Sunday, December 30, 2012

ang magpalaki ng nanay

kumana na naman si tisay.

last year, christmas eve, ginulat ako ng nanay ko. Bandang alas-onse ng gabi, dumating kami sa bahay ng nanay ko sa las pinas, nakapatay ang lahat ng ilaw sa bahay niya. tahimik na tahimik ang loob nito, total opposite sa kaliwa't kanang pagvivideoke at pagpapaputok ng mga kapitbahay namin. mula sa labas, binuksan ko ang bintana ng bahay ni tisay. at nakita ko si iding, naka-fetal position sa upuan sa sala.

ding!

NR, no response.

ding!

NR, no response pa rin.

DING!

naalimpungatan ang pamangkin kong si Iding. nag-angat siya ng mapungay na mukha at nang makilala ako ay agad na binuksan niya ang pinto. pumasok ako bitbit ang lahat ng regalo para sa kanya, sa nanay ko, sa mga kapatid ko't iba pang pamangkin. pumasok din si poy at si ej dala ang iba pa naming gamit.

asan si mami? tanong ko ke iding.

di ko alam, tita, sagot niya. tapos bumalik siya sa upuan at natulog uli.

asan si tisay?

anak ng tisay na patola. wala kaming kaaydi-idea kung asan ang nanay ko samantalang mag-aalas dose na. noche buena na. hindi lang 'yon, walang nakahain sa mesa, ni isang baso ng tubig.

hinintay namin si tisay hanggang 12 pero hindi siya dumating. ginising ko uli si iding at pinagbihis ng pang-alis na damit. kakain na lang kaming apat sa labas. at naglakad na kami sa gitna ng mga putukan sa kalsada ng compound palabas sa may sakayan ng dyip, sa may bamboo organ.

pagkaraan ng ten minutes, nakasakay kami ng dyip papuntang paranaque. sabi ko kung anong madaanan naming kainan, doon na lang kami. kumbaga, wala nang pili-pili. pero i was hoping, at the back of my mind, na sana talaga bukas ang maty's sa may pagkalampas ng san dionisio. tapsilugan yun na 24 hours. matamis ang tapa nila at nakakakilig sa sarap ang sawsawang suka.

pagdaan ng dyip namin sa maty's, sarado pala ito. kaya hindi na kami bumaba. nag-abot kami ng dagdag na bayad hanggang baclaran. kako, siguradong makakakain kami sa baclaran. andaming kainan dun, kabi-kabila.

pero himala nang himala, walang bukas na kainan sa baclaran.

ay! may isa, nag-iisa, bukas 24 oras, walang iba kundi ang chowking, sa may baclaran lrt station side. agad naming pinasok ito at nag-order na kami ng noche buena: mami, siomai, siopao, at value meals na may kanin at ulam. pansin kong napakadumi ng sahig at napakaraming mesang hindi pa nadadaanan ng crew na in charge sa pagba-bus out. siyempre, sino ba naman ang gustong mag-mop at magbasahan nang saktong noche buena time? kaya okey lang 'yon. simbolo naman 'yon ng pagdiriwang ng mga chowking crew sa pagkakasilang kay jesus. i mean, ang magpahinga saglit, kumain nang sabay-sabay, walang ibang iisipin kundi ang mag-happy-happy time.

mga 230 am na kaming nakauwi pagkatapos namin sa chowking. pero wala pa rin si tisay sa bahay pagdating namin.

asan ba siya?

walang makapagsabi.

natulog na lang kami at kinalimutan for the meantime na minsan kaming nagkamagulang.

nagising ako nang marinig na may kumalampag sa gate namin. 4 am na.

aba, si tisay!

san ka galing, ma?

diyan kila glo.

si mami talaga. sugalan yun, e.

hay, sabi niya. pagod na pagod ako. tapos tumalikod na siya sa akin at humiga sa upuang na-vacate ni iding. (pareho silang kasya sa upuang iyon dahil magka-height sila.)

