Monday, April 29, 2013

aprubado!




noong april 25, nagpunta kami ni poy sa ramon magsaysay center para makipag-meeting sa communications director nilang si sir manuel hizon. ang meeting ay tungkol sa proposal na isinumite namin noong feb pa. gusto sana naming gawing ebook ang ilan sa mga materyales nila at i-promote ito. ang kapalit ay ang libreng paggamit ng venue nilang ramon magsaysay hall. worth 20k ang rental ng venue kaya nang kumpirmahin sa amin ni sir hizon na aprubado ang proposal, lumiliyad-liyad na ako sa tuwa. liyad dahil hindi naman ako makatalon on the spot.

at imadyinin nyo na lang ang extent ng liyad ko nang sabihin ni sir hizon na bubuksan pa nila ang fountain nila sa araw ng kasal namin. may additional na bayad kasi ang pagbukas ng fountain. another 5k ito. wow! so ibig sabihin, 25k ang natipid namin.

im so excited na!

puwede pala talaga ang x deal! i suggest, sa mga brides na tulad ko, ganito rin ang gawin nyo. isip kayo ng expertise ninyo at tingnan nyo kung aling supplier ang posibleng magkaroon ng interes na kunin ang inyong expertise bilang kapalit ng services nila.

sa kaso namin, ang in-offer namin ay editing, additional translation services, proofreading, lay out, conversion into ebook, acquisition of isbn, book design at iba pang may kinalaman sa publishing. ito ang unang-unang ebook ng ramon magsaysay awards foundation kung sakali. gusto nilang i-test ang ebooks kasi raw talagang mataas na ang printing cost ng hard copy ng mga aklat. matagal na raw nilang kino consider ang pag-convert ng mga material nila into ebook. hindi namin alam ito nang mag-propose kami kaya ang suwerte-suwerte namin kasi good timing pala ang proposed project namin!

blessing!

anyway sa june ang ipinangako naming pag-uumpisa sa proyekto para tuloy-tuloy ang pag-aaral ko ngayong summer.

at least wala na kaming problema sa venue. at parang katas talaga ito ng aming joint effort hehehe.

mga isang buwan naming tatrabahuhin ang ebook ng rmaf, madali na ito para sa amin dahil matagal na rin naman namin itong ginagawa. ang tingin kong challenging dito ay yung pagpo-promote kasi nangako kami ng 3 article sa mga diyaryo. kamusta naman di ba? haahaha ang yabang parang me koneksiyon ako sa mga diyaryo!

di bale, we'll just cross the bridge when we get there.

ang next na aasikasuhin namin ay ang catering. sabi ng mga nababasa kong article tungkol sa weddings, more than half daw ng budget ang napupunta sa pagkain. good luck na lang sa mga pitaka at alkansiya ng tambalang beb at poy hahahahaa

happy summer, my dear friends!





Saturday, April 27, 2013

Ang Pag-iral ng LIRA:

Isang Pagsipat sa Organisasyon ng mga Makatang Filipino sa Panahon ng Globalisasyon
ni Beverly W. Siy

Ang pananaliksik na ito ay isang panimulang rebyu sa LIRA, ang pinakamatandang organisasyon ng mga makata sa Pilipinas. Kasama sa nirepaso ng mananaliksik ay ang nakaraan ng LIRA, palihan, mga proyekto at ang mga aklat na inilabas nito bilang isang organisasyon.

Ito ang napili kong paksa dahil ngayong 2013, ipinagdiriwang ko ang ikasampung anibersaryo ng aking pagiging kasapi sa LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, isang organisasyon ng mga makatang nagsusulat sa wikang Filipino.

Noong 2003, makaraang dumaan sa pampanulaang palihan ng LIRA, ako ay tinanggap ng organisasyon bilang probationary member. Ginawa akong ganap na kasapi pagkatapos ng isang taon (nagsalingkit ako sa ikalawa kong round ng palihan ng LIRA!). Nahalal din akong P.R. Officer at pagkaraan ng ilang taon, ako ay nahalal na pangulo ng organisasyon (2007-2009).

Sa kasalukuyan, ang LIRA ay pinamumunuan ni Phillip Yerro Kimpo, Jr., isang manunulat na nagtapos ng BS Computer Science sa UP Diliman. Walang anumang senyales na hihinto sa pag-iral ang LIRA. Taon-taon pa rin ang palihan nito sa panulaang Filipino at patuloy itong lumalago ngayong panahon ng globalisasyon.

Ang Panahon

Ang LIRA ay anak ng panahong ito.

Ayon kay Shalmali Guttal, isang Senior Associate ng Focus on the Global South , ang globalisasyon ay isang terminong ginagamit upang ilarawan ang sari-saring pagbabago na nagbigay-hugis sa daigdig ngayon. Saklaw nito ang pang-ekonomiya, pangkultura, panlipunan at pampolitikang buhay ng mga tao nitong huling 50 taon.

Tuluyan nang natunaw ang Cold War at nagkabitak-bitak din ang Unyong Sobyet, at ayon kay Guttal, napabilis tuloy ang pagtanggap ng mga bansa sa kapitalismo bilang tanging economic order na makakalikha ng yaman. Sa South Africa, nalusaw ang tila higanteng iceberg na apartheid o racial segregation. Sa Asya naman ay pinakamatunog ang cultural revolution na pinamunuan ni Mao Zedong na siyang dumurog sa tendensiya ng Tsina na yumakap sa kapitalismo. Ngunit nang pumanaw siya noong 1976, pinasok na ng pagbabago ang higanteng bansa. Matatag ang paniniwala ng mga kabataang Tsino na dapat nang magkaroon ng pagbabago sa kanilang sistemang pampulitika ng Tsina. Di nagtagal, ibinukas na ang buong bansa sa impluwensiya ng banyaga.

Sa larangan ng agham at teknolohiya, minu-minuto kung isilang sa iba’t ibang bansa ang mga naiimbentong gamit para sa bahay, para sa dambuhalang mga industriya, para sa paggalugad ng mga sulok ng planeta at ng kalawakan at iba pa. Ubod ng bilis ang paglinang sa mga sistema ng transportasyon at komunikasyon. Mas malayo at mas marami na ang nararating ng tao. Lalong mas marami ang natutuklasan. Tuloy-tuloy din ang development ng mga computer mula nang ito ay maimbento noong dekada sisenta at ginagamit na rin ito sa pagpapalitan ng mensahe’t impormasyon
kaya’t mabilis nang nakakaikot ang impormasyon sa buong mundo.

Dahil dito, nagkaroon ng bagong kalakaran sa buhay at kultura. Sang-ayon sa obserbasyon ni Delfin Tolentino na nasa kanyang sanaysay na Ang Literaturang Pandaigdig sa Panahon ng Globalismo, lumawak ang mundo dahil ang dating hindi napupuntahan ay napupuntahan na ngayon. Bawat lugar namang matuklasan ay isang buong kultura ang kakabit.

Habang nangyayari ito, paliit din nang paliit ang mundo. Paano nangyari iyon?

Ayon pa kay Tolentino, dahil sa lumolobong populasyon, mas dumadami ang umookupa sa espasyo ng mundo. At dahil paliit nang paliit ang bukas na espasyo ng mundo, paliit din nang paliit ang maaaring mailaan sa bawat indibidwal. Ang pagliit ng mundo ay hindi lang naman usapin ng espasyo sapagkat dahil sa advanced na mga sistemang pangtransportasyon at komunikasyon, nabubura ang distansiyang naglalayo sa mga tao. Mas mabilis na tayong nakakarating sa nais nating puntahan. Mas madali nang makipag-usap sa kapwa nating nasa kabilang panig ng planeta. Ani Tolentino, parang magkakapitbahay na lang ang lahat.

Malaki ang epekto nito sa kultura. Naging ubod ng dali at bilis ng pagbubungguang-balikat at pagkikiskisang-siko ng sari-saring mga kultura at ito mismo ay lumilikha ng bagong kultura. Isang bagong kultura ng “global village.” Ayon muli kay Tolentino, may bago ring kulturang nalilikha ang
pagbubungguang-balikat at pagkikiskisang-siko ng kultura noon at ng kultura ngayon.

Kasabay ng napakaraming pagbabagong naganap sa iba pang bahagi ng mundo, narito naman ang mga pangyayari sa Pilipinas. Ilang taon pa pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging pangulo si Ferdinand E. Marcos nang mahigit dalawag dekada. Sa kalagitnaan ng kanyang pamumuno, pinatupad niya ang batas militar. Mapanganib ang sumalungat sa kanya pero hindi nagpapigil ang mga aktibista para ihantad ang mga kalokohan ng pamahalaan.

Hindi rin napigil ng batas militar ang mga manlilikha ng bayan lalong-lalo na ang mga manunulat na isulat ang mga nangyayari. Isinalpak sa kanila ang di mabilang na bawal ngunit nagawan nila ng paraan na magamit at mailabas pa rin ang kanilang sining para kalabanin ang diktaduryang nananaig. Mula sa First Quarter Storm hanggang sa buntot ng batas militar, kaliwa’t kanan ang akdang bumabatikos sa gobyerno at naglalarawan ng tunay na lagay ng Pilipinas. Dumagsa ang tulang “pula.”

Nang mapatay si Senador Benigno Aquino, Sr. noong bumalik siya mula sa US (kung saan siya naglagi para sa self-exile), lalong tumindi ang pagsalungat ng mga mamamayan kay Marcos. Hindi lang mga aktibista ang nanggigil na mapatalsik ang pangulo. Sumama na pati ang mga negosyante, karaniwang empleyado, estudyante, tagasimbahan, lahat na!

Lalong “pumula” ang mga akda ng manunulat nang panahong iyon. Isa sa mga grupo ng manunulat na aktibo noon ay ang GAT o Galian sa Arte at Tula, isang organisasyon ng mga manunulat na itinatag naman ni Rio Alma noong 1973. Ayon kay Rio, naging makiling ang GAT sa pagtulang makalipunan at nakikisangkot sa pinakamaiinit na paksang pampolitika na siya namang pangunahing hamon ng panahon.

Ngunit ayon kay Mike Bigornia sa introduksiyon niya sa Unang Bagting, ang unang antolohiya ng LIRA, himutok daw ni Rio Alma na lahat o karamihan sa mga nalalathalang tula ng mga bagong makata ay “may sakit” at wari bang isinisisi ito sa pangyayaring ang “mga dapat asaha’y nagbubuhos ng pawis at isip sa iba’t ibang di-malikhaing gawain.” Sa pag-iisip daw ng paraan nitong si Rio Alma upang higit pang lumusog ang pagtulang Filipino, itinaguyod niya ang Rio Alma Poetry Clinic. Plano niyang gawin itong salaan at nursery ng mga makatang gustong pumasok ng GAT.

Sina Romulo P. Baquiran, Jr., Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Jr., Ariel Dim. Borlongan, Rowena Gidal, Ronaldo Carcamo, Dennis Sto. Domingo, Danilo Gonzales, at Gerardo I. Banzon ang mga kabataang lumahok sa poetry clinic ni Rio Alma o Virgilio S. Almario, ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Ginanap sa tanggapan ng Adarna House, nag-umpisa ang kanilang palihan nang Abril at nagtapos naman nang Disyembre 1985. Pagpatak ng 15 Disyembre nang taon ding iyon, pormal na itinatag ng walong kabataang makata ang LIRA.

Noon, isinilang ang aming organisasyon.

Ang Palihan

Ang unang pangulo ay si Dennis Sto. Domingo at anya, ang pagkakatatag ng LIRA ay tanda ng pagkakaibigan ng mga kasapi, pagtanaw ng utang na loob kay Rio, pagtataguyod sa kanyang Clinic at ang pagpapalaganap ng mga aral at simulaing napulot nila rito.

Gaya ng nabanggit kanina, ang LIRA ay isa lamang sa mga paraan ni Rio Alma para makatulong sa pagpapalusog ng panulaang Filipino. Ngunit higit pa sa lahat ng ito ang ginagampanan at ginagawa ng LIRA ngayong panahon ng globalisasyon.

Ayon sa sanaysay ni Guttal, sa pagbubukas ng kani-kaniyang pinto ng karamihan sa mga bansa sa buong mundo, naging mabilis ang pag-ikot ng mga produkto, serbisyo at kapital. Maganda sana ito kasi nae-expose ang lahat ng tao sa sari-saring produkto at serbisyo na kumakatawan sa kultura ng bawat bansa. Ngunit ang tunay na nangyayari, gamit ang napakarami nilang produkto, binabaha lamang ng mga bansang malaki ang kapital at well-developed na ang mga sistema ng produksiyon ang mga bansang walang masyadong kapital at hindi pa makaagapay sa mga hi tech na sistema ng produksiyon ng iba. Ito ang mga bansang less developed. Tulad ng Pilipinas. Mas nagmumukhang kawawa ang mga bansang tulad natin dahil madalas, nagiging tambakan lang tayo ng mga produkto ng mga bansang may kapital.

Nagiging consumer lang tayo ng kanilang mga produkto.

Kunwari, sa isang shelf ng mga sabon ay may sampung sabon. Siyam doon ang produkto ng isang bansang may kapital at isa roon ang produkto natin. Halos magkakapareho ang kalidad at presyo ng mga sabon na ito. Alin sa tingin mo ang mas mabibili?

Isa sa mga epekto ng globalisasyon ay homogenization. Sa usapin ng mga produkto, homogenization ng panlasa ng consumer. Dahil maging ang mga consumer sa mga bansang less developed ay unti-unti nang nabe-brainwash na mas maganda talaga at angkop sa kanila ang mga produktong banyagang dumarating sa kanilang bansa. Sa tulong ng well-developed na mga sistema ng produksiyon, napakabilis mayari at mai-distribute ang mga produkto nila. Bago pa makapagnilay-nilay ang mga consumer sa malawakang epekto ng pagtangkilik sa produkto ng banyaga, may bago na namang produktong inihahain ang mga bansang may kapital.

Isa lamang ito sa mga prosesong kaakibat ng globalisasyon. Pinag-aralan ni Ulrike Schuerkens, isang mananaliksik at tagapanayam sa Ecole des Hautes Etudes en Sciences Sociales, Paris, France, ang koneksiyon ng iba’t ibang global processes sa sala-salabid na pagdaloy ng mga elementong pangkultura na tumatawid sa mga hanggahan. At ayon sa kanya, hindi naman tanggap lang nang tanggap ang ginagawa ng isang kultura pag may pumasok dito na isang bagong kultura. Ani Shuerkens, “Often, groups play an active and creative role in the transformation of their own culture while handling inflowing cultural elements.”

Palagay ko, sa bagay na ito ay tagumpay ang LIRA.

Dahil pagdating sa tula, ayon kay Rio Alma sa kanyang introduksiyon sa Parikala, ang ikalawang antolohiya ng LIRA, hindi makakasama ang timplang may malakas na porsiyento ng katutubong kulay. Ibig niyang sabihin dito, bukas dapat ang isip ng makata sa iba’t ibang kultura o impluwensiya kapag siya ay nagsusulat ng tula ngunit makabubuti pa rin na ina-assert ng makata ang sarili niyang “kulay” o kultura sa kanyang pag-akda at hindi basta-bastang amount ng “kulay” o kultura kundi “malakas na porsiyento” ng sariling kulay o kultura.

Sang-ayon kay Tolentino, isa sa mga ibinunga ng globalisasyon ay ang pagkakaroon ng dilemma ng tao dahil sa naghihilahang puwersa ng tradisyon at katutubo at ng banyagang kultura at makabagong
pamumuhay.

tradisyon <------kontemporanyong tao---------> banyagang kultura
at katutubo at makabagong pamumuhay

Sa LIRA, tinutulungan ang makata na iangkop at gamitin ang dalawang magkabilang panig na ito para lalong pagyamanin ang tula. Ayon sa website ng LIRA: Bukas na bukas ang usapin ng klinika/palihan sa maraming isyu at ismong dumarating sa panulaan ng kasalukuyan, at tinatalakay at tinataya ang mga ito bilang susog sa tradisyong Filipinong patuloy na itinuturo ng klinika bilang nararapat at pangangailangang pintungan ng patuloy na paglikha at inobasyon.

