Friday, May 6, 2011

Isang Tumbok ng Rebyu 6 Mayo 2011

ni Bebang Siy

Medyo nagustuhan ko ang pelikulang Tumbok. Ops, hindi ito bold movie. Hindi puwede dahil kasama ko ang anak ko kagabi nang manood ako ng sine. No, no.

Ang Tumbok ay pinagbibidahan nina Christine Reyes at Carlo Aquino sa direksiyon ni Topel Lee. Ito ay tungkol sa batang mag-asawa na napamanahan ng condominium unit sa isang lumang building sa Maynila. Papunta pa lang sila sa area ay nakaranas na sila ng kamalasan. Muntik na silang makasagasa ng lalaking nag-aamok, may dalang itak, pantaga ng leeg. Hanggang sa dulo ng pelikula, pinuluputan sila ng malas. At ang itinuturong dahilan ay ang pagtira nila sa building na nakatayo sa isang tumbok o gitna ng nagsangang-daan. Ayon sa pamahiin, hindi dapat naninirahan ang tao sa tumbok. Nagko-converge daw kasi ang lahat ng negative energy kaya malas manirahan sa ganitong lugar.

Pero may iba pang nagdadala ng kamalasan at nakakapanindig-balahibong problema sa mag-asawa. Siyempre hindi ko sasabihin unless gusto ninyo ng spoiler!

Nagustuhan ko ang pelikula dahil sa husay ng acting ng mga bida:

1. si Christine bilang Grace. Sa totoo lang, akala ko ay hindi siya marunong umarte dahil ang pagkaka-package sa kanya ay seksing starlet. Bagama’t madalas na nakakaagaw ng atensiyon ang mga suot niya (super ikling shorts, fit na fit na mga blouse at iba pa), lumutang pa rin ang galing niya sa pag-arte. Kahit umiiyak siya ay maganda pa rin siyang panoorin. Hindi rin siya nako-conscious sa camera kahit napakarami ng close up shots. Marami kasing magagandang artista na pumapangit kapag pinipilit na ang sarili na maluha. Meron din namang halata ang pagkakaalangan sa camera kaya nalilimutan ng manonood ang pino-portray nitong character. Ang naaalala lang ng mga manonood ay 'yong mga awkward na kilos ng artistang ganon sa harap ng camera.

2. si Carlo bilang Ronnie. Matagal nang mahusay ang batang ito. Napaka-powerful ng kanyang mga mata. Bakit nga ba hindi nabibigyan ng magagandang role ang mahuhusay umarte? Mas gusto ng mga producer , e ‘yong mga pa-cute lang na artista. Anyway, sa Tumbok, hindi masyadong demanding ang role niya bilang asawa ni Grace, isa siyang pulis na photographer. Madalas siyang kumukuha ng mga retrato sa crime scenes. Pero kahit ganon ay tama lang naman ang acting niya. Hindi sobra, hindi rin kulang.

Nagustuhan ko rin ang kuwento dahil kakaiba. Hindi ko na-predict ang tunay na katauhan ni Mark (si Ryan Eigenmann ang gumanap). Bagama’t isang clue 'yong hindi niya pagbabago ng itsura mula nang makunan siya ng retrato kasama ang nanay at tatay ni Ronnie noong bago pa lang din na mag-asawa ang dalawa hanggang ngayon na si Ronnie naman na ang may asawa. Ganon pa rin siya kaguwapo at kabata. Hindi ko rin na-predict ang mangyayari sa mga kapitbahay nina Ronnie: ang makulit na teenagers, ang batang bulag at ang lola niyang laging may krus sa leeg at ang isa pang set ng mag-asawa: guwardiya at babaeng super seksi.

Nagustuhan ko ang nakakatakot and, at the same time, nakakatawang moments. Halimbawa: biglang umusad ang wheel chair ng kamamatay lang na tatay ni Ronnie. Biglang napatigil si Grace. Siya lang ang nakakita ng pag-usad ng wheel chair. Umusad uli ito. Biglang lumabas ang tiyahin ni Ronnie, buhat-buhat ng dalawang kamay ang mga labada pagkatapos ay sinipa uli ang wheel chair mula sa likod nito. Ngek. Tao pala ang nagpapausad sa wheelchair.

