Wednesday, May 27, 2015

Mula sa Mambabasang si Vivie Repato

Ms. Bebang Siy-Verzo

Paumanhin po kung sumakit ang mata niyo sa automatic proofreading skills niyo.

Nais ko lamang pong ihatid ang aking galak dahil.. WOW!

hindi ko po alam kung sadyang napagaralan niyo na talaga ang "connection" na gusto mong ma-achieve between you and your readers. (Hindi ko po binitawan ang libro hanggang umabot ako sa huling pahina)

Saludo po ako sa iyong pagmamahal sa panitikan.
Saludo po ako kung paano kayo naging super-mom habang wala pa kayong "guaranteed companion".
Saludo po ako sa serbisyong binibigay niyo sa ating kabataang Pilipino para ihatid ang dunong.

Maraming salamat po sa paggamit ng inyong puso sa paggawa ng librong ito.
(Thank you Lord ito yung librong pinabunot mo sakin sa National Bookstore.)

Mabuhay ang Dagdag Dunong! Kayo po ay mga bayani.
God Bless your team and may your passion extend new learnings to young minds.

Your humble reader,
Vivie Repato

Salamat nang marami, Vivie! Let's keep in touch!

Saturday, May 23, 2015

Kuwentong Pambata, Gawa ng Bata, Para sa Isang Bata


ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi sa pahayagang Perlas ng Silangan Balita

Idinaos noong 19 Mayo 2015 ang Story Writing at Book Making Workshop na pinamagatang Kuwentong Pambata, Gawa ng Bata, Para sa Isang Bata sa Uno Morato Book Shop, E. Rodriguez Ave. cor. Tomas Morato St., Quezon City. Ito ay dinaluhan ng siyam na participant at lahat ay nakatapos ng isang librong may sarili nilang kuwentong pambata.

Halos tatlong oras akong nag-facilitate ng workshop. Sa umpisa ng programa ay nagpasalamat ako (sa ngalan ng mga nag-organisa) sa mga lumahok at sa kanilang pamilya dahil ang pagbabayad nila ng P250 bawat isa ay makakatulong sa medikal na pangangailangan ng isang batang apat na taong gulang, si Carlisle Berma. Si Carlisle ay kasalukuyang nagpapagamot dahil sa brain tumor.

Ang sumunod na naganap ay pagbabahagi ng aking proseso sa pagsusulat ng akdang pambata. Pinakamadali sa akin ang pag-iisip ng tauhan kaya ang aking mga akdang pambata ay kadalasang character-centered. Ikinuwento at ipinakita ko ang ilan kong gawa na nalathala sa Gospel Komiks:

1. si Dada Isda, ang isdang sobrang daldal, miyembro din siya ng choir ng simbahan
2. sina Ate Lab, Ate Lob at Mid, ang magkakapatid na uod
3. si Timon, ang puzzle piece na gustong-gustong maglakwatsa
4. sina JC at Daisy, kambal sila, tsinelas sila ni Jesus
5. sina Tabachinggay, Pompom at Takuchacha, mga panda na nababahala sa food shortage
6. ang mga ice cube at ang sako na si Salvador, nahulog sila sa ice truck
7. ang magbabarkadang saging na laging sunod sa uso ang lifestyle
8. si Poy, ang batang lobo na naghanda sa pagdating ng biyaya pagkatapos niyang magdasal
at marami pang iba.

Pagkatapos nito ay ibinigay ko na ang mga papel na pagsusulatan at pagguguhitan ng mga participant. Ito ang ipinagawa ko:

Page 1: Mag-isip ng tauhan, bigyan ito ng pangalan, iguhit ito, kulayan at isulat sa baba ang pangalan ng tauhan.

Page 2: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa tauhan.

Page 3: Mag-isip ng malupit na problema na kinakaharap ng tauhan. Iguhit ito at kulayan.

Page 4: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa problema.

Page 5: Mag-isip ng hakbang na isinagawa ng tauhan sa problema nito. Iguhit ito at kulayan.

Page 6: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa hakbang.

Page 7: Mag-isip ng ending. Iguhit ito at kulayan.

Page 8: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa ending.

Ang walong pahina na ito ay puwede pang palawakin ng participant kung nanaisin niya. Ito ay backbone na ng isang kuwento: may tauhan, may conflict, may action at may resolution. Konting pino pa ay full blown nang kuwentong pambata!

Pagkatapos ng pagtatrabaho sa walong pahina ay ini-stapler namin ang gilid ng mga ito. Binigyan ko sila ng pre-cut na mga papel na siyang ipinantakip nila sa gilid ng mga pahina. Ito ang nagsilbing spine ng aklat.

Nagbigay uli ako ng isang papel, iyon ang magiging cover ng kanilang aklat. Ipinagawa ko ang mga sumusunod:

Cover page: Isulat nang malaki ang pangalan ng tauhan. Kulayan ito at lagyan ng dekorasyon. Puwede ring iguhit ang setting o lunan kung saan naganap ang kuwentong nilikha. Sa pinakababa ng papel ay isulat ang sariling pangalan.

Inside cover page: Ilagay ang apelyido at ang salitang publishing. Sa baba nito ay isulat ang simbolo ng copyright (©) at ang buong pangalan. (Ipinaliwanag ko nang bahagya ang importansiya ng copyright.) Sa baba nito, isulat ang pangalan ng bansa natin (Filipinas), dahil dito ginawa ang aklat na ito, at ang kasalukuyang taon (2015) para malaman ng mambabasa kung kailan nilathala ang aklat.

Halimbawa: Novicio Publishing
© Malaya Novicio
Filipinas, 2015

Back cover: Gumuhit ng parisukat sa itaas na bahagi ng papel. Sa baba ng parisukat ay ilang pangungusap na naglalarawan sa may akda. Sa parisukat ilalagay ang maliit na picture ng may akda. Dahil wala namang dalang picture ang mga participant, sa bahay na nila ito gagawin. Ang page na ito ay tinatawag na About the Author page.

Halimbawa: Si Althea Jade de Castro ay 8 taong gulang at nakatira sa Tayuman, Maynila. Mahilig siyang magdrowing. Ito ang kanyang unang aklat na pambata.

Inside back cover: Magsulat ng isang pangungusap na pautos. Dapat ay may kinalaman ang utos sa kuwentong isinulat. Itong page na ito ay tatawagin nating activity page.

Halimbawa: Ilista ang mga dapat gawin kapag ikaw ay naligaw.

Nagkaroon kami ng munting graduation. Lahat ng participant ay obligadong magbasa sa harap ng sariling aklat para makuha nila ang kanilang certificate.

