Saturday, November 23, 2013

Mula kay Jefferson Boral

Nahihirapang maglakad ngayon ang nanay ko. Nakadalawang pt sessions na siya. Mga 3 weeks na siyang iika ika at hindi makalakad ng walang alalay. Kanina habang inaalalayan ko siya, nginuso niya yung it's a mens world. Sabi niya, "nakakatawa siya." Nabasa pala niya ng isang upuan yung libro nung nakaraang gabi. To think na puro James Patterson at Tom Clancy binabasa niya. Ang swerto mo daw at pinunas lang sayo yung panty, sa kanya daw kasi hinilamos ng lola ko.

thank you. basta nakapagpasaya sa nanay ko e tinethank you ko. di ko nga lang alam kung pano mareach si denzel washington at piolo pascual.

Waaah, nakakainit ng puso. Salamat, Jefferson, for buying a copy. At thank you po, Mrs. Boral. Sobrang saya ko na natuwa kayo! hahaha buhay manunulat i heart! -beb

Ang bayan ko at si Yolanda

ilang punto at tanong lang.

1. nag-research kaya si anderson cooper tungkol sa mga bagyo sa pilipinas? alam kaya niya na disaster belt ang ating kapuluan? at suki tayo ng bagyo, baha, trahedyang may kaugnayan sa tubig at dagat?

kasi kung alam niya ang mga ito, baka ibang uri ng pag-uulat ang ginawa niya. baka hindi masyadong kritikal sa ating gobyerno.

2. naalala kaya ni anderson cooper na 3rd world ang ating bansa noong inuulat niya ang inefficiency ng gobyerno natin sa rescue at relief operation?

kasi kung naaalala niyang nasa 3rd world siya at wala siya sa capital city ng 3rd world, lahat ng makita niyang kakuparan (yes, hindi kakupalan) ay bunga ng kakulangan natin sa mga bagay na may kinalaman sa teknolohiya. pano makakapunta ang relief agad-agad kung sira-sira ang kalsada, port at airport? kulang ang teknolohiya natin para ma-repair agad ang mga ito. napakamahal ng transport papunta sa iba't ibang isla dahil mahal ang bangka, barko at gasolina.

3. palagay ko, tama rin naman si anderson cooper nang tanungin niya si korina sanchez kung nasaan ba siya at nakarating na ba siya sa tacloban pagkatapos ng paglapag doon ni Yolanda. supalpal si korina. sino ba siya e wala nga siya sa pinangyarihan ng sakuna? di katulad ni anderson cooper. wow. andun agad. nagre-report agad. me opinyon pa tungkol sa pagkilos ng pamahalaang pilipinas.

pero mali siya para gawin iyon sa harap ng madlang pipol ng ating bansa. na nasa kasagsagan ng panic dahil kay yolanda. bayan natin ito. at kahit anong gawin ni anderson cooper, banyaga pa rin siya. andon man siya sa tacloban, naamoy man niya ang mga bangkay, natalisod man siya ng gumuhong mga bahay at building, at ipasok man niya ang ulo niya sa mismong mata ng bagyong si yolanda, hinding-hindi siya magiging pilipino. therefore, lahat ng perspective niya pagdating niya sa pinangyarihan ng sakuna ay perspektiba pa rin ng isang dayuhan.

dapat aware siya rito. aware siya na lahat ng lalabas sa bibig niya ay perspektibo lamang ng isang dayuhan. dayuhang reporter to be exact.

at pag dayuhan, nag-iiba ang lahat. unang-una, ibang-iba ang kinalakihan niyang sistema, lipunan at pamahalaan. ibang-iba ang kapasidad ng teknolohiya niya sa pinagmulan niyang bansa. iba rin ang definition niya ng sakuna at trahedya. ibang-iba kaysa sa sistema, lipunan, pamahalaan, teknolohiya, sakuna at trahedya dito sa pilipinas.

kaya kapag nag-comment siya na pagkabagal-bagal ng pagkilos ng pamahalaan dito sa atin, ang pinagmumulan niyang reference o ang point of comparison niya ay ang pagkilos ng pamahalaan nila sa Amerika kapag may sakuna o trahedya.

e, anderson cooper, hindi po ito Amerika. bagama't marami sa amin ang trying hard na magmukhang Amerikano, magdamit-Amerikano, magtunog Amerikano, (kahit mukha kaming mga tanga at gago) Pilipinas pa rin ito. isang bansang umaastang mayaman pero ang totoo, mahirap lang. mahirap pa sa daga. kaya dapat nagdahan-dahan ka sa pagsasalita mo tungkol sa mga nangyayari sa tacloban. kasi naririnig ka ng mga pilipino at 'yang mga sali-salita mo, nasisipsip ng utak namin. at akala namin, yong perspektibo mo ay perspektibong pilipino.

akala tuloy namin, tama ka. 100% na tama.

4. dahil sa patutsadahang korina sanchez at anderson cooper, nagmukha na namang hero ang mga amerikano. kumpara kay korina sanchez na pinay na reporter, itong si anderson na amerikano (at nagmukhang kinatawan ng amerika) ay nandoon sa mismong lugar ng sakuna, nagsasakripisyo para makapag-ulat, nagmamalasakit sa mga biktima ni Yolanda. e si korina? andun, nasa studio ng abs cbn. kayabang-yabang na naninita ng dayuhang reporter. mali talaga si korina doon. mali si korina so tama si anderson? therefore bida si anderson? ang kinatawan ng amerika? ansakit sa bangs!

5. sa ganitong panahon, proactive dapat ang lahat ng pilipino. wala nang sisihan. wala nang parinigan, patutsadahan. at lalong lalo na, wala nang pagrereklamo sa gobyerno. maraming kakulangan ang ating govt. matagal na nating alam yan. hindi lang naman ngayon yan pumalpak. pero kung ngayon na ngayon natin sila sisiraan, sisirain at duduraan sa mukha, mas lalo silang walang magagawa. gawin na lang natin ang mga bagay na ito pagkatapos ng sakuna. kapag nasa rebuilding stage na.

so sa ngayon, stop muna tayo sa ngawa. gawa muna.

