Thursday, June 27, 2013

missing you

wala naman, i just miss writing.

parang puro na lang kasi editing at lakwatsa ang nasa isip ko lately. di makasulat tuloy.

kelangan ding dumalo sa mga pampamilyang gawain, ayun. dami talaga kalaban ng isang karaniwang manunulat. pero ang totoo niyan, sarili lang talaga ang kalaban, wala nang iba. kung seryoso ka sa isang bagay, kahit pa anong mangyari, di mo yan bibitawan. gagawin mo yan at isasakatuparan mo kahit pa mahirap ito sa kasalukuyan mong sitwasyon.

noong linggo nagpunta ako sa mini reunion at updating session ng B-52. ginanap ito sa bahay ni mam bambi harper. eto ang iba pang dumalo:

bambi harper-siyempre siya ang me ari ng bahay, siya rin ang nagpakain at nagpainom sa amin, na tipsy ako sa dami ng libreng red wine
thomas david chavez
emmanuel velasco
john jack wigley
gabriela lee (with francis quina)
richard gappi

lahat sila, may pag-usad sa writing project na inihain noong Abril sa UP writers workshop sa baguio.

lahat sila! except gabby, bambi and me.

hahaha lahat except kaming girls! hahahaha si bambi kasi me tinapos na collection of essays about history. si gabby, medyo nabusy sa pag-ibig. ako, medyo na-busy sa pag-aaral. pero ang orihinal kong plano, dadagdagan ko talaga ng kahit isang paragraph ang novel in progress ko na high school a few days before the reunion. at least, me pag usad kahit konti.

e wala. andaming nangyari. andaming pinalampas na oras. sabi ng pagkakataon, im sorry, good bye.

gusto kong matapos ang nobelang ito. actually, mini novel siya. kasi pakiramdam ko maiikli lang ang bawat kabanata ko. wala akong masyadong problema sa storyline buo na nga e, natapos ko na nung abril pa. ang pino problema ko, paano ko siya gagawing literary. paano ang choice of words, paano ang dialogue ng mga tauhan at iba pa.

pero kunwari, older writer me talks to feeling newbie writer me: ang gawin mo lang diyan, bebang, isulat mo lang muna. wag ka na muna masyadong mag-worry sa kung ano-anong bagay. ang importante, matapos mo ang unang borador. saka mo na isipin ang choice of words, dialogue etc. nag-aalala ka na, wala ka pa ngang nagagawa.

atsetse! sori naman!






hello again, rejection!

Na-reject na naman for the 2nd time ang translated version ko ng isang children's book. oh my. anyway, sana makapasa sa ikatlong publisher. magaling pa naman ang writer ng children's book na isinalin ko. nakakahiya sa kanya. kilala ito sa asian region ohmigulay ibig sabihin me problema talaga sa translation ko, hindi sa akda niya. naku naku!

me 3rd at 4th option pa ako sa particular book project na ito. pag hindi pa rin natanggap, kelangan ko nang kausapin uli ang author. baka puwedeng i-self publish na lang namin ito. ebook muna siyempre at mahal ang printed version!

here's to good vibes! yeyeye!

atin ang 2013!



Nationwide Literature Education Series Visits Legazpi


The literary and youth volunteer group Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), in partnership with the Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) and the National Commission for Culture and the Arts (NCCA), will begin its 2013 series of free seminar-workshops at Bicol University, Legazpi City, Albay on June 28, 2013.



The 23rd edition of the “Sining ng Tugma at Sukat” (STS; Art of Rhyme and Meter) will also be held in partnership with the local hosts, namely the Provincial Government of Albay and Bicol University.



Started in 2008, the STS is a nationwide education outreach program that has toured 22 towns and has served 1,272 people, mostly public school teachers and students. It aims to help advance literature, language, patriotism, and the beneficiaries’ communication skills through the teaching of native literary works and forms.



For 2013, the STS program is part of the larger project titled “Sulong: Dangal ng Filipino,” which includes day-long seminar-workshops on the “Sagisag Kultura” (cultural icons of the Philippines) and the National Orthography. Several of the tentative venues for STS 2013 are Roxas, Capiz; Iligan, Lanao del Norte; Koronadal, South Cotabato; Tuguegarao, Cagayan; Tacloban, Leyte; Naga, Camarines Sur; Cebu City; and several satellite events in Metro Manila.



Founded in 1985, LIRA is a nationally recognized, volunteer-run, education NGO; the oldest organization of poets in Filipino; and one of the country’s premier literary groups. In pursuance of its mission of advancing literature, language, and patriotism, the organization holds a yearly five-month-long poetry clinic held for the most part in UP Diliman. The STS is an effort to bring part of this clinic outside of Metro Manila.



In 2011, LIRA was declared as one of the Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) in Malacañang Palace by President Benigno Simeon C. Aquino III, making LIRA the first literary group in the TAYO Awards’ nine-year history. In 2012, LIRA was named by the National Outstanding Volunteer Awards as the National Capital Region’s outstanding volunteer organization.



Heading the STS Legazpi team as its lecturer is the award-winning poet Dr. Michael M. Coroza of the Ateneo de Manila University. The program is directed by Phillip Kimpo Jr., LIRA president, with the help of Beverly W. Siy, immediate former president and creator of the STS. Kimpo and the KWF’s Kriscell Largo Labor are the local coordinators for STS Legazpi. Parties interested in helping or participating in the program can contact the STS team at pykimpo@gmail.com.



back to school!

hay. nagtuturo ako uli. at hindi ko inasahang sasakit ang ulo ko sa ingay at kawalang-bahala ng mga estudyante.

akala ko dati, nami-miss ko na ang pagtuturo kaya binalikan ko ito. pero ngayong unti-unti ko na namang nararanasan ang maliliit at nakakairitang problemang kinakaharap ng mga guro, parang gusto ko na uling umatras. parang gusto ko na lang forever na magsulat.

alam kong hindi ko dapat personalin ang pagdadaldal ng mga estudyante. kaya lang, nakakaapekto lang talaga ang presence ng maingay at malikot na ulo sa loob ng klase. hindi ako maka concentrate sa mga gusto kong ibahagi. naiinis ako, nagagalit ako. at alam kong unfair ito sa mga nakikinig. na mas marami kaysa sa maingay at nagdadaldal.

