Tuesday, January 17, 2012

9th National Youth Parliament happening this 2012!





9th National Youth Parliament happening this 2012!
Watch out for more details coming out in the next few days!
Check out the latest updates on www.nyc.gov.ph!

Monday, January 16, 2012

Magkano ang trabaho mo, Writer?

Dear Employer/Client,

Hindi ka agad mabibigyan ng presyo para sa trabahong pinagagawa mo. Kasi po napakaraming dapat i-consider. Nasa baba ang ilan lamang dito:


deadline (or amount of time ng pagtatrabaho)

hirap o dali ng output according to the writer's skills

purpose ng book (for commercial ba or what) kung commercial, magkano
ba ibebenta ang book, ilang kopya ba ang ilalabas? san ilalabas, sino
ba ang market?

kakayanan ng nagpapa ghost write na magbayad

copyright (sino ang magiging copyright owner)

amount of research

logistics (may kailangan bang interbyuhin etc? kailangan bang magtravel?)

danger/hazards (may war ba sa lugar kung san ka magre-research etc etc)

Kaya 'wag po kayong mainip kapag hindi agad makapagbigay ng presyo ang tinanong ninyong writer. Malamang ay nagsasagawa na siya nang paunang research tungkol sa ipapatrabaho ninyo. 'Wag din sana kayong maging kuripot. Nakakainsulto kapag tinatawaran ninyo ang presyong ibinibigay ng manunulat. Lalong-lalo na, kung sagad ang pagtawad ninyo.

Tulad ng sinabi ko, maraming ikino-consider kapag nagbibigay siya ng presyo.

Mahirap po ang pagsusulat. Kaya nga po ninyo ito ipinagagawa sa iba at sa pinagkakatiwalaan ninyo. Kaya nga maingat po kayong namimili ng manunulat para maging maganda ang output ninyo.

Ang intellectual work, bagama't di natin nakikita kung gaano karaming batya ng pawis ang tutulo para dito, ay work pa rin. May mga karapatan pa rin bilang worker ang taong hina-hire ninyo. Sana ay 'wag nating kalimutang respetuhin ang mga ito.

Kung may mga nais kang klaruhin, i-approach agad ang writer. Mas maganda rin kung sasabihin mong hindi mo kukunin ang kanyang serbisyo para naman may closure ang pag-aalok mo ng trabaho. Puwede ka ring humingi ng referral sa writer kasi siguradong may kakilala 'yan na maaari mong mahingian pa ng sari-sariling presyo para sa trabahong inaalok mo.

Thank you, ha? Thank you sa pagbasa nito.

Sincerely,
Bebang

Wednesday, January 11, 2012

ang bagong daan

Muntikan na akong mag-resign last year. Hindi ko na iisa-isahin ang mga hassle dito pero ang isa sa mabigat kong problema ay ang biyahe papuntang trabaho.

Kung magdyi-dyip, bus, dyip ako mula bahay hanggang opisina, aabot ito nang halos dalawang oras. Papunta at pauwi. Mantakin ninyo naman na halos apat na oras ang natatanggal sa araw ko sa biyahe pa lang.

Nakakapagod ang paraan na ito kasi napakaraming sasakyan sa kalsada. Nakakapagod tingnan ang mga ito. Papunta pa lang ng EDSA, pila-pila na ang dyip kasi nagkakatrapik sa mismong kanto ng EDSA at ng Kamias. Nagbababaan kasi ang mga pasahero doon na papuntang EDSA. At nagsisisakayan naman ang mga papuntang Quiapo at Welcome Rotonda.

Pagkatapos ay lilipat ako sa ordinary bus na papuntang South. Kahit anong bus basta pa-South ay dumadaan sa Boni MRT. May mga bus na maluwag at siyempre, ito ang pinipili ko. Hindi ako nag-e-aircon dahil naghihintay ng pasahero ang mga aircon na bus sa may Farmers Cubao, Robinson's Ortigas at Megamall Crossing. Aabot ng 2.5 hours ang biyahe, one way, kapag nag-aircon ako na bus.