6. kung ako naman kay pnoy, pupunta na ako doon right after manalanta ni yolanda. maghehelicopter ako. yellow helicopter. magyeyellow shirt din ako para masaya ang color. magpapakita ako sa mga biktima ng bagyo. magpupulot ako ng debris. magmamando ako ng pagbubuhat ng bangkay. mamumudmod ako ng tubig. magpapa-photo ops talaga ako. at ipapa-media ko iyan. kailangang makita ng mga tao na nandoon ako, handang tumulong sa paraan na kaya ko. kailangang makita ito ng buong pilipinas. dahil ako ang pinuno ng bansang ito. at ako ang kinatawan ng buong pamahalaan. my presence will give hope.

maiisip ng mga pilipino, nariyan na ang tulong. dahil ang mismong pinuno ng bansa ay narito, alam na ang kalagayan nating mga biktima ng bagyo, at gumagawa ng paraan ang presidente para makatulong sa atin. gagawa rin ng paraan ang ating gobyerno para makaabot sila rito. makakaabot sila rito. matutulungan tayo. aayos din ang lahat ng ito.

as pnoy, hindi ako magpapa interview sa international media. im too busy helping my fellowmen. ang ipapainterbyu ko na lang e yung spokesperson ko. pasasabi ko, tulungan nyo kami, world. kailangan namin ng inyong technology. wag na pagkain at damit dahil marami kami niyan. ang wala kami ay technology. meron ba kayong ospital na nasa loob ng barko, padaungin nyo rito. marami ba kayong helicopter at eroplano? papuntahin nyo rito, wag nang magbitbit ng kahit ano dahil ang kailangan itransport ay mga equipment, generator, communication gadgets. punta ang iba sa inyo sa maynila, para manundo ng mga doktor. konti doktor sa mga lugar na dinaanan ni yolanda. meron ba kayong mga satellite phone? dalhin nyo rito para tuloy tuloy ang komunikasyon namin dito papunta sa ibat ibang bahagi ng pilipinas at mundo. bigyan nyo kami ng mga bagay na wala kami. na tanging diyan lang matatagpuan at makakatulong naman sa amin.

7. noong isang araw, nasa up ako para magbayad ng tuition fee. sa vinzon's hall ako pumunta dahil nandoon ang student loan office at uutangin ko muna ang 85% ng aking tuition fee. pagdating ko doon, mula sa bukana ng building hanggang sa 2nd floor, hindi magkanda ugaga ang mga estudyante sa pagso-sort at pag-aasikaso ng relief goods. sa isang kuwarto sa 3rd floor, tambak-tambak din ang goods.

grabe, ganito karami ang puwedeng maitulong ng mga taga-NCR at Luzon. halos wala nang madaanan dahil pati ang sahig ay binabaha ng relief goods.

at isang volunteer center at relief goods center lang itong nasa up. napakaraming ganito sa iba't ibang sulok ng NCR/Luzon.

lahat ba ito ay papuntang visayas? kung oo, paano makakarating ang mga ito sa visayas? hindi ba mas mahal pa ang magagastos sa pag-transport ng goods papunta roon kahit na libre ang truck, driver at gasolina para sa mga ito? hindi ba mas matipid at praktikal kung ang ganitong uri ng goods ay magmumula sa mas malapit na mga lugar sa visayas?

bigla ang pagtulong ng mga taga NCR, kaya sobra-sobra, bumaha ng relief goods. palagay ko ay driven ito ng awa at driven din ng guilt. driven din siyempre ng pagnanasang makatulong sa mga taong nasa malayo.

walang mali rito pero palagay ko, kailangan ng mas matalinong pagtulong. mas malikhaing pagtulong.

yung ganitong pagdo-donate ng mga damit, pagkain at iba pa ay pang-ngayon lamang. natanggal ang guilt natin, kasi feeling natin, bilang mga pinoy, sa ganitong paraan lang tayo makakatulong. kung di man tayo makapagbigay, at least, nakapagtupi naman tayo ng mga damit para sa biktima, nakapag-sort ng mga sardinas at noodles, nakapag-pack-pack. keri na ba yun? feeling natin siyempre, at least, nakatulong na tayo. hello?

pero nakatulong nga ba talaga tayo?

tayong mga nasa ncr, tayong mas maraming opportunity at exposure, ano ba ang puwede nating magawa sa ganitong sitwasyon?

ipaubaya na natin ang pagbibigay ng relief goods sa mas malalapit na lugar sa visayas. dahil mas efficient iyon. di masyadong malaki ang gastos ng pagta transport ng goods patungo sa mga biktima.

so kung sila na ang bahala sa relief goods, ano ang puwede nating maitulong?

ganito kasi, matagal-tagal na rehabilitation ang mangyayari. diyan tayo dapat pumasok. matagalang pagtulong ang kailangan nating gawin.

mag-train kaya tayo ng mga paghahanda sa sakuna? magturo tayo ng swimming. for free. sa lahat ng uri ng tao. kung in the future ay kaya nating magpunta sa coastal areas, ituro natin ang halaga ng swimming skills at rescue skills. dapat meron ding leadership training sa mga kabataan. magdaos ng mga workshop doon. sa anumang sakuna, dapat may tumatayong leader lagi para hindi gapangan ng panic ang mga tao. ito ang dapat idevelop sa mga kabataan ngayon.

sana may mag imbento sa atin ng life vest na mura lang, matibay at madaling gawin. ipalaganap natin ito. dapat lahat ng barangay may ganito. i-stock lang nila. for emergency purposes.

sa national level, kulitin natin si pnoy na magpagawa ng isang estruktura sa bawat bayan kung saan maaaring lumikas ang mga tao para sa kahit anong uri ng sakuna. dapat hindi ito malapit sa bulkan, sa bundok, sa dagat, sa dam. dapat sturdy ito (di tulad ng mga basketball court /gym na ginagawang evacuation center sa ngayon). dapat me supply ng malinis na tubig ito. dapat maraming life vest na naka-stock.





hmm... yan pa lang ang mga naiisip ko. kung may suggestion ka pa (or comments), lagay lang po sa comment box.


















