Saturday, July 25, 2009

papel 3

Petsa: 22 Hulyo 09

Paksa: Ilang mga Laji at Loa

Ilang Laji’t Loa

Itinuturing ng mga Ibatan ang laji bilang pinamaganda at pinakamahusay na uri ng tula at kantambayan. Ang laji ay pinaniniwalaang pre-Hispanic na anyo. Kamukha ito ng ambahan ng mga Mangyan sa Mindoro pagdating sa gamit at kalikasang panlipunan nito.

Ngunit ang napansin ko sa mga lajing aking binasa, kumpara sa ambahan, ay laging may kinakausap ang persona rito. Distinct ang “ako” at “ikaw.”

When the adipasayaw pass
Anu kapipahabas da nu adipasayaw
under the eaves of your house,
du teyedted nu bahay
serve them wine…
mana dawyen mo sira…

(adipasayaw-isang maliit na ibon)

I have traveled as far
Nakadipula aku na, as nangay ana
as to the other islands, but I have not met
du bebtangen, am ara pa ava u nadali
one like you, my beloved kinsmen…
chu akma dimu mo dumngen ko a lipus…

Marahil ito ay dahil ang laji ay binibigkas ng isang mayvachi (katumbas ng soloist o singer) at ina-address niya talaga ang kanyang sasabihin sa mga taong naroon at nakikinig sa kanya. Kumbaga, “very now.” Samantalang ang ambahan ay madalas na gumagamit ng ibang punto de bista, halimbawa ay pinagsasalita ang mga hayop o bagay. O di kaya, nagtatanghal mula sa 3rd person point of view. Ibig sabihin ay parang diyos lamang na nagkukuwento at naglalarawan. Hindi laging ina-address ang kausap. Ito marahil ay dahil sa ang ambahan ay hindi lamang pabigkas. Ito ay inuukit din sa kawayan. At kapag ganon, kahit sino ay maaari nang makabasa nito, parang diyaryo, pasa-pasa na, mamya, bukas, sa isang buwan, sa anak, sa apo. Hindi na “very now.”

Malapit ang laji sa loa kung punto de bista ang pag-uusapan. Iyon ay dahil distinct ang “ako” at “ikaw” sa loa dahil binibigkas din ito at parang agaran at tuwirang kinakausap ang mga nakikinig (sa tagayan o inuman.) Ngunit malayong malayo ang paksa at himig ng dalawa. Ang laji ay mapaglimi at may kaseryosohan samantalang kuwelang kuwela naman ang dating at mapanukso ang loa.

Ang loa ay tulambayan ng Quezon na kadalasa’y sinasambit sa mga pinagpipitaganang binibini ng isang poblasyon kapag siya ay pinuputungan ng korona.

Ngunit sa ibang bahagi ng Quezon (at maging sa ibang bahagi ng buong bansa), may ibang bersiyon ng loa ang naging popular. Ang mga nabasa kong halimbawa ng loa ay kinalap ni Prop. Victor Valbuena sa Sampaloc, Quezon. Ang loa mula sa lugar na ito ay hindi tulang nagbibigay-dangal sa isang dalaga kundi tulang sinasambit sa mga “stag party o bridal shower” o sa mga karaniwang inuman (ng lambanog, siyempre). Ang loa sa Sampaloc, Quezon ay isang tulang nagpapahayag ng ilang bagay tungkol sa seksuwalidad. Ika nga ng iba, tula ng kabastusan.

Pero sa mga nabasa kong tulambayan, dito sa loa ako tawang tawa. Kasi naman, ginamit sa mga loang ito ang iba’t ibang salita para ilarawan ang mga ari ng babae’t lalaki at ang aktong pagtatalik. Batis pala talaga ng sexual innuendos ang inang kalikasan! Tunghayan ang mga halimbawa:

amoy-azucena gabarasong tundok
tatlong kakawing-kawing sawang bitin
gubat buto ng kasoy
kamoteng kahoy palayok
damong maitim pa sa kogon gatas na malapot
balagbag na ari

Mukhang maluluma sa mga bumibigkas ng loa itong sina Joey de Leon at Willie Revillame pagdating sa paggamit ng mga “matalinghagang salita” tungkol sa sex organs at sex mismo.

Samantala, ang pinakagusto ko namang metaphor na ginamit para sa ari ng lalaki ay ang salitang pari.

Doon po sa amin,
Bayan ng Sampaloc
May tumutubong damo,
Maitim pa sa kugon
Sa tigkabilang pampang,
Sa gitna’y may balon
May naligong pari,
Patay nang umahon.

Hindi ko agad naintindihan ito sa unang basa. Kinailangan ko pang basahin ang paliwanag ni G. Valbuena. Ang tinutukoy daw na pari dito ay ang ari ng lalaki na pagkatapos ng pagtatalik ay nagmimistulang patay, wala nang kakilos-kilos.

Napasusmaryosep ako. Napakatapang ng kumatha ng loang ito. Hindi siya nangiming gamitin ang banal na imahen ng pari para gawing metaphor ng titi. Hindi siya natakot na maparusahan sakaling makarating ito sa mga alagad ng simbahan.