Narito ang pangalan at edad ng mga workshop participant, pati ang kanilang mga tauhan at kuwento:

1. Aziel Marie de Guzman, 22 y.o.- Kara Patan, isang aklat na tungkol sa karapatan ng mga bata, hindi siya pinipiling damputin ng mga bata dahil ang gusto ng mga bata ay bola, manika at iba pang laruan.
2. Malaya Novicio, 8 y.o.- Bronie the Book, tungkol din sa isang aklat
3. Kaya Novicio, 9 y.o.- Leni Lapis, isang lapis na nahulog at nadampot ng ibang tao
4. Anib Miguel Tabag, 11 y.o.- Fluffy Fox, isang fox na mabait at napakahilig sa cookies
5. Saniata Tabag, 10 y.o.- Mitten the Plupper, isang pusa na maraming kaibigan
6. Ryle Silagan, 13 y.o.- Paul Lapis, isang lapis na nabali ang lead at to the rescue ang... pantasa siyempre!
7. Kyle Silagan, 12 y.o.- Papa the Paper, isang pad ng papel na naiinis sa mga taong nag-aaksaya ng papel
8. Althea Jade de Castro, 8 y.o.- Lam at Lim, magkaibigan na naligaw sa mga burol at gubat
9. Happy Pamintuan-Jara, 13 y.o.- Ernie The Blue Ball of Yarn, tungkol sa transformation ng yarn patungo sa isa pang anyo

Bago magtapos ang programa, nagbigay ng maikling mensahe si Adam David ng Uno Morato, ang sponsor ng venue. Sabi niya ay nag-umpisa rin siya sa ganitong paraan: paggawa ng mga simpleng aklat at kuwento. Ngayon ay isa na siyang manunulat, book designer at advocate ng independent publishing. Inengganyo niya ang mga participant na lumikha pa nang lumikha ng maraming aklat at kuwento.

Ang workshop ay nakalikom ng P2,250 para sa batang si Carlisle. Inorganisa ito ng Balangay Books at Dagdag Dunong Project sa pakikipagtulungan ng Uno Morato Book Shop para kay Carlisle at sa Berma family.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

Saturday, May 16, 2015

Waiting Time is Poetry Time

ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi sa lingguhang pahayagan na Perlas ng Silangan Balita

Ang Abril ay idineklara na ng Pamahalaang Aquino bilang Buwan ng Panitikan. Isa sa mga naglunsad ng proyekto para dito ay ang Publicis Jimenez Basic (PJB), isang advertising agency na nakabase sa Makati. Kakaiba ang proyekto at first time kong makaranas ng mga bagay na naranasan ko sa paglahok ko rito.

Poem Calls

Poem Calls ang pangalan ng proyekto. Pag may tumawag sa landline (856-0729) ng PJB, imbes na stored message (“Please hold while I transfer your call.”) o musika ay isang makata at ang kanyang tula ang maririnig. Ang tema ng mga tula ay paghihintay. Iyon kasi ang mangyayari hangga’t walang sumasagot sa taong tumatawag sa PJB.

Para sa Poem Calls, inimbitahan ang higit sa sampung kasapi ng LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, isang organisasyon ng mga makatang nagsusulat sa wikang Filipino. Ilan sa mga ito ay sina Dr. Michael Coroza, Phillip Kimpo, Jr., Ina Abuan, Noel Fortun, Wei Angeles, RR Cagalingan, Mia Lauengco, James Tana, Ralph Fonte, Dax Cutab at Lee Sepe (na isa ring empleyado ng PJB). Kasama rito siyempre ang tagapagtatag ng LIRA, ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio Almario.

Ang Proseso

Sinuyod ng mga taga-PJB, partikular na sina Lee Sepe at Jofer Mijares, ang ilang libro ng tula para maghanap ng mga tulang akma sa tema ng proyekto. Nang matukoy ang mga ito ay kinontak nila isa-isa ang mga makata ng tula para imbitahang magbasa at magrekord ng tula.

Ang kasabay ko sa pagbabasa at recording ay sina Noel Fortun at Dr. Michael Coroza. Sa recording studio ng PJB naganap ito, isang araw ng Abril. Binigyan kami ng kopya ng sarili naming tula at pagkatapos ipaliwanag sa aming muli ang proyekto (ang background, ang layunin, atbp.), hinayaan kami ni Noel na mag-practice sa pagbabasa. (Si Dr. Coroza, dahil malaon nang nagtatanghal ng tula sa publiko, ay di na kinailangang mag-practice! Nakadalawang take lang ito, grabe! Samantalang kami ni Noel ay magdadalawampung take na ay hindi pa rin nakakaperpekto.)

Ang Aking Tula

Ang tula kong Pakiusap na nalathala sa Lamang, isang chapbook ng LIRA (LIRA at Vibal Publishing, 2010) ang napili nina Lee para sa Poem Calls. Napakalungkot ng tulang ito, hango kasi sa isang napakalungkot din namang karanasan sa pag-ibig. Ang persona ng tula ay nakikiusap sa isa pang tao na dalhin ang kalungkutan sa kanyang tahanan. Ipinaliwanag niya sa kausap na pinaghahandaan niya ang pagdating nito at ng kalungkutan. At sa pagtatapos ng tula, hindi na mapipigil ng persona ang sarili. Isisiwalat niya na excuse lang ang kalungkutan, ang totoo, nais niyang makita ang kausap sa tula. Pero hindi maaaring bumisita ang kausap nang hindi makadarama ng kalungkutan ang persona.

Ang Recording

Nahirapan sa akin si Jofer. Ang taas kasi ng energy ko at napakamasiyahin ng aking boses. Hindi bagay sa himig ng aking tula. Kaya nakailang ulit ako sa pagbabasa at pagrerekord sa recording studio nila sa PJB. Pilit kong pinapalungkot ang boses ko. Pinabababa ko rin ang tono pero talagang kaunti lang ang diperensiyang nagawa ko sa napakasigla at natural kong boses. Hindi ko rin mapigil ang magpatawa sa tuwing matatapos ang palpak kong pagbabasa at pagrerekord kaya pag babasa na ako uli at babalik sa pinakaumpisa, masigla na naman at nakangiti ang aking boses.
Isa pang dahilan ng pahirapan na recording ay matured ang persona sa aking tula at ang boses ko raw, ayon kina Jofer at Luke (isang art director ng PJB na nagdodokumento ng proyekto) ay parang boses ng college student.

Mabuti na lamang at mahaba ang pasensiya ng mga taga-PJB sa akin. Nakatatlumpung take yata ako at ako yata ang top 1 sa lahat ng LIRA members.
Top 1 sa pag-uulit-ulit!

May Video Recording pa?

Pagkatapos ng recording ng tula, sumalang naman kami sa video recording. Doon ay pinakilala namin ang mga sarili at hindi ko na rin pinalampas ang pagkakataon, siyempre, nag-promote ako ng ilan sa aking mga aklat.

Naghanda rin ng mga tanong tungkol sa pagsusulat at panitikang Filipino sina Jofer. At isa-isa ulit kaming isinalang sa video recording para sagutin ang mga ito. Ang mga video raw na ito ay ipo-post sa Facebook (https://www.facebook.com/pjbpoemcalls?fref=ts) at Youtube para makatulong sa pagpo-promote ng proyekto at sa panitikang Filipino, in general.