Saving EJ

Isa sa mga naging estudyante ko sa UST si Mariel Lizette Buan. Isa na siyang manunulat ngayon sa Businessworld.

Ininterbyu niya ako para sa isang artikulo niya tungkol sa pag-iipon at pagkakaroon ng bank account ng mga bata.

Heto ang panayam.


Information
Name of Parent: Beverly W. Siy
Age: 33 going 34 this december
Work: writer



Name of Child: Sean Elijah W. Siy
Age: 15
School and year: Ramon Magsaysay Cubao High School, 3rd year




Questions
What bank did you choose in opening the kiddie account?

Metrobank Sikatuna (Kamias cor. Anonas branch)

Why?

Una akong naging client nito. Tapos napansin kong meron din silang kiddie account kaya ipinagbukas ko na rin nito si EJ (my son). Doon ko inilalagay ang mga regalo sa kanyang pera.

Why did you open a kiddie account for your child?

Kasi baka magastos lang namin 'yong mga bigay sa kanyang pera. Naisip ko noon, kung hindi rin lang naman kailangang gastusin, mas mabuti na iyong ipunin na lang muna ang mga ito.

Is it hard to maintain it?

Hindi naman. Kasi pumupunta lang kami doon sa Metrobank (namin, meaning ako kasama ang anak kong si EJ) kapag magdedeposito si EJ. Siya ang pinagdedeposito ko para maging mas pamilyar siya sa mga transaksiyon sa bangko.

Do you withdraw the money frequently or just keep it and grow in the bank?

Hindi. Bihira kaming mag-withdraw sa account niya. Kasi may sarili din akong ipon. Pero I think dumating din 'yong time na sobrang nagipit ako (solo parent ako, 15 years na rin). Kaya nangutang ako kay EJ. I think naisoli ko naman ang perang iyon hahaha!

Explain why?

Noong una, i just kept it there. Kasi naniniwala ako na kumikita iyong pera niya doon. Pero lately, noong natuto akong mag-stocks, nalaman ko na mas mabilis tumaas ang inflation rate kaysa sa interest rate ng mga bangko. Kaya naisip ko na hindi na lang sa bangko i-maintain ang pera ni EJ. Nasa stocks ngayon ang pera niya.

Is your child already aware that he has a kiddie account in the bank?

Siyempre po. Nasa pangalan niya ang account. Picture niya ang nasa bank book, siya rin ang pumipirma sa mga transaction. Hindi ako pumupunta sa bangko (para makipag-transact sa account niya) nang hindi siya kasama. At kahit noong ilipat ko sa stocks ang pera niya, alam niya. Minsan nga, bigla niya akong tatanungin, Ma, kamusta na ba ang pera ko? hahahah! Baka nag-aalala siya na nagastos ko na pala!

Sa ngayon, meron din siyang sarili niyang bank account. Hindi na kiddie account siyempre. Pinag-open ko siya (siya mag-isa kasi i believe kaya na niya iyon at isang tumbling lang ang layo ng bangko sa bahay namin) kasi may mga nagreregalo pa rin sa kanya ng pera pag may special na occasion tulad ng birthday o graduation o Pasko.

Doon din niya inilalagay ang kita niya mula sa errands sa akin (pag may special errand siya mula sa akin for example, pag-aayos ng papeles o pag-claim ng kung ano-anong papeles tulad ng birth certificate ko), binibigyan ko siya ng konting bayad P50-P100). Kumikita rin siya sa ilang wushu activity niya sa gym (P160-P250). Sabi ko, 20% n'on ay ideposito niya sa kanyang account. The rest of the money, bahala na siya. Mahilig siyang bumili ng pagkain, gutumin kasi, e. Mahilig din siyang bumili ng sapatos pang-wushu. Dati, ako ang laging bumibili niyon. Ngayon, hindi na. Sabi ko, pag-ipunan na lang niya. Naniniwala kasi ako na mas magiging maingat siya sa mga gamit niya kapag siya mismo ang bumili sa mga ito. Harabas kasi ang paggamit niya kapag binibilhan ko lang siya. Ke masira, mawarat, wala siyang pakialam :( sad! Kasi hindi galing sa sarili niyang bulsa ang ipinambibili!

What is the importance of saving at a young age?

Siyempre iyong awareness niya sa halaga ng pera. May kusa siyang magdeposito ng pera niyang sobra. At saka matipid siya, hindi siya bumibili ng mamahaling gamit kung may counterpart namang mura ang mga gamit na ito.

Importante rin na marunong mag-ipon ang bata kasi naituturo nito 'yong pagiging emotionally mature at paggawa ng mas sound na decision sa paggastos. Naituturo nito sa bata na hindi porke gusto niya ngayon ang isang bagay, makukuha na rin niya ito ngayon. Kasi sa pag-iipon, ang talagang benefit niyan ay makukuha pagkatapos nang maraming taon, kapag kailangan niya na talagang gamitin iyong ipon niya para sa mas importante at makabuluhang bagay.

Kapag marunong mag-ipon ang bata, natututuhan din niya ang mag-budget ng sarili niyang pera o baon/allowance. Nadadagdag din ang alam niya sa Math, kasi naia-apply niya ang natututuhan niya sa loob ng classroom, addition, subtraction, multiplication, interest rate, etc.

