Monday, June 27, 2011

Mga natutuhan ko sa Palihang Rogelio Sikat

ang itinala ko lang dito ay 'yong mga natutuhan ko bilang bahagi ng staff. siyempre bilang manunulat at tagapakinig sa mga kapwa manunulat, andami-dami ko pang natutuhan! o, basa na!


1. Mas okey kung definite ang outlet ng mga press release before and after the event. At mas okey din kung definite kung sino-sino ang mga susulat.
2. Kung hihingi ng pera, agahan para kapag may tumangging magbigay, makakahingi pa sa iba sa lalong madaling panahon.
3. Natuwa ako sa fire dance, sanghiyang at pagpasyal sa iba’t ibang historical site sa Cavite. Magandang may cultural immersion na nakapaloob sa programa ng PRS.
4. Magandang makipag-tie up nang maaga sa mga local at cultural organization or group ng lugar kung saan idadaos ang PRS para mapaghandaan pa ang mga presentasyon at trip.
5. Medyo napagod ako sa sked. Mas okey kung hahabaan pa nang konti ang oras para sa pahinga at socialization (in short, kuwentuhan lang ng mga wala lang na bagay).
6. Mas okey kung one is to one ang assignment ng staff sa bawat speaker o guest o sponsor. Para kapag may gustong malaman ang teaching staff o kapwa staff tungkol sa particular na speaker o guest o sponsor, pangalan ng isang staff lang ang lulutang kasi siya ang nakatoka doon. Para din maiwasan ang lituhan sa kung sino ang kokontak kanino.
7. Agahan ang pag-iimbita sa speakers at guests at iba pa at awayin sila kapag nag-back out sa last minute.
8. Nakakatuwa na may natututong ibang tao habang natututo ang fellows. I-request sa local org/group na mag-imbita sila ng local writers, students, teachers para mag-observe sa PRS. Bigyan sila ng certificate bilang pasasalamat sa pagdalo o paglahok.
9. Mas maganda ang kit kung ma-minimize pa natin ang typo errors nito. Sana ay may editor ang kit.
10. Magandang dagdagan ng directory ang kit (kasama ang lahat, fellows, panel, staff atbp.) Ito ay para mapadali ang pakikipagkomunikasyon ng lahat sa isa’t isa at for future references na rin.
11. Mag-assign ng tao sa video documentation. Wala siyang ibang gagawin sa PRS kundi ang mag-video.
12. Mag-assign ng tao para sa written documentation. Siya ang taga-note ng mga sinasabi ng mga tao sa bawat akda. Puwede itong materyales para sa isang libro.
13. Mas masaya kung may feedback mechanism para malaman kung ano naman ang mga komento at mungkahi ng mga fellow.
14. Alalahanin ang pagbibitbit ng 1st aid kit sa bawat PRS. Huwag din kalimutan ang Bonamine.
15. Kung gustong magka-t-shirt, agahan ang design, shopping at production para mataas ang kalidad ng shirt at printing nito.
16. Kung gustong mamigay ng aklat, agahan ang pag-solicit para maaga ring malagyan ng tag ang bawat libro.
17. Paalalahanan ang bawat sponsor na 15-20 minutos ang ibibigay para sa kanilang talk.
18. Mas maganda kung ang petsa ng PRS ay malipat sa petsang hindi pa maulan.
19. Mas maganda kung maa-update ang website from time to time. Sana ay mayroong nakatokang manunulat dito.
20. Pilipitin ang mga braso ng mga fellow na hindi nagsasalita. Biro lang. I-encourage ang sinumang bihirang magsalita. Gawin ito after ng unang session pa lang.
21. Mas maganda kung hindi akyat-baba ang mga tao sa pagpunta sa venue ng palihan at sa venue ng tulugan. Horizontal na lang ang movement ng lahat, ‘wag na vertical at nakakahingal talaga.
22. Gumawa ng toblerone para sa mga in charge mula sa local org/group. Pati na rin ang staff kasi hindi nila mapigilan ang hindi mag-comment, e. hahaha

Ito po muna. Mabuhay ang lahat ng nagtaguyod sa palihang ito!