mula nang moment na iyon, ipinangako ko sa sarili, hindi na kami magno-noche buena sa bahay ni tisay. dun na lang kami kina poy, tapos sa umaga ng dec. 25 tsaka na lang kami uuwi kay tisay.

akala ko suwail na talaga akong anak, akala ko kaya ko tong ipinangako ko sa sarili. HINDI PALA. pagdating ng dec. 24, 2012 nag-text ako kay tisay na doon kami magno-noche buena. sa kanya. sa bahay niya. di siya nag-reply baka walang handa. hindi nakapagluto o anuman. me nakahanda na kaming solusyon doon: kami na ang magdadala ng pagkain.

dec 24 ng mga 7 ng gabi, nagliwaliw kami nina poy at ej sa luneta, kumain sa aristocrat pagkatapos. dun na rin kami bumili ng cake at ng mga pagkain para sa noche buena kina tisay. me sinigang na baboy, fish fillet, dalawang order ng chicken barbecue (my favorite!), pansit palabok at chopsuey. yung cake, pinasulatan ko ng dedication: pasko, paksiw, tisay!

pagdating namin sa bahay ni tisay, punong-puno ng teenager ang sala. naglalaro sila sa mga piso net computer na business ni tisay. ang ingay ng kabataan, parang sabungan coliseum ang bahay namin. aba, nagno-noche buena sila sa harap ng mga computer! asan ang mga magulang neto? ba't di sila hinahanap?

doon pa lang, medyo naasiwa na ako, gayumpaman, ayokong ma-bad trip. sayang ang okasyon. krismas naman. masaya kong hinanap si tisay sa mga batang naglalaro sa pisonet.

ayun o.

nakita ko si mami, naka-fetal position sa pinagdikit-dikit na upuan sa may kusina, tulog.

hindi ko na ginising si tisay. mukhang puyat ito sa pagbabantay sa kanyang bagong negosyo.

sinalubong ako ng mga pamangkin ko, si noah at si iding. nakatira sila sa lolo nila sa father side at kaya nasa bahay ni tisay nang gabing iyon ay dahil namamasko sila kay tisay. pinagbantay daw sila ng pisonet para makatulog saglit itong si tisay.

sabi ko sa mga nagpipiso net, 30 minutes na lang kayo ha? kasi kakain sana kami, magno-noche buena, walang magbabantay sa inyo. um-oo naman ang lahat ng batang nagpi-piso net. umakyat na kami sa taas ng bahay para hintaying maubos ang 30 minutes.

after 30 minutes, nagising si tisay. bumaba ako at nakitang nagpapasok pa siya ng mga gustong maglaro sa computer. sabi ko, ma, kain na muna tayo. mamya ka na lang uli magpapasok ng customer.

hindi! sagot niya habang sinesenyasan ang mga teenager na gustong mag-computer.

ma, saglit lang. kakain lang tayo. bumalik na lang sila mamya o bukas.

ano? hindi puwede! sagot niya sa akin.

nakapuwesto na ang tatlong teenager na lalaki sa harap ng mga computer unit.

ano ka ba, ma? di bale sana kung karaniwang araw, e. pasko naman ngayon. kumain na muna tayo. mag-noche buena!

labas na muna kayo. mamya na kayo bumalik! sigaw ko sa mga teenager.

ay naku, beb! hayaan mo sila. ano ka ba? ba't ka nakikialam? alam mong diyan ako kumukuha ng panggastos ko, sa negosyong ito, ba't ka ba nangengelam?

ma naman! saglit ka lang magsasara, kasi kakain tayo, sama-sama.

e di kumain kayo kung gusto ninyo! ba't kelangan isara ang piso net? aber? gawin ninyo ang gusto ninyo! kumain kayo, matulog kayo, ba't kelangan maapektuhan ang piso net? di ko kayo aabalahin. kung gusto ninyo, sa taas pa kayo kumain, e, sagot ni tisay.

sa sobrang inis ko, umakyat ako sa taas. kinausap ko sina ej, iding at poy (naiwan si noah sa baba.) gusto ko nang umalis, ngayon na, sabi ko.