Pag may ipon ang bata, nagkakaroon din ng alternative source of emergency money ang pamilya. Sa kaso ko, tulad ng nabanggit ko kanina, since mag-isa lang akong bumubuhay sa anak ko, noong ako na ang nawalan ng pera, salamat talaga at naipon namin (ako at ng anak ko) ang mga regalong pera sa anak ko, doon muna ako nanghiram. Kasi kung hindi, naku, mangungutang ako nang wala sa oras.

Dahil din sa savings na ginagawa sa bangko, natututo ang bata na maging pamilyar sa mga transaction sa bangko. Maaga pa lang, alam na niya kung ano ang itsura ng loob nito, makikita niya ang deposit slip (siya ang pinasusulat ko sa slips noong bata pa siya.) at iba pang slips. (Natutuhan ng anak ko nang maaga ang paglalagay ng tamang detalye sa mga slip-slip.) Makikita rin ng bata ang itsura ng bank teller (noong maliit pa si EJ, kapag turn na namin, siya ang pinapapunta ko at pinag-aabot ko ng slip, pera at bank book, minsan kinakausap pa siya ng teller hahaha cute kasi noong bata ahahaha). Makikita ng bata na may sistemang sinusunod sa bangko, for example: may pila pala para makapagdeposit, withdraw, etc, may oras ang pagbabangko, dapat pinaplano ang pagpunta doon at naglalaan ng sapat na oras para makapag-transact, may designated na tao na dapat lapitan para sa isang particular na serbisyo at hindi kung sino-sino lang na nandoon sa bangko ang nilalapitan (baka kung walang background sa ganitong sistema ang isang tao, baka maloko siya kahit nasa loob na siya ng bangko!)

Isa pang importance ng savings ay nai-instill din sa character ng bata at a young age ang concept ng paghahanda para sa future. Kasi iyon ang concept ng savings, may ginagawa ka ngayon (tipid-tipid, ipon-ipon) para sa future (ay may magagastos ka at mas marami kang magagawa sa pera).

Ang batang may savings ay mas angat kaysa doon sa wala kasi may mga konsepto siyang nakakasalamuha na hindi nakakasalamuha ng ibang kasing edad niya.

Maraming salamat sa panayam na ito, Mariel!

Friday, November 22, 2013

Wika ng Trahedya at Tagumpay

Kapikulpi
nina Beverly W. Siy at Ronald V. Verzo II

Kabi-kabila ang mga interbyu sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Sa harap ng camera, nananawagan sila, humihingi ng tulong, naghahanap ng nawawalang mahal sa buhay. Ang iba ay lungkot na lungkot, umiiyak, ang iba’y tuliro, nagugulumihanan kung ano ang uunahin, meron ding naiinip, merong galit na galit, meron ding natatakot. Halos lahat sila ay nagsasalita sa lokal na wika o di kaya ay sa wikang Filipino. Ang ibang footage at interbyu ay ipinalalabas sa ibang bansa. Naririnig ng mga dayuhan ang mga wika sa Pilipinas, nauunawaan na lang ng mga biktima ang mga pinagsasasabi ng biktima sa pamamagitan ng translation na idina-dub at ipinapatong sa audio o di kaya ay sa subtitle, kung mayroon man.

Naririnig ng dayuhan ang wika natin sa kasagsagan ng dusa at histerya.

Samantala, anong wika ang ginamit ng pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2013 na si Ariella Arida para sagutin ang tanong sa kanya? Imagine, nang moment na iyon, pagkatapos na pagkatapos ng huling salita sa tanong para kay Ariella Arida, tumahimik ang buong venue at ang buong mundo para makinig sa kanyang sasabihin. Bakit? Dahil naniniwala sila na ang anumang lalabas sa bibig ni Ariella ay mahalaga. Mahalagang–mahalaga kaya kailangang pagtuunan ng pansin. Kaya kailangang ibigay sa kanya ang buong atensiyon, ang buong puso, nang panahon na iyon. Sumagot si Ariella gamit ang wikang Ingles.

Nalulungkot ako sa ganitong pagkakataon.

Ingles ang ginamit ni Ariella. Bakit? Dahil ba mas madali siyang maiintindihan sa wikang Ingles? Bakit, kailangan bang maintindihan siya agad? Nagmamadali ba ang mga judge sa Miss Universe?

Para sa akin, ito ang isa sa mga rare moment na maririnig ng buong mundo ang wikang Filipino, e, bakit hindi ito samantalahin ng ating mga beauty queen?

Ang perfect-perfect ng panahon, binibigyan sila ng panahon na mag-isip, all eyes sa kanila, sila lang ang may hawak ng mikropono, walang kaguluhan, walang gera, walang patay sa mga bangketa, walang pagsabog ng bulkan, walang nagbababuyan na senador sa likod nila, walang bagyo sa bumbunan nila. Ang perfect-perfect. Ang perfect ng mismong pagkakataon.

So, bakit kailangang mag-Ingles?

Ikinahihiya ba nila ang tunog ng wikang Filipino? Kahit anong wika sa Pilipinas ang gamitin nila, kahit hindi sila maintindihan, pakikinggan sila ng judges, ng manonood, ng buong mundo. All ears! Dahil importante sila. Importante ang kanilang sasabihin. Na-establish na nila ang kahalagahan ng kanilang presensiya sa pageant kaya naroon sila, sa Top 5.
Bakit nag-i-Ingles pa rin sila? Ang sweet naman ng tunog ng wika natin, a!

Ganyan din ang problema kay Pacquiao.

Sa tuwing iniinterbyu siya pagkatapos ng kanyang matagumpay na laban, Ingles siya nang Ingles. Samantalang kahit ano pang wika ang lumabas sa bibig niya, pakikinggan siya ng interviewer, ng media, ng manonood, ng lahat ng panatiko ng boxing. Hindi lang siya pakikinggan, ire-record pa ang kanyang sasabihin. At ipe-play nang paulit-ulit sa ere, across the country, across the continents, across the whole wide world. Ganon kahalaga ang anumang mamutawi sa kanyang bibig. Bakit? Dahil siya si Manny Pacquiao. Dahil magaling siyang boksingero. Dahil world class ang kanyang da moves.