Pero sa tingin ko, malaki ang papel ng okasyon kung saan binibigkas ang loang tulad nito. Ito ay sa mga tagayan o inuman (ng lambanog kadalasan), na kung saan bihira namang may makasamang alagad ng simbahan. Sakali ngang makaabot ito sa tainga ng mga taga-simbahan, maaari namang idahilang ang loa ay tula, isang malikhaing akda. Ang kahulugan o pagbibigay-interpretasyon dito ay hindi maaaring idikta ng kumatha.

Para bagang damn if you do, damn if you don’t sa kaso ng mga taga-simbahan. Kung sisitahin at paparatangan nilang bastos ang nagbigkas/kumatha ng loa, para na rin nilang inaamin na “greenminded” sila at sila na mismo ang nagsabing “oo nga, puwedeng ituring na titi ang pari.” Kung hindi naman nila papansinin, magpapatuloy ang pagkatha ng ganitong loa. Darami ang gagamit ng mga imaheng may kinalaman sa simbahan bilang metaphor ng kung anu-ano.

Mukha namang siya ngang nangyari.

Ayon kay Dr. Rosario Lucero, ang guro namin sa Panitikang Oral, ang loa ay nagkaroon ng sariling identidad lalong lalo na sa mga baryong malayo sa impluwensiya ng simbahan. Naging kabaliktaran ng loang nagpupugay at nagbibigay-dangal ang loa sa Sampaloc, Quezon na kabastusan naman ang taglay. Ngunit hindi ito simpleng kabastusan lang. Ang bersiyong ganito ng loa ay maituturing na subersiyon sa awtoridad (na sa napakahabang panahon ay ang simbahan.) Sa maraming pagkakataon, teritoryo, batas at pamamaraan ng awtoridad ay hindi makapagreklamo, hindi maka-igpaw, hindi makalaban, ni hindi makapangatwiran ang karaniwang tao.

Kaya ang ginawa ng karaniwang tao, ginamit niya ang dila at bibig. Na itinuturing na mas makapangyarihang kasangkapan para makapagkalat ng kaalaman at paraan ng pag-iisip noon (at maski hanggang ngayon, alalahanin na lang ang power ng tsismis.) Ginamit din niya ang mismong anyo na nagmula din sa may kapangyarihan: ang loa. Mula rito, kumatha siya ng mga akdang talagang kasisimangutan ng may kapangyarihan at binigkas ang mga ito na parang wala lang, katuwaan lang. Kaya naman lumaganap nang lumaganap.

Isa pang silbi ng loa sa Sampaloc, Quezon ay dito ipinararaan ang sex education. Noon at magpahanggang ngayon, ipinagbabawal ng simbahan ang sex education. Ngunit dahil nakikita ng karaniwang tao na kailangan nila ito (ang sex education) umisip sila ng paraan para makapag-educate ng kapwa. Ginamit nila, muli, ang loa. Sa loang orihinal, nagiging espisipiko sa paglalarawan ang bumibigkas nito. Iniisa-isa ang lahat ng magagandang katangian ng isang pinuputungan o pinararangalan. Ito rin ang ginawa ng mga mambibigkas ng loa sa Sampaloc, inisa-isa ang katangian at inilarawan nang husto ang mga ari at ang aktong pagtatalik.

Isa pang ikinatutuwa ko rito, nang malaman kong pang-sex education ang loa, ay ang pagsali ng kababaihan sa pagkatha nito. Kahit ang mga babae, na karaniwa’y nakikitagay ng lambanog, ay bumibigkas ng loa ukol sa kanilang ari. Para magawa ito ng isang babae, kailangang sanay na sanay, komportable siya sa kanyang katawan. The fact na umiiral ang loa sa Sampaloc at popular pa ito, ibig sabihin ay pinahihintulutan at mukhang ine-encourage pa ng kanilang kultura ang pagiging mapagtuklas, mapag-obserba at mapanuri ng mga babae sa sariling katawan.

Napakagaling kasi kapag tinutuklas, inoobserbahan at sinusuri mo ang isang bagay, ibig lang sabihin ay pinahahalagahan mo ito at higit sa lahat, minamahal. Na siya namang dapat gawin ng lahat ng babae sa sariling katawan.

Ang dami kong nari-realize sa pagbabasa lamang ng iilang tulambayan. Lagi’t lagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na sa pamamagitan ng ating wika at panitikan, lalo nating nakikilala ang sarili. At tingin ko, tumatama ang tama pagkabasa ko ng ilang laji at loa.

papel 2

Petsa: 15 Hulyo 2009

Paksa: mga tanaga sa Vocabulario dela lengua tagala nina Noceda at Sanlucar

Ang Ilang Mga Salita sa Tanaga

Ang babasahin ay binubuo ng mga tanaga na sinipi mula sa Vocabulario de la lengua tagala nina Noceda at Sanlucar. Para sa akin, ang mga ito ay dagdag sa maraming patunay na makikilala ang kultura at kapaligiran sa pamamagitan ng panitikan.