kapag naiinis at nagagalit ako, napipika na ako nang tuluyan. ang tendency ko ay magbigay ng activity para iyong maingay ay finally masa-shut up dahil kailangan niyang sagutin ang mga pinasasagutan ko. alam kong mali ito, maling-mali ang motivation ko sa pagbibigay ng gawain. so kelangan ko talagang dagdagan ang aking pasensiya.

pero sana naman, 'yong mga estudyante rin, sana maunawaan nila na dapat silang tumahimik at makinig sa oras ng klase. kung ayaw nila, ay di lumabas na lang sila at magpamarkang absent. bakit ang unfair nila? uupo sila doon tapos hindi naman makikinig, at hindi lang basta hindi makikinig, makikipagkuwentuhan pa sa iba. nadadamay pa ang iba. nasaan ang malasakit sa kapwa?

bihira akong manita sa klase dahil kolehiyo na ang tinuturuan ko. siyempre, hindi na bagay ang pagsasaway. sana ma-realize din ito ng mga college student. ganito ang perspective ng mga taong ginagawa ang lahat para makatulong sa kanilang pagkatuto.




Saturday, June 22, 2013

scrabble tayo!



noong summer, isinama ko si iding sa scrabble tournament. naganap ito sa food court ng alimall, cubao, quezon city at buong araw na idinaos ito doon. iilan lamang ang manlalaro, wala pa yatang bente, pero napaka-memorable nito para sa amin ni iding dahil ito ang first time naming makapunta sa isang scrabble tournament.

lumaban si iding mula 10am hanggang mga 430pm. ganyan pala kalupit ang mga tournament ng scrabble. siyempre pa, gulat na gulat ang pamangkin ko kaya di mabilang ang pagkakataon na tinutulugan niya ang kanyang mga kalaban. lalo na kung matagal tumira ang kalaban.

masayang nag-umpisa ang tournament. hinati sa dalawang grupo ang lahat ng contestant. merong collegiate level at merong open. sa open napunta ang pamangkin ko dahil hindi siya college student. si iding ay incoming grade 8 pa lang.

ang mga nakalaban ni iding sa open ay isang 8 years old na bata, isang 12 years old na bata, at mga apat na matanda. as in mga 50-70 years old na yata. oo, magkakahalo-halo ang bata at matanda sa open group.



nasa tabi ako ng mesa kung saan lumalaban si iding ng scrabble. papalit-palit ng mesa ang lahat ng manlalaro sa bawat round dahil papalit-palit din ang kanilang mga kalaban. isa sa mga di ko malilimutang kalaban ni iding ay isang matandang lalaking itatago natin sa pangalang Broniluigi.

sa unang tira niya, simple lang ang sagot niya. something like nail. four letter word na walang plus-plus o bonus-bonus. tapos tumira na si iding. pagkatapos ay siya uli, si broniluigi. ang itinira niya ay isang salitang may pitong letra. umabot yata sa halos isandaan ang kanyang iskor. hindi na-gets ni iding kung bakit sobrang laki ng iskor ni broniluigi. paulit-ulit niyang binilang ang itinira ni broniluigi. until inexplain ni broniluigi na plus 50 points pala kapag naitira ang lahat ng letra ng isang player.

nanlumo si iding. ipinatong niya ang baba niya sa mesa at wala sa sariling tumitig sa sarili niyang mga letra.

sa buong laro nila, napansin ko na parang nagmamadali sa pagbibilang ng iskor si broniluigi. dalawang ulit siyang nagkamali ng bilang, kulang ang points na ibinigay niya sa kanyang sarili. at komo sigurista kami ni iding, binibilang din namin ang iskor niya. kaya nalalaman namin na kulang nga ang ibinigay niyang points sa sarili niya.

pag sinasabi ko na, kulang po ang bilang ninyo sa sarili ninyo, ang isinasagot niya ay "ay, oo nga, salamat, ha? salamat sa pagiging honest mo."

pero mukhang beteranong player na itong si broniluigi kaya hindi bumenta sa akin ang pamali-mali niya ng bilang sa sariling iskor. me kutob akong sinasadya niya iyon para malaman kung marunong nga kaming bumilang ng iskor o puntos. lagi niyang minamadali ang pagbibilang kaya hindi namin siya nasasabayan. ang nangyayari, nagdedeklara na siya ng puntos bago pa kami makatapos sa pagbilang ng puntos. pero hindi kami nagpapa-intimidate ni iding. tinatapos namin ang pagbibilang kahit pa nakatunganga doon sa amin si broniluigi sa bagal naming mag-one-plus-one.

e ano kung mabagal nga kami?

kung hindi namin ginawa iyon ay baka

1. maisip niyang wala kaming pakialam sa mga iskor. dahil anlaki na ng agwat ni iding kay broniluigi, imposible na talagang mahabol, tipong 100 versus 400 points labanan, para saan pa ang iskor di ba? pero kasama sa rule ng laro ang pagtatala ng tamang iskor kaya ginawa talaga namin iyon ni iding.

2. maisip niyang hindi nga kami marunong mag-point system kaya kung ano lang ang banggitin niya ay tatanggapin na namin nang buo at maluwalhati. at siyang isusulat at maitatala sa scoresheet.

3. maisip niyang kayang-kaya niya ang maliit at batang player tulad ni iding at ang may pagka-stage mother pero aanga-angang tita nitong tulad ni beb.

may mga instance din na antagal ng kamay niya sa pouch kung saan dinudukot ang tiles ng letra. nalaman namin nang araw na iyon na bawal magtagal ang kamay sa loob ng pouch. dapat daw, dukot lang nang dukot. hindi dapat nagbababad ang kamay sa pouch dahil wala namang dahilan para magtagal doon ang kamay ng kahit na sinong manlalaro. pero itong si broniluigi, may ilang ulit siyang pagdukot kung saan parang pinipintahan niya ang letra ng bawat tile. pero siyempre hindi namin masasabi iyon, kutob lang, dahil hindi naman transparent ang pouch.

dahil sa tagal ng kamay niya sa pouch, di ko maiwasang mapatitig sa bawat kilos ng kanyang kamay. napansin ko tuloy ang ilang ulit na pagsasara nang mahigpit ng kanyang hinliliit at palasingsingan. sobrang higpit na parang me nakaipit doon na something na siyempre bawal mahulog kundi ay mabubuko siyang nag-iipit ng tiles o letra.