Aber? Silipin nga natin ang mga detalye ng Palihang Pampanulaan ng LIRA.

Simula 1985, taon-taon nang nagdaraos ng palihan ang LIRA. Nagsisimula ito tuwing Hunyo at magtatapos ng Disyembre. Bukod sa mga senior member ng LIRA, mga premyadong makata at manunulat sa Pilipinas tulad nina Fidel Rillo, Marne L. Kilates, Teo T. Antonio, Rogelio G. Mangahas, Lamberto E. Antonio, Gemino Abad, Ed Alegre, Benilda Santos, Isagani Cruz, Cirilo Bautista, Elynia Mabanglo, Alfred Yuson, Allan Popa, Rolando B. Tolentino, Conchitina Cruz, Marc Gaba, Paolo Manalo, Soledad Reyes, Joi Barrios, Ma. Crisanta Nelmida-Flores, Santiago Villafania, Danilo Francisco M. Reyes, Romulo Sandoval (SLN) Ophelia Dimalanta (SLN) Silvino V. Epistola (SLN), Rene O. Villanueva (SLN), Alfrredo Navarro Salanga (SLN), Michael L. Bigornia (SLN), at ang mga Pambansang Alagad ng Sining na sina Rolando Tinio (SLN) at Bienvenido Lumbera ang nagbibigay ng panayam at/o umuupo bilang mga panelist sa palihan. Tuwing Sabado ang palihan at tuwing Linggo naman ang panayam, mula 8:00-5:00 ng hapon.

Ayon pa rin sa website, ang Taunang Palihang Pampanulaan ay dinisenyo bilang pagsasanay-panulat na nakasandig sa kasaysayang pampanulaan ng Filipinas. Binubuo ito ng mga kurso ukol sa tradisyonal na pagtulang Filipino. Ilan sa mga batayang aklat dito ay (iyon nga lang, pulos isinulat ni Rio):

Balagtasismo versus Modernismo (1984)
Taludtod at Talinghaga (1985)
Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas atbp. (1992),

at ang mga idinagdag kamakailan lamang:

Mutyang Dilim: Ang Bagong Pormalismong Filipino sa Pagbasa ng Tula (2001)
at Pag-unawa sa ating Pagtula (2006).

Sa unang araw ng palihan, ang “Reklamasyon ng Pambansang Gunita” ang panudling na panayam ni Rio Alma. Paglingon ito sa mga panahong hindi pa dumarating ang mananakop. Dito pa lang ay makikita na ang isa sa mga tema na napansin din ni Tolentino sa panitikang pandaigdig: ang muling pagtuklas sa identidad ng kanilang lipi.

Gaano nga ba karami ang alam natin dito? O ang alam lang ninyo ay ang ngayon? Itatanong ni Rio sa audience ng panayam. Magbibigay siya ng ilang halimbawa ng katutubong panitikan mulang sinaunang panahon tulad ng matandang tanagang ito:

Katitibay ka, tulos.
Sakaling datnang agos
Ako’y mumunting lumot
Sa iyo’y pupulupot.

Kakaunti ang nakakaalam na mayroon tayong katutubong sistema ng pagtula. Mas sikat pa ang haiku, sonnet at villanelle samantalang inaagiw sa alaala ang mga tanaga, dalit at diona . Gayundin sa paraan ng pagpapahayag. Ang dramatiko, melodramatiko at madaldal na uri ng tulang Filipino lamang ang kilala natin. At pag ang tula ay marunong magtimpi at marunong gumamit ng mga simbolo, ito raw ay dahil sa impluwensiya ng pagtulang banyaga halimbawa yaong sulat ng mga simbolistang Pranses. Hindi ito totoo. Sabi ni Rio hinggil sa tanagang ito: Balintuna kung di man kakatwa na ngayo’y humihiram pa tayo ng himig sa Ingles o Pranses para kalamayin ang ating loob at magpahayag nang may hunusdili. O sadyang gayon katindi ang dinanas nating pagkasungyaw kaya nalimot natin ang sarili, inaaring atin ang di atin at inaaring angkat ang likas at katutubong atin?

Isang patunay ang tanagang ito (na tungkol sa nilalang na maliit ngunit marami, tulad ng lumot, na nagbibigay ng babala sa nilalang na malakas, matatag ngunit iisa lamang, tulad ng tulos) na ang ating ninuno ay napakataas ng antas ng talino sa pagkatha ng tula, may sarili itong sophisticated na sistema at anyo, at mapagtimpi, hindi nanggigil, ang paraan ng pagpapahayag.

Ilan lamang ito sa mga dapat ikarangal ng bawat Filipino.

Mabalik tayo sa palihan. Sa unang bahagi ay masinsing aaralin ng lahat ng kalahok ang sistema ng tugma at sukat ng pagtulang Filipino at sa mga susunod na session ay ang iba pang katutubong sangkap sa katutubong pagtula.

Heto ang nakasaad sa unang bahagi ng silabus na matatagpuan sa website ng LIRA:

Mga Pundasyon ng Pagtula
Tugma at Sukat
Balangkas, Himig, at Tinig
Talinghaga at Tayutay
Kasaysayang ng Pambansang Panulaan

Ngunit hindi lamang ito ang binibigyang-halaga at itinuturo sa fellows (ang tawag sa mga kalahok ng palihan), tinatalakay din ang mga anyong pampanulaan mulang Silangan at Kanluran at Modernismo at Panulaan. Itinuturo din ang Pagtula at mga Kapatid na Sining (Ekphrasis, atbp.) na maaaring gumagamit ng artwork na graphic arts o iba pang bagong anyo ng sining-biswal. Updated din ang palihan dahil sa session na inilalaan para sa Papausbong na Panulaan sa Pilipinas halimbawa ay ang Panulaang Pambata at iba pa. Hinggil naman sa mga usapin na kaakibat ng pagsusulat ng tula, nariyan ang session para sa Politika sa Tula: Kasarian, Uri, Lahi.

Pinagdaraanan ng lahat ng mga lumalahok sa palihan ang nakatala sa silabus. May pagkakataong binabago ito, sang-ayon sa pangangailangan ng mga lumalahok. Ang bawat palihan ay tumatagal ng pitong buwan, mula Hunyo hanggang Disyembre. Lingguhan ang pagkikita mula sa unang tatlo hanggang apat na buwan, tuwing Sabado at Linggo, depende sa pag-unlad na pangkalahatan ng mga kalahok. Matapos noon, magtatalaga na lamang ng mga linggo ng pagkikita at palihan. Inaasahan ding makikibahagi sa iba’t ibang gawain ng LIRA ang mga fellow. May abot-kayang matrikulang hinihingi sa unang araw ng klinika (P1,000 ngayong 2013), na siyang gagamitin sa pagpapakopya ng mga materyal sa mga lektura sa buong termino, at maging para sa munting handog para sa mga nagbibigay-panayam. Lahat ng kasapi ng LIRA na nakikibahagi sa gawain ay pawang boluntaryo at walang tinatanggap na kahit anong kabayaran sa kanilang paglilingkod.

Nakikita ng LIRA ang panganib na kaakibat ng matinding pagbabago at bilis ng pasok ng mga kultura dulot ng globalisasyon. Sa pamamagitan ng palihan, tinutulungan ng LIRA ang kabataang makata na mahanap ang sarili sa gitna ng napakaraming kultura at identidad. Tumutulong din ang LIRA na mapanatili ng kabataang makata ang kanyang paniniwala sa sariling kakayahan at sariling paraan ng pamumuhay.

Ilan sa Mga Proyekto

Maging ang mga proyekto ng LIRA ay sumasagot sa inihahaing suliranin na nabanggit kanina. Naisip ng LIRA na magbigay ng libreng seminar-workshop hinggil sa katutubong tugma at sukat sa mga guro ng pampublikong high school. Dahil nga puro haiku, sonnet at villanelle lang ang alam ng kabataan ngayon. Kaya’t noong 2008, sa pamunuan ni Beverly Siy at sa suporta ng National Commission for Culture and the Arts, ay isinilang ang proyektong Sining ng Tugma at Sukat (STS). Guro ang target audience upang mas malayo ang maabot ng alingawngaw ng mga aralin na matutuhan mula sa STS.

Sa kasalukuyan, higit sa 1,300 guro na mula sa 200 paaralan ng 22 bayan sa Luzon at Visayas ang napaglingkuran ng naturang proyekto.

Hindi lamang ang maturuan ang mga guro ng tugma at sukat ang layunin ng STS. Layunin din nito na mapagsulat ang mga guro ng sarili nilang tula sa Filipino. Ang bawat STS session ay binubuo ng panayam sa umaga at palihan sa hapon. Sa hapon, kinikinis ang mga tradisyonal na tulang isinulat ng mismong mga guro. Ito ay upang makatulong sa pagbibigay ng confidence sa mga guro na magsulat ng sariling tula nang sa gayon ay mailarawan nila ang bagay-bagay o ang daigdig batay sa kanilang world view.

Naniniwala ako na ang pagsasanib ng mga nalalaman at kasalukuyang karanasan ng mga guro (o kahit na sinong makata) at ng katutubong pagtula ay isang paraan ng pagpapakilala sa identidad ng Filipino ngayong panahon ng globalisasyon.

Usapin din ng Wika

Sa dalawampu’t walong taon ng pag-iral ng LIRA, Filipino ang wikang ginagamit ng kasapian sa pagtula. Ang mismong palihan para sa mga akda ay kino-conduct din sa wikang pambansa. Pagdating sa mga panayam, 95% nito ay sa wikang Filipino samantala ang natitirang 5% ay sa wikang Ingles o iba pang wika kung ang inimbitahang tagapanayam ay mas komportable sa wikang iyon.

Lahat ng tula sa apat na koleksiyon (mula Unang Bagting nang 1988 hanggang Lirang Pilak nang 2010) at sa apat na chapbook ng organisasyon (inilimbag ng LIRA at ng Vibal Foundation noong 2010) ay nasusulat sa Filipino. Filipino ang mga tulang binabasa ng kasapian sa mga poetry reading na inoorganisa ng LIRA. Simula nang maitatag ang LIRA, sumasali na ito o di kaya ay nag-oorganisa ng mga poetry reading sa iba’t ibang kampus at ang binabasa ng kasapian ng LIRA ay tula sa wikang Filipino.

Mula pa noong 2008 ay idinadaos na sa Conspiracy Bar and Garden Café, Visayas Avenue, Quezon City ang LIRAhan, isang monthly poetry reading na pinangangasiwaan ng LIRA. Tuwing ikatlong Martes ng bawat buwan, ang LIRAhan ay libre at bukas sa publiko. Kahit pa isang garden café o bar ang venue ng poetry reading, ibig kong sabihin ay labas na sa akademya ang gawaing ito, Filipino pa rin ang mga binabasang tula.

Ang lahat ng patimpalak sa tula na inorganisa ng LIRA ay sa wikang Filipino. Isang halimbawa nito ay ang Tulaan sa Facebook na inumpisahang itaguyod ng organisasyon noong 2010 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng LIRA. Para makasali, magsa-submit ng tula sa Filipino (nasa isang partikular na katutubong anyo ang tulang dapat ilahok) sa isang designated na Facebook page ang sinumang interesado. Sa isang social networking site na Ingles ang medium, isang patimpalak sa pagtulang Filipino ang nagaganap! Maituturing itong resistance sa pananaig ng wikang Ingles sa mismong mundo ng Facebook.

Ang pagpili sa wikang gagamitin sa pagtula ay isang statement na. Ang patuloy na pagsulat (at pagbabasa) sa napiling wika ngayong panahon ng globalisasyon ay isa ring statement.

Lalo na kung maging ang pangulo ng Pilipinas na si Gloria Macapagal Arroyo ay may pagkiling sa wikang Ingles at tumatagos ito sa karaniwang Filipino sa pamamagitan ng direktibang pag-aatas sa Departamento ng Edukasyon na gawing Ingles ang nag-iisang wikang panturo sa mga paaralan ng bansa.
Ayon sa Malakanyang, humihina raw ang Ingles ng mga Filipino kaya mas mababa ang tsansa ng mga ito na makahanap ng trabaho sa labas ng bansa. Sa globalisadong merkado ng trabaho, kailangan daw pag-ibayuhin ang pagpapahusay sa Ingles ng mga trabahador na iluluwas ng bansa.

Ayon sa obserbasyon ni Bienvenido Lumbera, isang kritiko at Pambansang Alagad ng Sining para sa panitikan, noong panahon ni Marcos, ang pagpapadala ng manggagawa sa ibang bansa ay isang pansamantalang solusyon sa kawalang kakayahan ng bansa na makapagbigay ng hanapbuhay sa kanyang mamamayan. Pero ngayon, sa ilalim ni Arroyo, mukhang permanente na ito dahil talagang gumagawa ng paraan ang pamahalaan para ihanda ang mamamayan nito na maging manggagawa sa labas ng bansa.

Sa madaling salita, nakikita ng pamahalaan ang mismong mga OFW bilang batis ng income. Kaya tine-train na sila nang maaga, sa paaralan pa lang, sa wika pa lang.

Sabi pa ni Lumbera, kailangan ng mga bansang may kapital at industriyalisado ang manggagawang tulad ng mga Pinoy dahil mas marunong tayong mag-Ingles kumpara sa manggagawang mula sa hikahos ding mga bansa, masinop tayo sa trabaho at maingat dahil ayaw matanggal sa trabaho. Ang mga bansang may kapital at industriyalisado ang siyang nakikinabang! Ang mga bansang ito ay ang pinagmumulan ng mga multinasyonal na alaga ng IMF-World Bank at Asian Development Bank, na ayon kay Guttal, siyang mga key player at utak sa likod ng globalisasyon, planado nila ang lahat ng ito. At kasabwat ang pamahalaang Arroyo.

Sa puntong ito, ang paggamit at pagpapalaganap ng wikang Filipino tungo sa pagpapatatag nito ay isang offensive at defensive wall sa mga pamahalaang tulad ng kay Arroyo at bilang defensive wall din sa globalisasyon. Sabi nga ni Randy David, “A people’s language, the heart of its culture, is its last defensive wall against global homogenization.” Tumatatag ang “pader” sa piling ng LIRA ngayong panahon ng globalisasyon.

Teknolohiya at Tula

Sabi ni Guttal, sinasamantala at ginagamit ng mga multinational ang tuloy-tuloy na pagsulong ng agham at teknolohiya kaya sinusuportahan nila at pino-promote ang mga development na may kinalaman dito.
Isang halimbawang nakikita ko ay ang pag-invest ng multinationals sa mga tourist destination na sa mga “exotic” na lugar tulad ng mga isla sa Pinas at ang sagarang paggamit nila ng information technology, computer at internet para i-promote at i-market ang mga ito. Ngunit habang ginagawa ng multinationals ang pagpo-promote, hindi naman sila gumagawa ng paraan para protektahan ang tourist destinations. Dadagsa ang mga turista dito at magbabago ang lugar dahil sa kanila at pababayaan lang ito ng multinationals. Pag naabuso na nang husto at mukha nang busangot ang tourist destination sa sobrang pagdagsa ng turista, kukunin na ng multinational corporations ang kanilang investment (na kumita na nang sobra-sobra) at maghahanap uli ng bagong tourist destination at gayon muli ang gagawin nila.
Parang maduming basahan na itatapon na lang ng mga tagapagtaguyod ng globalisasyon ang dating tourist destination.