Higit sa lahat, nagustuhan ko ang Tumbok dahil maraming bahagi ang very Pinoy. Halimbawa nito ay ang laging sirang elevator. Dito kasi sa atin, pag bago lang ang isang teknolohiya saka lang ito maayos. Ang mga street lamp, pag bago lang may ilaw. Ang stoplight, hindi laging gumagana. Kaya nga marami ang basta na lang tumatawid sa kalsada kahit pula ang ilaw dahil wala na silang tiwala sa sabi ng stoplight. Ang mga elevator sa building, unless for business ang building, sa umpisa lang gumagana. Pagkaraan ng ilang taon, sira na. Lalo na iyong mga elevator sa mga unibersidad. Isa pang halimbawa ay ang pang-iintimidate kay Ronnie ng kanyang supervisor. Bagong salta kasi si Ronnie sa presintong ‘yon. Kaya kinakaya-kaya siya ng mga beterano doon. O di ba, ganyan tayo? Pag may bago, pinahihirapan natin. Kaya nga nagtataka ako kung bakit galit na galit tayo sa hazing at initiation e araw-araw naman natin itong tino-tolerate o ginagawa.

E, okay naman pala ang Tumbok, bakit ko pa sinali ang salitang medyo sa unang pangungusap ko?

Kasi…abangan sa next issue ng Perlas!

Kung may tanong, suggestion o komento, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Ito ay isinulat para sa lingguhang kolum na KAPIKULPI=Kapiraso ng Kulturang Pinoy sa pahayagang Perlas ng Silangan Balita, Imus, Cavite.

Tuesday, May 3, 2011

Ethics sa Dyip

Para sa KAPIKULPI

Kapiraso ng Kulturang Pinoy, kolum nina Bebang Siy at Ronald Verzo sa Perlas ng Silangan Balita, Cavite


Abril 8, 2011

Me karga kang bata. Puwedeng sanggol o puwede ring toddler. Toddler meaning two o three o four years old. Tapos, sasakay ka ng dyip. Pagpara mo, agad namang huminto ang dyip. Sa harap mo pa. E, bakante ang upuang katabi ni Manong Driver. So doon ka umupo. Bitbit ang bata.

May mali ba rito?

Ano? Wala?

Meron! Meron kaya?

Ganito kasi iyon. Ang upuan sa harap ng dyip, oo, ‘yong katabi ni Manong Driver-Sweet lover, ay masyadong vulnerable sa disgrasya.

Una, madalas kasing walang pinto ang bahaging iyan ng dyip. Exposed na exposed ang iyong katawan sa outside world. Hindi bale sana kung hindi mabangis ang outside world, e nagkalat ang motorsiklo, ang mga poste, puno, halaman at mga taong dumadaan sa right side ng kalsada kung saan nga nakabilad sa lahat ang malaki ring bahagi ng iyong katawan. E, paano kaya kung biglang may masagi ang dyip na iyan sa bandang inuupuan mo? Paano na ang dala mong bata? Paano kung nasaktan ka rin, e di siyempre uunahin mo in 32 seconds ang sarili mo? Baka bigla mong mabitawan ang bata!

Ikalawa, ang ibang sasakyan, nasa kaliwa at dulong bahagi ang mga tambutso. At kung ang dyip na sinasakyan mo ay malapit dito, malaki ang tsansa na tone-toneladang karbon ang malalanghap mo at ng bata. Imadyinin mo na lang kung isang oras kayong nakasakay ng dyip, ang itim-itim na siguro ng loob ng ilong n’yo dahil sa karbon. At least kung nasa loob kayo ng dyip, may shield kayo. Human shield. May iba nang sisinghot ng karbon para sa inyo: ang co-passengers ninyo.

Ikatlo, hindi mo masasabi ang kilos ng bata. Parang asoge. ‘Yong mercury, nasa loob ng thermometer. Di ba kapag binasag mo ang thermometer, may silver na kung anong lalabas doon? Asoge ‘yon. Sa Ingles, mercury. Ang kilos ng bata, parang asoge.

Unpredictable. Nakaupo ‘yan. Kampanteng-kampante sa mga hita mo. Biglang iigkas at tatayo at papadyak pa. O kaya biglang iikot, paharap sa ‘yo. O kaya biglang liliyad at ihahataw ang ulo sa dibdib mo. O kaya bigla kang sasabunutan sa hindi malamang dahilan. E, paano kung hindi ka nakahawak nang maigi? Baka biglang dumulas iyon mula sa inyong inuupuan! E, walang pinto ang bahaging iyon ng dyip at humaharurot si Manong Driver sa pinakamagiting niyang speed! Ano ang puwedeng mangyari sa bata? At sa iyo?