sa'n tayo? tanong ni poy. sa cavite?

mga alas-tres na yun ng madaling araw. kung magca-cavite kami (sa bahay nina poy), mabubulabog ang mga magulang niya, masa-shock pa dahil alanganin ang oras at ang dami naming bitbit na bata. hindi namin maaabisuhan ang parents niya kahit sa text dahil madaling araw na nga. isa pa, wala kaming matutulugan doon.

sa qc na lang tayo. balik kamias, sagot ko.

uuwi rin tayo ng cavite pagkaraan ng ilang oras, paalala ni poy.

oo nga parang magra-round trip kami kung uuwi pa kami ng kamias ngayon tapos tutuloy sa cavite afterwards.

e san tayo?

nang mga puntong ito, bad trip na bad trip pa rin ako sa nanay ko. ano ba 'tong babaeng 'to? inuuna pa ang negosyo kesa pamilya? inuuna pa ang pera kesa sa amin? ba't ba ako nagka-nanay nang ganito? puwede bang magreklamo sa diyos? puwede bang pakibalik na lang ako sa sinapupunan at habambuhay na lang akong walang malay sa ugali ng babaeng ito, na tatawagin kong nanay eventually? e, siya ba talaga ang nanay ko? baka ampon lang ako. okey lang kung ganon, ikatutuwa ko pa. anlayo-layo talaga ng values ng babaeng ito sa values ko, putcha, putcha talaga. pampalubag loob sana kung ibang araw nangyari ang lahat ng 'to, e. tipong hindi december 25.

ang sarap magpasko sa piling ni tisay, walang paulit-ulit na experience, pansin ko lang.

pero bad trip akong lalo sa mga nagco-computer. anlakas pa kamo ng tugtog nila: gangnam style. sakali ngang sundin namin ang payo ni tisay na kumain at matulog that christmas eve, makakatulog kaya kami sa gitna ng tugtog ng mga customer niya?

habang nag-iisip ng escape route para sa aming lima, napa-at home nang kaunti ang likod ko sa kutson ng aming kama. ilang minuto pa, di ko na namalayang nakaidlip na ako. good for me. mabuti raw na nakakaidlip bago magdesisyon ng malalaking bagay. power nap ang tawag dito.

pagdilat ko uli, alas-otso na ng umaga! nakaligo na sina noah, iding at ej. ako na lang ang hinihintay nila. si poy, gising na rin at ready to go na. lahat, gusto nang umalis sa bahay ni tisay.

e, si tisay, asan?

pagbaba ko, andun pa rin siya sa may kusina, tulog, naka-fetal position sa mga upuang pinagdikit-dikit.

naligo ako at nagbihis at nag-ayos ng mga gamit. iniwan namin ang mga regalo para kay mami, sa mga kapatid ko at sa mga pamangkin ko. pinaayos ko rin ang mga pagkain para mas madaling initin pag nagutom si tisay. biglang nagising si mami. o, aalis na kayo?

oo, punta pa kami ng cavite.

o sige, para makapamasko ang mga pamangkin mo. meri krismas na lang. wag mo akong alalahanin dito. maraming nagpupunta rito pag pasko, hindi ako nag-iisa. masaya rito.

hindi ako umimik. panong masaya? e hindi naman niya kaano-ano ang mga "dumadalaw" sa kanya.

kunin mo yung pabango sa taas tsaka mga damit, nakaplastik na. pasalubong sayo yun ni ate my.

nakita ko nga ang mga ito noong nag-aayos kami ng gamit.

akin yun?

oo.

dalhin ko na ngayon, matulin kong sagot. galing din ke ate my iyong pabango sa tokador mo?

oo, bigay niya sa akin. gusto mo 'yon 'no? tanong ni mami.

napangiti ako.

sige, iyo na. pakrismas ko sa yo. hindi naman ako nagpapabango.

kuting ka talaga, sabi ko tapos mabilis akong umakyat. at pagbaba ko, sabi ko, thank you, ma. meri krismas.