anyway, me kutob talaga ako na magulang si broniluigi.

naramdaman din siguro ito ni iding kaya hindi na nag-e-effort si iding na makatira ng salitang may mataas na puntos. wala nga naman siyang maitira kasi puro vowel ang napupunta sa kanya. ang nailalapag niya ay puro it, on, to at iba pa.

finally natapos ang kanilang game. three to four times ang lamang ni broniluigi, hindi na kami nagulat! hahahaa

lulugo lugong nagtanghalian ang pamangkin ko. nakasabay namin ang isang writer na nakilala ko sa isang org ng mga writer. matagal na pala siyang player ng scrabble. at suki rin ng mga tournament. kinumusta ko ang impression niya kay broniluigi.

tadan!

sabi niya, ay iyon ba? madaya iyon e. madaya talaga, saka madalas nagpapatalo yan sa umpisa para mapunta siya sa mahihinang kalaban at nang makaungos siya nang husto sa mahihinang kalaban, para mapataas niya ang overall niyang points sa isang buong tournament. kung sa magaling kasi siya natatapat, hindi siya makapuntos nang mataas.

nge. sabi na, beterano ang broniluigi na ito!

nagkibit-balikat si iding. buti at pareho kami ng naisip.

"me ganyan talaga. ingat-ingat na lang tayo," sabi pa ni writer/scrabble player.

sa isip ko'y naalibadbaran ako. ano ba naman ang lalaking iyon? si broniluigi?! nang makakita ng taong mas maliit at mas mahina sa kanya, ang mindset niya ay pagsamantalahan ito? agad-agad? pagsamantalahan agad-agad? ni hindi binreak in.

well, me ganyan talaga. ingat-ingat na lang tayo sa kanila. sila na kung tawagin ay kabigero. ang bawat sandali ng kanilang buhay ay idinidisenyo nila sa paraan na makakapangabig sila sa pinakamaximum na paraan.

oh well.

out of 7 games, 3 ang naipanalo ni iding. not bad for a first tournament, di ba?

naka top man lang ba si broniluigi?

HINDI. BWAHAHAHAHA. yan ang napapala ng may maiitim na budhi.

itim. itim na itim.

kasing itim ng bagong t-shirt na binili namin para kay iding bilang premyo niya sa tatlong wins.

kamiseta na maaari ding tingnan bilang simbolo ng tahimik na pagpoprotesta sa mga tulad ni broniluigi.




Ang copyright ng larawan ay kay Bebang Siy.

Chain letter for a Pangasinan Writer!

o, di ba nakaabot sa Pangasinan?

http://www.dalityapi.com/2013/01/the-next-big-thinga-chain-letter-for.html

Maraming salamat, Sonny Villafania!

Friday, June 14, 2013

musa



ilang araw na akong walang maisip na kuwentong pangkomiks. wah.

kinagagalitan na ako ni mam cecille ng cfa.

e, pano ba yun, wala talagang maisip.

pero naisip ko rin na kaya ako walang maisip kasi hindi ko talaga iniisip yung dapat isipin.

kelan ko lang ba tiningnan ang detalye ng assignment na ito?

kung matagal ko na sanang binasa ang detalye, matagal na rin sanang nakaimbak sa utak ko ang dapat isipin. at pag me panahong nakatunganga ako sa tren o sa dyip, at least automatic na nire-retrieve ng utak ko ang dapat isipin.

at nauumpisahan na nga ang pag-iisip. at makakaisip na ng mga tauhan. ng aksiyon. ng daloy. ng kuwento. at mabubuo na ito.

hindi hinihintay ang musa. hindi ito hinihintay habang nakatanghod ang manunulat sa tapat ng kanyang laptop. hindi ito hinihintay habang nakaamba ang ballpen sa papel. hindi ito hinihintay.

kusa itong dumadalaw sa kung sino mang nag-iisip tungkol sa mga bagay na nais isatitik.

kaya isip lang nang isip.

iyan naman ay kung gusto mo nga siyang makapiling.



Thursday, June 13, 2013

SURPRESA PARTEEEE PART 1


Ang hirap palang mag-organize ng surprise party para sa isang taong kasama mo sa bahay!

Noong May 31 ay ang 34th birthday ni Poy. Ang naisip ko lang, dalhin siya sa Corregidor kasama sina ej at iding. Mag-oovernight kami doon at maggo-ghost hunting sa gabi. Kaya lang, me kamahalan ang tour na ito, aapat kaming makikinabang. Isa pa, nagkaroon ng wushu activity si ej noong may 30 kaya di siya makakasama kung sakaling mag-overnight nga sa Corregidor.

So nag-isip na lang ako ng ibang activity for poy’s birthday. Wala talaga akong masaliksik sa utak. Bigla-bigla, nag-fb status siya na huling birthday na raw niya iyon as a bachelor. So pakiramdam ko, ang special nun para sa kanya!

Kaya nagdesisyon akong bigyan na lang siya ng surprise birthday party.

Since biyernes ang may 31, dapat after office hours ang party. Ang kaso, baka sa sobrang trapik (suweldo!), baka di magdatingan ang mga taong iimbitahan ko! kaya naisip kong gawin na lang itong Sunday para makarating ang marami. So kahit wala pang venue, nag-text na ako sa family niya na may surprise party for poy nang june 2, 2-6pm. Hehe sinadya ko talaga yan para hindi lunch at hindi rin dinner. Mas tipid! At kinonsider ko rin yung traffic. Kasi yan ang Sunday before the first day of school. So malamang, lahat ng nasa bakasyon at probinsiya, pabalik na ng maynila para makapasok kinabukasan sa kani-kanilang eskuwela. kaya dapat hindi masyadong late matapos ang party, maipit man sa trapik di pa rin masyadong gagabihin yung bisita namin. Tinext ko na ang kapamilya’t kaibigan ni poy.

Sabi ni rianne, yung ate ni poy, magpapa-dinner daw sila sa bahay nila sa sta.mesa sa mismong araw ng birthday ni poy para daw hindi halatang me surprise birthday party kami sa parating na Linggo. Sabi ko, sige, para din me magawa kami sa May 31. Kasi nga, malamang ay nasa bahay lang kami nang araw na iyon. Sabi rin ni rianne, sila na raw ang bahala sa cake sa surprise birthday party. Yeba, tipid sa part ko. so nag ok ako agad.