May Take Two Talaga!

Pagkaraan ng ilang araw, nalaman ko na may problema sa nai-record kong tula. Hindi raw talaga ubra ang natural kong pagbabasa kaya sinubukan nilang babaan ang boses ko sa recording gamit ang mga sound machine. Kaya lamang, noong ibinaba nila ang timbre ng aking boses, sabog daw ito kapag pinakikinggan na sa telepono.

Ibig sabihin, kailangan kong ulitin ang pagbabasa ko ng tula sa recording studio!

Nagulat ako nang sabihin sa akin ni Lee kung saan ito gaganapin. Sa isang recording studio na nasa loob ng van! Hindi pa ako nakakapasok sa ganoon. At ang van ay dadalhin ng PJB sa parking lot ng Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Quezon City. Hinahabol kasi nila na makapag-record si Sir Almario also known as Rio Alma, at iyon lamang ang kumbinyenteng lugar para dito nang mga panahong iyon. Aba, mainam ngang sumabay na ako para hindi na rin ako magpunta sa malayong kaharian ng Makati.

Kaya noong 21 Abril 2015, muli akong nagbasa at nagrekord ng aking tula. Pagod na pagod na ako nang araw na iyon dahil kay aga ng meeting ko sa Maynila at dumalo ako sa paglulunsad ng aklat ni Sir Rio Alma (sa Maynila rin) at may binayaran akong bill sa Quezon City. Kaya inaasahan kong mababa na ang timbre ng boses ko pagsapit ng gabi sa oras ng recording.

Pero nagkamali ako. Nang makita ko ang van, tuwang-tuwa ako. Ang ganda, ang linis at ang high-tech. Na-excite agad ako. At nang makita ko uli sina Jofer, Lee at ang buong team ng PJB, na-energize ako at nagpatawa na nga nang nagpatawa. Ilang take tuloy ang naganap. Mabuti na lang at medyo natakot ang lalamunan ko nang malaman kong may isa pang makatang magrerekord pagkatapos ko, si Ina Abuan, at magrerekord din ng pagpapakilala ng sarili si Sir Rio Alma. Umayos na ako at nagbasa nang mas seryoso. Sa wakas ay may bersiyon ng aking tula ang nagustuhan si Jofer.

Paglulunsad at Pasasalamat

Ang proyekto ay pormal na inilunsad noong 8 Mayo 2015 sa Revolver Office, 3F The Fort Pointe Building, The Fort Square, 7th Avenue, BGC, Taguig. Pinamagatan itong Poem Calls Gabi ng mga Tala at Tula Kulminasyon ng PJB Poem Calls para sa Buwan ng Panitikang Filipino. Nagkaroon ng poetry reading (na para bang hindi pa sawa ang mga taga-PJB sa karirinig sa aming mga tula) at art exhibit. Ang mga idinispley ay likhang-biswal ng mga creative director at art director ng PJB na nagtatampok pa rin sa mga tula. Para sa Pakiusap, ang artist ay si Jeffrey Thomas, isa sa art directors ng PJB. Sayang at hindi ko siya nakilala nang personal dahil wala siya sa Revolver. Tulad ng tula, malungkot ang himig ng artwork. Buti na lang, may slice ng dilaw na matatagpuan dito. Sunshine!

Ang saya ng gabi at naparakaming pagkain. Pinakapaborito ko ang ginataan, nakadalawang mangkok ako. Naghandog ng tula ang mga taga-LIRA. Nagbalagtasan ang Balagstars na sina Dax Cutab, Ralph Fonte at RR Cagalingan. Nang open mic session na, bumigkas din ng tula ang mga taga-PJB. Kasama ko ang asawa kong si Ronald Verzo II at bumigkas din siya ng tula mula sa aklat na Pesoa.

Pero ang pinakapaborito ko nang gabing iyon ay si Gng. Jeanette Coroza, isang principal sa public high school sa Pateros at maybahay ni Dr. Coroza. Lagi kong nakakasama si Mam sa mga pampanitikang okasyon pero first time ko siyang marinig na tumula. Malinaw at mariin niyang binigkas (saulado niya!) ang napakasikat na tulang Putol ni Dr. Coroza.

Nang gabi ring iyon ay iniuwi ng mga makata ang artwork na kinatatampukan ng kanilang tula. Ito ang pasasalamat na iginawad ng PJB sa mga makata ng LIRA.

Isang karangalan ang mapasama sa proyektong ito, isang malikhaing paraan para makatulong sa pagpapalaganap ng panitikang Filipino partikular na ng mga tula. Matagal na akong naniniwala na ang tula ay hindi dapat ikinukulong sa aklat. Dito pala dapat: sa telepono!

Maraming salamat, PJB, lalo na kina Lee, Jofer, Luke, Jeffrey at sa lahat ng sumuporta sa Poem Calls. Sana ay maraming makata ang ma-inspire sa ating ginawa. Sana ay ma-inspire din ang mga kababayan natin na mag-isip pa nang mag-isip ng mga paraan para makapag-promote ng sarili nating panitikan.

Tawag na!

Kung interesado kayong makarinig ng mga tula tungkol sa paghihintay, tawag na sa 856-0729. Yes, libre ito!

Para sa tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

Monday, May 4, 2015

Mga Nagwagi sa Book Spine Poetry Contest 2015

Muli akong naimbitahan bilang hurado sa Book Spine Poetry Contest ngayong taon ng The Beacon Academy sa Taguig City. Ang unang beses ay noong 2013 at katambal kong hurado si Ronald V. Verzo II. Lubos akong nagpapasalamat kay Bb. Zarah Gagatiga, ang chief librarian ng TBA, Taguig para sa pagkakataong maging hurado muli.

Ang proseso sa pagbuo ng tula para sa patimpalak na ito ay naiiba dahil ang bawat taludtod ng tula ay pamagat ng isang libro. Ibig sabihin, kailangan munang maghanap ng estudyante ng mga librong may interesanteng pamagat pagkatapos ay isasalansan niya ang mga ito o pagsusunud-sunurin para makalikha ng tula mula sa mga pamagat ng libro. Ang tulang nalilikha sa ganitong paraan ay itinuturing na found poetry.
Ang found poetry ay isang uri ng appropriation sa larangan ng sining. Ina-appropriate mo ang nalikha na para sa sarili mong likha. Para bagang pagbuo ito ng bagong damit gamit ang iba’t ibang damit na yari na.

Sa unang tingin, posibleng hindi seryosohin ang mga makatang gumagawa ng found poetry dahil hindi sila lumilikha ng taludtod mula sa kawalan. Pero minsan, mas mahirap pa nga ito!

Bagama’t nariyan na ang mga taludtod (dahil nga pamagat ito ng mga libro), nakakapiga pa rin ng utak ang pagsasalansan sa mga taludtod para makalikha ng imahen o kaya mabigyang-estruktura ang nais ipahayag. Kailangan din ay lohikal ang malilikhang tula para mas madali itong maunawaan ng mambabasa. Mas mainam din kung nagbabago ang kahulugan ng pamagat ng libro sanhi ng puwesto nito bilang isang taludtod sa tula at sa ipinapahayag ng buong tula.