Hindi man siksikan sa loob ng ordinary na bus ay nakakapagod pa rin ito dahil sa air and noise pollution. Nakakapagod tumingin sa walang katapusang mga sasakyan at sa mga nagmamadaling tao along EDSA. Hindi naman puwedeng pumikit at matulog dahil alanganing malayo, malapit ang Boni MRT mula sa Kamias.

Kung magdyi-dyip, MRT, dyip ako mula bahay hanggang opisina, aabot ito nang isa't kalahating oras. Kasama na rito ang paghihintay ng maluwag-luwag na tren ng MRT dahil rush hour, one over one hundred ang tsansang makasakay sa maluwag na tren. Bagama't mas matipid ang oras sa paraan na ito, bugbog naman ang katawan ko dahil perpetuwal na masikip sa MRT. Minsan nga, natatakot ako na baka ibang boobs na pala ang nakadikit sa akin o di kaya ay ibang pisngi na ng puwet ang nakapaskil sa tumbong ko sa sobrang siksikan sa loob ng tren. Kung nagkakapalit ng kaluluwa, malamang iba na ang itong nagba-blog ngayon. Hindi na ako.

Nakakapagod ang makipagbungguan, makipaglaban para sa espasyo. Ang mga babae, biglang nagiging fierce. Halimaw in smart office attire. May naniniko, nanunuhod, nambabangga, nanunulak, nanunundot, nambabalya, nambubulyaw. Di naman ako makareklamo dahil sila ay katulad ko lang din na naghahabol ng oras. Trabaho ang ipinaglalaban nila. Hanapbuhay.

Dahil dito, I started to dread going to the office.

Nag-isip ako ng solusyon. There must be another way to get there.

E, bakit ba ako, EDSA nang EDSA o MRT nang MRT? Meron namang Aurora Blvd. at LRT 2?

First working day ng 2012, sinubukan ko ang rutang Kamias-Anonas-Anonas LRT-Pureza LRT-Pureza-Stop & Shop-Boni. Mas maraming sakay at mas magastos pero pansin kong mas maginhawa. At ibang-iba ang atmosphere sa LRT2.

Mula sa Kamias ay nagdyip ako hanggang Anonas. Pagdating doon ay sumakay ako ng tren sa Anonas LRT 2 Station. Bumaba ako sa Pureza LRT 2 Station at sumakay uli ng dyip na papuntang Stop & Shop. Pagbaba ko doon, lumipat ako ng dyip na pa-Boni. Ang baba ko ay sa kanto na ng opisina namin.

Maiikli lang ang jeepney rides. Iyong galing ng Stop & Shop to Boni lang ang mahaba, tipong 15 to 20 minutes. Pero the rest ay 5-10 minutes lang. Hindi rin siksikan sa dyip kasi:

1. 'yong papuntang Anonas na dyip ay papunta na sa terminal. Halos naihatid na ni Manong Drayber ang mga pasahero niya by the time na makasakay ako.

2. 'yong Pureza to Stop & Shop na dyip, ganon din, papunta na sa terminal. Kaya wala nang masyadong tao. Actually, nagkakatao na lang uli sa Pureza LRT 2 Station kasi nagkakapasahero pa si Manong dahil sa mga tulad kong papunta ng Stop & Shop.

3. 'yong Stop and Shop to Boni na dyip naman ay usually wala pang pasahero. Kasi kaiikot lang nito sa boundary niya sa may Altura. Madalas ngang ako ang buena manong pasahero ni Manong Drayber sa ruta niyang pa-Boni.

Tuesday, January 3, 2012

Tagahawak ng Ari

ni Beverly W. Siy para sa KAPIKULPI

May assignment ako sa opisina namin. Sa Filipinas Copyright Licensing Society o FILCOLS ako naglilingkod. Ako ang Executive Officer for Membership and Documentation. Ang assignment ko ay mag-recruit ng mga writer at publisher para sa aming organisasyon na itinatag para makatulong sa pagtatanggol ng mga copyright holder. Buong 2011 ay recruit ako nang recruit ng mga writer na nakikilala ko. Pati siyempre publishers. Sa pagtatapos ng taon ay higit sa tatlong daan ang naging total number ng aming members.