Naghanap ako ng possible venues sa internet. Siyempre yung mga site na pinuntahan ko noong naghahanap kami ng venue para sa kasal, nabisita ko uli. Karamihan sa mga venue na ito ay pangmalakihan. So hindi kaya ng budget. Isip uli. Hanap. Ginagawa ko ang lahat ng ito kapag malayo ako kay poy. kasi di niya puwedeng masilip ang mga sine-search ko.

Eto ang mga una kong naisip na venue:

1. Tramway –P 200+ lang per head, buffet pa. tapos mga P900-P1000 lang ang rent ng private room. Kaya lang either umaga/tanghali or late afternoon/gabi ang party. Hindi puwedeng 2-6pm. Meron itong branch sa may shaw, malapit sa parents niya, meron din sa banawe, kami lang ang malapit dito pero ito ang cheapest, meron din along roxas boulevard, tabi ng traders hotel, vito cruz. Nakakain na ako rito, ok naman ang food. Actually, ang mas habol mo dito, e yung pagpapaka-oink-oink. Kasi susulitin mo yung binayad mo kaya one to sawa talaga si tiyan.

2. Aquasphere-malate area. 8k ito. rent lang. pero 12 hours na. at may swimming pool pa. hahanap na lang ako ng murang caterer kung sakali. kaya lang, hindi naman mahilig magswimming itong si poy. bano nga sa tubig. So parang out of character kung dito siya magbertdey.

3. Cara mia/amici- mga 350/head, food and drinks and venue na. either sa tomas morato o sa may ayala triangle sa Makati. Mukhang masaya dito, masarap pa ang food at desert. Saka mahilig si poy sa ice cream. Tamang-tama.

4. Conspiracy-mura dito siyempre. Parang pay as you order lang. me sounds pa. kaya lang anlayo sa mga kamag-anak ni poy. at medyo pang young crowd ito, di bagay sa parents niya, though nakapunta na ang mama niya rito at nakapakinig kay bayang barrios, nag-enjoy ang lola!

5. El buono pizza- tomas morato. Sabi sa sulit ad nila, 10k inclusive na lahat, décor, food and drinks good for 50pax at venue. Maganda yung venue, parang maaliwalas naman batay sa photo at malaki, hindi magsisiksikan sa loob. Ayos sana ito. kahit medyo malayo sa parents ni poy. kaso pag punta ko, sarado. Sabi ng guard sa katapat na bar, mag-iisang linggo na itong sarado.

6. Orchid garden hotel- sa may vito cruz, wala akong idea kung magkano rito. Pero ang alam ko mura lang. kasi nag-event na kami rito sa filcols. Maganda yung function room sa itaas kasi parang medyo luma yung feel pero modern ang amenities.

7. Ice berg-jupiter st. Makati- wala yatang package package dito. Mura ang food siguro papatak ng P250/head. Makati kasi malapit kila poy (nang konti) at dahil walang tao rito pag Sunday. Hehehe. Madali ang parking para sa pamilya ni poy at para sa mga bisitang me sasakyan.

8. Any resto sa may vito cruz, taft. Kasi siguradong walang tao rito pag Sunday! Weekdays, puno ito, im sure.

9. Manila yacht club-batay sa nabasa ko sa internet, puwede raw ditong mag-rent ng function room para sa kasal. Alam kong mahal dito at sosyal pero mano bang i-try ang pag-i-inquire.

Hindi ko kinonsider ang mga venue sa mall. Kasi siguradong matao doon pag Sunday. At hindi ko gusto ang feel, parang masyadong commercialized ang party
sa ganoong lugar.

So ayun. Kelangan ko na ng venue. Isang gabi, nag-away kami ni poy. di ko na maalala ang dahilan. Sabi niya, labas daw muna siya. sabay labas. Literal. Lumabas talaga. walang lingon-likod. Aba. Nainis ako. So nagbihis ako at lumabas din ako.
Dun ako sumubok na maghanap ng venue. Sabado ito ng gabi. May 25.

Nag-morato ako. Bumaba ako ng dulo ng kamuning. Tapos nilakad ko ang buong morato hanggang sa may scout circle. Antamlay-tamlay ng morato. Sabado pa naman. Pero ok lang yun. Kasi hindi naman Saturday night ang party namin! Dun ko nakita ang amici. Sayang at sarado na. pero nakapag-inquire na ako doon dati. Ayun nga ang rate mga P350/head. Nadaanan ko rin ang el buono. Dun ko rin nalaman na sarado na nga ito. marami pa akong nadaanan na bar. Naisip ko rin ang chef’s bistro. Kaya lang, medyo mahal dun ang food. Siguro nasa P350/head din. Di pa outstanding ang lasa sa lagay na yan. though meron silang venue na tamang-tama dun sa party na nasa isip ko.

After an hour, wala, wala talaga akong nakitang appropriate na lugar.

Naglakad ako pabalik ng Kamuning. At nag-ikot-ikot ako sa area na yun. Naisip ko sa 77 café kaya? Dun nagbirthday ang pinsan ni poy, si michelle. Maganda yung place na yun. Old house. Kaso pagpasok ko, wah, ang init. At medyo nadidiliman ako. Baka kako, maganda lang ito kapag medyo dim ang light. At nung nagpa-party si michelle doon, nag-inquire na rin ako. 15k daw, isasara nila ang isang bahagi ng place for a party for a certain number of hours. Inuman galore ang 15k na yun. Kasi mas sikat yun bilang inuman.

Naisip ko rin ang taumbayan. Kaya lang parang naliliitan ako sa lugar na yun. At parang walang x factor para sa masho-shonders tulad ng parents ni poy. well, siyempre, kelangan ko magpa-impress sa kanila! First time ko silang iimbitahin sa isang party!

Hindi ako nakahanap ng venue that night. Pag uwi ko, andun na si poy. text pala siya nang text. Alalang-alala. Ayan, ang arte kasi. Lalayas-layas ka, ha? Sa isip-isip ko. may paa rin kaya ako, nalimutan mo? oo, mabantot pero marunong din itong tumakas, lumayas tulad ng paa mo, ‘no? siyempre sa isip ko lang yan lahat. Kasi pagkakita ko sa kanya, natumba na ako sa higaan at nakatulog!