Dahil dito, saludo ako sa mga lumahok sa Book Spine Poetry Contest 2015. Alam kong mahaba ang panahong iginugol ninyo para makagawa ng tula sa ganitong paraan. At alam ko rin ang libo-libong kombinasyon na inyong sinubukan para lamang makapagluwal ng tula. Huwag sana kayong magsawa. Likha lang nang likha!

Congratulations din sa lahat ng mga nagwagi. Magsilbi sanang inspirasyon ang mga parangal na inyong natanggap para pagbutihin pa ang paglikha ng found poetry at poetry in general.

Narito ang mga napili kong mga tula para sa Top 1, Top 2 at Top 3 at ang citations ko sa mga ito:

Para sa Top 1

Heaven’s war
Of aged angels
By the river
Hallowed
Beautiful chaos
And then everything unraveled.

Unang basa ko pa lang dito ay namangha na ako. Ang ganda ng pagkakasalansan ng mga salita. Para siyang buong tula at hindi nagmula sa mga pamagat ng iba’t ibang libro. Madulas ang transisyon ng taludtod papunta sa susunod na taludtod.

Umangat ang din ang tula na ito sa imahen. Hitik ang tula sa nagsasalungatang ideya at pagbasag sa mga nakasanayang bagay tulad ng: heaven at war (gera sa langit?), aged at angels (matatandang anghel? Hindi ba’t bata ang kadalasang nakikita nating anghel sa mga likhang-sining?) at beautiful at chaos (may kariktan sa kaguluhan?). Sa tatlong taludtod pa lamang na ito ay naipakita ng makata na hindi kailangang tumutugma sa isa’t isa ang kahulugan ng mga salita at kahit ang salimuot ng mga salitang pinagtatambal ay posibleng magluwal ng isang imaheng buong-buo at madaling maunawaan.

Ang naipinta ng mga pamagat na pinili ng makata ay waring panimulang eksena sa isang kapana-panabik na yugto ng kasaysayan ng langit. Ang kati sa isip, hindi ba? Excited ako’t nag-aabang sa mga susunod pang taludtod, sa mga susunod pang mangyayari!

Para sa Top 2

A long way down
Unwind
Unnatural creatures
Outside beauty
The power
The secret
At first sight.

Nagustuhan ko ang tulang ito dahil isa ito sa dadalawang lahok na tungkol sa paglalakbay. At ang pokus ng tulang ito ay ang danas ng pagkamangha sa mga di-pangkaraniwang bagay (o nilalang) sa unang beses na ito ay masilayan. Nasalamin ng tulang ito ang gayong tagpo (The power/ The secret/At first sight).

Nagustuhan ko rin ang highlight ng paglalakbay: ang mga nilalang na di mo mawari. Napakamistikal ng pagkakalarawan sa kanila (Unnatural creatures/ Outside beauty). At para sa akin, matalinong pagpili ito ng itatampok na nilalang, lalo na ngayong naglipana ang mga akda tungkol sa mga mitolohikal na nilalang sa Pilipinas tulad ng aswang, tiyanak, manananggal at iba pa. Ang mga ito ba ang tinutukoy ng makata sa kanyang tula? Mapapaisip tuloy ang mambabasa.

Sang-ayon din ako sa pangkalahatang mensahe ng tula: lumabas ka sa lungga mo, sa teritoryo mo. ‘Wag matakot na maglakbay kahit sa pinakamalalayong lugar. Dahil doon ay napakarami mong matutuklasan, hindi lamang sa lugar, kundi sa paraan kung paano mo tinitingnan ang iyong natatanaw.

Para sa Top 2

Farewell
Unravelling
One day
Piercing the darkness
In the country of men
A lesson before dying
Everything’s eventual.

Ang pinakamagandang katangian ng tulang ito, sa aking palagay, ay ang consistency ng tone. Pansinin ang mga susing salita: farewell, piercing, darkness, dying. Hindi ba’t lahat ito ay negatibo? Pero dahil sa consistency ng tone, ang danas sa pagbabasa ng tula ay nagiging positibo. Lumilinaw kasi ang paksa ng tula: ang pamamaalam at lubos na pagtanggap sa pagiging finite ng buhay.

Oo, walang forever. Pero sabi nga ng tula, huwag tayong matakot. Kalma lang, dahil “everthing’s eventual.”

Para sa Top 3

Killer of men
Big mouth and ugly
Freaky green eyes
Unclean
Unholy
Wicked
Waiting for you.

Napakahusay bilang description ang tulang ito. Matatakot ka sa nilalang na ipinakikilala bilang mamamatay-tao hindi lang dahil sa itsura nito (Big mouth and ugly/Freaky green eyes) kundi maging sa ugali at espiritwal nitong katangian (Unclean/Unholy/Wicked).

Ang big mouth ay maaaring mangahulugan ng pagiging madaldal, maingay, buka nang buka ang bibig dahil sa pagsasalita. Maaari din itong ipakahulugan bilang matakaw, lamon nang lamon, kinakain ang lahat ng makita. Gahaman, sa maikling salita. Ang green eyes naman ay puwedeng ituring na reference sa dayuhan, partikular na sa mga taga-Kanluran. Kaya masasabing ang tulang ito ay isang epektibong babala: may naghihintay sa dilim, mga nilalang na walang sinasanto na maaaring magmalupit sa iyo at magdulot ng kamatayan. Sa anong dahilan? Sa kawalan nito ng kakontentuhan at matinding kagutuman.

Sana ay marami ang ma-inspire na gawin ang patimpalak na ito sa kani-kanilang paaralan, aklatan at komunidad. Para sa panitikan, para sa bayan!

Saturday, May 2, 2015

Random tips ngayong tag-init

Maligo nang hindi bababa sa dalawang beses. Sa isang araw!

Kung may sasakyan ka, gabi man o madaling-araw, pumarada sa may lilim, para pag nariyan na ang araw, hindi masyadong mainit ang loob ng sasakyan mo.

Laging magdala ng inuming tubig. Puwede itong inumin, puwede ring ipanghilamos, puwede ring ipambasa sa bumbunan kapag sobra na ang init.

Uminom ng tubig bago lumabas (ng bahay, ng restawran, ng bus, ng dyip, ng opisina, etc.)!

Umiwas sa matataong lugar. Kahit may aircon pa ang mga lugar na iyan.

Iiskedyul ang mga lakad para di ka abutin ng tanghaling-tapat sa kalsada.

Magsuot ng mga light-colored clothes. Ang mga damit na dark ang kulay ay mas nag-a-absorb ng init! Yikes!

Maglagay ng halaman sa paligid, at kung puwede rin sa loob, ng bahay.

Kung magpapagawa ng bahay, damihan at lakihan ang mga bintana! Hahaha! Taasan din ang kisame, haaaay!