oo na, meri krismas kung meri krismas, ang arte mo, beb. alis na nga kayo, marami pang customer na aasikasuhin.








wedding date

ang hirap naman palang pumili nito. e hindi ka puwedeng magplano nang walang petsa.

scrapped na totally ang feb 14, 2014. dahil sa feng shui. di daw maganda ang petsa. at isa pa, dalawa ang four. sa chinese, katunog ng salitang four ang salitang kamatayan.

ang naisip namin, iurong ng 2013 ang petsa. e siyempre, december agad yun dahil ang habang preparation ang kailangan. so dec 2013. at naisip naming maganda ang may number na 8 kaya dec. 28.

kaso yung friend naming si tin, makakasabay namin kapag dec. 28. at saka parang april fools day din daw ang dec. 28. so scrap uli.

ang next kong naisip na petsa: dec. 30. rizal day. siyempre, dahil book ang theme namin, di ba fitting tribute na sa araw ng pinakamahusay na nobelista sa balat ng pilipinas magaganap ang aming kasal?

so dec. 30. hopefully. hindi pa kami nakapagpa-reserve sa church. e meron daw mga simbahan na hindi na nagkakasal after christmas. naku, wag naman sana sa san agustin, ang aming dream church. sana tumatanggap pa rin sila.

lagi kaming naso-short sa pera kasi. di makabuo-buo ng pang-down hahahaha halagang walong libo. ano pa kaya ang pangkasal, 'no? pero may nabuo na kaming plano para maitawid nang matiwasay ang kasal na 'to. so dont worry, folks!

pag nakita n'yo 'ko sa quiapo church, naka-sun glasses, nakatalungko sa bangketa at me lata, alam na.

Saturday, December 29, 2012

2013, HELLo!

noong isang araw ay nagkuwentuhan kami ni mam andrea, cv at ate grace sa may pancake house ortigas, sa ortigas na kasi lilipat ang nbdb at dinalaw namin ang bagong opisina.

nang time na yun ay inis na inis ako sa nanay ko (susulat ako ng separate entry tungkol dito). naikuwento ko kina mam andrea yung mga ginawa niya. tapos tanong sa akin ni mam, ano ang work ng mga kapatid mo?

sabi ko, yung isa po si incha, negosyante sa mindoro. di po yun masyadong matalino pero napaka-streetsmart. very entreprenuerial. nagpapa load po siya sa mindoro. saka po nung unang dating niya doon, pinagkaguluhan siya kasi ang puti puti niya. tanong daw nang tanong sa kanya yung girls doon kung anong ginagamit niyang sabon, e wala naman siyang ginagamit na espesyal na sabon. (miski ang nanay kong tisay ang nickname, walang espesyal na sabon para sa katawan. minsan nga, sabong panlaba pa ang gamit niyan pag nataon na walang-wala, ni pambili ng sabong mabango.) so naisip ni inchang magbenta na lang ng sabon at lotion-lotion. yung sarili niya ang ginawa niyang endorser. si kim ang bumibili sa divisoria at ipinapadala sa mindoro, hati sila sa kita. e talagang andaming bumibili ng sabon at lotion ke incha, andami nilang kita.

yung si kim naman, malas sa trabaho. sa di malamang dahilan ang lagi niyang inaaplayan ay yung entry level: cashier, marketing staff at iba pa. college graduate naman, business admin pa ang course pero iyong mga posisyon na yon ang ina-apply-an niyang lagi. o, ganito kamalas ang batang yan: dalawa na ang nagsarang establishment right after na mapaglingkuran niya o habang naglilingkod pa siya. tipong kaya siya mawawalan ng trabaho e dahil nga magsasara na yung establishment. ang isa ay bing-go na convenience store sa kanto ng kamias at edsa, ang isa naman ay isang japanese restaurant ni leilani enriquez (jowa ni erap) along e. rod. at malapit sa st. lukes. hindi ko naman alam kay kim kung bakit hindi siya nagle-level up kapag nag-a-apply siya ng bagong work samantalang nag-gain na siya ng experience. anyway, nasa vigan si kimkim ngayon. nandoon kasi si erwin at si atom. ngayong december, natanggap daw si kimkim sa puregold vigan at nagsimula na agad na mag-training. office work daw siya this time.