Ayon kay Guttal, “for every system of domination, there is a hacker.” May mga tao raw na kumikilos laban sa globalisasyon. Naghahanap sila ng alternatibong daan para sa ikabubuti ng lahat at ginagamit nila ang teknolohiya para magawa ito. Ang teknolohiya na ginagamit mismo ng mga tagapagtaguyod ng globalisasyon.

“Hacker” pala ang LIRA.

Sinasagad din ng LIRA ang paggamit sa information technology, computer at internet para i-promote at i-market ang pagtula, ang katutubong pagtula at ang sariling wika at kultura.

Muli ay nariyan ang Tulaan sa Facebook. Ani Louie Jon Sanchez sa panayam sa kanya para sa isang artikulo sa Varsitarian hinggil sa patimpalak, “bagay na bagay ang sa kaiklian ng plataporma ng FB ang ating katutubong anyo.” Kumbaga, sa pamamagitan ng FB, walang kapuhu-puhunan ang LIRA para i-set up ang platapormang ito, ay naipapakilala ng LIRA ang katutubong tulang diona na siyang kahingian sa patimpalak. (Ito ay may pitong pantig lamang kada taludtod at tatlong taludtod sa isang saknong. Isang saknong lamang na may isahang tugmaan ang kailangan para makasali ang kahit na sinong interesado.) Dagdag pa ni Sanchez na siyang kasalukuyang pangalawang pangulo ng LIRA, “muling naibabalik ang pagkakakilanlan ng katutubong anyo ng pagtulag Filipino, na kahit sumasagitsit ang teknolohiya, ay totoong nakakasabay.” Isa rin daw sa mga hangarin ng LIRA ay ang maibahagi ang tula sa mas nakakaraming tao sa pamamagitan ng social networking sites. Naging matagumpay daw ang proyektong ito sa paghimok sa mga Filipino na linangin ang pagiging makata.

Nabanggit din kanina ang mga chapbook ng LIRA. Ito ay isang serye na binubuo ng apat na maiikling koleksiyon: Lamang, Ilang, Rurok at Aninaw na inilimbag ng LIRA bilang printed copy at ebook sa suporta ng Vibal Foundation. Inilunsad ang Lamang noong Hunyo 15, 2010 sa Conspiracy Bar and Garden Café at noong Hunyo 28 sa Mag:net Café sa Katipunan, Quezon City. Muling inilunsad ang Lamang kasabay ang Ilang sa Manila International Book Fair, SMX Convention Center, SM Mall of Asia Complex, Pasay City noong Setyembre 2010 sa booth ng Vibal Publishing House. Ang printed na kopya ay ipinamimigay nang libre sa mga pampublikong aklatan at paaralan. Mayroon din itong ebook version.

Para sa akin ay napakahalaga ng move na ito ng LIRA dahil sa pamamagitan ng ebook version ay mas madaling makakarating sa ibang bansa ang koleksiyon nila ng mga tula partikular na ang seryeng ito ng chapbooks. Biglang naging buong globo ang merkado ng LIRA kung ikukumpara sa mga printed na kopya ng kanilang koleksiyon na medyo mahirap i-distribute dahil limitado ang bilang ng kopya. Hindi makapag-print nang marami ang publisher dahil hindi naman masyadong mabenta ang anumang aklat ng tula dito sa Pilipinas. Ayon sa National Book Development Board 2012 Readership Survey, ang mga aklat ng tula ang isa sa pinakakulelat sa listahan ng non-school book reads o NSB. Ito ang mga aklat na kusang binabasa ng karaniwang adult na Filipino, iyong kahit hindi nire-require sa paaralan ay binabasa pa rin nila. Malaki ang tsansa na hindi kumita nang malaki ang publisher ng mga aklat ng tula.
Ang pagpo-produce ng mga ebook version ng sariling koleksiyon ay isa sa mga paraan ng LIRA para lampasan ang challenge ng mahal na pag-iimprenta ng aklat.

Inihahanda ng LIRA ang ebook versions ng Unang Bagting at Parikala para sa ika-30 anibersaryo nito sa 2015.

Ang LIRA ay mayroon ding sariling website na laging updated at mayroon din itong aktibong FB account. Simula nang 2007 ay mayroon nang egroup sa Yahoo! ang LIRA para sa pakikipag-ugnayan ng mga kasapi ng pamunuan at para pakikipag-ugnayan ng buong kasapian. Simula noong 2005 ay mayroon ding egroup sa Yahoo! ang bawat batch ng fellows ng palihan para sa mas madaling pakikipag-ugnayan sa kanila.

Aktibong ginamit ng organisasyon mula nang 2006 ang mga blog at website para sa pagpapalaganap ng
impormasyon tungkol sa palihan at iba pang proyekto at gawain ng LIRA.

Ayon kay Guttal, ang mga “hacker” ay binubuo ng dumaraming kilusan na gumagalaw sa pandaigdigang antas. Matatagpuan sa mga kilusang ito ang sari-saring uri ng tao, ideya, kultura, wika, edad, propesyon at kasanayan. Kasama raw sa kilusang ito ang mga progresibong organisasyon ng karaniwang mamamayan, network, civil society organizations, nagsasariling miyembro ng akademya at ilan pang intelektuwal, mga alagad ng sining tulad ng manunulat (at makata!) at film maker, maliliit na negosyante, at maging ang ilang pamahalaan. Lahat sila ay gumagamit ng modernong information technology para kalabanin ang globalisasyon sa organisado, matalino at pangmatagalang paraan.

Palagay ko, lihim na kasapi ng ganitong kilusan ang LIRA. Bulinggit na bumabangga sa higante! At sa umpisa’y bulinggit at higante ang aakalaing mga susing salita sa nabanggit na pangungusap, pero bumabangga ang totoo.

Ilang Tema ng Tulang LIRA

Ilan sa mga tula ng LIRA na matatagpuan sa publikasyong inilathala nila bilang organisasyon ay sumasalamin sa sitwasyong dulot ng globalisasyon tulad ng malawakang diaspora ng ating kababayan na hindi mabigyan ng trabahong maayos at sapat ang kita. Sa unang dalawang saknong ng tula ni Jeffrey Espiritu Magtoto , makikitang itinuturing na “pagpapakamatay” ang bawat pag-alis ng isang OFW dahil pinatitigil niyang kusa ang pagtibok ng kanyang puso para matiis niya ang lumbay ng pagsisilbi sa banyagang lupain.

Ritwal ng OFW

Tuwing aalis ka, pinatitigil mo’y puso sa pagtibok.
Ika’y nagsasaksak ng tubo sa bawat mahalagang ugat
at ang alaala’y pinatutulo mo—hilig mapanood
o lutong bawal na, sikdo ng katawan o luha ng kabyak –

Sa boteng matibay ay itinatago sa ligtas na sulok,
parang pasaporte; saka sa arterya’y masidhing pormalin
ng iyong pangarap ang dadaloy upang puso’y di mabulok,
makapagtrabahong walang pagkatinag o alalahanin.

Hindi hayagang sinabi na anong uri ng gobyerno ang nag-ii-sponsor ng “suicide” ng bawat OFW na umaalis ng bansa. Hindi sinabi kung ano ang epekto ng “massive na suicide” na ito. Ngunit lahat iyon ay madarama sa paglalarawan lamang ng ginagawa ng OFW pagsapit niya sa Departure Area ng ating paliparan.

Narito naman ang isang tula hinggil sa “lokal na diaspora” na nangyayari namang talaga kaya mayroong 11.8 milyong Filipino ang nagsisiksikan sa Kalakhang Maynila. Nagsisipuntahan sa siyudad ang mga taganayon, paunti nang paunti ang gustong magsaka. Sa unang dalawang saknong ng tula ni Gerardo Banzon , maririnig ang isip ng isang taong iniwan sa nayon, sa bukid, pasan-pasan ang lahat ng responsabilidad ng kuya niyang nagpasiyudad. Isa rin itong sulyap sa hinaharap ng kanilang lugar.

Liham kay Kuya

Nagising ang umaga, tulad nang lumisan kang
Makipagsapalaran sa lungsod na pinita.
Agad akong nagpastol kahit lubhang madilim,
Marahil kagaya rin ng biyahe mong matulin.

Nagkape na lang ako nang ako’y bumalik;
Pinasan ang araro at lumusong sa bukid.
Tahimik ang paligid nang ako’y lumabas,
Di ko na naririnig ang iyong pangangarap.

Tumutula rin ang makatang LIRA hinggil sa sitwasyon ng kababaihan. Sa unang saknong ng tula ni Luna Sicat-Cleto, isang manunulat ang persona. Matagal na panahon bago dumami nang tuluyan ang mga babaeng manunulat. At ngayong kontemporanyong panahon, may ilang dahilan pa rin na pumipigil para makasulat nang makasulat ang isang babae lalo’t siya ay isang ina. Ibinulaga niya sa mambabasa na ang pagiging isang ina ay nakakaapekto sa literary production ng isang babae.

Ang Pasyon, Ayon sa Ina

Paano sumusulat ng tula ang isang ina?
Panakaw, ‘yan ang sagot.
Matapos pasusuhin, at patulugin ang anak
Lusot sa pinto, parang baliw na bula
Punta sa makinilya,
Sulat kaagad, bago mawala
Ang mga linyang kaninang-kaninapa namumuo
Ibig bumulwak, suso mang may layang lumipad.

Malay ang persona sa proseso ng kanyang pagkatha at bagama’t di niya ikinumpara sa proseso ng pagsulat ng kalalakihan, alam niyang mauunawaan na ito ng mambabasa. Na hindi pa rin pareho o pantay ang lalaki at babae kahit moderno na ang panahon. Walang dapat sisihin dahil likas naman ang pagkakalagay ng matris sa katawan ng babae. Hinding-hindi niya matatakbuhan ang katotohanang ito. Pero marahil, nais sa ating ipaunawa ng persona na nangangailangan ng higit na respeto ang babaeng makata dahil mas malaki ang kanyang isinasakripisyo sa bawat likhang tula.

Sa tula naman ni Phillip Kimpo, Jr. , mababasa ang pagkahumaling ng tao sa siyensiya at makabagong karunungan hanggang dumating sa puntong nalilimutan nlaong dapat ay makabuluhan din ang dalawang ito sa kanilang paligid. Ang obserbasyon ni Tolentino sa literaturang pandaigdig ay “masyadong nahuhumaling ang mga tao sa espiritu ng modernong pamumuhay at sa bilis daw ng mga pangyayari, napakalaki ng posibilidad na maisip ng marami na naglaho na ang mga lumang problema gayong naroroon pa rin ang mga ito, lamang ay nakukublihan ng mga sapin-saping pagbabago na nagbibigay ng ilusyon na normal ang takbo ng buhay.” Ang temang ito ang natagpuan ko sa Tala.

Tala

Nahiwagaan siya.

Itinanong niya tuloy sa kaniyang guro
kung bakit sa matataas na lugar
itinatayo ang mga obserbatoryo.

“Light pollution” daw.

“Nilulunod
ng labis na mga ilaw ng lungsod
ang liwanag ng mga tala.”

Lalo siyang nahiwagaan.

Pagkatapos ng klase sa umaga
at isang buong hapon ng halikwat-basura,
inakyat niya ang pinakamatayog na bundok
ng mga plastic, lata, karton, burak
at iba pang kalabisan ng lungsod.

Umupo siya sa tuktok
at doon ay pinagmasdan
ang mga tala.

Isinalaysay ang problema sa punto de bista ng bata. Hindi niya maintindihan kung bakit nagpapakatayog na tayo para mapag-aralan ang mga bituin habang ang batang tulad niya na ang simple-simple ng pangangailangan, hindi natutugunan ng lipunan. Kinutya ng persona ng tula ang kalabisan ng tao, ang kalabisan ng lungsod na wala namang naiaambag sa pagsulong at pagpapaganda ng buhay. Dumaragdag lang ito sa problema, nagiging bundok na pilit inaakyat ng mahihirap para makapagmuni at nang lubos na maunawaan ang kanilang palad.

Patuloy ang pagkatha ng kasapian ng LIRA ng mga tulang sumasalamin sa sentimyento ng bayan sa globalisasyon. At ginagawa nila ito sa paraang malikhain: iba’t ibang uri ng himig, punto de bista, persona, anyo ng tula at iba pa. Ginagawa nilang malikhain ang paghahain ng kritikal na asta upang mabilis at pailalim na maimpluwensiyahan ang mambabasa na magtanong hinggil sa nangyayari sa kanyang paligid, sa sariling bayan, sa sarili. Aakalain ng mambabasa, inaaliw lamang siya ng makata ng LIRA, ang di niya alam, tinuturuan na siyang tumayo sa sariling paa, tinuturuan na siyang magsuri sa likas at di-likas na mga pangyayari at hinihimok na siyang gumawa ng hakbang para makapaghanda sa kinabukasan.

Ang Papel ng LIRA

Magpapatuloy ang tahimik na pag-iral ng LIRA.

Sapagkat kayang-kaya nitong magbigay-sigla sa pagtula ng kabataang Filipino kahit pa sabihing sinauna, tradisyonal at katutubo ang ubod at puso nito. Dalawampu’t walong taon nang napatunayan ng LIRA na itatambal lamang ang mga ito sa iba’t ibang elemento ng kulturang pambansa at globalisasyon ay makakalikha na ng isang puwersang:

1. Walang sawang magtatanggol sa sariling wika at patuloy na maniniwala sa kakayahan nitong
humabi ng pinakamaririkit na taludtod,

2. Dudukal sa sariling kultura at karanasan para itampok sa mga tula,

3. At gigising at mag-aaruga ng nananahang makata sa puso ng bawat Filipino.

Palagay ko, sa dami ng nagawa, sa layo ng narating at sa taas ng naabot, isa lamang ang panalangin ng LIRA. Ito ay ang makapagdulot ng inspirasyon na maglingkod sa bayan ang lahat ng kanilang makasalamuha lalo na iyong mga tunay na makata.

SANGGUNIAN

Mga aklat

Almario, Virgilio S. ed. (2003) Ikatlong Bagting Koleksiyon ng mga bagong tula ng LIRA. Quezon City: LIRA at Maynila: UST Publishing House.

___________________ed. (2010) LIRAng Pilak 25 Taon ng Makatang LIRA. Quezon City: Vibal Foundation at Aklat LIRA.

___________________ed. (1990) Mga Bagong Tula, Mga Bagong Makata Parikala. Quezon City: LIRA at Manila: Kalikasan Press.

Baquiran, Romulo P. Jr. ed. et al (1988) Unang Bagting Mga Bagong Tinig sa Tula. Quezon City: Aklat Anahaw at LIRA.

David, Randolf (2002) Self, Nationhood and Citizenship An Invitation to Philippine Sociology. Pasig City: Anvil Publishing.

Guttal, Shalmali (2007) ‘Globalisation’, Development in Practice, Volume 17, Numbers 4-5. United Kingdom: Sage Publications.

Helvacioglu, Banu (2000) ‘Globalization in the Neighbourhood: From the Nation-State to Bilkent Center’, International Sociology. Spain: International Sociological Association through Sage Publications.

Lumbera, Bienvenido (2005) ‘Saan Tutungo ang Wikang Filipino Ngayong Binubura Ito ng Globalisasyon?’ in Constantino, Pamela C. (ed) Filipino at Pagpaplanong Pangwika Ikalawang Sourcebook ng SangFil.Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman, Quezon City: Sanggunian sa Filipino at Maynila: Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.

_________________ (2005) ‘Literature Under the Republic (1946-1985)’, Philippine Literature A History and Anthology English Edition. Pasig City: Anvil Publishing.