Padayon!

Friday, June 10, 2011

Astrocamp 2011: Isang Gabing Puno ng Bituin






Astrocamp 2011: Isang Gabing Puno ng Bituin
ni Bebang Siy

Hindi na planeta ang Pluto. Alam mo ba kung bakit?

Puwede mong makita ang Venus at Mars nang walang telescope. Alam mo ba kung kailan at paano?

Sasabihin ko sa’ yo basta’t basahin mo hanggang dulo ang article na ‘to.

Noong 21 May 2011, nag-overnight kami ng pamilya ko sa SM Mall of Asia Complex, Pasay City. Bawal talagang mag-overnight doon pero dahil participants kami ng Astrocamp 2011, hindi kami sinita ng mga guwardiya. Pahila-hilata pa nga kami sa SM By the Bay nang hatinggabi.

Inorganisa ng Nido Fortified Science Discovery Center, Astrocamp Observatory Services at SM Mall of Asia ang Astrocamp 2011. Ilang estudyante, guro, pamilya, mga kapwa manunulat at naglilingkod sa media ang nakasama namin buong gabi at magdamag. Alas-nuwebe nag-umpisa ang programa.

Dumating din ang boss kong si Alvin Buenaventura, ang Executive Director ng Filipinas Copyright Licensing Society. At dahil maaga kami nang ilang minuto, namasyal at nagparetrato muna kami sa harap ng matangkad na spaceship. Klik!

Nag-operate din kami ng mga robot na kamukha ng remote controlled na mga laruang kotse.

...nagbasa ng tidbits information tungkol sa coral reef ng Pilipinas.

...naglaro sa harap ng isang pader kasama ang aming mga anino. May anino doon ng tigre. Hahabulin nito ang mga anino namin kung hindi kami titigil sa paggalaw.

Naka-engkuwentro din namin ang isang makinang kasinlapad ng mesang pang-apat. May apat na tubo doon na nagbibigay ng iba’t ibang amoy. Amoy ng bibig, pawisang kilikili at paa at utot. Ek! Kadiri talaga. Pero doon ako pinaka-nag-enjoy. Kasi tawa ako nang tawa habang hinuhulaan ko kung saang bahagi ng katawan galing ang amoy mula sa iba't ibang tubo. Andami ko tuloy nalanghap! Siyempre pag tatawa ka, bukas ilong, bibig, ngalangala. Gulp. Gulp. Gulp.

Pagkatapos naming mamasyal, pumasok na kami sa Planetarium para manood ng audio-visual presentation. Tungkol 'yon sa pagsisimula ng ating uniberso. Anong sinabi ng latest 3D na pelikula? Wala. Daig. Sa AVP na ito, pakiramdam ko, nasa tapat lang ng mukha ko ang buong kalangitan, with the stars and the moon and all the pimples of the universe. Nakakamangha. Pabilog ang screen at sakop nito ang buong dome. Naihihiga nang kaunti ang soft –covered na upuan. Komportable talaga.

Kapag umaandar ang camera paimbulog sa pusod ng kalangitan, para na rin akong lumilipad. Pinigilan ko na lang ang sarili kong pumalakpak at sumigaw ng weeeeeeeeeeeee. Kasi may hawak akong libreng meryenda: inumin at elongated na patatas. Baka matapon. Masasayang naman, di ba?

Nagbigay si Armando Lee ng maikling lecture tungkol sa mga equipment na ginagamit sa star gazing. Si G. Lee ay isang doktor. Siya rin ang kauna-unahang Pinoy na may masteral degree sa astronomy. Reflector, refractor at compound daw ang tawag sa mga telescope. Ang ipinagkaiba nila sa isa’t isa ay ang laki, haba at siyempre, ang presyo. Pinakamahal daw ang compound telescope. Nasa P 250,000-300,000 ang isa. In short, kailangan naming mag-ingat kapag ginagamit namin ang mga ito at kapag malapit kami rito. Baka nga naman bigla namin itong matabig o di kaya ay biglang maitulak. Patay. Langit. Lupa. Impiyerno.