Ngayon, dahil pinipilit niyang mag-Ingles, pinagtatawanan siya ng mga tao kapag nagsalita na siya. Nakakalimutan nila na isa siyang boksingero. Nakakalimutan nila na ang husay-husay niya sa loob ng boxing ring. Nakakalimutan nila na marami na siyang napatumba gamit lamang ang kanyang talino at kamao. Ang naaalala nila ay ‘yong nakakatawa niyang pagbigkas sa mga banyagang salita. Ang “baluktot” niyang dila.

Sa kasagsagan ng paglutas sa kaguluhang dulot ni Yolanda, kagaguhan ang mag-isip tungkol sa wika at kultura. Alam ko. Pero ang akin lang, ang wikang Filipino, ang pagkatamis-tamis nating wika, ay hindi lang pangtrahedya, hindi lang ito daluyan ng pighati, hindi lang ito panlarawan sa ating pagkasindak at mga takot, hindi lang ito panghingi ng tulong at limos. Ang wikang Filipino ay wika rin ng ating mga pangarap.

'Wag nating kalimutan kailanman na ang wika natin ay wika rin ng pagtatagumpay.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Tuesday, November 19, 2013

Marne Marino's Book Writing Workshop for Kids @Young St. John Integrated School

Inimbitahan ako ng aking kaibigang si Kristina Beltran para mag-talk sa eskuwelahan ng kanyang tita. Sabi niya sa akin, sa may Cainta lang daw ito, haha umoo naman ako. Ay, loka, iyon pala, dulo ng Cainta! Boundary ng Cainta at Angono. Dahil ang pangalan ng school ay… Young St. John Integrated School Angono. Susmaryosep. Buti na lang at maunawain ang pinaglilingkuran kong boss noon sa PNU Manila, si Mam Jen Jocson. Pinayagan niya akong huwag nang bumalik sa PNU that day.

So from PNU, nagdalawang LRT lang ako. Sinundo ako ng buong pamilya ni Kristina sa Santolan, LRT Station. (No exaggeration, ini. Andoon ang kuya ni Kristina, ang dalawa niyang kapatid na babae at dalawang pamangkin. Iyong isang ate ni Kristina, nakaabang sa eskuwelahan, doon na lang daw namin imi-meet, teacher kasi ito doon.) At bumiyahe na nga kami.

Binabasa ng pamangkin ni Kristina ang Marne Marino habang nasa biyahe kami. Yey!




Nagbihis nga pala ako sa loob ng sasakyan nila, haha. Extra challenge!

Pagdating namin sa school, nag-picture-picture muna kami kasama ang mga pamangkin at kapatid ni Kristina. At siyempre, ang mga batang teacher ng Young St. John.



Tapos nakipagkuwentuhan kami sa isang senior teacher ng school. Medyo matagal kaming nakapagkuwentuhan dahil hinintay namin ang pagbalik ng mga estudyante sa eskuwela. Dinismiss na kasi sila at babalik na lang para sa isang overnight activity (yes, overnight haha, parang pajama party).

Tapos after about an hour, dumating na ang mga bata. Nag-umpisa na ako sa aking writing workshop. Mga 15 ang participants, nasa 8 to mid-twentys ang edad nila. Kasama ang mga guro, kaya may matanda, haha. Sa isang classroom sa mataas na palapag, nag-talk ako tungkol sa paggawa ng libro. Nag-umpisa ako sa pagpapaisip ng bida para sa gagawin nilang kuwento. Tapos, inumpisahan na namin ang paggawa ng kanilang libro. Tig-iisang pangungusap lang ang pinagawa ko sa kanila. One sentence per page. At 4 pages lang ang libro nila.

Page 1-bida (main character)
Page 2- ano ang problema ng bida (conflict)
Page 3- ano ang gagawin ng bida (action)
Page 4- ending (resolution)

Sila na rin ang nag-drowing sa bawat pahina.

Madali lang, ano? Mabilis ba kaming natapos? Hindi, haha. Medyo natagalan sila sa pag-iisip at pagdo-drowing. Kaya ang ginawa ko, inumpisahan ko na ang session sa kabilang room.

Yes, me mga naghihintay sa kabilang room. Ang siste, andami pa palang participants! Mga kadarating lang. Mula preschool hanggang grade 6 students. Iyon nga, nasa kabilang room, nyay.

Dito ako tuluyang naloka. Dahil marami sila, mga 40-50 kids ‘ata. Tapos iba-iba ang kanilang skills at levels so may mabilis, may mabagal. Hindi ako nahirapan sa pag-e-explain. Nahirapan ako sa pagsasalita nang malakas dahil ang ingay ng mga bata, yarks.

Buti na lang at natapos nang maaga ang mga participant na teacher sa unang room. Kaya tinulungan nila ako sa kabilang room.

May page 5 at page 6 nga pala ang aklat. Pero kailangan kasi, matapos muna ang pages 1-4 bago ang page 5 at 6. Ito kasi ang pages na yayakap sa buong aklat (na gawa lang sa 4 pages, hehe).

Iyong page 5 ang magiging cover at susulatan nila ito ng pamagat at pangalan nila. Very colourful ang karamihan sa mga gawa nila, cheerful tones.

Iyong page 6 naman, nakalaan para sa activity na ipapagawa ng writer ng book sa reader tungkol sa ginawa niyang libro.

O di ba?

Nakaraos kami nang masaya!

Halos lahat ay nakagawa at nakatapos.

Ang pinaka-challenging na bata roon ay isang batang lalaki, around 10 years old. Sobrang kulit niya, ginugulo niya ang ibang bata, lapit siya nang lapit sa akin, tanong nang tanong, sigaw nang sigaw. My God, napagawa ko siya. Isa siya sa mga nakatapos, im so happy! At buo ang kuwento niya. tungkol ito sa isang wrestler na taga-ibang planeta, haha. interesanteng tauhan, ano?