si budang naman, manager ng jollibee sa glorietta. dati siyang manager sa yellow cab kaya lang ang bigat daw nung trabaho dun dahil isa lang ang manager kada shift at kapag uma absent ang kapalit niyang manager, dire diretso ang shift niya. kaya nag-quit na lang siya at lumipat sa jollibee. dun daw kasi ay 7 silang manager kada shift kaya mas magaan daw ang trabaho. (ano raw? di ba kayod bubuyog doon? nahihibang lang ata itong si budang)

si colay naman... wala. nasira talaga buhay nun. di namin alam kung ano ang ginagawa ngayon, kung saan nakatira o kung saan kumakain/nakikikain. pasulpot-sulpot sa bahay ng nanay ko para kumain, makiligo at kumuha ng damit. minsan dala niya si bianca at hihingi ng pera para kay bianca. minsan makikitulog silang dalawa doon. aasarin ang nanay namin. mumura murahin niya si mami. aawayin tapos mapipika naman ito, si mami, na mapagpatol sa katulad ni colay at dahil pareho silang emotionally unstable or aning-aning sa madaling salita, magsisigawan sila at papalayasin si colay. pati si bianca. at aalis naman yung pinapalayas. ganun ang gawain ni colay buong taon, taon-taon.

sabi ni mam after marinig ang mga sagot ko, so ikaw na ang pinaka-financially stable sa inyo?

opo kako. siguro na-shock siya.

a few months ago kasi, nagpaalam ako sa kanya. sabi ko tatapusin ko na lang po ang kontrata ko sa nbdb, till dec. 31 na lang po. nakakapanghinayang, sa totoo lang. ang laki kasi ng suweldo. 27k. net yan! at malapit pa sa bahay namin ang opis. nakakasalamuha ko pa ang mga manunulat at publisher sa trabaho ko.

kaso lang, pagkaraan ng ilang buwan ko sa nbdb, may mga bagay na sa tingin ko ay naiipit dahil sa trabaho ko doon. yung respeto ko sa sarili ko, yung ilang prinsipyo ko, at eventually, yung happiness ko. puwede ka ba namang maging masaya nang tapyas-tapyas ang respeto mo sa sarili at patiwarik ang ilan mong prinsipyo? hindi. hinding-hindi.

at kapag di ka na masaya, kahit milyones pa ang suweldo mo, balewala rin. the best talaga ay umalis, lumipad at dumapo sa bulaklak ng kalachuchi. mabilis akong nag-decide. alam n'yo kung bakit? parang relasyon lang yan. noon, nagtagal ako sa isang relasyon nang halos walong taon. kahit di na ako masaya. dahil...ang dami-dami kong dahilan. pero primarily dahil sa takot. natatakot akong baka di ko kaya. yung sitwasyon na kinasasadlakan ko noon, parang flying house, uprooted at nasa ere. at pakiramdam ko, pag lumabas ako, malalaglag ako. mamamatay ako. e ako lang mag-isa nun. at saka pala si ej. so malalaglag at mamamatay kaming dalawa. ready ba ako? hindi.

kaya naipit ako. yung respeto ko sa sarili ko. saka yung ilan kong prinsipyo. ipit na ipit. sobrang sad ko noon. what to do, what to do? ewan. que sera sera? ewan. kaya tumagal nang halos walong taon. baka nga sumampa pa ng isang dekada kung hindi lang talaga may dumating sa buhay ko na nagpalakas ng loob ko.

si poy.

kaya labs ko yan, e. kasi naging simbolo siya ng hope sa buhay ko that time. sabi ko, susubukan ko lang. try lang. try ko lang na makaalis sa relasyon na to. kasi may poy. kasi paglabas ko ng pinto, kahit napakadilim, kahit wala akong makita, alam ko, may hahawak sa kamay ko, sa kamay namin ni ej. paglabas ng pinto, bubulusok kami from langit to lupa in one second siguro. basag-bungo in one second. pero at least me hahawak sa kamay ko, namin, for a second, at least may comfort.