Schuerkens, Ulrike (2003) ‘The Sociological and Anthropological Study of Globalization and Localization’, Current Sociology, May/July 2003, Vol. 51 (3/4). Spain: International Sociological Association through Sage Publications.

Tolentino, Delfin Jr. (1999) ‘Ang Literaturang Pandaigdig sa Panahon ng Globalismo’, in Chua, Apolonio ed. et al. Linangan. Quezon City: DFPP, UP Press.

Samar, Edgar Calabia ed et al (2010) Lamang, Ilang, Rurok at Aninaw Poetry Chapbooks. Quezon City: Vibal Foundation.



Mga website, blog at link

168.63.184.113/lirang-pilak-lira-vibal-foundation-to-launch-new-poetry-anthology/

archives.pia.gov.ph/?m=1&t=1&id=55761&y=2011&mo=09

census.gov.ph/statistics/quickstat

historyofcomputer.org/

lirapoetryclinic.wordpress.com/kasaysayan/

nbdb.gov.ph/images/Downloads/The_NBDB_Readership_Survey_2012.pdf

varsitarian.net/filipino/20111115/panitikan_sa_panahon_ng_social_networking

Saturday, April 20, 2013

ginipig



Sumisikip ang mga ugat ng puso ko dahil sa raket ko ngayon.

Nagta-translate ako ng isang questionnaire mula English to Filipino. Gagamitin ang questionnaire sa pag-aaral tungkol sa isang gamot, titingnan kung gaano ito kaepektibo, kung kasinggaling ba ito ng isa pang gamot, etc. etc. At kasama sa questionnaire ang paghingi ng pahintulot ng pasyente, at siyempre ang pagtatanong kung gusto ba niyang sumali sa pag-aaral na ito. Ipinapaliwanag din sa questionnaire kung ano ang hihingiin at inaasahan sa kanya at kung ano ang benefits na makukuha niya rito.

Nang ibigay sa akin ang proyekto, wala akong idea kung ano ito. (Pero dati na akong nagta-translate ng mga questionnaire na ginagamit sa ospital. Ito siguro ang dahilan kungbakit sa akin ibinigay ang proyekto.) Ngayong tinatrabaho ko na ito, saka lang pumasok sa isip ko ang mga bagay na isinaad ko kanina.

Ang proyekto ay galing sa ibang bansa. Bagama't Pinoy ang kaibigan kong nagbigay sa akin ng proyektong ito, nakita ko sa email thread ang pangalan ng pinagmulan na bansa ng proyekto.

Anyway, ang point ko: malamang, ang gamot ay gawa ng isang multinational company at gusto nilang itesting ito sa mga Pinoy.

Eto ang ilan sa realization ko:

1. Ipinapasalin ito sa Filipino dahil malamang na hindi nakakaintindi ng Ingles ang sasali o papatol sa pag-aaral na ito. O di kaya, ang mga lalapitan ng may pakana ng pag-aaral na ito ay iyong hindi nakakaintindi ng Ingles.

2. Kadalasan, sa Pilipinas, ang hindi nakakaintindi ng Ingles ay 'yong mahihirap.

3. At kadalasan, kaya sila nagkakasakit ay dahil marawal ang kalagayan nila, madumi ang pagkain (baka nga wala pang pagkain), walang mga vitamin na proteksiyon sana ng katawan, madumi ang tubig, o madumi ang lugar kung saan sila naninirahan.

4. Kadalasan din, wala silang pambili ng gamot o pampaospital kaya di sila agad na gumagaling sa sakit.

5. Kapag kailangan nilang manatili sa ospital, hindi sila naaasikaso nang mabuti dahil sa sobrang dami ng pasyente. Kanya-kanya ng diskarte ang mga pasyente sa public hospitals para lang maka-survive sila.

6. Sa proyektong ito, nagagamit ang talino ko sa pagsasalin.

7. Bahagi ako ng proyekto kung saan ginagawang ginipig (guinea pig) ang mahihirap.

8. Bahagi ako ng proyektong nagsasamantala sa mahihina.

9. Bahagi ako ng proyektong nagsasamantala sa sarili kong mga kababayan.


Ang manunulat, laging gutom. Kaya madalas ay tumatanggap ng raket-raket. Halimbawa, pagsasalin.

Mahirap mabuhay sa pagsusulat lamang. Pero ang manunulat, may konsensiya rin. Kadalasan, mas malaki ang konsensiya niya kaysa sa kanya mismo. Tipong hindi bale nang magutom, 'wag lang maging instrumento ng mga mapanamantala.


Sa lahat ng pasyenteng magiging ginipig ng proyektong ito, ipinauuna ko na ang aking paumanhin.

I am sorry.

Pangako, last na ito. Hindi na ako magsasalin ng mga dokumentong ikakapahamak ng ating uri.

Saka pasensiya na, tanga lang. Next time talaga, aalamin kong mabuti kung ano ang pinapasok ko. Hindi 'yong tulad nito, aba'y ikaka-heart attack ko pala habang tinatrabaho.








Thursday, April 18, 2013

Umpisahan natin sa mga bata!

ni Beverly W. Siy

May isang article si Bino Realuyo tungkol sa readership ng mga Fil-am sa mga Fil-am writer na tulad niya. Hindi raw sila binabasa ng mga Fil-am at wagas niyang ikinalulungkot ito.

Kahit hindi ko alam ang napakaraming factors kung bakit hindi binabasa ng mga Fil-am ang akda ng kapwa nila Fil-am ay magsa-
suggest pa rin ako.

Mag-umpisa sa mga bata.

I suggest, sumulat ng mga akdang pambata ang mga Fil-am at itodo ang marketing nito sa mga Fil-am community.

I believe mayroong sariling issues at mas distinct na kultura ang mga Fil-am at dapat lang na idokumento ang mga ito sa pamamagitan ng pagsulat ng mga akda. Lalo na ng mga akdang pambata. Palagay ko ay hindi sapat na pabasahin ng mga akdang gawa ng pure Pinoy ang mga batang Fil-am. Totoong makikilala nila ang kanilang roots at ang Pinoy culture pero may danger na hindi makaka-relate nang 100% ang mga bata dahil ang mga akdang gawa ng pure Pinoy ay kadalasang nakaangkla sa realidad ng mga batang pure Pinoy. At nasa Pilipinas! So ang best na magagawa ng mga ganitong akda ay ipakilala ang issues at kultura natin dito. Pagpasok naman sa eskuwela ng mga batang Fil-am, ang ipapabasa sa kanila ay pambatang akda na gawa ng mga Amerikano. Maaari silang matuwa sa mga ito, maaliw at matuto pero may danger na hindi makaka-relate nang 100% ang mga batang Fil-am dahil ang mga akdang gawa ng pure Amerikano ay kadalasang nakaangkla sa realidad ng mga batang pure Amerikano.

Ako, bilang isang manunulat, lalo na ng mga akdang pambata, ini-imagine kong maigi ang aking audience. Paano ko ba sila mapapatawa? Paano ko sila maaaliw? At kapag dalawa ang target market ko, may posibilidad na hindi ko ma-cater ang dalawang ito nang sabay.

Halimbawa na lang, kung magsusulat ako ng isang akdang pambata at ang nasa isip ko ay ang Fil-am market at ang 100% Pinoy market, ang produkto ay puwedeng swak na swak sa Fil-am market pero hindi swak na swak sa 100% Pinoy market. Puwede ring swak na swak sa 100% Pinoy market, pero hindi sa Fil-am market.

Noong isang taon, nakadalo ako sa isang assessment session ng pambansang patimpalak ng mga akdang pambata. Ginawa ang session pagkatapos ng awarding. Kinausap ng mga judge ang publishers ng mga akdang pambata at ipinaliwanag ang batayan ng pagkakapili at di nila pagkakapili sa ilang akdang pambata. Ipinahayag ng judges ang panghihinayang nila sa isang aklat na tungkol sa alpabeto. Ang ganda ng papel, ang ganda ng printing, ang ganda ng images, mukha ring mamahalin ang aklat. Pero ang mga salitang ginamit sa aklat na iyon ay hindi masyadong swak sa panlasa ng Pinoy na bata. Sabi ng publisher, international ang audience na nasa isip nila. Ayun. Kaya pala. Nauna ang labas bago ang loob. Bata muna sa labas bago ang bata sa loob. Hinayang na hinayang tuloy ang judges.

Ako rin, nanghihinayang ako sa ganon. Kung sa umpisa pa lang ay malinaw na sa publishers at creators ng akdang pambata ang kanilang audience, sana ay naging mas angkop ang nilalaman ng aklat. Mas sellable ito sa target audience.

Ngunit hindi rin naman natin maikakaila na may mga akdang unibersal ang hatak. Patok na patok si Harry Potter sa buong mundo. Ang mga fairy tale ng Grimms Brothers ay nasalin na at nagpalipat-lipat-bibig sa iba’t ibang bansa. Ang anime at manga ng Japan ay pinagkakaguluhan ng lahat.

Maganda talaga ang mga akdang pambata na nakakatawid sa iba’t ibang kultura ngunit isa o dalawang pangangailangan lamang ang napupunan ng mga ganitong akda.

Ang mga batang Fil-am, at ang tulad nila, ay may iba pang pangangailangang hindi mapupunan ng mga akdang unibersal ang hatak. Dito papasok ang mga akda ng kapwa nila Fil-am.

Mga kapatid sa ibang bansa, magsulat kayo, kumatha nang kumatha nang kumatha para sa inyong kabataan. Puwede ninyong paksain ang migration, ang displacement, ang mga katangian ng Filipino community sa inyong lugar, ang paghahanap sa identidad, ang maging Filipino sa inyong environment, ang sarili ninyong bersiyon ng adobo, ang pakikipag-email at chat sa mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas, sa inyong mga akda. Ay, ang dami! Ang daming puwedeng isulat.

Hindi kailangang umasa na lamang sa mga akdang manggagaling sa bansang Pilipinas. Kayo mismo ang lumikha ng para sa inyo, ng para sa sarili ninyong pangangailangan. Sa ganitong paraan, mas maa-appreciate ng kabataan ang panitikan, pati na ang kultura at sining ng inyong uri, ngayon at sa hinaharap.


Amen.


(Siyanga pala, ang suggestion ko ay hindi lang para sa mga Fil-am writer kundi para sa lahat ng Filipino immigrant. Yay!)


Ang article ni Bino Realuyo ay mababasa rito:

http://www.huffingtonpost.com/bino-a-realuyo/filipino-american-books_b_3008833.html?ncid=txtlnkushpmg00000036


Ang copyright ng larawan ay kay Ronald Verzo.

Sunday, April 14, 2013

Do You Know There is A Public Library Day?

by Neni Sta. Romana Cruz

Chair, National Book Development Board

Public school teachers recently assembled to celebrate Public Library Day (which, of course, they were surprised to know) through a day-long Booklatan sa Bayan at the Pasig City Public Library, a collaboration between the National Book Development Board and the head librarian of the showcase Pasig Library, Teresita P. Osorio. Booklatan is a series of workshops geared toward promoting a culture of reading and lifelong learning for teachers and librarians. The special focus in consonance with the thrust of the Department of Education on teaching and reading in the mother tongue was pointed out by a youthful hip writer in Filipino, Beverly Wico Siy, author of the popular novel “It’s a Mens World.” Siy did a survey of Philippine contemporary literature in Filipino, showing samples of books for teachers to use and, perhaps more relevant, actual anthologies put together by teachers and students. Those made classroom publishing so feasible. Typical of Bebang (billed as Beb-ang, as a foil to the mysterious Bob Ong that has even reluctant readers among Xavier School teeners in stitches), she advised that the best Linggo ng Wika essays or “How I Spent My Summer Vacation” compositions be chosen.

Read more: http://opinion.inquirer.net/50575/do-you-know-there-is-a-public-library-day#ixzz2QPMIlUqK
Follow us: @inquirerdotnet on Twitter | inquirerdotnet on Facebook

Maraming salamat po, Mam Neni!

Maraming salamat din po kay Dr. Elena Cutiongco! Siya ang tumawag sa akin para sabihin ang tungkol sa artikulong ito.



PAUNAWA: Ang Palawan City Library ang nasa larawan. Ang coypright ng larawan ay kay Beverly Siy.

sa ngayon, academic mode muna

dahil talagang binantaan na ang ang academic life na hanggang summer na lang ang lahat ng incomplete ko at dapat ay by first sem, makapagthesis na ako, bahay lang ako most of the time. nagbabasa at nagsusulat. at nagfe-facebook siyempre.

last month, kakakulit ko sa graduate studies office, nalaman kong 5 pa pala ang kailangan kong i-complete. que horror. akala ko tatlo lang. pero that day naman, me dala na akong paper para sa isa kong prof so apat na lang.

at today as in ngayong umaga, opisyal kong natapos ang isa pa. mababasa ninyo ito sa blog ko, yung tungkol sa Pak U Journal.para iyon sa subject kong third world literature.

sa mga susunod na araw, ang subject na pananaliksik naman ang bubunuin ko. kasi, yun ang magiging thesis proposal ko. kelangan kong unahin yun dahil kailangan akong makapag-defend ng thesis proposal bago matapos ang summer. pag nagawa ko to, dalawa na lang. isang tungkol sa globalisasyon, at isang tungkol sa performance poetry. yes, si sir vim nadera!

pero hindi pa pumapayag ang teacher ko sa subject na yon, dula ng pilipinas. siya na lang ang hindi nagre-reply sa kanilang lahat. bale 4/5 teachers, pumayag na mag-complete ako. naawa talaga ang langit.

grabe na rin namang parusa to sa sarili.

ang totoo, mabait naman akong estudyante. bihira akong umabsent at nagsa submit ako ng mga paper/assignment, aktibo ako sa discussion, nagre-report ako. ang di ko lang nasa submit ay yung mga final paper kasi ayaw ko namang magsumite ng bara-bara lang. kaso, di ko na nababalikan yung papers ko kaya forever inc ang grade ko sa mga subject.

hay. o ngayon, inaani ko na ang itinanim ko. mga nagsasagitsitang deadline para sa:

paper sa pananaliksik
paper sa globalisasyon
paper sa performance poetry

revision ng paper sa pananaliksik para maging thesis proposal
defense ng thesis proposal

AT

thesis.

kung sakaling bigla na lang akong matigok one of these days, alam nyo na kung bakit.





Pak U Journal: Third World kung Third World

Isang Panunuring Pampanitikan ni Beverly W. Siy

Ang Pak U at Ako

Una kong nakita ang Pak U Journal sa Facebook. May nag-tag sa akin kaya napunta sa Facebook wall ko ang isang retrato ng mga kabataang lalaki. Wala akong kilala ni isa sa kanila kaya di ko ito masyadong pinansin, pero gayumpaman, hindi ko malimutan ang pamagat ng hawak nilang journal: Pak U.

Sabi ko, naku, ano ba ‘to? Walang ka-subtlety-subtlety. Tiyak akong angas ng kabataan na naman ang laman ng ganitong babasahin. Pero masaya pa rin ako kahit medyo naiilang ako sa pamagat, at least, walang kupas ang alindog ng musa ng pagsusulat. Nakakahalina pa rin siya at, this time, sariwang laman ang kanyang mga biktima.

Muli kong nakita ang Pak U Journal sa Better Living Through Xeroxography (BLTX) noong 7 Disyembre 2012 na ginanap sa Ilyong’s Restaurant, Kalantiaw St., Cubao, Quezon City. Ang BLTX ay taunang event na inoorganisa ni Adam David, isang manunulat at indie publisher. Ang BLTX ay kinatatampukan ng mga babasahin mula sa independent publishers mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Karamihan sa indie publishers na ito ay mga estudyante sa kolehiyo. Sumali roon ang Ungaz Press, ang publisher ng Pak U Journal. Doon din ako bumili ng sarili kong kopya (sa halagang P85.00) pero hindi ko naman ito agad na binasa.