Ang pinaka-naalala ko ay gawa ng isang 12 year old kid, Angelien ang title. Yes, ang bida ay isang angel na alien. mas interesanteng tauhan, hmm...

Sayang at di ako nakapagkuha ng photos ng gawa ng mga bata. Kasi naman, sobrang busy na talaga ako noon. Pagdating pa lang sa paggawa ng page 1, lahat ng bata, may tanong na, iba-iba at nagpapa-assist pa ang mga super batang participant. OMG. Isa ito talaga sa pinaka-di ko malilimutang writing workshop. Natesting ang pagiging patient ko at ang speed ko sa pagpapa-workshop.

Pagkatapos ng lahat, nagkaroon pa kami ng parang graduation ceremony. Doon kami sa top floor na isang malaki-laking area na may stage. During the "graduation," kinamayan ko ang bawat bata na naging participant, tapos iniabot ko sa kanila ang kanilang mga “book.”

Ang saya-saya ko. Sabi ko sa ate ni Kristina, si Karen, na teacher nga sa school na iyon, sana ay i-display iyong mga gawa ng bata sa library nila. Huwag nang ipauwi sa mga bata, haha. Para magiging part na ng library ang mga gawa nila. yey!

Thank you to the students and teachers of Young St. John Integrated School. Thank you, lalo na kay Kristina at sa buong Beltran family. Sobrang memorable ng school visit na ito. Unforgettable! -from Marne Marino.


Monday, November 18, 2013

test test

masarap din ang freelancer. marami kang makakasama sa trabaho. iba-iba ang nakikilala mo. at minsan, nare-reunite ka pa with old friends.

ngayong nobyembre, sa pamamagitan ni Sir Joel Costa Malabanan, ako ay nakuhang translator ng ilang test questions at evaluator ng essays sa research center ng PNU. masaya ang atmosphere doon. parang lahat ng tao ay close sa isa't isa. ako nga lang yata ang outsider. natutuwa rin ako sa mga student assistant ng boss ko doon na si mam jen. ang sisipag nila at magaan katrabaho. ganon din kaya ako noong SA pa ako sa aking mga guro? hahaha baka hindi. lagi kayang kunsumido sa akin si sir rio!

anyway, ilang araw din akong nagpabalik-balik sa pnu. ang unang task ko ay magsalin ng test questions mula sa ingles patungo sa filipino. ang test nga pala na ito ay pasasagutan sa mga elementary at high school teachers ng public. bale, ia-assess ang kakayahan nila. test ito sa math, science at english. pero sabi raw ng funder, australian something, kailangan ding mag-conduct ng test sa filipino. kaya pinasalin ang mga test items sa english subject into filipino. pinasalin din ang selections.

isang selection ang di ko malilimutan dahil ang challenging niyang isalin. at iyon ay isang maikling maikling kuwento tungkol sa taxi driver sa singapore. bale ang tauhan ay isang taxi driver at nagsasalita siya sa broken singlish. singaporean english. pakshet pano ko isasalin iyon? e di magmumukhang mr. shooli na wikang filipino ang salin ko? anyway, isinalin ko pa rin ito. bale parang trying hard na lalaking nag-iingles ang kinalabasan. kasi kailangan kong ipakita na pautal-utal ang ingles niya dahil ang tauhan sa kuwento ay hindi mataas ang natapos. dinagdagan ko rin ng panaka-nakang la, la, sa dulo ng ilang pangungusap ang mga pahayag ng tauhan para maalala ng mambabasa na singapore ang setting at hindi trying hard na ingliserong taxi driver sa pinas ang nagsasalita sa akda.

hay. anyway, nakaraos naman ako. meron na naman akong natutuhan sa pagsasalin.

ang ikalawang phase ng project na ito ay nakakaaliw. kasi may writing exercises ang test so pagkatapos mapasagutan sa mga guro sa NCR, kailangan na itong checkan. bumalik ako sa pnu para check-an at i-evaluate ang kanilang mga sagot. may mangilan-ngilang mahusay. nakasunod nang mahusay sa panuto, tama ang grammar, maayos ang diwa ng sinasabi, maganda ang anyo, naipahatid ang gustong sabihin. siyempre nakakatuwa iyon. pero sa kasawiampalad, mas marami ang palpak. tipong di nakasunod sa direksiyon, mali siguro ang pagkakaunawa sa tanong, merong paulit-ulit ang mga salita, at ang diwa, merong naliligaw at walang focus ang sinasabi, mali-mali ang grammar, spelling at bantas at meron ding mali-mali ang facts.

nakakalungkot nang bonggabelles. kasi guro na sa filipino ang mga iyon. so kung ganyan sila, ano at paano nila itinuturo ang subject na filipino?

kailangan pang paigtingin ang pagtuturo ng filipino. iyan ang verdict ko. sariling wika na nga e nangangamote pa tayo? anuber. walang excuse diyan, a.

teka, heto naman ang pictures ng aking freelance work na ito:

ito si papa bon, co faculty ko dati sa uste at kasama ko sa grupo naming loving friends. ang anak niyang si nika ay isa sa flower girls namin ni poy. sa pup na nagtuturo ngayon si papa bon. friends sila ni mam jen.



ito naman si mam jen. siya ang head ng buong team, sa pnu siya nagtuturo. masayahin si mam jen, parang walang problemang nae-engkuwentro!



ang masayahin ding mga student assistant!



ito naman ay isa sa mga subject expert sa english, sayang at nakaligtaan ko ang pangalan!



ito ang isang bahagi ng work station namin. nasa kaliwa ako ng nakaputing lalaki na nakatalikod sa camera.



ang test na ito ay imo-modify pa pagkatapos ng aming evaluation. kasi kailangang i-tailor fit sa mga pangangailangan ng public elem at h.s. teachers sa buong pilipinas. luzvimin kasi ang testing! nationwide.

kaya good luck talaga sa results. at sa mga guro.

kahit ba ako yung nasa testing side, kabado rin ako. aba, ang tetestingin ay ang mga tagapaghubog ng kabataang filipino.