Pero hindi raw ito sapat kung ang pagbabatayan ay ang datos mula sa aming funder. Mayroon daw 70,000 rights holders o mga tagahawak ng ari sa Pilipinas. Ang tinutukoy na rights holders ay walang iba kundi ang mga may hawak ng copyright o karapatang-ari ng mga akda.

Beybing-beybi ang creative industries ng Pilipinas bagama’t noon pa man ay talentado na tayo sa larangan ng sining. Binubuo ng advertising, architecture, art, crafts, design, fashion, film, music, performing arts, publishing, R&D, software, toys and games, TV and radio, and video games ang creative industries. Hindi ito priority ng gobyerno kaya’t may kaliitan ang budget ng National Commission for Culture and the Arts at ng iba pang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa paglikha.

Usapin ito ng numbers. Kung alam lang ng gobyerno kung gaano kalaki ang kita na naipapasok ng nabanggit na industriya sa pitaka ng bansa at kung gaano karami ang trabahong nage-generate nito, siguradong gagawin itong isa sa mga priority. Hindi na kailangan ng matinding training, likas na malikhain ang mga Pinoy. At di nagpapahuli ang mga dalubhasa natin sa sining. Hindi ako maglilista ng kahit anong pangalan. Google lang, lalabas na silang lahat.

Speaking of numbers, saan nakuha ang detalyeng may 70,000 na rights holders sa bansa? Anong study ang nagpapatunay nito? Sino ang nag-conduct ng study? Kailan ginawa ang study? Paano ginawa?

Kung outsider ang gumawa ng study, hindi ito kasing-accurate ng gawa ng sa insider. Kung galing sa publishing industry ang gumawa ng study, hindi kaya puro writers at publishers lang ang kabilang sa 70,000? Kung visual artists naman, hindi kaya puro visual artists lang ang kabilang doon? Anong taon ginawa ang study? Last year? Five years ago? Ten years ago? Hindi kaya nagbago na ang number ng rights holders kung luma na ang study? Paano ito ginawa? Sinuyod ba ang mga university at binilang kung ilan ang writers na kupkop nito? Sinuyod ba ang mga writers’ and publishers’ organization? Kakaunti ito, kung ito ang pagbabatayan. Sumangguni ba sa National Book Development Board? Ngunit kakaunti ang kanilang registrants. Para sa 2011, wala pang isandaan ang kanilang registrant na manunulat. Sumangguni ba sa copyright registration list ng National Library of the Philippines? Kung oo, hindi ito accurate. Hindi naman requirement ang magpa-copyright registration. At isa pa, kahit hindi pa published ang isang akda ay puwedeng makapagpa-copyright registration. Ang sakop ng FILCOLS, ang sakop ng mandate namin ay iyon lamang mga published work. Kaya ano ang kahulugan ng rights holders sa datos na mula sa foreign funder? Rights holders ba na may published work na o rights holders na nagpa-copyright registration pero unpublished pa ang akda?

Marami akong tanong dahil walang mapagbasehan ng numbers o statistics tungkol sa aspect na ito sa creative industries. Pinaka-basic na datos pa lang ang kailangan ng mga gustong kumilos para sa industriyang ito, wala nang matagpuan, paano pa kaya ang mga komplikadong datos?

Gaano nga ba karami ang mga manlilikha ng ating bansa? At kapag natukoy kung ilan at kung sino-sino sila, malalaman natin kung ano-ano at gaano karami ang kanilang mga likha. Malalaman din kung gaano kaaktibo ang industriyang ito at kung gaano ito ka-significant sa ekonomiya natin. Kapag nalaman natin kung gaano ito ka-significant, makakagawa tayo ng hakbang para mas mapatatag pa ito. Makakagawa ng mga paraan para mas mapasigla pa ito at para makapanghikayat pa ng mas maraming tao na pumasok sa industriyang ito. Kapag masigla ito, mas malaki ang kita lalo na ng gobyerno. Definitely everybody happy. Unang-una na ako.

Haha. Makasarili pala!

Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email kay beverlysiy@gmail.com.