Muli kong nakaengkuwentro ang Pak U Journal sa Pinoy Reads Pinoy Books (PRPB) Book Club. Isa ako sa mga moderator ng PRPB, isang online community ng mga mambabasa na ang pokus ay ang pagbabasa ng mga aklat na gawa sa Pilipinas. Natuklasan kong isa sa mga kasapi namin ay kasapi rin ng Ungaz Press/Ungaz Boys. Ito ay si Ronaldo Vivo, Jr., ang tumatayong lider ng Ungaz Press/Ungaz Boys. Inimbitahan niya ang PRPB sa paglulunsad ng Pak U Journal bago mag-Pasko ng Disyembre 2013. Dahil dito, nagpasya ang mga moderator ng PRPB na bigyang-puwang ang mga babasahin mula sa indie publishers para sa periodical na sabayang pagbabasa ng buong grupo. Itong Pak U Journal ang napagkasunduang itampok sa sabayang pagbabasa. Pagkatapos ay napagkasunduan din ng mga taga-PRPB na dumalo sa paglulunsad ng Pak U Journal na ginanap noong 22 Disyembre 2013 sa The Hydra Bar, Timog Avenue., Quezon City.

Sa kasamaang-palad ay hindi ko tinapos ang pagbabasa dito. Sa introduksiyon at unang ilang mga kuwento, hindi ko na nagustuhan ang kanilang wika, extreme ang pagka-kanto. Hindi ko gusto ang kanilang paksa, naglulunoy na naman sa pagka-third world. Ayon kay Lyman Tower Sargent sa aklat niyang Contemporary Political Ideologies, ang third world ay iyong bansang naghahanap ng ikatlong ruta tungo sa kasaganaan dahil iniisnab ang landas na inaalay ng kapitalismo at komunismo. Tinitingnan daw ng isang third world na bansa ang sarili bilang mga exploited producers ng hilaw na materyales na siyang ginagamit ng ibang bansa para linangin ang kanilang industriya at yaman. Kadalasan din daw, ang mga third world na bansa ay ex-colonies, at dahil dito ay medyo nagsususpetsa pa sa lahat ng ikinikilos ng mga naging mananakop nito. Sa maikling salita, third world meaning developing country kung ikukumpara sa mga developed country. Third world, as in mahirap tulad ng ating bayan. Diyan nagsu-swimming ang Pak U Journal, sa mga imahen at usapin ng kadahupan, karahasan at iba pang kaugnay ng Third World. Kaya naman, sa isip-isip ko, hay, isa na naman sa napakarami! Palasak! Gasgas!

Higit nga pala sa lahat, hindi ko gusto ang anyo ng Pak U Journal, manipis, andaming typo error ng bawat akda at ang liit-liit ng font na ginamit. Literal na mahirap basahin.

Nagbago ang lahat ng aking pananaw sa Pak U nang muli ko itong basahin noong ikalawang semestre, AY 2012-2013. Isa ito sa mga pinabasa ng propesor naming si Vladimeir Gonzales para sa kursong Malikhaing Pagsulat (MP) 215. Pinili ko ito bilang babasahin ng aming grupo dahil nga kakilala ko na ang mga may akda. Naisip ko, sakaling nais magkakopya ng mga kagrupo ko, madali na lang ang bumili mula sa Ungaz Press, na napaka-active sa Facebook. (Ang dalawa pang pinapabasa sa amin ay: Pektus, isang koleksiyon ng maiikling katha mula sa dati at kasalukuyang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at Circuit: The Blurb Project, isang antolohiya na pakana ng batang makata at critic na si Angelo Suarez.)

Sa pagbabasa, isa lang ang pinapabantayan sa amin ng guro: ang pagka-eksperimental ng bawat babasahin. At ang batayan ng pagiging eksperimental ay iyong mga natalakay sa klase: bago o di kaya ay hindi pa nagagawa sa komunidad na kinabibilangan, pagsasama-sama o paghahalo ng isa o higit pang bilang ng anyo ng panitikan sa iisang akda, manipulasyon ng umiiral na teksto, may paglalaro sa linearity ng naratibo at iba pa. Ito ang ilan sa mga minanmanan ko habang binabasang muli ang Pak U. Sa kadulu-duluhan, muntik na akong mapa-Pak U dahil hindi lang pala ang pagiging eksperimental nito ang aking matutuklasan.

Ang Pak U


Ang Pak U Journal ay inilimbag ng Ungaz Press noong 2012. Ito ay binubuo ng 17 kuwento, ilang guhit/illustrations, isang introduksiyon, isang table of contents na tinatawag na Shitlist ng mga may akda, pasasalamat at dalawang blurb mula kina Jack Alvarez at Mark Angeles, mga kabataang manunulat. Ang buong journal ay nahahati sa apat na bahagi: Pseudo, Absurdo, Kapritso, at Ulo.

Ang awtor ng mga kuwento ay sina:

Ronaldo Vivo, Jr.
Siya ang tumatayong lider ng grupo. Sa kanya nagmula ang ideyang maglabas ng Pak U Journal. Siya rin ang tumatayong editor ng Journal at tagadisenyo ng front at back cover ng journal. Aktibo siya sa Manila Metal Scene bilang isang musikero.

Danell Arquero
Siya rin ang nag-provide ng mga artwork/illustration sa journal.

Erwin Dayrit

Ronnel Vivo
Kapatid ni Ronald Vivo, Jr. at isa ring musikero sa Manila Metal Scene.

at Christian de Jesus.
Aktibista siya at kasapi ng isang unyon. Siya rin ang sumulat ng Babala na nagsilbing introduksiyon ng journal.

Ungaz Boys ang tawag nila sa kanilang mga sarili. Sila ay kabataang lumaki sa Pateros. Magkakabarangay sila at naging magkakaklase sa elementarya at/o high school. Nagkolehiyo sila sa PUP at Unibersidad ng Makati (UMak). (Pansinin na hindi sila produkto ng mga paaralang may matatag at tanyag na programa sa malikhaing pagsulat.)

Wika ng Pak U

Pangkalye ang wikang ginamit ng mga awtor sa lahat ng kanilang akda. Pasok na pasok bilang deskripsiyon sa kanilang wika ang mga salitang garapal, brutal at pang-tabloid. Bagama’t conversational ang wika ay tadtad naman ito ng mura. Tadtad din ito ng typographical errors at labis-labis na paggamit sa mga bantas. Parang walang nangyaring editing o proofreading man lang sa buong journal.

(Nakakapagtaka nga lang na lahat ng pangalan ng awtor ay walang typo error at maayos lahat ng pag-all caps at pag-small caps sa mga titik. Ano kaya ang kahulugan nito? Ang pangalan nila ay pulido, ngunit kapag para sa mambabasa, bara-bara?) Para ding walang nangyaring censorship. Buyangyang ang mga pagtatalik, buyangyang din ang pangalan ng mga bahagi ng katawan. Isinusulat din nila ang mga nakakadiri. Walang preno. Maging ang relihiyon ay nababanggit ngunit hindi naman binibigyang-respeto sa mga kuwento.

Sa kuwentong Molotov na isang dark comedy tungkol sa lupa ng mga elite na kinukuha ng gobyerno para gawing squatter’s complex, narito ang tatlong halimbawa:

1. Tang-ina mo talaga!- Sabay ang pagdura ng malagkit at hinug na hinog na plema sa pagmumukha ng nagmamarunong na tauhan.

2. (*)Putang-ina! Hindi tayo napaghandaan ng mga elitistang ‘to! –sabi ng napakamot sa ulo na sheriff.

3. Puki-ng-ina-mo! Bumaba ka dyan kung ayaw mong maputukan sa mukha! BABA!!!

Bagay na bagay ang mga diyalogo ng mga tauhan sa sitwasyon sa kuwentong ito. Ipinakita sa nang-uuyam na himig at absurdong sitwasyon ang nangyayaring negosasyon ng pulis/demolition team sa elitista na sa totoong buhay ay ang mga iskuwater. Nailabas ng may akdang si Ronnel Vivo ang opinyon niya tungkol sa usapin ng lupa sa urban area, paano ito nireresolba at anong nangyayari kapag idinadaan sa karahasan ang pagkuha sa lupang pinanirahan na ng ilang pamilya. Makikita kung gaano kalalim ang pag-unawa ni Vivo sa usapin ng iskuwater, lupa at ang stand ng gobyerno at elite dito.

Napakahusay din ng paglalarawan sa mga nangyayari sa isang demolisyon gamit ang hindi melodramatikong paraan.

Mula naman sa Ilang Eksena sa Isang Coca-cola Commercial ang halimbawang ito:

1. “Sorry, the ja-caller answered it correctly. You have to rip off your remaining skin.”
Waaaaaaaaaaaaaaah! Argggghhhhh. GGggGgGgGgRrrR! Huuhuugjashjahsausaushalkfdgsadsadas!

Ang akdang ito ay science fiction na suspense-thriller tungkol sa isang organismong kahugis ng isang bote ng Coca-cola ang katawan. Mukha itong seksing babae. Nang ipakilala siya sa publiko ay pinagkaguluhan siya. Marami ang nagbigay ng kanilang scientific hypotheses patungkol dito. Ang ending ay kinain ng organismo ang lahat ng tao sa research facility kung saan siya nakakulong.

Binubuo ng sampung units ng naratibo na may iba’t ibang punto de bista at himig, ang kuwentong ito ni Ronnel Vivo ay higit na maituturing bilang isang komentaryo kaysa bilang kuwento. Komentaryo ito ng may akda sa kagandahan at obsesyon ng mga tao ngayon sa physical perfection, obsesyon sa ilang icon ng pop culture tulad ng Coke (madalas ay kailangan pang gumawa ng kontrobersiya para lamang makapag-promote ng produkto) at sa papel ng media tulad ng TV commercial at TV show. Lahat ay gagawin ng media para lang makuha ang atensiyon ng manonood.

Dito ay napakadalas gumamit ni Vivo ng itals, bold, at eksaheradong paggamit sa mga titik at bantas. Binabago-bago rin niya ang font bilang indikasyon ng iba-ibang punto de bista.

Sa kuwento namang Live Show ay matatagpuan ito:

1. 8++++D,;-,;

Sa mabilis na pagtingin, aakalaing number eight, apat na plus sign, titik na D at ilang kuwit at tutuldok lang ito. Pero wala namang kinalaman ang mga ito sa kuwento. Kailangang pumaloob ang mambabasa sa mundo ng mga tauhan para malaman kung ano ito.

Ang Live Show ay kuwento ni Dante, isang batang basurero na may adik na ina. Isang araw, natiyempuhan niya ang ina kasama si Anton, ang nobyo ng kanyang ina, at si Mang Willy na isa namang pusher ng droga. Pumasok sila sa isang kuwarto sa kalamayan (looban/iskuwater) at nakipagtalik ang nanay ni Dante kay Mang Willy habang nagdo-droga si Anton. Ibig sabihin, ibinugaw ni Anton ang nobya niya para lang makaiskor ng droga. Napanood itong lahat ni Dante sa pagsilip sa butas sa dingding ng kuwarto. Mayamaya lang ay nilabasan si Dante.

Ito:
8++++D,;-,;
ay simbolo ng titi ni Dante nang siya ay labasan pagkatapos manood ng “live show.”

Sa puntong ito ay kinikiliti ng may akdang si Ronaldo Vivo, Jr. ang imahinasyon ng mambabasa. Ipinakita niya, literal, ang pagtagos ng titi at tamod ni Dante sa mga pahinang naglalaman ng world view ni Dante, isang batang basurero at ng mga adik tulad ng kanyang ina.

Mahusay din ang deskripsiyon ni Vivo sa paligid. Cinematic ito at kahit na marami na akong nabasang ganitong uri ng akda, para sa akin ay hindi naging cliché ang deskripsiyon ni Vivo sa pisikal na mundo ni Dante. Narito ang halimbawa:

1. Sabaw ng daanan ang tubig-kanal na kumawala sa kanal nito.

2. Walang pakialam ang dalawang buto’t balat na asong nagkakastahan sa gitna ng daan sa kabila ng pambabato ng mga buto’t balat ring mga batang hamog na sabog sa solbent. Walang mababakas na pagkasorpresa sa mukha ni dante. Dahil kabilang rin s’ya sa mga nakahambalang sa daan. Eskandaloso sa loob ng tahanan. Ma-trip na kabataan. Tae sa daanan.

Sa kuwento namang Pre-frontal Lobotomy, madalas ang gamit ng ellipsis para ihiwalay ang ilang bahagi ng kuwento sa isa’t isa. Gumamit din ang may akda ng mga makabagong anyong pasulat tulad ng itsura ng Facebook like, Facebook friends search at privacy ng isang Facebook account.

Mga Tauhan sa Pak U

Napakaganda naman ng line up ng mga tauhan sa Pak U. Malawak ang spectrum ng mga tauhan. May karaniwang tao (at hayop) tulad nina:

1. Romerson sa kuwentong Hin-dot Com

Si Romerson ay isang elementary student na nag-ipon ng P15 sa loob ng matagal na panahon para lamang makapag-internet siya.

Pagkagaling sa eskuwela ay diretso siya sa internet shop para mag-Facebook, mag-porn site (sana), mag-Youtube (sana), at para mag-copy paste ng ilalagay sa assignment. Kaya lang ay biglang nag-brownout dahil binabagyo na pala ang kanilang lugar. Pag-uwi, nakalubog na ang bahay nila sa baha. Natuwa ang nanay ni Romerson dahil walang kailangang bigyan ng baon bukas, suspendido siyempre ang klase.

2. Dante at Brawni sa kuwentong Catcher

Si Dante ay isang adik na isnatser sa Guadalupe at aso niya si Brawni. Mahal na mahal nila ang isa’t isa. Ipinakita rito ang dependence ng isang tao sa hayop at ang malahayop na existence ng isang tao tulad ni Dante. Isang araw, nang maabutan niyang patay sa kanilang bahay (na isang tagong bahagi ng bangketa) si Brawni, brutal niyang pinatay ang pinaghinalaan niyang sumalbahe sa alaga. Sa dulo, nasira ang ulo ni Dante dahil siya pala ay may rabies na.

3. Ang personang nagsasalita at si JC sa kuwentong Kalimutan Mo na si JC

Ang personang nagsasalita ay isang taong nagmamahal kay JC, isang karaniwang dalaga. Naging magnobyo sila pero naghiwalay din pagkaraan. Mahal pa rin ng personang nagsasalita itong si JC pero si JC ay nag-asawa na ng Amerikanong Negro para makarating sa ibang bansa.

Mayroon din namang di pangkaraniwang tauhan tulad ng sumusunod:

1. Mga tauhan sa kuwentong Pre-Frontal Lobotomy

Ito ay isang kuwento tungkol sa multiple personality disorder. Si Ricardo Tirona ay isang college student na hindi makaramdam ng “belonging” sa pinasukan niyang kolehiyo. Kaibigan, kaklase at kababata niya si Paula. Si Paula ay may ate, ang ate ay kaklase ni Josielyn Pelayo na may sakit na malala, namatay ito sa kalaunan ng kuwento. Si Josielyn ay may kapatid: si Jeff (na kabatch nina Ricardo at Paula) at si Jessielyn, (na isang magandang bata). Si Ricardo ay may nakitang babae sa pinuntahan niyang high school, nagandahan siya rito. Pagsapit sa dulo ng kuwento, may isa pang lumabas na tauhan, si Kim. Hindi malinaw kung sino ito at kung ano ang relasyon ng mga taong ito sa isa’t isa.