Nabanggit at/o itinampok sa tanaga ang sumusunod na mga salita, iyong makikita sa kanan ng talahanayan. Sa kaliwa naman ay ilan kong tala ukol sa salita.

Sinulid
May teknolohiya na ang katutubo ng paggawa ng sinulid.

Papan
ang salitang ito ay patunay na ang nagagawang sinulid ay hindi kakaunti kundi bulto para kailanganin ang papan.

Bakod
May konsepto kaya ng pag-aari at teritoryo ang mga katutubo? Dahil ang naiisip kong ilan sa dahilan ng paggamit ng bakod ay
1. para maiwasang apakan o kainin ng hayop ang tanim
2. bilang tanda sa hanggahan ng pag-aari o teritoryo ng lupa

Ang ipinagtataka ko lamang, ayon sa aking guro noon sa Panitikan at Lipunan, wala raw konsepto ng pag-aari ng lupa ang mga katutubo dahil ang isip ng katutubo ay paano mong aariin ang isang bagay na mas mahaba pa ang buhay sa iyo?

Kaya siguro nga, ang bakod noon ay para lamang harangin ang makukulit na mga hayop.

Budhi
Heto ang pantapat sa salitang konsensiya. Maging noong unang panahon, tayo’y may sariling paraan para i-check ang sarili kung ang ginagawa nga ba natin ay mabuti o masama. Ang budhi ay values. Kung ano ang kaya ng budhi mo, iyon ang mga bagay na pinahahalagahan mo.

Paho, doso, dawarawa, ginto, sampaga, punay, sapsap, apahap, niyog, uwang
Puwedeng puwede nang makaguhit ng larawan ang isang artist ukol sa isang karaniwang setting noon batay lamang sa mga salitang ito mula sa tanaga. Mayaman tayo sa lupa (ang daming puno at halaman), sa yamang-dagat (ang daming isda) at yamang mineral (ginto!). Tunay nga namang masagana ang buhay noon.

Minsang nabanggit ng makatang si Rio Alma sa isang huntahan na ang buhay ng Pilipino (at sa tingin ko ay maging ng lahat ng tao sa mundo) ay paatras. Naging moderno lamang tayo ngunit ang kalidad ng ating pamumuhay ay pababa nang pababa, pasama nang pasama. Mabuti pa noon, anya, simple ang mundo ngunit napakaganda ng uri ng pamumuhay ng tao.

Sumasang-ayon ako. Maraming bagay noon na ipinagpalit natin para sa mga bagay ngayon. Pero itong mga bagay na ito ay nagdadagdag-komplikasyon lang naman sa komplikado na ngang buhay.

Lunday
Ito ay patunay na may mga katangian at dunong ng inhinyero at arkitekto sa puso ng bawat Filipino. Noon pa ma’y nakakalikha tayo ng lunday at iba pang sasakyang pandagat.

Ipinagpapalagay kong ang mga salitang nabanggit ay mga karaniwan lamang noon. Ibig sabihin ay hindi natatangi ang sampaga, ang sapsap, ang ginto, niyog at uwang. Kaya naitatampok sa tanaga ay dahil ito ay mga nangagkalat lamang, sobrang dami at madaling obserbahan.

Kung ganito na kagaganda ang karaniwan, ano pa kaya ang mga natatangi noon?
Ang pagbanggit sa mga salitang ito noong 1700 (kung kailan nalathala ang Vocabulario) ay patunay lamang na napakayaman ng ating bayan noon pa man, at highly-skilled ang mga ninuno natin dahil maraming kayang likhain ang mga kamay at isip kahit wala pa ang modernong teknolohiya, at hindi rin naman sila masasamang tao sapagkat may sariling paraan ng pagtimbang ng dapat at hindi dapat gawin.

Ang Ambahan: Noon at Ngayon

Paksa: Mga Ambahan Mangyan, Mangyan Treasures, Tribal Filipino Indigenous Poetry kinolekta at isinalin ni Antoon Postma (Monograph No. 2, Mangyan Assistance and Research Center, Panaytayan, Mansalay 5213 Oriental Mindoro)

Ang babasahin ay naglalaman ng introduksiyon at ilang ambahan mula sa aklat na nabanggit sa paksa. Nakasaad sa introduksiyon ang kahulugan ng ambahan at ang halaga nito sa kulturang mangyan. Ang ambahan daw ay:

a. isang tula at itinuturing na ring kanta. Ito ay sinasambit nang walang saliw na musika.

b. Pito ang bilang ng pantig sa bawat taludtod at walang saktong bilang ng taludtod sa isang saknong. Ngunit ito ay may tugma. Madalas ay –an ang tugma.

c. tadtad ito ng talinghaga tulad ng tula mula sa iba pang kultura

d. binabasa nang tahimik o malakas, maaaring binibigkas nang walang binabasa, maaari ring bigkasin nang mag-isa o di kaya ay may kasagutan o di kaya ay sa isang umpukan

Isinaad din ng babasahin ang malaking panghihinayang ng awtor sa unti-unting paglaho ng ambahan ng mga mangyan. Nang isulat ang aklat, bibihira na lamang sa mga mangyan ang may-alam o di kaya ay nagsasagawa pa ng ambahan. Sa “interior mountain areas” na lamang ito karaniwan. Isa sa mga itinuturong dahilan ang paraan ng pag-e-edducate ng mga magulang sa kanilang anak. Isa pa ay ang modernong mundo na unti-unti nang nakikilala at mas kinikilingan ng mga kabataan.