Moving on, ipinakilala rin ni Dr. Lee ang kanilang organisasyon (meron palang ganito), ang Astrocamp Observatory Services at ang mga kasama niyang mahilig din sa astronomy. Sila ang nag-assist sa amin buong gabi.

Dahil tadtad ng ulap ang langit, kailangan naming maghintay na umaliwalas ito bago kami lumabas ng mall. kaya nag-stay pa kami sa Planetarium. Nag-lecture ang expert na si Bernie Esporlas.

Andami kong natutuhan. Ang langit daw ay nahahati sa dalawa. May isang mahaaaaaaaaaabang guhit sa gitna. Kaya nagkaroon ng kaliwang pisngi at kanang pisngi ang langit. Ang tawag sa linya ay meridiem. Kapag nasa kaliwa ng meridiem ang araw, ito ay ante-meridiem. In short, a.m. at kapag nakatawid na sa gitna ang araw, ito ay post-meridiem na. Yes, p.m. Nakasalalay pala sa linyang ito ang pagkakahati ng one full day natin.

At sabi pa ni Bernie, isang telescope ang naimbento kamakailan lang. Napaka-powerful nito. Sa pamamagitan nito, nakita ng mga astronomer ang mga heavenly body na malapit sa Pluto. Initially, tinawag nilang planet ang mga bagay na natagpuan malapit sa Pluto. Ito ang naging usapan ng mga astronomer at expert noon:

“Planet.”

“Bakit planet?”

“Kasi mas malaki ito sa Pluto.”

May mga umalma, “Kahit na anong mukhang planeta na mas malaki sa Pluto ay karapat-dapat nang tawaging planeta?”

“Ay, hindi,” sagot ng iba.

"Therefore, hindi dapat size ang maging batayan para tawaging planeta ang isang heavenly body na mukhang planeta."

Ayun, naisalang tuloy ang identity ng Pluto. Baka nga hindi naman ito talaga dapat tawaging planeta at all, sabi ng iba. Pagkatapos ng marami at mahahabang debate ng mga eksperto, na-demote na nga ito. Isa na itong dwarf planet.

Ipinakita rin ni Bernie kung paano nalalaman ng astronomers na ang bituin na ‘to ay hindi ang bituin na ‘yon. At ito ang pangalan nito at ‘yon ang pangalan niyon. Pagpindot niya sa LCD projector, lumabas ang linya, mga guhit at kahon against the kalangitan.

Aba, mapa!

Tulad ng kahit na anong lugar na pinag-aaralan, maging ang langit ay may mapa rin. Kaya pala nalalaman ng astronomers kung aling stars ang nasa north, east, west at south. At natatandaan nila ang mga ito. Binibigyan pa ng pangalan ang bawat isa. At kapag may mga bituin na konektado sa isa’t isa, may pangalan din ang koneksiyong ito. Parang komunidad o organisasyon ng stars. Ang tawag dito ay constellation.

Bago mag-alas-dose ay lumabas kami ng mall para daw makasilip na kami sa telescope. Excited kaming lahat siyempre. Pumila kami agad. At pagsilip ko sa telescope, compound telescope ito, mind you, the most expensive one, nakakita ako ng ...hold your breath… sign. Sign ng Padi’s Point. ‘Yong bar. Tugs…tugs…tugs…

Tine-testing pa lang pala namin ang mga telescope. Maulap pa rin kasi. Kahit daw itutok sa langit, wala kaming makikita. Sa mga bar na lang itinutok ang mga telescope.