Bagama’t hindi malinaw ang takbo ng kuwento, ipinakita rito kung gaano ka-complex ang magkaroon ng isang maselang operasyon sa utak na nakakapagpabago ng nervous system. Nag-iiba ang personalidad ng isang tao dahil sa operasyon na ito. Naipasok ng awtor na si Ronnel Vivo ang kanyang opinyon tungkol sa mga kolehiyo na mas negosyo ang pagpapatakbo kaysa bilang isang educational institution, sa talino na kailangan para sa kolehiyo, sa ospital at sa opinyon ng mga doktor.

2. Sina Hesus Magno at Dante Montalban sa kuwentong Imbakero

Tungkol ito sa isang di totoong lugar at panahon na napaka-suryal (Sa Sta. Ana, Patasahay daw pero may allusion ito sa Pasay dahil sa terminong Kubeta Dome, katunog ng Cuneta Astrodome). Lider ng Sta. Ana, Patasahay si Hesus samantalang isa sa mga mamamayan si Dante. Inlab si Dante sa sarili niyang anak na 3 months old na nasa kanyang sinapupunan (oo, lalaki ang nagkakaroon ng sanggol sa sinapupunan sa lugar at panahon ng kuwentong ito), iyon si Evelyn Montalban. Pilit niyang itinatago si Evelyn para hindi makuha ng mga taga-Sta. Ana, Patasahay (sa pangunguna ni Hesus) kasi sa lugar na iyon, ang mga sanggol na babae ay ginagawang pagkain o kaya, ginagawang fuel.

3. Kristal Magdalena sa kuwentong Iglesia ng Red Horse ng mga Disipulo ng Emperador: Ang Gabi ng Pagsamba ni Kristal Magdalena

Si Kristal Magdalena ay isang baso at ang Emperador at Red Horse sa kuwento ay mga alak. Ikinuwento rito kung paanong nabuo ang unang journal. (Hindi sinabi kung anong journal.) Nabuo raw ito sa gitna ng inuman, diskusyones at pagrepaso sa nilalaman ng baybol (ang journal). Nag-umpisa ang kuwento sa pagbubukas ng alak na Emperador. Pinagpasa-pasahan nilang lahat si Kristal habang nag-iinuman ang mga disipulo ng Emperador. Nang maubos ang Emperador ay ang Red Horse naman ang binuksan at ininom. Bago matapos ang inuman at diskusyon, nabasag si Kristal at nagbangayan ang mga nag-iinuman.

4. Organismo sa kuwentong Ilang Eksena sa isang Coca-cola Commercial

Nabanggit na kanina ang detalye ng tauhan sa kuwentong ito.

Ang Paksa ng Pak U

Pagdating naman sa paksa, walang ipinagkaiba ang Pak U Journal sa iba pang koleksiyon na pumapaksa sa realidad ng Pilipinas partikular na ang pamumuhay sa siyudad at urban na lugar.

Pinaksa ang sukdulang kahirapan sa mga kuwentong Catcher, Live Show, at HIN-DOT-COM. Gayundin sa Batang Hamog (kuwento tungkol kay Noel na isang batang kalyeng nagnanakaw), Mga Santo sa Impiyerno (tungkol kay Ambet, isang construction worker na mahilig mag-inom, inis na inis siya sa asawa niyang si Mary Grace at sa nanay nito kasi palasimba sila pero napakapangit naman ng pag-uugali) at A Complex E[soterik]rotik Reality (tungkol sa mag-inang adik, nagtalik sila isang gabing pareho silang may tama ng droga).

Pinaksa rin ng Ungaz Boys ang malalang estado ng edukasyon sa Pilipinas sa kuwentong Room six-o-three kung saan namatay ang isa sa tatlong magkakaibigan dahil sa isang freak accident sa loob mismo ng classroom. May papel na ginampanan ang sira-sirang classroom sa pagkamatay ng estudyante. May ilang komentaryo din ang may akdang si Ronald Vivo, Jr. hinggil sa pagiging komersiyal ng mga kurso at produkto ng unibersidad pati na sa baluktot na proseso ng pagpili ng kurso sa kolehiyo.

Tunghayan ang ilang linya mula sa Room-six-o-three:

1. … dahil mataas daw ang demand sa abroad, malaki raw ang pera sa kursong ‘yon. Pero ‘yon na nga, iniwanan ang ayon sa kanya ay puro kaputanginahan na kursong di naman daw dapat ginagawang kurso.

2. Putangina, nilalangaw madalas ‘yang rotc na ‘yan. Wala halos gustong kumuha. Walang gustong mabilad sa araw, walang gustong magmukhang tanga sa ground habang naka Emilio Aguinaldo hair-cut, sinong may gustong mag-duck walk? S’yempre wala rin namang may gustong gagu-gaguhin ng mga pukinanginang bisakol power tripping officers na ‘yan, na ang bali-balita sa kampus ay mga bobong patapon at hibla na lang ang pag-asang manatili sa loob ng unibersidad dahil mga tirador ng singko. Mga putanginang cocksuckers. Pero ang ending, tinamad akong pumila sa hindot na lts, tangina ang haba e. Sinubukan ko ang cwts pero sarado na raw. Kaya pagtapos ng maghapon, naging ganap na miyembro ako ng minumura kong rotc.

Inilantad din ng may akdang si Christian de Jesus sa Obrang Maestra ang kalagayan ng isang state university at ang kalunos-lunos na karanasan ng mga nag-aaral dito. Love story ito pero nangingibabaw ang daldal at persona ng awtor sa bidang tauhan na si Minyong. Si Minyong, gaya ng napakaraming estudyanteng malikhain at masining ay napupuwersang kumuha ng mga kursong di nila talaga gamay, tulad halimbawa ng accountancy, dahil sa paniniwalang walang pera sa pagpapakadalubhasa sa sining.

Sinuri din ng Pak U Journal ang nananaig na kultura o ang tinatawag nating kulturang popular, sa mga kuwentong HIN-DOT-COM kung saan ipinakita ang pagkaadik ng kabataan (at halos ito na lamang ang laman ng kanilang aspirasyon) sa computer games, Facebook, porn sites at pag-Google para lamang mag-copy-paste ng asignatura, Ilang Eksena sa Isang Coca-Cola Commercial (kung saan may eksena sa isang talk show at iniinterbyu ang organismo, kung ano-ano lang ang itinatanong sa kanya tulad halimbawa ng “What do you prefer? 7 inch? 10 inch or 15 inch?”) at sa Imbakero (paulit-ulit ang eksena ng pakikinig at pagsamba ng mga taga-Patasahay sa kanilang lider na si Hesus Magno). Heto ang deskripsiyon sa isang worship session nila na palagay ko ay alusyon sa mga prayer rally na nagaganap sa malawak na espasyo tulad ng Quirino Grandstand sa Luneta:

1. Awtomatiko ang paghanga ng mga tao, awtomatiko rin nilang pinindot ang sigawan-machine. Hindi kasama ang mga babae sa mga pumindot. Matapos ang tatlong araw, itinuloy ng zone leader ang kanyang talumpati, ang huling bahagi. Sinimulan ng mga tao ang pagkakarga ng baterya sa kanilang mga sigawan-machine.

Sa kuwentong Buhay-Artista, Taping, at mga Gawaing di alam ng Audience, sentro ng kuwento ang showbiz. Ito ay tungkol kina Higor at Kephiyas, mga artistang papalaos na at nang fans day nila, hindi sila pinagkaguluhan. Pagkatapos ng isang taping na binubuo lang naman ng isang napakaikling dialogue ay naglaro ng computer game sina Higor at Kephiyas. Parang isang mahabang joke ang kuwento at patama ito sa absurdity ng showbiz at ng mga taong involved dito.

Iba pang elemento

Ang mga setting ay karaniwan, tulad ng isang internet shop sa binabahang lugar at isang state university, at di pangkaraniwan, tulad ng lugar na Sta. Ana, Patasahay at panahong tinukoy sa kuwentong Ilang Eksena sa Coca-Cola Commercial.

Ang estruktura ng mga kuwento ay may linear at di-linear, may eksperimental at may tradisyonal ngunit sa pangkalahatan ay may pagkatradisyonal pa rin ang Pak U. Kahit ang estruktura ng mismong journal ay tradisyonal.

Makikita sa unang bahagi o beginning ang mga blurb, introduksiyon/babala, Shitlist o talaan ng nilalaman, at pasasalamat. Sa gitna naman o middle ay ang mga akda at sa huling bahagi o end ay ang pagma-market ng ikalawang putok o ang kasunod na issue ng Pak U Journal.

Pagdating naman sa himig: ito ang maririnig sa Journal: himig na nang-uuyam, sentimental o emo sa mas popular na katawagan, kritikal/tumutuligsa sa nananaig na sistema, playful, seryoso, nangangaral/didaktiko at entertaining na bumagay naman sa mga tinalakay na paksa at nakadagdag sa pagiging literary ng buong koleksiyon.

Lahat ng elementong ito ay nakatulong upang makabuo ng collage ng isang third world ang Pak U Journal. At litaw na litaw ang authenticity ng collage na ito. Tatalakayin pa sa ibaba ang ugnayan ng nabuong collage sa produksiyon ng aklat.

Ang Pak U bilang Transgressive fiction

Bagong genre ang transgressive fiction. At ang teorya ko ay kabilang ang Pak U Journal sa genre na ito.

Ayon sa online Oxford Dictionary, ang kahulugan ng transgressive kung iuugnay sa maikling kuwento ay: mga maikling kuwento kung saan ang “orthodox cultural, moral, and artistic boundaries are challenged by the representation of unconventional behavior and the use of experimental forms.” Dito pa lang ay pasado na ang Pak U Journal bilang transgressive fiction.

Idagdag pa ang depinisyon ng Goodreads, ang pinakamalaking site para sa mga mambabasa (16 milyon ang miyembro mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo) at sa mga librong inirerekomenda nila.

Transgressive fiction is a genre of literature that focuses on characters who feel confined by the norms and expectations of society and who use unusual and/or illicit ways to break free of those confines. Because they are rebelling against the basic norms of society, protagonists of transgressional fiction may seem mentally ill, anti-social and/or nihilistic.

The genre deals extensively with taboo subject matters such as drugs, sex, violence, incest, pedophilia, and crime…
Unbound by usual restrictions of taste and literary convention, its proponents claim that transgressional fiction is capable of pungent social commentary …(Akin ang pagsasalungguhit.)

Ang depinisyong ito ay parang check list ng mga may akda ng Pak U!

Namumutiktik sa mga sitwasyong may kinalaman sa droga, sex, karahasan, incest at krimen ang Journal. Kadalasan ding hindi nare-realize ng mga tauhan ng kuwento ang kasamaang hatid ng mga nabanggit sa ginagalawan nilang mundo. Basta’t umiiral lang ang mga ito sa mga kuwento, hindi nag-aadvocate ng pagbabago, hindi humihingi ng pagbabago, minsan nga ay sanhi pa ng pagkakagulo tulad sa kaso ng mga Dante sa kuwentong Live Show, Catcher, Imbakero at A Complex E[soterik]rotik Reality. Si Noel ng kuwentong Batang Hamog ay nagnanakaw ng mamahaling gamit sa mga nakaparadang kotse sa Cubao. Nang mahuli ng mga pulis at dalhin sa presinto, doo’y tinakot-takot naman ito ng isang social worker. Sa dulo, binaril ng isang pulis ang batang si Noel. Tanging ang mambabasa lang ang nakakaalam na ama ni Noel ang pulis na bumaril sa kanya. Sa kuwentong Ilang Eksena sa Isang Coca-cola Commercial, walang awang kinain ng organismo ang lahat ng nasa research facility kung saan siya nakakulong.

Sinasagad din ng Pak U Journal ang cultural at moral boundaries ng mambabasa. Halimbawa na lang ay sa pagbanggit sa mga may kinalaman sa relihiyon. Sa ikalawang pahina pa lang ng aklat, kasunod ng title page, makikita ang pamagat ng blurb ni Mark Angeles: Sabi ni Jeezas, Pak U. Kung hindi matibay ang sikmura ng mambabasa, ay, talaga namang ibababa na nito ang Journal. Ang unang kuwento naman ay may paghahambing sa isang pagpupulong ng mga apostoles ni Hesus. Nabanggit ang mga salitang iglesia, disipulo, baybol, samantala ay Kristal Magdalena naman ang pangalan ng isa sa pangunahing tauhan, isang alusyon kay Mariang Magdalena ng Bibliya. Sa kuwentong Ilang Eksena sa Isang Coca-cola Commercial, mababasa ito:

Hindi malaman kung saan nagmula ang nilalang na ito.
Maraming nagsisulputang ispekulasyon at haka-haka.
Mayroong nagsasabing lumilitaw daw ito sa dulo ng ulo ng tumitigas na tanod ng Panginoon.

Sa kuwentong ito ay walang ibang nabanggit na Panginoon kaya ipinagpapalagay ko na ito ay tumutukoy sa Diyos, sa Diyos ng mga Kristiyano. Hinding-hindi ito isusulat ng bagitong manunulat na takot sa reaksiyon ng mambabasa, lalo’t Kristiyanong mambabasa, hindi ba?

Bagama’t nakakagulat talaga ang ilan sa mga nasa loob ng Journal, makikita naman na may gamit ang lahat ng nakakadiri at pangit na katangian ng mga tauhan at bagay na binanggit. Hindi ito basta pang-gulat factor lamang, lahat ay maingat na nakahabi sa bawat kuwento. Kumbaga sa baraha, walang pantapon.

Astig Freshness

Kung batayang elemento ang pag-uusapan, mukhang babagsak bilang isang eksperimental na akda ang Pak U Journal. Bagama’t may mga di linear na akda ay nangingibabaw pa rin sa kabuuan ang tradisyonal na linear na paraan ng pagkukuwento ng mga piyesa. Bagama’t may mga science fiction na akda, mas marami pa rin ang nakaugat sa realismo at, actually, parang mga apo ng Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes ang ilang mga eksena. Ang mga diyalogo ay puno ng mga pagmumura, anong bago doon? Pakinggan ang mga obrero sa nabanggit na akda ni EMReyes, ganon din silang magsalita. Conversational ang wika, wikang kanto, anong bago doon? Hindi ba’t nagawa na rin ito noon pa ni Jun Cruz Reyes?

Ang anyo at ilang paglalaro sa literal na anyo ng mga kuwento ang medyo bago-bago. Nariyan ang pagpapasok ng Facebook features sa prosa, ang paglalagay ng multiple choice na bigla ay pasasagutan sa mambabasa, ang mala-script na itsura ng sagutan ng ilang tauhan at ang palasak na paggamit at paglalaro sa mga bantas, font, size ng font, pag-all caps at pag-small caps, na mas madalas kong nakakaengkuwentro sa tula, partikular na sa concrete poetry, hindi sa prosa. At marami pang iba.

Palagay ko, ang unique selling point pa naman ng Journal ay ang pagiging astig, eksperimental, fresh at bago. So, pasang-awa nga lang ba ito? As in 50-50?

Hindi.

Dahil kung susuriing maigi ang mga akda, ang paraan ng pagkakabuo ng Journal at ang ginagawang pag-market sa Journal, makokompirma ang tagumpay ng Pak U.

Ang Proseso at Produksiyon

Ayon sa Ungaz Press na nakapanayam ko noong Pebrero 2013 sa pamamagitan ng kanilang Facebook account, graduating sila sa Pateros National High School nang maisip nilang maglabas ng journal. Kaya lamang, hindi ito nag-materialize dahil sa problema sa pera. “Hindi kakulangan sa badyet kundi ‘kawalan’ - wala kami ni pambili ng gulaman at Pillows sa Koop,” ani Ungaz Press.