Dagdagan natin ito, friends! Mag-suggest sa comment box!

Interbyu kay Bebang Siy

Ang interbyu na ito ay sinagutan ko noong 9 Oktubre 2014. Sa kasamaang-palad ay hindi ko na maalala kung sino ang nagpadala ng mga tanong.

Maraming salamat at sana ay napakinabangan mo ang mga sagot ko rito.



Interview Questions:

Has it always been your dream to be a writer?
Hindi.

**if not, what was? How did you end up with writing?
Doktor, noong maliit pa ako, mga grade 3. Tapos, gusto kong maging fashion designer pagtuntong ko ng Grade 5. Tapos, psychologist noong 1st year high school.

I ended up with writing, aksidente. Nasa A Love Story ang kuwento. (isang sanaysay sa It's Raining Mens)

Have you ever had a different job?
Marami! Kahit ngayon, marami akong trabaho.

What was your first job?
Clerk sa isang human resources office na pagmamay ari ng isang Arabo, sa Midland Plaza, near Robinsons Ermita. Summer job iyon. P2000/month ang suweldo. I was 14.

How did you start writing? When?
Skip ko to ha. Nasa blog. Nasa A Love Story din po ng librong It's Raining Mens.

What made you become a writer?
Nasa blog din at nasa A Love Story din po ng librong It's Raining Mens.

Have you always written in Filipino?
Hindi. Noong high school ako, Ingles.

**If not, what made you start writing in Filipino?
I wrote and published the spoof of our high school campus paper. Sa Filipino ko sinulat ang mga joke, ang mga article at iba pa. Tapos, na-train ako doon. Nagamit ko iyon noong papasok na ako ng college.

How’s it like to be a writer in the Philippines?
Ay, ang hirap, Ineng. Sobra. Kailangan, mag-isip-negosyante ka para maka-survive. Kasi, tuso ang mga publisher dito sa atin. Kinakamkam ang mga copyright ng authors sa napakaliit na halaga. Kailangan din, marami kang alam na gawin. Dapat hindi ka lang writer kung gusto mong maging writer. Kailangan marunong ka ring mag-edit, mag-proofread, mag-evaluate ng text books, mag-storytelling, magbenta ng aklat, para maka-survive ka. Kung iisang genre lang ang alam mong isulat, naku, mas mahirap mabuhay kaya dapat, alam mo kung paanong magsulat ng iba’t ibang form. Tula, dula, kuwento, nobela, screenplay, sanaysay, etc. Tapos, ang market ng Filipino writers, medyo hindi reliable. Pag me lumabas na aklat na super sikat sa West, bumebenta rin dito sa atin. Iyong maliit naming market, kinukuha pa ng Western authors. Kay saklap! Hay.

Do you think that young adults are more exposed to English writing?
Hindi naman. Pareho lang. English and Filipino.

As a Filipino writer how do you think is literacy in the Philippines?
Mataas ang literacy natin. Ang karaniwang batang Filipino, pagtuntong ng Grade 1, marunong nang magbasa at magsulat kahit paano.

Do you think that reading books as a requirement should be encouraged even in collegiate level?
Siyempre! Napakaimportanteng skill ng pagbabasa. Maraming benefits ang nakukuha sa pagbabasa. At mas maganda kung libro ang binabasa, kasi usually may organic unity ang isang libro. Inayos ito nang mabuti para makapagtanghal sa mambabasa ng isang paraan ng pag-iisip.

With all the changes in technology today would you say that it’s making people less interested in reading? (or becoming illiterate?)
Hmmm… ayon sa 2012 National Survey on Readership ng National Book Development Board, walang kinalaman ang teknolohiya sa pagbaba ng bilang ng adult readers sa Pilipinas. Natuklasan din sa survey na ito na ang lahat ng adult (na sumagot sa survey), na exposed sa technology, ay nagbabasa ng aklat! Ibig sabihin, kapag nag-iinternet ka, kapag nanonood ka ng TV, nakikinig ka ng radyo, mas likely na ikaw ay isang mambabasa.
So walang direct connection ang technology sa pagbaba ng bilang ng readers sa ating bansa.

How do you feel about the electronic books (e-books)?
Okey lang sa akin bilang mambabasa. Kaya lang, para sa aming authors, may risk na manakaw ang aming mga aklat. Kasi ang ebook, napakadaling ipasa at iemail at i-download nang walang patumangga! Pag ka ganon, mahirap i-police. Wala kaming kita.

Do you think that in the near future it’s possible that there will be no published/physical books?
Hindi. Imposible. Kahit sa pinaka-advanced na bansa, (like UK) may published at physical books pa rin.

Who’s your inspiration in writing?
Naku, hindi who kundi isang what. Hahahaha. Deadlines!

I’ve read articles where were compared to Bob Ong, how does that make you feel?
Nasagot ko na ito noon. Nahihiya ako hahahaha kasi si Bob Ong iyon. Kasaysayan siya, alam mo ba? Sa kasaysayan ng lahat ng book store sa Pilipinas, tanging si Bob Ong lang ang nakalampas sa sales ng Noli at El Fili ni Rizal (na required pa sa mga eskuwelahan!). Kahit ang pinaka-respetado nating mga awtor sa bansa, iyong mga award-winning, beterano at matatanda, hindi pa iyan naa-achieve.

Do you think you two, as writers, are similar?
Hmm… palagay ko, iyong wika. Pareho kaming “easy read”. Conversational ang language ng aming mga akda. At walang grandiose sa mga sinusulat namin. Iyong pangkaraniwang bagay lang ang aming mga pinapaksa. Pareho ding natatawa sa mga akda namin ang mga tao.

What was the first book you’ve ever written (Published/Unpublished)?
Mag-isa? Iyong Mingaw. Puwede mo itong i-Google. Mingaw by Frida Mujer.

First time I read your book, It’s a Mens World, I couldn’t put it down. BUTI HINDI KA PINALO NG NANAY MO, TAMBAK DAW ANG HUGASIN SA LABABO, HAHAHAHA! But it was not until later on in the story that it dawned on me that it was about you. HAHAHA! It was your life story. YEZ. (I laughed and adored your humorous way of writing and admired your bravery for exposing yourself the way you did in writing. THANK YOU, ‘TE.)

What made you write/publish your story?
Matatagpuan ang sagot sa link na ito:
www.panitikan.com.ph/content/kung-paano-akong-nagkaroon-ng-mens-ni-bebang-siy

What were you like as a child?
Medyo tahimik. Saka, akala ko dati, Chinese talaga ako. Kasi iyon ang sinasabi ng mga teacher ko sa school. Chinese ako. So kapag Miss Universe sa TV, nagtsi-cheer ako para kay Miss China, hahaha. Later on, nalaman ko, Filipino pala ako! Mukha lang Chinese. Kinakaawaan ako sa school dahil product raw ako ng broken family. So dinibdib ko iyon. Akala ko big deal kasi iyon ang bukambibig ng mga teacher namin, e. Susmaryosep. Hindi naman pala.