Sa tingin ko, isa sa mga susi para maipagpatuloy ang ambahan ay ang sigasig ng magulang na ipagawa ang ambahan sa kanilang mga anak. Kahit na sabihing hindi naman mapilit by nature ang mga magulang na mangyan, para sa ikalalaganap ng ambahan at iba pang pangkulturang Gawain, dapat maging mapilit sila at gawin ito. Ipilit nila sa kanilang mga anak ang mga pamana ng nakaraan tulad ng ambahan.

At isa pang maaaring gawin para maipagpatuloy at mapalaganap ang ganitong tradisyon ay ang pag-i-incorporate ng mga intangible heritage natin sa kulturang popular. Halimbawa ay maitanong man lamang sa Who wants to be a millionaire? Ang ilang bagay tungkol sa gawi at mundo ng mangyan o di kaya ay maigawa ni Lito Camo ng isang kanta ang kulturang ito o di kaya ay gamitin sa mga TV commercial ang ilang gawain nila (siyempre, nang hindi sila nililibak o pinagtatawanan.) Sa pamamagitan nito, naniniwala akong maging ang kabataan ay magiging masigasig sa pag-aaral ng kanilang sariling kultura at ituturing nilang cool ang paggamit at/o paggawa ng kanilang tradisyon. Maaari ring bigyang-seminar o lecture ang mga artista/hosts ukol sa mga katutubong kultura at hingiin sa kanilang tumulong sa pagpo-promote nito. (At nang hindi iyong puro foreign na celebrities pa ang kanilang sinasamba at pinopromote.)

Ang strength ay siya ring naging weakness. Ang ambahan ay may praktikal na gamit noon kaya ito ay madaling lumaganap at ginamit nang ginamit ng mga tao. Ngunit habang nagiging moderno ang mundo, unti-unti na rin itong nawala. At ang isang dahilan ay hindi na ito nagagamit ng mga mangyan sa kanilang buhay.

Iyan ang paniwala sa ambahan ng mga mangyan lalong lalo na ng mga kabataan. Nakakalungkot malaman na hindi nakikita ng kabataan ang praktikal na gamit ng ilang pangkulturang bagay noon tulad ng ambahan. Lagi na lang ang bagong kultura o di kaya ang bagong paraan ang siyang mas maganda at mas mahusay.

Ang isa sa naiparanas ng modernismo ay ang pagiging conscious ng tao sa panahon. Lagi’t lagi ay sinusukat na ng tao kung gaano pa karami ang panahong mayroon siya sa isang buong araw, sa isang buong linggo, buwan, taon. Kaya naman ang nangyari ay lagi nang nagmamadali ang mga tao.

Maging ang wika ay naapektuhan ng ganitong pagtanaw. Dahil wala nang oras para magpaligoy-ligoy ang mga tao, ang naging resulta ay mas direktang paraan ng pagpapahayag. Kumbaga sa basketball, kung puro three point shots ang ginagawa ng mga basketbolista noon , ngayon ay puro dunk. Marahil dahil sa takot na hindi mai-shoot ang bola kung iti-three point shot pa, kaya dunk na lang nang dunk ang mga manlalaro.

Gayundin sa wika, wala nang mabulaklak na paraan ng pagpapahayag dahil kumakain ng oras ang mahabang pagsasalita at baka magkaroon pa ng miscommunication dahil sa mabulaklak na pananalita. Kaya naging direkta o straight to the point ang paraan ng pagpapahayag ng mga tao.

At dahil wika ang container ng ambahan, isa ito sa mga naapektuhan. Hindi na nakikita ng mga tao ang pangangailangan na gumamit pa ng ambahan kung may nais silang sabihin lalo na sa kapwa. Basta, sasabihin na lamang ito. Bakit mag-a-art-art pa kung puwede namang ibulalas na lang ang gustong ibulalas?

Sa tingin ko, ang isang dahilan din kung bakit nawawala ang ilang tradisyong pampanitikan tulad ng ambahan na isang tula ay dahil sa pagbibigay dito ng masyadong mataas at malaking pagpapahalaga. Ang nangyayari ay kamukha ng kinahinatnan ng wikang Latin.

Para bagang ayaw ipagamit ng mga nagsasalita nito sa kung anu-anong okasyon at kung sino-sinong tao lang ang nabanggit na wika. Kaya ang nangyari, tuluyan na ngang kumonti ang tagapagsalita ng Latin.

