardwalk para makapili ng isa pa). nagkuwento rin si tisay tungkol sa pag-uwi ng isa ko pang kapatid na magmumula naman sa mindoro. tinanong ko kung umuuwi doon ang kapatid kong si colay, na taga kabilang compound lang, mga 10 minute walk mula sa amin. ang sagot ng nanay ko, bihira at kung umuwi, saglit na saglit lang. pero tingnan mo, subukan mo, ipagluluto ko kayo bukas, sabi ni tisay, tapos i-text mo siya na dito kumain.

hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, tinext ko nga si colay. idinagdag ko rin na may uwi akong tatlong pocketbook para sa kanya.

kinabukasan, bago mananghali, andon na nga si colay. me dalang tupperware na walang laman. sabi ko, dito ka na kumain, tara. pero sabi niya, mag-uuwi na lang daw siya ng ulam.



Hay, Abril!

Kayraming bagay na dapat ikalungkot ngayong Abril: nasunog ang Faculty Center, may namatay na mga magsasaka sa Kidapawan, pinalaya si Napoles, nakulong ang mga lolang sumama sa pag-aaklas sa Kidapawan, ilang araw na lang bago ang eleksiyon, ang gulo pa rin ng mga kandidato sa pinakamatataas na posisyon ng bansa, init na napakahirap kalabanin.

Alam kong marami pa ang parating, ni wala pa tayo sa gitna ng Abril. Hindi ko alam kung kakayanin pa ng puso ko ang kalungin ang mga bagay na ito.

Pero sino ba ang nagsabing kalungin ko nga ang mga iyan? Obligasyon ko ba iyan bilang isang tao?

Bilang manunulat, palagay ko, oo. Kailangan kong isapuso ang bawat pangyayari para makaisip ako ng solusyon. At ang solusyon na ito ay dapat kong itampok sa aking panulat. Iilan lang sa buong mundo ang may kapangyarihang makapagpakilos gamit ang mga salita, bakit ko aaksayahin ito sa walang kuwenta at di makabuluhang mga bagay?

Wednesday, April 13, 2016

Paalala para sa Pagsusulat ng Books 2 at 3 ng Tuklas-Pahina Book Project

Magandang araw, mga kakuweba!

Kumusta na? Itigil muna ang pagngata sa leche flan ng iyong haluhalo. Heads up muna tayo para sa ating proyekto.

Salamat sa paglahok ninyo sa Pagbasa ng Panitikang Popular na pinamunuan ni Prop. Vladimeir Gonzales bilang huling panayam para sa Books 2 at 3 ng Tuklas-Pahina Book Project.

Sa mga hindi nakalahok (tulad ko!), huwag mag-alala at bumalik lamang kayo rito sa ating website. Bibigyan tayo ng summary ni Jayson Vega at magpo-post din ng video ng naturang panayam si Ronie Chua Padao.

Ngayon naman, bilang pagsabak sa pagsusulat natin ng Books 2 at 3, narito ang ilang paalala:

1. Ang Book 2 ay rebyu o kritisismo ng isang aklat o babasahin mula sa Pilipinas. Likhang-Filipino, ika nga.

2. Ang Book 3 ay rebyu o kritisismo ng isang aklat o babasahin mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Likhang-international, ika nga.

3. Ang librong tatalakayin para sa Books 2 at 3 ay maaaring nasa anumang wika. Kung nasa wikang Lumang Tagalog iyan, go. Kung nakakaunawa kayo ng Lebanese, go.

4. Ang librong tatalakayin ay puwedeng bahagi ng popular literature o independent o self-publishing o out of print na books.

5. Ang ibig sabihin ng popular literature ay anumang akda o libro na kinokonsumo ng masa, inilathala ng malaking publisher, at mabibili sa malalaking bookstores sa buong bansa.

6. Ang ibig sabihin ng independent o self-publishing ay anumang akda o libro na hindi gaanong sikat dahil medyo mahirap itong matagpuan sa malalaking bookstores, inilathala ng maliit na publisher (na kadalasan ay iyon ding awtor), at limitado ang marketing strategies.

7. Oo, wala sa paksa o estilo ng pagkakasulat ang pagiging popular literature o independent o self-publishing ng isang libro.

8. Ang isusulat na rebyu o kritisismo ay nasa wikang Filipino o Ingles o Taglish o Enggalog.

9. Walang takdang haba ang rebyu o kritisismo. Puwede ang super haba, puwede rin ang super ikli.

10. Ang deadline ng listahan ng librong gustong gawan ng rebyu o kritisismo ay sa Sabado, Abril 16, 2016. I-post lamang (ang mga) ito sa ating Facebook page at mula doon ay kokopyahin ito ng admins natin para i-post naman sa ating website.

11. Dalawa hanggang tatlong titles para sa Book 2.

12. Dalawa hanggang tatlong titles para sa Book 3.

13. Sa Facebook page natin, kung sino ang unang magsabi ng title ng libro, siya na ang gagawa ng rebyu o kritisismo nito. Kaya inaasahan na magtatala lamang kayo ng title ng libro kung tunay nga at seryoso kayong gawan ito ng rebyu o kritisismo.

14. Bawal ang pagrerebyu o pagsusulat ng kritisismo para sa iisang libro. Meaning, bawal ang duplicate.

15. Ang deadline ng mismong rebyu o kritisismo ay Abril 23 para sa Book 2 at Abril 30 para sa Book 3.

16. Isusumite ang rebyu o kritisismo sa wikang Filipino sa beverlysiy@gmail.com. Sa Ingles naman ay sa jzhunagev@gmail.com.

17. Kung may tanong, mag-text lamang sa akin sa 0919-3175708.


Ayoko na sanang i-announce ito pero sige, sasabihin ko na rin, para hindi na paulit-ulit ang tanong kina KD, Baba at Jayson. Gusto ko man ay hindi etikal na isama sa listahan ng mga librong gagawan ng rebyu o kritistismo ang anuman sa aking mga akda. Bahagi kasi ako ng pamunuan ng proyekto. Di bale, marami pa namang pagkakataon para mapagdiskitahan ninyo este makasulat kayo tungkol sa mga akda na iyan. In the meantime, tutukan natin ang napakarami at sari-saring handog ng ating publishing industry.

Ayan lang muna. Maraming salamat!

Sa mga hindi pa nagpapasa ng kanilang revised CNF, mag-email na po kayo para hindi kayo matambakan ng mga kailangang isulat para sa ating proyekto.

Nawa’y matapos natin nang matagumpay ang Tuklas-Pahina Book Project.

Para sa bayan, para sa mambabasang Filipino!

Naglalagablab ngayong summer,
Binibining Bebang