Sunday, November 10, 2013

kumpilan times

muntik nang maging disaster ang kumpil ko!

si mam cora kasi ang itinala kong ninang. siyempre pa, ipinaalam ko ito sa kanya bago ko ilagay ang pangalan niya sa form ng Quiapo Church.

noong lunes, nagpasa na nga ako ng form para sa kumpil ngayong linggo. di ako nagkulang ng pagpapaalala sa kanya.

so come the night before kumpil day, nagtext ang lola cora.

d ako mkakapunta. si karen ang proxy ko. inoperahan mama ko sa ulo. d2 me la union.

shaks. papasa bang 40 something si karen? 40 something na kasi si mam cora. (at iyon talaga ang naisip ko, hindi ang mama niyang namimighati sa sakit.!)

saka mas bata pa sa akin si karen at talagang mas mukha siyang batang tabaching ching kesa sa akin. pano kung sitahin siya o kami o kaya interbyuhin siya bago ang kumpil? baka tanggihan ako ng pari!


pari to me: sinungaling, ereheng intsik!

huhuhu baka di pa ako makasal sa lagay na yan.

anyway, tinext ko na rin si karen noong matanggap ko ang text ni mam cora. sabi ko, kw dw proxy mam cora, kumpil ko. c u tom, 730 am quiapo church.

walang reply.

pero di naman talaga masipag mag-reply yun, globe kasi siya at smart ako. in short, medyo kuripot talaga itong kaibigan kong ito. soooo di naman ako naalarma na di nga siya nag-reply.

e di umaga na. tinext ko siya ng mga 6am. sabi ko, karen, sana gising ka na ha? c u 730 am quiapo church.

wala pa ring reply.

inulit ko ang pagte-text nung 7 am. at nung 730 am, sabi ko, san ka na?

nasa quiapo na kami nito, sa may venue, 6F ng pope benedict hall, quiapo church. di ako makapasok dahil wala akong sponsor. si iding at si poy, nasa loob na ng venue. hinintay ko si karen sa ground floor ng building na nasa gilid ng quiapo church. sabi ko baka na-late lang to. mana sa akin yun, laging late.

bumaba sina poy at iding dahil hinihingi raw sa kanila ang resibo nila (medyo mahigpit ang mga tao dun, kelangan talaga me mga dokumento kang ipapakita). biglang tumawag si karen sa cellphone ni poy (na globe)

pare di ko alam yang kumpil mo. di naman nilinaw sa akin ni mam cora na ngayon yan e. kakagising ko lang pare. (mga 8am na to)

di ako masyadong nakapagsalita sa inis. naiinis ako sa kanilang dalawa!

sabi kasi ni mam cora, sasabihan daw niya ako kapag talagang di siya makakatuloy sa yo. e wala na akong nakuhang text mula sa kanya since thursday. kaya akala ko, siya na ang pupunta sayo.

ok ok kako. sabay pindot ko ng end call.

ayoko nang ma-stress. balewala rin. start na ang seminar, e!

at me naglalarong ideya sa isip ko nung papunta pa lang kami ng quiapo nang umagang iyon. sabi ko, pag wala talaga kina mam cora at karen ang sumipot, makikiusap na lang ako sa kahit sinong ninong o ninang ng ibang kukumpilan doon para siyang mag-sponsor sa akin. hindi naman siguro sila tatanggi. proxy lang naman sila. me isa pa akong ideya, pag di pa rin puwede iyon, maghahanap ako ng tindera ng sampagita sa baba at hahatakin ko paakyat para siyang mag-sponsor sa akin. bilhin ko na lang ang lahat ng paninda niya at isama siya sa tanghalian namin pagkatapos ng kumpilan. worst case scenario.

(dapat talaga me worst case scenario ka kasi kung wala, uusok ang anit mo sa inis.)

so umakyat na kaming lahat. sabi na lang namin sa isang babaeng nag-a-assist sa lahat ng kukumpilan, si poy na lang ang ninong ko. kinuha niya ang confirmation slip ko at pinalitan niya ang pangalan ni mam cora. ang inilagay doon ay ang pangalan ni poy.

e merong flyer ang quiapo church na ibinigay sa akin bago ang araw ng aking kumpil. sabi doon, bawal maging sponsor ang iyong pakakasalan, magulang, biyenan, hipag at iba pa.

naka-settle na kaming tatlo sa loob ng venue pero di pa rin ako mapakali. nag-umpisa nang magsalita ang isa pang babaeng taga-simbahan, parang ito na ata ang seminar, sa isip-isip ko.

kinabahan na ako. pano pagkuha ko ng confirmation certificate? a-appear dun ang pangalan ni poy. pano pag isusumite ko na ito sa san agustin church? makikita nila na ang sponsor ko pala ay ang taong pakakasalan ko! naku baka ipaulit pa sa akin ang kumpil na ito. baka ma-delay pa ang kasal dahil lang dito!

so tinawag ko ang nag-a-assist sa mga kukumpilan at ipinaliwanag ko sa kanya kung sino ang sponsor ko.

hala, hindi puwede iyon, sabi niya. nasaan ba ang sponsor mo? tanong niya.

sabi ko, nagka-emergency po, nasa La Union!

o, sige. ako na lang ang mag-ii-sponsor sa 'yo.

wah. puwede pala iyon? my gad, nagka-christmas lights ang buo kong mukha! opo, opo! mabilis kaming bumalik sa registration table (e baka magbago pa ang isip niya hahaha) agad kong binura ang pangalan ni poy. kinuha ng babae ang papel mula sa akin. tapos sa ibabaw ng buradong pangalan nina poy at mam cora, isinulat niya ang sariling pangalan.

normita cortez.

iyan, my friends, ang pangalan ng bago kong ninang. ninang na, angel pa.