Sa ambahan o sa tula, ganoon din. Para bang kapag tumutula ka, kailangan ganito ang wika mo o ganito ang paksa mo o laging may talinghaga o may ideyang hinahain. Ang daming kailangan, sa totoo lang. Ang resulta, ‘yong mga karaniwang tao, natatakot nang sumambit ng tula kahit pa gustong gusto nilang tumula. At takot na takot sila sa pagpili pa lang ng gagamitin nilang salita/wika. Nagkaroon ng paniniwalang hindi dapat gamitin ang mga modernong salita kung nais mong maging kagalang-galang ang tula dahil nga “sacred” ito. Dapat ang tula ay laging “matulain” din ang wika.

Kaya ang mga salitang hanep, chikababe, tom jones, dehins, baklita, baduy at iba pa ay hindi raw dapat na ginagamit sa tula.

Hindi nakasabay ang tula/ambahan/tanaga sa wikang sinasalita ng tao. Ang nangyari ay heto, inaaral na lang sila sa eskuwela na parang isang banga mula sa kung anong limot na dynasty. Inaaral na lang sila ng mga estudyanteng tulad ko.

Dagdag pa diyan ang tulang pine-present sa mga textbook. Akala tuloy ng mga estudyanteng musmos, ganon LAMANG ang hitsura ng tula. Hindi nila alam na malaon nang nakausad ang tula pagdating sa wika at paksa.

Maaaring maisalba ang tula/ambahan sa tuluyang pagkabura sa mundong ibabaw. Gamitin ang karaniwang bagay ngayon na maaaring pagsulatan ng mga tula. Kung noon ay sa kawayan, ngayon ay bakit hindi sa mga post it notes? At idikit sa mga dingding, sa mga tasa ng kape, sa ref, sa laptop.

At gamitin ang kasalukuyang wika at mga bagong karanasan at bagay sa paligid. Hindi mawawala ang pagiging oral nito sapagkat para makagawa ng ambahan o anumang tula, kailangan ay may tugma ito o di kaya ay auditory imagination, musikang internal, alon sa tainga at iba pa. At para malahukan ng mga ito ang isinusulat na akda, hindi maaaring hindi gumamit ng bibig at pandinig. Imposibleng hindi mo siya bigkasin.

Kaya para sa akin ay maganda ang proyektong Textanaga at ang kapatid at pinsan nitong Dalitext at Dionatext noong 2003 at 2004 ng UP ICW, NCCA at UMPIL. Kahit pa sabihing elektroniko ang paraan ng transmisyon ng tula ay may aspekto pa rin itong oral. Bukod sa naipakilalang muli ng mga proyekto sa madla ang anyong tanaga, dalit at diona, ay nagawa pa nitong mapatula maging ang karaniwang Pilipino. Habang sinusulat ng mga sumali ang kanilang entry sa mga nasabing patimpalak, imposibleng hindi nila binigkas ang mga taludtod para matiyak ang kawastuhan ng tugma at mabilang ang pantig. Dito pumapasok ang pagiging oral ng proyekto. Tungkol naman sa paggamit ng texting, sa tingin ko ay hindi ito nakakasagka sa oral na paraan ng paglikha ng tula. Katulad din ito ng ambahan noon ng mga mangyan. Isinusulat din nila ang kanilang mga sinasambit o naririnig. Nagbago lang ang sinusulatan sa Textanaga, Dionatext at Dalitext. Imbes na kawayan, ito’y naging cellphone at text messaging.

Ang babasahin ay naglalaman ng maraming ambahan. Narito naman ang reaksiyon ko sa ilan sa mga ito:

Napansin kong maraming ambahan ang nagsisilbing babala o di kaya ay tungkol sa panganib na dulot ng paggagala-gala. Halimbawa nito ay ang sumusunod:

#58

Ti putyukan sa tuod A bee sitting on a trunk
Kabitay kang manalbod How could I still fly away?
Iliw-iliw magtanod Iliw-iliw standing watch,
Buyaw tida sa lawod The hawk down there in the vale,
Salak mag-andidiyod and the Salak bird guards there!

Nawiwirdohan ako rito. Bakit mangangamba si bubuyog e hindi naman kumakain ng bubuyog ang mga ibon na nabanggit? Kumbaga sa tao ay nag-aalala siya sa mga bagay na hindi niya dapat alalahanin, tama?

#59

Talon manok sa puro The wild chicken of the woods
Nakan ud way magrugpo Doesn’t dare to touch the ground:
Pagtandan buta iro The blind wild cat watching him;
May buaya maghalo Crocodile shaking the tree;
May bukid magpamuno Mangyan-bukid with a spear!

#60

Buri tida sa dipay That palm tree across the stream,
Ako mana manggihay I would like to use the leaves,
Ako ud nakagihay But impossible it would seem!
May buyaw magpabantay There the hawk watches for thieves
May salak mag-antabay With the Salak bird in team!

#61

Si isda pait-pait The pait fish in the creek
Kabitay kang bumangwit Is impossible to catch.
Sa bato magpasipit Under stones its hiding place!

#69

Una may magkamanman Sure I have seen you before.
No buhon sintam adngan But if I don’t know you well,
Tam sigin wa kumaban I won’t think of joining you
Bulod di sikon wal-an Where you are or where you go.