Pagsapit ng Monday, May 27, nagpunta ako ng UP para i-follow up ang appeal ko para sa MA ko. negative ang lahat ng resulta. Hindi ako aabot para sa may 30 na meeting ng csapg. Ibig sabihin, hindi ako makakasabay sa regular na enrolment dahil kelangan pang hintayin ang june 24 csapg. Pagdating ng hapon, lumuwas ako. Nag-MRT ako. Text nang text si poy, asan na raw ako. Sabi ko up pa at may hinihintay na prof. pagbaba ng MRT EDSA Taft, nagdyip ako hanggang sa roxas boulevard. Mula doon, naglakad ako hanggang makarating ako ng vito cruz. May parts na madilim at nakakatakot like yung malapit sa dating dfa at japan embassy. Pero ok na rin. Nakaraos naman ako, uneventful ang aking paglalakbay doon. Noon ko lang din nakita ang midas hotel and casino. Ang liwa liwanag! Ito yata yung dating Hyatt. Sayang. Parang mas maganda yung hyatt. Simple lang. saka tahimik.

Anyway, heto yung mga nadaanan kong kinonsider as venue

1. Bachelor’s mansion-parang mas night club ito. gusto ko man at na-curious man ako, feeling ko di mag-e-enjoy dito ang parents ni poy.

2. Singing cooks and waiters restaurant- malapit ito sa buendia. 7,700 ang pinakamurang package nila. Per table yan. at 10-12 pax per table. Sa isip-isip ko, ang mahal. Kasi kung makadalawang table kami, 15k agad? Pero ang maganda rito, me kasama na raw performance iyon at me function room sila na puwede nilang isara kahit gano pa kami kakonti.

3. Tramway- di na ako pumasok since alam ko na ang itsura ng mga room nila.

4. Coffee.com-ito yung coffee shop sa mismong traders hotel. Hindi ko na rin ito pinasok kasi parang odd yung shape ng coffee shop. Parang maliit siya para sa isang party. At hindi ko siguro mabubusog ang mga bisita doon.

From traders, dumiretso ako ng orchid garden. Sabi ng waiter sa kanilang resto pagkaraang Hainan ako ng isang baso ng napakalamig na tubig (aaaahhhh! Sarap!), nakaalis na raw ang sales nila. Binigyan na lang niya ako ng brochure (wala nga lang rates) at humingi raw ako ng calling card sa receptionist. Umalis ako pagkatapos kong masimot ang baso. By this time, pagod na ako at talagang nawawalan na ako ng pag-asang makahanap ng venue sa area na yon.
Gusto ko sana sa roxas blvd pa rin kasi marami ang magmumula sa cavite. Madaming friends doon si poy.

Naglakad ako papuntang harison, nadaanan ko ang teresita’s, ito yung resto na nirekomenda ni Claire. Ok naman siya at malinis. Haluhalo at palabok ang ilan sa ino-offer nila. Kaso di ko type parang sobrang simple ng restawran. Naglakad pa ako at pagdating sa may harison plaza, chineck ko ang mga resto sa gilid nito. para namang hindi pamparty ang mga set up. So lumabas agad ako at nagsimulang maglakad papunta sa la salle. Pero naalala ko yung manila yacht club, sa may roxas boulevard yun. So naglakad ako pabalik, mamya kako, sakay na lang ako ng dyip pa-taft.

Pagdating ko sa MYC, pinag-log book pa ako at itinawag pa sa loob ang pag-i-inquire ko. dehins pala puwede yung bastang walk in. pagpasok ko, yung main resto nila ay open air. Naka extend sa may dagat. Tapos lahat ng furniture, kahoy. Sa kanan ay ang bar. Don din ang station yata ng mga food server.
Sa tabi ng main resto, isa pang mas maliit na kainan, napapaligiran ng mga salamin. Me aircon.

Sa kaliwa naman ay mga lumang gamit na pandagat nakatundos sa sahig. At isang walkway. Walang customer except dalawang lalaking medyo may edad. (bakit
parang andaming bromance nang gabing ito?)

Sinalubong ako ni mr. tony astupina, siya ang resto superviser. medyo maliit siya, (matangkad pa ako), singit at medyo walang kilay. Nakabarong. Mam, ano po yon? Tanong niya.

Naghahanap po ako ng venue para sa isang party. Nakita ko po sa internet, puwede raw po dito sa inyo. Kasal. Pero maliit na party lang po ang sa amin.
Itinuro niya ang tapat ng walkway na gawa rin sa kahoy, parang boardwalk, ganun.

Iyan po, dalawang rooms, 8k consumable.

Aba, ang mura ! sa isip-isip ko. mura kumpara sa ibang nakita ko at na-check sa internet.

Puwede ko po makita, request ko ke sir tony.

Function rooms pala ang katapat nun. Salamin ang pinakadingding. Pumasok kami sa rooms: amihan at habagat rooms. Kasya siguro ang mga 40 katao at maluwag pa. kahoy ang sahig (mapagpansin ako sa kahoy ano? Paborito kong element pala ito), katapat ng sliding salamin ay dalawang malaking painting ng mga yamang dagat. Napapagitnaan ito ng maliliit na aircon. Sa kaliwa, nakakuwadrong photos ng mga yate. May isang table sa tabi. Sa pinakadulo sa kanan, folding na divider na kahoy. Bahagya itong nakabukas, nasa loob ang mga nagkapatong-patong na mesa at upuan.

Tiningnan ko ang kanilang menu. Aba hindi naman kamahalan. Pina-book ko na agad ang place. June 2, 3-7pm. Bakit? Ito kasi ang pinakamura! Sa manila yacht club! Imagine? (namimilog ang mata.)

8k consumable, 4 hours use of amihan and habagat rooms, free. Puwedeng magdala ng radyo, component o laptop para sa tugtog, free.

Saan ka pa?

Pero since hindi ako member doon, kelangan daw munang ipaalam ni sir tony sa manager nila ang party namin. Balik daw ako sa huwebes.

Yayks. Hindi puwede. Sunday na ang party. Kung tanggihan nila ako, saan pa ako makakahanap ng venue sa huwebes?

Sinabi koi to kay Sir Tony.

Sorry, kailangan kasi talaga me go signal ng manager.

Hindi ako nagsalita. Hindi rin ako umalis. Tumingin lang ako sa tubig na inihain sa akin (mukha na talaga akong uhaw at tigang, hinahainan akong lagi ng tubig!)

Balik ka na lang sa huwebes.