Pero naalala ko, bata pa ako, bright na ako. Pero hindi ako aware. Lagi akong nabibigyan ng certificate of something pagkatapos ng isang grading period. Tapos parang wala lang sa akin iyon. Noong malaki na ‘ko, noong natagpuan ko ang lumang scrapbook ng nanay ko, tago-tago niya ang mga certificate na iyon. Wow, kako, ang galing ko pala noon, mga ganyan.

Have you always been lively?
Naging lively na lang ako noong makapag-stay ako sa iisang school nang matagal. Sa PCU. Kasi that’s when I started to have friends. Naging makulit na ako. Naging class clown na ako.

How did you manage to be where and who you are now? (How did you get over all the things you’ve been through when you were a child?)
Hmm… siguro unconsciously, humugot ako ng inspirasyon sa nanay ko. She’s a toughie, grabe. Mas marami siyang pinagdaanan. Pero lagi pa rin siyang nagpapatawa. Saka honest siyang tao. Kaya niyang magtiis, kaya niyang magtrabaho nang bongga para sa mga bagay na gusto niya.

Para sa nanay ko, walang imposible. Pag binigyan mo siya ng task at inoohan niya, mangyayari iyon. Gagawin niya ang lahat para magawa niya iyon. Palagay ko, namana ko ang trait niyang ganito. Iyong sosolusyunan talaga ang anumang problema, mga ganyan.

Saka malaking bagay din pala iyong pag-promise ko sa puntod ng tatay ko na magtatapos ako sa kolehiyo, no matter what. Kasi noong mamatay siya, wala nang magpapaaral sa akin. Sa amin. Sa araw ng kanyang libing, I made that promise nang walang kaaydi-idea kung paano ko iyon matutupad. Pero dahil promise iyon, I had to keep it. and I am so proud dahil nagawa ko nga iyon.

May isa pa akong trait (actually trait din ito ng iba kong kapatid) na palagay ko, nakatulong din sa akin nang malaki. I have simple needs. Hindi ako maluho. Hindi ako mahilig sa mga mamahaling damit, gamit, etc. Puro ukay at give away ang mga damit ko. Sa sobrang kakuriputan ko nga sa sarili, iyong mga kapatid ko na ang bumibili ng damit ko (sa ukay din, ngek) para lang maiba naman ang sinusuot ko, hahahaha! Noong kami pa lang ni EJ, lagi kaming sa karinderya bumibili ng ulam. Lagi akong nagbu-bus na hindi aircon (hanggang ngayon pa rin naman). Napakatipid ko sa sarili. Kaya kahit paano, nakaka-survive kaming mag-ina sa napakaliit na kita mula sa pagsusulat. Kung hindi ako ganito, baka hindi rin ako nakapagsulat kasi I will look for a job that pays well, di ba? Kumbaga, bagay sa kuripot at tipid-tipid lifestyle ang kakarampot na kinikita ko sa pagsusulat.

Do you think that if you hadn’t gone through what you have you’ll still be where you are now?
Ay, hindi. I believe para akong diamond. Lahat ng dumaan sa akin, na-absorb ko. They made me tough. They made me hard. Lahat ng experiences ko, added value to who I am now. At iyon na, they made me… shine. Naks.

With all the success that you are gaining, can you say that you are happy now?
Oo. Sobra. Wala akong background sa writing. Kahit noong high school man lang, never akong naging bahagi ng school paper. Ang magulang ko, lalo na si Daddy, were irresponsible freaks, hahaha! Wala sa pamilya namin ang nagsusulat! Wala kaming kakilala sa publishing industry. So napakaliit ng chances na magtagumpay ako sa industriyang ito. Pero heto, may bumibili ng aking mga aklat. Yey! Hindi ko rin akalain na makakapag-publish ako at this age. Na mababasa ng marami ang akda ko. Kasi dati, para sa akin, writing was just a way to survive. Para makakain kami ni EJ, ganyan. Hindi ko alam na magiging tool ito para maka-impluwensiya ako ng readers, para makapagdulot ako ng impact sa buhay ng ibang tao. Alam mo, hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala. May mga natatanggap ako na emails at mga PM sa Facebook, naku po, maluluha ka. Para bang anlaki ng naidulot ng sulat ko sa kanila. Sabi ko, shet buti na lang talaga, sinulat ko ang mga ito! Kasi kung hindi, itong mga nag-eemail sa akin, itong mga nag-ppm sa akin, pa’no ‘yong feelings nila (na nabanggit sa mga email at pm)? These feelings might be left unprocessed, ganon.

Best Thesis! Yey!

Ek, hindi ako! Hahaha! Itong mga batang ito:

Patrisha Love D. Calumpag (da group leader!)
Mia Criselle Joyce M. Tan
Jessiah Hannah S. Baylon
Paolinna Priscila L. Magno

Sila ay recent graduates ng Integrated School of Montessori (High School level) sa Bulacan. At noong Pebrero ay pinadalhan nila ako ng imbitasyon para ma-interview para sa kanilang thesis.

Thesis sa high school? Aba, bongga ang teachers diyan, ha? Pero nagpaunlak naman ako sa imbitasyon nila. Ang paksa ng kanilang thesis ay: manifestation of economic theories within different professions. Shocks, nosebleed talaga. Sabi ko, sigurado kayo high school students kayo, hindi PhD? Hahaha! Layunin daw ng thesis nila ang masuri kung paanong na-exemplify ang capitalism ni Adam Smith sa larangan ng pagsusulat. Sabi ko, sinong Adam Smith? Adam David lang kilala ko, e, haha!

Agad akong humingi ng listahan ng itatanong nila sa akin. Kahit na kabisado ko ang pasikot-sikot ng writing profession, kailangan ko pa ring paghandaan ang interbyu para mas maging kapaki-pakinabang din ito sa mga makikinig sa akin.

Heto ang ilang tanong na matatagpuan sa listahan nila:

1 Because of the progressing technology today, do you prefer to publish a book online or do you prefer to continue the tradition of printing books? What makes you say so?

2 Did you personally offer your work to a publishing house?

3 Do writers who publish their work online gain more than those who publish using print?

4 Are you a full time writer?

5 Do you control the price of your books/works?

6 Do you have a specific number of books to release/sell in a certain area?

7 Does the change of season affect your sales?

8 Are you in favor of the translation of foreign novels to Filipino? Why?

9 Do you think that it is better to write and publish abroad?

10 Did you choose your profession for financial secureness?

11 Do you think that writers can contribute to the economic growth of the country?

12 Do you think that writers are in demand nowadays?

13 Do you have full rights given to you as accreditation for your work?

14 Does the government or the publishing house charge you for anything else (besides tax)?

15 Do the different types of taxes (Capital Gains Tax, Income Tax, Value Added Tax) affect greatly to your total profit? How?