#226

Ati kuno sa puro Yonder in the woods, they say,
May kayo makahilo Grows a tree venomously.
Una manok kudkuro Even the kudkuro bird
Ud yi may makadapo Couldn’t escape there unhurt.
Pinananginan yi bato It is growing on a stone
Sa na-apog pagpungso At Na-apog mount, alone!

Maaaring ito ay sinasambit ng mga magulang sa kanilang anak o kaya ng kaibigan sa kaibigang maglalakbay. Kung gayon nga, ito ay isang patunay sa praktikal na gamit ng ambahan, ang ambahan bilang isang early warning device. Para bagang sinasabi ng tagapagsalita na “pakaiingat ka at nanggaling na ako riyan. Naglipana ang panganib. At ang mga panganib ay ganito ang katangian at ganito kumilos.”

Tingin ko, maganda itong estratehiya kasi hindi nagiging tuwiran ang pagsasabi ng babala na siyang ayaw na ayaw ng mga kabataan hanggang ngayon. Pakiramdam ng mga kabataan “sinesermunan” sila ng magulang kapag sila ay binabalaan. At pakiramdam nila, kapag binabalaan sila, itinuturing pa ring silang bata at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili ng kanilang mga magulang

Kung ambahan ang gagamitin, imbes na tuwirang pagbibigay-babala, hindi na makaka-react ang anak kasi maaaring literal nga lang naman ang nais ipakahulugan ng kanilang magulang. Kapag nag-react sila, sila na mismo ang “nagsesermon” sa kanilang sarili.

Dahil sa mga ambahan na aking nabanggit, masasabi ko ring malaki ang pagmamalasakit ng mga Mangyan sa kanilang kapwa. Para bigyang-pansin mo at gawan ng ambahan ang mga panganib, isa lamang ang ibig sabihin noon: you care.

At ang pagiging caring at thoughtful ng mga Filipino ay hindi naman nagbago: mula noon, nariyan ang patunay sa mga ambahang sinipi ko, hanggang ngayon na makikita sa advertisement tags na Ingat! ng Biogesic at How thoughtful, How Goldilocks! ng Goldilocks.

Naniniwala ako na kailangan lamang talaga ng mas maraming exposure ng mga Pinoy sa mga anyong tulad ng ambahan para maipahayag ang daan-daantaon nang mga saloobin at kaugalian kaugnay ng sarili at kapwa.

Friday, July 10, 2009

papel 1

Papel para sa klase ni Mam Chari

Paksa: Introduksyon at ang unang kabanata ng Tagalog Poetry 1570-1898 ni Dr. Bienvenido Lumbera at ang artikulo ukol sa tanaga ni E. Arsenio Manuel

Petsa: 24 Hunyo 2009

Tanaga, Hindi Ka Namin Tatantanan!

(Isang pagsusuri sa mga akda nina EA Manuel at Bienvenido Lumbera
ukol sa tanaga at katutubong tula)

Sa umpisa, aakalaing magkapareho lamang ang dalawang babasahin: ang introduksyon at ang unang kabanata ng Tagalog Poetry 1570-1898 ni Dr. Bienvenido Lumbera at ang artikulo ni E. Arsenio Manuel na pinamagatang Ang Tanaga sa Panulaang Tagalog at Pilipino.

Marami kasing pagkakatulad ang dalawa. Tulad na lamang ng mga sumusunod:

1. Parehong tinalakay ang anyo ng sinaunang tula tulad ng tanaga at bugtong. Binigyang-depinisyon nila ito, niliwanag at nagbigay pa ng halimbawa. Isang bugtong ang matatagpuan sa dalawang babasahin.

Apat capapang comot The sheet is four measures wide,
di natacpan ang tohod. but the knees are still exposed.

2. Parehong maraming angkat ng impormasyon mula sa unang aklat ukol sa pagtulang Tagalog. Kaya panay ang banggit kina Noceda at Sanlucar na siyang kumatha ng Vocabulario de la Lengua Tagala. Ibig sabihin ay pangunahing sanggunian (na nakasulat) ang kanilang pinaghanguan ng datos.

3. Bukod dito ay pareho ring napakuwento ang dalawang iskolar ukol sa kung paanong napasa-pasa ang paggawa at pagtatapos ng Vocabulario na nagsimula kay Francisco de San Jose at nagtapos kina Noceda at Sanlucar. Ito ay dahil tinutunton nila ang panahong pinagmulan ng ilang katutubong anyo ng tula. Natural kung kinalap ito noong panahon ng nabanggit na isang misyonero dahil sa pagiging popular, ibig sabihin ay matagal-tagal na itong namamalagi sa rehiyon bago naging popular. Aatras ang pagbibilang ng taon at ang edad ng isang katutubong tula.

4. may pagbabanggit ang mga iskolar sa isa’t isa.