Sabi ko, sir, hindi po ba talaga puwede ang walk in?

Hindi talaga.

Sir, sa linggo na po kasi. Saka po willing po akong magbayad today. (wala akong pera pero me dala akong credit card, pag kumagat siya, yun na! malalaman niyang yabang-yabangan lang ako, purdoydoy naman pala)

Tumingin siya sa akin nang mas matagal. Siguro kinausap siya ng patak-patak na pawis ko sa noo at nakastanding ovation kong mga tutsang.

Sige na nga, tawagan ko na ang manager namin.

Tinawagan niya ito sa harap ko.

Anong sagot ng manger? Aprub!

Yey! Tuloy-tuloy na ang pag-book ko! wa na akong paki kung maa-appreciate ba ang lugar, kung malayo ba sa parents ni poy, kung me organic unity ba si poy at ang venue. Ang mura! Yun lang ang dahilan. Ang mura! So nag-text agad ako sa family at friends ni poy, para makita ni sir tony na walang bawian hahaha! ibinigay niya uli sa akin ang menu, ilista ko na raw ang mga gusto kong orderin. Humingi rin ako ng calcu at wala akong balak na sumobra sa 8k. 8k impunto!

That time, text na nang text si poy. asan na raw ako, gabi na. sabi ko, nagkita kami ni grace bengco (sori grace!) sa up at nagpasama ito sa sm north. Bumibili ako ng regalo kako. Wait lang. tapos tinawagan ko si ej, nasa mei cheng si ej sabi ko, kung puwede ba naming palabasin na manonood kami ng sine para pwede akong umuwi nang late. Oo raw. Pinapunta ko si ej sa MYC. Habang hinihintay ko siya, sinulat ko na ang menu namin para sa linggo.

Si ej tumawag, nagkamali siya ng sakay ng lrt. Tapos si poy text na nang text. Binigyan ko ng instructions ang bata. Nagreply naman ako ke poy. sabi ko, nagtext si ej nagyayaya magsine. Magkita raw kami sa gateway. Dun na ako didiretso from sm north ha? Mga 9pm na ito. so habang nasa biyahe si ej pa vito cruz, nagre-request naman ako kay sir tony ng:

1. Blue table cover
2. Tables and chairs good for 20 pax. Sabi ni sir tony, gawin na raw niyang 24 pax.
3. Ipasok ang mga lamp na nasa main resto (kung puwede lang naman) at gawing centrepiece.
4. Extra table para sa cake at candy buffet
5. Pagsama-samahin na ang food sa isang mahabang table at gawing parang buffet table ito. bahala na ang mga guests na kumuha ng food nila.

Kinuha ni Sir Tony ang list ko at nag-thank you na ako. Though ang nasa likod ng utak ko, pano kung me isang member na biglang magpa-party sa linggo? Di etsa puwera na ang reservation ko? ano assurance ko na reserved talaga yun para sa ‘min?

Pano kaya ‘to?

Eniwey, basta nag-thank you lang muna ako kay sir tony.

Kinausap ko rin ang guard patungkol sa parking dahil may sasakyan ang parents ni poy. malupit daw ang Sunday, sabi ng kuyang guard, hataw ang sasakyan sa parking lot pero maglalaan naman daw siya ng hanggang dalawang sasakyan para sa amin. Si kuya, pinakaba pa ako. Ngani-ngani kong apakan ang makintab niyang sapatos!

9:30 na wala pa si ej. 10pm ang sara ng MYC.

Nagbasa ako ng bulletin board.

Open pala ang amihan at habagat rooms, 4k each consumable. Pero for members only. Isa talagang hulog ng diyos itong si sir tony! At ang kanyang manager!
Me ibinebentang speedboat, isang 600k, isang 900k. e gabi na, feeling ko tulog na ang nagbebenta, bukas na lang ako mag-i-inquire. Chos!

Me dress code sa MYC, bawal sando, bawal rubber slippers. Aba oo nga naman. Kahit na papunta ka sa nakapark mong yate, umayos ka, dahil dadaan ka sa isang napakaganda at marangal na restawran!

Kabi-kabila ang contest ng pabilisan para sa mga yate.

9:45 na wala pa si ej! tinawagan ko siya at nakow, lumampas pala. Nasa CCP siya. ke oror! Madilim dun. Baka kung mapano yon. So na-hysterical ako. Sabi niya,wait lang, wait lang, tumatakbo na ako pabalik ng roxas!

Para makalma, nagbasa ako ng mga magasin tungkol sa yate, pangingisda at dagat, sa may reception area, sa area ni kuyang guard. Pero hndi ako nakalma kahit kasingblue ng mata ni superman ang mga dagat sa picture, ampapangit kasi ng cover, aysus. Sino ba lay out artist ng mga to? Tinetext pa ‘ko ni poy. kairita. sabi ko wala pa sa gateway si ej, anuba?

Wah kawawang birthday celebrant!

Saktong 10:00 p.m. dumating si ej. pumasok agad kami after mag-log in ni ej. tapos ipinakita ko sa kanya ang party venue. In-explain ko ang set up. Sabi ko, kayo ni iding ang mauuna kung sakali. kaya kayo na ang mag-ayos nito, ha? Dito ang cake, dagdagan nyo ng dekorasyon ang mga mesa, dito nyo isasabit ang banderitas, at iba pa at iba pa and more.

Pagkalabas namin ng MYC, malumanay na akong kausap.

Pano yan, ang alam ni poy, manonood tayo.

Kuwentuhan mo na lang ako ng napanood mong sine, Ma. Ako na bahala magkuwento kay Poy.

Gatsby? Naku pag nagkuwentuhan kayo nun, mabubuko ka. Saka nagda-doubt na yun kasi napaka-unusual ng lakad natin na to.

Isip kami nang isip. Di pa kami makaalis sa may labasan ng MYC.

Alam ko na, manonood tayo.

San? Me bukas pang sine? 10:30 na?

Oo, sa Newport. Sa may Paranaque.

Naglakad kami hanggang sa harison. At sumakay ng dyip pa-baclaran. Doon kami nagtahi ng banig-banig pang mga kasinungalingan.
Sabihin na lang natin, di natin naabutan ang sine sa gateway.

Oo, tama. Pero pinilit mo pa rin ako manood ng sine kaya dinala kita sa Newport.

Oo, tama.