Ilang ulit pa nilang tinangka na magsama-sama para bumuo ng journal kaya lang ay nahahatak sila ng iba’t ibang problema sa paaralan, sa trabaho, sa kawalan ng trabaho at iba pa. Noong Setyembre 2012, sa wakas ay natuloy ang laging nauudlot na pag-upo ng lahat para sa journal.

Heto ang kuwento ng Ungaz Press:

“Kinausap ni Ronaldo si Danell na gumuhit ng visuals para sa dyornal. Nag-set ng meeting ang grupo sa bahay ni Xtian. Syempre, di p'wedeng walang alak. Dumating lahat. Naro'n din si Erwin na no'ng gabi ring iyon nagpasyang magsusulat ng kuwento. Iyon na nga, habang inuman. Ang dami naming sinasariwang mga gunita, ‘yong mga katarantaduhan namin. ‘Yong mga naisulat namin noon na ngayon ay lubha naming pinandidirihan. Naglabas ng reading materials si Xtian. Nagkaroon ng mga diskusyon na nauwi sa gaguhan, asaran, debate, at pagpapabugso ng dibdib ng bawat isa. Naamoy namin no’ng gabi ring iyon na wala nang makakapigil sa amin.

Nasundan nang nasundan ang mga pulong/inuman/usukan. Nagset kami ng deadline. Kailangan, Nobyembre, mailabas na ang dyornal. Kaya buong Setyembre't Oktubre'y wala kaming ginawa kundi sumulat at magkonsultahan. Una'y 12 na kuwento lang dapat ang ilalabas. Pero dahil nga gutom ang mga Ungaz, umabot ng 17 na kuwento ang laman ng unang issue. Lumapit naman si Ronaldo kina Mark Angeles at Jack Alvarez para magpabasa at manghingi ng kaunting puna/blurb/rebyu. Nagpaunlak naman ang dalawa, salamat sa kanila. At iyon, inedit ni Ronaldo ang mga kuwento; mga typo at pagpili ng mga salita - hanggang sa kabuuang magiging hitsura ng dyornal - simula spacing, insertion, indention, etc.”

Sila ang nag-print, nagtabas ng papel, nagsalansan, nag-assemble at nag-stapler ng bawat kopya. 100% Do-it-yourself ang moda.

Pagsapit ng Nobyembre 2012, ipinost ng Ungaz Boys ang retrato ng Pak U Journal sa Ungaz Facebook page. Nagpa-pre-order sila at nagulat nang sa unang araw, higit sa 20 ang umorder. Pagka may umorder daw ay sinusubukan nilang makipagkita rito para lang maiabot ang kopya ng Pak U.

Sa madaling salita, sila-sila workshop, sila-sila writing/editing/layout/design/art/proofreading at maging sa publishing/marketing/distribution, sila-sila rin.

Third world na third world ang proseso at produksiyong pinagdaanan ng Pak U. Sa proseso at produksiyong ito, damang dama ko ang pinagmumulan ng lahat ng tauhan ng kanilang mga akda. Isa lang ang nag-edit at nag-proofread sa Journal, hindi pa propesyonal, kaya tadtad ng mga typo error at mali-maling grammar at pagbabaybay ang Journal. Halatang hindi dumaan sa standard process at “standards” ng kasalukuyang publishing industry na maaaring ituring na simbolo ng kaalwanan.

Itong pag-Do It Yourself ng mga Ungaz Boys sa kanilang journal ay maaari ding tingnan bilang pag-reject ng mga may akda sa konsepto ng publishing house kung saan kapitalista, therefore may hawak ng kapital, ang publisher, at manggagawa o intellectual worker ang manunulat. Sa ganitong set up, isa lamang instrumento ang manunulat at ang kanyang akda para kumita ang may hawak ng kapital.

Third world na third world din ang itsura ng Journal, ampangit ng printing ng cover, manipis ang papel at may lukot-lukot pa ang ilan, ini-stapler lang ang mga papel na tinupi sa gitna, ang nipis-nipis ng buong journal, ang liliit ng font, halatang siniksik, nagtipid sa space at sa papel. Kaya hindi kagulat-gulat kung ang laman nito ay tungkol sa kahirapan, panggigipit, basura, buhay-kalsada, buhay-looban at iba pa.

Na-incorporate at tumatagos ang mga paksa sa mismong anyo ng Journal!

Hindi ko ito naranasan kailanman sa mga babasahing tumatalakay sa kahirapan, halimbawa nito ay ang Responde ni Norman Wilwayco mula sa Black Pen Publishing na may mga kuwento rin sa kahirapan sa urban setting. Gayundin ang koleksiyon ng mga sanaysay ni Rene Villanueva na Personal na tungkol sa kahirapang pinagdaanan ng may akda at ng kanyang pamilya. Dahil lagi’t lagi, ang mga akdang ganito ay dumadaan sa publisher, kaya maayos na nae-edit at napo-proofread, may binabayarang artist para sa paggawa ng cover, pinapa-imprenta sa malalaking makina at pinupuhunanan talaga para maging ganap na libro. Kaya pagdating sa mambabasa, ayos na ayos ang itsura, at pag binuklat mo ay kakaunti ang duming makikita. Nababasa lamang sa pahina ang pagka-Third World. Hindi nae-experience gaya ng sa Pak U Journal.

Dagdag pa hinggil sa reading experience sa Journal, sa kaso ko, naantala ang pagbasa ko rito dahil nainis ako sa wika, sa liit ng font at pati na sa sandamakmak na typo error at mali-maling grammar at spelling.

Hindi ba’t ito ay isang uri din ng karahasan? Na siyang tampok sa Journal?

Pamagat pa lang, Pak U, nakakadama na ng karahasan ang mambabasa. Parang vine-verbal abuse na siya ng Journal. Sa dami ng typo error at maling grammar at spelling, dagdag pa ang drawing sa front cover (isang fetus na ang daliri ay nakapormang “fuck you”) at sa back cover (halos close up shot ng asong nagtatalik), di maipagkakailang may idinudulot na visual at emotional assault ang Journal sa sensibilidad ng mambabasa.

Ang front cover

Ang back cover



Pati ang tawag ng Ungaz Boys sa mga reader nila, ungas din! Na ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino ay nangangahulugang tunggak. Ang tunggak naman ay (ayon sa nasabing diksiyonaryo) mahina ang ulo o taong nahihirapan umunawa o matagal umunawa. Narito ang baryasyon ng salita: mangmang, tanga, bobo, at iba pa. Mula sa Facebook wall ng Ungaz Press, narito ang caption ng mga retratong nagtatampok sa mga mambabasa ng Pak U:

Ang mga naunang UNGAZ [Guada Groove]
Ang mga humabol na UNGAZ
Ang mga pinagpalang UNGAZ

Kung ang mambabasa ay sinusuyo nang husto ng karaniwang manunulat, iba ang ginagawa ng Ungaz Boys. Ipinapakita ng kanilang Journal na kahit sino ka pa, kahit sino ang mambabasa ay hindi makakatikim ng respeto mula sa kanila, mula sa tulad nilang mga ungas. At iyon ang ugat ng lahat ng uri ng violence, ang kawalan ng respeto sa kapwa. Ito rin ang dahilan ng lahat ng karahasan na naganap sa kanilang mga kuwento.

Ano ang nagawa ng Journal na hindi nagawa ng iba pang babasahin na tumalakay sa karahasan? Na-incorporate nito ang karahasang nagaganap lamang sa mga kuwento sa mga pahina at literal na itinatawid para makarating at maranasan mismo ng mambabasa.

Para ding nagbebenta ng ilegal na droga ang mga Ungaz Boys kapag ibinebenta nila ang Pak U.

Unang-una, mahirap itong hanapin, na maaaring ituring na isa na namang uri ng violence, mental violence to be exact, dahil sa Facebook account nila, ipino-post nila ang mga larawan ng mga taong nakakabili ng kopya. Ang maiisip tuloy ng tutunghay doon, napakadaling makahanap ng Journal.

Pero hindi pala.

Noon, walang makikitang Pak U sa kahit na anong bookstore. Para magkakopya, kailangan talagang makipag-ugnayan sa mismong mga supplier ng Pak U na walang iba kundi ang Ungaz Boys.

Ito ay isang indikasyon ng pagiging non-mainstream ng Journal. Ano pa nga ba ang aasahan sa ganitong uri ng publikasyon na walang masyadong resources para sa distribusyon? Mahahanap lang siya ng mga taong gustong magkakopya. Titiyagain siya ng mga taong gustong magkakopya.

Ibinahagi ng kaklase kong si Ellen Macaranas (na isa ring guro ng Filipino sa Batangas State University) kung paano siyang nakabili ng kopya mula sa Ungaz. Nag-message daw siya sa FB ng Ungaz Press, sumagot naman ito agad at pagkatapos ay nag-text na sila. Consistent na iskor daw ang terminong ginagamit ng kausap niya para tukuyin ang akto ng pagkakaroon/pagbili niya ng Journal.

Sa FB account nila, tinatawag na hide out ang lugar kung saan naka-base ang Ungaz Press. At nang matutuhang mag-consign sa mga bookshop, ginamit ng Ungaz Press ang salitang spot para tukuyin ang tindahan ng aklat kung saan makakabili ng Pak U. (Sa kasalukuyan ay ibinebenta ang Journal sa indie booksellers’ shops: Bookay-Ukay sa Maginhawa St., UP Village at Chapter IX Books and More sa Circle C Mall, 2nd Floor, Congressional Ave., Q.C. Makakabili rin kung kokontak sa FB account ng Ungaz Press.)

Ang mga terminong ito (iskor, hide out, spot) ay kabilang sa slang speak at kadalasang ginagamit sa kalye, at, unfortunately, sa lugar na maraming illegal na droga (na siya ring tampok sa mga kuwento ng Pak U Journal.) Para sa akin, muli, ay tagumpay na napadama ng Pak U ang mga pinapaksa at itinatampok nito sa Journal sa pamamagitan ng proseso ng pag-a-avail ng publiko sa kopya ng kanilang Journal.

Ang ikatlong ruta

So, eksperimental nga ba ang Pak U Journal?

Oo at hindi. Hindi dahil wala naman talagang bago sa mga nais nilang iparating at kung paano ito iparating. Pero oo rin dahil bagong-bago ang pormulang inihain nila: Book production + Treatment sa reader/market + Mga paksa ng sulatin = Bagong karanasan para sa mambabasa.

Dahil dito, napakahalaga ng Pak U at ng mga manunulat nito. Ipinakita nito sa malikhaing paraan ang isang mukha ng literary production sa ating bansa. Maaari pa ngang ituring na kinatawan ang Pak U Journal ng mga aklat na gawang Filipino sa harap ng mga aklat mula sa mas maaalwang bansa: oo, mukhang marungis, pipitsugin, iilang piraso at mahirap mahanap, ngunit hinding-hindi humihingi ng paumanhin sa lantad at napakarami nitong kapintasan. Kapag sinilip ang nilalaman, matutuklasang ito ay lubhang makabuluhan, walang takot at palaban, tapat sa sariling kultura at realidad, may magaslaw na haraya at higit sa lahat, sumasambulat sa katotohanan.

Hindi ba’t ito ay isang matapang na paghawan sa ikatlong ruta tungo sa kasaganaan?

Isinisiwalat ng Pak U Journal at ng Ungaz Boys sa pamamagitan ng libro, sa bago at malikhaing paraan, ang naratibo ng karaniwang Filipino at ang kalagayan ng bayang Pilipinas.


SANGGUNIAN

A. Mga Aklat/Artikulo

Appel, William and Sterrs, Denise, The Truth About Fiction Writing. (CT, USA: Hastings House, 1997).

Legasto, Priscelina Patajo, Literatures from the Margins: Reterritorializing Philippine Literary Studies in Philippine Postcolonial Studies Second Edition, ed. Legasto, Priscelina Patajo and Hidalgo, Cristina Pantoja. (Quezon City: UP Press, 2004).

Mabilangan, Anne Marie L., Approaches to Criticism of Emergent Literature in Philippine Postcolonial Studies Second Edition, ed. Legasto, Priscelina Patajo and Hidalgo, Cristina Pantoja. (Quezon City: UP Press, 2004).

Sargent, Lyman Tower, Contemporary Political Ideologies Fourth Edition. (Illinois, USA: The Dorsey Press, 1978).

B. Panayam

Online na panayam sa Ungaz Press, Pebrero at Abril 2013.

C. Website/internet links

www.facebook.com/ungazpress?fref=ts
www.goodreads.com/genres/transgressive-fiction
www.oxforddictionaries.com

Tuesday, April 9, 2013

Must see sa Baguio: Ben Cab Museum

Napakaganda ng Ben Cab Museum. Busog ka sa arts and culture, busog ka sa sariwang hangin, busog ka sa fresh na pagkain. May restaurant sila doon na nakaharap sa isang well maintained landscaped garden,pond at mini bundok na pag-aari ni National Artist for Literature Ben Cabrera.



si Sir Joey Baquiran yan. pamosong manunulat sa wikang Filipino.





Copyright ng mga larawan: Bebang Siy at isang waitress sa Cafe Ysabel.

Insights sa 52nd UP National Writers Workshop

Kamakailan ay pinalad akong makasali sa 52nd UPNWW na ginanap sa AIM, Igorot Lodge, Camp John Hay, Baguio noong 31 Marso hanggang 7 Abril 2013.

Narito ang ilan sa mga na-take note kong insight, pasensiya na at walang edit-edit yan. as is noong nakikinig ako.

52nd up nww day 2

CC session

-dito ako lumaki pero hindi koi to kilala, parang beloved.

-ayaw na sa akin ng city pero wala na siyang magawa dahil dito na ako nakatira

-yung mga poem ko, act of reconciliation ko with the city

GA

-mimetic kung ang tula ay nakafocus sa human experience

-didactic kung ang tula ay nakafocus sa idea, concept, argument, theory

-every word speaks of other words

-charmaine’s poetry made the silence speak.

-slay the other words to reveal what is unsaid.

-the outward movement in poetry, you get into the world to get real, truth is more impt.

-the poem of cc becomes the readers’ work

-u have a choice, write a mimetic poetry or a didactic one.

-the job of a poet is to get the reader through mimetic poetry or didactic poetry.

-excellent writing= youre the first, youre original

-jose Garcia villa “clean up your lines! clean up your lines!”

-he didn’t like our poems and he made sure that we all knew about it pero bigla siyang naglabas ng doveglion at ininclude nya
ang mga tula namin doon.

-he handled one workshop/class in up and I happened to be there.
-dapat makita rin sa fiction ang unsaid, muted drama, na mas powerful-JCR

-mimetic poetry that tells a story-Neil

-yung mga ganitong tula, about finding a girl, how to get a girl, staying with the girl, significant din yon pero hindi iyon ang entire thing.-cc

-ur language must give pleasure, its new language, that’s poetry-jimmy abad

-parang apostrophe yung mga tula ni cc-ralph galan

-maraming author na mapa-publish sana sa tibok pero nagkaroon ng rule na kailangan ilagay ang real name, maraming nagback out-cc

-may resident reader ako. “o, eto, basahin mo” tapos magko comment siya, at least alam ko nan age-gets pa ako. –cc

-gusto ko makabasa ng mga work na tungkol sa amin, sa akin. Bili ako nang bili ng book, pero there is really dearth dito sa atin-cc

-the poem can only be sensory impression, clear sense of feeling. Di kailangan magkaroon ng story. But the language must recreate the same impression-jimmy abad.