Tuesday, November 5, 2013

wanted!

nakita ko na ang marriage banns namin sa simbahan na "tunay" kong kinabibilangan. hahaha me quotation marks talaga. kasi hindi naman ako nagsisimba sa simbahang ito. mas malapit kasi sa amin ang parish of the lord of divine mercy (pldm). nasa may kanto lang ng sikatuna at savemore. kaya lang, noong nagpapa-post ako ng marriage banns sa pldm, shinoo ako ng parish secretary. sa holy family daw ako. dahil di daw ako parishioner doon sa pldm. e de gulat na gulat aketch.

ako: te, dito kami nagsisimba.
ate: kahit na.
ako: ba't ako do'n magpapa-marriage banns, e di naman ako kilala do'n?
ate: kahit pa.

bago pa ako tubuan ng kulani sa leeg sa inis dahil sa tatlong pantig niyang mga sagot, umalis na ako at naglakad at sumakay ng dyip. see? mas malayo nga, e. sasakay pa ng dyip! kaya di kami nagsisimba sa simbahan na tinutukoy ni ate.

anyway, pagdating ko doon, sa holy family, mabilis akong inasikaso ng parish secretary nila. wala kasing ibang tao. well, pamilyar naman ako sa simbahang iyon. nakapag-bisita iglesia kami doon two years ago at doon din binurol si nanay pilar early this year. after a few seconds, as in a few seconds lang, (kinuha lang kasi ang papel ko) sabi ni ate, balik ka sa nov. 4. puwede mo nang ma-claim ito. me bayad yan, ha? P300.

ako: ha?
ate: oo.
ako: okey.

nakakagulat. magpapa-post ka lang ng mga retrato sa bulletin board ng simbahan, tumataginting na P300 na? tinext ko si madam rio na ikakasal na sa nov. 14.

ako: nag-marriage banns na kayo?
rio: oo tapos na
ako: nagbayad kayo?
rio: oo, P300

boom.

me bayad nga. kalokohan naman ng simbahang katolika! ire-require ang couple na magpa-marriage banns tapos me bayad pala yon? malinaw na pangingikil itey, na ikinukubli sa sakramento ng kasal. no wonder, walang simbahang nalulugi. nakatanim sa estruktura ang pangongolekta sa mananampalataya.

amen.

pagsapit ng nov. 4, bumalik ako sa holy family. nandoon pa si ate kaso, sarado na ang simbahan pagdating ko. e nandoon pala mismo, sa loob ng simbahan ang marriage banns at gusto ko pa naman itong piktyuran. so nagpaalam na ako na babalik na lang kinabukasan. dala ko ang camera ni boss alvin.

kinaumagahan, heto ang aking mga nakuhaan.

holy family church sa kamias, qc



chinika ako ni ate, san daw ako magpapakasal?

ako: san agustin po.
ate: mahal dun di ba?
ako: opo. nagkasubuan na lang po kami doon, e
ate: sana dito ka na lang
ako: onga

sabi ni ate, 15k daw ang magpakasal sa kanila. all in na yon. flowers, pari, choir (lahat ng kanta na gusto nyo kakantahin ng choir nila!), kuryente, precana seminar at iba pa.

marikit naman ang simbahan na ito, at maraming mapagpaparkingan sa labas. at dahil konti lang ang nagpapakasal dito, tiyak na hindi ka mamadaliin. (di tulad sa san agustin, 5k ang additional mong bayad pag lumampas ka sa takda mong end time!)

eto ang loob ng holy family



kung gusto mong magprecana seminar dito, P150 lang ang bayad. pero maghihintay ka ng mga kasabay na couple dahil bihira ang may nagpe-precana doon.

naglakad pa kami papasok sa loob ng simbahan. nasa may bandang main entrance pala ang bulletin board.

eto na yay



tada! wanted: dead or alive! ahahaha



dati pag napapadaan ako ng simbahan, humihinto ako para magbasa ng marriage banns. tinitingnan ko ang mga mukhang nandoon at madalas, batay sa verdict ko, di bagay ang mga husband and wife to be. tinitingnan ko rin ang mga address nila at iniisip ko kung paano silang naghahatiran pauwi. malamang me kotse si guy. pero pano kung mukhang mas mayaman si girl? ayan, o. maganda ang kutis at me brace sa ngipin! mukhang siya ang de kotse, hindi yung guy. o kung paano kayang na-develop ang kanilang love story. ini-imagine ko rin kung ano ang itsura ng mga magulang at kapatid nila. me resident graphic artist sa likod ng mga mata ko hahaha pati ang itsura ng magiging anak nila, naiisip ko.

swangit lahat.

hahaha ansama ba?

ngayong marriage banns naman namin ang naka-display, me nagtatawa rin kaya sa harap nito? meron kayang nagagandahan sa akin? siyempre, meron waha! meron kayang napapangitan kay poy? siyempre andami waha meron kayang nai-inspire sa amin? aba, modern version kami ng beauty and the beast! or puwede ring realistic at matandang version ng lilo and stitch! pang-disney talaga. teka, meron kayang susulat tungkol sa aming home address? tungkol sa pag-iibigan ng isang manila boy at isang qc girl? e, meron kayang hahadlang, pipigil sa paparating na pag-iisang dibdib namin? sana naman kung meron, gawin niya 'yon sa mismong araw ng aming kasal. para naman mas kaabang-abang.

nung makita ko ang marriage banns namin ni poy, parang ayoko pa itong i-claim. aba, kung magiging source naman iyan ng inspirasyon para sa pagkukuwento ng mabababaw na tao tulad ko, hala go lang, sige. i-display umaga, hapon, magdamag, 24/7. diyan na muna sa simbahan 'yang marriage banns na 'yan. di naman kami nagmamadali.

stay put. hanggang sa makaipon ako ng P300.





Ang copyright ng mga larawan ay kay bebang siy.