Biglang nagtext si poy. sine na kayo?

Di ako nagreply. Siyempre, by this time, dapat nanonood na kami, di ba? Isang venial sin pa naman ang mag-text sa loob ng sinehan. Bukod sa maingay ang keypad, iritasyon sa mata ang ilaw ng cellphone screen. Matuto kang maghintay, bertdey boy.

(to be continued...)





Wednesday, June 12, 2013

Tulaan sa Facebook 2013

Ngayong taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, ibinabalik ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang proyektong “Tulaan sa Facebook”.

Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Sa paligsahang ito, itatampok ng mga lahok sa patimpalak ang anyong diyona—isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod.

Bukas ang patimpalak mula Hunyo 15, 2013 hanggang Nob. 15, 2013 sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Bago maglahok ng tula, kailangang i-”Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo” at puntahan ang Facebook Group: “Tulaan sa Facebook 2013″.

Narito ang tuntunin:

1. Bukas ang timpalak mula Hunyo 15, 2013 hanggang Nob. 15, 2013 sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Hindi maaaring lumahok ang mga tagapangasiwa ng proyektong “Tulaan sa Facebook,” lahat ng kasapi (full at probationary) at buong pamunuan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at mga dati nang nagwagi sa timpalak na “Tulaan sa Facebook.”

2. Kailangang orihinal, nasa wikang Filipino, at nasa anyong diyona ang mga lahok. Ang mga tulang ilalahok ay dapat pumapaksa sa buhay at kabayanihan ni Andres Bonifacio.

3. Bago magpadala ng tula, kailangang i-”Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo”. (https://www.facebook.com/PalihangLIRA)

4. Puntahan din ang Facebook Group na “Tulaan sa Facebook 2013” at maging miyembro nito. Ipaskil sa Facebook Group ang lahok. (https://www.facebook.com/groups/tulaan/)

5. Ipapaskil ang limang pinakamahuhusay na tula para sa isang buwan sa Facebook Page ng LIRA tuwing ika-15 ng susunod na buwan. (Ang mga lahok para sa huling dalawang linggo ng Hunyo ay isasama sa pagpipilian para sa buwan ng Hulyo.)

6. Ang mga tulang maipapaskil sa Facebook Page ang pagpipilian ng mga hurado sa huling bahagi ng timpalak. Pipili ang mga hurado ng tatlong magwawagi. Abangan sa mga susunod na buwan ang anunsiyo ng mga premyong makakamit.

7. Mananatiling pag-aari ng may-akda ang mga tulang magwawagi, subalit may karapatan ang LIRA na ilathala ang mga ito.

8. Ipaaalam sa mananalo ang resulta ng timpalak bago ihayag ang mga magwawagi sa publiko. Ang resulta ng timpalak ay iaanunsiyo sa Araw ni Bonifacio, Nobyembre 30, 2013.

Para sa iba pang katanungan, magpadala ng e-mail sa tulaansafb@gmail.com. Ang tagapangasiwa ng proyektong ito ay si Christa I. De La Cruz, kasalukuyang Ugnayang Pangmadla ng LIRA. Katuwang sa proyekto sina Noel
Clemente at Conrad Nuyles.

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang pangulo ng LIRA.

Monday, June 10, 2013

Promo with Crazy Dreamy Crafts

Gusto mong manalo ng aklat na It's A Mens World at ng isang pagka-cute-cute na book pouch?

Mag-like ka lang dito:

https://www.facebook.com/crazydreamycrafts?fref=ts

Pag naka-600 likes na ang FB page ng Crazy Dreamy Crafts (CDC), magpapa-raffle sa lahat ng nag-like ang CDC. Ang mabubunot na pangalan ay mananalo ng bagong kopya ng It's A Mens World at ng isang book pouch.

ito ang unang beses na nakipag-tie up ako para sa isang promo! kaya sana sumali kayo, ha? at mag-like! mag-like nang mag-like.

si giselle nga pala ang may-ari ng CDC. siya ay isang estudyante na mahilig magtahi, taga-uste siya. sa sobrang hilig niya sa pagtatahi, nakakagawa siya ng mga produkto na pambenta ang quantity (at quality). ilan sa mga produkto niya ay book pouch, kakaibang book mark, stuff toy, plushies, ipit sa buhok, key chain at iba pa.

nagkakilala kami sa isang literary festival tapos lagi na kaming nagkikita sa mga pampanitikang event. writer din kasi si giselle. in fact nanalo siya sa gawad ustetika noong pebrero 2013. nandito ang detalye:

http://omaygash.blogspot.com/p/emily.html

ayan. yung mga ganyan ka-talented na bata, di ba dapat lang na sinusuportahan?

kaya sana mag-like na kayo ng kanyang page, ha?

sa kasal nga pala namin, isa siya sa mga magbebenta sa aming book fair. yung mga accessory para sa aklat ang ibebenta niya. Excited na kaming pareho.

sali ka na sa aming papromo!







Thursday, June 6, 2013

Mula sa mambabasang si Fatima Muega

Hello po! Ako po si Fatima. 15 years old. Sorry po, feeling close ako pero idol ko pa talaga kayo.

Gusto ko rin pong maging writer katulad niyo! Gusto ko nga po kayong makita at makapagpa-picture sa inyo! Ang galing nga po e, dati iniisip ko lang paano kaya kung may Bob Ong Girl version of the Philippines? Tapos ang pangalan niya Beb Ang? Seryoso po, natanong ko talaga sa sarili ko ‘yun. Hahaha. Tapos ayun, bigla na lang dumating ‘yung araw na may dalang libro ‘yung ate ko. Bale, last year po iyon, 2012. Sabi niya binili niya raw ‘yun kasi nakakatawa ‘yung naksulat sa likod. At ayun, pinabasa niya na rin sa akin. Binasa ko na rin. Natuwa po ako, nalungkot, namangha, naloka at kung anu-ano pa! Tapos nakita ko pa po ‘yung pangalan niyo, sabi ko sa ate ko“Ate! Ang galing, tingnan mo Bebang ‘yung pangalan! Kapartner ni Bob Ong!”
Noong hindi ko pa po nababasa libro niyo, si Bob Ong lang talaga ang idol ko na writer. Hindi ko type yung mga author ng ibang bansa. Buti na lang po nakilala ko kayo.