Tugs…tugs…tugs…

Nagmeryenda na lang muna kami at bumalik sa Planetarium para makinig ng ilan pang detalye hinggil sa uniberso. Gabing-gabi na pero hindi talaga nagpatalo sa antok ang mga participant. Nakakatuwa rin ang host kasi lagi siyang nagtatanong. Parang on the spot na quiz. At ang makakasagot ay may premyo: tickets sa isang espesyal na palabas sa MOA, Krispy Kreme na gift checks at marami pang iba.

“Ano ang pangalan ng star na ito na bahagi ng constellation ng Orion? Pamagat din ito ng pelikula noong 1980’s starring Michael Keaton, Wynona Ryder at iba pa.”

Binuklat ko agad ang kopya ko ng Jewels of the Night, isang guide para sa mga beginner na tulad ko (ipinamigay ito sa lahat ng participant). Hinanap ko ang mga star ng Orion at nakita ko ang isa, weird ang pangalan niya: Betelgeuse. Naalala ko tuloy ang weird ding pelikula na may pamagat na weird: Beetlejuice. Na napanood ko noong bata at weird pa ako. 1980’s ‘yon. At ang mga bida ay sina…

Kaya napatakbo na ako sa stage para sumagot ng BETELGEUSE.

Nanalo ako ng Storyland gift checks. Dahil sa tuwa, nanlaki ang mga mata ko, ga-buwan. Weird.

Ganon lang lumipas ang gabi: tawanan, quiz at excitement pero kutitap nang kutitap ang mga impormasyon. Isang batang lalaki ang nagningning dahil halos lahat ng tanong ay nasasagot niya. Siya si Patrick, future astronomist.

Di nagtagal ay pinalabas na kami ng mall. Sa SM By the Bay na daw namin hihintayin ang pag-aliwalas ng langit. Nanood muna kami doon ng audio-visual presentation ng mga retrato na kinunan mula pa noong 9:00 p.m. Post-meridiem.

Maya-maya pa ay pinasilip na sa amin (through telescope) ang buwan. Ang lapit-lapit. Parang isang braso lang ang layo. Kasinlaki siya ng plato at marami siyang butas. Pero ang ganda niya dahil sa liwanag. Ganon pala ang effect ng liwanag. Kinunan namin ng retrato ang buwan sa pamamagitan ng telescope. Souvenir. Sabi ko pa, smile, Moon!

Mula noon ay nagpatalon-talon kami sa mga telescope na nakapuwesto sa iba’t ibang bahagi ng SM By the Bay. Iba’t ibang bituin at planeta pa ang nakita namin nang mas malinaw. Ang ibang bituin pala ay may kulay: pink, green, blue. At ang nakakatawa rito, nandiyan lang pala ang mga ‘yan. Madalas ay hindi na natin sila napapansin kasi masyadong maliwanag sa kinatatayuan natin. Ang stars pala ay katulad din ng mga solusyon sa problema. Minsan, nariyan na pala, directly above you, hindi lang natin napapansin kasi nabubulag tayo ng nasa paligid natin.

Tuwang-tuwa rin akong makahawak ng meteorite. Sa tabi ng sound system, nandoon si Dr. Lee at ang meteorites exhibit. Nasa special na kahon na ilang bahagi ng meteorite. Itim na itim, parang puwit ng kaldero. May pangalan pa ang mga ito, hindi ko na lang maalala ngayon. (Sayang. Dapat talaga, mag-small notebook na ako.)

Sabi ni Dr. Lee, mag-wish daw kami kasi baka magkakatotoo. Sabagay, bahagi ito noon ng bulalakaw. Di ba, nagwi-wish tayo kapag may falling star? Falling star= bulalakaw= meteorite. Kaya magkahawak-kamay kaming nag-wish ni Ronald habang bitbit ang kapiraso ng meteorite.

Hanggang alas-singko y medya ng umaga ang Astrocamp 2011. Walang bumitiw. Walang umuwi. Lahat kami, sabik na sabik pang tuklasin ang kayamanan sa langit. Nagkaroon din ng ilang kaibigan si EJ, ang anak ko. Tumulong din ang ibang participant sa pamimigay ng libreng meryenda (meron uli!) at pagga-guide kung pa’nong makarating sa kubeta. Bigla-bigla, parang planetang Mars ay sumulpot ang isang kumikinang na community doon. Community namin, ang mga bagong adik sa Milky Way, constellations, big at small dipper, ice crystals, supernova at marami pang iba.