16 Were you working on a project during the time of the PDAF Scam?

17 Do you invest in a bank?

18 Does your company/publishing house give you benefits?

19 Does the government offer workshops or seminars for your field?

20 Do the different governing laws benefit you as a writer?

21 Does the price range of your published work affect the number of your patrons?

22 Do you use social media to promote your work?

23 Do book reviews affect your market?

24 Does the age bracket of your readers affect your income as a writer?

25 Do you meet your readers at book signings, conventions, or similar events?

26 Do the different trends affect the number of your readers and market?

27 Do you have readers from foreign countries?

28 Does the language of your book affect your sales from Filipino reader? Which do you prefer to use in writing, English or
Filipino?
29 Do you sell your books in bookstores? Do bookstores include additional fees?

30 Do hardbound books sell more rather than softbound books?


Bago matapos ang Pebrero ay naisagawa nila ang interbyu sa bahay namin. Yes, bumiyahe sila mula Bulacan. (Medyo may kaya ang grupong ito ng mga estudyante, may dala silang sasakyan sa pagluwas nila sa Quezon City). Enjoy na enjoy ako sa interbyu dahil:

1. on time silang dumating. actually, sobrang aga nga, e! Haha!
2. napakatalino ng mga tanong at napaghandaan ko ang mga ito, inilabas ko rin ang mga libro kung saan ako nalathala para maraming images ang ma-capture ng kanilang video
3. handang-handa sila sa interview kaya walang nasayang na sandali. Mabilis ang daloy ng interbyu. (Umabot din yata kami ng higit sa isang oras.) May nakatuon sa tanong lang, tanong lang nang tanong, may nagbi-video, may nagno-notes, may nagbo-voice recording.
4. hinayaan nila akong sumagot sa wikang Filipino. Sila na raw ang bahalang magsalin ng mga sagot ko para sa thesis nilang nasa wikang Ingles.
5. behaved na behaved sila sa bahay namin. No'ng ganong edad ako, burara ako sa kilos, haha! Samantalang ang mga batang ito ay very lady-like!)
6. nagdala sila ng sarili nilang tanghalian, hahaha (Maaga pa lang ay sinabihan ko sila na magdala ng ulam at akong bahala sa drinks at kanin, nang time yata na ito ay wala akong ekstrang pera para ilibre silang lahat.) Sa bahay kami nagsalusalo.
7. after the interview, may gift silang Krispy Kreme! Wow! (Kinain din namin ito agad ni Poy. Konti na lang ang natira kay EJ, haha!)

Isa ito sa hindi ko malilimutan na panayam. Kaya napakasaya ko nang makatanggap ako ng email kanina mula kay Patrisha. Thesis daw nila ang ginawarang best thesis sa kanilang batch! Tinanong ko si Patrisha kung puwede ba akong makahingi ng kopya ng kanilang thesis. Itatanong pa raw niya sa kanilang mga guro. Aba, sayang naman kung sila-sila lang ang makabasa ng thesis ng mga estudyante. Dapat naibabahagi iyan sa maraming tao, lalo na sa mga tulad nilang estudyante.

Anyway, muli, Patrisha, Mia, Jessiah at Pao, salamat sa pagkakataong maitampok sa inyong thesis! At maligayang bati sa inyong lahat. Sana ay tuloy-tuloy ang tagumpay ninyo sa kolehiyo ... and beyond!





Ilang Tala sa Isang Munting Patimpalak sa Pagsulat ng Nobela


ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi sa lingguhang pahayagan sa Cavite, ang Perlas ng Silangan Balita

Napili akong maging hurado sa Royal Rumble Finale, isang patimpalak sa pagsulat ng nobela sa Wattpad. Sa totoo lang, curious talaga akong makabasa ng mga akda sa Wattpad. Ang problema’y di ako marunong masyado sa computer at internet kaya di pa ako nakakapasok sa Wattpad. Isa pa lang ang nababasa ko mula sa website na iyan at ito ay nasa anyo na ng libro, ang libro ay ang She’s Dating a Gangster ni Bianca Bernardino.
Kaya’t napakasaya ko nang dumating sa akin ang imbitasyon para sa Royal Rumble Finale mula kay Bb. Sharmaine Lasar. Heto na, makakabasa na rin ako ng mas marami pa. Kaya lang, tatatlo ang entries na nakapasok sa patimpalak. Palagay ko, ito ay dahil sa tatlong factors: medyo mataas din ang hinihinging number of words ng patimpalak (15,000 hanggang 20,000), ispesipiko ang tema (pagkakaibigan), at ang genre ay ispesipiko rin (misteryo).

Narito ang obserbasyon ko sa tatlong nobelang kalahok:

Magagandang puntos muna:

1. Buo ang kuwento.

Tuwang-tuwa ako dahil malinaw ang simula, gitna at wakas ng kuwento sa nobela. Naroon ang pagresolba sa mga inihaing problema at misteryo. Kumbaga, may focus ang mga manunulat sa kani-kanilang kuwento. Hindi nila ito pinabayaan.

Minsan kasi, may tendency ang kabataan o baguhang manunulat na magpa-impress sa mambabasa. Minsan, nasosobrahan sila sa eksperimentasyon sa wika, sa storytelling, sa balangkas ng nobela, at iba pa. Minsan ay nagdudulot tuloy ito ng pagkabansot ng mismong kuwento. Importante pa naman ang maayos na kuwento.

2. Maayos ang grammar.

Hindi ko inaasahan ito, to be honest. Dahil iyan sa karanasan ko with She's Dating a Gangster. Terible ang basics ng nobelang iyon. Ang spelling, ang grammar, ang mga bantas, ang paggamit ng malaki at maliit na titik? Ang sama. Gustong-gusto ko nga i-edit at i-proofread habang binabasa ko ang bawat pahina ng librong iyon.

Akala ko tuloy, lahat ng nasa Wattpad, ganon din. Walang paki sa basics ng pagsusulat.

Nagkamali ako.

Dalawa sa tatlong entries ang nakasulat sa Ingles. Hindi man perpektong-perpekto, masasabi kong disente naman ang level ng grammar ng mga ito. Hindi ito kasingterible ng mga sulatin ng karaniwang college students sa subject nila sa English.

Ang tanging lahok na nasa wikang Filipino ay maayos din ang grammar.

Kaya naging masaya ang karanasan ko sa pagbabasa ng tatlong nobela, hindi bumpy road tulad ng nadaanan ko sa She's Dating a Gangster.

3. Nagpapakita ng ibang setting (lugar at lipunan)

Dalawa ang mukha ng katangiang ito. Ang isa ay okey, ang isa ay hindi. Doon muna tayo sa okey.