Noong 2012 rin po, ang daming dumating na pagsubok sa buhay namin. Ang dami talagang dumating na problema sa bahay namin noong isang taon. Sa school rin minsan, kasi hindi naman ako kagalingan sa academics, ayun nahihirapan ako. Terror pa ‘yung adviser namin, kaya lagi akong kinakabahan sa kanya, umagang-umaga. Minsan nga e, napapaiyak niya pa ako. Tapos isang beses, nagpa-diary siya sa section namin. Ewan ko ba kung anong purpose ng pagsusulat ng diary noon pero lumilipas ang mga araw at buwan, napagtanto ko na minsan, si papel at ballpen lang talaga ang makakaunawa sa iyo. At minsan rin sa hindi sinasadyang pagkakataon, nagkakaroon ng kabuluhan ang mga naisusulat ko na hindi lang para sa aking sarili kundi pati na rin sa ibang tao na nakakabasa nito.

Tapos ngayon pong Mayo, dahil siguro sa sobrang problema na nangyari sa buhay namin, sa loob ng kwarto, umiiyak kaming dalawa ng ate ko. Ang lungkot po talaga ng mga nagyayari at kaming dalawa lang ang nagdadamayan. Tapos sabi baga ng Ate ko, “Bones, magaling ka namang magsulat, (sabay patak ng luha) someday isulat mo buhay natin (hagulgol).Tingnan mo si Bebang Siy! (pahid ng sipon) Siya ang gawin nating role model!” (at sabay kami ng ate ko na humagulgol sa pag-iyak).

Hi Ms. Beverly! Ayun po, role model po namin kayo ni ate! Idol na idol ko po kayo. Isa po ako sa mga fans niyo. Sorry po kung napahaba ‘yung sulat ko. At hindi ko na rin po minention lahat-lahat, baka po abutin po tayo ng siyam-siyam! Haha! Ayun po, keep up the good work! Ang galing niyo po! Promise! Favorite ko po ‘yung “Bayad-Utang”, “Milk Shakes and Daddies” at “Asintada.” Excited na rin po ako sa next book niyo. At sana po someday ay magkakilala po tayo ng personal. God bless po at congratulations na rin po!



Ni-repost ito nang may pahintulot ni Bb. Muega.
Maraming salamat, Fatima. Regards kay Ate mo!

Wednesday, June 5, 2013

I Love PInoy, Dagdag Dunong Project at Kuya Arpee sa Brgy. Batasan, QC

Noong Hunyo 2, 2013, umaga, naghatid ng 50 set ng Balik-aral kit ang I Love Pinoy at Dagdag Dunong Project sa Taniman at Area C ng Barangay Batasan, Quezon City.

Ang 50 sets ng Balik-aral Kit ay mula sa I Love Pinoy sa pangunguna ni Bb. Tin Ocenar. Nagbigay siya ng P2000 para sa sumusunod na supplies:

50 plastic envelope
100 composition notebook
100 pencil
50 eraser
50 sharpener
50 crayola set
50 ruler

Ilang araw bago ang pamamahagi ng Balik-aral kit, ang Dagdag Dunong Project (DDP) ay namili ng materyales sa Divisoria, Maynila. Kasama si Joshua Dominic Siy para sa pagbubuhat ng mga ito. Nagdagdag ng humigit-kumulang P500 para sa pamasahe at dagdag na supplies ang DDP. Pagdating sa headquarters ng DDP sa Kamias, QC, ni-repack na ang mga gamit para maging mas madali ang pamamahagi nito sa mga bata.

Noon ngang Hunyo 2, sa tulong naman ni Ronald Verzo na siyang nagbayad ng transportasyon papunta sa Brgy. Batasan, QC, naihatid na sa 50 bata ang mga Balik-aral kit. Sa pakikipag-ugnayan ni Arpee Zapata, youth leader ng nasabing barangay, nakinabang ang 38 bata na may edad na 6-7 taon mula sa Taniman at 12 bata naman na may kaparehong edad mula sa Area C.

Sa munting chapel ng Taniman ay nagkaroon pa ng storytelling activity pagkatapos ang pagbabahagi ng mga Balik-aral kit.

Ang pamamahagi ng Balik-aral Kit sa mga bata sa Brgy. Batasan, QC ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng I Love Pinoy at Arpee Zapata.

Sa ngalan ng mga batang tumanggap ng mga kit, isang taos-pusong pasasalamat po sa inyo. Nawa'y di kayo magsawa sa pagsuporta sa ating mga bulilit.



(Ipo-post po ang mga larawan sa lalong madaling panahon.)


Ang back story nito ay ilang araw bago ang opisyal na pagbubukas ng mga paaralan, nag-text si Arpee sa akin, sabi niya, may donor daw sila na hindi nakapagbigay ng sapat na supplies para sa 250 na bata. ang naibigay daw nito ay sapat lang sa 150 na bata. hindi raw makapag-umpisa ng pamamahagi sina Arpee dahil natatakot sila na baka awayin sila ng mga magulang na umaasang mabibigyan ng kit ang kanilang mga anak. Namigay daw kasi sila ng 250 na stub ng libreng school supplies para sa mga batang papasok pa lang sa pre-school.

Ifinorward ko ang text na ito sa mga kaibigan kong me pusong volunteer. Unang nag-reply si Tin Ocenar. at tinanong niya sa akin ang mga detalye. Okay lang daw bang ipost ko sa FB page niya. Sabi ko, ay, walang problema. Mula roon ay nakalikom nga siya ng cash (at nagbigay din siya ng cash mula sa sarili niyang bulsa!) para matuloy ang pagbiyaya ng 50 balik-aral kits sa batasan kiddos.

naisip ko, minsan, kahit na wala kang masyadong pinansiyal na kakayahan na tumulong sa iba, basta't ipaalam mo ang mga pangangailangan mo, meron at merong tutulong sa iyo. o di ba?

Hindi man naging sapat ang aming tulong, umaasa kami na mas kumonti ang malulungkot na bata at magulang sa pagbubukas ng mga eskuwelahan.

Thank you, Tin! Thank you, Arpee! Thank you rin kay Kuya Poy Verzo na hindi lang naghatid ng goodies sa mga bata kundi tumulong din sa aktuwal na pagsasalansan ng mga balik aral kit sa bawat venue at sa pag-aabot nito isa-isa sa mga bata.

Hanggang sa uulitin po, ate at mga kuya!