Ngayon, tuwing titingala ako sa gabi, naaalala ko ang Astrocamp 2011. Anong panama rito ng Famas Awards Night na laging inilalarawan bilang star-studded?

Walang-wala.

P.S.

Paano nga pala makikita ang Venus at Mars nang walang telescope? Madali lang. Contact Astrocamp Observatory Services sa 854-2864 o sa 0917-7922053 o sa
medlee1us@yahoo.com. Sasagutin ka nila agad.

Ang mga larawan ay ipinost dito nang may permiso mula kay Bb. Helen Naddeo ng Nido Fortified Science Discovery Center at kay Dr. Armando Lee ng AOS.


Ang akdang ito ay maaaring kopyahin at i-post sa ibang website. Maaari ding ilathala sa kahit na anong paraan at kahit saan. Kailangan lamang ay magpaalam sa awtor at i-retain ang pangalan ng awtor bilang sumulat ng akda. Walang sisingilin ang awtor. Promise. Email na. beverlysiy@gmail.com

Tuesday, June 7, 2011

first day high

dahil wala akong kapera-pera ngayong Hunyo, inabot ako ng first day ng klase bago makapag-shopping at makapaghanda para sa school year na ito.

kinailangan ko pang utangin sa 'yo ang perang pambili ng mga bagong uniporme at gamit sa eskuwela ni EJ.

sabay tayong nag-LRT papunta sa Recto. pero dahil kukunin mo pa sa bahay ninyo ang perang ipahihiram sa akin, nauna ka nang bumaba ilang estasyon bago ang destinasyon ko. pinaghintay mo muna ako sa Isetann.

tumingin-tingin na lang ako ng mga uniporme doon. baka pala hindi na natin kailangang dumayo pa sa Divisoria. mura din kasi ang bilihin sa isetann.

pero lagpas P100 pala ang isang polo. may kamahalan. tumingin din ako ng ukay-ukay na pantalon. (may ukay-ukay na pala sa loob ng mall.) pero bukod sa mahal, mahigit ding P100 ang isang pantalon, ay puro pambabae lang ang naroon.

tumingin din ako ng mga notebook sa may expression. wala pang P20 ang mga aljur-covered notebook. nasa P25-30 naman ang mga notebook na me makikinis at makakapal na pahina. cattleya. sterling. at iba pa.

naisip kong marami naman nito sa pupuntahan natin. mas mura pa. doon na lang kako.

text mo ay nagmemeryenda ka pa kasabay ng mga kapatid at magulang. kaya inabot ng dalawang oras ang paghihintay ko sa 'yo.

at nang sa wakas ay dumating ka, mag-aalas sais na no'n, dali tayong nagpunta sa divi.

pagbaba pa lang ng dyip sa may tutuban, nakatiyempo agad tayo ng P80 na polo. maayos naman, may konting dumi lang ang ibang part. apat ang binili natin. at ngingiti-ngiti tayo kasi huling apat na polo na lang 'yon na medium ang size.

naglakad tayo nang mahaba at matagal para makahanap ng medyas, boxer shorts (dahil ayaw na ni EJ ng brief, nasisikipan siguro), cartolina, pentel pen, manila paper, glue at mga notebook. pasikot-sikot sa mga eskinita, namimili, sa mga stall sa labas at mga stall sa mall, sa bangketa, sa naglalakad na ale at sa gilid ng paradahan ng dyip.

sa kadulu-duluhan, gusto ko pa sanang maglakad kahit wala na tayong bibilhin. gusto kong hanapin ang natitirang impresyon ng karaniwang divisoria sa mga kalye ng divisoria.