Dalawa sa tatlong nobelang kalahok sa patimpalak ay sa ibang bansa ang setting. Kung hindi pa nakakarating ang mga manunulat ng dalawang nobelang ito sa bansa kung saan naganap ang kanilang mga kuwento, aba’y napakatapang nila. Para sa akin, mahirap at risky ang magsulat tungkol sa mga bagay na hindi mo pa nararanasan. Mahirap dahil kailangan ng extensive na research para maidetalye ang setting (at siyempre, ang mga tauhan) na iyon sa nobela. Risky dahil posibleng bitawan ng mambabasa ang nobela kapag naramdaman nilang kulang sa authenticity ang kanilang binabasa. Sumusugal ang manunulat kapag nagsusulat siya tungkol sa mga hindi pa niya naranasan, narating, nakita, naamoy, nakilala, nakasalamuha.

Sa tapang ng mga manunulat ng dalawang nobelang ito, saludo ako.

Magawi naman tayo doon sa hindi magagandang puntos:

1. Sobra ang tauhan.

Dalawa sa tatlong nobela ang nagtataglay ng sobrang tauhan. Siguro ay dahil sa tema: friendship. Ang isang nobela ay tungkol sa magbabarkada. Ang isa pang nobela ay tungkol sa mga teenager na may iisang common friend na nagpakamatay. Palagay ko ay maaari pang bawasan ang mga tauhan sa dalawang nobelang ito at mapapalitaw pa rin ang temang pagkakaibigan.

Minsan kasi, nakakalito rin kung marami ang tauhan sa isang kuwento. Lalo na kung pare-pareho ang wika at paraan ng pag-iisip ng mga ito. Ang tendency ay nawawalan ng identity ang bawat tauhan, at hindi sila dumidikit sa memory ng mambabasa. At kapag ang isang tauhan ay hindi maalala ng mambabasa, posibleng hindi makaka-relate ang mambabasa o di kaya’y mawawalan na ng pakialam ang mambabasa sa tauhan na iyon. Kung ganon ang mangyayari, bakit isasama pa ang tauhang ito sa nobela?

2. Nagpapakita ng ibang setting (lugar at lipunan)

Tulad ng sinabi ko kanina, may good point at may bad point ang katangian na ito. Punta na tayo sa bad point.

Palagay ko ay nagkulang sa pananaliksik ang mga manunulat ng dalawang nobelang ang setting ay ibang bansa.

Hindi ko masyadong maramdaman ang lugar sa dalawang nobelang ang setting ay ibang bansa. Kinailangan pang banggitin ng mga nobelista ang aktuwal na lugar para mapapaniwala akong sa ibang bansa nga naganap ang mga kuwento. Clue din ang mga pangalan ng mga tauhan, dahil puro mga banyaga ito. Hindi rin sapat sa akin ang mga pagbanggit-banggit ng oak tree dahil wala naman masyadong significance ang pagiging oak ng puno na binanggit sa isang kalahok na nobela.

Pero kulang pa rin ang mga ito. Hindi makatagos sa pahina ang mga pangalan na ito. Gusto ko ng mas sensory na bagay para maramdaman ko ang setting.

Pagdating naman sa mga tauhan o mga tao sa banyagang lipunan na nabanggit sa dalawang nobelang kalahok, nakukulangan din ako. Halimbawa nito ay ang sa paraan ng pag-iimbestiga ng mga pulis at detective sa naganap na trahedya. Batay sa mga nababasa kong libro at napapanood kong pelikula sa ilalim ng mystery/suspense genre, malupit mag-imbestiga at mag-isip ang mga imbestigador lalo na sa Western na bansa. Ultimo buhok sa scene of the crime ay natatagpuan at pinupulot nila gamit ang tiyani at isinisilid nila ang mga ito sa zip lock na bag. Ganon sila kametikuloso. Dito sa dalawang nobelang kalahok, hindi ko nakita ang ganitong katangian ng kapulisan at mga detektib. Pati ang inilarawang uri ng paglilitis, di ako masyadong nakumbinsi na ganoon nga ang paglilitis sa ibang bansa.

Kaya umangat nang bongga ang nobelang nakasulat sa wikang Filipino at ang setting ay Pilipinas. Very realistic ang mga sitwasyon, ang wika, ang mga lugar at mga tauhan. Palagay ko ay dahil hindi nangangapa sa dilim ang manunulat nang isulat niya ang nobelang ito. (Ito nga pala ang pinili ko para sa First Place!)

3. Ang iniisip na market ay foreign readers.

Dahil dalawa sa tatlong lahok ay nakasulat sa Ingles at sa ibang bansa ang setting, napaisip tuloy ako kung sino ba ang naiisip ng mga nobelistang ito na mambabasa ng kanilang akda.

Sino pa e, di mga mambabasa mula sa ibang bansa!

Wala namang problema sa akin kung ang mga ito ang target market ng isang Filipinong writer. Ang problemang nakikita ko ay baka mahirapan itong makasingit sa hanay ng mga writer na mula sa ibang bansa at nagsusulat ng katulad na genre. Siyempre, pagdating sa authenticity at detalye ng mga setting, tauhan, lipunan, talong-talo ang mga Filipino writer. E, bakit hindi na lang magsulat ang mga Filipino ng ganitong genre sa wikang Ingles na nakabatay sa sariling lugar at lipunan?

Dahil palagay ko, ang mambabasa mula sa ibang bansa ay naku-curious din sa mga akda sa gusto nilang genre (halimbawa nga ay mystery) pero mula sa ibang kultura at tungkol sa ibang lipunan. Palagay ko, ito ay lehitimong pinto para makapasok ang nobelang gawa ng Filipino sa target market niyang mula sa ibang bansa.

4. Maraming bahagi ang masasabing nasa redundancy department of redundancy.

Hindi ko alam kung dahil ba ito sa minimum number of words na kailangang maabot ng isang kalahok na manunulat, pero napansin ko talaga na maraming salita at pangungusap ang hindi na kailangan pang sabihin dahil nasabi na ang mga ito sa mas maagang bahagi ng mga nobela.

Napansin ko rin na madalas na inilalarawan ng manunulat ang paraan ng pagsasalita at ang itsura ng mga tauhan sa tuwing ito ay magsasalita. Palagay ko ay puwede pang ma-minimize ito lalo na kung nagsasagutan na ang mga tauhan. Hahaba nang hahaba ang bawat talata pag may kasunod na paglalarawan sa tuwing bubuka ang bibig ng mga tauhan!

Ang mahusay na manunulat ay matipid sa salita. Dahil ang bawat salita ay angkop na angkop sa isang sitwasyon. Kumbaga, hindi na kailangan pa ng palabok at pag-uulit-ulit. Pampahaba lang ang mga iyon!

Dito ko na muna tatapusin ang ilang tala tungkol sa patimpalak na aking nilahukan bilang hurado. Ikinararangal ko ang maging bahagi ng proyektong ito dahil ito ay nag-eengganyo sa kabataang manunulat na paghusayan pa ang kanilang pagsusulat. Ineengganyo rin ng proyektong ito ang produksiyon ng mga bagong akda sa ating bansa.

Salamat kay Sharmaine Lasar at sa mga kasama niyang organizers. Nawa ay dumami pa ang tulad nila. Mabuhay at padayon!

Para sa panitikan, para sa bayan.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.