Ang punto ko lang, kapag may kasama kang bata, iwasan mong sumakay sa harap ng dyip pati sa likod. ‘Yong huling upuan sa pinakadulo ng dyip. Hindi ang mga ito ang pinakaligtas na lugar para sa mga wala pang muwang. At doon din sa mga may muwang na tulad mo. Kung gusto mong makapag-sightseeing ang bata at makapagpahangin kapag mainit ang panahon, gawin mo na lang ‘yon sa ibang lugar at pagkakataon.

Mag-tourist bus kaya kayo? Basta ‘wag dyip. O ‘wag sa harap at/o pinakadulo ng dyip.

Hanggang sa muli. Kung may komento, tanong o mungkahi, mag-email kay beverlysiy@gmail.com.

Sakripisyo

Para sa KAPIKULPI

Kapiraso ng Kulturang Pinoy, kolum nina Bebang Siy at Ronald Verzo sa Perlas ng Silangan Balita, Cavite


26 Abril 2011

Iyan ang ipinapaalala ng Mahal na Araw sa atin. Kaya tayo nagdiriwang niyan taon-taon. Para bawat isa sa atin ay maging sariwang muli sa isip na nagsakripisyo ang nag-iisang anak ng Diyos para sa lahat.

Ang problema sa ating mga Pinoy, matingkad lang ang salitang iyan kapag Mahal na Araw. Or worse, sa iba, kapag Biyernes Santo lang. Kapag patay lang ang Diyos.

Hindi natin ito magawa araw-araw: ang magsakripisyo para sa iba. Para sa ikabubuti ng iba.

Sa dyip, lagi kong nakikita ang mga ganitong tao: manong na nakabukaka, parang ayaw niyang maipit, nang konti lang naman, konting-konti, ang betlog niya, babaeng nakatagilid at parang nanonood ng TV habang nakaharap sa bintana, ale sa dulo na pinauupo ang dalang plastic bag at marami pang tulad nila na walang pakialam sa huling pasaherong uupo o kaya sa pasaherong kalahati lang ng pisngi ng puwet ang sumasayad sa upuan.

Buo naman ang bayad ng lahat ng pasahero pero bakit hindi sapat ang espasyong inookupa niya? Or rather ipinaookupa sa kanya? Kasi…

Walang pakialam ang mga nabanggit kong tao sa kapwa nila. Bakit? Kasi komportable na sila sa inuupuan at espasyo nila. Bakit nga naman magsasakripisyo pa sila para sa ikagiginhawa ng upo ng iba?

Ano naman ang mapupurat ni Manong kung iipitin niya nang konti ang yagbols niya at pagdidikitin ang mga hita? Ano ang mahihita ni babae kung aayos siya nang upo at haharap sa katapat imbes na sa bintana sa tabi niya? Ano ang mapupunta sa ale kung bubuhatin niya ang plastic bag niya at kakalungin ito?

Wala.

Kaya hindi nila ginagawa.

At dahil wala silang mapupurat, mahihita at walang mapupunta sa kanila, ang mas dakilang tawag sana sa gagawin nila ay sakripisyo. Pagsasakripisyo ng sariling comfort zone para ang iba ay maging maginhawa din ang pagkakaupo at paglalakbay sa dyip.

Sa ganyan kaliit na bagay, makikita natin kung gaano kadaming Pinoy ang tunay na may malasakit sa kapwa. Ang tunay na handang magsakripisyo para sa iba. Ang tunay na pagiging mabuti. Ang tunay na pagiging Hesus.

Nalulungkot ako kapag nakakakita ako ng mga ganitong Pilipino. Bakit, sino nga ba ang matutuwa?

Anyway, ito kasi ang tipo ng mga tao na kapag yumaman ay tiyak na kakalimutan na ang kapwa nilang maralita. Ito ang tipo ng mga tao na kapag komportable na sa sitwasyon at buhay nila, wala na, hindi na sila kikilos para makapagdulot ng ginhawa sa iba, para makatulong sa iba. Kumbaga, kung sampung tao sila sa kumunoy at sinuwerteng makaahon ang isa, itong isang ito, tatakbo na lang at iiwan ang siyam. Hahayaan na lang niyang sagipin nila ang kani-kanilang mga sarili.

O kaya ay mamatay sa putik.

Ikaw, ganyan ka ba? Kung hindi, patuloy na umayos sa pag-upo. ‘Yan na lang ang tangi nating sakripisyo sa araw-araw. Kahit tapos na ang Mahal na Araw.






(Ang copyright ng larawan ay kay Beverly Siy.)