'yong binibisita ko sa mga ganitong pagkakataon para lang makatipid. gusto kong maabutan iyon kasi na-late tayo ng dating. papasarado na ang lahat. e, gusto ko pang makadiskubre ng maliliit na stall at tindahan sa J. Luna o sa Tabora.

feeling ko, naiisahan ko ang mga mall lalo na ang SM kapag sa mga ganitong tindahan ako nakakabili ng kailangan ko. Di hamak na mas mura kasi sa mga ito.

gusto ko pa sanang maglibot. kasi sa divisoria, hindi ako mahirap. hindi ako nagtitipid. wais. at matiyaga. at nagsusulit lang ng perang inutang.

pero nagpapaalam ka na. kailangan mong umalis kasi gusto mong abutan nang gising ang ate mong may birthday.

kaya sumakay na tayo ng dyip. ako pauwi sa anak ko. ikaw pauwi sa inyo.

at dito nagtatapos ang first day high.

kaibigan pa naman kita

aksidente ko pang nalaman na uuwi ka na pala rito. nagdamdam na ako noon. noon, nang malaman kong uuwi ka at ako e walang kaalam-alam tungkol dito. pero wala kang narinig mula sa akin.

tapos nang finally ay parang open na sa lahat ang pag-uwi mo, saka lang ako casually na nagtanong sa 'yo kung kailan. mapaghandaan ko man lang ang petsang para sa pagliliwaliw natin.

sinagot mo ba ako?

hindi.

okey.

huwag nang sabihin sa akin ang petsa ng dating mo o kahit ng buwan ng pagdating. walang problema. baka nga naman talagang wala ka pang plano na kahit ano.

tapos ngayong andito ka, bigla-bigla kang magte-text na gusto mong makipagkita?

aba, umiinog din ang mundo ko, kaibigan.

may mga kailangan din akong gawin bukod sa paghihintay sa pagbisita ng mga kaibigang naglalayag. may mga kailangan din akong tapusin. may mga kailangan akong daluhan. kung gusto mo, magpaiskedyul ka sa akin para tayo magkasama. ikaw ngayon ang isisingit ko sa mga gawain ko.

maghintay ka kung kailan ako may oras para sa 'yo.

'yan naman ang hirap sa inyong mga naglalayag. lagi na lang kailangang paghandaan ng mga naiwan ang pagbisita ninyo o ang pag-uwi. bakit? itinaboy ba namin kayo? iiwan ninyo kami pero gusto ninyo, pagbalik ninyo ay nakaharap kami't naghihintay na parang mga tutang pupusag-pusag ang buntot at nagsasabaw ang dila sa laway?

pasensiya na, kaibigan. alam mo naman di ba? na hindi naman tumitigil ang mundo dahil lang sa paglalayag mo't pag-alis. alam mo rin naman na may mga nagbabago.

lugar.
panahon.
tao.

ayaw mo man o gusto.

tulong

gusto ko na talagang ihabla ang tatay ng anak ko. sobra na siya. in-unfriend ba naman ang sarili niyang anak? malamang kasi natanggap na niya ang letter ng bantay-bata.

sabi ni vanessa ng bantay-bata, lumapit na raw ako sa abogado para makapagsampa na ako ng kaso.

one of these days, bibisita ako sa IBP ng Quezon City.

friends, tulungan ninyo ako. kailangan ko lahat ng positive energy para madala sa korte itong laban ko at ng anak ko. tulungan ninyo ako dahil kung magagawa ko ito, magkakalakas ng loob ang lahat ng nanay na kapareho ko ng sitwasyon or worse pa. tulungan ninyo ako dahil para din ito sa mga anak ng mga nanay na ito. para ito sa babae at sa mga bata. tulungan ninyo ako.

yes. hindi na lang to para sa amin ni ej.

hindi dapat pinalalampas na lang ang mga lalaking nang-aabandona ng mga babaeng binuntis nila. dapat managot sila. dapat maparusahan sila. hindi yung "makakarma din yan" attitude. para fair.