-sa iran, lahat ng importanteng yugto ng buhay ginagawa sa carpet. Meron akong nabasa tungkol sa isang lalaki, nagkakaroon na ng gera, pero di talaga niya pinakakawalan yung carpet nya. So ganito rin ako, this is how I write about home.-cc

-wala sa design sa front ang ganda ng carpet, nasa likod. Kapag di siya uniform, hand woven siya. mas maganda-cc

-yong enjambment makes the reader think. Working out in syntax.-neil

-baka magkakaroon na ng device kung san makakapag-explain na ang author kapag may di maintindihan ang reader sa tula-omeng

-pinatay ng grocery ang mga palengke, kung saan mas matingkad ang human intervention-omeng

-paano mo makikilala ang siyudad kung binubura na ito?-omeng

-napakahistorical ng cebu, pero paano ito nabubura ng city?-omeng

-hindi ko maipasok ang amoy ng palengke sa ingles. The best sana kung sa Cebuano pero di ko makita yung words na may (punches
palm)-cc

-bakit di mo isulat sa conversational Cebuano? Kasi sayang naman ang experience na malapit sa puso mo tapos di mo maisusulat dahil lang sa limitation sa wika-jcr

-yung excitement mo, yung P15 na kilo ng isda, baka mauwi sa pag exoticize ng experience-rt

-how can you make me believe sa sinasabi mo na hindi mo naman pala masyadong kilala? Maganda na may sense of wonder pero kung ganito ang tone ng buong koleksiyon, baka maging tiring-jcr

-paano ba yun? Nasa isip ko lang yung experience? Hintayin ko na lang na gumaling ako sa language na yun? Pero dapat isulat ko na e ngayon na, pero ang pagsulat din kasi ng akda, kelangan bihasa na ako sa wika-jack

-predominantly middle class ang sensibility dahil sa ingles at Filipino na wika-jcr

-kung urban poor, bakit kelangan i-sanitize yung language nila? E di isulat sa urban poor language. Yung mga ladino nga nagawa yan. kaya me ladino lit, si Rolando tinio, ganun dn, di mo malaman kung ingles o Filipino. si bob ong nga, di magaling mag Filipino kaya sumasabit sa akademya, pero nandiyan ang mga akda niya-jcr

-ang writer kasi dapat masatisfy sa language ng akda niya-jimmy

-language itself is already a translation-jimmy

-lahat ng writing ay translation-jimmy

Thomas david chavez session

-anything written from memory is fiction-resil mojares-jcr

-kahit historical ang sinusulat mo, ang concern mo bilang manunulat ay contemporary pa rin.-jcr

-sa fiction, hindi lahat ng pangalan, mahalaga-jcr

-ang historical fiction were written to pose some questions about what is popular in history-cc

-choose one: historiographic fiction or fictionalizing history?-neil

-kung nagma-matter ang facts na nabanggit sa kuwento, ok lang-neil

-ano na ang gagawin mo sa dami ng na-research mo? nanghihinayang kang itapon ang lahat na ito kaya isinasama mo ito sa fiction mo, hindi tuloy nagiging malinaw ang direction na tinutungo ng fiction mo-bien

-yung damdamin, hindi kayang i-provide ng history, kaya tayo nagbabasa ng historical novel –jcr

-brains of a nation, compelling-cc and jimmy

-mas mabilis kumalat ang sakit at mas nahirapan ang katutubo na pagalingin ang mga sarili dahil banyaga ang mga sakit (na
dinala ng mga banyaga sa pilipinas)-omeng

-ang totoong historian ay fictionists-galiano through omeng

-parang pagkain ng tubo, mas marami ang idudura mo kesa sa masisipsip mo-jim libiran

-the events interest you, not the people, not the humanity-bambi

-keep the few facts that can generate narrative-neil

-let the characters move-jim

-history is essentially chismis and the readers are the chismoso-jcr

Ralph galan session

-all the symbols and the predictions in tarot card reading depends on the person whose fate is being read. Yung tao ang frame ng readings. Absent ito sa collection of poetry ni ralph-gabby

-sana may unity ang koleksiyon na puwedeng mag-predict ng future ng makata kasi yun ang ginagawa ng tarot, wag kalimutan ang nature ng tarot na siyang ginamit na springboard for every poem-jcr

-personal journey is being complemented by mythology (which is fixed)-neil

-dapat ang hula mo ay creative din. Process ng tarot reading kasabay ng creative writing process din-omeng

- I used tarot cards as prompts for writing-thomas

-he was able to make the tarot cards his own. Insights are precious in every poem-neil

-poems maganda naman, kung di kakilala ang makata, hindi maiisip na may lgbt/queer na usapin (pareho din sa mga tula ni cc)- emman

-very specific naman ang lahat ng circumstances natin and we dream to be universal-neil

-if its carefully written, it tries to be universal, it’s speaking from the clouds, oracle-like-neil

-nabubuhay ang tarot with a question or a desire-jim

Day 3

Richard gappi session
Na bien

-walang pagpapanggap ang tulang propagandista na ang tula ay sining lamang. Lagi itong may kinikilingan

-makulit ang tulang aktibista dahil nandoon ang layunin na pakilusin ang mambabasa para magkaroon ng pagbabago

-naglabas ang 3/7 ng aklat ng tula bilang pagkilala sa sentenaryo nina botong at maestro-gappi

-mahirap buhayin ang sensibilidad ng kontrabida (kahit sa fiction)-jcr

-sa mga tula ukol sa balangiga, ito ang mga tula ng mga gustong magpa-beatify. Hndi ganyan ang tutulain niya, dapat ang
iniisip nya mabubuhay pa kaya ako pagkatapos nito? sana walang maraming casualty o sana konti lang ang madamay-jcr

-nakatutok sa reader you intend-jimmy

-may public poetry, may private poetry-jimmy

-merong a poem for rally, makulit yan, makibaka kayo, pero meron ding poems na private ang boses-jimmy

-puwedeng i-base ang collection of poems sa expectation ng audience-jimmy

-kadalasan ang tulang aktibista ay on the spot na ginawa kasi kailangan na ng panahon-jim

-ang tulang binibigkas ba ay siya ring dapat na anyo pag ililimbag na? ito ang kadalasang problema ng mga tulang aktibista-bien

-si casiano ang isa sa mga nag-plot. Pinaalis nila ang mga babae at bata at nagdamit babae ang mga lalaki para magmukha silang magsisimba lang at hindi mukhang aatake-omeng

-napakaraming tula na hindi talaga dapat naiiwan lang sa pahina, baka puwedeng may cd-emman

-may link sa youtube ang performances-bebang

-may audience naman si Richard unlike yung iba pang sumusulat ng ganito-rt

-ang mga tula ni Richard na dating taga alay sining ay ginagawa talagang kanta. Mapapakinggan ito sa sound cloud-omeng

-sana may iba pang anyo hindi lang compilation ng papel ang mga akda-jim

-ang laging problema ng mga aktibistang makata: humor. laging galit ang mga tula nila-na bien

Bambi harper session

-if someone can identify in your character, that’s what makes the story real-bambi

-get the stories of old people. this is what we’re losing-bambi

-we don’t have museums or movies to show what we should be proud of, of our history-bambi

-we should have a textile museum, our cottons were much better than egypt’s kaya lang we don’t know that, its part of what we lost.-bambi

-we have a tendency to look at heroes up there in a pedestal. Heroes also went to toilet!-bambi

-when do you put a footnote? What made you decide to put a footnote for this or that?-butch

-ingat sa POV. Minsan, may we. Sinong we? Bakit biglang may we? Nakakadiskaril-butch

-when we write historical fiction, we comment about history din-butch

-yung pagdating ng brits ay ipinakitang spaniards are not invincible-bambi

-with heroes our stories (ng karaniwang tao) don’t shine –bambi

-approach ngayon sa pagsusulat ng kasaysayan, ikuwento ang kuwento ng maliliit na tao-butch

-tell the story then put in the historical event if you want-bambi

-nation is ordinary people-jim

-in the gone of the wind, it’s the black woman who wins-jim

-me corruption pero hindi mo mine-mention ang reaction ng ordinary people-jcr

-lahat ng nobela kahit dark yan, triumph yan, e-jcr

-comedy should be imbedded in the situation. Hindi dapat sa wika. Baka hindi kayanin ng wika-butch

-making of a nation, possible na theme ng works ni bambi-butch

-british invasion exposed the vulnerability of the Spaniards. This info is useful for the ruling class “puwede naman pala, tayo na lang!”-butch

Gabby lee session

Gabby

-teens know when you are just bullshitting them

-sa pagsulat ng YA, research about the voice para authentic ito

-ang works for YA, dapat maiksi, malinaw ang words

-ya fiction, may narrative quest-rt

-teens should know their worth, they’re important. Pero kung magiging hero sila, dapat maunawaan nila na hindi naman ito
tungkol sa kanila kundi tungkol sa kapwa-neil

-surrender your life which is bigger than yourself-neil

-baka hindi naka-ground sa consciousness natin, mythological world natin. U might end up writing a percy Jackson pinoy version-neil

Day 4-lectures sa UP Baguio, insights to follow, wala kasi akong dalang laptop noon, sinulat ko lang lahat sa journal ko yung insights.

Day 5

Jim libiran session

-sa mga susunod na panahon, magkakaroon ng malaking need for content ang multi media mediums

-mas nakakapagsulat ako kapag may deadline, mas nakakapagsulat ako kapag may pambayad ako sa upa. Mas maraming panahon akong
makaka-stay sa apartment ko para makapagsulat, yun lang yun.

-hindi ako producer, nagtitinda ako ng popcorn sa sinehan. Pag tumitingin ako sa script tinitingnan ko kung ito ba ay makakapagpabili ng popcorn (mother lily) ito ba ay makakapag-entertain ng mga tao. Kaya lumabas ang popcorn films

-nakasalalay sa producer kung ang isusulat namin ay gera sa kalinga which is 25m or drama sa kuwarto na 500k lang ang budget.

-dapat i-consider yung ibang paraan ng pag-market ng indie film. Wag na sa sm sine kasi talagang ipu pull out at walang manonood. Iikot sa mga eskuwela-rt

Chuckberry pascual session

-paanong nagse-sex ang mababaho? Ito ang naisulat ni Chuck-jcr

-ipadama pa ang malabon sa mga kuwento-omeng

-I can stare at tragedy in the face, ito ang strength ko that’s why I write about it-chuck

-catharsis parang spiritual process yan, e-jimmy

-give us the malabon of the future (yung mga tao, tinubuan ng gills!) and gay of the future-jim

-may real involvements of emotions-thomas

-i-situate din ang akda sa lgbt’s literary production-omeng

Rommel Rodriguez session

-dagdagan pa ang depth ng character, bigyan ng reason para hulihin/damputin sila-gappi

-minsan nagmamadali tayong ipasok ang ating agenda, nakakalimutan natin ang kuwento-jim

-mas narrative ito. dagdagan ng dramatic moment, i-surface ang drama-jimmy

-puwede mong isulat ito sa iba pang genre like horror, as a matter of exercise-jim

-maraming tula at kuwento sa underground papers noon, di naipon. Sayang naman-rio alma

-wika, description maganda pero may konting comment ako sa detalye, yung biglang pumunta sa bahay, walang pasabi, walang doubt kung dun pa sila nakatira? Bakit ganon? 100% sure na sure siyang nandoon yung family. Maganda rin kung dagdagan ang reaction ng tao na dumating, maganda rin siguro kung maging experimental sa characters sa kuwento-bebang

-pinahihirap natin ang pagsulat-bien

-pero yun naman talaga ang punto ng workshop-rio

-hindi nanalo ang mga political literature writers kasi andiyan pa si enrile. Si kris ang pang-aliw. Ibig sabihin, hindi nagising ang mga tao sa mga isinusulat ng mga political lit writers. Konti lang ang namulat. Si balagtas ay propagandist. Ginamit niya ang mga popular na genre para ilagay ang mga isyu at propaganda. Hindi siya nakapagmulat ng mga kahenerasyon niya. pero pagdating nina rizal, yun na-perceive ng mga tulad niya ang gustong sabihin at mangyari ni balagtas -rio

-gusto natin ng social transformation pero kelangan natin ng ingredients na sasaklot sa masa-rio

-patricio mariano, ildefonso santos, nonoy marcelo (hindi malabon kundi mala-venice!) puro taga malabon-rio

-ang mga problema ng akda na ito ay hindi lang naman sakit ng mga political writing. Present din ito sa iba pang uri ng akda-omeng

Day 6

Emmanuel Velasco session

-maganda at mabagal ang paglakad ng mga salita, mataas ang uri ng pagtitimpi-gappi

-bertud ng hinahon, ito yung mga tulang gusto mong basahin pag mag-isa ka lang, white noise ng kaluluwa-jim

-dinadala niya ang usapin sa mahinahon, dinadala niya sa sariling espasyo-vim

-tahimik, contemplative, spiritual, reflective ang tula, metaphysical poetry, parang mga dasal, pero bukas pa rin sa iba kasi makaka-relate ang mambabasa-rt

-isang eksena pero napakaraming damdamin, maraming layers ng damdamin-joey

JOHN JACK WIGLEY SESSION

-bakit mo kinukuwento ngayon yan sa akin?-butch

-it’s not already about you, it’s about me-butch

-according to mam jing, there’s a remembering self (mature) and the remembered self (bata)-jack

-you will not write a formal essay about friendship-butch

-bat mo babasahin ang memoir ng isang tao? O sige, bakit ka natinga?-chuck

-si bob ong sumulat ng ABNKKBSNPLKO memoir pero lahat ng nakabasa, naka-relate so parang nabubura na si bob ong. Baka pwede namang hindi sequel yung next na book. pag kina cannibalize mo na ang buhay mo para isulat, numinipis. Di na maganda yun-chuck

-it should not always be the pain of the trauma-jimmy

-kahit di ko buhay yan, tumatayo ang balahibo ko kasi kuwento ko pala ito-butch

-ano ang epekto ng memory sa yo? Inano ka? Remembering, you always become a better person-jcr

-kelan pinakamainam sumulat ng memoir? Kasi kapag naisulat mo na, mauubusan ka-jcr

-ang buhay, wala namang full recovery talaga, litaw ang ambivalence nito-rt

-gamitin mong device ang time sa memoir, iangat mo nang maigi ang past and present-jim

-hindi lahat ng insight, epiphanic- thru jim

-pag-isipan if puwede mong isulat na lang ito as fiction, you can do and say more with fiction. Ang talagang paksa ay unrequited love. Hindi first love-charlson

-yung dahan-dahang pagdaloy ng time, dapat sensual ang description hindi kailangan sabihin kung anong taon o anong petsa, ano
ba ang uso noon, anong products-joey

-parang drowing yung naratibo, mape-predict mo na nga-butch

-lahat ng achievement ko sana nakikita ako ng papa ko-vim

-yung pagpunta sa us, parang homecoming. Secondary na lang yung boyfriend-butch

-interaction ng bida sa iba pang characters, mas napapaangat yung drama, nasasabi ang mga bagay na hindi nasasabi, yung pagsasangla ni rov ng radio para magkapera sila. Katutubos ko lang kahapon, sanla na naman today-jcr

-nahuhumanize ang mga tauhan lalo na ang sarili mo-jcr

Legend:

fellows

CC/shane-charmaine carreon
jim-jim diamond libiran
gabby-gabriela alejandra lee
chuck-chuckberry pascual
omeng-rommel rodriguez
richard/gappi-richard gappi
bambi-ana maria harper
thomas/david-thomas david chavez
emman-emmanuel velasco
bebang-bebang siy
ralph-ralph semino galan
jack-john jack wigley

panelists

bien-bienvenido lumbera
rio alma-virgilio almario
jcr-jun cruz reyes
rt-roland tolentino
butch-jose dalisay, jr.
charlson-charlson ong
joey-romulo baquiran, jr.
neil-j. neil garcia
jimmy-gemino abad
vim-vim nadera

na=national artist

alin ang favorite insight ninyo? ilagay sa comment box, game!

Ang copyright ng mga larawan ay kay Beverly W. Siy