Nabanggit ni EA Manuel sa kanyang artikulo ang “pagdaliri” ni Dr. Lumbera sa Vocabulario nang isinulat nito ang kanyang disertasyon. Sabi ni EA Manuel, mapapatunayan namang mayroong iba’t ibang bilang ng taludtod sa mga saknong ang katutubong tula. Dalawa, tatlo, apat, lima at iba pa. Anong gagawin? Humango lamang sa Vocabulario! Pero dahil iyan ay ginawa na ni Dr. Lumbera, hindi na kailangan pa itong ulitin sa Ang Tanaga sa Panulaang Tagalog at Pilipino.

Binanggit naman ni Dr. Lumbera si EA Manuel at ang kanyang artikulo sa introduksiyon ng Tagalog Poetry 1570-1898. Inamin niyang naging masyado siyang dependent sa Vocabulario samantalang mayroon pang ibang paraan para tuklasin ang ugat ng mga katutubong tula.

Ngunit di maglalaon ay mahahalata na rin ang maraming pagkakaiba ng dalawang babasahin. Tulad na lamang ng mga ito:

1. ang kay Dr. Lumbera ay maraming pagbabanggit sa mga banyagang iskolar at manunulat (bukod sa mga Kastila). Halimbawa: ayon kay Dr. Lumbera, maaaring hindi poetika ng indibiduwal lamang na makata ang pagkakaroon ng organic unity sa tula tulad ng sinasabi ni TS Eliot. Bakit? Sapagkat makikita na sa mga akda ng makatang Tagalog noon pa man ang pagkakaroon ng organic unity o ang paghahanap ng iisang bagay mula sa kalikasan o sitwasyon sa buhay upang maipahayag ang isip nila’t damdamin. Isa pang halimbawa nito ay ang pagpapakita niya ng paralelismo sa estruktura ng mga kawikaan sa iba’t ibang kultura. Ang “iba’t iba” ay tumutukoy sa kultura ng ibang bansa. Ang ibinigay niyang halimbawa ay:

a. kanluranin: Like master, like man at Many men, many minds.
b. at kawikaan ng Zulu na ipinakita raw ni CL Sibusio Nyembesi.

Samantalang ang kay EA Manuel ay puro lamang Kastila at misyonero. Mayroon siyang binanggit na Francis Lambrecht na nagsagawa ng pag-aaral ukol sa epikong Hudhud ng mga Ifugaw. Ito ay isa ring pari. Marami ring nabanggit na mga lokal na iskolar at manunulat si EA Manuel. Ilan dito ay sina Leopoldo Yabes na nag-aral ng Ilokong epikong Lam-ang, si Vicente de Veyra na nangolekta ng 222 ambahan, si Juan Balmaceda na nagsuri rin ng panulaang Tagalog at siyempre si Dr. Jose Rizal, ang may-akda ng Arte Metrica del Tagalog.

Ang pagkakaibang ito ay maaaring dulot ng pagkakalathala ng mga babasahin. Ang kay Dr. Lumbera ay isang doctoral dissertation sa wikang Ingles para sa Indiana University sa US. Maaaring kailangan niyang maipakita na marami siyang nabasang aklat o pananaliksik mula sa ibang bansa na makakatulong sa kanyang disertasyon.

Ang kay EA Manuel ay nakasulat sa Filipino at inilathala sa journal na Katipunan ng Ateneo de Manila. Ang ginawa niyang pagsusuri sa tanaga ay pulos nakabatay sa pagsusuri rin na ginawa ng mga iskolar at manunulat sa mga lokal na panitikan. Puro lokal ang reference kumbaga.

2. ang kay Dr. Lumbera ay mas nakasentro sa pagbibigay-depinisyon, pagbibigay-halimbawa, pagbibigay-kahulugan ng mga katutubong tula. Para itong primer ukol sa katutubong tulang Tagalog. Bukod sa mga impormasyong iyan, matagumpay na nailatag sa babasahing ito ang paraan ng pag-iisip ng mga:

a. Tagalog (na siyang may-akda ng mga nakalathalang tula). Halimbawa nito ay pagpapalipas-oras gamit ang intellect ng mga Tagalog. Mababanaag iyan sa mga bugtong na isang linguistic game. Kahit sa oras ng pahinga, ang isip ng mga Tagalog ay walang tigil sa pagiging malikhain.

b. Ng mga misyonero. Sapagkat marami sa mga tulang kinalap ng misyonero ay ukol sa kababaang-loob at mababanaag na maging sa gawaing pang-iskolar ay umiiral pa rin ang pagiging pari at mananakop ng mga misyonerong ito. Pinahahalagahan ng mga misyonero ang pagkakaroon ng kababaang-loob kaya marami silang inilathalang halimbawa ng mga tulang tumatalakay dito. Importante ito upang maging asal-Kristiyano ang kanilang nasasakupan. Ngunit bukod doon, maaaring hindi nila natatanto, ito ay isang paraan din upang mapanatili nilang alipin ang kanilang sinasakop. Kung ito nga naman ang lalabas na mga sinasabi’t pinahahalagahan sa mga panulaang Tagalog, malaki ang posibilidad na ito ang isasabuhay ng mga katutubong kasalukuyang nasasailalim nila. Halimbawa ng mga katutubong tulang ito ay ang sumusunod:

Mataas man ang bondoc Though the hill be high
mantay man sa bacouor and reach up to the highland,
iyamang mapagtaloctoc, being desirous of heights,
sa pantay rin aanod. it will finally be reduced to flat land.