(kumbakit naman napaka unfriendly ng mga sistema at batas dito sa atin sa mga naaaping nanay ay aywan ko na lang.)

marami ang nagsasabi sa akin na useless ang habulin ko ang lalaking ito. wala rin naman akong makukuha dahil nga raw walang trabaho. sige. kung wala kang trabaho, ipakukulong na lang kita. para sa lahat ng emotional pains na ibinigay mo sa anak ko, at dahil anak ko ay naging emotional pains ko na rin, pagbabayarin kita.

hindi man ngayon ay very, very soon.

isinusumpa ko 'yan.

Isa pang Tumbok ng Rebyu

As I was saying sa naunang isyu ng kolum na ito, medyo nagustuhan ko
lang ang pelikulang Tumbok, iyong pinagbidahan nina Christine Reyes at
Carlo Aquino.

Medyo lang dahil bagama’t maraming ganda points ang pelikula, na
inisa-isa ko na noong nakaraang isyu natin, ay marami pa rin itong
boo-boo points. Halimbawa:

1. Masyadong pinahaba ang ending. Sana tinanggal na lang ang eksenang
nasusunog ang kontrabida. Bukod sa di maganda ang graphics,
predictable pa. Ano pa nga ba ang mangyayari sa ganong uri ng
nilalang? Di ba ang masunog? Gasgas. Ang manonood ay natutuwa kapag
hindi niya inaasahan ang mga nangyayari sa pelikula. Ibig sabihin, mas
naii-stretch ang kanilang imahinasyon sa dami ng posibilidad sa isang
sitwasyon.

2. Hindi ko type ang acting ni Malou de Guzman, ang gumanap bilang
lola ng batang bulag. Sa tuwing magde-deliver siya ng linya, para
siyang nagbabasa ng script na nakasulat sa isang manila paper sa tabi
ng video camera. Alam kong kailangan i-restrain minsan ang emosyon
kapag umaarte sa pelikula pero huwag naman sanang ganito
ka-restrained.

3. Puwede ring baguhin ang kapansanan ng batang bulag. Lagi na lang
nasa horror films ang mga bulag. Bakit hindi komang? O kaya bingot? O
kaya, ‘yong anim ang daliri sa isang kamay? Bakit laging bulag?
Predictable cliché na naman ito.

4. Hindi ko rin gusto ang eksenang ipinakita pa ang baby ni Grace sa
piling ng tiya ni Ronnie (ang kanyang asawa). Hindi na kailangang
ipakita pa ‘yon sa pelikula. Maiisip na ‘yon ng manonood.

5. Puwede na ring tanggalin ang eksenang naglalakad si Grace sa isang
hall na puno ng mga kaluluwang nakakatakot ang itsura. Puwede ba?
Gasgas na ‘yon. Natakot ako mula umpisa hanggang dulo pero pagdating
sa dulo ay korning-korni talaga ako.

6. Tulad ng binanggit ko sa nakaraang kolum natin, nabagabag ako sa
mga suot ni Christine Reyes. Totoong seksi siya at napakaganda
talagang tingnan ng babaeng ito kaya lang ay minsan, nawawala na sa
kuwento ang isip mo dahil nakapako ka na lang sa hubog ng katawan
niya. Not really good, di ba? Maraming eksena doon na matinong blouse
ang suot ni Christine at mas nagugustuhan ko siya kapag ganon. Mas
maganda siya kapag mas maraming tela ang nakatabing sa katawan niya.
Ewan ko lang kung pareho ang opinyon ko sa opinyon ng mga lalaki.

Anyway, sa kabuuan, inirerekomenda ko pa rin ang pelikulang Tumbok.
Bihira ang ganitong pelikula na buo ang kuwento at halatang
pinag-isipan mula sa plot hanggang sa maliliit na shot (puwera lang
iyong papunta na sa ending). Viva Films nga pala ang producer.
Congratulations sa lahat ng sangkot sa pelikulang ito. Na-tumbok
ninyo ang taste ng Pinoy!

Kung may tanong, suggestion o komento, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.