nilakasan ko loob ko. nakipag-break ako. finally. after almost 8 years!

siyempre iyak ako. iyak siya, si ex. sa sobrang iyak namin, nagduda ako kung tama ba yung gagawin ko. gulo-gulo rin ang isip ni ej. almost 8 years yun. almost 8 years naming mag-ina yun. pagulong-gulong ang mga alaala sa ulo ko. pagulong-gulong din ang mga luha ko. pero tumuloy ako. im sorry, im sorry, kako kay ex, but i just have to do this.

binuksan ko ang pinto saka ako pumikit. bumulusok na kung bumulusok.

paglabas na paglabas ko ng pinto, tangina, me maaapakan naman palang lupa. hindi pala uprooted ang bahay. wala pala sa ere! pagmulat ko, andun si poy. walang dalang parachute o lobo o isang bote ng helium o kahit man lang plastic balloon. wala. pero andun ang mga kapamilya't kaibigan ko, nakangiti, masaya para sa akin. e kaya ko palang lumabas. kaya naman pala namin ni ej. bat ba pinatagal ko pa nang halos walong taon? bakit? anong meron? takot?

kaya nang maramdaman ko ulit ang pagkaipit ng respeto sa sarili at ilang prinsipyo dahil lang sa trabaho, agad akong nag-decide. ang kaligayahan at kapanatagan, hindi pinakakawalan. dapat lagi kang on the go para habulin ang mga 'yan. lalabas uli ako ng pinto kung kinakailangan.

nagpaalam ako kahit di ko alam kung saan ko kukunin ang 27k buwan-buwan na mawawala sa akin. madilim uli sa labas ng bahay, tanaw na tanaw ko, pero di ako natatakot. nagawa ko na 'to noon, magagawa ko uli ngayon. at di na kelangan pang patagalin, utang na loob. six months ang contract ko sa nbdb, (parang service crew sa jollibee i know, pero renewable naman yun, kaya lang pag di ako nagustuhan after 6 months, eventually, tatanggalin din ako. sad.) pero hanggang diyan na lang 'yan.

nang magpaalam ako, tinanong ako ni mam kung ano ang balak ko. sabi ko, gusto ko pong mag-aral. tatapusin ko na ang masters ko. totoo naman. sampung taon ko na itong binubuno ay nako. overstaying na. baka madeport na nang tuluyan.

yun lang ang tinanong niya. anyway, so paano nga yung pera, yung source of income di ba? ang totoo, hindi ko alam. wala akong plano. ito yung darkness sa labas ng bahay. pero may munti akong parachute this time, sakali ngang uprooted naman pala itong kinasadlakan kong bahay. may konti akong savings. ang naiisip ko, ito ang gagamitin namin habang tinatapos ko ang pag-aaral ko, plus raket-raket, pantawid-gutom din ang mga yon.

kaya financially stable? hindi a. baka nga mas financially stable pa si incha. maraming pera yun dahil mas magaling siyang mag ipon.

ngayong 2013, i am expecting magiging crunch time ito para sa amin nina poy at ej. ikakasal pa naman kami ni poy. hay. iba na kasi ang hell ngayon. mobile na, tipong ikaw ang dadalawin. o, e, ano naman? para hell lang, hello? i've been there, anyway.

kaya hoy, 2013, hell ka man o ano, walang natatakot sayo dito, oy. bring it on, keep your fire burning.

Thursday, December 27, 2012

isang araw, sa cubao

niyaya kong maglakad-lakad si poy sa cubao, isang umaga ng linggo. heto ang aming nakita:



halina't mamasyal sa cubao!

Copyright ng photos: Ronald Verzo.



Hindi copyright, pero usapin pa rin ng karapatan ng manunulat

  Minsan, hindi talaga usapin ng copyright ang isang bagay. Ito ay recently kong naengkuwentro. Si Kyla ay na-meet ko sa isang writers works...