Mataas man ang paho Though the paho tree be tall,
malangba ang pagtobo its foliage lushly growing
ang doso rin ang lalo, t, the doso herb is still better off
hangini di maobo. for strong winds can’t uproot it.

Ang kay EA Manuel ay mas nakasentro sa panahon kung kailan nagsimula ang pagsusulat ng tanaga. Sinipat niya ang:

a. salitang tanaga na sinasabi niyang wikang katutubo at hindi Kastila,
b. ang maaaring katumbas o kaanyo ng tanaga sa ibang panitikan o kaalamang-bayan tulad na lamang ng ambahan,
c. ang pagkakaroon ng talinghaga at hiwaga ng tanaga na makikita rin sa ambahan,
d. ang saknong ng tanaga na aapating taludtod na hindi makikita sa iba pang katutubong tula at malaya ang mga saknungan nito.
Inisa-isa niya ang katangian ng tanaga na nakasulat sa Vocabulario saka siya nag-imbestiga.

3. Ang pagsusuri sa tanaga. Ginamit ni EA Manuel ang tanaga bilang isang pananda ng isang panahon sa panulaaang Tagalog. Ang tanaga raw ay maaaring buntot ng matandang panahon ng panulaang Tagalog. Dahil dito, maiisip ng mambabasa kung gaano kaganda at ka-profound ang mga tulang walang impluwensiya pa ng Kastila at sa kasawiampalad ay maaaring hindi na mababasa o mapakikinggan kailanman.

Ang kay Lumbera naman ay ang function ng tanaga o ang tanaga bilang ekstensiyon ng kawikaan at bugtong. Sinundan din niya kung paano itong ginamit ng mga Tagalog. Sa una ay kadalasang para maiparating ang pangaral sa kapwa,

Bata bapag magsayi You don’t mind walking on
sa olang marayiri, in spite of the unceasing rain,
baquit damdaming burhi,i, so why be concerned that your heart
ualang pandongin moui? is exposed as it heads for home?

hanggang sa pag-usad ng tanaga bilang kasangkapan sa pagpapahayag ng sarili at hindi na iyong bilang daluyan na lamang ng setimyento at perspektibo ng komunidad na kinabibilangan ng makata.

Ang palar kong nasacona, My fate has taken a bad turn,
ipinagtatanong co nga, and I would like to know
cun sinong cahalimbaua, who is like unto me,
nasa cati nagigiua. ashore but being tossed by waves.


Bagama’t marami akong natutuhan kay Dr. Lumbera, mas nagustuhan ko ang artikulo ni EA Manuel. Bukod sa ramdam na ramdam ko ang excitement ng awtor sa paraan ng pagkakasulat niya sa kanyang artikulo, (naisip ko nga, kung may audio ito ay tiyak na mabilis ang kanyang pagsasalita at medyo matinis ang kanyang boses sa excitement) ay napakasiyentipiko pa ng lapit ng kanyang pagsusuri. Animo’y isang organismo ang tanaga na palutang-lutang sa isang baso ng formalin. Hinango at pagkatapos ay saka ineksamen ni EA Manuel ang mga katangian nito at inihambing sa mga katangian ng mga organismong kasabayan niyang nabuhay ( ineksamen din pagkaraang hanguin sa kani-kanyang baso ng formalin.) At lahat ng ito ay ano? Para malaman ang edad ng organismong kung tawagin ay tanaga. Parang CSI ang dating.

Nakakatuwang may mga iskolar na hindi talaga tinatantanan ang pagsisiyasat sa matatandang anyo ng panitikang Filipino tulad ng tanaga kahit pa daan-daang taon na ang nakalipas mula nang mauso ang mga ito. Nang matapos ako sa dalawang babasahin, ang naisip ko, sana ay mabahiran din ako ng sigasig ng mga awtor sa pananaliksik ukol sa nasabing paksa. Kahit 1/4 lang ng sa kanila.

Thursday, July 9, 2009

aha!

hindi mapakali si karen sa tabi ko kasi naman kailangan niyang magpresent ng thesis niya samantalang wala na siyang soft copy nito.

ang payo ko sa kanya, umpisahan na niyang i-type ang kanyang thesis. o di ba andali lang naman ng solusyon sa kanyang problema?

anyway, ang tunay na dahilan kung bakit ako magba-blog ay dahil magrereklamo ako sa sarili ko. hindi ako makaarangkada nang todo sa aking pag-aaral. at ang dahilan ay:

ihaw na katumbas ng asar sa wikang Espanyol
kalabaw na ang katutubong ngalan sa Iloko ay anuwang
Aso-kal na pangalan ng alagang aso ni Gula-man, isang superhero
wallet-ang dahilan kung bakit nawawala ang pitaka